KABANATA 2
Mga Propetang May mga Mensaheng Nakaaapekto sa Atin
1. Bakit ka dapat maging interesado sa 12 propeta na sumulat ng huling mga aklat sa Hebreong Kasulatan?
GUSTO mo bang makilala ang 12 mensahero ng Diyos? Ang 12 ito ay nabuhay bago pa naparito si Jesus sa lupa, kaya hindi mo sila makikilala nang personal. Gayunman, maaari mo pa rin silang makilala, at malaman kung paano nila laging isinasaisip “ang dakilang araw ni Jehova.” At ang matututuhan mo ay talagang mahalaga sa bawat Kristiyano na may-katalinuhang nagsisikap na laging isaisip ang dakilang araw ni Jehova.—Zefanias 1:14; 2 Pedro 3:12.
2, 3. Ano ang kaugnayan ng mga karanasan ng 12 propeta sa ating buhay?
2 Maraming lalaki ang tinatawag na mga propeta sa Kasulatan—maraming aklat sa Bibliya ang nagtataglay ng mga pangalan ng mga propetang ito. Katulad ng ibang mga propeta, ang 12 lalaki na isasaalang-alang natin ay mga halimbawa ng katapatan at lakas ng loob. Ang ilan sa kanila ay nakadama ng malaking kagalakan nang makita nilang nabago ng kanilang mensahe ang puso’t isipan ng mga tao, anupat naakay ang mga ito na manumbalik sa Diyos. Nakadama naman ang iba ng matinding kabiguan nang makita nilang nilalabag ng matitigas ang ulo ang mga pamantayan ni Jehova at sinasalansang ang kaniyang kalooban. Nasiphayo ang ilan sa 12 ito dahil sa pagiging kampante at pagpapalugod sa sarili ng mga nag-aangking sumasamba kay Jehova sa palibot nila.
3 Katulad natin, nabuhay ang 12 propetang ito sa mga panahong kakikitaan ng kaguluhan sa pulitika, kaligaligan sa lipunan, at pagsamâ ng relihiyon. Yamang mga tao silang “may damdaming tulad ng sa atin,” walang-alinlangang mayroon din silang mga pangamba at problema. (Santiago 5:17) Gayunman, nagpakita sila ng mabuting halimbawa para sa atin, at ang kanilang mga mensahe ay dapat nating pakatandaan, sapagkat nakaulat ito sa “makahulang mga kasulatan” para sa kapakinabangan natin na “dinatnan ng mga wakas ng mga sistema ng mga bagay.”—Roma 15:4; 16:26; 1 Corinto 10:11.
ANG 12 PROPETA SA PANAHONG NABUHAY SILA
4. Ano ang napansin mo hinggil sa pagkakasunud-sunod ng panahong nabuhay ang 12 propeta, at sinu-sino ang unang ginamit ni Jehova upang babalaan at pakilusin ang kaniyang bayan?
4 Baka iniisip mo na ang pagkakasunud-sunod ng mga aklat ng Oseas hanggang Malakias na makikita sa iyong Bibliya ay ayon sa pagkakasunud-sunod ng panahong nabuhay ang mga propetang ito. Pero hindi gayon. Bilang halimbawa, ang mga propetang sina Jonas, Joel, Amos, Oseas, at Mikas ay pawang nabuhay noong ikasiyam at ikawalong siglo B.C.E.a Noong panahong iyon, maraming hari kapuwa sa timugang kaharian ng Juda at sa hilagang kaharian ng Israel ang di-tapat. At tinularan sila ng kanilang mga sakop, anupat inani ang poot ng Diyos. Noong panahong ito hinangad ng mga Asiryano at nang maglaon ng mga Babilonyo na mamuno sa daigdig. Walang kaalam-alam ang mga Israelita na gagamitin ni Jehova ang dalawang kapangyarihang pandaigdig na ito bilang kaniyang mga tagapuksa! Subalit alam mo na palaging nagbababala ang Diyos sa Israel at sa Juda sa pamamagitan ng tapat na mga propeta.
5. Sinu-sinong propeta ang nagpahayag ng kahatulan ni Jehova noong malapit nang mawasak ang Juda at Jerusalem?
5 Habang papalapit ang panahon ng kaniyang paghatol sa Juda at Jerusalem, nagbangon si Jehova ng isa pang grupo ng mapuwersang mga tagapagsalita. Sinu-sino ang nasa grupong ito? Ang mga propetang sina Zefanias, Nahum, Habakuk, at Obadias. Silang lahat ay naglingkod bilang mga propeta noong ikapitong siglo B.C.E. Ang pinakakalunus-lunos na mga pangyayari noong panahong iyon ay ang pagkawasak ng Jerusalem sa kamay ng mga Babilonyo noong 607 B.C.E. at ang pagkatapon ng mga Judio. Gaya ng dati, ganiyang-ganiyan ang ibinabala ng Diyos sa mga hulang binigkas mismo ng ilan sa apat na lalaking ito na isinugo niya upang magsalita para sa kaniya. Sinikap nilang babalaan ang bayan hinggil sa maling mga gawain, gaya ng paglalasing at paggawa ng karahasan, subalit ayaw magbago ng mga tao.—Habakuk 1:2, 5-7; 2:15-17; Zefanias 1:12, 13.
6. Paano pinakilos ni Jehova ang nalabi na bumalik mula sa pagkatapon?
6 Pagkatapos bumalik ang bayan ng Diyos mula sa pagkatapon, kinailangan nila ng mahusay na pangunguna gayundin ng kaaliwan at payo upang manatiling nakatuon ang kanilang pansin sa tunay na pagsamba. Ang pangangailangang iyan ay natugunan ng isa pang grupo ng mga propeta, sina Hagai, Zacarias, at Malakias. Naglingkod sila noong ikaanim at ikalimang siglo B.C.E. Habang natututo ka nang higit tungkol sa 12 di-matinag na mga tagapagtanggol na ito ng soberanya ni Jehova at sa kanilang gawain, mauunawaan mo ang mahahalagang aral na maikakapit mo sa iyong ministeryo sa mapanganib na mga panahong kinabubuhayan natin. Isaalang-alang natin ngayon ang mga propetang ito ayon sa pagkakasunud-sunod ng panahong naglingkod sila.
PAGPUPUNYAGING ILIGTAS ANG MGA BANSANG MATITIGAS ANG ULO
7, 8. Paano tayo mapatitibay ng karanasan ni Jonas kapag minsa’y nawawalan tayo ng tiwala?
7 Minsan ba’y nawawalan ka ng tiwala, marahil ay nadarama mong nanghihina ang iyong pananampalataya? Kung gayon, partikular nang mahalaga sa iyo ang karanasan ni Jonas. Si Jonas ay nabuhay noong ikasiyam na siglo B.C.E. Malamang na alam mong inatasan ng Diyos si Jonas na magtungo sa Nineve, ang kabisera ng lumalawak na Imperyo ng Asirya. Dapat tuligsain ni Jonas ang kabalakyutan ng mga Ninevita. Gayunman, sa halip na magtungo sa kaniyang atas—mga 900 kilometro hilagang-silangan ng Jerusalem—sumakay si Jonas sa barkong patungo sa isang daungan na malamang ay sa Espanya. Oo, patungo siya sa kabilang direksiyon na 3,500 kilometro ang layo! Ano sa palagay mo? Tumakas ba si Jonas dahil sa takot, dahil pansamantalang humina ang kaniyang pananampalataya, o dahil sa pagdaramdam na baka magsisi ang mga Ninevita at pagkatapos ay salakayin ang Israel? Walang espesipikong sinasabi ang Bibliya hinggil dito. Ngunit mauunawaan natin kung bakit kailangan tayong mag-ingat na huwag nating hayaang lumihis ang ating pag-iisip mula sa tamang landas.
8 Alam mo kung ano ang naging reaksiyon ni Jonas nang sawayin siya ng Diyos. Nang si Jonas ay nasa loob ng “isang malaking isda” na lumulon sa kaniya, sinabi niya: “Ang kaligtasan ay kay Jehova.” (Jonas 1:17; 2:1, 2, 9) Matapos na siya’y makahimalang iligtas, isinagawa ni Jonas ang kaniyang atas, pero di-nagtagal ay lubhang sumamá ang loob niya nang hindi ituloy ni Jehova ang pagpuksa sa mga Ninevita dahil nagbigay-pansin sila sa mensahe ni Jonas at nagsisi. Minsan pa, maibiging itinuwid ni Jehova ang propeta, na nagpakita ng pagiging makasarili. At bagaman ang nakikita lamang ng ilan ay ang pagkakamali ni Jonas, itinuring siya ng Diyos na karapat-dapat bilang isang masunurin at tapat na lingkod.—Lucas 11:29.
9. Anu-anong kapakinabangan ang makukuha mo sa makahulang mensahe ni Joel?
9 Nanghina na ba ang iyong loob dahil itinuturing ng mga tao ang iyong mensaheng salig sa Bibliya na pananakot lamang? Ganiyan itinuring ng kaniyang mga kababayan ang mensahe ni propeta Joel, na ang pangalan ay nangangahulugang “Si Jehova ang Diyos.” Lumilitaw na iniulat niya ang kaniyang mga hula sa Juda bandang 820 B.C.E., noong panahon ni Haring Uzias. Waring nagpang-abot ang paglilingkod nina Joel at Jonas. Binanggit ni Joel ang salot ng mapangwasak na mga balang na magpapabalik-balik upang gawing tiwangwang ang lupain. Oo, napakalapit na noon ng kakila-kilabot na araw ng Diyos. Ngunit masusumpungan mong hindi pawang kapahamakan ang mensahe ni Joel. Nakapagpapasiglang malaman na ipinahiwatig niya na ang mga tapat ‘ang makatatakas.’ (Joel 2:32) Makapagsasaya ang mga nagsisisi dahil sa pagpapala at pagpapatawad ni Jehova. Tunay ngang nakapagpapasiglang isaisip na bahagi rin ito ng mensaheng ipinangangaral natin! Inihula ni Joel na ang aktibong puwersa ng Diyos, ang Kaniyang banal na espiritu, ay ibubuhos “sa bawat uri ng laman.” Nakikita mo ba ang iyong bahagi sa hulang iyan? At idiniin ni Joel ang tanging tiyak na paraan upang maligtas: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay makaliligtas.”—Joel 2:28, 32.
10. Paano ginamit ni Jehova ang isang hamak at pana-panahong trabahador?
10 Magkakaroon ka ng simpatiya kay Amos kung naaantig ka sa pana-panahon sa kahalagahan ng mensaheng dapat nating ipahayag, karaniwan na sa mga indibiduwal na hindi tumutugon. Si Amos ay hindi anak ng propeta ni kabilang man siya sa isang grupo ng mga propeta; siya ay isang tagapag-alaga lamang ng tupa at isang pana-panahong trabahador. Humula siya noong panahon ni Haring Uzias ng Juda, sa pagtatapos ng ikasiyam na siglo B.C.E. Sa kabila ng kaniyang hamak na pinagmulan, si Amos (na ang pangalan ay nangangahulugang “Isang Pasan; Nagdadala ng Pasan”) ay nagdala ng mahahalagang mensahe patungkol sa Juda, Israel, at sa nakapalibot na mga bansa. Hindi ka ba napasisigla sa pagkaalam na maaaring gamitin ni Jehova ang isang karaniwang tao sa gayon kahalagang gawain?
11. Ano ang handang gawin ni Oseas upang tuparin ang kalooban ng Diyos?
11 Naitanong mo na ba sa iyong sarili, ‘Anu-ano ang handa kong isakripisyo upang gawin ang kalooban ni Jehova?’ Isaalang-alang si Oseas, na nabuhay noong mga panahon nina Isaias at Mikas at mga 60 taóng naglingkod bilang propeta. Tinagubilinan ni Jehova si Oseas na pakasalan si Gomer, “isang asawang mapakiapid.” (Oseas 1:2) Sa tatlong anak na nang maglaon ay isinilang ni Gomer, maliwanag na isa lamang dito ang kay Oseas. Bakit naman hihilingan ni Jehova ang sinuman na batahin ang kahihiyang dulot ng pagtataksil ng asawa? Si Jehova ay nagtuturo ng isang aral tungkol sa pagkamatapat at kapatawaran. Nagtaksil sa Diyos ang hilagang kaharian gaya ng pagtataksil ng isang mapangalunyang asawang babae sa kaniyang kabiyak. Gayunman, nagpakita si Jehova ng pag-ibig sa kaniyang bayan at sinikap niyang tulungan sila na magsisi, na talagang nakaaantig-pusong pag-aralan.
12. Paano ka makikinabang sa pagsasaalang-alang sa halimbawa ni Mikas at sa mga epekto ng kaniyang paghula?
12 Hindi ka ba sumasang-ayon na dahil sa mapanganib na mga panahon sa ngayon ay nahihirapan kang linangin ang katapangan at lubusang pananalig kay Jehova? Kung maipakikita mo ang mga katangiang ito, magiging tulad ka ni Mikas. Si Mikas, na kapanahon nina Oseas at Isaias, ay nagpahayag ng mga mensahe laban sa mga bansa ng Juda at Israel sa panahon ng pamamahala ng mga hari ng Juda na sina Jotam, Ahaz, at Hezekias, noong ikawalong siglo B.C.E. Nadungisan ng labis na karumihan sa moral at idolatriya ang hilagang kaharian ng Israel, anupat dumanas ito ng pagkawasak nang masakop ng mga Asiryano ang Samaria noong 740 B.C.E. Pabagu-bago ang Juda sa pagsunod at kawalang-katapatan kay Jehova. Sa kabila ng nagbabadyang panganib, nakasumpong ng kaaliwan si Mikas na makitang dahil sa kaniyang bigay-Diyos na mensahe ay pansamantalang napigil ang pagbulusok ng Juda sa espirituwal na kabulukan at sa magiging kasakunaan nito. Kaylaking kaaliwan nga para sa atin na makitang may ilan na positibong tumutugon sa ating mensahe ng kaligtasan!
PAGHULA HINGGIL SA NAPIPINTONG KAPAHAMAKAN
13, 14. (a) Paano makatutulong sa iyong pagsamba ang halimbawa ni Zefanias? (b) Anong espirituwal na reporma ang naging resulta ng gawain ni Zefanias?
13 Habang papalubog ang pandaigdig na mga kapangyarihan ng Ehipto at Asirya, lalo namang napapabantog ang Babilonya. Ang lumalakas na kapangyarihan nito ay malapit nang magkaroon ng malaking epekto sa bansang Juda. Naroroon ang mga propeta ng Diyos upang babalaan at payuhan ang mga mananamba ni Jehova. Isaalang-alang ang ilan sa mga propetang iyon, na isinasaisip na nangangaral din ang mga Kristiyano sa ngayon ng isang babalang mensahe.
14 Kung kailangan mong talikdan ang mga tradisyon ng pamilya upang gawin ang kalooban ni Jehova, maaari kang makisimpatiya kay Zefanias. Posible na siya ay apo-sa-talampakan ni Haring Hezekias at kamag-anak ni Haring Josias—sa gayo’y miyembro ng maharlikang sambahayan ng Juda. Subalit may-pagkamasunuring inihatid ni Zefanias ang mensahe ng paghatol laban sa tiwaling mga lider ng Juda. Ang kaniyang pangalan ay nangangahulugang “Ikinubli ni Jehova.” Idiniin niya na tanging sa pamamagitan ng awa ng Diyos ay maaaring “makubli [ang isa] sa araw ng galit ni Jehova.” (Zefanias 2:3) Mabuti na lamang at nagkaroon ng magandang resulta ang lakas-loob na paghahayag ni Zefanias. Pinangunahan ng kabataang si Haring Josias ang espirituwal na reporma, anupat inalis ang mga idolo, kinumpuni ang templo, at isinauli ang dalisay na pagsamba. (2 Hari, kabanata 22-23) Malamang na may ginampanang papel si Zefanias at ang kaniyang mga kapuwa propeta (sina Nahum at Jeremias) sa pagtulong o pagpapayo sa hari. Nakalulungkot, hindi naging taos-puso ang pagsisisi ng karamihan sa mga Judio. Nang mamatay si Josias sa digmaan, muli silang nalugmok sa idolatriya. Makalipas lamang ang ilang taon, dinala silang bihag sa Babilonya.
15. (a) Bakit karapat-dapat ang Nineve sa di-kaayaayang mensaheng hatid ni Nahum? (b) Ano ang matututuhan mo sa nangyari sa Nineve?
15 Baka iniisip mong wala kang halaga at hindi ka kilalá. Ang mga Kristiyano ay may dakilang pribilehiyo na maging “mga kamanggagawa” ng Diyos, subalit marami sa kanila ang hindi naman kilalá. (1 Corinto 3:9) Sa katulad na paraan, wala tayong ibang nalalaman tungkol kay propeta Nahum maliban sa kaniyang pinagmulan, ang maliit na bayang tinatawag na Elkos, na maaaring sa Juda. Subalit napakahalaga ng mensahe niya. Bakit natin nasabi iyan? Humula si Nahum laban sa kabisera ng Imperyo ng Asirya, ang Nineve. Positibong tumugon ang mga tagaroon sa gawain ni Jonas, subalit pagkaraan ng ilang panahon ay nagbalik sila sa dating gawi. Ipinakikita ng mga inukit na bato sa lugar ng sinaunang Nineve na ito ay isang “lunsod ng pagbububo ng dugo,” gaya ng binanggit ni Nahum. (Nahum 3:1) Inilalarawan ng mga inukit na iyon ang malupit na pagtrato sa mga nabihag sa digmaan. Sa detalyado at madulang pananalita, inihula ni Nahum ang lubusang pagkalipol ng Nineve. Nagkatotoo ang kaniyang mensahe at magkakatotoo rin ang mensaheng ipinahahayag natin sa ngayon.
16, 17. Kung ang inaasahan natin hinggil sa wakas ay hindi pa lubusang natutupad, ano ang matututuhan natin sa kalagayan ni Habakuk?
16 Sa paglipas ng maraming siglo, hindi natupad ang mga inaasahan ng ilang mambabasa ng Bibliya tungkol sa araw ni Jehova. Baka nasiphayo ang iba dahil waring naantala ang hatol ng Diyos. Kumusta ka naman? Ipinahayag ni Habakuk ang kaniyang makatuwirang pagkabahala, anupat nagtanong: “O Jehova, hanggang kailan ako hihingi ng tulong, at hindi mo diringgin? . . . Bakit nasa harap ko ang pananamsam at karahasan?”—Habakuk 1:2, 3.
17 Humula si Habakuk noong maligalig na yugto ng kasaysayan ng Juda, pagkatapos ng pamamahala ng mabuting hari na si Josias pero bago mawasak ang Jerusalem noong 607 B.C.E. Laganap ang kawalang-katarungan at karahasan. Nagbabala si Habakuk na ang pakikipag-alyansa sa Ehipto ay hindi makapagliligtas sa Juda mula sa uhaw-sa-dugong mga Babilonyo. Gumamit siya ng malinaw at mapuwersang pananalita, na nagbibigay ng kaaliwan na “kung tungkol sa matuwid, sa pamamagitan ng kaniyang katapatan ay mananatili siyang buháy.” (Habakuk 2:4) Napakahalaga ng mga salitang ito sa atin, yamang sinipi ito ni apostol Pablo sa tatlong aklat ng Kristiyanong Griegong Kasulatan. (Roma 1:17; Galacia 3:11; Hebreo 10:38) Karagdagan pa, tinitiyak sa atin ni Jehova sa pamamagitan ni Habakuk: “Ang pangitain ay sa takdang panahon pa . . . Hindi iyon maaantala.”—Habakuk 2:3.
18. Bakit inutusan ni Jehova si Obadias na humula laban sa Edom?
18 Si propeta Obadias ay natatangi dahil siya ang sumulat ng pinakamaikling aklat sa Hebreong Kasulatan—21 talata lamang. Ang nalalaman lamang natin tungkol sa kaniya ay ang paghula niya laban sa Edom. Ang mga Edomita ay nagmula sa kapatid ni Jacob, sa gayon ay mga “kapatid” ng mga Israelita. (Deuteronomio 23:7) Ngunit parang hindi kapatid ang pagtrato ng Edom sa bayan ng Diyos. Noong 607 B.C.E., nang isulat ni Obadias ang kaniyang aklat, hinarangan ng mga Edomita ang mga daan at ibinigay nila ang tumatakas na mga Judio sa kaaway na mga Babilonyo. Inihula ni Jehova ang lubusang pagkatiwangwang ng Edom, isang hula na natupad. Maaaring kaunti lamang ang nalalaman natin tungkol kay Obadias gaya kay Nahum, subalit talagang nakapagpapatibay matanto na maaaring gamitin ng Diyos bilang Kaniyang mga mensahero ang mga taong waring walang halaga!—1 Corinto 1:26-29.
MGA MENSAHENG NAKAPAGPAPAKILOS, NAKAAALIW, AT NAGBABABALA
19. Paano pinalakas ni Hagai ang bayan ng Diyos?
19 Si Hagai ang una sa tatlong propeta na naglingkod pagkatapos bumalik ang tapat na nalabi mula sa pagkatapon sa Babilonya noong 537 B.C.E. Maaaring kasama si Hagai sa unang pangkat ng mga nagsibalik. Sa tulong ni Gobernador Zerubabel, ng mataas na saserdoteng si Josue, at ni propeta Zacarias, sinikap ni Hagai na pakilusin ang mga Judio na pagtagumpayan ang pagsalansang ng mga nasa labas ng bansa at ang kawalang-interes ng mga Judio dahil sa materyalismo. Kailangan nilang tuparin ang layunin ng kanilang pagbalik: ang muling pagtatayo ng templo ni Jehova. Itinampok ng apat na tuwirang mga mensahe ni Hagai, na ibinigay noong 520 B.C.E., ang pangalan at soberanya ni Jehova. Habang binabasa mo ang aklat, masusumpungan mo ang pananalitang “Jehova ng mga hukbo” nang 14 na ulit. Pinasigla ng mapuwersang mga mensahe ni Hagai ang bayan na ipagpatuloy ang kanilang pagtatayo ng templo. Napalalakas ka rin ba sa pagkaalam na walang limitasyon ang kapangyarihan ni Jehova bilang ang Soberanong Tagapamahala at na nasa ilalim ng kaniyang pangunguna ang pagkalaki-laking hukbo ng espiritung mga nilalang?—Isaias 1:24; Jeremias 32:17, 18.
20. Anong nangingibabaw na saloobin ang pinaglabanan ni Zacarias?
20 Kung minsan baka nasisiraan ka ng loob dahil sa nakikita mong kawalan ng sigasig ng ilan na naglilingkod sa Diyos. Kung gayon, mauunawaan mo ang nadama ni propeta Zacarias. Katulad ng kaniyang kapanahong si Hagai, napaharap siya sa mahirap na atas na pakilusin ang kapuwa mga mananamba na magpatuloy sa gawain hanggang sa matapos ang templo. Nagpagal si Zacarias upang patibayin ang bayan na isagawa ang napakalaking atas na iyon. Sa kabila ng mapagpalayaw-sa-sariling saloobin ng mga tao sa palibot niya, pinalakas niya ang bayan na magkaroon ng matibay na pananampalataya at ipakita ito sa pamamagitan ng gawa. At nagtagumpay siya. Iniulat ni Zacarias ang maraming hula tungkol sa Kristo. Mapalalakas din tayo ng kaniyang mensahe na hindi kalilimutan ni “Jehova ng mga hukbo” ang mga taong naghahangad ng Kaniyang lingap.—Zacarias 1:3.
PAGHIHINTAY SA MESIYAS
21. (a) Bakit kailangang-kailangan noon ang mensahe ni Malakias? (b) Anong katiyakan sa aklat ng Malakias nagtatapos ang Hebreong Kasulatan?
21 Tinupad ni Malakias, ang huli sa 12 propeta, ang kahulugan ng kaniyang pangalan, na “Aking Mensahero.” Kaunti lamang ang nalalaman natin tungkol sa propetang ito, na nabuhay noong kalagitnaan ng ikalimang siglo B.C.E. Subalit mula sa kaniyang hula, batid natin na siya ay isang walang-takot na tagapagsalita na sumaway sa bayan ng Diyos dahil sa kanilang mga kasalanan at pagpapaimbabaw. Ang mga kalagayang inilarawan ni Malakias ay kahawig na kahawig ng inilarawan ni Nehemias, na marahil ay kapanahon ni Malakias. Bakit kailangang-kailangan noon ang mensahe ni Malakias? Naglaho na kasi ang sigasig at pananabik ng bayan na pinasigla ng mga propetang sina Zacarias at Hagai mga ilang dekada na ang nakalipas. Napakasama na ng espirituwal na kalagayan ng mga Judio. Buong-tapang na nagsalita si Malakias laban sa palalo at mapagpaimbabaw na mga saserdote, at pinuna niya ang bayan dahil sa hindi taos-pusong pagsamba at mga hain na inihahandog nila. Gayunman, kung paanong tinitiyak sa atin ng Salita ng Diyos ang isang magandang pag-asa sa hinaharap, inihula ni Malakias ang pagdating ng tagapaghanda ng daan para sa Mesiyas, si Juan Bautista, at pagkatapos ng Kristo mismo. Ang Hebreong Kasulatan ay nagtatapos sa nakapagpapatibay na mensahe ni Malakias, anupat nangangako sa atin na “sisikat ang araw ng katuwiran” sa mga natatakot sa pangalan ng Diyos.—Malakias 4:2, 5, 6.
22. Anu-ano ang mga napansin mo may kinalaman sa mga katangian at mensahe ng 12 propeta?
22 Makikita mo na ang mga lalaking sumulat ng huling 12 aklat ng Hebreong Kasulatan ay may pananampalataya at pananalig. (Hebreo 11:32; 12:1) Nagtuturo sa atin ng mahahalagang aral ang kanilang halimbawa at mensahe habang buong-pananabik nating hinihintay ang “araw ni Jehova.” (2 Pedro 3:10) Ngayon na ang panahon upang isaalang-alang kung paano makaaapekto sa iyong walang-hanggang kinabukasan ang makahulang mga mensaheng ito!
a Ihambing ito sa talâ ng mahahalagang pangyayari na masusumpungan sa pahina 20 at 21. Halimbawa, makikita mo rito na kapuwa sina Mikas at Oseas ay naglingkod sa yugto ng panahon nang si Isaias ay propeta ng Diyos sa Jerusalem.