Pagpapagaling
Kahulugan: Ang pagdulot ng mabuting kalusugan sa isang tao na may sakit sa katawan, isipan o sa espiritu. Ang ilan sa mga Hebreong propeta bago ang panahong Kristiyano at pati na si Jesu-Kristo at ang ilang miyembro ng sinaunang kongregasyong Kristiyano ay pinagkalooban ng espiritu ng Diyos ng kakayahan na gumawa ng makahimalang pagpapagaling.
Ang makahimalang pagpapagaling ba na ginagawa sa ating kaarawan ay dahil sa espiritu ng Diyos?
Liban sa Diyos may iba pa bang maaaring pagmulan ng kakayahan na gumawa ng mga himala?
Sina Moises at Aaron ay humarap kay Paraon ng Ehipto upang hilingin na ang Israel ay payagang makapunta sa ilang upang sila ay makapaghandog ng mga hain kay Jehova. Bilang katibayan ng banal na pagtangkilik, inutusan ni Moises si Aaron na ihagis ang kaniyang tungkod at ito’y naging isang malaking ahas. Ang himalang yaon ay nagawa sa tulong ng kapangyarihan ng Diyos. Subali’t inihagis din ng mga saserdoteng salamangkero ng Ehipto ang kanilang mga tungkod at ang mga ito rin ay naging malalaking ahas. (Exo. 7:8-12) Kaninong kapangyarihan ang tumulong sa kanila upang makagawa ng himala?—Ihambing ang Deuteronomio 18:10-12.
Sa ika-20 siglong ito may mga pagpapagaling na ginaganap sa mga serbisyo na pinangangasiwaan ng mga klero ng Sangkakristiyanuhan. Sa gitna ng mga relihiyong di-Kristiyano ay may mga paring voodoo, mga mangkukulam, mga manggagamot, at iba pa na nagpapagaling; madalas silang gumamit ng salamangka at panggagaway. Ang ibang mga “psychic healer” ay nagsasabi na ang pagpapagaling nila ay walang kinalaman sa relihiyon. Sa lahat ng mga pagkakataong ito, ang kapangyarihan ba ng pagpapagaling ay nagmumula sa tunay na Diyos?
Mat. 24:24: “Magsisilitaw ang mga bulaang Kristo at bulaang propeta at mangagpapakita ng mga dakilang tanda [“mga himala,” TEV] at mga kababalaghan upang iligaw, kung maaari, maging ang mga pinili.”
Mat. 7:15-23: “Mangag-ingat kayo sa mga bulaang propeta . . . Marami ang magsasabi sa akin sa araw na yaon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi baga kami nagsipanghula sa iyong pangalan, at nagpalayas ng mga demonyo sa iyong pangalan, at gumawa ng maraming makapangyarihang mga gawa [“mga himala,” JB, NE, TEV] sa iyong pangalan?’ Gayon ma’y ipagtatapat ko sa kanila: Kailanma’y hindi ko kayo nangakilala! Magsilayas kayo, mga manggagawa ng katampalasanan.”
Ang nakapanggigilalas na mga pagpapagaling sa ating kaarawan ay ginaganap ba na katulad din niyaong makahimalang mga pagpapagaling ni Jesus at ng kaniyang unang mga alagad?
Bayad sa serbisyo: “Magpagaling kayo ng mga maysakit, bumuhay kayo ng mga patay, linisin ninyo ang mga ketongin, magpalayas kayo ng mga demonyo. Tinanggap ninyong walang bayad, ibigay din ninyong walang bayad.” (Mat. 10:8) (Ginagawa ba ito ng mga tagapagpagaling ngayon—nagbibigay nang walang bayad, gaya ng iniutos ni Jesus?)
Kung gaano katagumpay: “At pinagpipilitan ng buong karamihan na siya [si Jesus] ay mahipo, sapagka’t lumalabas sa kaniya ang mabisang kapangyarihan at pinagaling silang lahat.” (Luc. 6:19) “At maging sa mga lansangan ay kanilang inilabas ang mga maysakit at kanilang inihiga sila sa mga papag at maliliit na higaan, upang sa pagdaan ni Pedro, ay maliliman man lamang ng kaniyang anino ang ilan sa kanila. At nangagkatipon ding samasama ang mga karamihan mula sa mga lunsod sa palibot ng Jerusalem, dala-dala ang kanilang mga maysakit at yaong mga inaalihan ng maruruming espiritu, at bawa’t isa sa kanila ay napagaling.” (Gawa 5:15, 16) (Sa ating kaarawan, lahat ba ng lumalapit sa mga relihiyosong manggagamot o sa relihiyosong mga dambana sa paghahangad na gumaling ay aktuwal ngang gumagaling?)
Ang paraan ba ng pamumuhay ng mga miyembro ng mga organisasyon na kinaaniban ng mga “tagapagpagaling” ay nagbibigay-patotoo na taglay nila ang espiritu ng Diyos?
Bilang isang grupo sila ba’y namumukod-tangi sa pagpapamalas ng mga bunga ng espiritu na gaya ng pag-ibig, pagpapahinuhod, kahinahunan at pagpipigil-sa-sarili?—Gal. 5:22, 23.
Sila ba’y tunay na “hindi bahagi ng sanlibutan,” na tinatanggihan ang anomang pagkakasangkot sa makapolitikang mga gawain ng sanlibutan? Nananatili ba silang walang-sala sa dugo sa panahon ng digmaan? Sila ba’y may mabuting reputasyon dahil sa pag-iwas sa mahalay na paggawi ng sanlibutan?—Juan 17:16; Isa. 2:4; 1 Tes. 4:3-8.
Ang mga tunay na Kristiyano ba sa ngayon ay makikilala sa pamamagitan ng kakayahang magsagawa ng makahimalang pagpapagaling?
Juan 13:35: “Sa ganito’y makikilala ng lahat ng mga tao na kayo’y aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t-isa.” (Ito ang sinabi ni Jesus. Kung talagang naniniwala tayo sa kaniya, hahanapin natin ang pag-ibig, hindi ang makahimalang pagpapagaling, bilang katibayan ng tunay na pagka-Kristiyano.)
Gawa 1:8: “Tatanggap kayo ng kapangyarihan kapag ang banal na espiritu ay bumaba sa inyo, at kayo’y magiging mga saksi ko . . . hanggang sa kaduluduluhang bahagi ng lupa.” (Nang iiwan na niya ang kaniyang mga apostol upang magbalik sa langit, sinabi sa kanila ni Jesus na ito, hindi ang pagpapagaling, ang mahalagang gawain na dapat nilang gampanan. Tingnan din ang Mateo 24:14; 28:19, 20.)
1 Cor. 12:28-30: “At inilagay ng Diyos ang bawa’t isa sa kongregasyon, unang-una’y, mga apostol; pangalawa’y, mga propeta; pangatlo’y, mga guro; pagkatapos ay makapangyarihang mga gawa; pagkatapos ay mga kaloob ng pagpapagaling; mga tulong na paglilingkod, mga kakayahang mamahala, iba’t-ibang wika. Hindi lahat ay mga apostol, hindi ba? Hindi lahat ay mga propeta, hindi ba? Hindi lahat ay mga guro, hindi ba? Hindi lahat ay gumagawa ng mga himala, hindi ba? Hindi lahat ay may mga kaloob ng pagpapagaling, hindi ba?” (Kaya, maliwanag na ipinakikita ng Bibliya na hindi lahat ng tunay na Kristiyano ay magkakamit ng kaloob na pagpapagaling.)
Hindi ba ipinakikita ng Marcos 16:17, 18 na ang kakayahang magpagaling ng maysakit ay isang tanda na magpapakilala sa mga mananampalataya?
Mar. 16:17, 18; KJ: “Ang mga tandang ito’y lalakip sa mga nagsisisampalataya; Sa pangalan ko’y magpapalayas sila ng mga demonyo; magsisipagsalita sila ng mga bagong wika; magsisihawak sila ng mga ahas; at kung sakali mang makainom sila ng nakalalason, ito’y hindi tatalab sa kanila; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa mga maysakit, at ang mga ito’y magsisigaling.”
Ang mga tekstong ito ay lumilitaw sa ilang manuskrito ng Bibliya na isinalin noong ikalima at ikaanim na dantaon C.E. Subali’t ang mga ito’y hindi lumilitaw sa mas matatandang manuskritong Griyego, ang Sinaiticus at Vatican MS. 1209 noong ikaapat na siglo. Sinabi ni Dr. B. F. Westcott, isang autoridad sa mga manuskrito ng Bibliya, na “ang mga talata . . . ay hindi bahagi ng orihinal na salaysay, kundi pawang mga dagdag.” (An Introduction to the Study of the Gospels, Londres, 1881, p. 338) Ang tagapagsalin ng Bibliya na si Jerome, noong ikalimang siglo, ay nagsabi na “halos lahat ng Griyegong kodiko [ay] hindi nagtataglay ng mga talatang ito.” (The Last Twelve Verses of the Gospel According to S. Mark, Londres, 1871, J. W. Burgon, p. 53) Sinasabi ng New Catholic Encyclopedia (1967): “Ang bokabularyo at estilo nito ay lubhang naiiba sa kalakhang bahagi ng Ebanghelyo anupa’t waring imposible na si Marcos mismo ang sumulat nito [alalaong baga’y, ang mga Mar 16 talatang 9-20].” (Tomo IX, p. 240) Walang ulat na ang mga sinaunang Kristiyano ay uminom ng lason o nagsihawak ng mga ahas para patunayan lamang na sila’y mga mananampalataya.
Bakit ibinigay sa unang-siglong mga Kristiyano ang mga kaloob na gaya ng makahimalang pagpapagaling?
Heb. 2:3, 4: “Papaano nga tayo makatatakas kung pababayaan natin ang ganito kadakilang kaligtasan na pinasimulang ipakipag-usap ng ating Panginoon at pinatunayan sa atin niyaong mga nakarinig sa kaniya, at ang Diyos ay nakiisa din sa pagpapatotoo sa pamamagitan ng mga tanda at kababalaghan at iba’t-ibang makapangyarihang mga gawa at ng pamamahagi ng banal na espiritu ayon sa kaniyang kalooban?” (Narito, kung gayon, ang kapanipaniwalang katibayan na ang kongregasyong Kristiyano, na noo’y bagong-bago pa, ay tunay ngang sa Diyos. Subali’t minsang ito’y lubusan nang mapatunayan, kakailanganin pa bang muli’t-muli itong patotohanan?)
1 Cor. 12:29, 30; 13:8, 13: “Hindi lahat ay mga propeta, hindi ba? . . . Hindi lahat ay may mga kaloob ng pagpapagaling, hindi ba? Hindi lahat ay nakapagsasalita ng mga wika, hindi ba? . . . Ang pag-ibig ay hindi nagkukulang kailanman. Nguni’t maging ang mga kaloob ng panghuhula, ay mangawawala; maging ang mga wika, ay titigil . . . Datapuwa’t ngayo’y nananatili ang tatlong ito: ang pananampalataya, ang pagasa at ang pag-ibig; subali’t ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.” (Kapag natupad na ang kanilang layunin, ay titigil na ang makahimalang mga kaloob na yaon. Subali’t ang mahahalagang mga katangian na siyang bunga ng espiritu ng Diyos ay masasalamin pa rin sa buhay ng tunay na mga Kristiyano.)
Kung talagang napagaling ang isa, mahalaga pa ba kung papaano ito nangyari?
2 Tes. 2:9, 10: “Ang pagkanaririto ng tampalasan ay ayon sa paggawa ni Satanas kalakip ang bawa’t makapangyarihang gawa [“bawa’t uri ng himala,” JB] at kahangahangang mga kasinungalingan at tanda at kalakip ang bawa’t mapandayang kalikuan para sa mga nauukol sa kapahamakan, bilang isang ganti sapagka’t hindi nila tinanggap ang pag-ibig sa katotohanan upang sila’y mangaligtas.”
Luc. 9:24, 25: “Ang sinomang mag-ibig na iligtas ang kaniyang kaluluwa [“buhay,” RS, JB, TEV] ay mawawalan nito; datapuwa’t ang sinomang mawalan ng kaniyang kaluluwa dahil sa akin ang magliligtas nito. Ano nga ang pakikinabangin ng isang tao kung makamit man niya ang buong sanlibutan kung maiwawala naman niya ang kaniyang sarili o kaya’y dumanas ng kapahamakan?”
Anong pag-asa mayroon ukol sa tunay na pagpapagaling mula sa lahat ng karamdaman?
Apoc. 21:1-4: “Nakita ko ang isang bagong langit at isang bagong lupa; sapagka’t ang dating langit at ang dating lupa ay lumipas na . . . ‘At papahirin niya [ng Diyos] ang bawa’t luha sa kanilang mga mata, at mawawala na ang kamatayan, pati na ang dalamhati at ang panambitan at ang hirap. Ang mga dating bagay ay lumipas na.’ ”
Isa. 25:8: “Sasakmalin niya ang kamatayan magpakailanman, at papahirin ng Soberanong Panginoong Jehova ang luha mula sa lahat ng mga mukha.” (Ganoon din ang Apocalipsis 22:1, 2)
Isa. 33:24: “Walang mamamayan na magsasabi: ‘Ako’y may sakit.’ ”
Kung May Magsasabi—
‘Sumasampalataya ba kayo sa pagpapagaling?’
Maaari kayong sumagot: ‘Sinomang hindi naniniwala na ang Diyos ay may kapangyarihang magpagaling ay hindi naniniwala sa Bibliya. Subali’t tama nga kaya ang paraan ng pagpapagaling na ginagawa ng mga tao sa ngayon?’ Pagkatapos ay maaaring idagdag: (1) ‘Ipahintulot ninyong basahin ko ang isang kasulatan, at tingnan ninyo kung may mapapansin kayo na naiiba sa ating kaarawan. (Mat. 10:7, 8) . . . Napansin din ba ninyo rito ang sinabi ni Jesus na gagawin ng kaniyang mga alagad subali’t hindi pa kailanman nagagawa ng mga tagapagpagaling sa ngayon? (Hindi nila kayang buhayin ang mga patay.)’ (2) ‘Hindi tayo hukom ng ibang mga tao, subali’t kapansinpansin na sinabi ng Mateo 24:24 ang isang bagay na dapat nating pag-ingatan.’
O maaari ninyong sabihin: ‘Tiyak pong naniniwala ako na totoo ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagpapagaling. Subali’t ang alinmang pagpapagaling na nagagawa sa kasalukuyang sistemang ito ay nagdudulot lamang ng pansamantalang mga pakinabang, hindi po ba? Sa kalaunan tayong lahat ay mamamatay. Darating kaya ang panahon na lahat ng nabubuhay ay magtatamasa ng mabuting kalusugan at hindi na nila kakailanganing mamatay? (Apoc. 21:3, 4)’