Ikalabinlimang Kabanata
Pumasok sa Ika-20 Siglo ang Magkalabang Hari
1. Sino ayon sa isang istoryador ang siyang mga lider ng ika-19 na siglo ng Europa?
“MAY umiiral na dinamikong lakas sa ikalabinsiyam-na-siglong Europa na lubhang nakahihigit sa alinmang nauna rito,” ang sulat ng istoryador na si Norman Davies. Dagdag pa niya: “Ang Europa ay napuspos ng kapangyarihan higit kailanman: ng teknikal na kapangyarihan, ekonomikong kapangyarihan, kultural na kapangyarihan, at kapangyarihan sa mga kontinente.” Ang mga lider ng “matagumpay na ‘siglo ng kapangyarihan’ ng Europa,” sabi ni Davies, “ay ang Gran Britanya na siyang una . . . at nang sumunod na mga dekada ay ang Alemanya.”
“NAKAKILING SA PAGGAWA NG MASAMA”
2. Sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, anong mga kapangyarihan ang gumanap ng mga papel ng “hari ng hilaga” at ng “hari ng timog”?
2 Habang ang ika-19 na siglo ay lumalapit sa katapusan nito, ang Imperyong Aleman ang siyang “hari ng hilaga” at ang Britanya naman ang nasa puwesto ng “hari ng timog.” (Daniel 11:14, 15) “Tungkol sa dalawang haring ito,” sabi ng anghel ni Jehova, “ang kanilang puso ay kikiling sa paggawa ng masama, at sa isang mesa ay kasinungalingan ang patuloy nilang sasalitain.” Siya’y nagpatuloy: “Ngunit walang anumang magtatagumpay, sapagkat ang kawakasan ay ukol pa sa panahong takda.”—Daniel 11:27.
3, 4. (a) Sino ang naging unang emperador ng German Reich, at anong alyansa ang binuo? (b) Anong patakaran ang sinunod ni Kaiser Wilhelm?
3 Noong Enero 18, 1871, si Wilhelm I ay naging unang emperador ng German Reich, o Imperyo. Kaniyang inatasan si Otto von Bismarck bilang kansilyer. Dahilan sa ang pinagtutuunan niya ng pansin ay ang pagkakaroon ng bagong imperyo, iniwasan ni Bismarck na makalaban ang ibang mga bansa anupat nakipag-alyansa sa Austria-Hungary at Italya, na kilala bilang ang Tatluhang Alyansa. Subalit di-nagtagal at ang mga kagustuhan ng bagong haring ito ay nakabangga niyaong sa hari ng timog.
4 Pagkamatay ni Wilhelm I at ng kaniyang kahaliling si Frederick III noong 1888, ang 29-na-taóng gulang na si Wilhelm II ang umupo sa trono. Pinilit ni Wilhelm II, o Kaiser Wilhelm, na magbitiw si Bismarck at sinunod ang isang patakarang nagpapalawak sa impluwensiya ng Alemanya sa buong daigdig. “Sa ilalim ni Wilhelm II,” sabi ng isang istoryador, “ang [Alemanya] ay nagkaroon ng arogante at agresibong saloobin.”
5. Paano umupo “sa isang mesa” ang dalawang hari, at ano ang pinag-usapan nila roon?
5 Nang si Czar Nicolas II ng Russia ay tumawag ng isang komperensiya ukol sa kapayapaan sa The Hague, Netherlands, noong Agosto 24, 1898, ang kapaligiran sa daigdig ay punô ng kaigtingan. Ang komperensiyang ito at ang sumunod dito noong 1907 ay nagtatag ng Permanent Court of Arbitration sa The Hague. Sa pamamagitan ng pagiging mga miyembro ng korteng ito, ang German Reich at ang Gran Britanya ay nagkunwang sang-ayon sa kapayapaan. Sila ay umupo “sa isang mesa,” na kunwa’y palakaibigan, subalit ‘ang kanilang puso ay nakakiling sa paggawa ng masama.’ Ang diplomatikong taktika ng ‘pagsasalita ng kasinungalingan sa isang mesa’ ay hindi magdadala ng tunay na kapayapaan. Hinggil sa kanilang pulitikal, komersiyal, at militar na mga ambisyon, ‘walang magtatagumpay’ sapagkat ang kawakasan ng dalawang haring ito “ay ukol pa sa panahong takda” ng Diyos na Jehova.
“LABAN SA BANAL NA TIPAN”
6, 7. (a) Sa anong paraan ‘bumalik sa kaniyang lupain’ ang hari ng hilaga? (b) Paano tumugon ang hari ng timog sa lumalawak na impluwensiya ng hari ng hilaga?
6 Bilang pagpapatuloy, sinabi ng anghel ng Diyos: “At babalik siya [ang hari ng hilaga] sa kaniyang lupain taglay ang napakaraming pag-aari, at ang kaniyang puso ay magiging laban sa banal na tipan. At siya ay kikilos sa mabisang paraan at babalik sa kaniyang lupain.”—Daniel 11:28.
7 Si Kaiser Wilhelm ay nagbalik sa “lupain,” o makalupang kalagayan, ng sinaunang hari ng hilaga. Paano? Sa pamamagitan ng pagtatayo ng imperyal na pamamahala na nilayon upang palaganapin ang German Reich at palawigin ang impluwensiya nito. Itinaguyod ni Wilhelm II ang pananakop ng mga lupain sa Aprika at sa iba pang dako. Sa pagnanais na hamunin ang pangingibabaw ng Britanya sa karagatan, siya’y bumuo ng isang malakas na hukbong-dagat. “Ang lakas ng hukbong-dagat ng Alemanya ay sumulong mula sa halos wala tungo sa pagiging pangalawa sa Britanya sa loob ng mahigit-higit sa isang dekada,” ang sabi ng The New Encyclopædia Britannica. Upang mapanatili ang pangingibabaw nito, kailangang palawakin ng Britanya ang sariling programa nito sa hukbong-dagat. Isinagawa rin ng Britanya ang entente cordiale (taimtim na pakikipag-unawaan) sa Pransiya at isang kahawig na kasunduan sa Russia, na sa gayon ay bumubuo ng Tatluhang Entente. Ang Europa ay nahati ngayon sa dalawang kampong militar—Ang Tatluhang Alyansa sa isang panig at ang Tatluhang Entente sa kabilang panig.
8. Paano nagkaroon ng “napakaraming pag-aari” ang Imperyong Aleman?
8 Sinunod ng Imperyong Aleman ang isang agresibong patakaran, na nagbunga ng “napakaraming pag-aari” para sa Alemanya sapagkat ito ang pangunahing bahagi ng Tatluhang Alyansa. Ang Austria-Hungary at Italya ay mga Romano Katoliko. Kaya, ang Tatluhang Alyansa ay may pagsang-ayon din ng papado, samantalang ang hari ng timog, na ang karamihan ay di-Katolikong Tatluhang Entente, ay wala nito.
9. Paanong ang puso ng hari ng hilaga ay “laban sa banal na tipan”?
9 Kumusta naman ang bayan ni Jehova? Matagal na nilang ipinahayag na “ang itinakdang panahon ng mga bansa” ay magwawakas sa 1914.a (Lucas 21:24) Noong taóng iyon, ang Kaharian ng Diyos sa mga kamay ng Tagapagmana ni Haring David, si Jesu-Kristo, ay naitatag sa langit. (2 Samuel 7:12-16; Lucas 22:28, 29) Noon pang Marso 1880, iniugnay na ng magasing Watch Tower ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos sa pagtatapos ng “itinakdang panahon ng mga bansa,” o “panahon ng mga Gentil.” (King James Version) Subalit ang puso ng Alemang hari ng hilaga ay ‘laban sa banal na tipan ng Kaharian.’ Sa halip na kilalanin ang pamamahala ng Kaharian, si Kaiser Wilhelm ay ‘kumilos sa mabisang paraan’ sa pamamagitan ng pagtataguyod sa kaniyang mga pakana na pamahalaan ang daigdig. Gayunman, sa pagsasagawa nito, siya’y naghahasik ng binhi para sa Digmaang Pandaigdig I.
ANG HARI AY ‘NALUMBAY’ SA ISANG DIGMAAN
10, 11. Paano nagsimula ang Digmaang Pandaigdig I, at paanong ito ay “sa panahong takda”?
10 “Sa panahong takda ay babalik siya [ang hari ng hilaga],” ang hula ng anghel, “at siya ay paroroon laban sa timog; ngunit hindi mangyayari sa huli ang gaya ng sa una.” (Daniel 11:29) Ang “panahong takda” ng Diyos upang wakasan ang pamamahala ng Gentil sa lupa ay sumapit noong 1914 nang itatag niya ang makalangit na Kaharian. Noong Hunyo 28 ng taóng iyon, ang Austrianong Arkiduke na si Francis Ferdinand at ang kaniyang asawa ay pataksil na pinatay ng isang teroristang Serbiano sa Sarajevo, Bosnia. Ito ang nagpasiklab sa Digmaang Pandaigdig I.
11 Inudyukan ni Kaiser Wilhelm ang Austria-Hungary na gumanti sa Serbia. Palibhasa’y nakatitiyak sa suporta ng Aleman, ang Austria-Hungary ay nagdeklara ng pakikidigma sa Serbia noong Hulyo 28, 1914. Subalit ang Russia ay tumulong sa Serbia. Nang magdeklara ng pakikidigma ang Alemanya sa Russia, ang Pransiya (isang kaalyado sa Tatluhang Entente) ay sumuporta naman sa Russia. Kaya nagdeklara ng pakikidigma ang Alemanya sa Pransiya. Upang madaling mapasok ang Paris, sinalakay ng Alemanya ang Belgium, na ang neutralidad naman ay ginarantiyahan ng Britanya. Kaya ang Britanya ay nagdeklara ng pakikidigma sa Alemanya. Nasangkot ang iba pang mga bansa, at ang Italya ay kumiling sa kabilang panig. Sa panahon ng digmaan, ang Ehipto ay sumailalim ng pangangalaga (protectorate) ng Britanya upang huwag masarhan ng hari ng hilaga ang Suez Canal at masakop ang Ehipto, ang sinaunang lupain ng hari ng timog.
12. Noong unang digmaang pandaigdig, sa paanong paraan ang mga bagay ay hindi naging “gaya ng sa una”?
12 “Sa kabila ng laki at lakas ng mga Alyado,” sabi ng The World Book Encyclopedia, “waring ang Alemanya ay malapit nang manalo sa digmaan.” Sa nakaraang labanan sa pagitan ng dalawang hari, ang Imperyong Romano, bilang hari ng hilaga, ay palaging nagtatagumpay. Subalit sa pagkakataong ito, ‘ang mga bagay ay hindi gaya ng sa una.’ Ang hari ng hilaga ay natalo sa digmaan. Sa pagbibigay ng paliwanag hinggil dito, ang anghel ay nagsabi: “Paroroon laban sa kaniya ang mga barko ng Kitim, at siya ay malulumbay.” (Daniel 11:30a) Ano ba ang “mga barko ng Kitim”?
13, 14. (a) Ano ang pangunahing bumubuo sa “mga barko ng Kitim,” na dumating laban sa hari ng hilaga? (b) Paanong marami pang barko ng Kitim ang dumating habang nagpapatuloy ang unang digmaang pandaigdig?
13 Noong panahon ni Daniel ang Kitim ay ang Cyprus. Sa pasimula ng unang digmaang pandaigdig, ang Cyprus ay sinakop ng Britanya. Bukod dito, ayon sa The Zondervan Pictorial Encyclopedia of the Bible, ang pangalang Kitim “ay pinalawak upang sumaklaw sa K[anluran] sa pangkalahatan, subalit lalo na sa mahilig-sa-pandaragat na K[anluran].” Binigyang-kahulugan ng New International Version ang pananalitang “mga barko ng Kitim” bilang “mga barko ng baybaying lupain ng kanluran.” Noong unang digmaang pandaigdig, ang mga barko ng Kitim ay pangunahing binubuo ng mga barko ng Britanya, na nasa kanluraning baybayin ng Europa.
14 Habang ang digmaan ay nagtatagal, ang Hukbong-dagat ng Britano ay lalong pinalakas sa pamamagitan ng higit pang mga barko ng Kitim. Noong Mayo 7, 1915, pinalubog ng submarinong Aleman na U-20 ang sibilyan na barkong Lusitania malapit sa timugang baybayin ng Ireland. Kabilang sa mga patay ay 128 Amerikano. Nang maglaon, pinalawak ng Alemanya ang digmaan sa pamamagitan ng submarino sa Atlantiko. Pagkaraan, noong Abril 6, 1917, nagdeklara ng pakikidigma si Presidente Woodrow Wilson ng Estados Unidos sa Alemanya. Dahil sa lalo pang pinalakas ng mga barkong pandigma at mga tropa ng Estados Unidos, ang hari ng timog—ngayo’y ang Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano—ay nasa lubos na pakikidigma sa kalabang hari nito.
15. Kailan ‘nalumbay’ ang hari ng hilaga?
15 Sa ilalim ng pananalakay ng Kapangyarihang Pandaigdig ng Anglo-Amerikano, ang hari ng hilaga ay ‘nalumbay’ at tumanggap ng pagkatalo noong Nobyembre 1918. Si Wilhelm II ay tumakas upang maging tapon sa Netherlands, at ang Alemanya ay naging isang republika. Subalit hindi pa tapos ang hari ng hilaga.
KUMILOS “SA MABISANG PARAAN” ANG HARI
16. Ayon sa hula, paano tumugon ang hari ng hilaga sa kaniyang pagkatalo?
16 “Siya [ang hari ng hilaga] ay babalik at magpupukol ng mga pagtuligsa laban sa banal na tipan at kikilos sa mabisang paraan; at babalik siya at isasaalang-alang niya yaong mga nagpabaya sa banal na tipan.” (Daniel 11:30b) Ito ang inihula ng anghel, at ito ay natupad.
17. Ano ang nagbigay-daan sa pagsikat ni Adolf Hitler?
17 Nang magwakas ang digmaan, noong 1918, ang nagtagumpay na mga Alyado ay nagpataw ng parusa sa kasunduang ginawa sa Alemanya ukol sa kapayapaan. Nakita ng mga Aleman na ang mga kondisyon sa kasunduan ay mabigat, at ang bagong republika ay mahina kahit sa pasimula pa lamang. Ang Alemanya ay naging mabuway sa loob ng ilang taon dahil sa labis-labis na kahirapan at dumanas ito ng Great Depression anupat anim na milyon ang sukdulang nawalan ng trabaho. Sa pagsisimula ng mga taon ng 1930, ang kalagayan ay naging angkop na para sa pagsikat ni Adolf Hitler. Siya’y naging kansilyer noong Enero 1933 at nang sumunod na taon ay naging presidente ng tinatawag ng mga Nazi na Third Reich.b
18. Paano kumilos si Hitler “sa mabisang paraan”?
18 Karaka-raka pagkatapos na magkaroon ng kapangyarihan, si Hitler ay naglunsad ng isang malupit na pagsalakay laban sa “banal na tipan,” na kinakatawanan ng pinahirang mga kapatid ni Jesu-Kristo. (Mateo 25:40) Sa bagay na ito’y kumilos siya “sa mabisang paraan” laban sa tapat na mga Kristiyanong ito, na buong lupit na umuusig sa marami sa kanila. Nagtagumpay rin si Hitler sa ekonomiko at diplomatikong paraan, at kumikilos “sa mabisang paraan” sa mga larangan ding ito. Sa loob ng ilang taon lamang, ginawa niya ang Alemanya na isang kapangyarihan na dapat kilalanin sa tanawin ng daigdig.
19. Sa paghanap ng tutulong sa kaniya, kanino nanuyo si Hitler?
19 Si Hitler ay nagbigay ng ‘pagsasaalang-alang sa mga umaalis sa banal na tipan.’ Sino ang mga ito? Maliwanag, sila ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan, na nag-angking may pakikipagtipan sa Diyos subalit huminto na sa pagiging mga alagad ni Jesu-Kristo. Matagumpay na nakuha ni Hitler ang suporta niyaong “mga umiiwan sa banal na tipan.” Halimbawa, siya’y gumawa ng kasunduan sa papa sa Roma. Noong 1935, nilikha ni Hitler ang Ministry for Church Affairs. Isa sa kaniyang mga tunguhin ay ang isailalim sa kontrol ng estado ang mga simbahang Ebangheliko.
NANGGALING ANG “MGA BISIG” SA HARI
20. Anong “mga bisig” ang ginamit ng hari ng hilaga, at laban kanino?
20 Hindi natagalan at nakipagdigma si Hitler, gaya ng wastong inihula ng anghel: “May mga bisig na tatayo, na nanggagaling sa kaniya; at lalapastanganin ng mga ito ang santuwaryo, ang tanggulan, at aalisin ang palagiang handog.” (Daniel 11:31a) Ang “mga bisig” ay ang puwersang militar na ginamit ng hari ng hilaga upang labanan ang hari ng timog noong Digmaang Pandaigdig II. Noong Setyembre 1, 1939, ang “mga bisig” ng Nazi ay sumakop sa Poland. Pagkaraan ng dalawang araw, ang Britanya at ang Pransiya ay nagdeklara ng pakikidigma sa Alemanya upang tulungan ang Poland. Gayon nagpasimula ang Digmaang Pandaigdig II. Madaling bumagsak ang Poland, at di-natagalan pagkatapos niyaon, sinakop ng puwersa ng Aleman ang Denmark, Norway, Netherlands, Belgium, Luxembourg, at Pransiya. “Sa katapusan ng 1941,” sabi ng The World Book Encyclopedia, “dominado ng Alemanyang Nazi ang buong kontinente.”
21. Paano nabaligtad ang mga pangyayari laban sa hari ng hilaga noong Digmaang Pandaigdig II, at ano ang kinalabasan nito?
21 Bagaman ang Alemanya at ang Unyong Sobyet ay lumagda sa isang Kasunduan ng Pagkakaibigan, Pagtutulungan, at Demarkasyon, sinalakay pa rin ni Hitler ang teritoryo ng Sobyet noong Hunyo 22, 1941. Ang pangyayaring ito’y naging dahilan upang pumanig ang Unyong Sobyet sa Britanya. Ang hukbong Sobyet ay lumaban nang husto sa kabila ng kahindik-hindik na maagang pagsalakay ng puwersa ng Aleman. Noong Disyembre 6, 1941, ang hukbong Aleman ay aktuwal na dumanas ng pagkatalo sa Moscow. Nang sumunod na araw, binomba ng Hapon na kakampi ng Alemanya ang Pearl Harbor, Hawaii. Sa pagkaalam ng pangyayaring ito, sinabi ni Hitler sa kaniyang mga alalay: “Ngayo’y imposibleng matalo pa tayo sa digmaan.” Noong Disyembre 11 padalus-dalos siyang nagdeklara ng pakikidigma sa Estados Unidos. Subalit nagkamali siya sa pagtantiya sa lakas ng Unyong Sobyet at Estados Unidos. Habang ang hukbong Sobyet ay sumasalakay mula sa silangan at ang mga puwersa naman ng Britanya at Amerika ay palapit nang palapit mula sa kanluran, nabaligtad ang pangyayari para kay Hitler. Unti-unting nakuha ang mga teritoryo ng puwersang Aleman. Pagkatapos magpakamatay ni Hitler, ang Alemanya ay sumuko sa mga Alyado, noong Mayo 7, 1945.
22. Paanong ang hari ng hilaga ay ‘lumapastangan sa santuwaryo at nag-alis ng palagiang handog’?
22 “Lalapastanganin ng mga ito [mga bisig ng Nazi] ang santuwaryo, ang tanggulan, at aalisin ang palagiang handog,” ang sabi ng anghel. Sa sinaunang Juda ang santuwaryo ay bahagi ng templo sa Jerusalem. Gayunman, nang si Jesus ay tanggihan ng mga Judio, si Jehova ay nagtakwil sa kanila at sa kanilang templo. (Mateo 23:37–24:2) Mula noong unang siglo C.E., ang tunay na templo ni Jehova ay naging espirituwal na, anupat ang kabanal-banalan nito ay nasa langit na may espirituwal na looban sa lupa, na doon ang mga pinahirang kapatid ni Jesus, ang Mataas na Saserdote, ay naglilingkod. Mula noong mga taon ng 1930 pasulong, ang “malaking pulutong” ay sumamba kasama ang pinahirang nalabi anupat masasabing naglilingkod ‘sa templo ng Diyos.’ (Apocalipsis 7:9, 15; 11:1, 2; Hebreo 9:11, 12, 24) Sa mga lupaing nasa ilalim ng kaniyang kontrol, nilapastangan ng hari ng hilaga ang makalupang looban ng templo sa pamamagitan ng walang-lubay na pag-uusig sa pinahirang nalabi at sa kanilang mga kasamahan. Gayon na lamang katindi ng pag-uusig anupat “ang palagiang handog”—ang pangmadlang hain ng papuri sa pangalan ni Jehova—ay inalis. (Hebreo 13:15) Gayunman, sa kabila ng kakila-kilabot na pagdurusa, ang tapat na pinahirang mga Kristiyano kasama ang “ibang tupa” ay patuloy na nangangaral sa panahon ng Digmaang Pandaigdig II.—Juan 10:16.
‘NAILAGAY ANG KASUKLAM-SUKLAM NA BAGAY’
23. Ano ang “kasuklam-suklam na bagay” noong unang siglo?
23 Nang natatanaw na ang pagwawakas ng ikalawang digmaang pandaigdig, may naganap namang pangyayari, gaya ng inihula ng anghel ng Diyos. “Ilalagay nila ang kasuklam-suklam na bagay na sanhi ng pagkatiwangwang.” (Daniel 11:31b) Si Jesus ay bumanggit din ng hinggil sa “kasuklam-suklam na bagay.” Noong unang siglo, ito ay ang hukbong Romano na dumating sa Jerusalem noong 66 C.E. upang sugpuin ang paghihimagsik ng mga Judio.c—Mateo 24:15; Daniel 9:27.
24, 25. (a) Ano “ang kasuklam-suklam na bagay” sa makabagong mga panahon? (b) Kailan at paano ‘nailagay ang kasuklam-suklam na bagay’?
24 Anong “kasuklam-suklam na bagay” ang ‘nailagay’ sa modernong panahon? Sa wari, ito’y isang “kasuklam-suklam” na panghuhuwad sa Kaharian ng Diyos. Ito ang Liga ng mga Bansa, ang kulay matingkad-pulang mabangis na hayop na napasa kalaliman, o nawala bilang isang pandaigdig na organisasyong ukol sa kapayapaan, nang sumiklab ang Digmaang Pandaigdig II. (Apocalipsis 17:8) Gayunman, “ang mabangis na hayop” ay ‘aahon mula sa kalaliman.’ Nagawa niya ito nang ang Nagkakaisang mga Bansa, na may 50 miyembrong bansa lakip na ang dating Unyong Sobyet, ay maitatag noong Oktubre 24, 1945. Kaya “ang kasuklam-suklam na bagay” na inihula ng anghel—ang Nagkakaisang mga Bansa—ay nailagay.
25 Ang Alemanya ay naging isang pangunahing kaaway ng hari ng timog noong dalawang digmaang pandaigdig at kumuha ng puwesto ng hari ng hilaga. Sino ang susunod na mapapalagay sa puwestong ito?
[Mga talababa]
a Tingnan ang Kabanata 6 ng aklat na ito.
b Ang Banal na Imperyong Romano ang unang reich, at ang Imperyong Aleman, ang ikalawa.
c Tingnan ang Kabanata 11 ng aklat na ito.
ANO ANG IYONG NAUNAWAAN?
• Sa katapusan ng ika-19 na siglo, anong mga kapangyarihan ang gumanap sa papel ng hari ng hilaga at ng hari ng timog?
• Noong Digmaang Pandaigdig I, paanong ang kinalabasan ng labanan ay “hindi nagpatunay sa wakas na ito’y naging gaya ng sa una” para sa hari ng hilaga?
• Kasunod ng Digmaang Pandaigdig I, paanong ang Alemanya ay nagawa ni Hitler na isang kapangyarihang dapat na kilalanin sa tanawin ng daigdig?
• Ano ang kinalabasan ng labanan sa pagitan ng hari ng hilaga at ng hari ng timog noong Digmaang Pandaigdig II?
[Chart/Mga larawan sa pahina 268]
MGA HARI SA DANIEL 11:27-31
Ang Hari ng Ang Hari ng
Hilaga Timog
Daniel 11:27-30a Imperyong Aleman Britanya, sinundan
(Digmaang Pandaigdig I) ng ang
Kapangyarihang
Pandaigdig ng
Anglo-Amerikano
Daniel 11:30b, 31 Ang Third Reich ni Hitler Kapangyarihang
(Digmaang Pandaigdig II) Pandaigdig ng
Anglo-Amerikano
[Larawan]
Si Presidente Woodrow Wilson kasama si Haring George V
[Larawan]
Maraming Kristiyano ang pinag-usig sa mga kampong piitan
[Larawan]
Ang mga lider ng Sangkakristiyanuhan ay sumuporta kay Hitler
[Larawan]
Kotse na dito pataksil na pinatay si Arkiduke Ferdinand
[Larawan]
Mga sundalong Aleman, Digmaang Pandaigdig I
[Larawan sa pahina 257]
Sa Yalta noong 1945, ang Punong Ministro ng Britanya na si Winston Churchill, ang Presidente ng Estados Unidos na si Franklin D. Roosevelt, at ang Primyer ng Sobyet na si Joseph Stalin ay nagkasundo sa mga plano na sakupin ang Alemanya, magtatag ng isang bagong pamahalaan sa Poland, at magdaos ng isang komperensiya upang buuin ang Nagkakaisang mga Bansa
[Mga larawan sa pahina 258]
1. Arkiduke Ferdinand 2. Hukbong-dagat ng Aleman 3. Hukbong-dagat ng Britanya 4. Lusitania 5. Deklarasyon ng pakikidigma ng Estados Unidos
[Mga larawan sa pahina 263]
Nadama ni Adolf Hitler na siya’y magtatagumpay matapos bombahin ng Hapon ang Pearl Harbor bilang kakampi ng Alemanya sa gera