Pag-aralan Kung Paano Ka Nararapat Sumagot
ANG ilang tanong ay tulad ng nakalutang na malalaking tipak ng yelo. Ang kalakhang bahagi nito ay nakakubli sa ilalim ng tubig. Ang isang nakatagong isyu ay kadalasang mas mahalaga kaysa sa mismong tanong.
Bagaman pinananabikan ng nagtatanong kung ano ang sagot, ang pagkaalam mo kung paano ka nararapat sumagot ay maaaring mangailangan ng unawa hinggil sa kung gaano karami ang sasabihin at sa anong anggulo haharapin ang paksa. (Juan 16:12) Sa ilang kaso, gaya ng ipinahiwatig ni Jesus sa kaniyang mga apostol, ang isang tao ay maaaring humingi ng impormasyon sa bagay na walang kinalaman sa kaniya o hindi naman niya talagang pakikinabangan.—Gawa 1:6, 7.
Ang Kasulatan ay nagpapayo sa atin: “Ang inyong pananalita nawa ay laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin, upang malaman kung paano kayo dapat magbigay ng sagot sa bawat isa.” (Col. 4:6) Kaya, bago tayo sumagot, kailangan nating isaalang-alang hindi lamang kung ano ang ating sasabihin kundi kung paano natin sasabihin iyon.
Unawain ang Pananaw ng Nagtatanong
Sinikap ng mga Saduceo na hulihin si Jesus sa pamamagitan ng isang tanong tungkol sa pagkabuhay-muli ng isang babaing nag-asawa nang ilang ulit. Gayunman, batid ni Jesus na sa katunayan ay hindi sila naniniwala sa pagkabuhay-muli. Kaya sa kaniyang tugon, sinagot niya ang kanilang tanong sa paraang tumalakay sa maling pananaw na siyang talagang saligan ng katanungang iyon. Sa paggamit ng dalubhasang pangangatuwiran at ng isang pamilyar na ulat ng Kasulatan, ipinakita ni Jesus ang isang bagay na hindi nila naisaalang-alang noong una—ang maliwanag na ebidensiya na talagang bubuhaying-muli ng Diyos ang mga patay. Ang mga sumasalansang sa kaniya ay lubhang namangha sa kaniyang sagot anupat natakot na silang magtanong pa sa kaniya.—Luc. 20:27-40.
Upang malaman kung paano ka nararapat sumagot, kailangan mo ring unawain ang pangmalas at mga ikinababahala ng mga nagtatanong sa iyo. Halimbawa, ang isang kamag-aral o isang kamanggagawa ay maaaring magtanong sa iyo kung bakit hindi ka nagdiriwang ng Pasko. Bakit siya nagtatanong? Talaga bang interesado siya sa dahilan, o siya ba’y nag-iisip lamang kung pinahihintulutan kang magsaya? Upang malaman, baka kakailanganin mong alamin kung bakit niya naitanong iyon. Saka sagutin iyon. Maaari mo ring gamitin ang pagkakataon upang ipakita kung paanong ang pagsunod sa patnubay ng Bibliya ay nagsasanggalang sa atin mula sa mga aspektong iyan ng kapistahan na nagiging isang kasiphayuan at isang pabigat sa mga tao.
Ipagpalagay nang ikaw ay inanyayahang magsalita hinggil sa mga Saksi ni Jehova sa isang grupo ng mga estudyante. Pagkatapos ng iyong presentasyon, sila’y maaaring magbangon ng mga tanong. Kung ang mga tanong ay waring taimtim at maliwanag, ang mga sagot na simple at tuwiran ang maaaring siyang pinakamainam. Kung ang mga tanong ay may kaugnayan sa mga pagtatangi sa komunidad, malaking kabutihan ang magagawa mo sa pamamagitan ng pagbibigay muna ng maikling komento kung ano ang nakaiimpluwensiya sa popular na mga pangmalas hinggil sa gayong mga isyu at kung bakit pinipili ng mga Saksi ni Jehova na ang Bibliya ang siyang magtakda ng pamantayan para sa kanila. Kadalasan, kapaki-pakinabang na malasin ang gayong mga tanong bilang mga paksang dapat ikabahala, hindi bilang mga hamon—bagaman ang mga ito ay baka iniharap sa mapanghamong paraan. Kung gayon, ang iyong sagot ay maaaring magbigay sa iyo ng pagkakataon upang mapalawak ang punto-de-vista ng iyong tagapakinig, maglaan sa kanila ng tumpak na impormasyon, at magpaliwanag sa maka-Kasulatang saligan ng ating mga paniniwala.
Paano mo tutugunin ang isang amo na ayaw magpahintulot sa iyo na magbakasyon upang dumalo sa isang kombensiyon? Una, isaalang-alang ang mga bagay-bagay mula sa kaniyang pananaw. Makatutulong kaya kung imumungkahi mo ang pag-o-overtime sa ibang pagkakataon? Kung ipaliliwanag mo sa kaniya na ang instruksiyong ibinibigay sa ating mga kombensiyon ay tumutulong sa atin na maging tapat, mapagkakatiwalaang mga manggagawa, hindi kaya makatutulong ito? Kung ipakikita mo na isinasaalang-alang mo ang kaniyang mga kapakanan, marahil ay bibigyan ka rin niya ng konsiderasyon sa kung ano ang nababatid niyang mahalaga sa iyong buhay. Subalit paano kung gusto niyang gumawa ka ng pandaraya? Ang maliwanag na pagtutol kalakip ng isang punto mula sa Kasulatan ay magpapahayag ng iyong paninindigan. Subalit hindi kaya higit na makabubuti kung iyo munang sasabihin sa kaniya na ang isang tao na handang magsinungaling o magnakaw para sa kaniya ay maaari ring magsinungaling sa kaniya o magnakaw mula sa kaniya?
Sa kabilang panig, marahil ikaw ay isang estudyante na ayaw sumali sa ilang di-makakasulatang gawain sa paaralan. Tandaan, marahil ang guro ay hindi nakikiisa sa iyong mga pangmalas, at pananagutan niya na panatilihin ang disiplina sa klase. Ang hamong napapaharap sa iyo ay (1) ang pagsasaalang-alang sa ikinababahala niya, (2) ang magalang na pagpapaliwanag sa iyong paninindigan, at (3) ang pagiging matatag sa kung ano ang nalalaman mong makalulugod kay Jehova. Para sa pinakamabuting mga resulta, baka higit pa ang kakailanganin kaysa sa isang simple at tuwirang pagsasabi ng iyong pinaniniwalaan. (Kaw. 15:28) Kung ikaw ay isang bata, walang pagsalang tutulungan ka ng iyong ama o ina na maghanda ng iyong sasabihin.
Kung minsan, maaaring hilingin kang pabulaanan ang mga bintang laban sa iyo ng isang nasa kapangyarihan. Ang isang pulis, isang opisyal ng pamahalaan, o isang hukom ay maaaring mag-utos na sagutin mo ang mga tanong hinggil sa pagsunod sa isang partikular na batas, sa iyong paninindigan sa Kristiyanong neutralidad, o sa iyong saloobin sa pakikibahagi sa mga seremonyang makabayan. Paano ka dapat tumugon? “Taglay ang mahinahong kalooban at matinding paggalang,” ang payo ng Bibliya. (1 Ped. 3:15) Gayundin, itanong mo sa sarili kung bakit ikinababahala ang mga isyung ito, at magalang na kilalanin ang pagkabahalang iyon. Pagkatapos ay ano? Tinukoy ni apostol Pablo ang mga legal na probisyon ng kautusang Romano, kaya maipakikita mo ang mga legal na probisyon na kumakapit sa iyong kalagayan. (Gawa 22:25-29) Marahil ang mga katotohanan hinggil sa paninindigan ng sinaunang mga Kristiyano at ng mga Saksi ni Jehova sa buong daigdig ay magpapalawak sa pananaw ng opisyal. O maaari mong ipakita kung paanong ang pagkilala sa awtoridad ng Diyos ay aktuwal na gumaganyak sa mga tao na patuloy na sumunod sa wastong mga kautusan ng tao. (Roma 13:1-14) Salig dito, ang kapahayagan tungkol sa mga maka-Kasulatang dahilan ng iyong paninindigan ay maaaring maluwag na tanggapin.
Ang Pangmalas sa Kasulatan ng Nagtatanong
Kapag nagpapasiya kung paano sasagot, kakailanganin mo marahil na isaalang-alang kung ano ang pangmalas sa Banal na Kasulatan ng nagtatanong sa iyo. Ginawa ito ni Jesus nang sagutin niya ang tanong ng mga Saduceo hinggil sa pagkabuhay-muli. Sa pagkaalam na ang kanilang tinatanggap ay ang mga sulat lamang ni Moises, nangatuwiran si Jesus salig sa ulat na nasa Pentateuch, anupat sinimulan ang kaniyang mga pangungusap sa pagsasabing: “Ngunit ang tungkol sa pagbabangon sa mga patay ay ibinunyag din naman ni Moises.” (Luc. 20:37) Maaaring masumpungan mo ring kapaki-pakinabang na sumipi mula sa mga bahagi ng Bibliya na tinatanggap ng iyong tagapakinig at pamilyar sa kaniya.
Ano kung hindi minamalas ng iyong tagapakinig ang Bibliya bilang isang awtoridad? Pansinin kung ano ang ginawa ni apostol Pablo sa kaniyang pahayag sa Areopago, gaya ng nakaulat sa Gawa 17:22-31. Ibinahagi niya ang mga katotohanan ng Kasulatan nang hindi tuwirang sumisipi sa Bibliya. Kapag kinakailangan, maaari mo ring gawin ang gayon. Sa ilang lugar maaaring kailanganin mong makipag-usap nang ilang ulit sa isang tao bago gumawa nang tuwirang pagtukoy sa Bibliya. Kapag iniharap mo na ang Bibliya, magiging katalinuhan para sa iyo na magbigay lamang muna ng ilang dahilan kung bakit karapat-dapat na isaalang-alang ito sa halip na ipagdiinan kaagad na ito ang Salita ng Diyos. Gayunman, dapat na maging tunguhin mo na makapagbigay ng malinaw na patotoo hinggil sa layunin ng Diyos at, sa pagsapit ng panahon, hayaang makita ng iyong tagapakinig sa ganang sarili niya kung ano ang sinasabi ng Bibliya. Ang Bibliya ay higit na nakahihikayat kaysa anumang bagay na maaaring masabi natin nang personal.—Heb. 4:12.
“Laging May Kagandahang-loob”
Angkop nga na ang mga lingkod ni Jehova, na siya sa ganang sarili ay may kagandahang-loob, ay sinabihan na ang kanilang pananalita ay maging “laging may kagandahang-loob, na tinimplahan ng asin”! (Col. 4:6; Ex. 34:6) Ito’y nangangahulugan na dapat tayong magsalita nang may kabaitan, kahit na kapag waring ito’y hindi nararapat. Ang ating pananalita ay dapat na kalugud-lugod, hindi mabagsik o walang taktika.
Maraming tao ang nasa ilalim ng matinding panggigipit, at sa araw-araw ay dumaranas sila ng berbal na pang-aabuso. Kapag dumadalaw tayo sa gayong mga tao, sila’y maaaring magsalita nang may kabagsikan. Paano tayo dapat tumugon? Sinasabi ng Bibliya: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit.” Ang gayong sagot ay maaari ring magpalambot sa isa na may kasalungat na pananaw. (Kaw. 15:1; 25:15) Para sa mga tao na nakararanas ng kagaspangan sa araw-araw, ang asal at tinig na nagpapahayag ng kabaitan ay maaaring maging lubos na kaakit-akit anupat marahil ay makikinig sila sa mabuting balita na dinadala natin.
Wala tayong interes sa pakikipagtalo sa mga walang paggalang sa katotohanan. Sa halip, nais nating mangatuwiran mula sa Kasulatan sa mga tao na magpapahintulot sa atin na gawin iyon. Anuman ang kalagayang mapaharap sa atin, iniingatan natin sa isip na dapat tayong sumagot nang may kabaitan at may pananalig na ang mahahalagang pangako ng Diyos ay maaasahan.—1 Tes. 1:5.
Personal na mga Desisyon at mga Bagay na May Kinalaman sa Budhi
Kapag itinatanong ng isang estudyante ng Bibliya o ng isang kapananampalataya kung ano ang dapat niyang gawin sa isang espesipikong kalagayan, paano ka dapat sumagot? Maaaring alam mo kung ano ang personal na gagawin mo. Subalit bawat tao ay dapat na managot sa kaniyang sariling mga desisyon sa buhay. (Gal. 6:5) Ipinaliwanag ni apostol Pablo na nagpasigla siya ng “pagkamasunurin sa pamamagitan ng pananampalataya” sa mga tao na kaniyang pinangaralan. (Roma 16:26) Iyon ay isang mainam na halimbawa na dapat nating tularan. Ang isang tao na gumagawa ng mga desisyon upang paluguran lamang ang nagtuturo sa kaniya sa Bibliya o ang iba pang tao ay naglilingkod sa tao, hindi namumuhay ayon sa pananampalataya. (Gal. 1:10) Kaya ang isang simple at tuwirang sagot ay maaaring hindi siyang pinakamabuti sa kapakanan ng isa na nagtatanong.
Kung gayon, paano ka sasagot sa paraan na kaayon ng mga tagubilin ng Bibliya? Maaaring akayin mo ang pansin sa angkop na mga simulain sa Bibliya at sa mga halimbawang nasa rekord ng Bibliya. Sa ilang kaso, maaaring ipakita mo sa kaniya kung paano gagawa ng pagsasaliksik upang masumpungan niya mismo ang mga simulain at mga halimbawang iyon. Maaari mo pang talakayin ang mga simulain at ang matututuhan mula sa mga halimbawa bagamat hindi ikinakapit ang mga ito sa kalagayang tinatalakay. Tanungin mo ang tao kung may nakikita siya sa mga ito na maaaring makatulong sa kaniya sa paggawa ng matalinong pagpapasiya. Pasiglahin siyang isaalang-alang sa liwanag ng mga simulain at mga halimbawang ito kung anong landasin ang magiging kalugud-lugod kay Jehova. Kaya tinutulungan mo siyang ‘masanay ang kaniyang kakayahan sa pang-unawa na makilala kapuwa ang tama at ang mali.’—Heb. 5:14.
Pagkokomento sa mga Pulong ng Kongregasyon
Ang mga pulong ng kongregasyong Kristiyano ay kadalasang nagbibigay sa atin ng mga pagkakataon upang gumawa ng pangmadlang kapahayagan ng ating pananampalataya. Ang isang paraan upang magawa natin ito ay sa pamamagitan ng pagkokomento bilang tugon sa mga katanungan. Paano tayo dapat magkomento? Taglay ang pagnanais na pagpalain, o ilahad ang kabutihan ni Jehova. Iyon ang ginawa ng salmistang si David “sa gitna ng mga nagkakatipong karamihan.” (Awit 26:12) Dapat din tayong magkomento sa paraang magpapatibay sa mga kapananampalataya, na inuudyukan sila “sa pag-ibig at sa maiinam na gawa,” gaya ng paghimok ni apostol Pablo. (Heb. 10:23-25) Ang pag-aaral nang patiuna sa mga leksiyon ay makatutulong sa atin upang maisagawa ito.
Kapag tinawag upang magkomento, gawing simple, malinaw, at maikli ang iyong pangungusap. Huwag saklawin ang buong parapo; talakayin ang isang punto lamang. Kapag ang ibinigay mo ay isang bahagi lamang ng sagot, ito’y magbibigay ng pagkakataon sa iba para makagawa ng karagdagang mga komento. Lalong kapaki-pakinabang na itampok ang mga kasulatang binanggit sa materyal. Sa paggawa nito, sikaping akayin ang pansin sa bahagi ng teksto na kumakapit sa puntong pinag-uusapan. Pag-aralang magkomento sa iyong sariling pananalita sa halip na basahin iyon nang tuwiran mula sa parapo. Huwag kang mabalisa kung ang iyong komento ay hindi naipahayag nang tamang-tama. Iyon ay nangyayari paminsan-minsan sa lahat ng nagkokomento.
Maliwanag na ang pagkaalam kung paano tayo dapat sumagot ay nagsasangkot nang higit pa kaysa sa pagkaalam sa sagot mismo. Ito ay nangangailangan ng kaunawaan. Subalit tunay na kasiya-siya kapag ikaw ay nagbibigay ng sagot mula sa iyong puso at nakaaantig sa puso ng iba!—Kaw. 15:23.