Ikalabing-anim na Kabanata
Magtiwala kay Jehova Ukol sa Patnubay at Proteksiyon
1, 2. Anong panganib ang napaharap sa bayan ng Diyos noong ikawalong siglo B.C.E., at kanino nakahilig ang marami sa kanila na bumaling ukol sa proteksiyon?
GAYA ng nakita na sa naunang mga kabanata ng aklat na ito, ang bayan ng Diyos ay napaharap sa isang nakatatakot na banta noong ikawalong siglo B.C.E. Sunud-sunod na winawasak ng uhaw-sa-dugong mga Asiryano ang mga lupain, at malapit na nilang salakayin ang timugang kaharian ng Juda. Kanino babaling ang mga tumatahan sa lupain ukol sa proteksiyon? Sila’y may pakikipagtipan kay Jehova at dapat na umasa sa kaniya ukol sa tulong. (Exodo 19:5, 6) Iyon ang ginawa ni Haring David. Kinilala niya na: “Si Jehova ang aking malaking bato at aking moog at ang Tagapaglaan ko ng pagtakas.” (2 Samuel 22:2) Gayunman, maliwanag na marami noong ikawalong siglo B.C.E. ang hindi nagtiwala kay Jehova bilang kanilang moog. Mas gusto pa nilang umasa sa Ehipto at Etiopia, anupat nananalig na ang dalawang bansang ito ay maglalaan ng sanggalang laban sa bantang pananalakay ng Asiryano. Sila’y nagkakamali.
2 Sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias, si Jehova ay nagbabala na ang paghahanap ng kanlungan sa Ehipto o sa Etiopia ay magiging kapaha-pahamak. Ang kinasihang mga salita ng propeta ay nagbibigay ng kapaki-pakinabang na leksiyon para sa kaniyang mga kapanahon at naglalaman ng isang mahalagang leksiyon para sa atin hinggil sa kahalagahan ng pagtitiwala kay Jehova.
Isang Lupain ng Pagbububo ng Dugo
3. Ilarawan ang pagdiriin na inilalagay ng Asirya sa kapangyarihang militar.
3 Ang mga Asiryano ay naging bantog sa kanilang lakas-militar. Ang aklat na Ancient Cities ay nagsasabi: “Kanilang sinamba ang lakas, at sila’y nananalangin lamang sa kanilang mga dambuhalang batong idolo, mga leon at mga toro na ang napakabigat na mga paa’t kamay nito, mga pakpak ng agila, at mga ulo ng tao ay mga sagisag ng lakas, tibay-ng-loob at tagumpay. Ang pakikipagbaka ang pinagkakaabalahan ng bansa, at ang mga saserdote ay walang-lubay na mga tagasulsol ng digmaan.” Taglay ang mabuting dahilan, inilarawan ng propeta ng Bibliya na si Nahum ang Nineve, ang kabisera ng Asirya, bilang ang “lunsod ng pagbububo ng dugo.”—Nahum 3:1.
4. Paanong lumikha ang mga Asiryano ng takot sa puso ng ibang mga bansa?
4 Ang mga taktika ng mga Asiryano sa pakikipagdigma ay masyadong malupit. Ang mga inukit na eskultura noong mga kaarawang iyon ay nagpapakita na inaakay ng mga mandirigmang Asiryano ang mga bihag sa pamamagitan ng mga kawil sa kanilang mga ilong o mga labi. Sa pamamagitan ng mga sibat ay binulag nila ang ilang mga bihag. Ang isang inskripsiyon ay nagsasabi hinggil sa isang pananakop na doo’y pinagputul-putol ng hukbong Asiryano ang mga bihag nito at gumawa ng dalawang bunton sa labas ng lunsod—isa para sa mga ulo at isa para sa mga paa’t kamay. Ang mga anak ng mga nalupig ay sinunog sa apoy. Ang takot na nilikha ng gayong kalupitan ay naging isang bentaha para sa hukbo ng mga Asiryano, anupat pinahihina nito ang loob niyaong mga humahadlang sa kanilang hukbo.
Ang Pakikipagdigma Laban sa Asdod
5. Sino ang isang makapangyarihang tagapamahalang Asiryano noong kaarawan ni Isaias, at paano naipagbangong-puri ang ulat ng Bibliya hinggil sa kaniya?
5 Noong kaarawan ni Isaias ang Imperyo ng Asirya ay umabot sa walang-kaparis na antas ng kapangyarihan sa ilalim ni Haring Sargon.a Sa loob ng maraming taon, pinag-alinlanganan ng mga kritiko ang pag-iral ng tagapamahalang ito, palibhasa’y wala silang nalalamang pagbanggit sa kaniya sa sekular na mga ulat. Gayunman, nang maglaon ay natuklasan ng mga arkeologo ang mga guho ng palasyo ni Sargon, at ang ulat ng Bibliya ay naipagbangong-puri.
6, 7. (a) Malamang, sa anong mga kadahilanan ipinag-utos ni Sargon na salakayin ang Asdod? (b) Paanong ang pagbagsak ng Asdod ay nakaapekto sa mga kahangga ng Filistia?
6 Gumawa ng maikling paglalarawan si Isaias hinggil sa isa sa mga kampanyang militar ni Sargon: “Dumating si Tartan sa Asdod, nang isugo siya ni Sargon na hari ng Asirya, at siya ay nakipagdigma laban sa Asdod at binihag ito.” (Isaias 20:1)b Bakit ipinag-utos ni Sargon ang pagsalakay sa Filisteong lunsod ng Asdod? Una, ang Filistia ay kakampi ng Ehipto, at ang Asdod, na kinaroroonan ng isang templo ni Dagon, ay nasa daan na namamaybay sa tabing-dagat mula sa Ehipto hanggang sa Palestina. Kung gayon, ang lunsod na ito ay nasa isang estratehikong lugar. Ang pagkabihag nito ay maaaring malasin bilang patiunang hakbang ng pananakop sa Ehipto. Bilang karagdagan, ang mga rekord ng Asirya ay nagsasabing si Azuri, ang hari ng Asdod, ay nakikipagsabuwatan laban sa Asirya. Kaya, inalis ni Sargon ang rebelyosong haring ito at inilagay sa trono ang nakababatang kapatid ng hari na si Ahimiti. Gayunman, hindi natapos dito ang mga bagay-bagay. Isa pang paghihimagsik ang naganap, at sa pagkakataong ito higit na mapuwersang pagkilos ang isinagawa ni Sargon. Ipinag-utos niya ang pagsalakay sa Asdod, anupat kinubkob at nilupig iyon. Malamang, ang Isaias 20:1 ay tumutukoy sa pangyayaring ito.
7 Ang pagbagsak ng Asdod ay nagsilbing isang banta sa mga kahangga niya, lalo na sa Juda. Nalalaman ni Jehova na nakahilig ang kaniyang bayan na umasa sa “bisig na laman,” gaya ng Ehipto o Etiopia sa timog. Kaya, inatasan niya si Isaias na isadula ang isang kahila-hilakbot na babala.—2 Cronica 32:7, 8.
“Hubad at Nakatapak”
8. Anong kinasihang makahulang pagkilos ang isinadula ni Isaias?
8 Sinabi ni Jehova kay Isaias: “Yumaon ka, at kalagin mo ang telang-sako mula sa iyong mga balakang; at ang iyong mga sandalyas ay alisin mo mula sa iyong mga paa.” Si Isaias ay sumunod sa utos ni Jehova. “At gayon ang ginawa niya, na lumalakad nang hubad at nakatapak.” (Isaias 20:2) Ang telang-sako ay isang magaspang na kasuutan na kadalasa’y isinusuot ng mga propeta, na kung minsan ay kaugnay ng isang babalang mensahe. Ito’y isinusuot din sa mga panahon ng krisis o kapag nakarinig ng kapaha-pahamak na balita. (2 Hari 19:2; Awit 35:13; Daniel 9:3) Si Isaias ba ay talagang naglakad sa palibot nang hubad sa diwang walang anumang pantakip? Hindi naman gayon. Ang salitang Hebreo na isinaling “hubad” ay maaari ring tumukoy sa pagiging nadaramtan nang bahagya o kakatiting. (1 Samuel 19:24, talababa sa Ingles) Kaya marahil ay hinubad ni Isaias ang kaniyang panlabas na kasuutan, samantalang pinanatili ang maikling tunika na karaniwang isinusuot nang nakalapat sa katawan. Ang mga lalaking bihag ay kadalasang inilalarawan sa ganitong paraan sa mga eskultura ng Asirya.
9. Ano ang makahulang kahulugan ng pagkilos ni Isaias?
9 Ang kahulugan ng di-karaniwang pagkilos ni Isaias ay ipinaliwanag: “Si Jehova ay nagsabi: ‘Kung paanong ang aking lingkod na si Isaias ay lumalakad nang hubad at nakatapak nang tatlong taon bilang isang tanda at isang palatandaan laban sa Ehipto at laban sa Etiopia, gayon dadalhin ng hari ng Asirya ang kalipunan ng mga bihag ng Ehipto at ang mga tapon ng Etiopia, mga batang lalaki at matatandang lalaki, na hubad at nakatapak, at ang mga pigi ay hinubuan, ang kahubaran ng Ehipto.’” (Isaias 20:3, 4) Oo, ang mga Ehipsiyo at ang mga Etiope ay malapit nang bihagin. Walang sinuman ang matitira. Maging ang “mga batang lalaki at matatandang lalaki”—ang mga anak at ang mga may-edad—ay aalisan ng lahat ng kanilang pag-aari at dadalhin sa pagkatapon. Sa pamamagitan ng malungkot na matalinghagang paglalarawang ito, binabalaan ni Jehova ang mga tumatahan sa Juda na magiging walang-saysay ang paglalagak nila ng tiwala sa Ehipto at Etiopia. Ang pagbagsak ng mga bansang ito ay aakay sa kanilang “kahubaran”—ang kanilang sukdulang kahihiyan!
Gumuho ang Pag-asa, Kumupas ang Kagandahan
10, 11. (a) Ano ang magiging pagtugon ng Juda kapag nakita niyang ang Ehipto at Etiopia ay walang magagawa sa harapan ng Asirya? (b) Bakit gusto ng mga tumatahan sa Juda na magtiwala sa Ehipto at Etiopia?
10 Sumunod, makahulang inilarawan ni Jehova ang tugon ng kaniyang bayan sa pagkaalam nila na ang Ehipto at Etiopia, ang kanilang inaasahang kanlungan, ay napatunayang walang magagawa sa harapan ng mga Asiryano. “Tiyak na masisindak sila at ikahihiya nila ang Etiopia na kanilang pinananaligang pag-asa at ang Ehipto na kanilang kagandahan. At ang tumatahan sa baybaying lupaing ito ay tiyak na magsasabi sa araw na iyon, ‘Gayon ang kalagayan ng ating pinananaligang pag-asa, na doon ay tumakas tayo upang magpatulong, upang maligtas dahil sa hari ng Asirya! At paano tayo makatatakas?’”—Isaias 20:5, 6.
11 Ang Juda ay para lamang isang makitid na baybaying lupain kung ihahambing sa mga kapangyarihan ng Ehipto at Etiopia. Marahil ang ilan sa mga tumatahan sa “baybaying lupaing ito” ay nabighani sa kagandahan ng Ehipto—ang kahanga-hangang mga piramide nito, ang matatayog na templo nito, at ang maluluwang na villa nito na may mga hardin, mga punong namumunga, at mga lawa. Ang maringal na arkitektura ng Ehipto ay waring katunayan ng katatagan at pamamalagi nito. Tiyak na ang lupaing ito ay hindi mawawasak! Malamang, ang mga Judio ay humanga rin sa mga mámamanà, mga karo, at mga mangangabayo ng Etiopia.
12. Kanino dapat maglagak ng pagtitiwala ang Juda?
12 Dahilan sa babalang isinadula ni Isaias at sa makahulang mga salita ni Jehova, ang sinuman sa mga nag-aangking bayan ng Diyos na gustong magtiwala sa Ehipto at Etiopia ay dapat na mag-isip nang seryoso. Kaybuti nga na ilagak ang kanilang tiwala kay Jehova kaysa sa tao! (Awit 25:2; 40:4) At gaya ng nangyari, ang Juda ay labis na nagdusa sa kamay ng hari ng Asirya, at pagkatapos, kaniyang nakita na ang kaniyang templo at kabiserang lunsod ay winasak ng Babilonya. Subalit, “isang ikasampu,” “isang binhing banal,” ang naiwan, gaya ng tuod ng isang dambuhalang punungkahoy. (Isaias 6:13) Kapag sumapit na ang panahon, ang mensahe ni Isaias ay lubos na magpapatibay sa pananampalataya ng maliit na grupong iyon na patuloy na nagtitiwala kay Jehova!
Ilagak ang Inyong Tiwala kay Jehova
13. Anong mga panggigipit ang nakaaapekto sa lahat—kapuwa sa mga mananampalataya at di-mananampalataya—sa ngayon?
13 Ang babala sa Isaias hinggil sa pagkawalang-saysay ng pagtitiwala sa Ehipto at Etiopia ay hindi lamang isang walang-kabuluhang kasaysayan. Ito’y may praktikal na kahalagahan sa ating kaarawan. Tayo’y nabubuhay sa “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1) Ang malalaking problema sa pinansiyal, laganap na kahirapan, kawalan ng kasiguruhan sa pulitika, kaguluhang sibil, at maliliit o malalaking digmaan ay may kapaha-pahamak na mga epekto—hindi lamang sa mga tumatanggi sa pamamahala ng Diyos kundi sa mga sumasamba rin kay Jehova. Ang katanungang napapaharap sa bawat isa sa atin ay, ‘Kanino ako hihingi ng tulong?’
14. Bakit kay Jehova lamang tayo dapat maglagak ng tiwala?
14 Ang ilan ay maaaring humanga sa mga dalubhasa sa larangan ng pananalapi, mga pulitiko, at mga siyentipiko, na nagsasalita hinggil sa paglutas sa mga suliranin ng tao sa pamamagitan ng paggamit ng katalinuhan at teknolohiya ng tao. Gayunman, ang Bibliya ay maliwanag na nagsasabi: “Mas mabuting manganlong kay Jehova kaysa sa magtiwala sa mga taong mahal.” (Awit 118:9) Ang lahat ng mga panukala ng tao ukol sa kapayapaan at katiwasayan ay mauuwi sa wala sa kadahilanang angkop na binanggit ni propeta Jeremias: “Nalalaman kong lubos, O Jehova, na ang lakad ng makalupang tao ay hindi sa kaniya. Hindi sa taong lumalakad ang magtuwid man lamang ng kaniyang hakbang.”—Jeremias 10:23.
15. Nasaan ang tanging pag-asa ng nababalisang sangkatauhan?
15 Kung gayon, mahalaga na ang mga lingkod ng Diyos ay hindi masyadong humanga sa anumang waring lakas o karunungan ng sanlibutang ito. (Awit 33:10; 1 Corinto 3:19, 20) Ang tanging pag-asa para sa nababalisang sangkatauhan ay nasa Maylalang, si Jehova. Yaong mga naglalagak ng tiwala sa kaniya ay maliligtas. Gaya ng isinulat ng kinasihang apostol na si Juan, “ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
[Mga talababa]
a Tinutukoy ng mga istoryador ang haring ito bilang si Sargon II. Isang naunang hari, hindi ng Asirya, kundi ng Babilonya, ang tinawag bilang “Sargon I.”
b Ang “Tartan” ay hindi isang pangalan kundi isang titulo ng punong komandante ng hukbong Asirya, na malamang ay siyang ikalawang pinakamakapangyarihang persona sa imperyo.
[Larawan sa pahina 209]
Karaniwang binubulag ng mga Asiryano ang ilan sa kanilang mga bihag
[Mga larawan sa pahina 213]
Ang ilan ay maaaring humahanga sa mga nagagawa ng tao, subalit mas mabuting magtiwala kay Jehova