Seksiyon 5
Ang Buhay ay May Dakilang Layunin
1, 2. Paano natin masasabi na ang Diyos ay nagmamalasakit sa atin, at saan tayo dapat bumaling para sa mga kasagutan sa mga tanong tungkol sa buhay?
1 Ang pagkakagawa sa lupa at sa nabubuhay na mga bagay nito ay nagpapakita na ang kanilang Maylikha ay isang Diyos ng pag-ibig na talagang nagmamalasakit. At ipinakikita ng kaniyang Salita, ang Bibliya, na siya ay nagmamalasakit; binibigyan tayo nito ng hangga’t maaari’y pinakamagaling na mga kasagutan tungkol sa mga tanong na: Bakit tayo naririto sa lupa? at, Saan tayo patungo?
2 Kailangang saliksikin natin ang Bibliya para sa mga kasagutang iyon. Ang Salita ng Diyos ay nagsasabi: “Kung inyong hahanapin siya, siya’y masusumpungan ninyo, ngunit kung pabayaan ninyo siya ay kaniyang pababayaan kayo.” (2 Cronica 15:2) Kaya nga, ano ang isinisiwalat ng pananaliksik sa Salita ng Diyos tungkol sa kaniyang layunin para sa atin?
Kung Bakit Nilalang ng Diyos ang mga Tao
3. Bakit nilalang ng Diyos ang lupa?
3 Ipinakikita ng Bibliya na inihanda ng Diyos ang lupa lalung-lalo na taglay ang mga tao sa isipan. Ang Isaias 45:18 ay nagsasabi tungkol sa lupa na “hindi niya [ng Diyos] nilikha ito para sa walang kabuluhan [kundi] kaniyang ginawa ito upang tahanán.” At pinaglaanan niya ang lupa ng lahat ng kakailanganin ng tao, hindi lamang upang umiral, kundi upang lubusang masiyahan sa buhay.—Genesis, mga kabanata 1 at 2.
4. Bakit nilalang ng Diyos ang unang mga tao?
4 Sa kaniyang Salita, sinasabi ng Diyos ang tungkol sa paglalang sa unang mga tao, sina Adan at Eva, at isinisiwalat kung ano ang nasa isipan niya para sa sambahayan ng tao. Sabi niya: “Gawin natin ang tao sa ating larawan, ayon sa ating wangis, at magkaroon sila ng kapangyarihan sa mga isda sa dagat at sa mga ibon sa himpapawid at sa maaamong hayop at sa buong lupa at sa bawat hayop na gumagalaw sa ibabaw ng lupa.” (Genesis 1:26) Ang mga tao ang mangangasiwa sa “buong lupa” at sa mga nilikhang hayop nito.
5. Saan inilagay ang unang mga tao?
5 Ang Diyos ay gumawa ng isang malaki, tulad-parkeng halamanan sa isang dako na tinatawag na Eden, na nasa Gitnang Silangan. Pagkatapos “kinuha [niya] ang lalaki at inilagay sa halamanan ng Eden upang kaniyang alagaan at ingatan iyon.” Ito ay isang paraiso na naglalaman ng lahat ng pagkaing kakailanganin ng unang mga tao. At kasali rito ang “lahat na punungkahoy na nakalulugod sa paningin at mabuting kanin,” gayundin ang iba pang pananim at maraming kawili-wiling uri ng buhay-hayop.—Genesis 2:7-9, 15.
6. Ang mga tao’y nilalang taglay ang anong mental at pisikal na mga katangian?
6 Ang mga katawan ng unang mga tao ay nilalang na sakdal, kaya hindi sila magkakasakit, tatanda, at mamamatay. Sila rin ay pinagkalooban ng iba pang katangian, gaya niyaong malayang kalooban. Ang paraan ng pagkakagawa sa kanila ay ipinaliwanag sa Genesis 1:27: “At nilalang ng Diyos ang tao sa kaniyang sariling larawan, sa larawan ng Diyos siya nilalang; nilalang niya sila na lalaki at babae.” Yamang tayo ay nilalang sa larawan ng Diyos, tayo’y binigyan hindi lamang ng pisikal at mental na mga katangian kundi ng moral at espirituwal na mga aspekto rin, at ang mga ito ay kailangang masapatan upang tayo ay maging tunay na maligaya. Ang Diyos ay maglalaan ng mga paraan upang punan ang mga pangangailangang iyon gayundin ang pangangailangan sa pagkain, tubig, at hangin. Gaya ng sinabi ni Jesus, “hindi sa tinapay lamang mabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ni Jehova.”—Mateo 4:4.
7. Anong utos ang ibinigay sa unang mag-asawa?
7 Bukod pa riyan, isang kahanga-hangang utos ang ibinigay ng Diyos sa unang mag-asawa samantalang sila ay nasa Eden: “Kayo’y magpalaanakin at magpakarami at punuin ninyo ang lupa.” (Genesis 1:28) Kaya sila ay makapagpaparami at magsisilang ng sakdal na mga anak. At habang dumarami ang populasyon ng tao, sila’y magkakaroon ng kasiya-siyang trabaho na palawakin ang mga hangganan ng orihinal na tulad-parke, paraisong dako ng Eden. Sa wakas, ang buong lupa ay magiging paraiso, na tinatahanan ng sakdal, maliligayang tao na mabubuhay magpakailanman. Sinasabi sa atin ng Bibliya na pagkatapos magawa ang lahat ng ito, “nakita ng Diyos ang lahat ng kaniyang nilikha at, narito! napakabuti.”—Genesis 1:31; tingnan din ang Awit 118:17.
8. Paano pangangalagaan ng mga tao ang lupa?
8 Maliwanag na gagamitin ng mga tao ang nasakop na lupa sa kanilang pakinabang. Ngunit ito ay gagawin sa isang responsableng paraan. Ang mga tao ay dapat na maging magalang na mga katiwala ng lupa, hindi mga tagawasak nito. Ang pagkawasak ng lupa na nakikita natin sa ngayon ay labag sa kalooban ng Diyos, at yaong nakikibahagi rito ay lumalabag sa layunin ng buhay sa lupa. Pagbabayaran nila iyan, sapagkat sinasabi ng Bibliya na “ipapahamak [ng Diyos] ang mga nagpapahamak ng lupa.”—Apocalipsis 11:18.
Layunin Pa Rin ng Diyos
9. Bakit tayo makapagtitiwala na ang layunin ng Diyos ay matutupad?
9 Samakatuwid, mula sa simula layunin ng Diyos para sa isang sakdal na sambahayan ng tao na manirahan sa lupa magpakailanman sa isang paraiso. At ito pa rin ang kaniyang layunin! Walang pagsala, ang layuning iyan ay matutupad. Ang Bibliya ay nagsasabi: “Si Jehova ng mga hukbo ay sumumpa, na nagsasabi: ‘Tunay na kung ano ang iniisip ko, gayon ang mangyayari; at kung ano ang aking pinanukala gayon matutupad.’” “Aking sinalita; akin namang pangyayarihin. Aking pinanukala, akin namang gagawin.”—Isaias 14:24; 46:11.
10, 11. Paano binanggit ni Jesus, Pedro, at ng salmistang si David ang tungkol sa Paraiso?
10 Binanggit ni Jesu-Kristo ang tungkol sa layunin ng Diyos na isauli ang paraiso sa lupa nang sabihin niya sa isang tao na nagnanais ng pag-asa sa hinaharap: “Ikaw ay makakasama ko sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Si apostol Pedro man ay bumanggit tungkol sa dumarating na bagong sanlibutan nang kaniyang ihula: “Mga bagong langit [isang bagong kaayusang pampamahalaan na magpupuno mula sa langit] at isang bagong lupa [isang bagong makalupang lipunan] ang hinihintay natin ayon sa pangako [ng Diyos], at sa mga ito’y tatahan ang katuwiran.”—2 Pedro 3:13.
11 Ang salmistang si David ay sumulat din tungkol sa dumarating na bagong sanlibutan at kung gaano katagal ito mananatili. Inihula niya: “Ang matuwid ay magsisipagmana ng lupa, at sila’y maninirahan dito magpakailanman.” (Awit 37:29) Iyan ang dahilan kung bakit ipinangako ni Jesus: “Maligaya ang maaamo, sapagkat mamanahin nila ang lupa.”—Mateo 5:5.
12, 13. Buurin ang dakilang layunin ng Diyos para sa sangkatauhan.
12 Anong dakilang pag-asa iyan, mabuhay magpakailanman sa isang lupang paraiso na malaya sa lahat ng kabalakyutan, krimen, sakit, kalungkutan, at kirot! Sa huling aklat ng Bibliya, binubuod ng makahulang Salita ng Diyos ang dakilang layuning ito sa pagsasabing: “At papahirin niya [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng dalamhati o ng pananambitan o ng hirap pa man. Ang mga dating bagay ay naparam na.” Sabi pa nito: “At ang Isang nakaupo sa luklukan ay nagsabi: ‘Narito! Ginagawa kong bago ang lahat ng mga bagay.’ At, sinabi pa niya: ‘Isulat mo, sapagkat ang mga salitang ito ay tapat at tunay.’”—Apocalipsis 21:4, 5.
13 Oo, ang Diyos ay may dakilang layunin sa isipan. Ito’y isang bagong sanlibutan ng katuwiran, isang walang-hanggang paraiso, na inihula ng Isa na makagagawa at gagawin ang ipinangangako niya, sapagkat ang kaniyang “mga salita ay tapat at tunay.”
[Mga larawan sa pahina 20, 21]
Nilayon ng Diyos na ang mga tao ay mabuhay magpakailanman sa isang lupang paraiso. Iyan pa rin ang kaniyang layunin
[Larawan sa pahina 22]
Maaaring papanagutin ng may-ari ang mga nangungupahan na sumira ng kaniyang bahay