Sabbath
Kahulugan: Ang salitang Sabbath ay kuha sa Hebreong sha·vathʹ, na nangangahulugang “magpahinga, huminto, tumigil.” Ang kaayusan ng sabbath sa Batas Mosaiko ay naglalakip ng isang lingguhang araw ng Sabbath, ilang takdang mga araw na idinagdag bawa’t taon, ang ikapitong taon, at ang ikalimampung taon. Ang lingguhang Sabbath ng mga Judio, ang ikapitong araw ng linggo sa kanilang kalendaryo, ay nagmula sa paglubog ng araw ng Biyernes hanggang sa paglubog ng araw ng Sabado. Naging kaugalian ng maraming nag-aangking Kristiyano na ipangilin ang Linggo bilang kanilang araw ng kapahingahan at pagsamba; sinusunod ng iba ang araw na nakatakda sa kalendaryong Judio.
Obligado ba ang mga Kristiyano na ipangilin ang lingguhang araw ng sabbath?
Exo. 31:16, 17: “Ang mga anak ni Israel ay mangingilin ng sabbath, upang tuparin ang sabbath sa lahat ng inyong saling-lahi. Ito’y tipan hanggang sa panahong walang takda [“walang hanggang tipan,” RS]. Ito’y tanda sa akin at sa mga anak ni Israel hanggang sa panahong walang takda.” (Pansinin na ang pangingilin ng sabbath ay isang tanda sa pagitan ni Jehova at ng Israel; hindi magiging totoo ito kung obligado ang lahat ng iba pa na ipangilin ang Sabbath. Ang salitang Hebreo na isinaling “walang hanggan” sa RS ay ‛oh·lamʹ, na nangangahulugang isang matagal na yugto ng panahon na ang haba ay walang katiyakan o lingid sa paningin ng mga nagmamasid sa kasalukuyan. Maaari itong mangahulugan na magpakailanman, nguni’t hindi laging gayon. Sa Bilang 25:13 ang salitang Hebreong ito ay ikinapit sa pagkasaserdote, na nang maglaon ay nagwakas, ayon sa Hebreo 7:12.)
Roma 10:4: “Si Kristo ang kinauuwian ng Kautusan, sa ikatutuwid ng bawa’t sumasampalataya.” (Ang pangingilin ng sabbath ay bahagi ng Kautusang iyan. Ginamit ng Diyos si Kristo upang wakasan ang Kautusang iyan. Ang ating matuwid na katayuan sa harap ng Diyos ay nakasalalay sa pananampalataya kay Kristo, hindi sa pangingilin ng lingguhang sabbath.) (Gayundin ang Galacia 4:9-11; Efeso 2:13-16)
Col. 2:13-16: “Pinatawad [ng Diyos] sa atin ang lahat ng ating mga kasalanan at pinawi ang nasusulat na alituntuning laban sa atin, na binubuo ng mga kautusan laban sa atin . . . Dahil dito’y huwag humatol ang sinoman sa inyo tungkol sa pagkain at pag-inom o tungkol sa isang kapistahan o pagdiriwang ng bagong buwan o ng araw ng sabbath.” (Kung nasa ilalim ng Batas Mosaiko ang isang tao at siya’y hinatulan ng paglapastangan sa Sabbath, siya’y kailangang batuhin ng buong kongregasyon hanggang mamatay, ayon sa Exodo 31:14 at Bilang 15:32-35. Marami sa mga naggigiit ng pangingilin ng sabbath ay dapat magpasalamat na wala na tayo sa ilalim ng Batas na iyon. Gaya ng ipinakikita sa tekstong sinipi dito, hindi na kailangang tuparin ang kahilingan ng sabbath na ibinigay sa Israel upang magkaroon ng sinang-ayunang katayuan sa Diyos.)
Papaano nangyari na ang Linggo ay naging pangunahing araw ng pagsamba para sa karamihan sa Sangkakristiyanuhan?
Bagama’t si Kristo ay binuhay-muli sa unang araw ng sanlinggo (na sa ngayo’y tinatawag na Linggo), ang Bibliya ay walang binanggit na utos na ang araw na iyon ay dapat na gawing banal.
“Ang isa sa pangunahing dahilan kung bakit pinanatili ang dating Paganong tawag na ‘Dies Solis,’ o ‘Sunday,’ para sa lingguhang pagdiriwang ng Kristiyano ay ang pagkakaisa ng damdamin ng mga Pagano at ng [di-umano’y] Kristiyano, na bunga nito ang unang araw ng sanlinggo ay inirekumenda ni Constantino [sa isang utos noong 321 C.E.] sa kaniyang mga sakop, Pagano man o Kristiyano, bilang ang ‘banal na kaarawan ng Araw.’ . . . Paraan niya ito upang pagkaisahin ang magkakasalungat na mga relihiyon ng Imperyo sa ilalim ng iisang kaayusan.”—Lectures on the History of the Eastern Church (Nueba York, 1871), A. P. Stanley, p. 291.
Ang utos ba na mangilin ng sabbath ay ibinigay kay Adan at sa gayo’y kumakapit din sa lahat ng kaniyang mga supling?
Ang Diyos na Jehova ay nagpahinga sa kaniyang mga gawa ng paglalang sa lupa pagkatapos niyang ihanda ang lupa upang panirahan ng tao. Ito’y sinasabi sa Genesis 2:1-3. Nguni’t wala sa ulat ng Bibliya ang nagsasabi na inutusan ng Diyos si Adan na ipangilin ang ikapitong araw ng bawa’t sanlinggo bilang sabbath.
Deut. 5:15: “Iyong aalalahanin na ikaw [ang Israel] ay naging alipin sa lupain ng Ehipto at ikaw ay inilabas doon ni Jehova mong Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay at unat na bisig. Kaya’t iniutos sa iyo ni Jehova mong Diyos na ipangilin mo ang araw ng sabbath.” (Dito iniuugnay ni Jehova ang pagbibigay ng utos ng sabbath sa pagliligtas sa Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto, hindi sa mga pangyayari sa Eden.)
Exo. 16:1, 23-29: “Ang buong kapisanan ng mga anak ni Israel ay dumating sa wakas sa ilang ng Sin . . . nang ikalabinlimang araw ng ikalawang buwan pagkatapos na sila’y makalabas sa lupain ng Ehipto. . . . Sinabi [ni Moises] sa kanila: ‘Ito ang sinalita ni Jehova. Bukas ay pantanging kapahingahan, isang banal na sabbath kay Jehova. . . . Anim na araw na inyong pupulutin [ang manna], datapuwa’t sa ikapitong araw ay sabbath. Wala kayong makukuha sa araw na iyon.’ . . . Sinabi ni Jehova kay Moises: . . . ‘Tandaan ninyo na ibinigay ni Jehova sa inyo ang sabbath.’ ” (Bago nito, hinahati na nila ang sanlinggo sa pitong araw, nguni’t ito ang unang pagbanggit ng pangingilin ng isang sabbath.)
Hinahati ba ang Batas Mosaiko sa mga bahaging “seremonyal” at “moral,” at ang “kautusang moral” ba (ang Sampung Utos) ay kumakapit pa sa mga Kristiyano?
Ipinahiwatig ba ni Jesus na ang Kautusan ay hinahati sa dalawang bahagi?
Mat. 5:17, 21, 23, 27, 31, 38: “Huwag ninyong isiping ako’y naparito upang sirain ang Kautusan o ang mga Propeta. Ako’y naparito, hindi upang sirain, kundi upang ganapin.” Ngayon, pansinin ang inilakip ni Jesus sa sumusunod niyang mga komento. “Narinig ninyo na sinabi sa mga tao noong una, ‘Huwag kang papatay [Exo. 20:13; ang Ika-anim na Utos]’ . . . Kaya, kung inihahandog mo ang iyong hain sa dambana [Deut. 16:16, 17; hindi bahagi ng Sampung Utos] . . . Narinig ninyong sinabi, ‘Huwag kang mangangalunya [Exo. 20:14; ang Ikapitong Utos].’ Sinabi rin naman, ‘Ang sinomang lalake na humihiwalay sa kaniyang asawa, ay bigyan niya siya ng kasulatan ng paghihiwalay [Deut. 24:1; hindi bahagi ng Sampung Utos].’ Narinig ninyong sinabi, ‘Mata sa mata at ngipin sa ngipin [Exo. 21:23-25; hindi bahagi ng Sampung Utos].’ ” (Kaya, magkasamang tinukoy ni Jesus ang Sampung Utos at ang ibang mga bahagi ng Kautusan, anupa’t wala siyang binanggit na pagkakaiba sa mga ito. Dapat bang kasalungat dito ang ating pangmalas?)
Nang tanungin si Jesus, “Guro, alin ang pinakadakilang utos sa Kautusan?” itinangi ba niya ang Sampung Utos? Sa halip, siya’y sumagot: “ ‘Iibigin mo si Jehova mong Diyos ng buong puso mo at ng buong kaluluwa mo at ng buong pag-iisip mo.’ Ito ang pinakadakila at pangunahing utos. At ang pangalawang katulad ay ito, ‘Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.’ Sa dalawang utos na ito’y nauuwi ang buong Kautusan, at ang mga Propeta.” (Mat. 22:35-40) Kung ang iba ay nanghahawakan sa Sampung Utos (Deut. 5:6-21), na sinasabing ang mga ito’y kapit sa mga Kristiyano samantalang ang ibang utos ay hindi, hindi ba itinatakwil nila ang sinabi ni Jesus (sa pagsipi niya sa Deut. 6:5; Lev. 19:18) tungkol sa kung alin ang pinakadakilang mga utos?
Kapag binanggit ang paglipas ng Batas Mosaiko, tuwiran bang sinasabi ng Bibliya na ang Sampung Utos ay nagwakas din kasabay ng ibang bahagi nito?
Roma 7:6, 7: “Ngayon tayo’y pinalaya sa Kautusan, yamang tayo’y nangamatay doon sa nakatali sa atin . . . Ano kung gayon ang ating sasabihin? Ang Kautusan baga’y kasalanan? Huwag nawang mangyari! Sa katunayan, hindi ko sana nakilala ang kasalanan kung hindi dahil sa Kautusan; halimbawa, hindi ko sana nakilala ang pag-iimbot kung hindi sinabi ng Kautusan: ‘Huwag kang mag-iimbot.’ ” (Dito, matapos niyang isulat na ang mga Judiong Kristiyano ay “pinalaya sa Kautusan,” anong halimbawa mula sa Kautusan ang binanggit ni Pablo? Ang Ika-sampung Utos, sa gayo’y ipinakikita na ito’y bahagi ng Kautusan na doon sila pinalaya.)
2 Cor. 3:7-11: “Kung ang alituntunin na nagdudulot ng kamatayan na mga titik na nakaukit sa mga bato ay nangyaring may kaluwalhatian, anupa’t ang mga anak ni Israel ay hindi makatitig sa mukha ni Moises dahil sa kaluwalhatian ng kaniyang mukha, na ang kaluwalhatiang ito’y lumilipas, bakit hindi magkakaroon ng higit na kaluwalhatian sa pamamagitan ng espiritu? . . . Sapagka’t kung ang lumilipas ay may kaluwalhatian, ay lalo pang may kaluwalhatian ang mananatili.” (Dito’y binabanggit ang alituntunin na “mga titik na nakaukit sa mga bato” at sinasabing “ang mga anak ni Israel ay hindi makatitig sa mukha ni Moises” nang ito’y inihatid sa kanila. Ano ang tinutukoy dito? Ipinakikita ng Exodo 34:1, 28-30 na ang tinutukoy ay ang pagbibigay ng Sampung Utos; ito ang mga utos na nakaukit sa mga bato. Maliwanag dito na ang mga ito ay kasama rin sa sinasabi ng teksto na “lumilipas.”)
Ang pag-aalis ba sa Batas Mosaiko, lakip na rito ang Sampung Utos, ay nagpapahiwatig na inaalis na rin ang lahat ng mga pagbabawal tungkol sa moral?
Hindi naman; marami sa mga moral na pamantayan na napaloob sa Sampung Utos ay inulit sa kinasihang mga aklat ng Kristiyanong Griyegong Kasulatan. (Gayumpaman, hindi inulit ang kautusang sabbath.) Nguni’t gaano mang kahusay ang isang batas, habang ang hangarin ng isang tao ay napangingibabawan ng makasalanang mga hilig, magkakaroon ng mga paglabag. Datapuwa’t, tungkol sa bagong tipan na humalili sa tipang Batas, sinasabi ng Hebreo 8:10: “ ‘Sapagka’t ito ang pakikipagtipang aking gagawin sa sambahayan ng Israel pagkatapos ng mga araw na yaon,’ sabi ni Jehova. ‘Ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pag-iisip, at sa kanilang mga puso’y aking isusulat ang mga ito. At ako’y magiging Diyos nila, at sila’y magiging aking bayan.’ ” Tunay na higit na mabisa ang mga batas na ito kaysa doon sa mga inukit sa mga tapyas ng bato!
Roma 6:15-17: “Magkakasala ba tayo dahil sa tayo’y wala sa ilalim ng kautusan kundi sa ilalim ng di-na-sana nararapat na awa? Huwag nawang mangyari! Hindi ba ninyo nalalaman na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili na pinaka alipin upang tumalima ay kayo’y mga alipin niyaong inyong tinatalima, maging ng kasalanan sa ikamamatay o ng pagtalima sa ikapagiging matuwid? Nguni’t salamat sa Diyos na bagama’t kayo’y naging mga alipin ng kasalanan, kayo’y naging mga matalimahin mula sa puso sa uri ng turo na pinagbigyan sa inyo.” (Tingnan din ang Galacia 5:18-24.)
Ano ang kahalagahan ng lingguhang Sabbath para sa mga Kristiyano?
May “isang pamamahingang sabbath” na ginaganap ng mga Kristiyano araw-araw
Sinasabi ng Hebreo 4:4-11: “Sa isang dako [Genesis 2:2] ay sinabi niya [ng Diyos] ang ganito tungkol sa ikapitong araw: ‘At nagpahinga nang ikapitong araw ang Diyos sa lahat ng kaniyang mga gawa,’ at sa dakong ito ay muling sinabi [Awit 95:11]: ‘Sila’y hindi magsisipasok sa aking kapahingahan.’ Kaya’t yamang may natitira pang dapat magsipasok doon, at ang mga pinangaralan nang una ng mabuting balita ay hindi nakapasok dahil sa pagsuway, ay muling nagtangi siya ng isang araw sa pagsasabi pagkalipas ng mahabang panahon sa awit ni David [Awit 95:7, 8] ‘Ngayon’; tulad ng sinabi sa itaas: ‘Ngayon kung marinig ninyo ang kaniyang tinig, huwag ninyong papagmatigasin ang inyong mga puso.’ Sapagka’t kung inakay sila ni Josue sa isang dakong kapahingahan, ay wala sanang binanggit ang Diyos na ibang araw sa dakong huli. Kaya may natitira pang isang pamamahingang sabbath ukol sa bayan ng Diyos. Sapagka’t ang taong nakapasok sa kapahingahan ng Diyos ay nagpahinga naman sa kaniyang sariling mga gawa, gaya ng Diyos sa kaniyang mga gawa. Kaya magsipagsikap tayo na makapasok sa kapahingahang yaon, upang huwag mahulog ang sinoman sa gayunding halimbawa ng pagsuway.”
Sa tekstong ito, mula saan hinihimok ang mga Kristiyano na magpahinga? Mula sa kanilang “sariling mga gawa.” Anong mga gawa? Ang mga gawa na sa pamamagitan nito’y dati nilang pinagsisikapang ariing matuwid ang kanilang sarili. Ngayon ay hindi na sila naniniwalang kaya nilang maging karapatdapat sa pagsang-ayon ng Diyos dahil sa pagtupad sa ilang mga tuntunin at pagdiriwang. Iyan ang naging pagkakamali ng di-tapat na mga Judio na, ‘sa pagsusumakit na maitayo ang sarili nilang katuwiran, ay hindi nagpasakop sa katuwiran ng Diyos.’ (Roma 10:3) Kinikilala ng mga tunay na Kristiyano na tayong lahat ay isinilang na mga makasalanan at na sa pamamagitan lamang ng pananampalataya sa hain ni Kristo makapagtatamo ang sinoman ng matuwid na katayuan sa harap ng Diyos. Pinagsisikapan nilang dibdibin at ikapit ang lahat ng itinuro ng Anak ng Diyos. Sila’y buong pagpapakumbabang tumatanggap ng payo at saway mula sa Salita ng Diyos. Hindi ito nangangahulugan na iniisip nilang magiging karapatdapat sa pagsang-ayon ng Diyos sa paggawa ng ganito; sa halip, ang ginagawa nila ay kapahayagan ng kanilang pag-ibig at pananampalataya. Sa ganitong paraan ng pamumuhay iniiwasan nila ang “halimbawa ng pagsuway” ng bansang Judio.
Ang “ikapitong araw,” na binabanggit sa Genesis 2:2, ay hindi isang araw na may 24 na oras lamang. (Tingnan ang pahina 294, sa paksang “Paglalang.”) Kahawig nito, ang “pamamahingang sabbath” na ginaganap ng mga Kristiyano ay hindi limitado sa isang araw na may 24 na oras. Sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsunod sa payo ng Bibliya, matatamasa nila ito araw-araw, nguni’t lalo na pagsapit ng bagong sistema ng Diyos.
Mayroon pang isang libong taong pamamahingang “sabbath” para sa sangkatauhan
Mar. 2:27, 28: “Sinabi [ni Jesus] sa kanila: ‘Ginawa ang sabbath nang dahil sa tao, at hindi ang tao dahil sa sabbath; kaya’t ang Anak ng tao ay Panginoon din naman ng sabbath.’ ”
Alam ni Jesus na pinasimulan ni Jehova ang Sabbath bilang isang tanda sa pagitan ng Diyos at ng Israel, at na ito’y nilayong magdulot sa kanila ng kapahingahan mula sa kanilang pagpapagal. Alam din ni Jesus na ang sarili niyang kamatayan ay maglalaan ng saligan upang alisin ang Batas Mosaiko, yamang ito’y tinupad niya. Naunawaan niya na ang Kautusan, lakip na rin ang kautusang sabbath, ay nagsilbing “isang anino ng mabubuting bagay na darating.” (Heb. 10:1; Col. 2:16, 17) May kaugnayan sa “mabubuting bagay” na iyon ay may darating pang isang “sabbath” at siya’y magiging Panginoon nito.
Bilang Panginoon ng mga panginoon, si Kristo ay mamamahala sa buong lupa sa loob ng isang libong taon. (Apoc. 19:16; 20:6; Awit 2:6-8) Nang siya’y nasa lupa, ang ilan sa kaniyang kamanghamanghang mga gawang pagpapagaling ay buong-awa niyang ginawa sa araw ng Sabbath, sa gayo’y ipinakikita ang kaginhawahang idudulot niya sa mga tao ng lahat ng bansa sa kaniyang Sanlibong Taong Paghahari. (Luc. 13:10-13; Juan 5:5-9; 9:1-14) Yaong mga nagpapahalaga sa tunay na kahulugan ng Sabbath ay magkakaroon din ng pagkakataon na makinabang sa pamamahingang “sabbath” na yaon.
Kung May Magsasabi—
‘Dapat ipangilin ng mga Kristiyano ang Sabbath’
Maaari kayong sumagot: ‘Maaari po bang malaman kung bakit gayon ang sabi ninyo?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: ‘Ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito ang siyang dapat gumabay sa atin, hindi po ba? . . . May ilang mga teksto sa Bibliya na nakatulong sa akin sa paksang ito. Nais ko sanang ipakita ang mga ito sa inyo. (Saka gamitin ang angkop na mga bahagi ng materyal sa sinundang mga pahina.)’
‘Bakit hindi kayo nangingilin ng Sabbath?’
Maaari kayong sumagot: ‘Ang sagot ko ay depende sa kung aling sabbath ang tinutukoy ninyo. Alam ba ninyo na may higit sa isang sabbath na binabanggit sa Bibliya? . . . Ang Diyos ay nagbigay ng mga kautusang sabbath sa mga Judio. Nguni’t alam ba ninyo na may binabanggit sa Bibliyang ibang uri ng sabbath na dapat ipangilin ng mga Kristiyano?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Wala kaming ipinangingiling araw bawa’t sanlinggo bilang Sabbath sapagka’t sinasabi ng Bibliya na ang kahilingang iyon ay “lumilipas.” (2 Cor. 3:7-11; tingnan ang mga komento tungkol dito sa mga pahina 373, 374.)’ (2) ‘Nguni’t mayroong isang sabbath na lagi naming ipinangingilin. (Heb. 4:4-11; tingnan ang mga pahina 374, 375.)’