Kabanata 11
Ang Pangkalahatang Pagkakasuwato ng Bibliya
Gunigunihin ang isang aklatan ng 66 na libro na isinulat ng humigit-kumulang na 40 tao sa loob ng 1,600 taon. Tatlong wika ang ginamit ng mga manunulat na ito na nanirahan sa maraming lupain. Lahat ng manunulat ay nagkakaiba-iba ng personalidad, kakayahan, at kapaligiran. Nguni’t nang sa wakas ay pagsamasamahin ang lahat ng aklat na kanilang isinulat, lumitaw na ang talagang nabuo ay iisang malaking aklat na naghaharap ng iisang saligang tema mula sa pasimula hanggang katapusan. Mahirap gunigunihin ito, hindi ba? Gayunman, ang Bibliya ay ganitong uri ng aklatan.
1. (Ilakip ang pambungad.) Anong kamanghamanghang pagkakasuwato ang nagpapatotoo na ang Bibliya ay kinasihan ng Diyos?
WALANG tapat na estudyante ang hindi mapapahanga sa bagay na ang Bibliya, bagaman isang kalipunan ng iba’t-ibang aklat, ay iisang nagkakaisang lathalain. Magbuhat sa pasimula hanggang katapusan nagkakaisa ito sa dahilang itinataguyod nito ang pagsamba ng iisang Diyos na may mga katangiang hindi nagbabago, at sapagka’t lahat ng mga aklat nito ay bumubuo ng iisang nangingibabaw na tema. Ang pangkalahatang pagkakasuwatong ito ay makapangyarihang ebidensiya na ang Bibliya ay tunay ngang Salita ng Diyos.
2, 3. Anong hula na binigkas sa Eden ang nagbibigay ng saligan ukol sa pag-asa, at anong mga pangyayari ang umakay sa pagbigkas ng hulang ito?
2 Ang saligang tema ng Bibliya ay ipinakikilala sa kaunaunahang mga kabanata ng unang aklat nito, ang Genesis. Doo’y mababasa natin na ang ating unang mga magulang, sina Adan at Eba, ay nilalang na sakdal at inilagay sa isang paraisong hardin, ang Eden. Gayunman, si Eba ay nilapitan ng isang ahas na humamon sa pagiging-matuwid ng mga batas ng Diyos at sa pamamagitan ng tusong mga kasinungalingan ay tinukso siya upang magkasala. Si Adan ay sumunod sa kaniya at sumuway rin sa Diyos. Ang resulta? Kapuwa sila pinalayas sa Eden at hinatulan ng kamatayan. Dinaranas natin ngayon ang mga epekto ng unang paghihimagsik na ito. Tayong lahat ay nagmana ng kasalanan at kamatayan mula sa ating unang mga magulang.—Genesis 3:1-7, 19, 24; Roma 5:12.
3 Gayunman, nang kalunuslunos na panahong yaon, ang Diyos ay bumigkas ng isang hula na naglaan ng saligan sa pag-asa. Ang hula ay binigkas sa ahas, subali’t ito ay ipinarinig kina Adan at Eba upang maisalaysay nila ito sa kanilang mga anak. Ganito ang sinabi ng Diyos: “Papag-aalitin ko ikaw at ang babae at ang iyong binhi at ang kaniyang binhi. Ito ang dudurog sa iyong ulo at ikaw ang susugat sa kaniyang sakong.”—Genesis 3:15; Roma 8:20, 21.
4. Sinu-sinong tauhan ang binanggit sa hula ni Jehova sa Eden, at sa paglipas ng mga dantaon papaano sila kikilos kaugnay ng isa’t-isa?
4 Pansinin ang apat na tauhan sa paksang-tekstong ito: ang ahas at ang binhi nito at gayon din ang babae at ang binhi niya. Ang mga tauhang ito ay gaganap ng pangunahing papel sa mga pangyayari sa sumusunod na libulibong taon. Iiral ang patuluyang alitan sa pagitan ng babae at ng binhi niya laban sa ahas at sa binhi nito. Kalakip sa alitang ito ang kasabay na hidwaan sa pagitan ng tunay na pagsamba at huwad, ng wastong paggawi at kabalakyutan. Sa isang yugto, waring nakalamang ang ahas nang sugatan nito ang sakong ng binhi ng babae. Nguni’t sa dakong huli, ang ulo ng ahas ay dudurugin ng binhi ng babae, at ang Diyos ay maipagbabangong-puri kapag ang lahat ng bakas ng unang paghihimagsik ay naparam na.
5. Papaano natin nalaman na hindi si Eba ang babae sa hula?
5 Sino ang babae at ang ahas? At sino ang kanilang binhi? Nang isilang ni Eba ang unang anak niya, si Cain, sinabi niya: “Ako’y nagkaanak ng lalaki sa tulong ni Jehova.” (Genesis 4:1) Marahil ay inakala niyang siya ang babae sa hula at na ang anak na ito ang magiging binhi. Gayumpaman, si Cain ay nagpamalas ng masamang espiritu na gaya ng sa ahas. Siya’y naging mamamatay-tao, at pinaslang ang nakababata niyang kapatid, si Abel. (Genesis 4:8) Maliwanag na ang hula ay may mas malalim, makasagisag na kahulugan na tanging Diyos ang makapagpapaliwanag. Ginawa niya ito, unti-unti. Sa iba’t-ibang paraan, lahat ng 66 na aklat ay tumulong sa pagsisiwalat ng kahulugan nito, ang unang hula sa Bibliya.
Sino ang Ahas?
6-8. Anong mga salita ni Jesus ang tutulong upang makilala ang kapangyarihan na nasa likod ng ahas? Ipaliwanag.
6 Una, sino ang ahas na binabanggit sa Genesis 3:15? Ang ulat ay nagsasabi na isang literal na ahas ang lumapit kay Eba sa Eden, nguni’t hindi nagsasalita ang literal na mga ahas. Tiyak na sa likod ng ahas na yaon ay may isang kapangyarihan na nagpakilos dito upang gumawi nang gayon. Ano ang kapangyarihang yaon? Ang pagkakakilanlan nito ay naging maliwanag noon lamang unang siglo ng ating Kasalukuyang Panahon, nang si Jesus ay gumaganap ng kaniyang ministeryo dito sa lupa.
7 Minsan, si Jesus ay kausap ng ilang mapagmatuwid na Judiong pinuno ng relihiyon na nagmamalaking sila’y mga anak ni Abraham. Subali’t, mahigpit nilang tinutulan ang katotohanan na ipinangaral ni Jesus. Kaya sinabi sa kanila ni Jesus: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin. Siya’y mamamatay-tao buhat pa sa pasimula, at hindi siya nanindigan ukol sa katotohanan, sapagka’t walang katotohanan sa kaniya. Pagka siya’y nagsasalita ng kasinungalingan, ay nagsasalita siya sa ganang sarili, sapagka’t siya’y isang sinungaling at ama ng kasinungalingan.”—Juan 8:44,
8 Matutulis at tuwiran ang salita ni Jesus. Tinukoy niya ang Diyablo bilang “mamamatay-tao” at “ama ng kasinungalingan.” Ngayon, ang unang nakaulat na kasinungalingan ay yaong binigkas ng ahas sa Eden. Sinoman ang bumigkas ng kasinungalingang yaon ay tiyak na “ama ng kasinungalingan.” Bukod dito, ang mga kasinungalingang yaon ang nagdulot ng kamatayan kina Adan at Eba, kaya ang matandang sinungaling na ito ay isang mamamatay-tao. Kaya, maliwanag na si Satanas na Diyablo ang kapangyarihan sa likod ng ahas sa Eden, at si Jehova ay kay Satanas talaga nakipag-usap sa sinaunang hulang yaon.
9. Papaano nagkaroon ng Satanas?
9 May mga nagtatanong: Kung mabait ang Diyos, bakit niya nilikha ang Diyablo? Ang mga salita ni Jesus ay sumasagot din sa tanong na ito. Sinabi ni Jesus tungkol kay Satanas: “[Siya’y] mamamatay-tao buhat pa sa pasimula.” Kaya, nang magsinungaling si Satanas kay Eba, noon siya naging Satanas—mula sa isang salitang Hebreo na nangangahulugang “mananalansang.” Si Satanas ay hindi nilalang ng Diyos. Pinahintulutan ng isang dating tapat na anghel na tubuan ang kaniyang puso ng masamang nasà kaya siya’y naging Satanas.—Deuteronomio 32:4; ihambing ang Job 1:6-12; 2:1-10; Santiago 1:13-15.
Ang Binhi ng Ahas
10, 11. Papaano tayo tinutulungan nina Jesus at apostol Juan upang makilala ang binhi ng Ahas?
10 Kumusta naman ang ‘binhi [o supling] ng ahas’? Tumutulong din ang mga salita ni Jesus sa paglutas ng palaisipang ito. Sinabi niya sa mga Judiong pinuno ng relihiyon: “Kayo’y sa inyong amang Diyablo, at ang mga nais ng inyong ama ang ibig ninyong gawin.” Ang mga Judiong yaon ay mga inapo ni Abraham, gaya ng ipinagmalaki nila. Subali’t dahil sa kanilang kabalakyutan sila’y naging mga espirituwal na anak ni Satanas, ang pasimuno ng kasalanan.
11 Si apostol Juan, na sumulat sa pagtatapos ng unang siglo, ay nagpaliwanag kung sino ang kabilang sa binhi ng Ahas, si Satanas. Sumulat siya: “Ang gumagawa ng kasalanan ay nagmumula sa Diyablo, sapagka’t ang Diyablo ay nagkakasala na buhat pa sa pasimula. . . . Sa ganito nahahayag ang mga anak ng Diyos at ang mga anak ng Diyablo: Ang sinomang hindi gumagawa ng katuwiran ay hindi mula sa Diyos, ni ang hindi umiibig sa kaniyang kapatid.” (1 Juan 3:8, 10) Maliwanag na, sa buong kasaysayan ng tao, ang binhi ng Ahas ay laging aktibo!
Sino ang Binhi ng Babae?
12, 13. (a) Papaano isiniwalat ni Jehova kay Abraham na ang binhi ng babae ay lilitaw sa gitna ng kaniyang mga inapo? (b) Sino ang nagmana ng pangako hinggil sa Binhi?
12 Sino, kung gayon, ang ‘binhi [o supling] ng babae’? Isa ito sa mahahalagang tanong na naibangon kailanman, sapagka’t sa wakas ang binhi ng babae ang dudurog sa ulo ni Satanas at paparam sa lahat ng masamang epekto ng unang paghihimagsik. Noong ika-20 siglo B.C.E., isiniwalat ng Diyos sa tapat na lalaking si Abraham ang isang mahalagang palatandaan na magpapakilala kung sino siya. Dahil sa laki ng pananampalataya ni Abraham, nagbitiw ang Diyos ng sunud-sunod na pangako hinggil sa supling na isisilang sa kaniya. Ipinahiwatig ng isa sa mga ito na ang ‘binhi ng babae’ na ‘dudurog sa ulo ng ahas’ ay magmumula sa mga anak ni Abraham. Sinabi sa kaniya ng Diyos: “Sasakupin ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kaniyang mga kaaway. At sa iyong binhi ay pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili dahil sa sinunod mo ang aking tinig.”—Genesis 22:17, 18.
13 Sa paglipas ng mga taon, ang pangako ni Jehova kay Abraham ay inulit sa anak niyang si Isaac at sa apo niyang si Jacob. (Genesis 26:3-5; 28:10-15) Nang dakong huli, ang mga inapo ni Jacob ay naging 12 tribo, at isa sa kanila, ang Juda, ay tumanggap ng pantanging pangako: “Ang setro ay hindi mahihiwalay sa Juda, ni ang tungkod ng pagkapuno sa pagitan ng kaniyang mga paa, hanggang sa dumating ang Silo; at sa kaniya tatalima ang lahat ng mga bansa.” (Genesis 49:10) Maliwanag, ang Binhi ay lilitaw sa tribo ni Juda.
14. Aling bansa ang inorganisa bilang paghahanda sa pagdating ng Binhi?
14 Sa katapusan ng ika-16 na siglo B.C.E., ang 12 tribo ng Israel ay inorganisa bilang isang bansa na tanging pag-aari ng Diyos. Sa layuning ito, ang Diyos ay gumawa ng isang banal na pakikipagtipan sa kanila at binigyan sila ng isang kodigo ng mga batas. Ang pangunahing dahilan nito ay upang ihanda sila bilang isang bansa sa pagdating ng Binhi. (Exodo 19:5, 6; Galacia 3:24) Mula noon, ang pakikipag-alitan ni Satanas sa Binhi ng babae ay maaaninaw sa pagkapoot ng mga bansa sa piniling bayan ng Diyos.
15. Anong pangwakas na hiwatig ang ibinigay tungkol sa kung aling sambahayan sa mga inapo ni Abraham ang magluluwal ng Binhi?
15 Noong ika-11 siglo B.C.E. inilaan ang pangwakas na hiwatig hinggil sa kung aling angkan ang magluluwal sa Binhi. Noon ay nakipag-usap ang Diyos sa ikalawang hari ng Israel, si David, at nangako na ang Binhi ay magmumula sa kaniyang angkan at na ang luklukan Nito ay “itatatag magpakailanman.” (2 Samuel 7:11-16) Mula noon, ang Binhi ay maaari nang tukuyin na Anak ni David.—Mateo 22:42-45.
16, 17. Papaano inilarawan ni Isaias ang mga pagpapala na idudulot ng Binhi?
16 Sa kasunod na mga taon, nagbangon ang Diyos ng mga propeta upang magbigay ng higit pang kinasihang impormasyon hinggil sa darating na Binhi. Halimbawa, noong ikawalong siglo B.C.E., si Isaias ay sumulat: “Sa atin ay ipinanganak ang isang bata, sa atin ay ibinigay ang isang anak na lalaki; at ang maharlikang pamamahala ay maaatang sa kaniyang balikat. At ang pangalan niya ay tatawaging Kamanghamanghang Tagapayo, Makapangyarihang Diyos, Walang-hanggang Ama, Prinsipe ng Kapayapaan. Ang paglago ng kaniyang maharlikang pamamahala at ng kapayapaan ay hindi magwawakas, sa luklukan ni David at sa kaniyang kaharian.”—Isaias 9:6, 7.
17 Humula pa rin si Isaias tungkol sa Binhing ito: “Sa katuwiran ay hahatulan niya ang dukha, at sa katarungan ay sasawayin niya ang maaamo sa lupa. . . . At ang lobo ay tatahang kasama ng kordero, at ang leopardo ay mahihigang kasiping ng batang kambing, at ang guya at ang batang leon at ang patabain ay magkakasama . . . Hindi sila mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagka’t ang lupa ay mapupuno ng kaalaman ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” (Isaias 11:4-9) Saganang pagpapala ang idudulot ng binhing ito!
18. Anong karagdagang impormasyon hinggil sa Binhi ang iniulat ni Daniel?
18 Noong ikaanim na siglo bago ang ating Kasalukuyang Panahon, si Daniel ay sumulat ng isa pang hula hinggil sa Binhi. Inihula niya na lilitaw sa langit ang isang gaya ng anak ng tao, at sinabi na “sa kaniya’y ibinigay ang kapangyarihan at kaluwalhatian at isang kaharian, upang ang lahat ng mga bansa, bayan at wika ay magsipaglingkod sa kaniya.” (Daniel 7:13, 14) Kaya ang darating na Binhi ay magmamana ng isang makalangit na kaharian, at ang kaniyang maharlikang pamamahala ay sasaklaw sa buong lupa.
Nalutas ang Palaisipan
19. Gaya ng inihayag ng anghel, anong papel ang gagampanan ni Maria sa pagdating ng Binhi?
19 Sa wakas, ang pagkakakilanlan ng Binhi ay inihayag sa pagbubukang-liwayway ng Kasalukuyang Panahon. Noong 2 B.C.E., nagpakita ang isang anghel kay Maria, isang dalagang Judio at inapo ni David. Sinabi sa kaniya ng anghel na siya ay magsisilang ng isang pantanging sanggol at nagsabi pa: “Ang isang ito ay magiging dakila at tatawagin siyang Anak ng Kataastaasan; at ibibigay sa kaniya ng Diyos na Jehova ang luklukan ni David na kaniyang ama, at siya’y maghahari sa sambahayan ni Jacob magpakailanman, at hindi magkakawakas ang kaniyang kaharian.” (Lucas 1:32, 33) Kaya magwawakas na rin ang mahabang paghihintay sa “binhi.”
20. Sino ang Binhing pangako, at anong mensahe ang ipinangaral niya sa Israel?
20 Noong taóng 29 C.E. (isang petsa na matagal nang tinukoy ni Daniel), si Jesus ay binautismuhan. Bumaba sa kaniya ang banal na espiritu, at siya ay kinilala ng Diyos bilang Anak. (Daniel 9:24-27; Mateo 3:16, 17) Tatlo at kalahating taon pagkaraan nito, si Jesus ay nangaral sa mga Judio, at nagpahayag: “Ang kaharian ng mga langit ay malapit na.” (Mateo 4:17) Nang panahong ito, napakarami niyang tinupad na hula mula sa Hebreong Kasulatan anupa’t wala nang alinlangan na talaga ngang siya ang Binhing pangako.
21. Ano ang naunawaan ng unang mga Kristiyano hinggil sa pagkakakilanlan ng Binhi?
21 Alam-na-alam ito ng mga unang Kristiyano. Nagpaliwanag si Pablo sa mga Kristiyano sa Galacia: “Ngayon ang mga pangako ay sinabi kay Abraham at sa kaniyang binhi. Hindi sinabing: ‘At sa mga binhi,’ na waring ito ay marami, kundi sa isa lamang: ‘At sa iyong binhi,’ na siyang Kristo.” (Galacia 3:16) Si Jesus ang magiging “Prinsipe ng Kapayapaan” na inihula ni Isaias. Sa wakas pagkatapos na siya ay makaluklok na sa Kaharian, ay iiral na sa buong daigdig ang katarungan at katuwiran.
Sino, Kung Gayon, ang Babae?
22. Sino ang babae na tinukoy sa hula ni Jehova sa Eden?
22 Kung si Jesus ang Binhi, sino ang babae na tinukoy sa Eden? Yamang ang kapangyarihan sa likod ng ahas ay isang espiritung nilikha, hindi tayo dapat magtaka na ang babae ay isa ring espiritu at hindi tao. Bumanggit si apostol Pablo ng isang makalangit na “babae” nang sabihin niya: “Nguni’t ang Jerusalem na nasa itaas ay malaya, at siya ang ating ina.” (Galacia 4:26) Ipinahihiwatig ng ibang kasulatan na ang “Jerusalem na nasa itaas” ay libulibong taon nang umiiral. Siya ang makalangit na organisasyon ni Jehova na binubuo ng espiritung mga nilikha, at mula sa kanila ay nanaog si Jesus upang gampanan ang papel bilang ‘binhi ng babae.’ Tanging ang ganitong uri ng espirituwal na “babae” ang tatagal sa libulibong taon na pakikipag-alitan laban sa “matandang ahas.”—Apocalipsis 12:9; Isaias 54:1, 13; 62:2-6.
23. Bakit tunay na kahangahanga ang pasulong na pagsisiwalat sa kahulugan ng Edenikong hula ni Jehova?
23 Ang maikling repasong ito sa pagsulong ng sinaunang hulang yaon sa Genesis 3:15 ay isang makapangyarihang patotoo sa dakilang pagkakasuwato ng Bibliya. Lubhang kamanghamangha na ang hulang ito ay mauunawaan lamang kung ating pagsasamasamahin ang mga pangyayari at pananalita mula noong ika-20, ika-11, ika-8, at ika-6 na siglo B.C.E. kasuwato ng mga pananalita at pangyayari noong unang siglo ng Kasalukuyang Panahon. Hindi ito nagkataon lamang. Tiyak na may isang pumapatnubay na kamay sa likod ng lahat ng ito.—Isaias 46:9, 10.
Ang Kahulugan Nito Para sa Atin
24. Ano ang kahulugan para sa atin ng pagkilala sa Binhi?
24 Ano ang kahulugan ng lahat ng ito para sa atin? Buweno, si Jesus ang pangunahing ‘binhi ng babae.’ Ipinahiwatig ng sinaunang hula sa Genesis 3:15 na ang kaniyang sakong ay ‘susugatan’ ng Ahas, at nangyari ito nang si Jesus ay mamatay sa tulos na pahirapan. Ang isang sugat ay hindi nagtatagal. Kaya, ang wari’y pagtatagumpay ng Ahas ay agad nahalinhan ng kabiguan nang si Jesus ay buhaying muli. (Gaya ng nakita natin sa Kabanata 6, may kapanipaniwalang ebidensiya na nangyari nga ito.) Ang kamatayan ni Jesus ang naging saligan ukol sa kaligtasan ng tapat-pusong sangkatauhan, kaya ang Binhi ay naging isang pagpapala, gaya ng pangako ng Diyos kay Abraham. Subali’t kumusta ang mga hula na nagsabing magpupuno si Jesus sa buong lupa mula sa isang makalangit na kaharian?
25, 26. Anong isyu ang nasangkot sa alitan sa pagitan ng ‘binhi ng babae’ at ng Ahas, gaya ng pagkakalarawan sa Apocalipsis?
25 Sa isang matingkad na makahulang pangitain na nakaulat sa Apocalipsis kabanata 12, ang pasimula ng Kahariang ito ay inilarawan ng pagsilang ng isang sanggol na lalaki sa langit. Sa Kahariang ito, ang Binhing pangako ay hahawak ng kapangyarihan sa ilalim ng pamagat na Miguel, na nangangahulugang “Sino ang Kagaya ng Diyos?” Ipinakikita niya na walang sinoman ang maaaring humamon sa pagkasoberano ni Jehova, nang inihagis niya magpakailanman “ang matandang ahas” mula sa langit. Mababasa natin: “Kaya inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diyablo at Satanas, ang dumadaya sa buong tinatahanang lupa; siya’y inihagis sa lupa.”—Apocalipsis 12:7-9.
26 Ang resulta ay kaginhawahan para sa mga langit subali’t kaligaligan para sa lupa. “Ngayon ay dumating na ang kaligtasan at ang kapangyarihan at ang kaharian ng ating Diyos at ang kapamahalaan ng kaniyang Kristo,” ang matagumpay na hiyaw. At saka, mababasa pa natin: “Kaya’t mangagalak kayo, kayong mga langit at kayong nagsisitahan diyan! Sa aba ng lupa at ng dagat, sapagka’t ang Diyablo ay bumaba sa inyo, na may malaking galit, sa pagkaalam niya na kaunting panahon na lamang mayroon siya.”—Apocalipsis 12:10, 12.
27. Kailan natupad ang hula hinggil sa paghahagis kay Satanas mula sa langit? Papaano natin nalaman?
27 Masasabi ba natin kung kailan matutupad ang hulang ito? Oo, ito mismo ang itinanong ng mga alagad kay Jesus tungkol sa ‘tanda ng kaniyang pagkanaririto at ng katapusan ng pamamalakad ng mga bagay’—gaya ng natutuhan natin sa Kabanata 10. (Mateo 24:3) Kaya nga, hindi matututulan ang ebidensiya na ang pagkanaririto ni Jesus sa makalangit na Kaharian ay nagsimula noong 1914. Mula noon, tunay ngang naranasan na natin ang ‘kaabahan sa lupa’!
28, 29. Anong malalaking pagbabago sa tanawin ng daigdig ang nasa sa unahan pa, at papaano natin nalaman na malapit na itong maganap?
28 Subali’t pansinin: Ipinatalastas ng makalangit na hiyaw na si Satanas ay may “kaunting panahon na lamang.” Kaya ang orihinal na hula sa Genesis 3:15 ay papalapit na sa tiyak na kasukdulan nito. Ang ahas, ang binhi nito, ang babae, at ang kaniyang binhi ay pawang kilala na. Ang Binhi ay ‘sinugatan sa sakong,’ nguni’t siya ay gumaling. Hindi magtatagal at magsisimula na ang pagdurog kay Satanas (at sa kaniyang binhi) sa ilalim ng nagpupuno-nang-Hari ng Diyos, si Kristo Jesus.
29 Mangangahulugan ito ng malalaking pagbabago sa tanawin ng daigdig. Kasama ni Satanas, ang lahat ng mapatutunayang binhi niya ay aalisin. Gaya ng inihula ng mang-aawit: “Sandali na lamang, at ang masama ay mawawala na; at kapag siya ay hinanap mo, ay tiyak na hindi mo na siya makikita.” (Awit 37:10) Ito’y magiging sukdulang pagbabago! Pagkatapos, ay matutupad din ang kasunod na mga salita ng mang-aawit: “Nguni’t ang maaamo ay magmamana ng lupa, at tiyak na makakasumpong sila ng pantanging kagalakan sa kasaganaan ng kapayapaan.”—Awit 37:11.
30. Bakit talagang lihis sa katotohanan ang mga nag-aalinlangan sa pagiging-kinasihan ng Bibliya at maging sa pag-iral ng Diyos?
30 Sa paraang ito, ang kapayapaan ay pasasapitin na rin ng “Prinsipe ng Kapayapaan” sa buong sangkatauhan. Pangako ito ng Bibliya, gaya ng nakita natin sa Isaias 9:6, 7. Sa mapag-alinlangang panahong ito, marami ang nagsasabi na lihis ito sa katotohanan. Nguni’t may maiaalok ba ang tao bilang kahalili? Wala! Sa kabilang dako, ang pangakong ito ay maliwanag na isinasaad sa Bibliya, at ang Bibliya ay ang hindi nagmimintis na Salita ng Diyos. Ang mga nag-aalinlangan ang talagang hindi makakatotohanan. (Isaias 55:8, 11) Niwawalang-bahala nila ang Diyos, na kumasi sa Bibliya at na siyang pinakadakilang katotohanan sa lahat.
[Larawan sa pahina 151]
Ang unang hula sa Bibliya ay nagbigay sa nagkasalang sangkatauhan ng saligan ukol sa pag-asa
[Larawan sa pahina 154]
Noong ika-20 siglo B.C.E., sinabi ni Jehova kay Abraham na ang Binhing pangako ay manggagaling sa kaniyang mga inapo
[Larawan sa pahina 155]
Noong ika-11 siglo B.C.E., nalaman ni Haring David na ang Binhi ay magmumula sa kaniyang maharlikang angkan
[Larawan sa pahina 156]
Noong ikawalong siglo B.C.E., inihula ni Isaias ang mga pagpapalang idudulot ng Binhi
[Larawan sa pahina 157]
Noong ikaanim na siglo B.C.E., inihula ni Daniel na ang Binhi ay magpupuno mula sa isang makalangit na Kaharian
[Larawan sa pahina 159]
Malapit sa pasimula ng unang siglo B.C.E., nalaman ni Maria na si Jesus, ang sanggol na ipaglilihi niya, ay siyang magiging Binhi