Ikawalong Kabanata
‘Pakikipagbuno Laban sa Balakyot na mga Puwersang Espiritu’
1. Bakit partikular na interesado tayo sa gawain ng balakyot na mga espiritu?
MARAMING tao ang nanlilibak sa ideya na may balakyot na mga espiritu. Ngunit hindi ito biru-birong bagay. Paniwalaan man ito o hindi ng mga tao, talagang umiiral ang balakyot na mga espiritu, at sinisikap nilang gipitin ang lahat. Hindi ligtas dito ang mga mananamba ni Jehova. Sa katunayan, sila ang pangunahing puntirya. Nagbababala sa atin si apostol Pablo hinggil sa bagay na ito sa pagsasabing: “Tayo ay may pakikipagbuno, hindi laban sa dugo at laman, kundi laban sa mga pamahalaan [na di-nakikita], laban sa mga awtoridad, laban sa mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito, laban sa balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako.” (Efeso 6:12) Sa ating panahon, naging sukdulan ang panggigipit ng balakyot na mga puwersang espiritu dahil si Satanas ay pinalayas na sa langit at galít na galít, sa pagkaalam na maikli na lamang ang kaniyang panahon.—Apocalipsis 12:12.
2. Paano tayo maaaring magtagumpay sa pakikipaglaban sa mga espiritu na nakahihigit sa tao?
2 Posible ba na magtagumpay sa pakikipaglaban sa mga puwersang espiritu na nakahihigit sa tao? Oo, ngunit tanging sa pamamagitan lamang ng lubusang pagtitiwala kay Jehova. Dapat tayong makinig sa kaniya at sumunod sa kaniyang Salita. Sa paggawa ng gayon, maiiwasan natin ang maraming pisikal, moral, at emosyonal na pinsalang naranasan ng mga nasa ilalim ng kontrol ni Satanas.—Santiago 4:7.
Mga Tagapamahala ng Sanlibutan sa Makalangit na mga Dako
3. Sino ang may-kalupitang sinasalansang ni Satanas, at paano?
3 Malinaw na inilalarawan sa atin ni Jehova ang situwasyon sa sanlibutan kung paano niya ito nakikita mula sa kaniyang kinaroroonan sa mga langit. Binigyan niya ng pangitain si apostol Juan na doo’y inilarawan si Satanas bilang “isang malaking dragon na kulay-apoy.” Siya ay nakahanda upang lamunin, kung maaari, ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos sa mismong sandali na maisilang ito sa langit noong 1914. Palibhasa’y nabigo sa pagtatangkang iyan, pinakawalan ni Satanas ang isang daluyong ng malupit na pagsalansang laban sa makalupang mga kinatawan ng Kahariang iyan. (Apocalipsis 12:3, 4, 13, 17) Paano isasagawa ni Satanas ang pakikidigmang ito? Sa pamamagitan ng kaniyang sariling mga kinatawan na tao.
4. Sino ang pinagmumulan ng kapangyarihan ng mga pamahalaan ng tao, at paano natin ito nalalaman?
4 Pagkatapos ay ipinakita naman kay Juan ang isang mabangis na hayop na may pitong ulo at sampung sungay, isang hayop na may awtoridad “sa bawat tribo at bayan at wika at bansa.” Kumakatawan ang hayop na iyon sa buong pulitikal na sistema sa daigdig. Ipinabatid kay Juan na “ibinigay ng dragon [si Satanas na Diyablo] sa hayop ang kaniyang kapangyarihan at ang kaniyang trono at dakilang awtoridad.” (Apocalipsis 13:1, 2, 7) Oo, si Satanas ang pinagmumulan ng kapangyarihan at awtoridad ng mga pamahalaan ng tao. Kaya naman, gaya ng isinulat ni apostol Pablo, ang tunay na “mga tagapamahala ng sanlibutan” ay ang “balakyot na mga puwersang espiritu sa makalangit na mga dako,” na kumokontrol sa mga pamahalaan ng tao. Kailangang maunawaan ng lahat ng sasamba kay Jehova ang lubos na kahulugan niyan.—Lucas 4:5, 6.
5. Sa ano tinitipon ngayon ang pulitikal na mga tagapamahala?
5 Bagaman maraming pulitikal na tagapamahala ang nag-aangking relihiyoso, walang bansa na nagpapasakop sa pamamahala ni Jehova o sa kaniyang hinirang na Hari, si Jesu-Kristo. Ang lahat ay buong-bangis na nakikipaglaban upang mapanatili ang kanilang sariling kapangyarihan. Sa ngayon, gaya ng ipinakikita ng ulat ng Apocalipsis, tinitipon ng “mga kapahayagang kinasihan ng mga demonyo” ang mga tagapamahala ng sanlibutan sa “digmaan ng dakilang araw ng Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat” sa Armagedon.—Apocalipsis 16:13, 14, 16; 19:17-19.
6. Bakit kailangan ang pag-iingat upang maiwasan na malinlang sa pagbibigay ng suporta sa sistema ni Satanas?
6 Araw-araw, ang buhay ng mga tao ay naaapektuhan ng mga alitan sa pulitika, lipunan, kabuhayan, at relihiyon na nagdudulot ng pagkakabaha-bahagi sa pamilya ng tao. Sa mga alitang ito, karaniwan na sa mga tao na pumanig—sa salita man o sa gawa—sa bansa, tribo, grupong may ibang wika, o antas ng katayuan sa lipunan na doo’y bahagi sila. Kahit na hindi tuwirang kasangkot ang mga tao sa isang alitan, kadalasan nang nasusumpungan nila ang kanilang sarili na mas pabor sa isa kaysa sa kabilang panig. Subalit alinmang tao o kilusan ang kanilang itinataguyod, kanino nga ba sila sumusuporta? Maliwanag na sinasabi ng Bibliya: “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot.” (1 Juan 5:19) Kung gayon, paano maiiwasan ng isang tao na maligaw kasama ng iba pa sa sangkatauhan? Tanging sa pamamagitan lamang ng lubusang pagsuporta niya sa Kaharian ng Diyos at sa pananatiling ganap na neutral sa mga alitan ng sanlibutan.—Juan 17:15, 16.
Mapandayang mga Pakana ng Isa na Balakyot
7. Paano ipinakita ang katusuhan ni Satanas sa kaniyang paggamit sa huwad na relihiyon?
7 Sa lahat ng yugto ng kasaysayan, gumamit na si Satanas ng berbal at pisikal na pag-uusig upang ilayo ang mga indibiduwal sa tunay na pagsamba. Gumamit na rin siya ng mas tusong mga paraan—mapanlinlang na mga paggawi at mapandayang mga pakana. May-katusuhan niyang napanatiling walang-alam ang malaking bahagi ng sangkatauhan sa pamamagitan ng huwad na relihiyon, anupat nailagay niya sa isip nila na sila ay naglilingkod sa Diyos. Palibhasa’y walang tumpak na kaalaman tungkol sa Diyos at walang pag-ibig sa katotohanan, maaari silang maakit sa mahiwaga at madamdaming mga relihiyosong serbisyo o humanga sa makapangyarihang mga gawa. (2 Tesalonica 2:9, 10) Ngunit tayo ay binigyan ng babala na maging sa mga dati nang nakibahagi sa tunay na pagsamba, “ang ilan ay hihiwalay . . . , na nagbibigay-pansin sa nagliligaw na kinasihang mga pananalita at mga turo ng mga demonyo.” (1 Timoteo 4:1) Paano mangyayari iyon?
8. Paano tayo mararahuyo ni Satanas sa huwad na relihiyon kahit na sumasamba tayo kay Jehova?
8 Sa mapandayang paraan, sinasamantala ng Diyablo ang ating mga kahinaan. Tayo ba’y alipin pa rin ng pagkatakot sa tao? Kung oo, baka sumuko tayo sa panggigipit ng mga kamag-anak o mga kapitbahay na makibahagi sa mga gawain na nagmula sa huwad na relihiyon. Tayo ba’y mapagmapuri? Kung oo, baka magdamdam tayo kapag pinayuhan o kapag hindi tinanggap ng iba ang mga ideya na itinataguyod natin. (Kawikaan 15:10; 29:25; 1 Timoteo 6:3, 4) Sa halip na baguhin ang ating pangmalas upang makasuwato ng halimbawa ni Kristo, baka nahihilig tayong pumanig sa mga ‘kumikiliti sa ating mga tainga’ sa pamamagitan ng pagsasabing sapat na ang basta pagbabasa lamang ng Bibliya at mabuting paraan ng pamumuhay. (2 Timoteo 4:3) Hindi mahalaga kay Satanas kung aktuwal man tayong uugnay sa ibang relihiyosong grupo o manghahawakan na lamang sa ating sariling uri ng relihiyon, basta hindi natin sinasamba si Jehova sa paraan na iniuutos ng Diyos sa pamamagitan ng kaniyang Salita at ng kaniyang organisasyon.
9. Paano may-panlilinlang na ginagamit ni Satanas ang sekso upang maisakatuparan ang kaniyang mga tunguhin?
9 May-panlilinlang ding hinihikayat ni Satanas ang mga tao na bigyang-kasiyahan ang normal na mga hangarin sa maling mga paraan. Ginawa niya ito may kaugnayan sa pagnanasa sa seksuwal na pakikipagtalik. Palibhasa’y tinatanggihan ang moralidad ng Bibliya, minamalas ng marami sa sanlibutan ang seksuwal na mga ugnayan ng mga taong di-kasal bilang lehitimong aliwan o isang paraan upang patunayan na sila ay nasa hustong gulang na. At kumusta naman yaong mga may asawa na? Marami ang nangangalunya. At kahit na walang kataksilang nangyari sa kanilang pag-aasawa, napakaraming indibiduwal ang nakikipagdiborsiyo o nakikipaghiwalay upang makisama sa iba. Layunin ng tusong pamamaraan ni Satanas na impluwensiyahan ang mga tao na mamuhay ukol sa kaluguran sa ngayon, anupat hinihikayat sila na ipagwalang-bahala ang pangmatagalang mga epekto hindi lamang sa kanilang sarili at sa iba kundi lalo na sa kanilang kaugnayan kay Jehova at sa kaniyang Anak.—1 Corinto 6:9, 10; Galacia 6:7, 8.
10. Sa pamamagitan ng anong mga paraan sinisikap ni Satanas na sirain ang ating saloobin sa imoralidad at karahasan?
10 Ang isa pang likas na pagnanasa ay ang maglibang. Kapag mabuti, ito ay maaaring makaginhawa sa pisikal, mental, at emosyonal na paraan. Ngunit paano tayo tumutugon kapag may-panlilinlang na ginagamit ni Satanas ang mga okasyon ng paglilibang upang sikaping ihiwalay ang ating pag-iisip sa Diyos? Halimbawa, batid natin na kinapopootan ni Jehova ang seksuwal na imoralidad at karahasan. Kapag itinatanghal ng mga pelikula, programa sa telebisyon, o mga teatro ang mga bagay na iyon, tayo ba ay basta na lamang nauupo at patuloy na nanonood? Tandaan din na titiyakin ni Satanas na lalo pang sasamâ ang mga bagay na iyon habang lumalapit ang pagbubulid sa kaniya sa kalaliman, yamang “ang mga taong balakyot at mga impostor ay magpapatuloy mula sa masama tungo sa lalong masama, nanlíligaw at naililigaw.” (2 Timoteo 3:13; Apocalipsis 20:1-3) Kaya kailangang lagi tayong maging mapagbantay laban sa mga pakana ni Satanas.—Genesis 6:13; Awit 11:5; Roma 1:24-32.
11. Sa anu-anong paraan maaaring masilo kahit ang isang tao na nakaaalam ng katotohanan tungkol sa espiritismo kung hindi siya alisto?
11 Batid din natin na yaong nakikibahagi sa anumang uri ng espiritismo—panghuhula, pangkukulam, o pagsisikap na makipagtalastasan sa mga patay—ay kasuklam-suklam kay Jehova. (Deuteronomio 18:10-12) Yamang taglay iyon sa isipan, hindi natin iisipin na sumangguni sa mga espiritista, at tiyak na hindi natin sila tatanggapin sa ating tahanan upang isagawa ang kanilang mga makademonyong sining. Ngunit makikinig kaya tayo sa kanila kapag itinatanghal sila sa ating telebisyon o sa Internet? Bagaman hindi tayo kailanman magpapagamot sa isang albularyo, magtatali naman ba tayo ng isang pisi sa pupúlsuhan ng ating bagong-silang na anak, sa pag-aakalang sa paanuman ay maipagsasanggalang nito ang sanggol mula sa pinsala? Yamang batid na hinahatulan ng Bibliya ang pang-eengkanto sa iba, pahihintulutan ba natin na makontrol ng hipnotismo ang ating isipan?—Galacia 5:19-21.
12. (a) Paano ginagamit ang musika upang tayo ay mag-isip tungkol sa mga ideya na alam nating mali? (b) Paanong ang pananamit, istilo ng buhok, o paraan ng pagsasalita ng isang tao ay nagpapahiwatig ng paghanga sa mga taong ang istilo ng pamumuhay ay di-sinasang-ayunan ni Jehova? (c) Ano ang hinihiling sa atin upang maiwasan nating maging biktima ng mapandayang mga pakana ni Satanas?
12 Sinasabi ng Bibliya na ang pakikiapid at ang bawat uri ng karumihan ay huwag man lamang mabanggit (taglay ang di-malinis na mga motibo) sa gitna natin. (Efeso 5:3-5) Ngunit paano kung ang mga temang ito ay sinasaliwan ng musika na may magandang himig, nakapupukaw na ritmo, o isang tuluy-tuloy na indayog? Sisimulan ba nating ulitin ang mga liriko na lumuluwalhati sa pagtatalik nang hindi kasal, sa paggamit ng mga droga para sa kaluguran, at sa iba pang makasalanang mga paggawi? O bagaman batid natin na hindi natin dapat tularan ang paraan ng pamumuhay ng mga tao na nagpapakasasa sa gayong mga bagay, nahihilig ba tayo na iugnay ang ating sarili sa kanila sa pamamagitan ng pagtulad sa kanilang paraan ng pananamit, sa kanilang istilo ng buhok, o sa kanilang paraan ng pagsasalita? Talaga ngang mapanlinlang ang mga pamamaraan na ginagamit ni Satanas upang hikayatin ang mga tao na umayon sa kaniyang sariling tiwaling paraan ng pag-iisip! (2 Corinto 4:3, 4) Upang hindi maging biktima ng kaniyang mapandayang mga pakana, dapat nating iwasan na magpadala sa sanlibutan. Kailangang lagi nating isaisip kung sino ang “mga tagapamahala ng sanlibutan ng kadilimang ito” at taimtim na labanan ang kanilang impluwensiya.—1 Pedro 5:8.
Nasasangkapan Upang Maging mga Mananagumpay
13. Paano posible para sa sinuman sa atin, taglay ang ating mga di-kasakdalan, na madaig ang sanlibutan na pinamamahalaan ni Satanas?
13 Bago siya namatay, sinabi ni Jesus sa kaniyang mga apostol: “Lakasan ninyo ang inyong loob! Dinaig ko ang sanlibutan.” (Juan 16:33) Sila man ay maaaring maging mga mananagumpay. Pagkalipas ng mga 60 taon, sumulat si apostol Juan: “Sino ang isa na dumaraig sa sanlibutan kundi siya na may pananampalataya na si Jesus ang Anak ng Diyos?” (1 Juan 5:5) Ang gayong pananampalataya ay ipinakikita ng ating pagsunod sa mga utos ni Jesus at ng pagtitiwala sa Salita ng Diyos, gaya nga ng ginawa ni Jesus. Ano pa ang kailangan? Na tayo ay manatiling malapit sa kongregasyon na dito’y siya ang Ulo. Kapag tayo ay nagkakasala, dapat na taimtim tayong magsisi at humiling ng kapatawaran sa Diyos salig sa hain ni Jesus. Sa ganitong paraan, sa kabila ng ating mga di-kasakdalan at mga pagkakamali, tayo man ay maaaring maging mga mananagumpay.—Awit 130:3, 4.
14. Basahin ang Efeso 6:13-17, at gamitin ang mga tanong at mga kasulatan na inilaan sa parapong ito bilang saligan sa pagtalakay sa mga pakinabang mula sa bawat bahagi ng espirituwal na kagayakang pandigma.
14 Upang magtagumpay, kailangang isuot natin “ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos,” anupat hindi kinaliligtaan ang anumang bahagi nito. Pakisuyong buklatin ang iyong Bibliya sa Efeso 6:13-17, at basahin ang paglalarawan nito sa kagayakang pandigmang iyon. Pagkatapos, sa pamamagitan ng pagsagot sa mga tanong sa ibaba, isaalang-alang kung paano ka makikinabang mula sa proteksiyong ibinibigay ng bawat bahagi ng kagayakang pandigma.
“Mga balakang ay may bigkis na katotohanan”
Bagaman maaaring alam natin ang katotohanan, paanong ang regular na pag-aaral, pagbubulay-bulay sa katotohanan ng Bibliya, at pagdalo sa pulong ay magsasanggalang sa atin? (1 Corinto 10:12, 13; 2 Corinto 13:5; Filipos 4:8, 9)
“Baluti ng katuwiran”
Kaninong pamantayan ng katuwiran ito? (Apocalipsis 15:3)
Ipaghalimbawa kung paanong ang hindi pagsunod sa matuwid na mga pamantayan ni Jehova ay naghahantad sa isa sa espirituwal na kapinsalaan. (Deuteronomio 7:3, 4; 1 Samuel 15:22, 23)
“Mga paa ay may suot na panyapak para sa mabuting balita ng kapayapaan”
Paanong isang sanggalang para sa atin na panatilihing abala ang ating mga paa sa paglakad upang makipag-usap sa mga tao tungkol sa mga paglalaan ng Diyos para sa kapayapaan? (Awit 73:2, 3; Roma 10:15; 1 Timoteo 5:13)
“Malaking kalasag ng pananampalataya”
Kung tayo ay may pananampalataya na matibay ang pagkakatatag, paano tayo tutugon sa mga pagsisikap na nilayon upang mag-alinlangan o matakot tayo? (2 Hari 6:15-17; 2 Timoteo 1:12)
“Helmet ng kaligtasan”
Paano tumutulong sa isa ang pag-asa ng kaligtasan upang maiwasang masilo sa labis na pagkabahala sa materyal na mga pag-aari? (1 Timoteo 6:7-10, 19)
“Tabak ng espiritu”
Sa ano tayo dapat na laging umasa kapag nilalabanan ang mga pagsalakay sa ating espirituwalidad o yaong sa iba? (Awit 119:98; Kawikaan 3:5, 6; Mateo 4:3, 4)
Ano pa ang mahalaga upang magtagumpay sa espirituwal na pakikidigma? Gaano kadalas ito dapat gamitin? Alang-alang kanino? (Efeso 6:18, 19)
15. Paano tayo maaaring sumalakay sa espirituwal na labanan?
15 Bilang mga kawal ni Kristo, tayo ay bahagi ng isang malaking hukbo na nakikibahagi sa espirituwal na pakikidigma. Kung mananatili tayong alisto at gagamitin nating mabuti ang buong kagayakang pandigma na mula sa Diyos, hindi tayo mamamatay sa digmaang ito. Sa halip, tayo ay magiging nakapagpapalakas na tulong sa ating mga kapuwa lingkod ng Diyos. Tayo ay magiging handa at sabik na sumalakay, anupat pinalalaganap ang mabuting balita ng Mesiyanikong Kaharian ng Diyos, ang makalangit na pamahalaan na buong-karahasang sinasalansang ni Satanas.
Talakayin Bilang Repaso
• Bakit ang mga mananamba ni Jehova ay nananatiling ganap na neutral kung tungkol sa mga alitan ng sanlibutan?
• Ano ang ilan sa mapandayang mga pakana na ginagamit ni Satanas upang sirain ang espirituwalidad ng mga Kristiyano?
• Paanong ang espirituwal na kagayakang pandigma na inilaan ng Diyos ay nagsasanggalang sa atin sa ating espirituwal na pakikidigma?
[Mga larawan sa pahina 76]
Ang mga bansa ay tinitipon sa Armagedon