Kapitulo 20
Ang Ikalawang Himala Samantalang Nasa Cana
PAGKATAPOS na bumalik si Jesus sa kaniyang sariling teritoryo nang matapos mangaral sa Judea, iyon ay hindi upang mamahinga. Bagkus, kaniyang sinimulan ang isang lalong malawak na ministeryo sa Galilea, ang lupain na kinalakhan niya. Subalit ang kaniyang mga alagad, sa halip na pumisan na kasama niya, ay nagsiuwi sa kani-kanilang pamilya at bumalik sa kanilang mga dating hanapbuhay.
Anong pabalita ang sinimulang ipangaral ni Jesus? Ito: “Ang kaharian ng Diyos ay malapit na. Magsisi kayo, kayong mga tao, at sumampalataya sa mabuting balita.” At ang tugon? Si Jesus ay tinanggap ng mga taga-Galilea. Siya’y iginalang ng lahat. Subalit, ito’y hindi dahilan lalung-lalo na sa kaniyang pabalita, kundi bagkus, dahil sa marami sa kanila ang dumalo sa Paskua sa Jerusalem mga buwan na ang nakaraan at nakita nila ang kamangha-manghang mga himala na kaniyang ginawa.
Maliwanag na pinasimulan ni Jesus ang kaniyang dakilang ministeryo sa Cana ng Galilea. Mas maaga rito, maaalaala pa ninyo, nang siya’y bumalik galing sa Judea, ginawa niyang alak ang tubig sa isang kasalan doon. Nang ikalawang okasyong ito, ang anak na lalaki ng isang opisyal ng pamahalaan ni Haring Herodes Antipas ay may malubhang sakit. Nang mabalitaan na si Jesus ay naroroon sa Cana galing sa Judea, ang opisyal ay naparoon galing sa malayong tirahan niya sa Capernaum upang makipagtagpo kay Jesus doon. Namimighati, ang lalaki’y nakiusap: ‘Pakisuyong sumama kayo sa akin agad-agad, bago mamatay ang aking anak.’
Si Jesus ay tumugon: ‘Umuwi ka na. Magaling na ang anak mo!’ Ang opisyal na ito ni Herodes ay naniwala at nagsimula nang maglakbay pauwi. Nang siya’y nasa daan na ay sinalubong siya ng kaniyang mga utusan, na nagsisipagmadali upang sabihin sa kaniya na maayos na ang lahat—ang kaniyang anak ay gumaling na! ‘Kailan ito gumaling?’ ang tanong niya.
‘Kahapon po sa ganap na ika-1:00 n.h.,’ ang sagot nila.
Natalos ng opisyal na ito ang mismong oras nang sabihin ni Jesus, ‘Ang iyong anak ay magaling na!’ Pagkatapos niyan, ang taong iyon at ang kaniyang buong sambahayan ay naging mga alagad ni Kristo.
Kaya naman ang Cana ay napatangi bilang ang lugar na kung saan, matapos bumalik siya galing sa Judea, si Jesus ay makalawang gumawa ng mga himala. Mangyari pa, hindi ito ang tanging mga himala na ginawa niya hanggang sa panahong ito, subalit ang mga ito ay mahalaga sapagkat palatandaan ng kaniyang pagbabalik sa Galilea.
Ngayon si Jesus ay pauwi na sa Nasaret. Ano ang naghihintay sa kaniya roon? Juan 4:43-54; Marcos 1:14, 15; Lucas 4:14, 15.
▪ Nang si Jesus ay bumalik sa Galilea, ano ang nangyari sa kaniyang mga alagad, at papaano siya tinanggap ng mga tao?
▪ Anong himala ang ginawa ni Jesus, at papaano naapektuhan nito ang mga kasangkot na naroon?
▪ Papaano ngang ang Cana sa ganoong paraan ay itinangi ni Jesus?