Ikalawang Kabanata
Daniel—Isang Aklat na Nililitis
1, 2. Sa anong diwa pinaratangan ang aklat ng Daniel, at bakit sa palagay mo’y mahalaga na isaalang-alang ang ebidensiya bilang pagtatanggol dito?
GUNIGUNIHIN mong ikaw ay nasa hukuman, nasa isang mahalagang paglilitis. Isang lalaki ang pinaratangan ng panghuhuwad. Iginigiit ng abogadong taga-usig na ang lalaki ay may kasalanan. Gayunman, ang akusado ay matagal nang kilala sa pagiging tapat. Hindi ka ba magiging interesadong makinig sa ebidensiya ng nasasakdal?
2 Ikaw ay nasa ganito ring kalagayan kung tungkol sa aklat ng Daniel sa Bibliya. Ang manunulat nito ay kilala sa pagiging tapat. Ang aklat na nagtataglay ng kaniyang pangalan ay may mataas na reputasyon sa loob ng libu-libong taon. Inihaharap nito ang sarili bilang tunay na kasaysayan, na isinulat ni Daniel, isang Hebreong propeta na nabuhay noong ikapito at ikaanim na siglo B.C.E. Ipinakikita ng tumpak na kronolohiya ng Bibliya na ang kaniyang aklat ay sumasaklaw sa yugto mula humigit-kumulang sa 618 hanggang 536 B.C.E. at nakumpleto sa pagtatapos ng huling nabanggit na petsa. Ngunit ang aklat ay pinaratangan. Ipinahihiwatig o tahasang inaangkin ng ilang ensayklopidiya at ng iba pang mga akdang reperensiya na ito’y isang panghuhuwad.
3. Ano ang sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica hinggil sa pagiging totoo ng aklat ng Daniel?
3 Halimbawa, kinikilala ng The New Encyclopædia Britannica na ang aklat ng Daniel noon ay “karaniwang itinuring na totoong kasaysayan, na naglalaman ng tunay na hula.” Gayunman, inaangkin ng Britannica na sa totoo, ang Daniel “ay isinulat sa dakong huli ng panahon nang nasa krisis ang bansa—nang ang mga Judio ay nagdurusa ng matinding pag-uusig sa ilalim ni [Siryanong Haring] Antiochus IV Epiphanes.” Pinetsahan ng ensayklopidiya ang aklat sa pagitan ng 167 at 164 B.C.E. Inaangkin din ng akdang ito na hindi inihula ng manunulat ng aklat ng Daniel ang tungkol sa hinaharap kundi nagharap lamang ng “naranasan niyang mga pangyayari ng lumipas na kasaysayan bilang mga hula ng mga mangyayari sa hinaharap.”
4. Kailan nagsimula ang pagpuna sa aklat ng Daniel, at ano ang nagpaalab ng gayunding pagpuna nitong kalilipas na mga siglo?
4 Saan nagmula ang gayong mga ideya? Ang pagpuna sa aklat ng Daniel ay hindi bago. Ito’y nagsimula noon pang ikatlong siglo C.E. sa pamamagitan ng isang pilosopong nagngangalang Porphyry. Katulad ng marami sa Imperyong Romano, siya’y natakot na maimpluwensiyahan ng Kristiyanismo. Siya’y sumulat ng 15 aklat upang pasamain ang “bagong” relihiyong ito. Ang ika-12 ay laban sa aklat ng Daniel. Sinabi ni Porphyry na ang aklat ay isang panghuhuwad, na isinulat ng isang Judio noong ikalawang siglo B.C.E. Ang gayunding pagbatikos ay nangyari noong ika-18 at ika-19 na mga siglo. Sa pangmalas ng mapanuring mga kritiko at ng mga mahihilig sa pagtatalo, ang hula—ang pagsasabi ng hinaharap na mga pangyayari—ay imposible. Si Daniel ay naging paboritong tudlaan. Sa diwa, siya at ang kaniyang aklat ay inilagay sa isang paglilitis sa hukuman. Inangkin ng mga kritiko na sila’y may sapat na katibayan na ang aklat ay isinulat, hindi ni Daniel noong panahon ng pagiging tapon ng mga Judio sa Babilonya, kundi ng iba pa pagkalipas ng ilang siglo.a Ang gayong mga pagbatikos ay naging labis-labis anupat isang awtor ang sumulat ng isang pagtatanggol na tinawag na Daniel in the Critics’ Den.
5. Bakit mahalaga ang katanungan hinggil sa pagiging totoo ng Daniel?
5 Mayroon bang katibayan sa likuran ng tahasang pag-aangkin ng mga kritiko? O sinusuportahan ba ng ebidensiya ang pagtatanggol para rito? Malaki ang nasasangkot dito. Hindi lamang ang reputasyon ng matandang aklat na ito ang nasasangkot kundi ang ating kinabukasan din naman. Kung ang aklat ng Daniel ay huwad, ang mga pangako nito para sa kinabukasan ng sangkatauhan ay pawang walang saysay. Subalit kung ito ay naglalaman ng tunay na mga hula, walang alinlangan na mananabik kayong malaman kung ano ang kahulugan nito para sa atin ngayon. Taglay ito sa isipan, ating suriin ang ilan sa mga pag-atake kay Daniel.
6. Anong paratang ang kung minsa’y ipinapataw hinggil sa kasaysayan sa Daniel?
6 Bilang halimbawa, kunin natin ang paratang na nakasulat sa The Encyclopedia Americana: “Maraming detalye sa kasaysayan ng unang mga panahon [gaya ng pagkatapon sa Babilonya] ang masyadong pinilipit” sa Daniel. Totoo ba ito? Isaalang-alang natin ang tatlong diumano’y mga pagkakamali, nang isa-isa.
ANG KASO NG NAWAWALANG MONARKA
7. (a) Bakit ang pagtukoy ni Daniel kay Belsasar ay matagal nang nakalulugod sa mga kritiko ng Bibliya? (b) Ano ang nangyari sa ideya na si Belsasar ay isang tauhang kathang-isip lamang?
7 Isinulat ni Daniel na si Belsasar, isang “anak” ni Nabucodonosor, ang nagpupunong hari sa Babilonya nang bumagsak ang lunsod. (Daniel 5:1, 11, 18, 22, 30) Matagal nang tinutuligsa ng mga kritiko ang bagay na ito, dahilan sa ang pangalang Belsasar ay hindi masusumpungan sa labas ng Bibliya. Sa halip, ang matatandang istoryador ay kumikilala na si Nabonido, isang kahalili ni Nabucodonosor, ang kahuli-hulihan sa mga hari ng Babilonya. Kaya, noong 1850, sinabi ni Ferdinand Hitzig na maliwanag na si Belsasar ay isang kathang-isip lamang ng manunulat. Subalit hindi kaya masyadong padalus-dalos ang opinyon ni Hitzig? Dahilan ba sa hindi binanggit ang haring ito—lalo na sa panahong ang mga rekord ng kasaysayan ay inaaming kapos—ay talagang nagpapatunay na hindi nga siya umiral kailanman? Sabihin pa, noong 1854 ilang maliliit na silindrong putik ang nahukay sa kagibaan ng matandang lunsod ng Ur sa Babilonya na ngayo’y timugang Iraq. Ang mga dokumentong cuneiform na ito mula kay Haring Nabonido ay naglalakip ng isang panalangin para kay “Bel-sar-ussur, ang aking panganay na anak.” Maging ang mga kritiko ay kailangang sumang-ayon: Ito ang Belsasar sa aklat ng Daniel.
8. Paanong ang paglalarawan ni Daniel kay Belsasar bilang isang nagpupunong hari ay napatunayang totoo?
8 Gayunman, ang mga kritiko ay hindi pa rin nasiyahan. “Bale wala ito,” ang isinulat ng isa na nagngangalang H. F. Talbot. Sinabi niyang ang anak sa sulat ay maaari raw na isang bata lamang, samantalang ipinakilala siya sa Daniel bilang isang nagpupunong hari. Gayunpaman, isang taon lamang matapos ilathala ang sinabi ni Talbot, marami pang tabletang cuneiform ang nahukay na tumutukoy kay Belsasar na may mga kalihim at tauhan sa sambahayan. Hindi nga ito isang bata! Sa wakas, ang iba pang tableta ay nagpatibay sa bagay na ito, na nag-uulat na may panahong wala si Nabonido nang ilang mga taon sa Babilonya. Ipinakita rin ng mga tabletang ito na nang mga panahong iyon, kaniyang “ipinagkatiwala ang paghahari” sa Babilonya sa kaniyang pinakamatandang anak (si Belsasar). Noong mga panahong iyon, si Belsasar, sa diwa, ay hari—kasabay ng kaniyang ama.b
9. (a) Sa anong diwa maaaring ipinakahulugan ni Daniel na anak nga ni Nabucodonosor si Belsasar? (b) Bakit mali para sa mga kritiko na igiit na hindi man lamang nagbigay ng pahiwatig si Daniel hinggil sa pag-iral ni Nabonido?
9 Hindi pa rin nasisiyahan, ang ilang kritiko ay nagrereklamo na si Belsasar ay tinatawag ng Bibliya, hindi bilang anak ni Nabonido, kundi anak ni Nabucodonosor. Iginigiit ng ilan na hindi man lamang ipinahihiwatig ng Daniel ang pag-iral ni Nabonido. Gayunman, ang mga pagtutol na ito ay guguho kapag isinailalim sa pagsusuri. Waring si Nabonido ay nagpakasal sa anak na babae ni Nabucodonosor. Kung gayon ay apo ni Nabucodonosor si Belsasar. Walang salita sa Hebreo ni sa wikang Aramaiko para sa “lolo” o “apo”; ang “anak ni” ay maaaring mangahulugang “apo ni” o maging “inapo ni.” (Ihambing ang Mateo 1:1.) Karagdagan pa, ang ulat ng Bibliya ay sumasang-ayon na si Belsasar ay maaaring makilala bilang ang anak ni Nabonido. Nang matakot sa nagbabantang sulat-kamay sa pader, ang desperadong si Belsasar ay nag-alok ng ikatlong puwesto sa kaharian sa sinumang makapagsasabi ng kahulugan ng mga salita. (Daniel 5:7) Bakit ikatlo at hindi ikalawa? Ang alok na ito ay nagpapakita na ang una at ikalawang puwesto ay okupado na. Sa katunayan, talagang okupado na nina—Nabonido at ng kaniyang anak, si Belsasar.
10. Bakit ang ulat ni Daniel hinggil sa monarkiya ng Babilonya ay higit na detalyado kaysa sa alinmang sinaunang mga istoryador?
10 Kaya ang pagbanggit ni Daniel kay Belsasar ay hindi patotoo ng isang “masyadong pinilipit” na kasaysayan. Sa kabaligtaran, ang Daniel—bagaman hindi isinulat bilang kasaysayan ng Babilonya—ay nagbibigay sa atin nang mas detalyadong pananaw sa monarkiya ng Babilonya kaysa sa matatandang sekular na istoryador na gaya nina Herodotus, Xenophon, at Berossus. Bakit nakapag-ulat si Daniel ng mga bagay na hindi nila naiulat? Sapagkat siya’y naroroon sa Babilonya. Ang kaniyang aklat ay akda ng isa mismong nakasaksi, hindi ng isang impostor nang sumunod na mga siglo.
SINO SI DARIO NA MEDO?
11. Ayon kay Daniel, sino si Dario na Medo, subalit ano ang sinasabi ng iba tungkol sa kaniya?
11 Iniuulat ng Daniel na nang bumagsak ang Babilonya, isang haring nginanlang “Dario na Medo” ang nagpasimulang mamahala. (Daniel 5:31) Hindi pa nasusumpungan ang pangalang Dario na Medo sa sekular o arkeolohikal na mga rekord. Kaya, inaangkin ng The New Encyclopædia Britannica na ang Dariong ito ay “isang tauhang kathang-isip.”
12. (a) Bakit dapat na natuto na sana ang mga kritiko ng Bibliya kaysa sa tiyakang sabihin na si Dario na Medo ay hindi umiral kailanman? (b) Ano ang isang posibilidad hinggil sa pagkakakilanlan ni Dario na Medo, at anong ebidensiya ang nagpapakita nito?
12 Higit na naging maingat ang ilang iskolar. Tutal, minsa’y binansagan na rin ng mga kritiko si Belsasar bilang “kathang-isip.” Walang alinlangan, ang kaso ni Dario ay magiging gayon din. Naipakita na ng mga tabletang cuneiform na hindi karaka-rakang kinuha ni Ciro na Persiano ang titulong “Hari ng Babilonya” pagkatapos ng pananakop. Sinabi ng isang mananaliksik: “Sinumang nagtaglay ng titulong ‘Hari ng Babilonya’ ay isang basalyong hari sa ilalim ng Ciro, hindi si Ciro mismo.” Posible kayang Dario ang pangalan, o titulo, na ginamit ng isang makapangyarihang opisyal ng Medo na naiwang tagapamahala sa Babilonya? Sinasabi ng ilan na si Dario ay isang lalaki na ang ngala’y Gubaru. Inilagay ni Ciro si Gubaru bilang gobernador sa Babilonya, at ang sekular na mga rekord ay nagpapatunay na siya’y namahala taglay ang malaking kapangyarihan. Ang isang tabletang cuneiform ay nagsasabi na siya’y nag-atas ng mga pangalawahing gobernador sa Babilonya. Kapuna-puna, iniulat ni Daniel na si Dario ay nag-atas ng 120 satrapa upang mamahala sa kaharian ng Babilonya.—Daniel 6:1.
13. Ano ang makatuwirang dahilan kung bakit si Dario na Medo ay binanggit sa aklat ng Daniel subalit hindi sa sekular na mga rekord?
13 Pagsapit ng panahon, maaaring lumitaw ang marami pang tuwirang ebidensiya ng eksaktong pagkakakilanlan sa haring ito. Sa paano man, ang waring pananahimik ng arkeolohiya sa bagay na ito ay malayong maging saligan upang bansagan si Dario na “kathang-isip,” lalo pa nga ang pagwawalang-saysay sa buong aklat ng Daniel bilang isang panlilinlang. Higit na makatuwirang malasin ang ulat ni Daniel bilang testimonyo ng mismong nakasaksi na higit na detalyado kaysa sa nalalabi pang sekular na mga rekord.
ANG PAMAMAHALA NI JEHOIAKIM
14. Bakit walang pagkakaiba sina Daniel at Jeremias hinggil sa mga taon ng paghahari ni Haring Jehoiakim?
14 Ang Daniel 1:1 ay nagsasabi: “Nang ikatlong taon ng paghahari ni Jehoiakim na hari ng Juda, si Nabucodonosor na hari ng Babilonya ay dumating sa Jerusalem at kinubkob iyon.” Sinasabi ng mga kritiko na mali ang kasulatang ito dahilan sa waring hindi ito kaayon ni Jeremias, na nagsasabing ang ikaapat na taon ni Jehoiakim ang siyang unang taon ni Nabucodonosor. (Jeremias 25:1; 46:2) Sinasalungat ba ni Daniel si Jeremias? Sa pamamagitan ng higit pang impormasyon, madaling maliwanagan ang bagay na ito. Nang si Jehoiakim ay unang gawing hari ni Paraon Neco noong 628 B.C.E., siya’y naging sunud-sunuran lamang sa tagapamahalang iyon ng Ehipto. Ito’y mga tatlong taon bago halinhan ni Nabucodonosor ang kaniyang ama sa trono ng Babilonya, noong 624 B.C.E. Hindi natagalan pagkatapos nito (noong 620 B.C.E.), sinalakay ni Nabucodonosor ang Juda at ginawa si Jehoiakim na isang basalyong hari sa ilalim ng Babilonya. (2 Hari 23:34; 24:1) Para sa isang Judio na nabubuhay sa Babilonya, ang “ikatlong taon” ni Jehoiakim ay ang ikatlong taon ng basalyong paglilingkod ng haring ito sa Babilonya. Si Daniel ay sumulat mula sa gayong pangmalas. Gayunman, si Jeremias ay sumulat mula sa pangmalas ng mga Judio na nabubuhay mismo sa Jerusalem. Kaya tinukoy niya ang pamamahala ni Jehoiakim mula nang siya’y gawing hari ni Paraon Neco.
15. Bakit isang mahinang argumento ang pag-atake sa petsang masusumpungan sa Daniel 1:1?
15 Tunay kung gayon, ang waring pagkakaibang ito ay lalo pang nagpapatibay sa ebidensiya na isinulat ni Daniel ang kaniyang aklat sa Babilonya habang kasama ng mga tapong Judio. Subalit may isa pang kitang-kitang pagkakamali sa argumentong ito laban sa aklat ng Daniel. Tandaan na maliwanag na taglay ng manunulat ng Daniel ang aklat ni Jeremias at tinukoy pa nga ito. (Daniel 9:2) Kung ang manunulat ng Daniel ay isang tusong manghuhuwad, gaya ng pag-aangkin ng mga kritiko, kaniya bang kokontrahin ang isang pinagpipitaganang manunulat gaya ni Jeremias—at sa mismong unang talata pa ng kaniyang aklat? Tunay na hindi!
MAHAHALAGANG DETALYE
16, 17. Paanong ang ebidensiya ng arkeolohiya ay umaalalay sa ulat ni Daniel hinggil sa (a) paglalagay ni Nabucodonosor ng isang relihiyosong imahen upang sambahin ng lahat ng kaniyang mga nasasakupan? (b) paghahambog ni Nabucodonosor hinggil sa kaniyang mga proyekto sa pagtatayo sa Babilonya?
16 Ibaling natin ngayon ang ating pansin mula sa negatibo tungo sa positibo. Isaalang-alang ang iba pang detalye sa aklat ng Daniel na nagpapakitang ang manunulat ay may tuwirang kaalaman sa kapanahunang kaniyang iniulat.
17 Ang pagiging pamilyar ni Daniel sa maliliit na detalye hinggil sa sinaunang Babilonya ay matibay na ebidensiya ng pagiging totoo ng kaniyang ulat. Halimbawa, ang Daniel 3:1-6 ay nag-uulat na si Nabucodonosor ay nagtayo ng isang higanteng imahen para sambahin ng lahat ng mga tao. Nasumpungan ng mga arkeologo ang iba pang mga ebidensiya na nagpapakitang sinikap ng monarkang ito na lubusang isangkot ang kaniyang nasasakupan sa mga gawaing makabayan at relihiyoso. Gayundin, iniulat ni Daniel ang paghahambog ni Nabucodonosor hinggil sa marami niyang proyekto sa pagtatayo. (Daniel 4:30) Nitong modernong panahon lamang napatunayan ng mga arkeologo na si Nabucodonosor ay totoo ngang nasa likuran ng malaking pagtatayong isinagawa sa Babilonya. Hinggil sa paghahambog—aba, ipinatatak ng taong ito ang kaniyang pangalan sa bawat ladrilyo! Hindi maipaliwanag ng mga kritiko ni Daniel kung paanong ang sinasabi nilang manghuhuwad noong panahon ng Macabeo (167-63 B.C.E.) ay nakaalam ng gayong mga proyekto sa pagtatayo—mga apat na siglo matapos ang mga proyekto at matagal na bago pa natuklasan ito ng mga arkeologo.
18. Paanong ang ulat ni Daniel hinggil sa iba’t ibang anyo ng pagpaparusa sa ilalim ng pamamahala ng Babilonya at ng pamamahala ng Persia ay nagpapakita ng pagiging tumpak?
18 Ang aklat ng Daniel ay nagsisiwalat din ng ilang malaking pagkakaiba ng batas ng Babilonya at ng Medo-Persia. Halimbawa, sa ilalim ng batas ng Babilonya ang tatlong kasama ni Daniel ay itinapon sa isang maapoy na hurno dahilan sa pagtangging sumunod sa utos ng hari. Ilang dekada pagkaraan nito, si Daniel ay itinapon sa yungib ng mga leon dahilan sa pagtangging sumunod sa isang batas ng Persia na labag sa kaniyang budhi. (Daniel 3:6; 6:7-9) Sinikap ng ilan na ituring ang ulat hinggil sa maapoy na hurno bilang isang alamat lamang, subalit nasumpungan ng mga arkeologo ang aktuwal na sulat mula sa sinaunang Babilonya na espesipikong bumabanggit sa anyong ito ng pagpaparusa. Gayunman, para sa mga Medo at Persiano, ang apoy ay sagrado. Kaya sila’y bumaling sa iba pang anyo ng malupit na pagpaparusa. Kaya, ang yungib ng mga leon ay hindi naging kataka-taka.
19. Anong pagkakaiba sa sistema ng mga batas sa Babilonya at Medo-Persia ang nililiwanag sa aklat ng Daniel?
19 Lumilitaw ang isa pang pagkakaiba. Ipinakikita ni Daniel na maaaring gawin at baguhin ni Nabucodonosor ang mga batas dahilan sa kapritso. Walang magagawa si Dario upang baguhin ‘ang mga batas ng Medo at Persiano’—kahit na yaong kaniyang ginawa! (Daniel 2:5, 6, 24, 46-49; 3:10, 11, 29; 6:12-16) Ang istoryador na si John C. Whitcomb ay sumulat: “Pinatutunayan ng sinaunang kasaysayan ang pagkakaibang ito ng Babilonya, kung saan ang batas ay nasa ilalim ng hari, at ng Medo-Persia, kung saan ang hari ay nasa ilalim ng batas.”
20. Anong mga detalye hinggil sa piging ni Belsasar ang nagpapakita ng tuwirang kaalaman ni Daniel sa mga kostumbre ng Babilonya?
20 Ang kapana-panabik na ulat ng piging ni Belsasar, na nakaulat sa Daniel kabanata 5, ay sagana sa detalye. Maliwanag, ito’y nagpasimula sa masayang kainan at maraming inuman, dahilan sa ilang pagtukoy sa alak. (Daniel 5:1, 2, 4) Sa katunayan, ang mga natuklasang inukit na larawan hinggil sa gayunding klase ng mga piging ay nagpapakitang alak lamang ang iniinom. Maliwanag kung gayon, lubhang mahalaga ang alak sa gayong mga piging. Binanggit din ni Daniel na naroroon ang mga babae sa salu-salong iyon—ang mga pangalawahing asawa ng hari at ang kaniyang mga babae. (Daniel 5:3, 23) Sinusuportahan ng arkeolohiya ang detalyeng ito hinggil sa kostumbre ng Babilonya. Ang ideya na ang mga asawang babae ay kasama ng mga lalaki sa isang piging ay hindi pinahihintulutan ng mga Judio at mga Griego noong panahon ng mga Macabeo. Marahil iyan ang dahilan kung bakit inalis ng maagang mga bersiyon ng saling Griegong Septuagint ang pagbanggit sa mga babaing ito.c Gayunman, ang diumano’y mga manghuhuwad ng Daniel ay maaaring nabuhay sa gayunding Helenikong (Griegong) kultura, at marahil ay sa gayunding panahon, nang gawin ang Septuagint!
21. Ano ang pinakamakatuwirang paliwanag sa pagkakaroon ni Daniel ng lubos na kaalaman sa mga panahon at kostumbre ng pagiging tapon sa Babilonya?
21 Dahilan sa mga detalyeng ito, waring halos di-kapani-paniwalang mailarawan ng Britannica na ang awtor ng aklat ng Daniel ay nagtataglay lamang ng “pahapyaw at di-tumpak” na kaalaman hinggil sa mga panahon ng pagiging tapon. Paano mangyayari na ang sinumang manghuhuwad noong lumipas na mga siglo ay naging masyadong pamilyar sa mga kostumbre ng sinaunang Babilonya at ng Persia? Tandaan din na ang dalawang imperyo ay bumagsak matagal na bago pa ang ikalawang siglo B.C.E. Maliwanag na walang mga arkeologo noong panahong iyon; ni may maipagmamalaking kaalaman ang mga Judio nang panahong iyon hinggil sa mga kultura at kasaysayan ng mga banyaga. Tanging ang propetang si Daniel lamang, na mismong nakasaksi ng mga panahon at mga pangyayari na kaniyang inilarawan, ang makasusulat ng aklat ng Bibliya na nagtataglay ng kaniyang pangalan.
PINATUTUNAYAN BA NG PANLABAS NA MGA SALIK NA ISANG PANGHUHUWAD ANG DANIEL?
22. Anong pag-aangkin ang ginagawa ng mga kritiko hinggil sa dako ni Daniel sa kanon ng Hebreong Kasulatan?
22 Ang isang pinakapangkaraniwang argumento laban sa aklat ng Daniel ay tungkol sa dako nito sa kanon ng Hebreong Kasulatan. Inayos ng sinaunang mga rabbi ang mga aklat ng Hebreong Kasulatan sa tatlong grupo: ang Batas, ang mga Propeta, at ang mga Kasulatan. Kanilang itinala ang Daniel, hindi kabilang sa mga Propeta, kundi kabilang sa mga Kasulatan. Ito’y nangangahulugan, ayon sa pangangatuwiran ng mga kritiko, na ang aklat ay maaaring di-kilala noong panahong tinitipon ang mga akda ng iba pang mga propeta. Ito ay isinama sa mga Kasulatan sa paniniwalang ito raw ay tinipon noong dakong huli.
23. Paano minalas ng sinaunang mga Judio ang aklat ng Daniel, at paano natin nalaman ito?
23 Gayunpaman, hindi lahat ng mga mananaliksik ng Bibliya ay sumasang-ayon na hinati-hati ng sinaunang mga rabbi ang kanon sa gayong kaistriktong paraan o na kanilang inihiwalay ang Daniel mula sa mga Propeta. Subalit kahit na itinala ng mga rabbi ang Daniel na kasama ng mga Kasulatan, katunayan ba ito na ito’y isinulat noong dakong huli na? Hindi. Ang iginagalang na mga iskolar ay nagsasabi na may ilang dahilan kung bakit maaaring inihiwalay ng mga rabbi ang Daniel mula sa mga Propeta. Halimbawa, maaaring ginawa nila ito sapagkat ang aklat ay nakasasakit sa kanila o sapagkat kanilang minamalas si Daniel na naiiba mula sa iba pang mga propeta sapagkat siya’y opisyal na nanungkulan sa isang banyagang lupain. Sa paano man, ang tunay na mahalaga ay ito: Ang sinaunang mga Judio ay may malalim na pagpapahalaga sa aklat ng Daniel at kinikilala ito na kabilang sa kanon. Bukod pa rito, ang ebidensiya ay nagpapakitang ang kanon ng Hebreong Kasulatan ay nakumpleto matagal na bago pa ang ikalawang siglo B.C.E. Pagkatapos nito ay hindi na ipinahintulot ang pagdaragdag, lakip na ang ilang aklat na isinulat noong ikalawang siglo B.C.E.
24. Paanong ang apokripang aklat ng Eclesiastico ay ginamit laban sa aklat ng Daniel, at ano ang nagpapakita na ang pangangatuwirang ito ay mali?
24 Balintuna, isa sa mga akdang ito noong dakong huli na hindi tinanggap ay ginamit bilang argumento laban sa aklat ng Daniel. Ang apokripang aklat ng Eclesiastico, ni Jesus Ben Sirach, ay maliwanag na isinulat noong humigit-kumulang 180 B.C.E. Nais ipakita ng mga kritiko na si Daniel ay hindi isinama sa mahabang listahan ng matutuwid na tao. Sila’y nangangatuwiran na si Daniel ay hindi kilala nang panahong iyon. Ang argumentong ito ay malaganap na tinatanggap ng mga iskolar. Subalit isaalang-alang ito: Hindi rin isinama sa listahan ding iyon sina Ezra at Mardokeo (kapuwa dakilang mga bayani sa mga mata ng mga Judio noong panahon pagkatapos ng pagkatapon), ang mabuting Haring Jehosapat, at ang matuwid na lalaking si Job; sa lahat ng mga hukom, si Samuel lamang ang binanggit nito.d Dahilan ba sa hindi isinama ang mga lalaking ito sa isang listahan na hindi naman masasabing masyadong detalyado at nasa isang aklat na wala sa kanon, ay ituturing na nating kathang-isip lamang ang lahat ng ito? Ang mismong ideya ay kakatwa.
PANLABAS NA TESTIMONYO SA PANIG NG DANIEL
25. (a) Paano pinatunayan ni Josephus na tunay ang ulat ng Daniel? (b) Sa anong paraan kaayon ng kilalang kasaysayan ang ulat ni Josephus hinggil kay Alejandrong Dakila at ang aklat ng Daniel? (Tingnan ang ikalawang talababa.) (c) Paanong ang ebidensiya hinggil sa wika ay umaalalay sa aklat ng Daniel? (Tingnan ang pahina 26.)
25 Tayo’y muling bumaling sa pagiging positibo. Sinasabing walang ibang aklat sa Hebreong Kasulatan ang malinaw na napatunayan kaysa sa Daniel. Bilang halimbawa: Ang bantog na istoryador na si Josephus ay nagpapatunay sa pagiging totoo nito. Sinabi niyang si Alejandrong Dakila, sa pakikipagdigma laban sa Persia noong ikaapat na siglo B.C.E., ay nagtungo sa Jerusalem, kung saan ipinakita sa kaniya ng mga saserdote ang isang kopya ng aklat ng Daniel. Si Alejandro mismo ang nagsabi na ang mga salita ng hula ni Daniel na ipinakita sa kaniya ay tumutukoy sa kaniya mismong kampanyang militar laban sa Persia.e Ito’y noong humigit-kumulang isang siglo at kalahati bago ang “panghuhuwad” na sinasabi ng mga kritiko. Sabihin pa, binatikos ng mga kritiko si Josephus hinggil sa pananalitang ito. Siya’y binatikos din nila sa pagbanggit na ang ilang hula sa aklat ng Daniel ay natupad na. Subalit, gaya ng sabi ng istoryador na si Joseph D. Wilson, “malamang na mas maraming nalalaman si [Josephus] hinggil sa bagay na ito kaysa sa lahat ng mga kritiko sa daigdig.”
26. Paano sinusuportahan ng Dead Sea Scrolls ang pagiging totoo ng aklat ng Daniel?
26 Ang pagiging totoo ng aklat ng Daniel ay higit pang nasuportahan nang ang Dead Sea Scrolls ay masumpungan sa mga kuweba ng Qumran, Israel. Nakapagtataka na ang karamihan sa mga balumbon at mga piraso na natuklasan noong 1952 ay mula sa aklat ng Daniel. Ang pinakamatanda ay pinetsahan noong dakong huli ng ikalawang siglo B.C.E. Samakatuwid, sa gayong kaagang petsa, ang aklat ng Daniel ay kilalang-kilala na at iginagalang ng marami. Ganito ang sabi ng The Zondervan Pictorial Encyclopedia of the Bible: “Ang Macabeong pagpepetsa ng Daniel ay kailangang talikdan na ngayon, dahilan sa walang maaaring sapat na pagitan sa panahon ng komposisyon ng Daniel at ng paglitaw ng mga kopya nito sa aklatan ng isang relihiyosong sekta ng Macabeo.”
27. Ano ang pinakamatandang ebidensiya na si Daniel ay isang aktuwal na tao na kilalang-kilala noong panahon ng pagkatapon sa Babilonya?
27 Gayunman, mayroong mas matanda pa at higit na maaasahang pagpapatunay sa aklat ng Daniel. Ang isa sa mga kontemporaryo ni Daniel ay ang propetang si Ezekiel. Siya’y naglingkod din bilang isang propeta noong panahon ng pagiging tapon sa Babilonya. Ilang ulit na binabanggit ang pangalan ni Daniel sa aklat ng Ezekiel. (Ezekiel 14:14, 20; 28:3) Ang mga reperensiyang ito ay nagpapakita na maging noong kaniyang kaarawan, noong ikaanim na siglo B.C.E., kilalang-kilala na si Daniel bilang isang matuwid at matalinong tao, na karapat-dapat banggitin kasama ng mga may takot-sa-Diyos na sina Noe at Job.
ANG PINAKADAKILANG PATOTOO
28, 29. (a) Ano ang pinakamatibay na katunayan na totoo nga ang aklat ng Daniel? (b) Bakit dapat nating tanggapin ang testimonyo ni Jesus?
28 Bilang pangwakas, isaalang-alang natin ang pinakadakila sa lahat ng mga saksi sa pagiging totoo ng Daniel—walang iba kundi si Jesu-Kristo. Sa kaniyang pagtalakay sa mga huling araw, binanggit ni Jesus ang tungkol kay “Daniel na propeta” at ang isa sa mga hula ni Daniel.—Mateo 24:15; Daniel 11:31; 12:11.
29 Ngayon kung tama ang Macabeong teoriya ng mga kritiko, isa sa dalawang bagay ang magiging totoo. Alinman sa si Jesus ay nadaya ng panghuhuwad na ito o kaya’y hindi niya kailanman sinabi ang mga salitang sinipi ni Mateo. Alinman sa dalawa ay hindi mangyayari. Kung hindi natin maaasahan ang ulat ng Ebanghelyo ni Mateo, paano tayo makaaasa sa iba pang bahagi ng Bibliya? Kung aalisin natin ang mga pangungusap na iyon, anong mga salita ang susunod na naman nating aalisin mula sa mga pahina ng Banal na Kasulatan? Ang apostol na si Pablo ay sumulat: “Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos at kapaki-pakinabang sa pagtuturo, . . . sa pagtutuwid ng mga bagay.” (2 Timoteo 3:16) Kaya kung si Daniel ay huwad, kung gayon si Pablo ay isa ring huwad! Madadaya ba si Jesus? Tiyak na hindi. Siya’y nabubuhay sa langit nang isulat ang aklat ng Daniel. Sinabi pa nga ni Jesus: “Bago pa umiral si Abraham, ako ay umiiral na.” (Juan 8:58) Sa lahat ng tao na nabuhay kailanman, si Jesus ang pinakamabuting tanungin natin ukol sa impormasyon hinggil sa pagiging totoo ng Daniel. Subalit hindi na natin kailangan pang magtanong. Gaya nang nakita na natin, ang kaniyang testimonyo ay napakaliwanag.
30. Paano higit pang pinatunayan ni Jesus ang aklat ng Daniel?
30 Higit pang pinatunayan ni Jesus ang aklat ng Daniel sa mismong panahon ng kaniyang bautismo. Siya’y naging Mesiyas noon, bilang katuparan ng isang hula sa Daniel hinggil sa 69 na sanlinggo ng mga taon. (Daniel 9:25, 26; tingnan ang Kabanata 11 ng aklat na ito.) Kahit na sabihin pang totoo ang teoriya na ito’y isinulat nang mas huli pa kaysa sa sinasabi nila, alam pa rin ng manunulat ng Daniel ang tungkol sa kinabukasan mga 200 taon ang kaagahan. Sabihin pa, hindi kakasihan ng Diyos ang isang manghuhuwad na bumigkas ng tunay na mga hula na gumagamit ng huwad na pangalan. Hindi, ang patotoo ni Jesus ay buong-pusong tinanggap ng mga taong tapat sa Diyos. Kung ang lahat ng mga eksperto, lahat ng mga kritiko sa daigdig, ay magkakaisa sa pagtuligsa kay Daniel, patutunayan ng testimonyo ni Jesus na sila’y mali, yamang siya “ang saksing tapat at totoo.”—Apocalipsis 3:14.
31. Bakit napakaraming kritiko ng Bibliya ang hindi pa rin nakukumbinsi sa pagiging totoo ng Daniel?
31 Hindi pa rin sapat ang testimonyong ito para sa maraming kritiko ng Bibliya. Pagkatapos na isaalang-alang nang lubusan ang paksang ito, hindi maiiwasan ng isa ang mag-isip kung mayroon pa bang anumang ebidensiya na makasasapat upang makumbinsi sila. Ang isang propesor sa Oxford University ay sumulat: “Walang mahihitâ sa basta pagsagot lamang sa mga pagtutol, habang umiiral pa rin ang dating saradong kaisipang, ‘ang makahimalang hula ay hindi mangyayari.’” Kaya binubulag sila ng kanilang saradong kaisipan. Subalit iyon ang kanilang pinili—at ikinalugi nila.
32. Ano ang inaasahan natin sa pag-aaral ng Daniel?
32 Kumusta ka naman? Kung iyong nakikita na walang tunay na dahilan upang pag-alinlanganan ang pagiging totoo ng aklat ng Daniel, kung gayo’y handa ka na para sa isang kapana-panabik na paglalayag upang tumuklas. Iyong masusumpungang kapana-panabik ang salaysay sa Daniel, at ang mga hula na kahali-halina. Higit pang mahalaga, masusumpungan mong tumitibay ang iyong pananampalataya habang tinatalakay ang bawat kabanata. Hindi mo kailanman pagsisisihan ang maingat na pagbibigay-pansin sa hula ni Daniel!
[Mga talababa]
a Sinikap ng ilang kritiko na palambutin ang bintang na panghuhuwad sa pamamagitan ng pagsasabing ginamit ng manunulat ang Daniel bilang isang sagisag-panulat, gaya ng kung paanong ang ilang di-kanonikal na sinaunang aklat ay isinulat sa ilalim ng di-tunay na mga pangalan. Gayunpaman, ayon sa paniniwala ng kritiko sa Bibliya na si Ferdinand Hitzig: “Ang kaso ng aklat ng Daniel, kung ito’y isinulat ng ibang [manunulat], ay kakaiba naman. Kung gayon, ito ay nagiging isang huwad na sulat, at ang intensiyon ay upang dayain ang kaniyang mga mambabasa, bagaman sa kanilang ikabubuti.”
b Wala si Nabonido nang bumagsak ang Babilonya. Kaya, wastong ilarawan na si Belsasar ang hari nang panahong iyon. Ikinakatuwiran ng mga kritiko na ang sekular na mga ulat ay hindi nagbibigay kay Belsasar ng opisyal na titulo ng hari. Gayunpaman, ang matandang ebidensiya ay nagpapakita na kahit na ang isang gobernador ay maaaring tawaging hari ng mga tao noong mga panahong iyon.
c Ang Hebreong iskolar na si C. F. Keil ay sumulat hinggil sa Daniel 5:3: “Inalis dito ng LXX. at gayundin sa ber. 23, ang pagbanggit sa mga babae, ayon sa kostumbre ng mga Macabeo, mga Griego, at mga Romano.”
d Sa kabaligtaran, ang kinasihang listahan ni apostol Pablo hinggil sa tapat na mga lalaki at babae na binanggit sa Hebreo kabanata 11 ay nagpapahiwatig ng mga pangyayaring iniulat sa Daniel. (Daniel 6:16-24; Hebreo 11:32, 33) Gayunman, ang listahan ng apostol ay hindi rin masyadong detalyado. Marami, lakip na sina Isaias, Jeremias, at Ezekiel, ang hindi nabanggit sa listahan, subalit hindi ito nagpapatunay na hindi sila umiral kailanman.
e Binanggit ng ilang istoryador na ang bagay na ito ang magpapaliwanag kung bakit si Alejandro ay napakabait sa mga Judio, na matagal nang mga kaibigan ng mga Persiano. Nang panahong iyon, si Alejandro ay nasa isang kampanya para puksain ang lahat ng mga kaibigan ng Persia.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Ano ang paratang sa aklat ng Daniel?
• Bakit walang saligan ang mga pagbatikos ng mga kritiko sa aklat ng Daniel?
• Anong ebidensiya ang umaalalay sa pagiging totoo ng ulat ni Daniel?
• Ano ang pinakamatibay na katunayan na ang aklat ng Daniel ay totoo?
[Kahon sa pahina 26]
Ang Tungkol sa Wika
ANG pagsulat sa aklat ng Daniel ay natapos noong bandang 536 B.C.E. Ito ay isinulat sa mga wikang Hebreo at Aramaiko, na may kasamang ilang salitang Griego at Persiano. Ang gayong pagkakahalo ng mga wika ay di-pangkaraniwan sa ibang mga sulat subalit hindi naman pambihira sa Kasulatan. Ang aklat ng Ezra sa Bibliya ay isinulat din sa Hebreo at Aramaiko. Gayunman, iginigiit ng ilang kritiko na ang paggamit ng manunulat ng Daniel ng mga wikang ito ay nagpapatunay na siya’y sumusulat sa isang petsa makalipas ang 536 B.C.E. Ang isang kritiko ay malimit sipiin sa pagsasabing ang paggamit ng mga salitang Griego sa Daniel ay sapilitang nagpapahiwatig ng mas huling petsa ng pagkakasulat nito. Kaniyang inaangkin na sinusuportahan ito ng Hebreo at ang Aramaiko sa paano man ay nagpapahintulot sa gayong huling petsa—kahit na isang petsa na kasing-aga ng ikalawang siglo B.C.E.
Gayunpaman, hindi lahat ng iskolar sa wika ay sumasang-ayon. Sinabi ng ilang awtoridad na ang Hebreo ni Daniel ay katulad niyaong kay Ezekiel at Ezra at di-tulad niyaong nasumpungan sa dakong huli sa mga apokripang akda tulad ng Eclesiastico. May kaugnayan sa paggamit ni Daniel ng Aramaiko, isaalang-alang ang dalawang dokumentong kabilang sa nasumpungang Dead Sea Scrolls. Ang mga ito ay nakasulat din sa Aramaiko at ang petsa ay mula sa una at ikalawang siglo B.C.E.—hindi pa nagtatagal matapos ang sinasabing panghuhuwad ng Daniel. Subalit napansin ng mga iskolar ang napakalaking pagkakaiba ng Aramaiko sa mga dokumentong ito at niyaong nasa Daniel. Kaya, ipinangangahulugan ng ilan na ang aklat ng Daniel ay maaaring mas matanda ng ilang mga siglo kaysa sa inaangkin ng mga kritiko.
Ano naman ang tungkol sa “problematikong” mga salitang Griego sa Daniel? Natuklasan na ang ilan sa mga ito ay Persiano, hindi talagang Griego! Ang mga salita lamang na ipinalalagay na Griego ay ang mga pangalan ng tatlong instrumento sa musika. Ang paglitaw ba ng tatlong salitang ito ay sapilitang nagpapahiwatig na ang Daniel ay dapat ilagay sa mas huling petsa? Hindi. Natuklasan ng mga arkeologo na maimpluwensiya na ang kulturang Griego mga ilang siglo bago pa naging isang pandaigdig na kapangyarihan ang Gresya. Karagdagan pa, kung ang aklat ng Daniel ay isinulat noong ikalawang siglo B.C.E., nang ang kultura at wikang Griego ay napakalaganap, ito kaya’y maglalaman ng tatlo lamang na salitang Griego? Tiyak na hindi. Malamang na ito’y magtaglay nang higit pa. Kaya ang ebidensiya hinggil sa wika ay tunay na sumusuporta sa pagiging totoo ng Daniel.
[Buong-pahinang larawan sa pahina 12]
[Mga larawan sa pahina 20]
(Itaas) Ang sulat na ito ay naglalaman ng paghahambog ni Nabucodonosor hinggil sa kaniyang mga proyekto sa pagtatayo
(Ibaba) Ang silindro sa templo ng Babilonya ay bumabanggit sa pangalan ni Haring Nabonido at sa kaniyang anak na si Belsasar
[Larawan sa pahina 21]
Ayon sa Nabonidus Chronicle, ang hukbo ni Ciro ay pumasok sa Babilonya nang walang labanan
[Mga larawan sa pahina 22]
(Kanan) Ang “Bersikulong Ulat ni Nabonido” ay nagsasabing ipinagkatiwala ni Nabonido ang pamamahala sa kaniyang panganay na anak
(Kaliwa) Ang rekord ng Babilonya sa pananakop ni Nabucodonosor sa Juda