Kabanata 6
Ang mga Himala—Talaga Bang Nangyari ang mga Ito?
Isang araw noong 31 C.E., si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay naglakbay patungong Nain, isang lunsod sa hilagang Palestina. Nang papalapit na sila sa pintuang-bayan, nasalubong nila ang isang libing. Ang namatay ay isang binata. Balo ang ina niya, at siya ay nag-iisang anak, kaya ngayon ay nangungulila na ito. Ayon sa ulat, si Jesus ay “nagdalang-habag sa kaniya, at sinabi sa kaniya: ‘Huwag kang tumangis.’ At siya’y lumapit at hinipo ang kabaong, at ang nangagdadala ay tumigil, at sinabi niya: ‘Binata, sinasabi ko sa iyo, Bumangon ka!’ At naupo ang patay at nagpasimulang magsalita.”—Lucas 7:11-15.
1. (Ilakip ang pambungad.) (a) Anong himala ang ginawa ni Jesus malapit sa lunsod ng Nain? (b) Gaano kahalaga ang mga himala sa Bibliya, nguni’t lahat ba ay naniniwala na nangyari nga ang mga ito?
ITO ay nakagagalak-pusong kuwento, subali’t totoo ba ito? Marami ang nahihirapang maniwala na ito ay talagang nangyari. Gayumpaman, ang mga himala ay mahalagang bahagi ng ulat ng Bibliya. Ang paniniwala sa Bibliya ay nangangahulugan ng paniniwala sa mga himala. Oo, ang buong katotohanan ng Bibliya ay nasasalig sa isang napakahalagang himala: ang pagkabuhay-na-muli ni Jesu-Kristo.
Kung Bakit Ayaw Maniwala Ang Iba
2, 3. Anong pangangatuwiran ang ginamit ni David Hume sa pagsisikap na pabulaanan ang mga himala?
2 Naniniwala ba kayo sa himala? O nadadama ba ninyo na sa makasiyentipikong panahong ito, hindi makatuwiran ang maniwala sa mga himala—pambihirang mga pangyayari na may palatandaan ng kapangyarihan na nakahihigit-sa-tao? Kung ayaw ninyong maniwala, may nauna na sa inyo. Dalawang dantaon na ngayon, ito rin ang naging problema ni David Hume, isang pilosopong taga-Scotland. Baka pareho ang dahilan ng di ninyo paniniwala.
3 May tatlong pangunahing punto sa pagtutol ni Hume.1 Una, sabi niya: “Ang himala ay salungat sa batas ng kalikasan.” Mula’t sapol ay umasa na ang tao sa batas ng kalikasan. Alam natin na ang isang bagay ay mahuhulog kapag ito ay binitawan, na ang araw ay sisikat tuwing umaga at lulubog tuwing gabi, at iba pa. Likas ang umasa na lahat ng bagay ay susunod sa huwarang ito. Walang mangyayari na salungat sa batas ng kalikasan. Ang ‘katibayang’ ito, sa paniwala ni Hume, “ay kasing-sapat ng alinmang pangangatuwiran batay sa karanasan” laban sa pagkakaroon ng mga himala.
4, 5. Ano pang dalawang dahilan ang inihaharap ni David Hume laban sa pagkakaroon ng mga himala?
4 Ang pangalawang katuwiran ay na madaling malinlang ang tao. Marami ang gustong maniwala sa himala at kababalaghan, lalo na kung may kinalaman sa relihiyon, at marami sa ganitong di-umano’y mga himala ang napatunayang huwad. Ang ikatlong katuwiran ay na ang mga himala ay malimit iulat sa mga panahon ng kawalang-alam. Mentras nagiging edukado ang tao, kumakaunti rin ang iniuulat na mga himala. Gaya ng sinabi ni Hume, “Ang mga kakatwang pangyayaring ito ay hindi na nagaganap ngayon.” Kaya, naniwala siya na ito ay patotoo na ang mga himala ay hindi talaga nangyari.
5 Hanggang sa ngayon, karamihan ng pangangatuwiran laban sa mga himala ay umaalinsunod sa pangkalahatang mga simulaing ito, kaya isa-isa nating talakayin ang mga pagtutol ni Hume.
Laban sa mga Batas ng Kalikasan?
6. Bakit hindi makatuwiran na tumutol sa mga himala sapagka’t ang mga ito ay ‘paglabag sa batas ng kalikasan’?
6 Kumusta ang pagtutol na hindi totoo ang mga himala pagka’t ito’y ‘paglabag sa batas ng kalikasan’? Mukha nga itong kapanipaniwala; subali’t suriin ang talagang kahulugan. Karaniwan na, ang himala ay isang bagay na nagaganap nang labas sa normal na mga batas ng kalikasan.a Ito ay talagang di-inaasahan kung kaya’t napapaniwala ang mga nagmamasid na ang nasaksihan nila ay kapangyarihan na higit-sa-karaniwan. Kaya, ang talagang kahulugan ng pagtutol ay: ‘Imposible ang mga himala sapagka’t ang mga ito ay makahimala!’ Bakit hindi muna isaalang-alang ang katibayan bago magpasiya nang pabigla-bigla?
7, 8. (a) Kung tungkol sa mga batas ng kalikasan na kilala na natin, papaano pinalawak ng mga siyentipiko ang kanilang isipan hinggil sa kung ano ang posible at imposible? (b) Kung naniniwala tayo sa Diyos, ano ang dapat din nating paniwalaan hinggil sa kakayahan niya na gumawa ng pambihirang mga bagay?
7 Ang totoo, di gaya ni David Hume, hindi gaanong iginigiit ng mga edukado sa ngayon na ang mga batas ng kalikasan ay kumakapit saanman at sa lahat ng panahon. Handang magbaka-sakali ang mga siyentipiko na, bukod sa tatlong sukat ng haba, luwang at taas, baka marami pang umiiral na karagdagang sukat o dimensiyon sa sansinukob.2 May kuru-kuro sila na umiiral ang mga black hole, mga dambuhalang bituin na gumuguho sa ganang sarili anupa’t ang kapal nito ay halos hindi na masukat. Sa paligid nito ay lubhang nabago ang kayarian ng kalawakan anupa’t hindi na kumikilos ang panahon.3 At pinagtatalunan pa ng mga siyentipiko kung posible na, sa ilalim ng ilang kalagayan, ang panahon ay umurong sa halip na sumulong!4
8 Bilang pagtalakay sa pasimula ng sansinukob, sinabi ni Stephen W. Hawking, Propesor ng matematika sa Cambridge University at autoridad sa Lucas: “Sa klasikal na teoriya ng general relativity . . . noong pasimula ay kakatwa ang labis-labis na kapal ng sansinukob at ang relasyon ng panahon at kalawakan. Sa ganitong mga kalagayan, lahat ng kilalang batas ng pisika ay masisira.”5 Kaya, hindi sumasang-ayon ang mga makabagong siyentipiko na sapagka’t ang isang bagay ay salungat sa normal na mga batas ng kalikasan ito ay hindi na maaaring mangyari. Sa ilalim ng pambihirang mga kalagayan, maaaring maganap ang pambihirang mga pangyayari. Kaya, kung maniniwala tayo sa isang Diyos na makapangyarihan-sa-lahat, dapat nating aminin na magagawa niya ang mga pangyayaring kakatwa—makahimala—kapag ito ay angkop sa kaniyang layunin.—Exodo 15:6-10; Isaias 40:13, 15.
Kumusta Naman ang mga Huwad?
9. Totoo bang may huwad na mga himala? Ipaliwanag ang inyong sagot.
9 Walang matinong tao ang tatanggi na mayroon ngang huwad na mga himala. Halimbawa, inaangkin ng iba na nakapagpapagaling sila sa pamamagitan ng makahimalang faith healing. Ang pagsisiyasat sa mga pagpapagaling na ito ay ginawang pantanging proyekto ni William A. Nolan, doktor ng medisina. Sinubaybayan niya ang maraming angking pagpapagaling sa gitna ng mga ebanghelikal na tagapagpagaling sa Estados Unidos at ng kunwa’y mga espiritistang siruhano sa Asya. Ang resulta? Lahat ay pawang mga kabiguan at panghuhuwad.6
10. Nadadama ba ninyo na lahat ng himala ay huwad dahil lamang sa ang ilan ay napatunayang palsipikado?
10 Nangangahulugan ba ito na hindi kailanman nagaganap ang tunay na mga himala? Hindi naman. Kung minsan nababalitaan natin na nagkalat ang huwad na salapi, pero hindi ito nangangahulugan na lahat na ng salapi ay huwad. Maraming mga maysakit ang lubos na sumasampalataya sa mga palsipikado, mandarayang mga doktor, at malaki ang ibinabayad sa kanila. Hindi ito nangangahulugan na lahat ng doktor ay mandaraya. May mga pintor na bihasa sa panghuhuwad ng mga trabaho ng “matatandang maestro.” Hindi ito nangangahulugan na lahat ng iginuhit na larawan ay huwad. Ni nangangahulugan ito na hindi kailanman magaganap ang tunay sapagka’t ang ilang inaangking himala ay napatunayang huwad.
‘Ang mga Himala ay Hindi na Nangyayari Ngayon’
11. Ano ang ikatlong pagtutol ni David Hume laban sa mga himala?
11 Ang buod ng ikatlong pagtutol ay: “Ang mga kakatwang pangyayaring ito ay hindi na nagaganap ngayon.” Si Hume ay hindi pa nakakita ng himala, kaya ayaw niyang maniwala na nangyari nga ito. Gayumpaman, ang ganitong pangangatuwiran ay may pagkasalungat. Sinomang taong palaisip ay aamin na, bago pa isilang ang pilosopong ito na taga-Scotland, ay may naganap na “mga kakatwang pangyayari” na hindi na naulit noong panahong siya’y nabubuhay. Ano yaon?
12. Anong kamanghamanghang mga bagay na naganap noong una ang hindi maipaliwanag ng mga batas ng kalikasan ngayon?
12 Halimbawa, nagsimula ang buhay sa lupa. Pagkatapos, ay nilalang ang maraming anyo ng buhay. Nang dakong huli, ay lumitaw ang tao, taglay ang karunungan, imahinasyon, kakayahang umibig at ang kapangyarihan ng budhi. Hindi maipaliliwanag ng sinomang siyentipiko salig sa mga batas ng kalikasan na kumikilos ngayon kung papaano nangyari ang di-pangkaraniwang mga bagay na ito. Gayunma’y taglay natin ang buhay na ebidensiya na ganito nga ang nangyari.
13, 14. Anong mga bagay na pangkaraniwan sa ngayon ang baka ituring ni David Hume na makahimala?
13 At kumusta naman ang “mga kakatwang pangyayari” na naganap mula noong panahon ni David Hume? Sabihin na nating makapaglalakbay tayo pabalik sa panahon upang ilarawan sa kaniya ang daigdig ngayon. Isipin kung papaano ipaliliwanag na ang isang negosyante sa Hamburg ay maaari nang makipag-usap sa isang taga-Tokyo na libulibong milya ang layo at hindi na ito kailangang sumigaw pa; na ang isang laro ng soccer sa Espanya ay maaaring mapanood sa buong lupa samantalang ito ay ginaganap; na ang mga sasakyang mas malaki pa sa mga barko noong panahon ni Hume ay nakalilipad ngayon at makapagdadala ng 500 tao nang libulibong milya ang layo sa loob lamang ng ilang oras. Naguguniguni ba ninyo ang kaniyang tugon? ‘Imposible! Ang ganitong kakatwang mga pangyayari ay hindi kailanman naganap noong aming panahon!’
14 Gayunman, ang ‘kakatwang’ mga bagay na ito ay nagaganap sa ating panahon. Bakit? Sapagka’t ang tao ay natutong gumawa ng telepono, set ng telebisyon, at eroplano sa tulong ng siyentipikong mga prinsipyo na hindi pa naguniguni ni Hume. Kaya, mahirap bang maniwala na noong una, sa mga paraang hindi pa rin natin maarok, ay gumawa ang Diyos ng mga bagay na sa atin ay makahimala?
Papaano Natin Malalaman?
15, 16. Kung nangyari nga ang mga himala, papaano lamang natin malalaman ang tungkol dito? Ilarawan ang inyong sagot.
15 Totoo, hindi dahil sa sinasabi natin na maaaring nangyari ang mga himala ay ganoon na nga. Papaano natin malalaman, sa ika-20 siglong ito, kung noong kapanahunan ng Bibliya ang Diyos ay gumawa o hindi gumawa ng tunay na mga himala sa pamamagitan ng kaniyang mga lingkod sa lupa? Anong uri ng ebidensiya ang aasahan ninyo? Gunigunihin ang isang miyembro ng sinaunang tribo na kinaon mula sa gubat upang dumalaw sa isang malaking lunsod. Sa pagbabalik niya, papaano niya ilalarawan sa kaniyang ka-tribo ang mga himala ng kabihasnan? Hindi niya maipaliliwanag kung papaano tumatakbo ang isang kotse o kung bakit tumutugtog ang isang radyong transistor. Hindi siya makagagawa ng computer para patunayan na may ganito ngang makina. Wala siyang magagawa kundi ikuwento ang nakita niya.
16 Kagaya tayo ng mga ka-tribo ng taong yaon. Kung ang Diyos ay talagang gumawa ng mga himala, ang tanging paraan sa pag-alam nito ay mula sa mga mismong nakasaksi. Hindi maipaliliwanag ng mga nakasaksi kung papaano naganap ang mga himala, ni matutularan man nila yaon. Masasabi lamang nila kung ano ang kanilang nakita. Totoo, ang mga saksi ay maaaring maloko. Puwede rin nilang dagdagan ang nangyari at pilipitin ang katotohanan. Kaya, upang maniwala sa kanilang patotoo, dapat nating makilala na ang mga saksing ito ay tapat, mararangal, at may mabubuting saloobin.
Ang Himala na May Pinakamatibay na Patotoo
17. (a) Aling himala sa Bibliya ang may pinakamatibay na patotoo? (b) Anong mga pangyayari ang umakay sa kamatayan ni Jesus?
17 Ang himala sa Bibliya na may pinakamatibay na patotoo ay yaong pagkabuhay-na-muli ni Jesu-Kristo, kaya gamitin natin ito bilang urian. Una, isaalang-alang ang ulat: Dinakip si Jesus noong gabi ng Nisan 14—na katumbas ng Huwebes ng gabi sa makabagong paraan ng pagsukat sa linggo.b Humarap siya sa mga pinunong Judio na nagparatang sa kaniya ng pamumusong at nagpasiya na siya ay dapat mamatay. Si Jesus ay iniharap ng mga pinunong Judio sa Romanong gobernador na si Poncio Pilato, na napadala sa kanilang panggigipit at sumang-ayon na siya’y ipapatay. Biyernes ng hapon—Nisan 14 pa rin sa kalendaryong Judio—siya ay ipinako sa pahirapang tulos at sa loob lamang ng ilang oras ay namatay siya.—Marcos 14:43-65; 15:1-39.
18. Ayon sa Bibliya, papaano kumalat ang balita hinggil sa pagkabuhay-na-muli ni Jesus?
18 Pagkatapos saksakin ng isang kawal Romano sa tagiliran sa pamamagitan ng sibat upang tiyakin na ito ay patay na, ang bangkay ni Jesus ay inilibing sa isang bagong nitso. Kinabukasan, Nisan 15 (Biyernes/Sabado), ay sabbath. Subali’t noong umaga ng Nisan 16—Linggo ng umaga—ilang alagad ang dumalaw sa nitso at natuklasan na ito’y walang laman. Di nagtagal, kumalat ang balita na si Jesus ay nakitang buhay. Ang unang reaksiyon sa mga balitang ito ay katulad-na-katulad ng sa ngayon—pag-aalinlangan. Maging ang mga apostol ay ayaw maniwala. Subali’t nang makita mismo nila na buhay si Jesus, wala silang magawa kundi maniwala na siya nga ay ibinangon mula sa mga patay.—Juan 19:31–20:29; Lucas 24:11.
Ang Nitsong Walang Laman
19-21. (a) Ayon kay Justin Martyr, papaano sinalungat ng mga Judio ang pangangaral ng mga Kristiyano hinggil sa pagkabuhay-na-muli ni Jesus? (b) Ano ang matitiyak natin hinggil sa nitso ni Jesus noong Nisan 16?
19 Si Jesus ba’y nabuhay-na-muli, o ito ba’y gawa-gawa lamang? Malamang na itinanong ng mga tao noon: Nasa nitso pa ba ang bangkay ni Jesus? Napahiya sana ang sa mga alagad ni Jesus kung ang kanilang mga kaaway ay may nakitang bangkay sa loob ng libingan bilang katibayan na siya ay hindi binuhay-na-muli. Gayunman, walang ulat na ganito ang nangyari. Sa halip, ayon sa Bibliya, sinuhulan nila ang mga kawal na nagbabantay at nagbilin: “Sabihin ninyo, ‘Naparito kagabi ang kaniyang mga alagad at siya’y ninakaw nila samantalang kami’y nangatutulog.’ ” (Mateo 28:11-13) May katibayan din tayo bukod sa Bibliya na ganito nga ang ginawa ng mga pinunong Judio.
20 Mga isandaang taon pagkamatay ni Jesus, isinulat ni Justin Martyr ang Dialogue With Trypho. Doo’y sinabi niya: “Kayo [mga Judio] ay pumili at nag-atas ng mga tao sa buong lupa upang ipahayag ang isang walang-diyos at labag-sa-batas na erehiya mula sa isang nagngangalang Jesus, isang manlilinlang na taga-Galilea, na aming ipinako, subali’t noong gabi siya ay ninakaw ng kaniyang mga alagad sa nitso, na pinaglibingan sa kaniya.”7
21 Ngayon, si Trypho ay isang Judio, at ang Dialogue With Trypho ay isinulat upang ipagtanggol ang Kristiyanismo laban sa Judaismo. Kaya, hindi sasabihin ni Justin Martyr ang sinabi niya—na pinagbintangan ng mga Judio ang mga Kristiyano ng pagnanakaw sa bangkay ni Jesus—kung hindi nga nagparatang ang mga Judio ng ganito. Kung hindi, pararatangan siya ng pagsisinungaling. Masasabi ito ni Justin Martyr kung ang mga Judio ay talaga ngang nagsugo ng mga mensahero. At magagawa nila ito kung ang nitso ay talaga ngang walang laman noong Nisan 16, 33 C.E., sapagka’t wala silang maituturong bangkay bilang ebidensiya na si Jesus ay hindi muling binuhay. Yamang bakante ang nitso, ano ang nangyari? Ang bangkay ba ay ninakaw ng mga alagad? O makahimala bang inalis ito bilang ebidensiya na talaga ngang nabuhay-na-muli si Jesus?
Ang Pasiya ng Manggagamot na si Lucas
22, 23. Noong unang siglo sinong edukadong tao ang gumawa ng pagsisiyasat sa pagkabuhay-na-muli ni Jesus, at saan nagmula ang kaniyang impormasyon?
22 Si Lucas, ang manggagamot na mataas ang pinag-aralan, ay gumawa ng maingat na pagsusuri sa ebidensiya noong unang siglo. (Colosas 4:14) Sumulat si Lucas ng dalawang aklat na bahagi ngayon ng Bibliya: ang isa ay ang Ebanghelyo, o kasaysayan ng ministeryo ni Jesus, at ang ikalawa, na tinawag na Mga Gawa ng mga Apostol, ay kasaysayan ng paglaganap ng Kristiyanismo pagkamatay ni Jesus.
23 Sa pambungad ng Ebanghelyo, tinukoy ni Lucas ang saganang ebidensiya na taglay niya noon subali’t hindi na umiiral ngayon. Binabanggit niya ang dokumento na kaniyang sinuri hinggil sa buhay ni Jesus. Sinasabi din niya na nakausap niya ang mga mismong nakasaksi sa buhay, kamatayan, at pagkabuhay-na-muli ni Jesus. Pagkatapos, ay sinasabi niya: “Mula sa pasimula ay may kawastuan kong tinalunton ang lahat ng bagay.” (Lucas 1:1-3) Maliwanag, talagang nagsaliksik si Lucas. Mahusay ba siyang mananalaysay?
24, 25. Papaano itinuturing ng marami ang mga kuwalipikasyon ni Lucas bilang isang mananalaysay?
24 Marami ang nagpapatotoo na ganoon nga. Noong 1913, si Sir William Ramsay ay nagkomento hinggil sa pagiging makasaysayan ng mga sulat ni Lucas. Ang kaniyang pasiya? “Si Lucas ay mananalaysay na may unang ranggo; hindi lamang maaasahan ang mga pangungusap niya; siya’y may tunay na damdaming makasaysayan.”8 Ganito rin ang pasiya ng mas makabagong mga tagasaliksik. Sinabi ng The Living Word Commentary, bilang pambungad sa mga tomo nito sa Lucas: “Si Lucas ay kapuwa mananalaysay (at may katumpakan) at teologo.”
25 Ipinahayag ni Dr. David Gooding, dating propesor ng Matandang Tipang Griyego sa Hilagang Irlandiya, na si Lucas ay “isang sinaunang mananalaysay ayon sa tradisyon ng Matandang Tipan at ni Thucydides [isa sa iginagalang na mananalaysay noong unang panahon]. Gaya nila masinsinan ang pagsisiyasat niya sa kaniyang mga reperensiya, sa pagpili ng kaniyang materyales, at sa pagpapaliwanag nito. . . . Ang paraang ito ay tinambalan ni Thucydides ng paggigiit sa kawastuan: huwag nating isipin na hindi ito napantayan ni Lucas.”9
26. (a) Ano ang pasiya ni Lucas hinggil sa pagkabuhay-muli ni Jesus? (b) Papaano siya napatibay sa pasiyang ito?
26 Ano ang naging pasiya ng kuwalipikadong taong ito hinggil sa bakanteng nitso ni Jesus noong Nisan 16? Kapuwa sa kaniyang Ebanghelyo at sa aklat ng Mga Gawa, ang pagkabuhay-muli ni Jesus ay iniuulat ni Lucas bilang katotohanan. (Lucas 24:1-52; Gawa 1:3) Wala siya ni bahagyang pag-aalinlangan hinggil dito. Marahil ang pananampalataya niya sa himalang ito ay napatibay ng sarili niyang mga karanasan. Bagaman maliwanag na hindi niya nasaksihan ang pagkabuhay-na-muli, ay nasaksihan naman niya mga himala ni apostol Pablo.—Gawa 20:7-12; 28:8, 9.
Nakita Nila ang Binuhay-na-Muling si Jesus
27. Sino ang ilan sa mga nag-angking nakasaksi sa binuhay-muling si Jesus?
27 Dalawa sa mga Ebanghelyo ay isinulat ng mga lalaking nakakilala kay Jesus, nakasaksi sa kamatayan niya, at nakakita mismo sa kaniya pagkaraan ng pagkabuhay-na-muli. Sila ay si apostol Mateo, dating maniningil ng buwis, at si Juan, ang apostol na minahal ni Jesus. Isa pang manunulat ng Bibliya, si apostol Pablo, ay nakasaksi din sa binuhay-muling Kristo. Bilang karagdagan, inisa-isa ni Pablo ang mga nakakitang-buhay kay Jesus pagkaraan ng kaniyang kamatayan, at sinasabi niya na si Jesus ay nagpakita rin sa “mahigit na limang daang kapatid.”—1 Corinto 15:3-8.
28. Ano ang naging epekto kay Pedro ng pagkabuhay-na-muli ni Jesus?
28 Isa sa mga binanggit ni Pablo na mismong nakasaksi ay si Santiago, kapatid ni Jesus sa ina, na nakakilala kay Jesus sapol pa sa pagkabata. Ang isa pa ay si apostol Pedro; ayon kay Lucas, siya ay nagbigay ng magiting na patotoo hinggil sa pagkabuhay-na-muli ni Jesus ilang linggo lamang pagkaraan ng kamatayan nito. (Gawa 2:23, 24) Dalawang liham sa Bibliya ang isinulat ni Pedro, at sa una ay ipinakikita ni Pedro na ang pananampalataya sa pagkabuhay-muli ni Jesus ay mabisa pa ring pangganyak bagaman maraming taon na ang lumipas. Sumulat siya: “Purihin nawa ang Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Kristo, na ayon sa kaniyang malaking awa ay ipinanganak na muli tayo sa isang buháy na pag-asa sa pamamagitan ng pagkabuhay na mag-uli ni Jesu-Kristo sa mga patay.”—1 Pedro 1:3.
29. Bagaman hindi natin makakausap ang mga saksi sa pagkabuhay-na-muli, anong kapanipaniwalang ebidensiya ang gayunma’y taglay natin?
29 Kaya, kung nakausap ni Lucas ang mga nakakita at nakipag-usap kay Jesus pagkaraan ng kamatayan niya, mababasa naman natin ang mga salita na isinulat ng ilan sa kanila. At tayo ang makahahatol kung sila nga ay nadaya, kung tayo ay kanilang dinadaya, o kung talaga ngang nakita nila ang binuhay-na-muling Kristo. Ang totoo’y, imposible na madaya sila. Ang ilan sa kanila ay matatalik na kaibigan ni Jesus hanggang sa oras ng kaniyang kamatayan. Ang ilan sa kanila ay nakasaksi sa kaniyang paghihingalo sa tulos na pahirapan. Nakita nila ang tubig at dugo na bumulwak mula sa sugat na likha ng sibat. Alam ng kawal, at alam din nila, na tiyak ngang namatay na si Jesus. Nang dakong huli, nakita raw nilang buhay si Jesus at nakausap pa nga nila ito. Oo, mahirap silang madaya. Tayo naman kaya ang dinadaya nila sa pagsasabi na si Jesus ay binuhay-na-muli?—Juan 19:32-35; 21:4, 15-24.
30. Bakit imposibleng magsinungaling ang sinaunang mga saksi sa pagkabuhay-na-muli ni Jesus?
30 Bilang sagot, dapat nating itanong sa sarili: Naniniwala ba mismo sila sa kanilang sinasabi? Oo, walang alinlangan. Para sa mga Kristiyano, pati na sa mga nakasaksi, nasa pagkabuhay-muli ni Jesus ang buong saligan ng kanilang pananampalataya. Sinabi ni apostol Pablo: “Kung si Kristo’y hindi muling binuhay, ay walang kabuluhan nga ang aming pangangaral, at wala rin namang kabuluhan ang ating pananampalataya . . . Kung si Kristo ay hindi muling binuhay, ang inyong pananampalataya ay walang kabuluhan.” (1 Corinto 15:14, 17) Ito ba’y mga salita ng isang sinungaling na nagsasabing nakita niya ang binuhay-na-muling Kristo?
31, 32. Anong mga sakripisyo ang ginawa ng unang mga Kristiyano, at bakit matibay na ebidensiya ito na nagsasalita sila ng katotohanan nang sabihin nilang si Jesus ay binuhay-na-muli?
31 Isaalang-alang kung ano ang nasangkot sa pagiging Kristiyano noon. Wala itong dulot na karangalan, kapangyarihan, o kayamanan. Kabaligtaran pa nga. Marami sa sinaunang Kristiyano ang ‘buong-galak na tumanggap sa pagsamsam ng kanilang mga ari-arian’ alang-alang sa pananampalataya. (Hebreo 10:34) Ang Kristiyanismo ay nangahulugan ng pagsasakripisyo at ng pag-uusig na madalas umakay sa pagka-martir dahil sa kahiyahiya, makirot na kamatayan.
32 Maraming Kristiyano ang nagmula sa mariwasang sambahayan, gaya ni apostol Juan na ang ama’y abala sa maunlad na negosyo ng pangingisda sa Galilea. Marami ang may maganda sanang kinabukasan, gaya ni Pablo na, nang maging Kristiyano, ay estudyante ng tanyag na rabbing si Gamaliel at nagpapasimula nang makilala ng mga pinunong Judio. (Gawa 9:1, 2; 22:3; Galacia 1:14) Gayunman, lahat ay nagsitalikod sa alok ng sanlibutan upang maipamahagi ang isang mensahe na nasasalig sa katotohanan ng pagkabuhay-na-muli ni Jesus. (Colosas 1:23, 28) Ano’t magsasakripisyo sila at magtitiyaga sa isang kilusan na batid nilang nasasalig sa kasinungalingan? Ang sagot ay, hindi nila gagawin yaon. Handa silang magdusa at mamatay ukol sa isang layunin na alam nilang nasasalig sa katotohanan.
Ang mga Himala ay Talagang Nangyayari
33, 34. Yamang nangyari nga ang pagkabuhay-na-muli, ano ang masasabi natin hinggil sa iba pang mga himala sa Bibliya?
33 Oo, ang ebidensiya ay lubusang kapanipaniwala. Si Jesus ay talaga ngang binuhay mula sa mga patay noong Nisan 16, 33 C.E. At yamang nangyari ang pagkabuhay-na-muli, posible ring mangyari ang lahat ng iba pang himala sa Bibliya—mga himala na pinatutunayan din ng matatag na patotoo, at galing sa mga mismong nakasaksi. Ang Kapangyarihan na bumuhay kay Jesus ay siya ring nagpangyari kay Jesus na ibangon ang anak ng balo sa Nain. Sinangkapan din Niya si Jesus upang makagawa ito ng mas magagaang—gayunma’y kahangahanga rin—na mga himala ng pagpapagaling. Nasa likod Siya ng makahimalang pagpapakain sa karamihan, at pinalakad din Niya si Jesus sa ibabaw ng tubig.—Lucas 7:11-15; Mateo 11:4-6; 14:14-21, 23-31.
34 Kaya, ang pagiging makakatotohanan ng salaysay ng Bibliya hinggil sa mga himala ay hindi dapat pag-alinlanganan. Sa halip, ang pagkakaroon ng mga himala noong panahon ng Bibliya ay mabisang patotoo na ang Bibliya ay tunay ngang Salita ng Diyos. Subali’t may isa pang paratang laban sa Bibliya. Marami ang nagsasabi na may salungatan ito kaya hindi ito Salita ng Diyos. Totoo ba ito?
[Mga talababa]
a Sinasabing “karaniwan na,” sapagka’t ang ilang himala sa Bibliya ay maaaring kasangkot ng likas na mga pangyayari, gaya ng lindol o pagguho ng lupa. Gayumpaman, itinuturing pa rin itong mga himala, sapagka’t naganap ito sa sandali ng pangangailangan kaya’t maliwanag na yao’y may patnubay ng Diyos.—Josue 3:15, 16; 6:20.
b Ang araw ng mga Judio ay nagsisimula sa alas sais ng gabi at nagpapatuloy hanggang sa alas sais ng susunod na gabi.
[Blurb sa pahina 81]
Sinabi ng mga kaaway ng Kristiyanismo na ninakaw ng mga alagad ang bangkay ni Jesus. Kung totoo ito, bakit handang mamatay ang mga Kristiyano alang-alang sa isang pananampalataya na nasasalig sa kaniyang pagkabuhay na muli?
[Kahon sa pahina 85]
Bakit Walang mga Himala sa Ngayon?
Kung minsan ay itinatanong: ‘Bakit wala na ngayong mga himala na gaya niyaong nasa Bibliya?’ Ang sagot ay sapagka’t tapos na ang layunin ng mga himala, at ngayon ay inaasahan tayo ng Diyos na mamuhay ayon sa pananampalataya.—Habacuc 2:2-4; Hebreo 10:37-39.
Noong kaarawan ni Moises, nagkaroon ng mga himala upang patunayan ang pagkakaatas ni Moises. Ipinakita nito na ginagamit siya ni Jehova at na banal ang pinagmulan ng tipang Batas kung kaya’t ang mga Israelita ay magiging piling bayan ng Diyos.—Exodo 4:1-9, 30, 31; Deuteronomio 4:33, 34.
Noong unang siglo, pinatunayan ng mga himala ang pagkakaatas ni Jesus at, pagkaraan niya, ng bagong kongregasyong Kristiyano. Pinatunayan nito na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas, na pagkamatay niya ang likas na Israel ay hinalinhan ng kongregasyong Kristiyano bilang piling bayan ng Diyos, kung kaya ang Batas ni Moises ay wala nang bisa.—Gawa 19:11-20; Hebreo 2:3, 4.
Pagkaraan ng mga apostol, natapos na ang panahon ukol sa mga himala. Nagpaliwanag si apostol Pablo: “Kung mayroon mang mga kaloob ng panghuhula, ang mga ito’y lilipas; kung mayroon mang mga wika, ito’y hihinto; kung may kaalaman man, ito ay mawawala. Sapagka’t babahagya ang ating kaalaman kaya humuhula tayo nang bahagya; datapwa’t kung dumating na ang ganap, ang bahagya ay matatapos na.”—1 Corinto 13:8-10.
Ngayon, ay nasa atin ang kompletong Bibliya, na naglalaman ng buong kapahayagan at payo ng Diyos. Taglay natin ang katuparan ng hula, at may patiuna tayong kabatiran sa layunin ng Diyos. Kaya, hindi na kailangan ang mga himala. Gayumpaman, umiiral pa rin ang espiritu ng Diyos na nagpangyari sa mga himala at ang pagkilos nito ay matibay na ebidensiya ng banal na kapangyarihan. Makikita natin ang higit pa sa isang hinaharap na kabanata.
[Larawan sa pahina 75]
Ang pagkamaaasahan ng mga batas ng kalikasan, gaya ng pagsikat ng araw tuwing umaga, ay itinuturing ng marami bilang patotoo na ang mga himala ay hindi maaaring mangyari
[Larawan sa pahina 77]
Ang paglalang sa lupa bilang tahanan ng buhay na mga nilikha ay isang ‘kakatwang pangyayari’ na minsan lamang naganap
[Mga larawan sa pahina 78]
Papaano ninyo ipaliliwanag ang mga himala ng makabagong siyensiya sa isang tao na nabuhay noong nakalipas na 200 taon?