Ang Pag-aaral ay Kapaki-pakinabang
NAPAGMASDAN mo na ba kung paano pumipili ng prutas ang mga tao? Tinitingnan ng karamihan ang kulay at laki nito upang matiyak ang kahinugan nito. Inaamoy ito ng ilang tao. Hinihipo ito ng iba at pinipisil pa nga. Tinitimbang naman ito ng iba, anupat inilalagay ito sa magkabilang kamay upang malaman kung alin ang mas maraming katas. Ano ang iniisip ng mga taong ito? Sinusuri nila ang mga detalye, kinakalkula ang mga pagkakaiba, iniisip ang nakaraang mga pagpili, at inihahambing ang nakikita nila ngayon sa dati nilang nalalaman. Isang masarap na gantimpala ang naghihintay sa kanila dahil sa binigyan nila ito ng maingat na pansin.
Mangyari pa, malaki ang kahigitan ng mga gantimpala sa pag-aaral ng Salita ng Diyos. Kapag nagkaroon ng isang mahalagang dako sa ating buhay ang gayong pag-aaral, ang ating pananampalataya ay lumalakas, ang ating pag-ibig ay tumitimyas, ang ating ministeryo ay nagiging higit na mabunga, at ang ating ginagawang mga desisyon ay kinakikitaan ng higit na kaunawaan at makadiyos na karunungan. Hinggil sa gayong mga gantimpala, ang Kawikaan 3:15 ay nagsasabi: “Ang lahat ng iba pang kaluguran mo ay hindi maipapantay rito.” Natatamasa mo ba ang gayong mga gantimpala? Ang paraan ng pag-aaral mo ay maaaring maging isang salik.—Col. 1:9, 10.
Ano ba ang pag-aaral? Ito’y higit pa kaysa pagbabasa lamang. Ito’y nangangahulugan ng paggamit sa kakayahan ng iyong pag-iisip sa maingat o masinsinang pagsasaalang-alang ng isang paksa. Saklaw nito ang pagsusuring mabuti sa iyong binabasa, paghahambing nito sa dati mong nalalaman, at pag-uukol ng pansin sa ibinibigay na mga dahilan para sa ginawang pananalita. Kapag nag-aaral, pag-isipang mabuti ang anumang ipinahayag na mga ideya na marahil ay bago sa iyo. Isaalang-alang din kung paano mo maikakapit nang lubusan ang maka-Kasulatang payo. Bilang isang Saksi ni Jehova, nanaisin mo ring isipin ang mga pagkakataon na magagamit ang materyal upang tumulong sa iba. Maliwanag, kalakip sa pag-aaral ang pagbubulay-bulay.
Pagkakaroon ng Tamang Kalagayan ng Isip
Kapag naghahanda upang mag-aral, inilalabas mo ang mga bagay gaya ng iyong Bibliya, anumang publikasyon na pinaplano mong gamitin, isang lapis o pen, at marahil ay isang notebook. Subalit inihahanda mo rin ba ang iyong puso? Sinasabi sa atin ng Bibliya na “inihanda [ni Ezra] ang kaniyang puso upang sumangguni sa kautusan ni Jehova at upang magsagawa niyaon at upang magturo sa Israel ng tuntunin at katarungan.” (Ezra 7:10) Ano ang nasasangkot sa gayong paghahanda ng puso?
Pinangyayari ng panalangin na makapag-aral tayo ng Salita ng Diyos taglay ang wastong saloobin. Nais natin na ang ating puso, ang kaloob-loobang pagkatao natin, ay maging handang tumanggap ng instruksiyon na ibinibigay sa atin ni Jehova. Sa pasimula ng bawat sesyon ng pag-aaral, magsumamo ka kay Jehova ukol sa tulong ng kaniyang espiritu. (Luc. 11:13) Hilingin mo sa kaniya na tulungan kang maunawaan ang kahulugan ng iyong pag-aaralan, kung ano ang kaugnayan nito sa kaniyang layunin, kung paano ito makatutulong sa iyo na maunawaan kung ano ang mabuti at masama, kung paano mo ikakapit ang kaniyang mga simulain sa iyong buhay, at kung paano maaapektuhan ng materyal na pinag-aaralan ang iyong kaugnayan sa kaniya. (Kaw. 9:10) Habang nag-aaral ka, ‘patuloy na humingi sa Diyos’ ng karunungan. (San. 1:5) Taimtim mong suriin ang iyong sarili sa liwanag ng iyong natututuhan habang hinihiling mo ang tulong ni Jehova upang maalis ang mga maling kaisipan o nakasasakit na mga pagnanasa. Laging ‘tumugon kay Jehova na may pasasalamat’ para sa lahat ng mga bagay na isinisiwalat niya. (Awit 147:7) Ang may pananalanging pag-aaral na ito ay umaakay sa matalik na kaugnayan kay Jehova, yamang pinangyayari nito na tayo’y tumugon sa kaniya habang nagsasalita siya sa atin sa pamamagitan ng kaniyang Salita.—Awit 145:18.
Ang gayong pagiging handang tumanggap ay nagpapakita sa kaibahan ng bayan ni Jehova mula sa iba pang mga estudyante. Sa mga hindi nagtataglay ng makadiyos na debosyon, karaniwan nang may pag-aalinlangan at paghamon sa kung ano ang nasusulat. Subalit hindi ganiyan ang ating saloobin. Tayo ay nagtitiwala kay Jehova. (Kaw. 3:5-7) Kung may bagay na hindi natin nauunawaan, hindi natin iniisip nang may kapangahasan na iyon ay mali. Samantalang sinasaliksik natin at hinahalukay ang mga kasagutan, tayo ay naghihintay kay Jehova. (Mik. 7:7) Tulad ni Ezra, mayroon tayong tunguhing isagawa at ituro kung ano ang ating natututuhan. Taglay ang ganitong hilig ng puso, tayo ay nakahanay sa mga magtatamo ng mayayamang gantimpala mula sa ating pag-aaral.
Kung Paano Mag-aaral
Sa halip na basta magsimula sa parapo 1 at magpatuloy hanggang sa katapusan, maglaan muna ng panahon upang pahapyaw na tingnan ang buong artikulo o ang kabanatang nasa materyal. Magpasimula sa pamamagitan ng pagsusuri sa ginamit na mga salita sa pamagat. Ito ang tema na iyong pag-aaralan. Pagkatapos ay maingat na pansinin kung paanong ang mga subtitulo ay kaugnay ng tema. Suriin ang mga ilustrasyon, mga tsart, o mga kahon sa pagtuturo na kasama ng materyal. Tanungin ang iyong sarili: ‘Salig sa pahapyaw na pagtinging ito, ano ang inaasahan kong matututuhan? Sa anong paraan ito magkakaroon ng kabuluhan sa akin?’ Ito ay magbibigay ng direksiyon sa iyong pag-aaral.
Ngayo’y alamin ang mga katotohanan. Ang mga araling artikulo sa Bantayan at ilang aklat ay may nakalimbag na mga tanong. Habang binabasa mo ang bawat parapo, kapaki-pakinabang kung mamarkahan ang mga sagot. Kahit na walang mga tanong sa pag-aaral, marahil ay mamarkahan mo pa rin ang mahahalagang punto na nais mong matandaan. Kung bago sa iyo ang isang ideya, gumugol ng kaunting ekstrang panahon para roon upang matiyak na iyon ay nauunawaan mo nang husto. Maging alisto sa mga ilustrasyon o hanay ng pangangatuwiran na magagamit mo sa ministeryo sa larangan o mailalakip sa isang dumarating na atas na pahayag. Pag-isipan ang espesipikong mga tao na mapatitibay ang pananampalataya kung ibabahagi mo sa kanila ang iyong pinag-aaralan. Markahan ang mga punto na nais mong gamitin, at repasuhin ang mga ito kapag natapos mo na ang iyong pag-aaral.
Habang isinasaalang-alang mo ang materyal, tingnan ang binanggit na mga kasulatan. Suriin kung paanong ang bawat kasulatan ay nauugnay sa pangkalahatang punto na idinidiin ng parapo.
Maaaring mapaharap sa iyo ang mga punto na hindi mo kaagad maintindihan o nais mong siyasatin pa nang lubusan. Sa halip na pahintulutang mailihis ka ng mga ito, gumawa ng nota upang higit na maisaalang-alang ang mga ito sa ibang pagkakataon. Ang mga punto ay kadalasang naipaliliwanag habang binabasa mo ang kabuuan ng materyal. Kung hindi, makagagawa ka ng karagdagang pagsasaliksik. Anong mga bagay ang maaaring itala para bigyan ng gayong atensiyon? Marahil ay may isang siniping kasulatan na hindi mo masyadong maintindihan. O hindi mo kaagad makita kung paano ito kumakapit sa paksang tinatalakay. Marahil sa palagay mo’y naiintindihan mo na ang isang ideya na nasa materyal subalit hindi pa sapat upang maipaliwanag ito sa iba. Sa halip na basta palampasin na lamang ang mga ito, magiging katalinuhan na gumawa ng pagsasaliksik sa mga ito pagka natapos mo na ang sinimulan mong pag-aralan.
Nang isulat ni apostol Pablo ang kaniyang detalyadong liham sa mga Kristiyanong Hebreo, siya’y huminto sumandali sa kalagitnaan nito upang sabihin: “Ito ang pangunahing punto.” (Heb. 8:1) Binibigyan mo ba ang iyong sarili ng gayong paalaala sa pana-panahon? Isaalang-alang kung bakit ginawa iyon ni Pablo. Sa naunang mga kabanata ng kaniyang kinasihang liham, naipakita na niya na si Kristo, bilang dakilang Mataas na Saserdote ng Diyos, ay pumasok na sa langit mismo. (Heb. 4:14–5:10; 6:20) Subalit, sa pamamagitan ng pagbubukod at pagdiriin ng pangunahing puntong iyon sa pasimula ng kabanata 8, inihanda ni Pablo ang isip ng kaniyang mga tagabasa na pag-isipang mabuti kung paano ito nagkaroon ng kaugnayan sa kanilang buhay. Ipinakita niya na si Kristo ay humarap sa persona ng Diyos alang-alang sa kanila at binuksan ang daan para sa kanilang pagpasok tungo sa makalangit na “dakong banal” na iyon. (Heb. 9:24; 10:19-22) Ang katiyakan ng kanilang pag-asa ay tutulong sa kanila na maikapit ang karagdagan pang payo na nasa liham na ito hinggil sa pananampalataya, pagbabata, at Kristiyanong paggawi. Sa katulad na paraan, kapag tayo ay nag-aaral, ang pagpapako ng pansin sa pangunahing mga punto ay tutulong sa atin na maunawaan kung paano nabubuo ang tema at magkikintal sa ating kaisipan ng makatuwirang mga dahilan para kumilos na kasuwato nito.
Ang iyo bang personal na pag-aaral ay magpapakilos sa iyo? Ito ay isang mahalagang tanong. Kapag may natutuhan ka, tanungin mo ang sarili: ‘Paano ito makaaapekto sa aking saloobin at mga tunguhin sa buhay? Paano ko maikakapit ang impormasyong ito sa paglutas ng isang problema, sa paggawa ng isang desisyon, o sa pag-abot ng isang tunguhin? Paano ko ito magagamit sa aking pamilya, sa ministeryo sa larangan, sa kongregasyon?’ May-pananalanging isaalang-alang ang mga tanong na ito, na pinag-iisipan ang aktuwal na mga kalagayan na doo’y magagamit mo ang iyong kaalaman.
Pagkatapos mapag-aralan ang isang kabanata o artikulo, maglaan ng panahon para sa isang maikling repaso. Tingnan kung matatandaan mo ang pangunahing mga punto at ang umaalalay na mga argumento. Ang hakbanging ito ay tutulong sa iyo na matandaan ang impormasyon para magamit sa hinaharap.
Kung ano ang Pag-aaralan
Bilang bayan ni Jehova, marami tayong dapat pag-aralan. Subalit saan tayo dapat magsimula? Bawat araw, makabubuting pag-aralan natin ang teksto at mga komento sa Pagsusuri sa Kasulatan Araw-Araw. Bawat linggo, tayo ay dumadalo sa mga pulong ng kongregasyon, at ang isinasagawang pag-aaral bilang paghahanda sa mga ito ay tutulong sa atin na makinabang nang lalong malaki. Bilang karagdagan dito, ang ilan ay may katalinuhang naglalaan ng panahon sa pag-aaral ng ilan sa ating mga publikasyong Kristiyano na naimprenta na bago pa nila natutuhan ang katotohanan. Pinipili naman ng iba ang isang bahagi ng kanilang lingguhang pagbabasa sa Bibliya at gumagawa nang puspusang pag-aaral sa mga talatang iyon.
Kumusta kung ang kalagayan mo ay hindi nagpapahintulot sa iyo na pag-aralang mabuti ang lahat ng impormasyon na isasaalang-alang sa lingguhang mga pulong ng kongregasyon? Iwasan ang mga patibong ng pagmamadali sa materyal upang matapos lamang ito o, mas masahol pa, ang hindi na pag-aralan ang alinman sa mga ito dahil hindi mo magagawang lahat ito. Sa halip, alamin kung gaano karami ang mapag-aaralan mo, at isagawa iyon nang mabuti. Gawin iyon bawat linggo. Sa madaling panahon, sikaping mapalawak pa ito upang mailakip ang iba pang mga pulong.
‘Patibayin Mo ang Iyong Sambahayan’
Kinikilala ni Jehova na kailangang magpagal ang mga ulo ng pamilya upang mapaglaanan ang kanilang mga mahal sa buhay. “Ihanda mo ang iyong gawain sa labas,” sabi ng Kawikaan 24:27, “at ihanda mo iyon sa bukid para sa iyo.” Subalit, ang mga pangangailangang espirituwal ng iyong pamilya ay hindi dapat kaligtaan. Kaya, ang talata ay nagpapatuloy: “Pagkatapos ay patibayin mo rin ang iyong sambahayan.” Paano ito maisasagawa ng mga ulo ng pamilya? Ang Kawikaan 24:3 ay nagsasabi: “Sa kaunawaan ay matatatag ito [ang sambahayan] nang matibay.”
Paanong ang kaunawaan ay kapaki-pakinabang sa iyong sambahayan? Ang kaunawaan ay ang kakayahan ng isip na tumingin nang lampas pa sa mga bagay na nakikita. Masasabi na upang magkaroon ng isang mabisang pampamilyang pag-aaral ay kailangan mo munang pag-aralan ang mismong pamilya mo. Kumusta ang pagsulong sa espirituwal ng mga miyembro ng iyong pamilya? Makinig na mabuti habang nakikipag-usap ka sa kanila. May espiritu ba ng pagrereklamo o hinanakit? Ang materyalistikong hangarin ba ang siyang mahalagang bagay? Kapag kasama mo ang iyong mga anak sa ministeryo sa larangan, palagay ba sila na ipakilala ang kanilang sarili bilang mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga kababata? Nasisiyahan ba sila sa inyong programa ng pampamilyang pagbabasa at pag-aaral ng Bibliya? Talaga bang ginagawa nila ang daan ni Jehova na paraan ng kanilang pamumuhay? Ang maingat na pagmamasid ay magsisiwalat sa iyo, bilang isang ulo ng pamilya, kung ano ang kailangan mong gawin upang maitatag at mapatibay ang espirituwal na mga katangian ng bawat miyembro ng pamilya.
Humanap ng mga artikulo mula sa Ang Bantayan at Gumising! na tumatalakay sa espesipikong mga pangangailangan. Pagkatapos ay sabihin sa pamilya nang patiuna kung ano ang pag-aaralan upang mapag-isipan nila ang impormasyon. Panatilihin ang isang maibiging espiritu sa panahon ng pag-aaral. Itampok ang kahalagahan ng isinasaalang-alang na materyal nang hindi kinakastigo o hinihiya ang sinuman sa mga miyembro ng pamilya, na gumagawa ng espesipikong aplikasyon sa mga pangangailangan ng iyong pamilya. Panatilihing sangkot ang bawat miyembro. Tulungan ang bawat isa na makita kung paanong ang Salita ni Jehova ay “sakdal” sa paglalaan ng kung ano talaga ang kinakailangan sa buhay.—Awit 19:7.
Pagtatamo ng mga Gantimpala
Ang mapagmasid na mga tao na walang espirituwal na kaunawaan ay maaaring mag-aral tungkol sa sansinukob, sa mga pangyayari sa daigdig, at maging tungkol sa kanilang sarili subalit hindi mauunawaan ang tunay na kahulugan ng kanilang nakikita. Sa kabilang panig, sa tulong ng espiritu ng Diyos, mapag-uunawa ng mga taong regular na nag-aaral ng Salita ng Diyos ang mismong gawang-kamay ng Diyos mula sa mga bagay na ito, ang katuparan ng hula ng Bibliya, at ang paglalahad ng layunin ng Diyos para pagpalain ang masunuring mga tao.—Mar. 13:4-29; Roma 1:20; Apoc. 12:12.
Bagaman kahanga-hanga iyan, hindi ito dapat maging dahilan upang tayo’y maghambog. Sa halip, ang pang-araw-araw na pagsusuri sa Salita ng Diyos ay tumutulong sa atin na manatiling mapagpakumbaba. (Deut. 17:18-20) Ito’y nagsasanggalang din sa atin mula sa “mapanlinlang na kapangyarihan ng kasalanan” sapagkat kapag buháy ang Salita ng Diyos sa ating mga puso, ang pang-aakit ng kasalanan ay malamang na hindi makapananaig sa ating determinasyon na labanan iyon. (Heb. 2:1; 3:13; Col. 3:5-10) Kaya, tayo ay ‘makalalakad nang karapat-dapat kay Jehova upang palugdan siya nang lubos samantalang patuloy tayong namumunga sa bawat mabuting gawa.’ (Col. 1:10) Ang paggawa nito ang siya nating tunguhin sa pag-aaral ng Salita ng Diyos, at ang pagsasakatuparan nito ang siyang pinakamalaking gantimpala.