Aklat ng Bibliya Bilang 61—2 Pedro
Manunulat: Si Pedro
Saan Isinulat: Sa Babilonya (?)
Natapos Isulat: c. 64 C.E.
1. Ano ang patotoo na si Pedro ang sumulat ng Ikalawang Pedro?
NANG isulat ni Pedro ang ikalawang liham, batid niyang malapit na siyang mamatay. Nasasabik siyang paalalahanan ang mga Kristiyano sa halaga ng tumpak na kaalaman upang sila’y manatiling matatag sa ministeryo. Dapat bang mag-alinlangan na si apostol Pedro ang sumulat ng ikalawang liham na may pangalan niya? Ang mismong sulat ay pumapawi ng anomang alinlangan. Sinasabi ng manunulat na siya’y si “Simon Pedro, alipin at apostol ni Jesu-Kristo.” (2 Ped. 1:1) Sinabi niyang ito “ang ikalawang liham na isinusulat ko sa inyo.” (3:1) Tinutukoy niya ang sarili bilang saksi sa pagbabagong-anyo ni Jesu-Kristo, isang pribilehiyo na tinamasa niya kasabay nina Santiago at Juan, at isinulat niya taglay ang damdamin ng isang mismong nakasaksi. (1:16-21) Sinasabi niya na inihula ni Jesus ang kaniyang [kay Pedrong] kamatayan.—2 Ped. 1:14; Juan 21:18, 19.
2. Papaano maipangangatuwiran ang pagiging-kanonikal ng Ikalawang Pedro?
2 Gayunman, dahil magkaiba sa estilo ang dalawang liham, ang mga kritiko ay alinlangan sa ikalawang pagsulat ni Pedro. Hindi talaga ito problema, sapagkat magkaiba ang paksa at layunin ng pagsulat. Isa pa, isinulat ni Pedro ang unang liham “sa tulong ni Silvano, isang tapat na kapatid,” at kung si Silvano ang bumalangkas ng mga pangungusap, maaaring ito ang dahilan ng pagkakaiba sa estilo, yamang malamang na hindi siya nakibahagi sa pagsulat ng ikalawang liham. (1 Ped. 5:12) Pinabulaanan din ang pagiging-kanonikal nito sapagkat di-umano ito “ay hindi gaanong pinatutunayan ng Mga Ama.” Gayunman, mapapansin sa chart ng “Namumukod-tanging Sinaunang mga Katalogo ng Kristiyanong Kasulatang Griyego,” na bago ang Ikatlong Konsilyo ng Cartago, ang Ikalawang Pedro ay ibinibilang na ng ilang autoridad sa katalogo ng Bibliya.a
3. Kailan at saan malamang na isinulat ang Ikalawang Pedro, at kanino ito pinatutungkol?
3 Kailan isinulat ang ikalawang liham ni Pedro? Malamang na noong mga 64 C.E. mula sa Babilonya o karatig nito, di-nagtagal pagkatapos ng unang liham, bagaman wala itong tuwirang ebidensiya, lalo na tungkol sa lugar. Nang ito’y isinusulat, karamihan ng mga liham ni Pablo ay naipamahagi na sa mga kongregasyon at pamilyar na kay Pedro, na naniwalang ang mga ito ay kinasihan ng Diyos at kabilang sa “ibang mga Kasulatan.” Ang ikalawang liham ni Pedro ay para “sa mga nakapagtamo ng pananampalataya, na may pribilehiyo ring gaya namin,” lakip na sa mga pinadalhan ng unang liham at sa iba pa na pinangaralan ni Pedro. Kung papaanong ang unang liham ay ipinamahagi nang malawakan, gayon din ang masasabi sa ikalawa.—2 Ped. 3:15, 16; 1:1; 3:1; 1 Ped. 1:1.
NILALAMAN NG IKALAWANG PEDRO
4. (a) Papaano magiging mabunga ang mga kapatid ayon sa tumpak na kaalaman, at ano ang ipinangako sa kanila? (b) Papaano napagtibay ang makahulang salita, at bakit ito dapat sundin?
4 Pagtiyak sa tawag ng makalangit na Kaharian (1:1-21). Listo si Pedro sa pagpapamalas ng maibiging pagkabahala sa “mga nakapagtamo ng pananampalataya.” Hangad niyang sumagana sa kanila ang di-sana-nararapat na kabaitan at kapayapaan “mula sa tumpak na kaalaman sa Diyos at kay Jesus na ating Panginoon.” Malaya silang pinagkalooban ng “mahahalaga at dakilang mga pangako,” upang sila’y makabahagi sa kabanalan ng Diyos. Kaya dapat nilang idagdag sa pananampalataya ang kagalingan, kaalaman, pagpipigil, pagtitiis, kabanalan, pagtingin sa kapatid, at pag-ibig. Kung sagana ang mga kaloob na ito, hindi sila magiging tamad o walang-bunga sa tumpak na kaalaman. Dapat tiyakin ang kanilang pagkatawag at pagkahirang, pati na ang pagpasok sa walang-hanggang Kaharian ng Panginoon. Yamang ‘malapit nang mahiwalay ang kaniyang tabernakulo,’ naipasiya ni Pedro na paalalahanan sila nang sa pagyao niya’y huwag nilang malimutan ito. Nasaksihan ni Pedro ang karingalan ni Kristo sa banal na bundok nang ang mga salitang ito ay “dumating sa kaniya sa maringal na kaluwalhatian: ‘Ito ang aking anak, ang sinisinta, na siya kong kinalulugdan.’ ” Kaya napagtibay ang makahulang salita, at dapat itong sundin, sapagkat hindi ito kalooban ng tao, “kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos udyok ng banal na espiritu.”—1:1, 2, 4, 14, 17, 21.
5. Anong babala ang ibinibigay ni Pedro laban sa huwad na mga guro, at anong maririing ilustrasyon ang ginamit niya sa katiyakan ng mga paghatol ng Diyos sa gayong mga tao?
5 Mahigpit na babala laban sa bulaang mga guro (2:1-22). Ang huwad na mga propeta at guro ay magpapasok ng nagpapahamak na mga sekta, magtataguyod ng kahalayan, at mang-uupasala sa katotohanan. Ngunit hindi natutulog ang kanilang pagpuksa. Hindi iniurong ng Diyos ang parusa sa nagkasalang mga anghel, noong baha ni Noe, o sa Sodoma at Gomora. Ngunit iniligtas niya ang mangangaral na si Noe at ang matuwid na si Lot, kaya “si Jehova ay marunong magligtas sa mga banal mula sa pagsubok, at sa mga di-matuwid ay ang pagkalipol sa araw ng paghuhukom.” Sapagkat sila’y pangahas, mapagsariling-kalooban, gaya ng mga hayop na walang-bait, mangmang, mataas magsalita, mahilig sa mapandayang mga turo, mapangalunya, mapag-imbot, at gaya ni Balaam na umibig sa kaupahan ng gawang masama. Nangangako sila ng kalayaan ngunit sila’y mga alipin ng kabulukan. Maigi pang hindi na sila natuto ng landas ng katuwiran, sapagkat natupad sa kanila ang kasabihan: “Nagbalik ang aso sa sariling suka, at ang napaliguang baboy sa paglulubalob sa pusali.”—2:9, 22.
6. (a) Bakit sumulat si Pedro, at ano ang sinasabi niya tungkol sa pangako ng Diyos? (b) Di-gaya ng mga manunuya, papaano mag-iingat ang mga Kristiyano sa kanilang paggawi?
6 Isaisip ang araw ni Jehova (3:1-18). Sumusulat si Pedro upang pukawin ang kanilang malinaw na kaisipan, upang maalaala ang mga salitang sinabi noong una. Sa huling araw ay sasabihin ng mga manunuya: “Nasaan ang ipinangakong pagkanaririto” ni Kristo? Nalimutan nila na ginunaw ng Diyos ang sanlibutan noon at “sa pamamagitan din ng salitang yaon ang mga langit at lupa ngayon ay inilalaan sa apoy” at “nakataan sa araw ng paghuhukom at paglipol sa mga taong masasama.” Kay Jehova ang sanlibong taon ay isang araw lamang, kaya “hindi mabagal si Jehova sa kaniyang pangako,” kundi matiisin, pagkat ayaw niya na ang sinoman ay mapahamak. Kaya dapat pag-ingatan ng mga Kristiyano ang kanilang paggawi at magsanay sa kabanalan habang hinihintay at isinasaisip ang pagkanaririto ng araw ni Jehova, kung saan ang mga kalangitan ay mapupugnaw sa apoy at ang lupa ay masusunog sa matinding init. Ngunit may pangako ang Diyos na “bagong mga langit at isang bagong lupa.”—3:4, 7, 9, 13.
7. Dahil sa patiunang kaalaman, papaano dapat magsumikap ang mga Kristiyano?
7 Kaya dapat silang magsikap na “masumpungang walang dungis at walang kapintasan at nasa kapayapaan sa paningin niya.” Ariing kaligtasan ang pagtitiis ng Panginoon, gaya ng isinulat ng minamahal na si Pablo. Sa patiunang kaalamang ito, ay mag-ingat sila na huwag matinag sa kanilang katatagan. “Datapwat,” nagtatapos ni Pedro, “magsilago sa di-sana-nararapat na kabaitan at kaalaman ng ating Panginoon at Tagapagligas, si Jesu-Kristo. Suma-kaniya ang kaluwalhatian ngayon at sa walang-hanggan.”—3:14, 18.
BAKIT KAPAKI-PAKINABANG
8. (a) Papaano nagpatotoo si Pedro sa pagiging-kinasihan kapuwa ng mga Kasulatang Hebreo at Griyego? (b) Papaano tayo makikinabang sa panghahawakan sa tumpak na kaalaman?
8 Napakahalaga ng tumpak na kaalaman! Sa pangangatuwiran niya’y inihahabi ni Pedro ang tumpak na kaalaman mula sa Kasulatang Hebreo. Pinatutunayan niya na ito’y kinasihan ng banal na espiritu: “Sapagkat ang hula ay hindi kailanman dumating sa kalooban ng tao, kundi ang mga tao ay nagsalita mula sa Diyos udyok ng banal na espiritu.” Ipinakikita rin niya na ang karunungan ni Pablo ay “ibinigay sa kaniya.” (1:21; 3:15) Kapaki-pakinabang ang magsaalang-alang sa lahat ng kinasihang Kasulatan at manghawakan sa tumpak na kaalaman. Kung gayo’y hindi tayo magwawalang-bahala, gaya niyaong mga inilarawan ni Pedro na nagsasabing: “Lahat ay nagpapatuloy na gaya rin noong simulan ang paglalang.” (3:4) At hindi rin tayo masisilo ng mga bulaang guro na inilalarawan ni Pedro sa kabanata 2 ng kaniyang liham. Sa halip, patuloy nating isaalang-alang ang mga paalaala niya at ng ibang manunulat sa Bibliya. Tutulong ito sa pananatiling “matatag sa pananampalataya” at sampu ng pagtitiis at pagtitiyaga ay “magsilago sa di-sana-nararapat na kabaitan at kaalaman ng ating Panginoon at Tagapagligtas, si Jesu-Kristo.”—1:12; 3:18.
9. Anong taimtim na pagsisikap ang ipinagagawa sa atin, at bakit?
9 Upang lumago sa “tumpak na kaalaman ng Diyos at ni Jesus na ating Panginoon,” inirerekomenda ni Pedro ang paglinang ng mga katangiang itinatala sa kabanata 1, talata 5 hanggang 7. Isinusog pa niya sa 1 talata 8, “Kung sasagana at aapaw ang mga kaloob na ito, hindi kayo magiging tamad o walang-bunga sa tumpak na kaalaman ng Panginoong Jesu-Kristo.” Napakahusay na pampatibay-loob para sa aktibong ministro ng Diyos sa mapanganib na mga panahong ito!—1:2.
10. (a) Anong mga pangako ang idiniriin ni Pedro, at ano ang ipinayo niya kaugnay ng mga ito? (b) Anong katiyakan ang ibinibigay ni Pedro tungkol sa mga hula ng Kaharian?
10 Napakahalaga ng lubos na pagsisikap upang matiyak ang pakikibahagi sa “mahahalaga at dakilang mga pangako” ng Diyos na Jehova! Kaya hinihimok ni Pedro ang pinahirang mga Kristiyano na ipako ang mata sa Kaharian: “Pagsikapan ninyong patatagin ang pagkatawag at pagkahirang sa inyo; sapagkat kung gagawin ninyo ito ay hindi kayo mabibigo kailanman. Sa katunayan, saganang ilalaan sa inyo ang pagpasok sa walang-hanggang kaharian ng ating Panginoon at Tagapagligtas, si Jesu-Kristo.” Saka itinatawag-pansin ni Pedro ang karingalan ng kaluwalhatian ng Kaharian ni Jesus, na kaniya mismong nasaksihan sa pagbabagong-anyo, at isinusog pa: “Aming napagtibay ang makahulang salita.” Oo, bawat hula tungkol sa maringal na Kaharian ni Jehova ay tiyak na matutupad. Buong-tiwala nating mauulit ang mga salita ni Pedro na sinipi sa hula ni Isaias: “Ayon sa kaniyang pangako ay naghihintay tayo ng mga bagong langit at isang bagong lupa, at doo’y maghahari ang katuwiran.”—2 Ped. 1:4, 10, 11, 19; 3:13; Isa. 65:17, 18.
[Talababa]
a Tingnan ang chart sa pahina 303.