Kasalanan
Kahulugan: Sa literal, ang pagsala sa pamantayan, ayon sa mga Hebreo at Griyegong teksto ng Bibliya. Ang Diyos mismo ang siyang naglalagay ng “pamantayan” na kailangang abutin ng kaniyang matalinong mga nilalang. Ang pagsala sa pamantayang iyon ay kasalanan, na siya ring kalikuan, o katampalasanan. (Roma 3:23; 1 Juan 5:17; 3:4) Ang kasalanan ay anomang hindi kaayon ng banal na personalidad, pamantayan, daan at kalooban ng Diyos. Ito’y maaaring tumukoy sa maling paggawi, hindi paggawa ng nararapat gawin, masamang mga salita, maruming isip, o mapag-imbot na hangarin o motibo. Ipinakikita ng Bibliya ang kaibahan ng minanang kasalanan at ng sinadyang kasalanan, ng isang gawang pagkakasala na pinagsisihan ng isang tao at ng pamimihasa sa pagkakasala.
Papaanong maaaring magkasala si Adan kung siya’y sakdal?
Tungkol sa pagiging sakdal ni Adan, basahin ang Genesis 1:27, 31 at Deuteronomio 32:4. Nang sinabi ng Diyos na Jehova na ang kaniyang makalupang paglalang, kasama ang lalake at babae, ay “napakabuti,” ano ang ibig sabihin nito? Kung ang Isa na ang gawa ay sakdal ay nagsabi na ang ginawa niya ay “napakabuti,” tiyak na ito’y nakaabot sa kaniyang sakdal na mga pamantayan.
Ang pagiging sakdal ba nina Adan at Eba ay nangangahulugan na hindi maaari silang magkamali? Inaasahan ng gumawa ng isang robot na gagawin nito ang lahat ng itinakda niyang gawin. Nguni’t ang sakdal na robot ay hindi tulad ng isang sakdal na tao. Ang mahahalagang katangiang tinataglay nila ay hindi magkatulad. Sina Adan at Eba ay mga tao, hindi mga robot. Ipinagkaloob ng Diyos sa sangkatauhan ang kakayahang pumili ng tama o mali, ng pagsunod o pagsuway, ang gumawa ng moral na mga pasiya. Yamang ang tao ay dinisenyo sa ganitong paraan, ang kawalan ng kakayahang magpasiya (hindi ang maling pagpapasiya) ang siyang magpapahiwatig ng di-kasakdalan.—Ihambing ang Deuteronomio 30:19, 20; Josue 24:15.
Para masabi na sina Adan at Eba ay nilalang na sakdal, kailangan bang laging maging tama ang lahat ng kanilang mga pagpapasiya? Para bang sinasabi nito na wala silang mapagpipilian. Nguni’t hindi sila ginawa ng Diyos upang basta magsunud-sunuran lamang. Pinagkalooban sila ng Diyos ng kakayahang pumili, anupa’t ang pagsunod nila’y magiging dahil sa pag-ibig nila sa kaniya. O, kung sadyang naging mapag-imbot ang kanilang puso, magiging masuwayin sila. Alin ang pipiliin mo—ang tulungan ka ng isa dahil sa siya’y pinipilit o dahil sa talagang gusto niyang tumulong?—Ihambing ang Deuteronomio 11:1; 1 Juan 5:3.
Papaano maaaring maging mapag-imbot ang gayong sakdal na mga tao, na umakay sa pagkakasala? Bagama’t nilalang na sakdal, ang kanilang katawan ay hindi magpapatuloy sa sakdal na pagkilos kung hindi ito paglalaanan ng wastong pagkain. Sa gayon ding paraan, kung ang pag-iisip nila’y pakakainin ng maling mga kuru-kuro, magiging sanhi ito ng kanilang panghihina sa moral, ng kawalang-kabanalan. Ipinaliliwanag ng Santiago 1:14, 15: “Ang bawa’t tao ay nahihikayat at natutukso ng sarili niyang pita. Kung magkagayo’y ang pita, kapag naipaglihi, ay nanganganak ng kasalanan.” Sa kalagayan ni Eba, nagpasimulang mabuo ang maling pita nang siya’y nakinig kay Satanas, na gumamit ng ahas bilang kaniyang tagapagsalita. Nakinig si Adan sa panghihikayat ng kaniyang asawa na makisama sa kaniya sa pagkain ng ipinagbabawal na bunga. Sa halip na itakwil nila ang maling kaisipan, kapuwa nila nilinang ang mapag-imbot na pagnanasa. Umakay ito sa mga gawang pagkakasala.—Gen. 3:1-6.
Ang kasalanan ba ni Adan ay bahagi ng “plano ng Diyos”?
Tingnan ang pahina 29, sa paksang “Adan at Eba,” gayundin ang pahina 409, sa paksang “Tadhana.”
Talaga bang may tinatawag na “kasalanan” sa panahon natin ngayon?
Mga paglalarawan: Kung mabasag ang termometro ng isang taong may sakit, mangangahulugan ba ito na wala siyang lagnat? Kung sabihin ng isang magnanakaw na hindi siya naniniwala sa nasusulat sa mga aklat ng mga batas, ito ba’y magpapawalang-sala sa kaniya? Sa katulad na paraan, ang paniniwala ng marami na hindi kailangang mamuhay ayon sa mga pamantayan ng Bibliya ay hindi nag-aalis ng kasalanan.—Tingnan ang 1 Juan 1:8.
Maaaring piliin ng iba na gawin ang ipinagbabawal ng Salita ng Diyos. Nguni’t hindi ibig sabihin nito na mali ang Bibliya. Nagbababala ang Galacia 6:7, 8: “Huwag kayong padaya: ang Diyos ay hindi mapabibiro. Sapagka’t ang lahat na ihasik ng tao, ay siya namang aanihin niya; sapagka’t ang naghahasik ng sa kaniyang laman ay sa laman mag-aani ng kasiraan.” Ang salot ng mga sakit na naililipat ng pagsisiping, ang mga nawasak na tahanan, at iba pa, ay sumusuhay sa katotohanan ng sinasabi ng Bibliya. Ginawa ng Diyos ang tao; alam Niya kung ano ang magdudulot sa atin ng namamalaging kaligayahan; sinasabi Niya ito sa Bibliya. Hindi ba katalinuhan ang makinig sa Kaniya? (Ukol sa patotoo ng pag-iral ng Diyos, tingnan ang paksang “Diyos.”)
Hindi ba ang karamihan na tinatawag na kasalanan ay likas lamang para sa mga tao?
Kasalanan ba ang pagsisiping? Pagsisiping ba ang kasalanan nina Adan at Eba? Hindi ito ang sinasabi ng Bibliya. Sinasabi ng Genesis 1:28 na ang Diyos mismo ang nag-utos kina Adan at Eba na “magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.” Kailangan ang pagsisiping upang mangyari ito, hindi ba? At sinasabi ng Awit 127:3 na “ang mga anak ay mana na mula kay Jehova,” “isang gantimpala.” Pansinin na si Eba ang unang kumain ng ipinagbabawal na bunga at siya’y nag-iisa noon; noon lamang bandang huli at saka niya binigyan si Adan. (Gen. 3:6) Maliwanag na ang puno na pinanggalingan ng ipinagbabawal na bunga ay literal na puno. Ang ipinagbabawal ng Bibliya ay hindi ang pangkaraniwang pagsisiping ng isang mag-asawa kundi ang pakikiapid, pangangalunya, homoseksuwalidad, at ang pagsiping sa mga hayop. Ang masamang bunga ng ganitong mga paggawi ay patotoo na ang pagbabawal ay maibiging pagmamalasakit ng Isa na may kabatiran sa kayarian natin.
Gen. 1:27: “Nilalang ng Diyos ang tao [si Adan] ayon sa kaniyang sariling larawan, ayon sa larawan ng Diyos siya nilalang.” (Kung gayon, normal para kay Adan ang ipaaninag ang banal na mga katangian ng Diyos, ang magpahalaga sa patnubay ng Diyos. Ang hindi paggawa nito ay pagsala sa pamantayan, pagkakasala. Tingnan ang Roma 3:23, gayundin ang 1 Pedro 1:14-16.)
Efe. 2:1-3: “Kayo [mga Kristiyano] ang binuhay ng Diyos bagama’t kayo’y mga patay dahil sa inyong mga pagsalansang at mga kasalanan, na inyong nilakaran noong una ayon sa sistema ng mga bagay ng sanlibutang ito, ayon sa pangulo ng mga kapangyarihan ng hangin, ng espiritu na ngayon ay gumagawa sa mga anak ng pagsuway. Oo, sa gitna ng mga yaon tayong lahat noong una ay namuhay ayon sa kahalayan ng ating laman, na ginagawa ang mga pita ng laman at ng pag-iisip, at tayo noo’y katutubong mga anak ng kagalitan, gaya naman ng iba.” (Bilang supling ng makasalanang si Adan, tayo’y ipinanganak sa kasalanan. Simula sa pagsilang, ang hilig ng ating puso ay sa kasamaan. Kung hindi natin pipigilin ang mga maling hilig, maaaring mamihasa tayo sa gayong paraan ng pamumuhay. Maaaring lumitaw na parang “normal” ito, yamang ganito rin ang ginagawa ng iba sa ating paligid. Nguni’t ipinakikita ng Bibliya kung ano ang tama at mali mula sa pangmalas ng Diyos, batay sa paraan ng paggawa niya sa tao at sa layunin niya sa sangkatauhan. Kung ating pakikinggan ang ating Maylikha at sundin siya dahil sa pag-ibig, ang buhay ay magiging higit na makahulugan, at magkakaroon tayo ng isang walang-hanggang kinabukasan. Magiliw tayong inaanyayahan ng ating Maylikha na tikman at tingnan kung gaanong kabuti ito.—Awit 34:8.)
Ano ang epekto ng kasalanan sa kaugnayan ng isang tao sa Diyos?
1 Juan 3:4, 8: “Ang sinomang namimihasa sa kasalanan ay sumasalansang din naman sa kautusan, anupa’t ang kasalanan ay ang pagsalansang sa kautusan. Ang namimihasa sa kasalanan ay nagmumula sa Diyablo.” (Kay tindi nito! Yaong sadyang pumipiling lumakad sa kasalanan, at namimihasa rito, ay itinuturing ng Diyos na mga kriminal. Ang landasing pinili nila ay yaong pinili ni Satanas noong una.)
Roma 5:8, 10: “Nang tayo’y mga makasalanan pa, si Kristo ay namatay dahil sa atin. . . . Noong tayo’y mga kaaway ay pinakipagkasundo tayo sa Diyos sa pamamagitan ng kamatayan ng kaniyang Anak.” (Pansinin na ang mga makasalanan ay itinuturing na kaaway ng Diyos. Anong katalinuhan, kung gayon, na samantalahin ang paglalaang ginawa ng Diyos upang tayo’y makipagkasundo sa kaniya!)
1 Tim. 1:13: “Kinahabagan ako [sabi ni apostol Pablo], sapagka’t yao’y ginawa ko sa di-pagkaalam at sa kawalan ng pananampalataya.” (Nguni’t nang ipakita sa kaniya ng Panginoon ang tamang daan, hindi siya nag-atubili sa pagsunod dito.)
2 Cor. 6:1, 2: “Yamang kasama niyang gumagawa, ipinamamanhik din namin sa inyo na huwag ninyong tanggapin ang di-na-sana nararapat na awa ng Diyos at waling-kabuluhan ang layunin nito. Sapagka’t sinasabi niya: ‘Sa kaayaayang panahon kita’y pinakinggan, at sa araw ng kaligtasan kita’y tinulungan.’ Narito! Ngayon ang kaayaayang panahon. Narito! Ngayon ang araw ng kaligtasan.” (Ngayon na ang panahon na nakabukas ang pagkakataon ukol sa kaligtasan. Ang Diyos ay hindi laging magpapakita ng gayong di-na-sana nararapat na awa sa makasalanang mga tao. Kaya, dapat pakaingat tayo upang huwag waling-kabuluhan ang layunin nito.)
Papaano posibleng magkaroon ng ginhawa sa ating makasalanang kalagayan?
Tingnan ang paksang “Pantubos.”