Kapitulo 19
Pagtuturo sa Isang Babaing Samaritana
SA KANILANG pagdaraan sa Judea patungo sa Galilea, si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay dumaan sa purok ng Samaria. Sila’y hapo sa kanilang paglalakbay, kaya’t noong may bandang tanghali ay huminto sila upang magpahinga sa tabi ng isang balón malapit sa lunsod ng Sicar. Ang balóng ito ay hinukay ni Jacob kung ilang mga siglo na ang nakalipas, at naroon pa rin hanggang sa ngayon, malapit sa modernong lunsod ng Nablus.
Samantalang si Jesus ay nagpapahinga roon, ang kaniyang mga alagad ay naparoon sa lunsod upang bumili ng pagkain. Nang isang babaing Samaritana ang dumating upang umigib, si Jesus ay nakiusap: “Bigyan mo ako ng maiinom.”
Ang mga Judio at mga Samaritano karaniwan na ay hindi nakikitungo sa isa’t isa dahilan sa mga pagkamuhi na nakatanim sa isa’t isa. Kaya naman, takang-takang nag-usisa ang babae: “Papaano ngang ikaw, bagaman isang Judio, ay humihingi sa akin ng maiinom, gayong ako’y isang babaing Samaritana?”
“Kung alam mo lamang,” ang sagot ni Jesus, “kung sino ang sa iyo’y nagsasabi, ‘Painumin mo ako,’ ikaw ay hihingi sa kaniya, at ikaw ay bibigyan niya ng tubig na buháy.”
“Ginoo,” ang sabi niya, “wala kang sukat isalok ng tubig, at malalim ang balon. Saan nga naroon, kung gayon, ang iyong tubig na buháy? Dakila ka pa baga sa aming amang si Jacob, na sa ami’y nagbigay ng balon at dito’y uminom siya kasama ng kaniyang mga anak at ng kaniyang mga baka?”
“Ang bawat umiinom ng tubig na ito ay muling mauuhaw,” ang sabi ni Jesus. “Datapuwat ang sinumang uminom ng tubig na ibibigay ko sa kaniya ay hindi na mauuhaw kailanman, ngunit ang tubig na ibibigay ko sa kaniya ay magiging sa kaniya’y isang bukal ng tubig na bumabalong upang magbigay ng buhay na walang-hanggan.”
“Ginoo, bigyan mo ako ng tubig na ito, upang ako’y huwag mauhaw ni pumarito man sa ganito kalayo upang umigib,” ang tugon ng babae.
Si Jesus ngayon ay sumagot sa kaniya: “Humayo ka, tawagin mo ang iyong asawa at pumarito ka sa dakong ito.”
“Wala akong asawa,” ang sagot niya.
Niliwanag ni Jesus ang sinabi ng babae. “Mabuti ang pagkasabi mo, ‘Wala akong asawa.’ Sapagkat ikaw ay nagkaroon ng limang asawa, at ang lalaking kinakasama mo ngayon ay hindi mo asawa.”
“Ginoo, nahahalata ko na ikaw ay isang propeta,” ang sabi ng babae na lubos na nagtataka. Ngayon ay nahayag nang mahilig makipag-usap ang babae tungkol sa espirituwal, at sinabi niya na ang mga Samaritano ay “sumasamba sa bundok na ito [ng Gerizim, na malapit lamang]; ngunit kayo [na mga Judio] ay nagsasabi na doon sa Jerusalem ang dako na dapat sumamba ang mga tao.”
Ngunit ang dakong sambahan ay hindi siyang mahalaga, ang sabi ni Jesus. “Dumarating ang oras,” ang sabi niya, “na sasambahin ng mga tunay na sumasamba ang Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, talaga ngang ang mga gayon ang hinahanap ng Ama na sumamba sa kaniya. Ang Diyos ay isang Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay kinakailangang sumamba sa kaniya sa espiritu at katotohanan.”
Ganiyan na lamang ang paghanga ng babae. “Batid ko na ang Mesiyas ay darating, yaong tinatawag na Kristo,” aniya. “Kailanma’t dumating ang isang iyon, kaniyang hayagang sasabihin sa amin ang lahat ng bagay.”
“Akong nagsasalita sa iyo ay siya nga,” ang sabi ni Jesus. Isip-isipin iyan! Ang babaing ito na umiigib kung katanghaliang tapat, marahil upang maiwasan ang pakikisalamuha sa mga babaing tagaroon na mababa ang tingin sa kaniya dahil sa kaniyang pamumuhay, ay tinanggap ni Jesus. Tahasang sinabi sa kaniya ni Jesus yaong hindi niya lantarang inaamin sa iba. Ano ang naging bunga nito?
Naniwala ang Maraming Samaritano
Nang sila’y makabalik galing sa Sicar at dala na ang pagkain, nadatnan ng mga alagad si Jesus na nasa balon ni Jacob na kung saan kanilang iniwanan siya, at ngayon siya ay nakikipag-usap sa isang babaing Samaritana. Nang dumating ang mga alagad, lumisan siya, at iniwanan ang kaniyang banga ng tubig, at ngayo’y patungo na siya sa lunsod.
Yamang lubhang interesado ang babaing ito sa mga bagay na sinabi sa kaniya ni Jesus, sinabi niya sa mga lalaki sa lunsod: “Halikayo, tingnan ninyo ang isang lalaki na nagsabi sa akin ng lahat ng bagay na ginawa ko.” Pagkatapos, sa paraan na pumupukaw ng pananabik, siya’y nagtanong: “Hindi kaya ito ang Kristo?” Dahil sa tanong na iyan ay natupad ang gusto niya—nagsiparoon ang mga lalaki upang alamin kung totoo ang kaniyang sinabi.
Samantala, sinabi ng mga alagad kay Jesus na kanin na niya ang pagkain na binili nila sa lunsod. Ngunit ito’y tumugon: “Ako’y may pagkaing kakanin na hindi ninyo nalalaman.”
“May tao kayang nagdala sa kaniya ng makakain?” ang tanong ng mga alagad sa isa’t isa. Si Jesus ay nagpaliwanag: “Ang pagkain ko ay gawin ang kalooban niya na nagsugo sa akin at tapusin ang kaniyang gawain. Hindi ba sinasabi ninyo na mayroon pang apat na buwan bago dumating ang pag-aani?” Gayunman, ang ibig niyang tukuyin ay ang espirituwal na pag-aani, kaya sinabi ni Jesus: “Itanaw ninyo ang inyong mga mata at malasin ang mga bukid, na mapuputi na upang anihin. Ang mang-aani ay tumatanggap na ng upa at nagtitipon ng bunga para sa buhay na walang-hanggan, upang ang maghahasik at ang mang-aani ay magalak kapuwa.”
Marahil nakikita na noon ni Jesus ang dakilang epekto ng di-inaasahang pagtatagpo nila ng babaing Samaritana—na marami ang nananampalataya na kay Jesus nang dahil sa pagpapatotoo ng babae. Siya’y nagpapatotoo sa mga taong-bayan, na nagsasabi: Sinabi niya sa akin ang lahat ng mga bagay na aking ginawa.” Kaya, nang ang mga lalaking taga-Sicar ay lumapit kay Jesus sa balon, kanilang hiniling sa kaniya na dumuon muna siya at makipag-usap pa sa kanila. Tinanggap ni Jesus ang imbitasyon at lumagi roon ng dalawang araw.
Samantalang ang mga Samaritano ay nakikinig kay Jesus, marami pa ang naniwala. Pagkatapos ay sinabi nila sa babae: “Hindi sa kami’y naniniwala dahilan sa sinabi mo; sapagkat ang ganang sarili namin ang nakarinig at natitiyak na namin na ang lalaking ito ang tagapagligtas ng sanlibutan.” Tunay na ang babaing Samaritana ay isang mainam na halimbawa ng kung papaano tayo maaaring magpatotoo tungkol kay Kristo sa pamamagitan ng pagpukaw ng pananabik upang ang mga nakikinig ay higit pang magsaliksik!
Alalahanin na may apat na buwan pa noon bago sumapit ang pag-aani—marahil ang pag-aani ng sebada, na sa Palestina ay kung panahon ng tagsibol. Kaya marahil ngayon ay Nobyembre o Disyembre. Ito’y nangangahulugan na pagkatapos ng Paskua ng 30 C.E., si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay gumugol ng walong buwan humigit-kumulang sa Judea sa pagtuturo at pagbabautismo. Sila’y paalis na ngayon patungo sa kanilang sariling teritoryo sa Galilea. Ano ang naghihintay sa kanila doon? Juan 4:3-43.
▪ Bakit ang babaing Samaritana ay nagtaka nang kausapin siya ni Jesus?
▪ Ano ang itinuro ni Jesus sa kaniya tungkol sa tubig ng buhay at kung saan kailangang sumamba?
▪ Papaano inihayag sa kaniya ni Jesus kung sino siya, at bakit ang paghahayag na ito ay lubhang kagila-gilalas?
▪ Anong pagpapatotoo ang ginawa ng babaing Samaritana at ano ang ibinunga?
▪ Papaanong ang pagkain ni Jesus ay may kaugnayan sa pag-aani?
▪ Papaano natin matitiyak ang haba ng ministeryo ni Jesus sa Judea pagkatapos ng Paskua ng 30 C.E.?