Kapitulo 18
Kumaunti si Juan, Lumago si Jesus
KASUNOD ng Paskuwa noong tagsibol ng 30 C.E., nilisan ni Jesus at ng kaniyang mga alagad ang Jerusalem. Gayumpaman, hindi sila umuwi sa Galilea kundi tumungo sila sa bansa ng Judea, kung saan sila’y nagsagawa ng bautismo. Si Juan Bautista ay nagsasagawa na ng katulad na gawain mag-iisang taon na noon, at mayroon pa rin siyang mga alagad na kasa-kasama niya.
Ang totoo, hindi naman si Jesus mismo ang nagsasagawa ng bautismo, kundi ang kaniyang mga alagad ang nagsasagawa nito sa ilalim ng kaniyang pangangasiwa. Ang kanilang bautismo ay may katulad na kahulugan sa ginaganap ni Juan, yamang iyon ay simbolo ng pagsisisi ng isang Judio sa mga kasalanan laban sa tipang Batas ng Diyos. Gayunman, pagkatapos na siya’y buhaying-muli, tinagubilinan ni Jesus ang kaniyang mga alagad na magbautismo na may naiibang kahulugan. Ang Kristiyanong pagbabautismo sa ngayon ay sagisag ng pag-aalay ng isang tao upang paglingkuran si Jehova.
Gayunman, sa maagang bahaging ito ng ministeryo ni Jesus, kapuwa si Juan at siya, bagaman gumagawang magkahiwalay, ay nagtuturo at nagbabautismo sa mga nagsisisi. Ngunit nagsimulang manibugho ang mga alagad ni Juan at nagreklamo sa kaniya tungkol kay Jesus: “Rabbi, . . . narito, ang isang ito ay nagbabautismo at ang lahat ay nagsisiparoon sa kaniya.”
Sa halip na manibugho, nakigalak si Juan sa tagumpay ni Jesus at nais niyang makigalak din ang kaniyang mga alagad. Ipinaalaala niya sa kanila: “Kayo man ay nagsisisaksi sa akin na aking sinabi, hindi ako ang Kristo, ngunit, sinugo ako upang mauna sa kaniya.” Pagkatapos ay gumamit siya ng isang magandang ilustrasyon: “Ang may kasintahan ay ang kakasaling lalaki. Ngunit, ang kaibigan ng kakasaling lalaki, kapag tumayo siya at narinig siya, ay malaki ang kagalakan dahil sa tinig ng kakasaling lalaki. Kaya ang kagalakan kong ito ay nalubos.”
Si Juan, bilang kaibigan ng Kakasaling lalaki, ay nagalak noon pang anim na buwan ang kaagahan nang ipakilala niya ang kaniyang mga alagad kay Jesus. Ang ilan sa kanila ay nagkaroon ng pag-asang mapabilang sa uring makalangit na kasintahan ni Kristo na bubuuin ng mga Kristiyanong pinahiran ng espiritu. Nais ni Juan na ang kaniyang mga alagad ay sumunod din kay Jesus, yamang ang kaniyang layunin ay upang ihanda ang daan para sa matagumpay na ministeryo ni Kristo. Gaya ng paliwanag ni Juan Bautista: “Siya’y dapat lumago, ngunit ako’y dapat kumaunti.”
Ang bagong alagad ni Jesus na si Juan, na naging alagad din ni Juan Bautista noon, ay sumulat tungkol sa pinagmulan ni Jesus at sa Kaniyang mahalagang papel para sa kaligtasan ng sangkatauhan, na nagsasabi: “Ang nanggagaling sa itaas ay sumasaibabaw ng lahat. . . . Sinisinta ng Ama ang Anak at inilagay sa kaniyang kamay ang lahat ng mga bagay. Ang sumasampalataya sa Anak ay may buhay na walang-hanggan; ngunit ang hindi tumatalima sa Anak ay hindi makakakita ng buhay, kundi ang poot ng Diyos ay sumasakaniya.”
Hindi pa natatagalan pagkaraan na sabihin ni Juan ang pagkaunti ng kaniyang sariling gawain, siya’y dinakip ni Haring Herodes. Kinuha ni Herodes si Herodias, na asawa ni Felipe na kaniyang kapatid, bilang kaniya, at nang ihayag ni Juan sa madla ang kaniyang ginawa na di-karapat-dapat, ipinabilanggo siya ni Herodes. Nang mabalitaan ni Jesus ang pagkaaresto kay Juan, umalis siya sa Judea kasama ng kaniyang mga alagad at pumaroon sa Galilea. Juan 3:22–4:3; Gawa 19:4; Mateo 28:19; 2 Corinto 11:2; Marcos 1:14; 6:17-20.
▪ Ano ang kahulugan ng bautismo na isinagawa sa ilalim ng pangangasiwa ni Jesus bago siya buhaying-muli? At pagkatapos na siya’y buhaying-muli?
▪ Papaano ipinakita ni Juan na ang pagrereklamo ng kaniyang mga alagad ay di-makatuwiran?
▪ Bakit napabilanggo si Juan?