Kabanata 5
Hinduismo—Paghahanap ng Kalayaan
“Sa lipunang Hindu, ang relihiyosong kaugalian ay, maagang-maaga pa, maliligo na sa kalapit na ilog o sa bahay kung walang malapit na ilog o batis. Naniniwala sila na ito’y nagpapabanal. At, kahit hindi pa kumakain, nagtutungo agad sila sa lokal na templo upang maghandog ng mga bulaklak o pagkain sa lokal na diyos. May mga naghuhugas sa idolo at nagpapahid dito ng pulbos na pula o dilaw.
“Halos bawat bahay ay may dako o silid ng pagsamba sa paboritong diyos ng pamilya. Si Ganesa, ang elepanteng diyos, ay tanyag sa maraming lugar. Nag-uukol ang mga tao ng pantanging panalangin sa kaniya para sa mabuting kapalaran, palibhasa kilala siya bilang taga-alis ng mga balakid. Sa ibang dako ang pangunahing sinasamba ay sina Krishna, Rama, Siva, Durga, o iba pang diyos.”—Tara C., Kathmandu, Nepal.
1. (a) Ilarawan ang ilang kaugaliang Hindu. (b) Ano ang ilang pagkakaiba ng pangmalas ng Hindu at ng Kanluran?
ANO ang Hinduismo? Ito ba ang itinuturing ng Kanluran na napakapayak na paraan ng pagsamba sa mga hayop, paliligo sa Ganges, at pagkakabahagi sa iba’t-ibang antas ng lipunan (caste)? O may higit pa sa rito? Ang sagot: May higit pa. Ang Hinduismo ay naiibang paraan ng pag-unawa sa buhay, na taliwas-na-taliwas sa mga simulain ng Kanluran. Para sa taga-Kanluran ang buhay ay isang sunudsunod na hanay ng mga pangyayari sa kasaysayan. Sa mga Hindu ang buhay ay isang siklo na umuulit-sa-sarili at dito’y walang gaanong halaga ang kasaysayan ng tao.
2, 3. (a) Bakit mahirap ipaliwanag ang Hinduismo? (b) Papaano ipinaliliwanag ng isang manunulat na taga-Indiya ang Hinduismo at politeyismo?
2 Mahirap bigyang-katuturan ang Hinduismo, yamang wala itong tiyak na kredo, herarkiya ng mga saserdote, o ahensiyang umuugit. Subalit, mayroon itong mga swami (tagapagturo) at mga guru (espirituwal na tagaakay). Ang malawak na kahulugan na ibinibigay ng isang aklat-kasaysayan ay na ito’y “kabuuan ng masalimuot na mga paniwala at turo na lumitaw mula nang isulat ang sinauna (at pinaka-sagrado) nilang kasulatan, ang mga Veda, hanggang sa ngayon.” Nagsasaad pa ang isa: “Masasabi na ang Hinduismo ay panghahawakan o pagsamba sa mga diyos na sina Vishnu, o Shiva [Siva], o sa diyosang si Shakti, o sa kanilang pagkakatawang-tao, anyo, kabiyak, o supling.” Kalakip dito ang mga kulto nina Rama at Krishna (pagkakatawang-tao ni Vishnu), Durga, Skanda, at Ganesa (asawa at mga anak na lalaki ni Siva). Di-umano ang Hinduismo ay may 330 milyong diyos, gayunman ang Hinduismo ay hindi raw politeyistiko. Paano nagkaganoon?
3 Nagpapaliwanag ang manunulat na taga-Indiya na si A. Parthasarathy: “Ang mga Hindu ay hindi politeyistiko. Ang Hinduismo ay bumabanggit ng isang Diyos . . . Ang sarisaring diyos at diyosa sa pantheon ng Hinduismo ay pawang kumakatawan sa mga kapangyarihan at tungkulin ng iisang kataastaasang Diyos sa nakikitang daigdig.”
4. Ano ang saklaw ng terminong “Hinduismo”?
4 Ang pananampalataya nila ay malimit tukuyin ng mga Hindu na sanatana dharma, nangangahulugang walang-hanggang batas o kaayusan. Ang Hinduismoa ay talagang isang malawak na kataga na naglalarawan sa kalipunan ng mga relihiyon at sekta (sampradaya) na nabuo at lumago sa nakalipas na mga milenyo na saklaw ng masalimuot na sinaunang mitolohiyang Hindu. Napakahirap intindihin nito kung kaya nasabi ng New Larousse Encyclopedia of Mythology: “Ang mitolohiya ng Indiya ay isang masalimuot na kagubatan ng malalagong halaman. Sa loob ay naglalaho ang liwanag ng araw at lahat ay lubusang naliligaw.” Gayunman, sasaklawin ng kabanatang ito ang ilan sa mga katangian at turo ng Hinduismo.
Sinaunang mga Ugat ng Hinduismo
5. Gaano kalaganap ang Hinduismo?
5 Bagaman ang Hinduismo ay hindi kasing-laganap ng ibang pangunahing relihiyon, umangkin ito ng tapat na pagsunod ng halos 700 milyon noong 1990, o 1 sa bawat 8 (13%) ng mga tao sa daigdig. Subalit, karamihan ay nasa Indiya. Kaya matuwid lamang na itanong, Papaano at bakit napisan sa Indiya ang Hinduismo?
6, 7. (a) Ayon sa ilang mananalaysay, papaano nakarating sa Indiya ang Hinduismo? (b) Papaano inihaharap ng Hinduismo ang alamat ng baha? (c) Ayon sa arkeologong si Marshall, anong relihiyon ang isinagawa sa Libis ng Indus noong wala pang mga Aryano?
6 Sinasabi ng ilang mananalaysay na ang Hinduismo ay nag-ugat mahigit na 3,500 taon na ngayon dahil sa pandarayuhan ng mapupusyaw-ang-balat na lahing Aryano mula sa hilagang kanluran tungo sa Libis ng Indus, na ngayo’y nasa Pakistan at Indiya. Mula roo’y nangalat sila sa mga kapatagan ng Ilog Ganges at patawid sa Indiya. Ayon sa mga eksperto ang relihiyosong paniwala ng mga dayuhan ay salig sa mga sinaunang turo ng Iran at Babilonya. Ang isang karaniwang hibla ng maraming kultura na masusumpungan din sa Hinduismo ay ang alamat ng baha.—Tingnan ang kahon, pahina 120.
7 Subalit anong anyo ng relihiyon ang isinagawa sa Libis ng Indus bago dumating ang mga Aryano? Isang arkeologo, si Sir John Marshall, ay bumabanggit ng “ ‘Dakilang Inang Diyosa’, na malimit ilarawan bilang babaeng nagdadalang-tao, at karamihan ay mga larawan ng babaeng hubad na may malapad na kulyar at korona. . . . Isa pa ay ang ‘Lalaking Diyos’, ‘agad nakikilala bilang pinagmulan ng makasaysayang si Siva’, na nakaupong magkadikit ang mga talampakan (isang puwesto ng yoga), hugis sangkap ng lalaki (na nagpapaalaala sa kulto ng lingam [phallus]), napaliligiran ng mga hayop (na naglalarawan sa titulo ni Shiva, ‘Panginoon ng mga Hayop’). Nagkalat ang mga batong larawan ng sangkap ng lalaki at babae, . . . na tumutukoy sa kulto ng lingam at yoni ni Shiva at ng kaniyang esposo.” (World Religions—From Ancient History to the Present) Hanggang sa ngayon si Siva ang itinuturing na diyos ng pag-aanak, diyos ng sangkap ng lalaki, o lingam. Ang torong si Nandi ang maydala sa kaniya.
8, 9. (a) Papaano sinasalungat ng isang iskolar na Hindu ang teoriya ni Marshall? (b) Ano ang mga salungatang pag-aangkin hinggil sa mga bagay na sinasamba ng Hinduismo at “Kristiyanismo”? (c) Ano ang saligan ng mga banal na kasulatan ng Hinduismo?
8 Hindi sang-ayon sa interpretasyon ni Marshall ang Hindung iskolar na si Swami Sankarananda, at nagsabing sa pasimula ang mga batong sinasamba, na ang ila’y tinatawag na Sivalinga, ay mga simbolo ng “apoy sa langit o ang araw, at ng apoy ng araw o ang mga sinag.” (The Rigvedic Culture of the Pre-Historic Indus) Sinabi niya na ang “kulto sa sekso . . . ay hindi nagsimula bilang relihiyosong kulto. Sa halip, ito ang resulta. Pinasamâ nito ang orihinal. Ang uliran ay ibinabâ ng mga tao sa sarili nilang pamantayan, pagkat hindi nila ito maunawaan.” Bilang sagot sa pamumuna ng Kanluran sa Hinduismo, sinabi niya na, salig sa pagsamba ng Kristiyano sa krus, paganong sagisag ng sangkap ng lalaki, “mga Kristiyano . . . ang talagang nagtataguyod ng kulto sa sekso.”
9 Sa paglipas ng panahon ay napasulat ang mga paniwala, alamat at mitolohiya ng Indiya na bumubuo sa ngayon ng banal na mga kasulatan ng Hinduismo. Bagaman napakalawak ang mga sagradong katha, hindi ito naghaharap ng nagkakaisang doktrina.
Mga Banal na Kasulatan ng Hinduismo
10. Ano ang ilan sa pinakamatatandang kasulatan ng Hinduismo?
10 Ang pinakamatandang kasulatan ay ang mga Veda, isang kalipunan ng mga panalangin at himno na kilala bilang Rig-Veda, Sama-Veda, Yajur-Veda, at Atharva-Veda. Isinulat ito sa loob ng maraming dantaon at nabuo noong mga 900 B.C.E. Nang maglaon napadagdag sa Veda ang iba pang kasulatan, pati na ang mga Brahmana at Upanishad.
11. (a) Ano ang pagkakaiba ng mga Brahmana at ng mga Upanishad? (b) Aling mga doktrina ang ipinapahayag sa Upanishad?
11 Tinitiyak ng mga Brahmana kung papaano gagawin ang mga rituwal at hain, kapuwa sa tahanan at sa madla, at detalyado ang ulat ng malalim na kahulugan ng mga ito. Napasulat ang mga ito noong 300 B.C.E. o pagkatapos nito. Ang mga Uphanisad (sa literal ay, “pag-upo sa tabi ng guro”), kilala rin bilang Vedanta at isinulat noong 600-300 B.C.E., ay mga sanaysay tungkol sa sanhi ng bawat pag-iisip at kilos, ayon sa pilosopiyang Hindu. Ipinaliwanag sa mga kasulatang ito ang mga doktrina ng samsara (pagpapalipatlipat ng kaluluwa) at Karma (paniwala na ang ginawa sa nakaraang buhay ay sanhi ng kalagayan sa kasalukuyang buhay).
12. Sino si Rama, at saan makikita ang kaniyang kasaysayan?
12 Isa pang grupo ng kasulatan ay ang mga Purana, o mahahabang talinghaga na naglalaman ng maraming alamat tungkol sa mga diyos at diyosa at ng mga bayaning Hindu. Ang malawak na aklatang-Hindu ay may mga alamat din ng Ramayana at Mahabharata. Ang nauna ay kuwento ni “Panginoong Rama . . . pinakamaluwalhating tauhan sa sagradong babasahin,” ayon kay A. Parthasarathy. Ang Ramayana ay isa sa pinakatanyag na kasulatang Hindu mula sa ikaapat na siglo B.C.E. Ito’y kuwento tungkol sa bayaning si Rama, o Ramachandra, na sa mga Hindu ay ulirang anak, kapatid, at asawa. Siya ang itinuturing na ikapitong avatar (pagkakatawang-tao) ni Vishnu, at ang pangalan niya ay malimit gamitin bilang pagbati.
13, 14. (a) Ayon sa isang pinagmulang Hindu, ano ang Bhagavad Gita? (b) Ano ang kahulugan ng Sruti at Smriti, at ano ang Manu Smriti?
13 Ayon kay Bhaktivedanta Swami Prabhupāda, maytatag ng International Society for Krishna Consciousness, ang “Bhagavad-gītā [bahagi ng Mahabharata] ang kataastaasang tagubilin ng paggawi. Ang mga tagubilin ng Bhagavad-gītā ay bumubuo ng kataastaasang pamamaraan ng relihiyon at paggawi. . . . Ang huling tagubilin ng Gītā ang siyang pinakabuod ng lahat ng paggawi at pagsamba: magpasakop kay Kṛṣṇa [Krishna].”—BG.
14 Ang Bhagavad Gita (Makalangit na Awit), itinuturing na “hiyas ng espirituwal na karunungan ng Indiya,” ay usapang pandigma “sa pagitan ng Panginoong Śrī Kṛṣṇa [Krishna], Kataastaasang Personalidad ng pagka-Diyos, at ni Arjuna, matalik Niyang kaibigan at mananamba na tinuruan Niya ng siyensiya ng pagkilala sa sarili.” Gayunman, ang Bhagavad Gita ay bahagi lamang ng malawak na sagradong aklatang-Hindu. Ang ilan sa mga kasulatan (mga Veda, Brahmana, at Upanishad) ay itinuring na Sruti, o “narinig,” at sa gayo’y dapat ituring na banal na kasulatang inihayag nang tuwiran. Ang iba naman, gaya ng mga alamat at mga Purana, ay Smriti, o “naalaala,” sa gayo’y kinatha ng mga tao, bagaman galing sa banal na kapahayagan. Ang isang halimbawa nito ay ang Manu Smriti, na naghaharap ng relihiyoso at sosyal na kautusang Hindu, bukod pa sa pagpapaliwanag sa saligan ng caste system. Ano ang ilan sa mga paniwala na lumitaw mula sa mga kasulatang ito?
Mga Turo at Paggawi—Ahimsa at Varna
15. (a) Ipaliwanag ang ahimsa at kung papaano ito ikinakapit ng mga Jain. (b) Papaano minalas ni Gandhi ang ahimsa? (c) Papaano naiiba ang mga Sikh sa mga Hindu at Jain?
15 Sa Hinduismo, gaya sa ibang relihiyon, may mga saligang paniwala na umuugit sa pag-iisip at araw-araw na paggawi. Isa na namumukod-tangi ay ang ahimsa (Sanskrit, ahinsa), o pagiging di-marahas, na nagpatanyag kay Mohandas Gandhi (1869-1948) kilala bilang Mahatma. (Tingnan ang kahon, pahina 113.) Salig sa pilosopiyang ito, ang mga Hindu ay hindi dapat pumatay o maging marahas sa alinmang nilikha, na siyang dahilan ng pagsamba nila sa ilang hayop, gaya ng mga baka, ahas, at unggoy. Ang pinakamahigpit na tagapagtaguyod ng ahimsa at paggalang sa buhay ay ang mga alagad ng Jainismo (itinatag noong ika-6 na siglo B.C.E.,), na laging nakapaa at naka-maskara upang kahit di-sinasadya ay huwag makalunok ng anomang insekto. (Tingnan ang kahon, pahina 104, at larawan, pahina 108.) Kabaligtaran nito, ang mga Sikh ay kilala sa pakikidigma, at ang Singh, karaniwan nilang apelyido, ay nangangahulugan ng leon.—Tingnan ang kahon, pahina 100-101.
16. (a) Papaano minamalas ng karamihan ng Hindu ang caste system? (b) Ano ang sinabi ni Gandhi tungkol sa caste system?
16 Isang katangian ng Hinduismo na kilala saanman ay ang varna, o caste system, na humahati sa lipunan sa mahihigpit na antas. (Tingnan ang kahon, pahina 113.) Kapansinpansin na ang lipunang Hindu ay nababahagi pa rin ng sistemang ito, bagaman tinatanggihan ito ng mga Budhista at mga Jain. Subalit, kung papaano nananaig ang pagtatangi ng lahi sa Estados Unidos at saanman, ang caste system ay nag-uugat din nang malalim sa isipan ng Indiya. Ito’y anyo ng pagtatangi na, sa kahawig na paraan, ay umiiral pa rin ngayon sa mas magaang na antas sa lipunang Ingles at sa iba pang lupain. (Santiago 2:1-9.) Kaya, sa Indiya ang isa ay isinisilang sa mahigpit na caste system, at halos hindi na ito maiiwasan. Bukod dito, ang karaniwang Hindu ay hindi na nagsisikap umiwas. Itinuturing niya ito na tadhana, di mababagong kapalaran sa buhay, dulot ng kaniyang paggawi sa nakaraang pag-iral, o Karma. Subalit papaano nagsimula ang caste system? Muli ay dapat tayong bumaling sa mitolohiyang Hindu.
17, 18. Ayon sa mitolohiyang Hindu, papaano nagsimula ang caste system?
17 Ayon sa mitolohiyang Hindu, sa pasimula’y may apat na pangunahing caste na nakasalig sa mga bahagi ng katawan ni Purusha, orihinal na ama ng tao. Sinasabi ng mga himno ng Rig-Veda:
“Nang hatiin nila si Purusha, ilang bahagi ang ginawa nila?
Ano ang tawag nila sa kaniyang bibig, braso? Ano ang tawag sa kaniyang mga hita’t paa?
Ang bibig niya’y ang Brahman [pinakamataas na caste], ang Rajanya’y yari sa dalawang bisig niya.
Ang mga hita niya’y naging Vaisya, mula sa mga paa niya’y nalikha ang Sudra.”—The Bible of the World.
18 Kaya, ang maka-saserdoteng mga Brahman, ang pinakamataas na caste, ay mula di-umano sa pinakamataas na bahagi ni Purusha, ang bibig. Ang namumuno, o mandirigmang uri (Ksatriya o Rajanya) ay mula sa kaniyang mga braso. Ang Vaisya, o Vaishya, uring mangangalakal at magsasaka, ay galing sa kaniyang mga hita. Ang mas mababang caste, ang Sudra, o Shudra, uring manggagawa, ay mula sa pinakamababang bahagi ng kaniyang katawan, ang mga paa.
19. Ano pang ibang caste ang nagsimulang lumitaw?
19 Sa paglipas ng mga dantaon lumitaw ang mas mababa pang mga anyo ng caste, ang mga itinakwil o Untouchables, o sa mas mabait na tawag ni Mahatma Gandhi, mga Harijan, o “mga taong pag-aari ni Vishnu.” Bagaman ang pagtatakwil ay ipinagbawal sa Indiya mula noong 1948, ang mga Untouchables ay hirap-na-hirap pa rin sa buhay.
20. Ano pa ang ibang katangian ng caste system?
20 Sa katagalan, ang mga caste ay halos naging kasindami ng mga propesyon at sining sa lipunan ng Indiya. Ang matandang sistemang ito, na nagtatakda ng katayuan ng bawat isa sa lipunan, ay maka-lahi rin at “sumasaklaw sa namumukod na mga uri mula sa [maputing] Aryano hanggang sa [morenong] angkan na pre-Dravidian. Ang Varna, o caste, ay nangangahulugang “kulay.” Ang unang tatlong caste ay ang mga Aryano, pinaka-maputi sa lahat; ang ikaapat na caste, na binubuo ng mga morenong katutubo, ay di-Aryano. (Myths and Legends Series—India, ni Donald A. Mackenzie) Ang masaklap na katotohanan ng buhay sa Indiya ay na, dahil sa caste system, na pinalakas ng relihiyosong turo ng Karma, milyunmilyon ang nasadlak sa habang-buhay na karalitaan at kawalang-katarungan.
Ang Nakasisiphayong Siklo ng Pag-iral
21. Ayon sa Garuda Purana, ano ang epekto ng Karma sa tadhana ng isang tao?
21 Isa pang saligang paniwala na nakaapekto sa moral at paggawing Hindu, at isa sa pinakamahalaga, ay ang turo ng Karma. Ito ay ang prinsipyo na bawat kilos ay may resulta, positibo o negatibo; itinatakda nito ang bawat pag-iral ng kaluluwang nagpalipatlipat o nagkatawang-tao. Nagpaliwanag ang Garuda Purana:
“Tao ang lumilikha ng sarili niyang tadhana, at sa bahay-bata pa lamang ay apektado na siya ng mga ginawa niya sa nakaraang buhay. Siya man ay nasa liblib na kabundukan o nahihimbing sa pusod ng dagat, kandong ng kaniyang ina o nakataas sa ibabaw ng ulo nito, hindi maiiwasan ng tao ang mga epekto ng dati niyang mga gawa. . . . Anoman ang mangyari sa tao sa takdang gulang o panahon ay tiyak na darating sa kaniya sa petsang yaon.”
Nagpapatuloy ang Garuda Purana:
“Ang kaalaman na nakamit ng tao sa nakaraang pagsilang, kayamanan na ipinagkawanggawa sa dating pag-iral, at mga gawa sa nakaraang pagkakatawang-tao, ay nauuna sa kaniyang kaluluwa sa paglalakbay.”
22. (a) Ano ang pagkakaiba ng Hinduismo at ng Sangkakristiyanuhan tungkol sa hantungan ng kaluluwa pagkatapos ng kamatayan? (b) Ano ang turo ng Bibliya hinggil sa kaluluwa?
22 Saan nasasalig ang paniwalang ito? Ang di-namamatay na kaluluwa ay mahalaga sa turo ng Karma, at Karma ang sanhi ng pagkakaiba ng paniwalang Hindu at ng Sangkakristiyanuhan hinggil sa kaluluwa. Naniniwala ang Hindu na bawat personal na kaluluwa, ang jīva o prān,b ay dumadaan sa maraming pagkakatawang-tao at posibleng sa “impiyerno.” Dapat nitong sikapin na makaisa ng “Sukdulang Katotohanan,” na tinatawag ding Brahman, o Brahm (hindi dapat ipagkamali sa diyos-Hindu na si Brahma). Sa kabilang dako, sa mga doktrina ng Sangkakristiyanuhan ang kaluluwa ay makapipili ng langit, impiyerno, purgatoryo, o Limbo, depende sa relihiyon ng isa.—Eclesiastes 9:5, 6, 10; Awit 146:4.
23. Ano ang epekto ng Karma sa pangmalas ng Hindu sa buhay? (Ihambing ang Galacia 6:7-10.)
23 Bunga ng Karma, ang mga Hindu ay naniniwala sa tadhana. Naniniwala sila na ang kasalukuyan nilang katayuan at kalagayan ay bunga ng dating pag-iral at sa gayo’y nararapat lamang, ito man ay mabuti o masama. Maaaring sikapin ng Hindu na makagawa ng mas mabuting ulat upang ang susunod niyang pag-iral ay maging mas kasiyasiya. Di gaya ng taga-Kanluran, agad niyang natatanggap ang kapalaran sa buhay. Lahat ay nakikita ng Hindu bilang resulta ng batas ng sanhi at kinalabasan kaugnay ng nauna niyang pag-iral. Pag-aani ito ng inihasik sa di-umano’y dating pamumuhay. Oo, lahat ay salig sa palagay na ang tao ay may kaluluwang di-namamatay na lumilipat sa kabilang buhay, bilang tao, hayop, o gulay.
24. Ano ang moksha, at ayon sa isang Hindu papaano nakakamit ito?
24 Kaya, ano ang sukdulang mithiin sa pananampalatayang Hindu? Ang pagkakamit ng moksha, nangangahulugang paglaya, o pagkawala, sa nakaiinip na siklo ng mga muling-pagsilang at sarisaring pag-iral. Kaya, pagtakas ito mula sa pag-iral sa laman, hindi para sa katawan, kundi para sa “kaluluwa.” “Sa katunayan, yamang ang paglaya sa mahabang serye ng pagkakatawang-tao, o moksha, ang tunguhin ng bawat Hindu, ang pinakamahalagang pangyayari sa buhay ay ang kamatayan,” sabi ng isang komentarista. Ang moksha ay makakamit sa pamamagitan ng pagtalima sa iba’t-ibang marga, o pamamaraan. (Tingnan ang kahon, pahina 110.) Oh, napakalaking bahagi ng relihiyosong aral na ito ang ibinatay sa sinaunang Babilonikong paniwala sa kawalang-kamatayan ng kaluluwa!
25. Papaano naiiba ang pangmalas ng Hindu at ng Bibliya sa buhay?
25 Gayunman, ayon sa Bibliya, ang ganitong pagkamuhi at pagkainis sa materyal na buhay ay salungat-na-salungat sa orihinal na layunin ng Diyos na Jehova para sa tao. Nang lalangin niya ang unang mag-asawa, inatasan niya sila ng isang maligaya, nakagagalak na makalupang pag-iral. Sinasabi ng ulat ng Bibliya:
“At sinimulang lalangin ng Diyos ang tao ayon sa kaniyang larawan, sa larawan ng Diyos nilalang siya; lalaki at babae ay nilalang niya sila. Bukod dito, pinagpala sila ng Diyos at sinabi sa kanila ng Diyos: ‘Magpalaanakin kayo at magpakarami at kalatan ninyo ang lupa at supilin ito, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa lumilipad na mga nilikha sa himpapawid at sa bawat nabubuhay na nilikha na umuusad sa ibabaw ng lupa.’ . . . Pagkatapos ay nakita ng Diyos ang lahat ng kaniyang ginawa at, narito! napakabuti.” (Genesis 1:27-31)
Inihuhula ng Bibliya ang isang napipintong panahon ng kapayapaan at katarungan para sa lupa, na doon ang bawat pamilya ay magkakaroon ng sariling disenteng tahanan, at ang magiging walang-hanggang pagpapala sa tao ay ang sakdal na kalusugan at buhay.—Isaias 65:17-25; 2 Pedro 3:13; Apocalipsis 21:1-4.
26. Anong tanong ang nangangailangan ngayon ng sagot?
26 Ang susunod na sasagutin ay, Sino ang mga diyos na dapat palugdan ng isang Hindu upang makamit ang mas mabuting Karma?
Ang Pantheon ng mga Diyos na Hindu
27, 28. (a) Aling mga diyos ang bumubuo ng Trimurti ng Hindu? (b) Sino ang kanikanilang asawa o konsorte? (c) Nganlan ang iba pang diyos at diyosang Hindu.
27 Bagaman sa Hinduismo ay may milyunmilyong diyos, iilang paborito lamang ang naging saligan ng sarisaring sekta nito. Tatlo sa pinaka-prominente ay kabilang sa tinatawag ng mga Hindu na Trimurti, isang trinidad, o tatluhang diyos.—Para sa iba pang mga diyos ng Hindu, tingnan ang kahon, pahina 116-17.
28 Ang trinidad ay binubuo nina Brahma na Maylikha, Vishnu na Tagapag-ingat, at Siva na Tagapuksa, at sila’y may kanikaniyang asawa o konsorte. Si Brahma ay kasal kay Saraswati, diyosa ng kaalaman. Si Lakshmi ang asawa ni Vishnu, samantalang ang unang asawa ni Siva ay si Sati, na nagpatiwakal. Siya ang unang babae na naghandog ng sarili sa apoy, kaya siya ang kaunaunahang suttee. Bilang pagsunod sa kaniyang maka-alamat na halimbawa, libulibong balong Hindu sa nakalipas na mga dantaon ang naghain ng sarili sa apoy na tumupok sa bangkay ng kanikanilang asawa, bagaman ang kaugaliang ito ay bawal na ngayon. Si Siva ay may isa pang asawa na may maraming pangalan at titulo. Sa kaniyang maamong anyo, siya’y si Parvati at Uma at saka si Gauri, ang Ginintuan. Bilang si Durga o Kali, siya’y isang diyosa na lubhang nakasisindak.
29. Papaano minamalas ng mga Hindu si Brahma? (Ihambing ang Gawa 17:22-31.)
29 Bagaman nangunguna sa mitolohiyang Hindu, si Brahma ay walang mahalagang dako sa pagsamba ng karaniwang Hindu. Sa katunayan kakaunti ang templo na inialay sa kaniya, bagaman siya’y tinatawag na Brahma na Maylikha. Gayunman, ang paglikha sa materyal na sansinukob ay iniuukol ng mitolohiyang Hindu sa isang sukdulang maykapal, sanhi, o diwa—Brahman, o Brahm, na ipinakikilala ng sagradong pantig na OM o AUM. Ang tatlong kasapi ng trinidad ay pawang itinuturing na bahagi ng “Maykapal,” at lahat ng iba pang diyos ay itinuturing na iba’t-ibang paglalarawan. Alinmang diyos ang sinasamba bilang kataastaasan, yaon ang itinuturing na sumasakop-sa-lahat. Kaya bagaman hayagang sumasamba ang Hindu sa milyunmilyong diyos, karamihan ay kumikilala sa iisa lamang tunay na Diyos, na may iba’t-ibang anyo: lalaki, babae, at maging hayop. Kaya, agad nangangatuwiran ang mga iskolar na Hindu na ang Hinduismo ay talagang monoteyistiko, hindi politeyistiko. Gayunman, nang maglaon, ang paniwala sa isang kataastaasang diyos ay itinakwil ng kaisipang Vediko at hinalinhan ito ng walang-personang banal na simulain o katotohanan.
30. Ano ang ilan sa mga avatar ni Vishnu?
30 Si Vishnu, mabait na diyos ng araw at kosmos, ay sentro ng pagsamba ng mga alagad ng Vaishnavismo. Lumilitaw siya sa ilalim ng sampung avatar, o pagkakatawang-tao, na naglalakip kina Rama, Krishna, at ang Budha.c Ang isa pang avatar ay si Vishnu Narayana, na “isinasagisag ng anyo ng tao na nahihimbing sa ibabaw ng nakapulupot na sawang si Shesha o Ananta, habang lumulutang sa kosmikong tubig kapiling ng asawa, ang diyosang si Lakshmi, na nakaupo sa paanan niya samantalang ang diyos na si Brahma ay umaahon mula sa isang lotus na tumutubo sa pusod ni Vishnu.”—The Encyclopedia of World Faiths.
31. Anong uri ng Diyos si Siva?
31 Si Siva, na tinatawag ding Mahesha (Kataastaasang Panginoon) at Mahadeva (Dakilang Diyos), ay pangalawang diyos sa kadakilaan sa Hinduismo, at ang pagsamba sa kaniya ay tinatawag na Saivismo. Inilalarawan siya bilang “dakilang asetiko, ang maestrong yogin na buhus-na-buhos sa pagbubulay sa mga dalisdis ng Himalaya, na ang katawa’y napapahiran ng abo at ang buhok ay gulung-gulo.” Tanyag din siya “sa kalibugan, bilang tagapagsilang at kataastaasang panginoon ng paglalang, Mahadeva.” (The Encyclopedia of World Faiths) Ang pagsamba kay Siva ay sa pamamagitan ng lingam, o sagisag ng sangkap ng lalaki.—Tingnan ang mga larawan, pahina 99.
32. (a) Anu-anong anyo ang ginagamit ng diyosang si Kali? (b) Papaano hinalaw sa kaniyang pagsamba ang isang salitang Ingles?
32 Gaya ng maraming relihiyon, ang Hinduismo ay may kataastaasang diyosa, na kung hindi kaakit-akit ay nakasisindak. Sa kaniyang kahalihalinang anyo, siya’y si Parvati at Uma. Ang nakasisindak niyang pagkatao ay inihahayag ni Durga o Kali, diyosang uhaw-sa-dugo na nasisiyahan sa mga handog na dugo. Bilang Inang Diyosa, Kali Ma (Itim na Inang-Lupa), siya ang pangunahing diyos ng sektang Shakti. Inilalarawan siya na hubad hanggang balakang at may mga palamuting bangkay, ahas, at bungo. Noong una, ang mga taong binigti ay inihandog sa kaniya ng mga mananamba na kilala bilang mga thugi, salitang-ugat ng Ingles na “thug.”
Hinduismo at ang Ilog Ganges
33. Bakit sagrado ang Ganges para sa mga Hindu?
33 Hindi maaaring pag-usapan ang pantheon ng mga diyos-Hindu kung hindi babanggitin ang pinakasagradong ilog nito—ang Ganges. Karamihan ng mitolohiyang Hindu ay tuwirang kaugnay ng ilog Ganges, o Ganga Ma (Inang Ganga), ayon sa tawag dito ng mga debotadong Hindu. (Tingnan ang mapa, pahina 123.) Inuusal nila ang isang panalangin na bumabanggit ng 108 iba’t-ibang pangalan ng ilog. Bakit gayon na lamang ang pagpipitagan ng mga Hindu sa Ganges? Sapagkat napakatalik ng kaugnayan nito sa kanilang araw-araw na buhay at sinaunang mitolohiya. Naniniwala sila na ito’y dating nasa langit bilang ang Milky Way. Papaano ito naging ilog?
34. Ayon sa mitolohiyang Hindu, ano ang isang paliwanag sa kung papaano lumitaw ang Ganges?
34 Bagaman nagkakaiba-iba, halos ganito ang paliwanag ng mga Hindu: Si Maharajah Sagara ay may 60,000 anak na lalaki na pinatay ng apoy ni Kapila, isang paglalarawan ni Vishnu. Ang mga kaluluwa nila’y mapapasa-impiyerno kung hindi mananaog mula sa langit ang diyosang si Ganga upang linisin sila at palayain sa sumpa. Si Bhagirathi, apo-sa-tuhod ni Sagara, ay namanhik kay Brahma na papanaugin si Ganga. Nagpapatuloy ang isang ulat: “Sumagot si Ganga. ‘Napakalakas ng aking agos anupat mawawasak ang patibayan ng lupa.’ Kaya, matapos magpenitensiya nang sanlibong taon, si Bhagirathi ay lumapit sa diyos na si Shiva, pinakadakilang asetiko, at hinikayat ito na tumayo sa pinakatuktok ng lupa sa gitna ng mga bato at yelo ng Himalaya. Salasalabid at sapin-sapin ang buhok ni Shiva, at pinayagan niya si Ganga na dumagundong mula sa langit tungo sa kaniyang buhok, na dahandahang sumipsip sa yanig na nagbanta sa lupa. Si Ganga ay banayad na tumulo sa lupa at umagos mula sa mga bundok patawid sa mga kapatagan, na may dalang tubig at buhay para sa tuyong lupa.”—From the Ocean to the Sky, ni Sir Edmund Hillary.
35. Papaano ipinaliliwanag ng mga alagad ni Vishnu ang pag-iral ng Ilog?
35 Ang mga tagasunod ni Vishnu ay may naiibang bersiyon sa pasimula ng Ganges. Ayon sa Vishnu Purana, isang sinaunang kasulatan, ganito yaon:
“Sa dakong ito [banal na luklukan ni Vishnu] nagmumula ang ilog Ganges, na nag-aalis ng lahat ng kasalanan . . . Bumubukal siya mula sa kuko ng hinlalaki ng kaliwang paa ni Vishnu.”
O gaya ng sinasabi sa Sanskrit ng mga tagasunod ni Vishnu: “Vishnu-padabja-sambhuta,” na nangangahulugang “Isinilang ng tulad-lotus na paa ni Vishnu.”
36. Ano ang paniwala ng mga Hindu hinggil sa kapangyarihan ng mga tubig ng Ganges?
36 Naniniwala ang mga Hindu na ang Ganges ay may kapangyarihang magpalaya, dumalisay, maglinis, at magpagaling sa mga mananampalataya. Sinasabi ng Vishnu Purana:
“Nagkakamit ng sukdulang kalayaan ang mga banal, na dinadalisay ng paliligo sa ilog na ito, at na ang mga isipan ay nakatalaga kay Kesava [Vishnu]. Kapag nabalitaan, hinangad, nakita, nahipo, napaliguan, o inawitan, ang banal na ilog ay dumadalisay araw-araw sa lahat ng kinapal. At sa pagsambit ng ‘Ganga at Ganga’ maging yaong nasa malayo . . . ay napapatawad ang mga pagkakasalang nagawa sa nakalipas na tatlong pag-iral.”
Sinasabi ng The Brahmandapurana:
“Kahit sa minsang paliligo lamang sa dalisay na agos ng Ganga, ang lipi niyaong mga taimtim ay ipinagsasanggalang Niya sa daandaang libong panganib. Napupuksa ang mga kasamaang naipon sa loob ng mga henerasyon. Sa paliligo sa Ganga ang isa ay agad nang nadadalisay.”
37, 38. Bakit milyunmilyon ang dumadagsa sa Ganges?
37 Dumadagsa sa ilog ang mga taga-Indiya upang magsagawa ng puja, o pagsamba, na naghahandog ng mga bulaklak, nananalangin, at tumatanggap mula sa saserdote ng isang tilak, tuldok na pula o dilaw na pasta sa noo. Pagkatapos ay lumulusong sila sa tubig upang maligo. Marami ang umiinom ng tubig, bagaman ito’y lubhang pinarumi ng mga palikuran, kemikal, at mga bangkay. Ngunit gayon na lamang ang espirituwal na pang-aakit ng Ganges anupat ambisyon ng milyunmilyong taga-Indiya na kahit minsan ay makapaligo sa kanilang ‘banal na ilog,’ marumi man o hindi.
38 Dinadala ng iba ang bangkay ng kanilang mga mahal sa buhay upang sunugin sa tabi ng ilog, at pagkatapos ay ipinaaanod dito ang mga abo. Ito raw ay tumitiyak sa walang-hanggang kaligayahan ng yumaong kaluluwa. Yaong mga dukhang walang sapat ibayad sa pagsunog ay basta inihahagis na lamang sa ilog ang nakabalot na bangkay, hanggang ito’y kanin ng mga ibon o mabulok. Nagbabangon ito ng tanong, Bukod sa naisaalang-alang na, ano pa ang itinuturo ng Hinduismo hinggil sa buhay matapos mamatay?
Ang Hinduismo at ang Kaluluwa
39, 40. Ano ang sinasabi ng isang komentaristang Hindu hinggil sa kaluluwa?
39 Sumasagot ang Bhagavad Gita:
“Kung papaanong sa katawan, ang nalalakip na kaluluwa ay nagpapatuloy, mula sa kabataan hanggang sa magbinata, at tungo sa pagtanda, ang kaluluwa ay lumilipat din sa ibang katawan sa kamatayan.”—Kabanata 2, talata 13.
40 Sinasabi ng isang komentong Hindu sa kasulatang ito: “Yamang ang bawat buháy na bagay ay isang kaluluwa, bawat isa ay nagbabago ng katawan sa bawat sandali, kung minsan ay bilang isang bata, kung minsan bilang isang binata, at kung minsan bilang matanda—bagaman iisa ang espiritung kaluluwa at hindi dumadanas ng pagbabago. Sa wakas ang indibiduwal na kaluluwang ito ay nagpapalit ng katawan, kapag lumilipat sa iba, at yamang nakakatiyak ng panibagong katawan sa susunod na pagsilang—materyal man o espirituwal—walang dahilan si Arjuna na managhoy sa kamatayan.”
41. Ayon sa Bibliya, anong paglinaw ang dapat gawin hinggil sa kaluluwa?
41 Pansinin na sinasabi ng komentaryo na “bawat buháy na bagay ay isang kaluluwa.” Ang pangungusap na ito ay kaayon ng sinasabi ng Bibliya sa Genesis 2:7:
“At ang tao ay sinimulang hubugin ng Diyos na Jehova mula sa alabok ng lupa at hiningahan ang kaniyang mga butas ng ilog ng hininga ng buhay, at ang tao ay naging isang kaluluwang buháy.”
Subalit dapat makita ang isang mahalagang pagkakaiba: Ang tao ba ay nagiging isang kaluluwa taglay ang lahat ng kilos at kakayahan, o siya ba ay may kaluluwang hiwalay sa kumikilos niyang katawan? Ang tao ba’y isang kaluluwa, o siya ba’y may isang kaluluwa? Ang sumusunod na pagsipi ay nagbibigay-liwanag sa paniwalang Hindu.
42. Papaano nagkakaiba ang Hinduismo at ang Bibliya sa unawa hinggil sa kaluluwa?
42 Ang Kabanata 2, talata 17 ng Bhagavad Gita ay nagsasabi:
“Yaong lumalaganap sa buong katawan ay hindi mapupuksa. Walang sinomang makalilipol sa walang-pagkasirang kaluluwa.”
Ang talata ay ipinaliliwanag nang ganito:
“Lahat at bawat katawan ay may lakip na indibiduwal na kaluluwa, at ang palatandaan ng pag-iral ng kaluluwa ay inuunawa bilang indibiduwal na kamalayán.”
Kaya, samantalang sinasabi ng Bibliya na ang tao ay isang kaluluwa, ang turong Hindu ay nagsasaad na siya ay may isang kaluluwa. At napakalaki ang pagkakaiba ng dalawang ito anupat lubhang naapektuhan ang mga turo na bunga ng ganitong mga pangmalas.—Levitico 24:17, 18.
43. (a) Saan nagmula ang turo ng kawalang-kamatayan ng kaluluwa? (b) Saan ito humantong?
43 Ang turo ng kaluluwang hindi namamatay ay walang ibang pinagmulan kundi ang luom na balon ng relihiyosong kaalaman ng Babilonya. Likas lamang na umakay ito sa iba’t-ibang paniwala sa ‘kabilang-buhay’ na tampok sa turo ng napakaraming relihiyon—pagpapalipatlipat ng katawan, langit, impiyerno, purgatoryo, Limbo, at iba pa. Para sa Hindu, ang langit at impiyerno ay pansamantalang hintayan bago lumipat ang kaluluwa sa susunod nitong katawan. Lubhang kapansinpansin ang paniwala ng Hindu sa impiyerno.
Ang Turong Hindu Hinggil sa Impiyerno
44. Papaano natin nalaman na ang Hinduismo ay nagtuturo ng isang impiyernong pahirapan?
44 Sinasabi ng isang talata mula sa Bhagavad Gita:
“Kapag sinira ang mga batas ng pamilya, Janārdana, ang tiyak na kahahantungan ay ang paninirahan ng tao sa impiyerno.”—I.44, Harvard Oriental Series, Tomo 38, 1952.
Sinasabi ng isang komentaryo: “Yaong mga lubhang nagpakasamâ nang nabubuhay pa sa lupa ay dapat dumanas ng sarisaring kaparusahan sa tulad-impiyernong mga planeta.” Gayunman, may pagkakaiba ito sa walang-hanggang pahirap sa maapoy na impiyerno ng Sangkakristiyanuhan: “Ang parusang ito . . . ay hindi walang-hanggan.” Kung gayon, ano talaga ang impiyernong Hindu?
45. Papaano inilalarawan ang mga pahirap sa impiyernong Hindu?
45 Narito ang isang paglalarawan sa hantungan ng isang makasalanan, ayon sa Markandeya Purana:
“Siya ay agad ginagapos ng mga sugo ni Yama [diyos ng mga patay] sa nakasisindak na mga silo at kinakaladkad nang pa-timog, na nanginginig sa bawat hampas ng pamalo. At, habang naghuhumiyaw sa nakapangingilabot at nakaririnding mga tili, siya ay kinakaladkad ng mga sugo ni Yama sa lupang punô ng siit ng [halamang] Kusa, mga tinik, punso, karayom at bato, na nag-aapoy sa ilang dako, puro mga hukay, sa nakapapasong init ng araw at darang sa mga sinag nito. Kinakaladkad ng kakilakilabot na mga sugo at kinakain ng daandaang chakal, ang taong makasalanan ay pumapasok sa bahay ni Yama sa pamamagitan ng nakasisindak na landas. . . .
“Habang sinusunog ang katawan niya ay nakakaramdam siya ng matinding pasò; at kapag ito ay hinampas o sinugatan ay nakakaramdam siya ng matinding hapdi.
“Sa ganitong pagkalipol ng katawan, ang isang nilalang, bagaman lumalakad sa panibagong katawan, ay dumaranas ng walang-hanggang kalungkutan bunga ng sarili niyang masamang kilos. . . .
“At upang mahugasan ang mga pagkakasala siya’y inihahatid sa isa pang katulad na impiyerno. Matapos dumaan sa lahat ng impiyerno, ang maysala ay namumuhay na gaya ng isang hayop. At matapos dumanas ng buhay ng mga bulati, kulisap, langaw, mga halimaw, niknik, elepante, puno, kabayo, baka, at ng sarisaring makasalanan at napakahirap na buhay, siya, sa pagsapit sa lahi ng tao, ay isinisilang na kubà, o pangit o unano o isang Chandala Pukkasa.”
46, 47. Ano ang sinasabi ng Bibliya sa kalagayan ng patay, at ano ang konklusyon natin dito?
46 Ihambing ito sa sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga patay:
“Sapagkat nalalaman ng mga buháy na sila’y mangamamatay; kung tungkol sa mga patay, sila’y walang nalalamang ano pa man, ni mayroon pa man silang kagantihan, sapagkat ang alaala sa kanila ay nakalimutan. Maging ang kanilang pag-ibig at poot at ang kanilang pananaghili ay pumanaw na, at wala na silang anomang bahagi na dapat gawin sa silong ng araw. Lahat na masumpungang gawin ng iyong kamay, gawin mo ng iyong buong kapangyarihan, sapagkat walang gawa ni katha ni kaalaman ni karunungan man sa Sheol, ang dakong iyong patutunguhan.”—Eclesiastes 9:5, 6, 10.
47 Sabihin pa, kung ayon sa Bibliya, ang tao ay walang kaluluwa kundi siya’y isang kaluluwa, kung gayon ay wala nang may-malay na pag-iral matapos mamatay. Walang ligaya, at walang paghihirap. Naglalaho ang lahat ng di-makatuwirang komplikasyon ng “kabilang-buhay.”d
Ang Karibal ng Hinduismo
48, 49. (a) Bilang repaso, ano ang ilan sa mga turong Hindu? (b) Bakit may ibang nag-alinlangan sa pagiging-totoo ng Hinduismo? (c) Sino ang bumangon upang hamunin ang kaisipang Hindu?
48 Ipinakikita ng sadyang maikling repasong ito sa Hinduismo na ito ay isang relihiyon ng politeyismo na nasasalig sa monoteyismo—pananampalataya kay Brahman, ang Kataastaasang Maykapal, sanhi o diwa, isinasagisag ng pantig na OM o AUM, na may napakaraming anyo o kapahayagan. Relihiyon din ito na nagtuturo ng pagpaparaya at nagpapasigla ng kabaitan sa mga hayop.
49 Sa kabilang dako, ang ilang elemento ng turong Hindu, gaya ng Karma at ang kawalang-katarungan ng caste system, pati na ang idolatriya at salungatang mga alamat, ay nag-udyok sa mga palaisip upang mag-alinlangan sa pagiging-totoo ng pananampalatayang ito. Noong 560 B.C.E. ay lumitaw sa hilagang-silangang Indiya ang isa na may ganitong alinlangan. Siya’y si Siddhārtha Gautama. Nagtatag siya ng bagong pananampalataya na hindi napatanyag sa Indiya kundi sa ibang dako, gaya ng ipaliliwanag ng susunod na kabanata. Ang bagong pananampalatayang ito ay ang Budhismo.
[Mga talababa]
a Ang pangalang Hinduismo ay imbensiyon ng Europa.
b Sa Sanskrit, ang “kaluluwa” ay malimit isalin mula sa ātma, o ātman, ngunit “espiritu” ang mas wastong salin.—Tingnan ang A Dictionary of Hinduism—Its Mythology, Folklore and Development 1500 B.C.–A.D. 1500, pahina 31, at ang pulyetong Victory Over Death—Is It Possible for You? na lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc., noong 1986.
c Ang ikasampu at hinaharap na avatar ay yaong kay Kalki Avatara na “inilalarawan bilang isang makisig na kabataan na nakasakay sa puting kabayo at may tulad-bulalakaw na tabak na naghahatid ng kamatayan at pagkalipol sa magkabikabila.” “Sa pagdating niya’y muling matatatag ang katuwiran sa lupa, at babalik ang panahon ng kadalisayan at kawalang-sala.”—Religions of India; A Dictionary of Hinduism.— Ihambing ang Apocalipsis 19:11-16.
d Ang turo ng Bibliya na pagkabuhay-na-muli ng patay ay walang kinalaman sa doktrina ng kawalang-kamatayan ng kaluluwa. Tingnan ang Kabanata 10.
[Kahon/Mga larawan sa pahina 100, 101]
Sikhismo—Relihiyon ng Reporma
Ang Sikhismo, isinasagisag ng tatlong tabak at ng sirkulo, ay relihiyon ng mahigit na 17 milyong tao. Karamihan ay naninirahan sa Punjab. Ang Gintong Templo ng mga Sikh, itinayo sa gitna ng gawang-taong lawa, ay nasa Amritsar, banal na lungsod ng mga Sikh. Ang mga lalaking Sikh ay madaling makilala dahil sa bughaw, puti, o itim na turban, at ang pagsuot nito, gaya din ng pagpapahaba ng buhok, ay itinuturing na mahalagang bahagi ng kanilang relihiyon.
Ang salitang Hindi na sikh ay nangangahulugan ng “alagad.” Ang mga Sikh ay mga alagad ng kanilang pundador, si Guru Nānak, at tagasunod ng mga turo ng sampung guru (si Nānak at ang siyam niyang kahalili) na nasa banal na aklat ng mga Sikh, ang Guru Granth Sahib. Nagsimula ang relihiyong ito maaga pa nong ika-16 na siglo nang hangarin ni Guru Nānak na pulutin ang pinakamagaling sa Hinduismo at Islām upang bumuo ng pinagkaisang relihiyon.
Ang misyon ni Nānak ay mailalarawan sa isang pangungusap: “Yamang iisa ang Diyos, at Siya ang ating Ama; dapat tayong maging magkakapatid.” Gaya ng mga Muslim, naniniwala ang mga Sikh sa isang Diyos at ipinagbabawal ang paggamit ng mga idolo. (Awit 115:4-9; Mateo 23:8, 9) Sinusunod nila ang tradisyong Hindu na paniniwala sa kaluluwang di-namamatay, pagpapalipatlipat ng katawan, at Karma. Ang dakong sambahan ng mga Sikh ay tinatawag na gurdwara.—Ihambing ang Awit 103:12, 13; Gawa 24:15.
Isa sa pinakadakilang utos ni Guru Nānak ay: “Laging alalahanin ang Diyos, ulit-ulitin ang pangalan Niya.” Ang Diyos ay tinutukoy na “Ang Totoo,” subalit walang pangalang ibinibigay. (Awit 83:16-18) Ang isa pang utos ay “Ibahagi sa mga dukha ang iyong kita.” Kasuwato nito, may isang langar, o libreng kusina, sa bawat templong Sikh, at doo’y malayang makakakain ang sinoman. Mayroon pa ngang mga libreng silid na matutulugan ng mga biyahero.—Santiago 2:14-17.
Ang huling Guru, si Gobind Singh (1666-1708), ay nagtatag ng isang kapatiran ng mga Sikh na tinawag na Khalsa, na sumusunod sa limang K, alalaong baga’y: kesh, buhok na di pinuputol, sagisag ng espirituwalidad; kangha, suklay na nasa buhok, sagisag ng kaayusan at disiplina; kirpan, isang tabak, sagisag ng dangal, tibay-loob, at pagsasakripisyo-sa-sarili; kara, aserong pulseras, sagisag ng pakikipagkaisa sa Diyos; kachh, kalsonsilyo, sagisag ng kababaang-loob at isinusuot bilang sagisag ng pagpipigil-sa-sarili.—Tingnan ang The Encyclopedia of World Faiths, pahina 269.
[Larawan]
Gintong Templo ng mga Sikh, Amritsar, Punjab, Indiya
[Mga larawan]
Ang bughaw na turban ay sagisag ng isipan na kasinglawak ng langit, na walang dako sa pagtatangi
Ang puting turban ay nangangahulugan ng taong banal na may huwarang pamumuhay
Ang itim na turban ay alaala ng pag-uusig ng mga taga-Britanya sa mga Sikh noong 1919
Ang ibang kulay ay depende sa panlasa
[Larawan]
Sa maka-seremonyang pagtatanghal ay isinasalaysay ng paring Sikh ang kasaysayan ng mga sagradong armas na ito
[Kahon/Mga larawan sa pahina 104]
Jainismo—Pagtanggi-sa-Sarili at Pagiging Di-marahas
Ang relihiyong ito, pati na ang kaniyang sinaunang sagisag na swastikang Indiyan, ay itinatag noong ikaanim na siglo B.C.E. ng mariwasang prinsipeng Indiyan na si Nataputta Vardhamāna, higit na kilala bilang si Vardhamana Mahāvīra (titulo na nangangahulugang “Dakilang Tao” o “Dakilang Bayani”). Namuhay siya nang may pagtatakwil-sa-sarili at pag-eermitanyo. Sa paghahanap niya ng kaalaman ay hubo’t-hubad siyang lumakad “sa mga nayon at kapatagan ng gitnang Indiya sa paghahangad na lumaya sa siklo ng pagsilang, kamatayan, at muling-pagsilang.” (Man’s Religions, ni John B. Noss) Naniwala siya na ang kaligtasan ng kaluluwa ay makakamit lamang sa lubos na pagtanggi- at disiplina-sa-sarili at ng mahigpit na pagkakapit ng ahimsa, pagiging di-marahas sa lahat ng mga nilikha. Itinaguyod niya ang ahimsa hanggang sa sukdulang magbitbit siya ng isang malambot na walis upang buong-ingat niyang mahawi ang alinmang kulisap na maaari niyang mayapakan. Ang paggalang niya sa buhay ay pagsasanggalang na rin sa kadalisayan at katapatan ng sarili niyang kaluluwa.
Ang mga tagasunod niya ngayon, sa pagsisikap na mapasulong ang kanilang Karma, ay namumuhay din nang may pagtanggi-sa-sarili at paggalang sa ibang nilikha. Muli nating nakikita ang makapangyarihang epekto ng paniwala sa kawalang-kamatayan ng kaluluwa sa buhay ng tao.
Sa ngayon ay kulang-kulang na apat na milyon ang kabilang sa pananampalatayang ito, at karamihan ay nasa dako ng Bombay at Gujarat sa Indiya.
[Larawan]
Isang Jain na sumasamba sa paanan ng 27 metrong taas na imahen ng santong si Gomateswara, sa Karnataka, Indiya
[Kahon/Mga larawan sa pahina 106, 107]
Payak na Giya sa mga Terminong Hindu
ahimsa (Sanskrit, ahinsa)—hindi marahas; hindi pananakit o pagpatay ng anoman. Saligan ng vegetaryanismong Hindu at paggalang sa hayop
ashram—dambana o dako na kung saan nagtuturo ang isang guru (espirituwal na tagaakay)
ātman—espiritu; kaugnay ng kawalang-kamatayan. Malimit na may-kamaliang isinasalin bilang kaluluwa. Tingnan ang jīva
avatar—kapahayagan o pagkakatawang-tao ng isang diyos na Hindu
bhakti—debosyon sa isang diyos na umaakay sa kaligtasan
bindi—pulang tuldok sa noo ng mga babaeng may asawa
Brahman—maka-saserdote at pinakamataas na antas sa caste system; ang Sukdulang Katotohanan. Tingnan ang pahina 116
dharma—pangwakas na batas ng lahat ng bagay; nagpapasiya ng pagiging-tama o mali ng mga paggawi
ghat—hagdan o plataporma sa tabi ng ilog
guru—tagapagturo o espirituwal na tagaakay
Harijan—miyembro ng caste na Untouchable; nangangahulugang “mga tauhan ng Diyos,” mahabaging pangalan na ibinigay sa kanila ni Mahatma Gandhi
japa—pagsamba sa Diyos na inuulit ang isa sa kaniyang mga pangalan; isang mala, o rosaryo ng 108 butil, ay ginagamit na pambilang
jīva (o prān, prāni)—personal na kaluluwa o pag-iral
Karma—simulain na sa bawat kilos ay may positibo o negatibong epekto sa susunod na buhay ng kaluluwang lumipat ng katawan
Kshatriya—uring propesyonal, tagapamahala at mandirigma na siyang ikalawang antas sa caste system
mahant—taong banal o guro
mahatma—santong Hindu, mula sa maha, mataas o dakila, at ātman, espiritu
mantra—sagradong pormula, may kapangyarihan di-umano ng salamangka, ginagamit sa pag-anib sa isang sekta at inuulit sa mga panalangin at orasyon
maya—ang daigdig bilang guniguni
moksha, o mukti—paglaya sa siklo ng muling pagsilang; wakas ng paglalakbay ng kaluluwa. Kilala rin bilang Nirvana, pagsasanib ng indibiduwal at ng Kataastaasang Maykapal, ang Brahman
OM, AUM—salitang sagisag ni Brahman na ginagamit sa pagbubulay; tunog na itinuturing na mahiwagang taginting; ginagamit bilang sagradong mantra
paramatman—Espiritung-Daigdig, pansansinukob na ātman, o Brahman
puja—pagsamba
sadhu—taong banal; ermitanyo o yogi
samsara—pagpapalipatlipat ng walang-hanggan, walang-kasiraang kaluluwa
Shakti—kapangyarihang pambabae o asawa ng isang diyos, lalo na ang konsorte ni Siva
sraddha—mahahalagang rituwal bilang parangal sa mga ninuno at pagtulong sa yumaong mga kaluluwa na marating ang moksha
Sudra—obrero, pinakamababa sa apat na pangunahing caste
swami—guro o mas mataas na antas ng espirituwal na tagaakay
tilak—tanda sa noo na sumasagisag sa pag-alaala sa Panginoon sa lahat ng ginagawa ng isa
Trimurti—trinidad na Hindi na binubuo nina Brahma, Vishnu, at Siva
Mga Upanishad—sinaunang sagrado at patulang mga kasulatan ng Hinduismo. Kilala rin bilang Vedanta, ang katapusan ng mga Veda
Vaisya—uring negosyante at magsasaka; ikatlong grupo sa caste system
Mga Veda—pinakamaagang sagrado at patulang mga kasulatan ng Hinduismo
Yoga—mula sa ugat na yuj, nangangahulugang makisanib o makipamatok; nagsasangkot sa pagsanib ng indibiduwal sa pansansinukob na banal na maykapal. Tanyag bilang disiplina ng pagbubulaybulay na nagsasangkot ng ayos ng katawan at pagsupil ng hininga. Kinikilala ng Hinduismo ang hindi kukulangin sa apat na pangunahing Yoga, o landas. Tingnan ang pahina 110
[Mga larawan]
Mula sa kaliwa, Hindung mahant; sadhu, nakatayong nagbubulay; guru mula sa Nepal
[Kahon sa pahina 110]
Apat na Daan Tungo sa Moksha
Ang pananampalatayang Hindu ay nag-aalok ng di-kukulangin sa apat na daan tungo sa pagkakamit ng moksha, o paglaya ng kaluluwa. Kilala ang mga ito bilang yoga o marga, mga landas tungo sa moksha.
1. Karma Yoga—“Daan ng pagkilos, o karma yoga, disiplina ng pagkilos. Sa saligang kahulugan, ang karma marga ay pagganap ng sariling dharma ayon sa katayuan sa buhay. Lahat ay inaasahang gumanap ng tiyak na mga tungkulin, gaya ng ahimsa at pag-iwas sa alkohol at karne, subalit ang ispesipikong dharma ng isang tao ay salig sa kaniyang caste at yugto ng buhay.”—Great Asian Religions.
Ang Karmang ito ay buong-higpit na ipinatutupad sa nasasaklawan ng caste. Ang kadalisayan ng caste ay iniingatan ng di-pag-aasawa at ng di-pagkain sa labas ng caste, na pinagpapasiyahan ng sariling Karma sa nakaraang pag-iral. Kaya ang caste ng isang tao ay hindi itinuturing na sumpa kundi isang mana mula sa nakalipas na pagkakatawang-tao. Sa pilosopiyang Hindu hindi magkakapantay ang lahat ng lalaki at babae. Nababahagi sila ng caste at sekso at, sabihin pa, ng kulay. Karaniwan na, mas mataas ang caste kapag mas maputi ang balat.
2. Jnana Yoga—“Daan ng kaalaman, o jnana yoga, disiplina ng kaalaman. Kabaligtaran ng daan ng pagkilos, o karma marga, lakip na ang iniatas na mga tungkulin nito sa bawat okasyon sa buhay, ang jnana marga ay naglalaan ng maka-pilosopikal at sikolohikal na paraan ng pagkilala-sa-sarili at sa sansinukob. Ang pag-iral, hindi ang paggawa, ang lihim ng jnana marga. [Amin ang palihis na pagsulat.] Higit na mahalaga, pinangyayari nito na makamit ang moksha sa buhay na ito.” (Great Asian Religions) Nagsasangkot ito sa yoga ng pagsusuri-sa-sarili at pagtalikod sa daigdig at ng pagtitipid. Ebidensiya ito ng pagpipigil- at pagtatakwil-sa-sarili.
3. Bhakti Yoga—“Pinakatanyag na anyo ng tradisyong Hindu sa ngayon. Ito ang daan ng pananampalataya, bhakti marga. Kung ihahambing sa karma marga . . . ang landasing ito ay mas magaang, mas bukal-sa-kalooban, at maaaring sundin ng isa anoman ang kaniyang caste, sekso, o edad. . . . Ipinahihintulot [nito] ang malayang pagdaloy ng mga emosyon at mithiin sa halip na madaig ng yoga ng pag-eermitanyo . . . [Ito] ay binubuo lamang ng debosyon sa mga diyos.” At ayon sa tradisyon ay 330 milyon ang maaaring sambahin. Ayon din dito, ang umalam ay ang umibig. Sa katunayan, ang bhakti ay nangangahulugan ng “pagiging malapit ng emosyon sa napipisil na diyos.”—Great Asian Religions.
4. Raja Yoga—Pamamaraan ng “pantanging mga anyo ng katawan, paraan ng paghinga, at tugma-tugmang pag-uulit ng angkop na mga pormulang pangkaisipan.” (Man’s Religions) Ito ay may walong hakbang.
[Kahon/Larawan sa pahina 113]
Si Mahatma Gandhi at ang Caste System
“Ang pagiging di-marahas ay unang artikulo ng aking pananampalataya. Ito rin ang huling artikulo sa aking doktrina.”—Mahatma Gandhi, Marso 23, 1922.
Si Mahatma Gandhi, napantayag dahil sa kaniyang di-marahas na pangunguna sa pagpapalaya ng Indiya mula sa Britanya (na ipinagkaloob noong 1947), ay nangampanya rin upang mapasulong ang kalagayan ng milyunmilyong Hindu. Nagpaliwanag si Propesor M. P. Rege, isang taga-Indiya: “Ipinahayag niya ang ahimsa (pagiging di-marahas) bilang saligang simulain ng paggawi, na ayon sa kaniya ay ang pagmamalasakit sa dangal at kapakanan ng bawat tao. Itinatwa niya ang autoridad ng mga kasulatang Hindu kapag ito ay salungat sa ahimsa, buong-giting na nanindigan sa pagpawi ng untouchability at ng baitang-baitang na caste system, at nagtaguyod sa pagiging-pantay ng kababaihan sa lahat ng pitak ng buhay.”
Ano ang pangmalas ni Gandhi sa kapalaran ng mga Untouchables? Sa isang liham kay Jawaharlal Nehru, may petsang Mayo 2, 1933, ay sinabi niya: “Sa laki ng kilusang Harijan hindi sapat ang basta pakikipagkatuwiranan lamang. Wala na itong kasing-sama sa daigdig. Ngunit hindi ko maaaring talikdan ang relihiyon at lalo na ang Hinduismo. Ang buhay ko’y magiging pabigat kung bibiguin ako ng Hinduismo. Mahal ko ang Kristiyanismo, Islam at iba pang pananampalataya dahil sa Hinduismo. . . . Subalit hindi ko matitiis ito dahil sa untouchability.”—The Essential Gandhi.
[Larawan]
Mahatma Gandhi (1869-1948), iginagalang na pinunong Hindu at guro ng ahimsa
[Kahon/Mga larawan sa pahina 116, 117]
Hinduismo—Ilang mga Diyos at Diyosa
Aditi—ina ng mga diyos; diyosa-ng-langit; ang Walang-hanggan
Agni—diyos ng apoy
Brahma—Diyos na Maylikha, prinsipyo ng paglikha sa sansinukob. Isa sa mga diyos ng Trimurti (trinidad)
Brahman, o Brahm—ang Kataastaasan, pansansinukob na maykapal na lumalaganap-sa-lahat, isinasagisag ng tunog na OM o AUM. (Tingnan ang sagisag sa itaas.) Tinutukoy din na Atman. Si Brahman ay itinuturing ng ilang Hindu bilang ang walang-personang Banal na Simulain o Sukdulang Katotohanan
Budha—Gautama, maytatag ng Budhismo; itinuturing ng mga Hindu na pagkakatawang-tao (avatar) ni Vishnu
Durga—asawa o Shakti ni Siva at iniuugnay kay Kali
Ganesa (Ganesha)—may ulo ng elepante na anak-diyos ni Siva, Panginoon ng Balakid, diyos ng mabuting kapalaran. Tinatawag ding Ganapati at Gajanana
Ganga—diyosa, isa sa mga asawa ni Siva at personipikasyon ng ilog Ganges
Hanuman—diyos-unggoy at tapat na alagad ni Rama
Himalaya—tahanan ng niyebe, ama ni Parvati
Kali—maitim na konsorte (Shakti) ni Siva at uhaw-sa-dugong diyosa ng pagpuksa. Malimit ilarawan na nakalawit ang mapula’t malaking dila
Krishna—mapaglaro at ikawalong pagkakatawang-tao ni Vishnu at diyos ng Bhagavad Gita. Mangingibig niya ang mga gopi, o mga babaeng maggagatas
Lakshmi—diyosa ng kagandahan at mabuting kapalaran; konsorte ni Vishnu
Manasa—diyosa ng mga ahas
Manu—ninuno ng lahi ng tao; iniligtas ng malaking isda mula sa pagkalipol sa baha
Mitra—diyos ng liwanag. Kilala ng mga Romano bilang si Mithras
Nandi—ang toro, sasakyan o gamit sa paglalakbay ni Siva
Nataraja—si Siva sa anyong nagsasayaw at napaliligiran ng apoy
Parvati o Uma—diyosang konsorte ni Siva. May anyo rin ng diyosang si Durga o Kali
Prajapati—Maylikha ng sansinukob, Panginoon ng mga Nilikha, ama ng mga diyos, demonyo, at lahat ng iba pang nilikha. Nang dakong huli ay nakilala bilang si Brahma
Purusha—kosmikong tao. Ang apat na pangunahing caste ay nalikha mula sa kaniyang katawan
Radha—konsorte ni Krishna
Rama, Ramachandra—ikapitong pagkakatawang-tao ng diyos na si Vishnu. Ang maalamat na Ramayana ay nagsasalaysay tungkol kay Rama at sa asawa nitong si Sita
Saraswati—diyosa ng kaalaman at konsorte ni Brahma na Maylikha
Shasti—diyosa na nagsasanggalang sa mga babae at bata sa panahon ng pagsilang
Siva—diyos ng pagpapakarami, kamatayan, at pagkapuksa; miyembro ng Trimurti. Isinasagisag ng salapang at ng sangkap ng lalaki
Soma—kapuwa isang diyos at isang droga; pampahaba ng buhay
Vishnu—diyos na tagapagligtas ng buhay; ikatlong miyembro ng Trimurti
[Credit Line]
(Salig sa tala sa Mythology—An Illustrated Encyclopedia)
[Mga larawan]
Mula sa itaas sa kaliwa, pakanan, sina Nataraja (sumasayaw na Siva), Saraswati, Krishna, Durga (Kali)
[Kahon sa pahina 120]
Alamat ng Hindu Tungkol sa Baha
“Isang umaga si Manu [ninuno ng tao at unang tagapagbigay-batas] ay dinalhan ng tubig na panghilamos . . . Habang naghihilamos, isang isda [si Vishnu sa kaniyang pagkakatawang-tao bilang si Matsya] ang napasa-kamay niya.
“Sinambit nito ang salitang, ‘Alagaan mo ako, ililigtas kita!’ ‘Mula saan ako ililigtas?’ ‘Tatangayin ng baha ang lahat ng nilikha: mula rito’y ililigtas kita!’ ‘Papaano kita aalagaan?’ ”
Itinuro ng isda kay Manu kung papaano ito aalagaan. “Nang magkagayo’y sinabi nito, ‘Sa gayon at gayong taon ay darating ang baha. Paglilingkuran mo ako (ayon sa aking payo) at magtatayo ka ng isang daong; kapag tumaas ang tubig ay papasok ka sa daong, at ililigtas kita mula roon.’ ”
Sinunod ni Manu ang tagubilin ng isda, at nang bumaha ay hinila ng isda ang daong tungo sa isang “bundok sa hilaga. Pagkatapos ay sinabi nito, ‘Iniligtas kita. Itali mo ang daong sa isang puno; pero huwag kang magpapatangay sa tubig samantalang ika’y nasa bundok. Habang kumakati ang tubig, unti-unti kang mananaog!’ ”—Satapatha-Brahmana; ihambing ang Genesis 6:9-8:22.
[Mapa/Mga larawan sa pahina 123]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ang Ganges ay umaagos nang mahigit na 2,400 kilometro mula sa Himalaya tungo sa Calcutta at sa delta nito sa Bangladesh
INDIYA
Calcutta
Ilog Ganges
[Mga larawan]
Ang Ganga Ma, nasa tuktok ng ulo ni Siva, ay umaagos sa kaniyang buhok
Mga debotadong Hindu sa isang ghat, naliligo sa Ganges sa Varanasi, o Benares
[Larawan sa pahina 96]
Si Ganesa, ang ulong-elepanteng diyos Hindu ng mabuting kapalaran, anak nina Siva at Parvati
[Mga larawan sa pahina 99]
Mga lingam (sagisag ng sangkap na panglalaki) na sinasamba ng mga Hindu. Si Siva (diyos ng pagpapakarami) ay nasa loob ng isang lingam at ang apat niyang ulo ay nakapaligid sa isa pa
[Larawan sa pahina 108]
Mga madreng Jain na nakasuot ng mukha-vastrika, o takip sa bibig na humahadlang sa mga kulisap na pumasok at mamatay
[Larawan sa pahina 115]
Pagsamba sa ahas, pangunahing kaugalian sa Bengal. Si Manasa ang diyosa ng mga ahas
[Larawan sa pahina 118]
Si Vishnu, at ang asawa niyang si Lakshmi, napupuluputan ng ahas na si Ananta kasama ang apat-na-ulong si Brahma sa isang lotus na tumutubo mula sa pusod ni Vishnu