Ikalabindalawang Kabanata
Pinalakas ng Isang Mensahero Mula sa Diyos
1. Paano pinagpala si Daniel sa pagkakaroon ng matinding interes sa pagsasakatuparan ng layunin ni Jehova?
ANG matinding interes ni Daniel sa pagsasakatuparan ng layunin ni Jehova ay lubos na ginantimpalaan. Siya’y binigyan ng makaantig-damdaming hula ng 70 sanlinggo hinggil sa panahon ng paglitaw ng Mesiyas. Si Daniel ay pinagpala rin na makita ang pagbabalik ng tapat na mga nalabi ng kaniyang bayan sa kanilang lupang tinubuan. Ito’y nangyari noong 537 B.C.E., sa pagtatapos ng “unang taon ni Ciro na hari ng Persia.”—Ezra 1:1-4.
2, 3. Bakit hindi nagbalik si Daniel sa lupain ng Juda kasama ng mga nalabing Judio?
2 Si Daniel ay hindi kabilang sa mga naglakbay pabalik sa lupain ng Juda. Ang paglalakbay ay maaaring maging mahirap dahilan sa kaniyang katandaan. Isa pa, mayroon pa ring ipagagawa ang Diyos sa kaniya sa Babilonya. Lumipas ang dalawang taon. Pagkatapos ay sinabi sa atin ng ulat: “Nang ikatlong taon ni Ciro na hari ng Persia ay may isang bagay na isiniwalat kay Daniel, na ang pangalan ay tinatawag na Beltesasar; at ang bagay ay totoo, at nagkaroon ng isang malaking paglilingkod militar. At naunawaan niya ang bagay, at nagkaroon siya ng pagkaunawa sa bagay na nakita.”—Daniel 10:1.
3 Ang “ikatlong taon ni Ciro” ay katumbas ng 536/535 B.C.E. Mahigit nang 80 taon ang nakalipas mula nang si Daniel ay dalhin sa Babilonya kasama ng mga maharlikang supling at ng mga dugong bughaw na kabataan ng Juda. (Daniel 1:3) Kung siya’y bago pa lamang nagiging tin-edyer nang siya’y unang dumating sa Babilonya, malamang na siya’y mag-iisang daang taon na ngayon. Tunay na isang kamangha-manghang rekord ng tapat na paglilingkod ang taglay niya!
4. Sa kabila ng katandaan ni Daniel, anong mahalagang papel ang gagampanan pa rin niya sa paglilingkod kay Jehova?
4 Gayunpaman, sa kabila ng kaniyang katandaan, ang papel ni Daniel sa paglilingkod kay Jehova ay hindi pa natatapos. Sa pamamagitan niya, ang Diyos ay may ipahahayag pa na isang makahulang mensahe na ang epekto’y aabot pa sa malayong hinaharap. Ito’y magiging isang hula na aabot at lalampas pa sa ating kaarawan. Upang maihanda si Daniel sa karagdagan pang gawaing ito, minabuti ni Jehova na tulungan siya, upang siya’y mapalakas para sa gawain sa hinaharap.
ISANG SANHI NG KABALISAHAN
5. Anong mga ulat ang malamang na naging dahilan ng pagkabahala ni Daniel?
5 Bagaman si Daniel ay hindi nagbalik sa lupain ng Juda kasama ng mga nalabing Judio, siya’y lubhang interesado sa nangyayari sa kaniyang minamahal na lupang tinubuan. Mula sa mga ulat na nakarating sa kaniya, nalaman ni Daniel na hindi mabuti ang nagaganap doon. Ang dambana ay muling naitatag at ang pundasyon ng templo ay nailatag na sa Jerusalem. (Ezra, kabanata 3) Subalit ang mga kalapit na bansa ay salansang sa proyekto ng muling pagtatayo, at sila’y nagbabalak ng masama laban sa nagsibalik na mga Judio. (Ezra 4:1-5) Sa totoo lamang, si Daniel ay malamang na nabalisa kaagad sa maraming bagay.
6. Bakit nakabagabag kay Daniel ang mga kalagayan sa Jerusalem?
6 Si Daniel ay pamilyar sa hula ni Jeremias. (Daniel 9:2) Batid niya na ang muling pagtatayo ng templo sa Jerusalem at ang pagsasauli ng dalisay na pagsamba doon ay may malapit na kaugnayan sa layunin ni Jehova para sa Kaniyang bayan at na ang lahat ng ito ay mangyayari muna bago lumitaw ang ipinangakong Mesiyas. Sa katunayan, si Daniel ay nagkaroon ng malaking pribilehiyo na tanggapin mula kay Jehova ang hula hinggil sa “pitumpung sanlinggo.” Mula rito’y naunawaan niya na ang Mesiyas ay darating 69 na “sanlinggo” pagkatapos na lumabas ang salita na muling itayo ang Jerusalem. (Daniel 9:24-27) Gayunpaman, dahilan sa wasak na kalagayan ng Jerusalem at sa pagkaantala sa pagtatayo ng templo, madaling maunawaan kung bakit si Daniel ay nasiraan ng loob, nalumbay, at nanlumo.
7. Ano ang ginawa ni Daniel sa loob ng tatlong linggo?
7 “Nang mga araw na iyon ako nga, si Daniel, ay nagdadalamhati nang tatlong buong sanlinggo,” ang sabi ng ulat. “Hindi ako kumain ng masarap na tinapay, at walang karne o alak na pumasok sa aking bibig, at hindi man lamang ako naglangis ng aking sarili hanggang sa matapos ang tatlong buong sanlinggo.” (Daniel 10:2, 3) Ang “tatlong buong sanlinggo,” o 21 araw, ng pagdadalamhati at pag-aayuno ay isang di-karaniwang haba ng panahon. Maliwanag na ito’y natapos sa “ikadalawampu’t apat na araw ng unang buwan.” (Daniel 10:4) Kaya, ang yugto ng pag-aayuno ni Daniel ay sumaklaw sa Paskuwa, na ipinagdiriwang sa ika-14 na araw ng unang buwan, Nisan, at sa sumunod na pitong araw na kapistahan ng tinapay na walang pampaalsa.
8. Sa anong naunang okasyon masikap na hinanap ni Daniel ang patnubay ni Jehova, at ano ang nangyari?
8 Si Daniel ay nagkaroon na ng kahawig na karanasan noong una. Nang panahong iyon, siya’y nalilito hinggil sa katuparan ng hula ni Jehova hinggil sa 70-taóng pagkatiwangwang ng Jerusalem. Ano ang ginawa ni Daniel noon? “Itinuon ko ang aking mukha kay Jehova na tunay na Diyos,” ang sabi ni Daniel, “upang hanapin siya sa pamamagitan ng panalangin at mga pamamanhik, na may pag-aayuno at telang-sako at abo.” Sinagot ni Jehova ang panalangin ni Daniel nang suguin si anghel Gabriel sa kaniya taglay ang mensahe na lubhang nagpatibay sa kaniya. (Daniel 9:3, 21, 22) Si Jehova ba ay kikilos ngayon sa kahawig na paraan at magbibigay kay Daniel ng pampatibay-loob na lubha niyang kailangan?
ISANG NAKASISINDAK NA PANGITAIN
9, 10. (a) Nasaan si Daniel nang dumating sa kaniya ang isang pangitain? (b) Ilarawan kung ano ang nakita ni Daniel sa pangitain.
9 Si Daniel ay hindi nabigo. Patuloy niyang sinasabi sa atin kung ano ang sumunod na nangyari, sa pagsasabing: “Habang ako ay nasa pampang ng malaking ilog, na Hidekel, itinaas ko rin ang aking mga mata at tumingin, at narito ang isang lalaking nadaramtan ng lino, na ang kaniyang mga balakang ay nabibigkisan ng ginto ng Upaz.” (Daniel 10:4, 5) Ang Hidekel ay isa sa apat na ilog na nagmumula sa halamanan ng Eden. (Genesis 2:10-14) Sa Sinaunang Persiano, ang Hidekel ay kilala bilang ang Tigra, na siyang pinanggalingan ng Griegong pangalang Tigris. Ang rehiyon sa pagitan nito at ng Eufrates ay tinawag na Mesopotamia, na nangangahulugang “Lupain sa Pagitan ng mga Ilog.” Ito’y nagpapakita na nang tanggapin ni Daniel ang pangitaing ito, siya’y nasa lupain pa rin ng Babilonia, bagaman marahil ay hindi sa lunsod ng Babilonya.
10 Tunay na isang kamangha-manghang pangitain ang natanggap ni Daniel! Maliwanag, hindi pangkaraniwang tao ang kaniyang nakita nang tumingin siya sa itaas. Si Daniel ay nagbigay ng ganitong maliwanag na paglalarawan: “Ang kaniyang katawan ay gaya ng crisolito, at ang kaniyang mukha ay gaya ng anyo ng kidlat, at ang kaniyang mga mata ay gaya ng maaapoy na sulo, at ang kaniyang mga bisig at ang kinalalagyan ng kaniyang mga paa ay gaya ng hitsura ng pinakinang na tanso, at ang tinig ng kaniyang mga salita ay gaya ng tinig ng isang pulutong.”—Daniel 10:6.
11. Ano ang naging epekto ng pangitain kay Daniel at sa mga lalaking kasama niya?
11 Kahit na maliwanag ang pangitain, ‘hindi nakita ng mga lalaking kasama ko ang kaanyuan,’ ang sabi ni Daniel. Sa hindi maipaliwanag na dahilan, “isang matinding panginginig ang sumapit sa kanila, anupat tumakas sila upang magtago.” Kaya, si Daniel ay naiwang nag-iisa sa pampang ng ilog. Ang pagkakita sa “malaking kaanyuang ito” ay kagila-gilalas anupat kaniyang ipinagtapat: “Walang lakas na naiwan sa akin, at ang aking dangal ay nabago sa akin sa ikapapahamak, at wala nang lakas na nanatili sa akin.”—Daniel 10:7, 8.
12, 13. Ano ang ipinakikita hinggil sa mensahero ng (a) kaniyang kasuutan? (b) kaniyang anyo?
12 Tingnan nating mabuti ang maningning na mensaherong ito na nakasindak kay Daniel. Siya’y “nadaramtan ng lino, na ang kaniyang mga balakang ay nabibigkisan ng ginto ng Upaz.” Sa sinaunang Israel, ang bigkis, epod, at pektoral ng mataas na saserdote, pati na ang mahabang damit ng iba pang mga saserdote, ay yari sa mainam na pinilipit na lino at napapalamutian ng ginto. (Exodo 28:4-8; 39:27-29) Kaya, ang kasuutan ng mensahero ay nagbabadya ng kabanalan at karangalan ng kaniyang tungkulin.
13 Si Daniel ay nasindak din sa anyo ng mensahero—ang kinang ng kaniyang tulad hiyas na katawan, ang nakasisilaw na ningning ng kaniyang kumikinang na mukha, ang nanunuot na kapangyarihan ng kaniyang nag-aapoy na mga mata, at ang kislap ng kaniyang makapangyarihang mga bisig at mga paa. Maging ang kaniyang makapangyarihang tinig ay kakila-kilabot. Ang lahat ng ito ay nagpapakita na siya’y nakahihigit sa tao. Ang “lalaking [ito na] nadaramtan ng lino” ay walang iba kundi isang anghel na may mataas na ranggo, isa na naglilingkod sa banal na presensiya ni Jehova, na pinanggalingan niya taglay ang isang mensahe.a
PINALAKAS ANG “LUBHANG KALUGUD-LUGOD NA LALAKI”
14. Anong tulong ang kailangan ni Daniel upang matanggap ang mensahe ng anghel?
14 Ang mensahe na dala ng anghel ni Jehova kay Daniel ay mabigat at masalimuot. Bago tanggapin ito ni Daniel, kinailangan niya ang tulong upang gumaling mula sa kaniyang pisikal at mental na kabagabagan. Yamang waring natatalos ito, ang anghel ay maibiging nagbigay kay Daniel ng personal na tulong at pampatibay-loob. Subaybayan natin ang mismong paglalahad ni Daniel sa nangyari.
15. Ano ang ginawa ng anghel upang tulungan si Daniel?
15 “Habang naririnig ko ang tinig ng kaniyang mga salita, ako rin ay natutulog nang mahimbing na pasubsob ang aking mukha, na nakasubsob ang aking mukha sa lupa.” Malamang, ang takot at pangamba ang naging sanhi upang si Daniel ay halos mawalan ng ulirat. Ano ang ginawa ng anghel upang tulungan siya? “Narito!” ang sabi ni Daniel, “may isang kamay na humipo sa akin, at unti-unti akong kinilos nito upang bumangon sa aking mga tuhod at sa mga palad ng aking mga kamay.” Bukod diyan, pinatibay ng anghel ang propeta sa mga salitang ito: “O Daniel, ikaw na lubhang kalugud-lugod na lalaki, magkaroon ka ng unawa sa mga salita na sinasalita ko sa iyo, at tumayo ka sa kinatayuan mo, sapagkat ngayon ay sinugo ako sa iyo.” Ang matulunging kamay at ang nakaaaliw na mga salita ay muling nagpasigla kay Daniel. Bagaman siya ay “nangangatog,” si Daniel nga ay “tumayo.”—Daniel 10:9-11.
16. (a) Paano nakikitang si Jehova ay mabilis na tumutugon sa panalangin ng kaniyang mga lingkod? (b) Bakit naantala ang anghel sa pagtulong kay Daniel? (Ilakip ang kahon.) (c) Anong mensahe ang taglay ng anghel para kay Daniel?
16 Sinabi ng anghel na siya’y sadyang dumating upang palakasin si Daniel. “Huwag kang matakot, O Daniel,” ang sabi ng anghel, “sapagkat mula nang unang araw na ilagak mo ang iyong puso sa pagkaunawa at sa pagpapakumbaba sa harap ng iyong Diyos ay dininig na ang iyong mga salita, at ako mismo ay pumarito dahilan sa iyong mga salita.” Pagkatapos ay ipinaliwanag ng anghel kung bakit nagkaroon ng pagkaantala. Sinabi niya: “Ngunit ang prinsipe ng kaharian ng Persia ay nakatayong sumasalansang sa akin sa loob ng dalawampu’t isang araw, at, narito! si Miguel, na isa sa mga pangunahing prinsipe, ay dumating upang tulungan ako; at ako, sa ganang akin, ay nanatili roon sa tabi ng mga hari ng Persia.” Sa tulong ni Miguel, naisakatuparan ng anghel ang kaniyang misyon, ang pagpunta kay Daniel taglay ang napakaapurahang mensaheng ito: “Ako ay pumarito upang ipaunawa sa iyo kung ano ang mangyayari sa iyong bayan sa huling bahagi ng mga araw, sapagkat iyon ay isang pangitain na ukol pa sa mga araw na darating.”—Daniel 10:12-14.
17, 18. Paano natulungan si Daniel sa ikalawang pagkakataon, at ano ang nagawa niya dahilan dito?
17 Sa halip na maantig si Daniel dahilan sa pagtanggap ng gayong nakatatawag-pansing mensahe, lumilitaw na ang mga bagay na narinig niya ay nagkaroon ng negatibong epekto sa kaniya. Ang ulat ay nagsasabi: “At nang makipag-usap siya sa akin sa mga salitang gaya nito, itinungo ko ang aking mukha sa lupa at hindi ako nakapagsalita.” Subalit ang mensaherong anghel ay handang magbigay ng maibiging tulong—sa ikalawang pagkakataon. Sinabi ni Daniel: “Narito! isang gaya ng wangis ng mga anak ng tao ang humipo sa aking mga labi, at ako ay nagbuka ng aking bibig at nagsalita.”b—Daniel 10:15, 16a.
18 Si Daniel ay napalakas nang hipuin ng anghel ang kaniyang mga labi. (Ihambing ang Isaias 6:7.) Sa pagsasauli ng kaniyang kakayahang magsalita, naipaliwanag ni Daniel sa mensaherong anghel na ito ang hirap na kaniyang tinitiis. Sinabi ni Daniel: “O panginoon ko, dahil sa kaanyuan ay bigla akong dinatnan ng mga pangingisay sa loob ko, at walang lakas na nanatili sa akin. Kaya paano nagawa ng lingkod ng panginoon kong ito ang makipag-usap sa panginoon kong ito? At kung tungkol sa akin, hanggang sa ngayon ay wala pang lakas na nanunumbalik sa akin, at walang hininga ang naiwan sa akin.”—Daniel 10:16b, 17.
19. Paano natulungan si Daniel sa ikatlong pagkakataon, at ano ang naging resulta?
19 Si Daniel ay hindi nagrereklamo o nagdadahilan. Kaniya lamang inilalahad ang kaniyang mabigat na kalagayan, at naunawaan naman ng anghel ang kaniyang sinabi. Kaya, sa ikatlong pagkakataon, si Daniel ay tinulungan ng mensaherong anghel. “Hinipo akong muli ng isang iyon na may anyong gaya ng sa makalupang tao at pinalakas ako,” ang sabi ng propeta. Ang nagpapalakas na hipong iyon ay sinundan ng mensahero ng nakaaaliw na mga salitang ito: “Huwag kang matakot, O lubhang kalugud-lugod na lalaki. Magkaroon ka nawa ng kapayapaan. Magpakalakas ka, oo, magpakalakas ka.” Ang maibiging hipong iyon at ang mga nakapagpapatibay na mga salita sa wari’y siyang talagang kailangan ni Daniel. Ang resulta? Ipinahayag ni Daniel: “At nang makipag-usap siya sa akin ay ginamit ko ang aking buong lakas at pagkatapos ay sinabi ko: ‘Magsalita nawa ang aking panginoon, sapagkat pinalakas mo ako.’” Si Daniel ay handa na ngayon para sa isa pang mahirap na atas.—Daniel 10:18, 19.
20. Bakit kailangan ang pagsisikap upang maisakatuparan ng mensaherong anghel ang kaniyang atas?
20 Pagkatapos na mapalakas si Daniel at matulungan siyang makapanumbalik sa kaniyang kaisipan at lakas, muling sinabi ng anghel ang layunin ng kaniyang misyon. Sinabi niya: “Alam mo bang talaga kung bakit ako pumarito sa iyo? At ngayon ay babalik ako upang makipaglaban sa prinsipe ng Persia. Kapag ako ay humayo, narito! ang prinsipe rin ng Gresya ay darating. Gayunman, sasabihin ko sa iyo ang mga bagay na nakatala sa sulat ng katotohanan, at walang sinumang matatag na tumutulong sa akin sa mga bagay na ito maliban kay Miguel, na prinsipe ninyo.”—Daniel 10:20, 21.
21, 22. (a) Mula sa karanasan ni Daniel, ano ang ating matututuhan hinggil sa paraan ng pakikitungo ni Jehova sa kaniyang mga lingkod? (b) Ukol sa ano ngayon pinalakas si Daniel?
21 Napakamaibigin at napakamakonsiderasyon ni Jehova! Siya’y laging nakikitungo sa kaniyang mga lingkod ayon sa kanilang mga kakayahan at mga limitasyon. Sa isang panig, siya’y nagbibigay sa kanila ng mga atas ayon sa alam niyang magagawa nila, kahit na sa palagay nila kung minsan na hindi nila kaya iyon. Sa kabilang panig naman, siya’y handang makinig sa kanila at pagkatapos ay maglaan kung ano ang kinakailangan upang tulungan silang maisakatuparan ang kanilang mga atas. Lagi nawa nating tularan ang ating makalangit na Ama, si Jehova, sa pamamagitan ng maibiging pagpapatibay at pagpapalakas sa ating mga kapananampalataya.—Hebreo 10:24.
22 Ang nakaaaliw na mensahe ng anghel ay isang malaking pampatibay-loob kay Daniel. Sa kabila ng kaniyang katandaan, si Daniel ngayon ay napalakas at nakahanda nang tanggapin at itala ang higit pang kamangha-manghang hula para sa ating kapakinabangan.
[Mga talababa]
a Bagaman hindi binanggit ang pangalan ng anghel, lumilitaw na siya rin yaong narinig na nag-utos kay Gabriel na tulungan si Daniel sa pangitaing katatapos pa lamang niyang nakita. (Ihambing ang Daniel 8:2, 15, 16 sa Dan 12:7, 8.) Karagdagan pa, ang Daniel 10:13 ay nagpapakita na si Miguel, “isa sa pangunahing prinsipe,” ay dumating upang tulungan ang anghel na ito. Kaya, ang anghel na ito na hindi binanggit ang pangalan ay malamang na nagkapribilehiyong gumawang kaisa nina Gabriel at Miguel.
b Bagaman maaaring ang anghel na nagsasalita kay Daniel ang siya ring humipo sa kaniyang mga labi anupat natauhan siyang muli, ang mga salitang ginamit dito ay nag-iiwan ng posibilidad na may iba pang anghel, marahil ay si Gabriel, ang gumawa nito. Sa paano man, si Daniel ay napalakas ng isang mensaherong anghel.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Bakit naantala ang anghel ni Jehova sa pagtulong kay Daniel noong 536/535 B.C.E.?
• Ano ang ipinakikita ng kasuutan at anyo ng mensaherong anghel ng Diyos hinggil sa kaniya?
• Anong tulong ang kailangan ni Daniel, at paano ipinagkaloob ito ng anghel sa tatlong pagkakataon?
• Anong mensahe ang taglay ng anghel para kay Daniel?
[Kahon sa pahina 204, 205]
Mga Anghel na Tagapagtanggol o mga Demonyong Tagapamahala?
MARAMI tayong matututuhan mula sa sinasabi ng aklat ng Daniel hinggil sa mga anghel. Sinasabi nito sa atin ang papel na kanilang ginagampanan sa pagsasakatuparan ng salita ni Jehova at sa pagsisikap na kanilang ginagawa upang tuparin ang kanilang mga atas.
Ang anghel ng Diyos ay nagsabi na sa kaniyang paghayo upang makipag-usap kay Daniel, siya’y hinadlangan ng “prinsipe ng kaharian ng Persia.” Pagkatapos na makipaglaban sa kaniya sa loob ng 21 araw, ang mensaherong anghel ay nakapagpatuloy dahil lamang sa tulong ni “Miguel, ang isa sa mga pangunahing prinsipe.” Sinabi rin ng anghel na siya’y kailangang makipaglabang muli sa kaaway na iyon at malamang maging sa “prinsipe ng Gresya.” (Daniel 10:13, 20) Hindi madaling gawin iyon, kahit na para sa isang anghel! Sino kung gayon, ang mga prinsipeng ito ng Persia at Gresya?
Una sa lahat, ating nakita na si Miguel ay tinatawag na “isa sa mga pangunahing prinsipe” at “ang prinsipe ninyo.” Pagkatapos, si Miguel ay tinukoy bilang “ang dakilang prinsipe na tumatayo alang-alang sa mga anak ng iyong bayan [ni Daniel].” (Daniel 10:21; 12:1) Ito’y nagpapahiwatig na si Miguel ang anghel na inatasan ni Jehova upang umakay sa mga Israelita patawid sa iláng.—Exodo 23:20-23; 32:34; 33:2.
Ang nagbibigay ng suporta sa konklusyong ito ay ang pananalita ng alagad na si Judas na ‘si Miguel na arkanghel ay nagkaroon ng pakikipaghidwaan sa Diyablo at nakipagtalo tungkol sa katawan ni Moises.’ (Judas 9) Ang posisyon, kapangyarihan, at awtoridad ni Miguel ang nagpatunay na siya talaga “ang arkanghel,” na nangangahulugang “ang punong anghel,” o “ang pangunahing anghel.” Lubhang angkop, ang mataas na posisyong ito ay maikakapit lamang kay Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos, bago at pagkatapos ng kaniyang buhay sa lupa.—1 Tesalonica 4:16; Apocalipsis 12:7-9.
Ito ba’y nangangahulugan na nag-atas din si Jehova ng mga anghel sa mga bansa gaya ng Persia at Gresya upang patnubayan sila sa kanilang mga gawain? Buweno, si Jesu-Kristo, ang Anak ng Diyos ay hayagang nagsabi: “Ang tagapamahala ng sanlibutan ay . . . walang kapangyarihan sa akin.” Sinabi rin ni Jesus: “Ang kaharian ko ay hindi bahagi ng sanlibutang ito . . . ang kaharian ko ay hindi nagmumula rito.” (Juan 14:30; 18:36) Si apostol Juan ay nagpahayag na “ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Maliwanag na ang mga bansa sa daigdig, maging noon at sa ngayon, ay hindi kailanman napasailalim sa patnubay o pamamahala ng Diyos o ni Kristo. Bagaman pinahihintulutan ni Jehova “ang nakatataas na mga awtoridad” na umiral at patuloy na kumontrol sa takbo ng makalupang pamahalaan, hindi siya nag-aatas ng kaniyang mga anghel sa kanila. (Roma 13:1-7) Ang sinumang “prinsipe” o “tagapamahala” sa ibabaw nila ay maaaring ilagay lamang doon ng “tagapamahala ng sanlibutan,” si Satanas na Diyablo. Sila’y mga demonyong tagapamahala sa halip na mga anghel na tagapagtanggol. Kung gayon, may mga di-nakikitang puwersa ng demonyo, o “mga prinsipe,” sa likod ng nakikitang mga tagapamahala, at ang nasasangkot sa paglalabanan ng mga bansa ay higit pa kaysa mga tao lamang.
[Buong-pahinang larawan sa pahina 199]
[Buong-pahinang larawan sa pahina 207]