Espiritismo
Kahulugan: Ang paniniwala na may bahaging espiritu ang tao na hindi namamatay kasabay ng pisikal na katawan at na maaaring makipagtalastasan sa mga buháy, kadalasa’y sa pamamagitan ng isang taong ginagamit bilang medyum. May mga taong naniniwala na may mga espiritung nananahan sa bawa’t materyal na bagay at sa lahat ng kababalaghan sa kalikasan. Ang pangkukulam ay ang paggamit ng kapangyarihang nagmumula sa masasamang espiritu. Ang lahat ng mga anyo ng espiritismo ay mahigpit na hinahatulan ng Bibliya.
Talaga bang posible para sa isang tao na makipagtalastasan sa “espiritu” ng isang yumaong mahal sa buhay?
Ecles. 9:5, 6, 10: “Nalalaman ng mga buháy na sila’y mangamamatay; nguni’t kung tungkol sa mga patay, sila’y walang nalalamang ano pa man . . . Gayundin, ang kanilang pag-ibig at ang kanilang poot at ang kanilang pananaghili ay nawala na, at wala na silang anomang bahagi magpakailanman sa anomang bagay na dapat gawin sa ilalim ng araw. Anomang masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan, sapagka’t walang gawa ni katha ni kaalaman ni karunungan man sa Sheol [ang libingan], ang dakong iyong paroroonan.”
Ezek. 18:4, 20: “Ang kaluluwa na nagkakasala ay mamamatay.” (Kaya ang kaluluwa ay hindi isang bagay na nakaliligtas pagkamatay ng katawan at na maaaring kausapin ng mga taong nabubuhay.)
Awit 146:4: “Ang kaniyang espiritu ay pumapanaw, siya’y nagbabalik sa kaniyang pagkalupa; sa araw ding yaon ay nawawala ang kaniyang pag-iisip.” (Kapag sinabing ang espiritu ay ‘pumapanaw’ sa katawan, ang ibig lamang sabihin nito ay na hindi na umaandar ang puwersa ng buhay. Kaya, pagkamatay ng isang tao, hindi umiiral ang kaniyang espiritu bilang di-materyal na nilalang na makapag-iisip at makakikilos nang hiwalay sa katawan. Ito’y hindi bagay na maaaring kausapin ng mga buháy pagkamatay ng isa.)
Tingnan din ang mga pahina 107-109, sa ilalim ng paksang “Kamatayan.”
Hindi ba ipinahihiwatig ng Bibliya na si Haring Saul ay nakipagtalastasan kay propeta Samuel pagkamatay ni Samuel?
Masusumpungan ang salaysay sa 1 Samuel 28:3-20. Ipinakikita ng mga 1Sam 28 talatang 13, 14 na hindi nakita mismo ni Saul si Samuel kundi nahinuha niya mula sa paliwanag ng medyum na si Samuel ang nakita nito. Gusto ni Saul na maniwalang ito’y si Samuel, kaya madali siyang madaya. Sinasabi ng 1Sam 28 talatang 3 na si Samuel ay patay at nailibing na. Maliwanag na ipinakikita ng mga tekstong sinipi sa ilalim ng subtitulo sa itaas na walang bahagi ni Samuel na nabubuhay pa sa ibang daigdig na maaaring makipagtalastasan kay Saul. Ang tinig na kunwari’y kay Samuel ay tinig ng isang impostor.
Kanino talaga nakikipagtalastasan ang mga nagsisikap na makipag-usap sa mga patay?
Ang katotohanan tungkol sa kalagayan ng mga patay ay maliwanag na inilalahad sa Bibliya. Nguni’t sino ang nagnanais na dumaya sa unang mag-asawa may kaugnayan sa kamatayan? Sinalungat ni Satanas ang babala ng Diyos na ang pagsuway ay hahantong sa kamatayan. (Gen. 3:4; Apoc. 12:9) Sabihin pa, di naglaon ay naging maliwanag na talagang namamatay ang mga tao tulad ng sinabi ng Diyos. Kung gayon, sino ang may pananagutan sa pagpapanukala ng kuru-kuro na hindi talagang namamatay ang mga tao kundi may espiritung bahagi ng tao na patuloy na nabubuhay pagkamatay ng katawan? Angkop ang gayong pandaraya kay Satanas na Diyablo, na siyang inilarawan ni Jesus bilang “ama ng kasinungalingan.” (Juan 8:44; tingnan din ang 2 Tesalonica 2:9, 10.) Ang paniniwala na ang mga patay ay talagang buháy sa ibang daigdig at na maaari natin silang kausapin ay hindi nagdulot ng kapakinabangan sa sangkatauhan. Sa halip, sinasabi ng Apocalipsis 18:23 na, dahil sa pagsasagawa ng espiritismo ng Babilonyang Dakila, “dinaya ang lahat ng mga bansa.” Ang ginagawa ng mga espiritistang ‘pakikipag-usap sa mga patay’ ay malaking panlilinlang na maaaring umakay sa mga tao na makipag-ugnayan sa mga demonyo (mga anghel na naging mapag-imbot na mga rebelde laban sa Diyos) at madalas na nagpapangyari sa pagkarinig ng isa ng mga ibang tinig at sa panliligalig mula sa mga balakyot na espiritung yaon.
Masama bang gamitin ang espiritismo sa layuning magpagaling o tumanggap ng proteksiyon?
Gal. 5:19-21: “At hayag ang mga gawa ng laman, samakatuwid ay ang mga ito: pakikiapid, karumihan, kalibugan, pagsamba sa diyus-diyosan, espiritismo . . . Tungkol sa mga bagay na ito ay ipinaaalaala ko sa inyo, tulad ng pagpapaalaala ko sa inyo noong una, na ang mga nagsisigawa ng gayong mga bagay ay hindi magsisipagmana ng kaharian ng Diyos.” (Ang paghingi ng tulong sa pamamagitan ng espiritismo ay nangangahulugan na ang isa’y naniniwala sa mga kasinungalingan ni Satanas tungkol sa kamatayan; humihingi siya ng payo mula sa mga taong nagsisikap na kumuha ng kapangyarihan mula kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo. Ipinakikilala ng gayong tao na siya’y kabilang sa mga tahasang lumalaban sa Diyos na Jehova. Sa halip na matulungan, ang sinomang magpapatuloy sa landasing ito ay magdaranas ng namamalaging kapinsalaan.)
Luc. 9:24: “Ang sinomang mag-ibig na iligtas ang kaniyang kaluluwa [o, buhay] ay mawawalan nito; datapuwa’t ang sinomang mawalan ng kaniyang kaluluwa dahil sa akin [sapagka’t siya’y tagasunod ni Jesu-Kristo] ang magliligtas nito.” (Kung sadyang lalabagin ng isang tao ang mga utos na malinaw na inilalahad sa Salita ng Diyos sa pagsisikap na ipagsanggalang o ingatan ang kaniyang kasalukuyang buhay, mawawala sa kaniya ang pag-asa ng walang-hanggang buhay. Anong kamangmangan!)
2 Cor. 11:14, 15: “Si Satanas man ay nagpapakunwaring anghel ng kaliwanagan. Kaya hindi malaking bagay na ang kaniyang mga ministro naman ay magpapakunwaring mga ministro ng katuwiran.” (Kaya hindi tayo dapat malinlang kung may ilang mga bagay na ginagawa sa pamamagitan ng espiritismo na tila may pansamantalang pakinabang.)
Tingnan din ang mga pahina 295-299, sa ilalim ng “Pagpapagaling.”
Matalino bang gamitin ang espiritismo upang alamin ang kinabukasan o upang makatiyak ng tagumpay sa anomang gawain ng isa?
Isa. 8:19: “Sakaling sabihin nila sa inyo: ‘Hanapin ninyo ang mga nakikipagsanggunian sa masasamang espiritu o yaong may espiritu ng panghuhula na nagsisihuni at nagsisibulong,’ hindi ba marapat na sa Diyos sumangguni ang alinmang bayan?”
Lev. 19:31: “Huwag kayong bumaling sa mga espiritista, at huwag sasangguni sa mga manghuhula, nang di kayo madumihan dahil sa mga ito. Ako’y si Jehovang inyong Diyos.”
2 Hari 21:6: “[Si Haring Manases ay] nagsagawa ng salamangka at nagmasid sa mga tanda at kumuha ng mga espiritista at mga manghuhula. Siya’y gumawa ng malaking kasamaan sa paningin ni Jehova, upang mungkahiin siya sa galit.” (Ang gayong mga gawa ng espiritismo ay nangangahulugan ng paghingi ng tulong kay Satanas at sa kaniyang mga demonyo. Hindi katakataka na ito’y ‘masama sa paningin ni Jehova,’ kung kaya’t siya’y nagdala ng mabigat na kaparusahan kay Manases. Nguni’t nang siya’y magsisi at huminto sa masasamang gawaing ito, siya’y pinagpala ni Jehova.)
Ano ang masama sa mga larong may kaugnayan sa panghuhula o sa paghanap ng kahulugan sa mga bagay na nagbabadya ng mabuting kapalaran?
Deut. 18:10-12: “Huwag makakasumpong sa inyo ng sinomang . . . nanghuhula, o salamangkero o nagmamasid ng mga pamahiin o enkantador, o manggagaway o sinomang nakikipagsanggunian sa mga espiritista o manghuhula o sumasangguni sa mga patay. Sapagka’t sinomang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal kay Jehova.” (Ang layunin ng panghuhula ay upang isiwalat ang mga natatagong kaalaman o alamin ang panghinaharap na mga pangyayari, hindi sa pamamagitan ng pagsasaliksik, kundi sa pagbibigay-kahulugan sa mga pamahiin o sa tulong ng mga kapangyarihang mas mataas kaysa tao. Ipinagbawal ni Jehova ang gayong mga gawain sa gitna ng kaniyang mga lingkod. Bakit? Sapagka’t ang lahat ng mga gawaing ito ay nagbibigay-daan upang ang isa’y makipagtalastasan sa maruruming espiritu, o mga demonyo, o kaya’y maalihan ng mga ito. Ang pakikibahagi sa mga ito’y malubhang pagtataksil kay Jehova.)
Gawa 16:16-18: “Sinalubong kami ng isang aliping babae na may masamang espiritu, isang demonyo na nanghuhula. Dinalhan niya ang kaniyang mga panginoon ng malaking pakinabang dahil sa kakayahan niyang humula.” (Tiyak na walang umiibig sa katuwiran ang sasangguni sa gayong pinagmumulan ng impormasyon, maging ito’y sinasadya o bilang paglalaro lamang. Nainis si Pablo sa kasisigaw niya, kung kaya’t inutusan niya ang espiritu na lumabas sa kaniya.)
Maaari bang magkatawang-tao ang balakyot na mga espiritu?
Noong mga kaarawan ni Noe, may mga masuwaying anghel na nagkatawang-tao nga. Sila’y nagsipag-asawa pa nga, at nagkaroon ng supling. (Gen. 6:1-4) Nguni’t, nang dumating ang Baha, napilitan silang bumalik sa daigdig ng mga espiritu. Tungkol sa kanila ay sinasabi ng Judas 6: “Ang mga anghel na hindi nangag-ingat ng kanilang sariling dako kundi iniwan ang kanilang sariling wastong tirahan ay iniingatan niya sa mga gapos na walang hanggan sa pusikit na kadiliman hanggang sa paghuhukom sa dakilang araw.” Hindi lamang inalis sa kanila ng Diyos ang dati nilang mga pribilehiyo sa langit at itinapon sa pusikit na kadiliman kung tungkol sa mga layunin ni Jehova, kundi ang pagbanggit ng mga gapos ay nagpapahiwatig na sila’y sinugpo niya. Mula sa ano? Lumilitaw na ito’y mula sa pagkakatawang-tao upang huwag silang makasiping sa mga babae, tulad ng ginawa nila bago ang Baha. Iniuulat ng Bibliya na ang mga tapat na anghel, bilang mga mensahero, ay nagkatawang-tao sa pagganap ng kanilang mga tungkulin magpahanggang sa unang siglo, C.E. Nguni’t pagkatapos ng Baha, yaong mga anghel na umabuso sa kanilang mga pribilehiyo ay pinagkaitan ng kakayahang magkatawang-tao.
Gayumpaman, kapansinpansin na parang kaya ng mga demonyo na pangyarihing makakita ang mga tao ng mga pangitain, at ang nakikita nila ay maaaring magmukhang totoo. Nang tuksuhin ng Diyablo si Jesus, maliwanag na ginamit niya ang mga pamamaraang ito upang ipakita kay Jesus “ang lahat ng mga kaharian sa sanlibutan at ang kaluwalhatian nila.”—Mat. 4:8.
Papaano maaaring mapalaya ang isa buhat sa impluwensiya ng espiritismo?
Kaw. 18:10: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na moog. Tinatakbuhan ng matuwid at naliligtas.” (Hindi ito nangangahulugan na maaaring gamitin ang personal na pangalan ng Diyos bilang isang anting-anting upang salagin ang kasamaan. Ang “pangalan” ni Jehova ay kumakatawan sa kaniya mismo bilang Persona. Tayo ay binibigyan ng proteksiyon kung atin siyang nakikilala at tinitiwalaan, na nagpapasakop sa kaniyang awtoridad at sumusunod sa kaniyang mga utos. Kung ating gagawin ito, at tatawag sa kaniya ukol sa saklolo na ginagamit ang kaniyang personal na pangalan, ang proteksiyong ipinangako niya sa kaniyang Salita ay ipagkakaloob niya.)
Mat. 6:9-13: “Magsidalangin nga kayo ng ganito: ‘ . . . Huwag mo kaming ihatid sa tukso, kundi iligtas mo kami sa balakyot na isa.’ ” Dapat ding kayo’y “magmatiyagain sa pananalangin.” (Roma 12:12) (Dinidinig ng Diyos ang mga panalangin niyaong mga tunay na nagnanais na makaalam ng katotohanan at sumamba sa kaniya sa paraang nakalulugod sa kaniya.)
1 Cor. 10:21: “Kayo’y hindi maaaring makisalo sa ‘dulang ni Jehova’ at sa dulang ng mga demonyo.” (Yaong mga nagnanais na maging kaibigan ni Jehova at tumanggap ng kaniyang proteksiyon ay dapat pumutol sa anomang pakikibahagi sa mga pulong may kaugnayan sa espiritismo. Kaayon ng halimbawang nakaulat sa Gawa 19:19, mahalaga rin na sirain o itapon ang lahat ng mga pag-aari ng isa na may kaugnayan sa espiritismo.)
Sant. 4:7: “Pasakop nga kayo sa Diyos; datapuwa’t labanan ninyo ang Diyablo, at tatakas siya sa inyo.” (Upang magawa ito, magmasipag sa pag-aaral ng kalooban ng Diyos at pagkakapit nito sa inyong buhay. Taglay ang pag-ibig sa Diyos, na magpapatibay sa inyo laban sa pagkatakot sa tao, buong-higpit na tumanggi kayong makibahagi sa anomang kaugaliang may kaugnayan sa espiritismo o anomang ipinag-utos sa inyo ng isang espiritista.)
Magbihis ng “buong kagayakan ng Diyos” na inilalarawan sa Efeso 6:10-18 at masikap ninyong ingatan ang bawa’t bahagi nito na laging nasa mabuting kalagayan.