Kabanata 5
Kaninong Pagsamba ang Sinasang-ayunan ng Diyos?
1. Ano ang ibig malaman ng isang Samaritana tungkol sa pagsamba?
NAPAG-ISIP-ISIP mo na ba ang tanong na, ‘Kanino kayang pagsamba ang sinasang-ayunan ng Diyos?’ Sumagi marahil sa isipan ng isang babae ang tanong na ito nang siya’y makipag-usap kay Jesu-Kristo malapit sa Bundok Gerizim sa Samaria. Bilang pagtukoy sa pagkakaiba ng pagsamba ng mga Samaritano at niyaong sa mga Judio, sinabi niya: “Ang aming mga ninuno ay sumamba sa bundok na ito; ngunit sinasabi ninyo na sa Jerusalem ang dako kung saan ang mga tao ay dapat sumamba.” (Juan 4:20) Sinabi ba ni Jesus sa Samaritana na sinasang-ayunan ng Diyos ang lahat ng pagsamba? O sinabi niya na may mga espesipikong bagay na hinihiling upang mapaluguran ang Diyos?
2. Bilang sagot sa Samaritana, ano ang sinabi ni Jesus?
2 Ang nakagugulat na sagot ni Jesus ay: “Ang oras ay dumarating na hindi sa bundok na ito ni sa Jerusalem man ninyo sasambahin ang Ama.” (Juan 4:21) Napakatagal nang kinatatakutan ng mga Samaritano si Jehova at sinasamba ang iba pang mga diyos sa Bundok Gerizim. (2 Hari 17:33) Ngayon ay sinabi ni Jesu-Kristo na hindi na mahalaga sa tunay na pagsamba ang dakong iyon ni ang Jerusalem.
SUMAMBA SA ESPIRITU AT KATOTOHANAN
3. (a) Bakit talagang hindi kilala ng mga Samaritano ang Diyos? (b) Papaano maaaring makilala ng mga tapat na Judio at ng iba pa ang Diyos?
3 Nagpatuloy si Jesus sa pagsasabi sa Samaritana: “Inyong sinasamba kung ano ang hindi ninyo nalalaman; aming sinasamba kung ano ang aming nalalaman, sapagkat ang kaligtasan ay nagmumula sa mga Judio.” (Juan 4:22) Ang mga Samaritano ay may mga maling idea sa relihiyon at tinatanggap lamang ang unang limang aklat ng Bibliya bilang kinasihan—at iyon nga ay yaon lamang nasa kanilang sariling rebisyon na nakilala bilang Samaritanong Pentateuch. Samakatuwid, hindi nila talagang nakikilala ang Diyos. Gayunman, pinagkatiwalaan ang mga Judio ng kaalaman sa Kasulatan. (Roma 3:1, 2) Naglaan ang Kasulatan sa tapat na mga Judio at sa iba pang makikinig ng lahat ng kailangan nila upang makilala ang Diyos.
4. Ayon kay Jesus, ano ang kailangang gawin kapuwa ng mga Judio at ng mga Samaritano kung nais nilang sang-ayunan ng Diyos ang kanilang pagsamba?
4 Ang totoo, ipinakita ni Jesus na kapuwa ang mga Judio at ang mga Samaritano ay kailangang magbago ng kanilang paraan ng pagsamba upang mapaluguran ang Diyos. Sinabi niya: “Ang oras ay dumarating, at ito ay ngayon na, na ang mga tunay na mananamba ay sasamba sa Ama sa espiritu at katotohanan, sapagkat, sa katunayan, hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya. Ang Diyos ay Espiritu, at yaong mga sumasamba sa kaniya ay dapat sumamba sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:23, 24) Kailangan nating sambahin ang Diyos “sa espiritu,” na inuudyukan ng pusong nag-uumapaw sa pananampalataya at pag-ibig. Posibleng sambahin ang Diyos ‘sa katotohanan’ sa pamamagitan ng pag-aaral ng kaniyang Salita, ang Bibliya, at sa pamamagitan ng pagsamba sa kaniya ayon sa kaniyang isiniwalat na katotohanan. Nasasabik ka bang gawin iyan?
5. (a) Ano ang kahulugan ng “pagsamba”? (b) Ano ang dapat nating gawin kung nais nating maging kaayaaya sa Diyos ang ating pagsamba?
5 Idiniin ni Jesus na nais ng Diyos ng tunay na pagsamba. Ipinakikita nito na may mga anyo ng pagsamba na di-kaayaaya kay Jehova. Ang pagsamba sa Diyos ay nangangahulugan ng pagbibigay sa kaniya ng mapitagang paggalang at pag-uukol ng sagradong paglilingkod sa kaniya. Kung nais mong magpakita ng paggalang sa isang makapangyarihang tagapamahala, malamang na masasabik kang paglingkuran siya at gawin ang anumang makalulugod sa kaniya. Kung gayon, tiyak na nanaisin nating mapaluguran ang Diyos. Sa halip na basta sabihing, ‘Nasisiyahan na ako sa aking relihiyon,’ kailangan natin kung gayon na tiyaking ang ating pagsamba ay nakatutugon sa mga kahilingan ng Diyos.
ANG PAGGAWA NG KALOOBAN NG AMA
6, 7. Bakit hindi kinikilala ni Jesus ang ilang nag-aangkin na mga alagad niya?
6 Basahin natin ang Mateo 7:21-23 at tingnan kung matutukoy natin ang isang mahalagang salik na nagpapakita kung sinasang-ayunan nga ng Diyos ang lahat ng pagsamba. Sabi ni Jesus: “Hindi ang bawat isa na nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng mga langit, kundi ang isa na gumagawa ng kalooban ng aking Ama na nasa mga langit. Marami ang magsasabi sa akin sa araw na iyon, ‘Panginoon, Panginoon, hindi ba nanghula kami sa pangalan mo, at nagpalayas ng mga demonyo [balakyot na mga espiritung nilalang] sa pangalan mo, at nagsagawa ng maraming makapangyarihang gawa sa pangalan mo?’ At kung magkagayon ay ipahahayag ko sa kanila: Hindi ko kayo kailanman nakilala! Lumayo kayo sa akin, kayong mga manggagawa ng katampalasanan.”
7 Ang pagkilala kay Jesu-Kristo bilang Panginoon ay mahalaga sa tunay na pagsamba. Ngunit may isang bagay na nagkukulang sa pagsamba ng marami sa mga ito na nag-aangking mga alagad ni Jesus. Sinabi niya na ang ilan ay nagsasagawa ng “makapangyarihang mga gawa,” gaya ng ipinalalagay na makahimalang mga pagpapagaling. Gayunman, hindi nila ginagawa ang sinabi ni Jesus na mahalaga. Hindi sila “gumagawa ng kalooban ng [kaniyang] Ama.” Kung nais nating paluguran ang Diyos, dapat nating alamin kung ano ang kalooban ng Ama at pagkatapos ay gawin iyon.
TUMPAK NA KAALAMAN—ISANG PROTEKSIYON
8. Kung nais nating gawin ang kalooban ng Diyos, ano ang kailangan, at anong maling pangmalas ang dapat nating iwasan?
8 Ang paggawa ng kalooban ng Diyos ay nangangailangan ng tumpak na kaalaman kapuwa sa Diyos na Jehova at kay Jesu-Kristo. Ang gayong kaalaman ay umaakay sa buhay na walang-hanggan. Kung gayon, walang-pagsalang lahat tayo’y magnanais na maging seryoso sa pagkuha ng tumpak na kaalaman mula sa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Sinasabi ng ilan na hindi na kailangang mabahala basta tapat at masigasig tayo sa ating pagsamba. Sabi naman ng iba, ‘Kung kakaunti ang alam mo, kakaunti lamang ang aasahan sa iyo.’ Ngunit, hinihimok tayo ng Bibliya na palaguin pa ang kaalaman tungkol sa Diyos at sa kaniyang mga layunin.—Efeso 4:13; Filipos 1:9; Colosas 1:9.
9. Papaano tayo iniingatan ng tumpak na kaalaman, at bakit natin kailangan ang gayong proteksiyon?
9 Ang gayong kaalaman ay isang proteksiyon upang di-marungisan ang ating pagsamba. Binanggit ni apostol Pablo ang isang espiritung nilalang na nagkunwang “isang anghel ng liwanag.” (2 Corinto 11:14) Sa ganitong pagbabalatkayo, ang espiritung nilalang na ito—si Satanas—ay nagsisikap na iligaw tayo upang gawin ang mga bagay na taliwas sa kalooban ng Diyos. Pinarurungis din ng ibang espiritung nilalang na kasama ni Satanas ang pagsamba ng mga tao, sapagkat sinabi ni Pablo: “Ang mga bagay na inihahain ng mga bansa ay inihahain nila sa mga demonyo, at hindi sa Diyos.” (1 Corinto 10:20) Malamang, inaakala ng iba na sila’y sumasamba sa tamang paraan, gayong hindi naman nila ginagawa ang nais ng Diyos. Sila’y napaligaw sa marumi at huwad na pagsamba. Mayroon pa tayong higit na matututuhan tungkol kay Satanas at sa mga demonyo sa mga susunod pa, ngunit tiyak na pinarurungis na ng mga kaaway na ito ng Diyos ang pagsamba ng sangkatauhan.
10. Ano ang gagawin mo kapag may kusang naglagay ng lason sa iyong pinagkukunan ng tubig, at nasasangkapan tayo ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos upang gawin ang ano?
10 Kung malaman mong may kusang naglagay ng lason sa iyong pinagkukunan ng tubig, itutuloy mo pa ba ang pag-inom dito? Walang-pagsalang kikilos ka agad upang humanap ng mapagkukunan ng ligtas at malinis na tubig. Buweno, nasasangkapan tayo ng tumpak na kaalaman sa Salita ng Diyos upang makilala natin ang tunay na relihiyon at tanggihan ang mga karumihang nagiging dahilan upang maging di-kaayaaya sa Diyos ang ating pagsamba.
MGA PAG-UUTOS NG TAO BILANG DOKTRINA
11. Ano ang mali sa pagsamba ng maraming Judio?
11 Nang si Jesus ay nasa lupa, maraming Judio ang hindi kumilos ayon sa tumpak na kaalaman ng Diyos. Samakatuwid ay naiwala nila ang pagkakataon na magkaroon ng malinis na katayuan sa harap ni Jehova. Hinggil sa kanila, sumulat si Pablo: “Nagpapatotoo ako tungkol sa kanila na may sigasig sila sa Diyos; ngunit hindi ayon sa tumpak na kaalaman.” (Roma 10:2) Sila mismo sa kanilang sarili ang nagpasiya kung papaano sasambahin ang Diyos sa halip na pakinggan ang kaniyang sinabi.
12. Ano ang nagparumi sa pagsamba ng Israel, at ano ang resulta?
12 Sa pasimula ay isinagawa ng mga Israelita ang bigay-Diyos na dalisay na relihiyon, ngunit ito’y narumihan ng mga turo at pilosopya ng mga tao. (Jeremias 8:8, 9; Malakias 2:8, 9; Lucas 11:52) Bagaman inakala ng mga Judiong lider ng relihiyon na kilala sa tawag na mga Fariseo na ang kanilang pagsamba ay sinasang-ayunan ng Diyos, sinabi sa kanila ni Jesus: “Si Isaias ay angkop na humula tungkol sa inyo na mga mapagpaimbabaw, gaya ng nasusulat, ‘Ang bayang ito ay nagpaparangal sa akin sa pamamagitan ng kanilang mga labi, ngunit ang kanilang mga puso ay malayung-malayo sa akin. Walang kabuluhan ang patuloy na pagsamba nila sa akin, sapagkat itinuturo nila bilang mga doktrina ang mga pag-uutos ng mga tao.’ ”—Marcos 7:6, 7.
13. Ano ang maaaring ginagawa natin na gaya ng ginawa ng mga Fariseo?
13 Posible kaya na maaaring ang ginagawa natin ay gaya ng ginawa ng mga Fariseo? Ito’y maaaring mangyari kung susundin natin ang mga tradisyong relihiyoso na ipinamana sa atin sa halip na suriin ang sinabi ng Diyos tungkol sa pagsamba. Sa pagbababala sa mismong panganib na ito, sumulat si Pablo: “Ang kinasihang kapahayagan ay nagsasabi nang tiyakan na sa huling mga yugto ng panahon ang ilan ay hihiwalay mula sa pananampalataya, na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga kapahayagan at mga turo ng mga demonyo.” (1 Timoteo 4:1) Kaya hindi sapat na basta ipagpalagay na ang ating pagsamba ay nakalulugod sa Diyos. Gaya ng Samaritana na nakilala si Jesus, baka minana lang natin ang ating paraan ng pagsamba mula sa ating mga magulang. Ngunit kailangang matiyak natin na ang ginagawa nati’y mga bagay na sinasang-ayunan ng Diyos.
INGATANG HUWAG MAGALIT ANG DIYOS
14, 15. Kahit na taglay na natin ang ilang kaalaman tungkol sa kalooban ng Diyos, bakit kailangan pa rin nating mag-ingat?
14 Kung hindi tayo mag-iingat, baka makagawa tayo ng bagay na di-kaayaaya sa Diyos. Halimbawa, sumubsob si apostol Juan sa paanan ng isang anghel “upang sambahin siya.” Subalit nagbabala ang anghel: “Mag-ingat ka! Huwag mong gawin iyan! Ako ay kapuwa mo alipin lamang at ng iyong mga kapatid na may gawaing pagpapatotoo tungkol kay Jesus. Sambahin mo ang Diyos.” (Apocalipsis 19:10) Nakikita mo ba kung gayon ang pangangailangang tiyakin na ang iyong pagsamba ay hindi narumihan ng anumang uri ng idolatriya?—1 Corinto 10:14.
15 Nang ang ilang Kristiyano ay magsimulang gumawa ng mga kaugaliang relihiyoso na hindi nakalulugod sa Diyos, nagtanong si Pablo: “Paano ngang muli kayong nanunumbalik sa mahihina at malapulubing panimulang mga bagay at nagnanais na muling paalipin sa kanila? Ubod-ingat ninyong ipinangingilin ang mga araw at mga buwan at mga kapanahunan at mga taon. Natatakot ako para sa inyo, na baka sa paanuman ay nagpagal ako nang walang layunin may kaugnayan sa inyo.” (Galacia 4:8-11) Ang mga taong iyon ay nakapagtamo na ng kaalaman tungkol sa Diyos subalit nang maglaon ay nagkasala dahil sa pagdiriwang ng mga kaugaliang relihiyoso at mga kapistahang di-kaayaaya kay Jehova. Gaya ng sabi ni Pablo, kailangang “patuloy ninyong tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.”—Efeso 5:10.
16. Papaano tayo tinutulungan ng Juan 17:16 at 1 Pedro 4:3 na magpasiya kung ang mga kapistahan at kaugalian ay nakalulugod sa Diyos?
16 Dapat na tiyakin nating tayo’y umiiwas sa mga relihiyosong kapistahan at iba pang kaugalian na lumalabag sa mga simulain ng Diyos. (1 Tesalonica 5:21) Halimbawa, ganito ang sabi ni Jesus tungkol sa kaniyang mga tagasunod: “Sila ay hindi bahagi ng sanlibutan, kung paanong ako ay hindi bahagi ng sanlibutan.” (Juan 17:16) Ang iyo bang relihiyon ay kasangkot sa mga seremonya at kapistahan na lumalabag sa simulain ng neutralidad may kinalaman sa mga gawain ng sanlibutang ito? O ang mga tagasunod ba ng iyong relihiyon ay paminsan-minsang nakikibahagi sa mga kaugalian at kapistahan na may kalakip na paggawing tulad ng inilarawan ni apostol Pedro? Sumulat siya: “Ang panahong nagdaan ay sapat na upang maisagawa ninyo ang kalooban ng mga bansa nang lumalakad kayo sa mga gawa ng mahalay na paggawi, mga kamunduhan, mga pagpapakalabis sa alak, maiingay na pagsasaya, mga paligsahan sa pag-inom, at mga ilegal na idolatriya.”—1 Pedro 4:3.
17. Bakit natin dapat iwasan ang anumang bagay na nagpapaaninag ng espiritu ng sanlibutan?
17 Idiniin ni apostol Juan ang pangangailangang iwasan ang anumang gawain na nagpapaaninag ng espiritu ng di-maka-Diyos na sanlibutang nakapalibot sa atin. Sumulat si Juan: “Huwag ninyong ibigin ang sanlibutan o ang mga bagay man sa sanlibutan. Kung ang sinuman ay umiibig sa sanlibutan, ang pag-ibig sa Ama ay wala sa kaniya; sapagkat ang lahat ng bagay sa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan. Karagdagan pa, ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.” (1 Juan 2:15-17) Napansin mo ba na yaong “gumagawa ng kalooban ng Diyos” ay mananatili magpakailanman? Oo, kung gagawin natin ang kalooban ng Diyos at iiwasan ang mga gawaing nagpapaaninag ng espiritu ng sanlibutang ito, makakamit natin ang pag-asang buhay na walang-hanggan!
TUMALIMA SA MATATAAS NA PAMANTAYAN NG DIYOS
18. Papaano nagkamali ang ilang taga-Corinto hinggil sa paggawi, at ano ang dapat na matutuhan natin mula rito?
18 Naiibigan ng Diyos bilang kaniyang mananamba yaong tumatalima sa kaniyang matataas na pamantayang moral. Nagkamali ang ilan sa sinaunang Corinto sa pag-aakalang pahihintulutan ng Diyos ang imoral na mga paggawi. Makikita natin ang laki ng kanilang pagkakamali kung ating babasahin ang 1 Corinto 6:9, 10. Upang maging kaayaaya ang pagsamba natin sa Diyos, dapat na paluguran natin siya sa salita at sa gawa. Ang iyo bang anyo ng pagsamba ay tumutulong sa iyo na gawin iyan?—Mateo 15:8; 23:1-3.
19. Papaano naaapektuhan ng tunay na pagsamba ang ating pakikitungo sa iba?
19 Ang ating pakikitungo sa ibang tao ay dapat ding magpaaninag ng mga pamantayan ng Diyos. Hinimok tayo ni Jesu-Kristo na pakitunguhan ang iba sa paraang nais nating ipakitungo nila sa atin, sapagkat ito’y bahagi ng tunay na pagsamba. (Mateo 7:12) Pansinin din ang kaniyang sinabi hinggil sa pagpapamalas ng pag-ibig kapatiran: “Sa ganito malalaman ng lahat na kayo ay aking mga alagad, kung kayo ay may pag-ibig sa isa’t isa.” (Juan 13:35) Dapat na mag-ibigan sa isa’t isa ang mga alagad ni Jesus at gumawa ng mabuti sa kapuwa mananamba at sa iba.—Galacia 6:10.
BUONG-KALULUWANG PAGSAMBA
20, 21. (a) Anong uri ng pagsamba ang hinihiling ng Diyos? (b) Bakit tinanggihan ni Jehova ang pagsamba ng Israel noong kaarawan ni Malakias?
20 Sa kaibuturan ng iyong puso, marahil ay nais mong sambahin ang Diyos sa kaayaayang paraan. Kung gayon, dapat na taglayin mo ang pangmalas ni Jehova sa pagsamba. Idiniin ng alagad na si Santiago na ang mahalaga ay ang pangmalas ng Diyos, hindi ang sa atin. Sabi ni Santiago: “Ang anyo ng pagsamba na malinis at walang dungis sa pangmalas ng ating Diyos at Ama ay ito: alagaan ang mga ulila at mga babaing balo sa kanilang kapighatian, at ingatan ang sarili na walang batik mula sa sanlibutan.” (Santiago 1:27) Taglay ang pagnanais na mapaluguran ang Diyos, bawat isa sa atin ay kailangang magsuri sa ating pagsamba upang matiyak na ito’y hindi narurumihan ng di-maka-Diyos na mga gawain o na wala tayong nakaliligtaang isang bagay na itinuturing niyang mahalaga.—Santiago 1:26.
21 Tanging ang malinis at buong-kaluluwang pagsamba ang nakalulugod kay Jehova. (Mateo 22:37; Colosas 3:23) Nang hindi ito maibigay ng bansang Israel sa Diyos, sinabi niya: “Ang anak, sa kaniyang bahagi, ay gumagalang sa ama; at ang alila, sa kaniyang dakilang panginoon. Kaya kung ako’y ama, nasaan ang aking dangal? At kung ako’y isang dakilang panginoon, nasaan ang takot sa akin?” Ginagalit nila ang Diyos sa paghahandog sa kaniya ng bulag, pilay, at may-sakit na mga hayop bilang hain at tinanggihan niya ang gayong mga gawa ng pagsamba. (Malakias 1:6-8) Karapat-dapat si Jehova sa pinakawagas na uri ng pagsamba at wala siyang ibang sinasang-ayunan kundi ang bukod-tanging debosyon.—Exodo 20:5; Kawikaan 3:9; Apocalipsis 4:11.
22. Kung nais nating sang-ayunan ng Diyos ang ating pagsamba, ano ang ating iiwasan, at ano ang ating gagawin?
22 Ang Samaritana na nakipag-usap kay Jesus ay waring interesado sa pagsamba sa Diyos sa paraang may banal na pagsang-ayon. Kung iyan ang ating hangarin, iiwasan natin ang lahat ng nagpaparuming turo at gawain. (2 Corinto 6:14-18) Sa halip, tayo’y magpupunyagi upang makakuha ng tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos at gagawin ang kaniyang kalooban. Tatalima tayong mabuti sa kaniyang mga kahilingan para sa kaayaayang pagsamba. (1 Timoteo 2:3, 4) Ganiyang-ganiyan ang sinisikap na gawin ng mga Saksi ni Jehova, at sila’y taimtim na humihimok sa iyo na makibahagi sa kanila sa pagsamba sa Diyos “sa espiritu at katotohanan.” (Juan 4:24) Sabi ni Jesus: “Hinahanap ng Ama ang mga tulad nito upang sumamba sa kaniya.” (Juan 4:23) Sana’y ikaw ang gayong uri ng tao. Gaya ng Samaritanang iyon, walang-pagsalang nanaisin mong matamo ang buhay na walang-hanggan. (Juan 4:13-15) Ngunit nakikita mong tumatanda at namamatay ang mga tao. Ipinaliliwanag ng susunod na kabanata kung bakit.
SUBUKIN ANG IYONG KAALAMAN
Gaya ng ipinakikita sa Juan 4:23, 24, anong pagsamba ang sinasang-ayunan ng Diyos?
Papaano natin malalaman kung ang Diyos ay nalulugod sa ilang kaugalian at kapistahan?
Ano ang ilang kahilingan para sa kaayaayang pagsamba?
[Buong-pahinang larawan sa pahina 44]