Nanghihikayat ang mga Demonyo ng Paghihimagsik Laban sa Diyos
Ngunit bakit nagsisikap si Satanas at ang kaniyang mga demonyo na manlinlang ng mga tao? Sapagkat nais nilang sumama tayo sa kanilang paghihimagsik. Nais nilang sambahin natin sila. Nais nilang maniwala tayo sa kanilang mga kasinungalingan at gawin ang mga bagay na ayaw ni Jehova. Marami sa mga gawaing ito ay nagsasangkot ng mga kaugaliang may kaugnayan sa mga patay.
Ang kamatayan ng isang mahal sa buhay ay isang masakit na karanasan, at normal at angkop lang na magpahayag ng pagdadalamhati. Nang mamatay ang kaibigan ni Jesus na si Lazaro, si Jesus ay “tumangis.”—Juan 11:35.
Maraming iba’t ibang kaugaliang may kaugnayan sa kamatayan, at ang mga ito’y lubhang nagkakaiba-iba sa buong mundo. Marami ang hindi salungat sa mga prinsipyo sa Bibliya. Gayunman, ang ibang mga kaugalian, ay salig sa ideya na ang patay ay buháy at kanilang nakikita ang mga buháy. Ang paglalamay, walang patumanggang pagdadalamhati, at masasalimuot na seremonya sa libing ay pawang nag-ugat sa takot na di-mapalugdan ang espiritu ng mga patay. Ngunit yamang ang patay ay ‘walang nalalaman na anuman,’ ang nagsasagawa ng gayong mga bagay ay nagpapalaganap ng kasinungalingan ni Satanas.—Eclesiastes 9:5.
Ang ibang mga kaugalian o seremonya ay galing sa paniniwala na ang patay ay nangangailangan ng tulong mula sa mga buháy at kanilang pipinsalain ang mga buháy kung hindi sila papayapain. Sa ibang mga lupain ang mga pagpipiging at pag-aalay ay ginaganap 40 araw o kaya’y sa isang taon pagkamatay ng isang tao. Ito raw ay nakatutulong sa patay na ‘makatawid’ sa dako ng mga espiritu. Isa pang karaniwang kaugalian ay ang pag-aalay ng pagkain at inúmin sa patay.
Ang mga bagay na ito ay mali dahil nagpapalaganap ito ng mga kasinungalingan ni Satanas hinggil sa mga patay. Sasang-ayunan kaya ni Jehova ang pagkakaroon natin ng kaugnayan sa mga kaugaliang salig sa turo ng mga demonyo? Hindi kailanman!—2 Corinto 6:14-18.
Ang mga lingkod ng tunay na Diyos ay walang pakikibahagi sa anumang kaugalian na nagtataguyod sa mga kasinungalingan ni Satanas. Sa halip, maibigin nilang ibinubuhos ang kanilang pansin sa pagtulong at pag-aliw sa mga nabubuhay. Alam nila na minsang pumanaw ang isang tao, tanging si Jehova lang ang makatutulong sa isang iyon.—Job 14:14, 15.
Espiritismong Ipinagbabawal ng Diyos
May mga taong nakikipag-ugnayan sa mga demonyo nang tuwiran o sa pamamagitan ng isang medium. Tinatawag itong espiritismo. Ang voodoo, panggagaway, mahiko, panghuhula, at pag-uusisa sa mga patay ay pawang mga anyo ng espiritismo.
Ipinagbabawal ito ng Bibliya, na sinasabing: “Huwag makakasumpong sa inyo ng sinumang . . . gumagamit ng huwad na panghuhula, ng isang mahiko o sinuman na tumitingin sa mga palatandaan o isang manggagaway, o isang engkantador, o sinuman na sumasangguni sa isang espiritistang medium o isang propesyonal na manghuhula ng mga pangyayari o sinuman na sumasangguni sa mga patay. Sapagkat sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumal-dumal kay Jehova.”—Deuteronomio 18:10-12.
Bakit tayo masidhing binababalaan ni Jehova laban sa ganitong mga kaugalian?
Para sa ating sariling kapakanan, binababalaan tayo ni Jehova laban sa lahat ng anyo ng espiritismo. Nagmamahal at nagmamalasakit siya sa kaniyang bayan, at alam niya na yaong mga nasasangkot sa mga demonyo ay magdurusa.
Isa sa gayong tao ay si Nilda, na dating espiritistang medium sa Brazil. Ginawang busabos ng mga demonyo ang kaniyang buhay. Isinalaysay niya: “Inalihan ako . . . ng mga espiritu, inuutus-utusan ako. Ako’y nagpabalik-balik sa kalagayang may malay at walang malay, at naospital ako dahil sa mga problemang pangkaisipan. Labis akong inusig ng mga demonyo anupa’t naapektuhan ang aking mga nerbiyos. Uminom ako ng mga pampakalma at nagsimulang uminom at manigarilyo nang palagian. Ito’y nagpatuloy ng maraming taon.”
Nang maglaon, sa tulong ni Jehova at ng kaniyang mga Saksi sa lupa, si Nilda ay nakalaya mula sa impluwensiya ng mga demonyo at ngayo’y namumuhay nang masagana, kaaya-ayang buhay. Sabi niya: “Hinihimok ko ang lahat na huwag kailanman, kahit na isang saglit, mapasangkot sa [masasamang] espiritu.”