SEKSIYON 2
Nawalang Paraiso
Tinukso ng isang rebeldeng anghel ang unang lalaki at babae, sina Adan at Eva, na tanggihan ang pamamahala ng Diyos. Dahil dito, sinalot ng kasalanan at kamatayan ang lahat ng tao
MATAGAL pa bago lalangin ng Diyos ang mga tao, lumalang muna siya ng maraming di-nakikitang espiritu—mga anghel. Sa Eden, si Eva ay tinukso ng isang tuso at rebeldeng anghel, si Satanas na Diyablo, na kainin ang bunga ng punungkahoy na ipinagbawal ng Diyos.
Gumamit si Satanas ng isang ahas para makipag-usap kay Eva at palabasin na pinagkakaitan ng Diyos ang babae at ang asawa nito ng isang bagay na mabuti. Sinabi ng anghel kay Eva na kahit kainin nilang mag-asawa ang ipinagbabawal na bunga, hindi sila mamamatay. Kaya para na ring sinabi ni Satanas na nagsisinungaling ang Diyos. Pinalabas ng mandarayang si Satanas na kung susuwayin nila ang Diyos, mabubuksan ang kanilang isip at sila’y magiging malaya. Pero isa itong malaking kasinungalingan—sa katunayan, ito ang kauna-unahang kasinungalingan sa lupa. Ang talagang isyu ay may kinalaman sa soberanya ng Diyos—kung may karapatan ba ang Diyos na mamahala at kung ang pamamahala niya ay matuwid at para sa kapakanan ng kaniyang mga sakop.
Napaniwala ni Satanas si Eva. Natakam si Eva sa bunga, at kumain siya nito. Binigyan niya ang kaniyang asawa, at kumain din ito. Bilang resulta, naging makasalanan sila. Parang simpleng bagay lamang ang ginawa nila pero ang totoo, pagrerebelde ito. Sinadya nina Adan at Eva na suwayin ang utos ng Diyos, kaya para na rin nilang tinanggihan ang pamamahala ng Maylalang na nagbigay sa kanila ng lahat ng bagay, pati na ng sakdal na buhay.
Ang binhi “ang susugat sa iyo sa ulo at ikaw ang susugat sa kaniya sa sakong.”—Genesis 3:15
Hinatulan ng Diyos ang mga rebelde. Inihula niya ang pagdating ng ipinangakong Binhi, o Tagapagligtas, na pupuksa kay Satanas na siyang serpiyente, o ahas. Hindi agad inilapat ng Diyos ang sentensiyang kamatayan kina Adan at Eva dahil sa awa niya sa kanilang magiging mga anak. May pag-asa pa ang mga isisilang na ito dahil aalisin ng Isa na isusugo ng Diyos ang kapaha-pahamak na mga epekto ng paghihimagsik sa Eden. Kung paano tutuparin ng Diyos ang kaniyang layunin may kinalaman sa Tagapagligtas—at kung sino ang Isang iyon na isusugo niya—iyan ay unti-unting sinagot ng Bibliya.
Pinalayas ng Diyos sina Adan at Eva mula sa Paraiso. Sa labas ng hardin ng Eden, dugo at pawis ang kailangan para magbungkal ng lupa at mabuhay. Nang maglaon, nagdalang-tao si Eva at isinilang si Cain, ang panganay na anak nila ni Adan. Nagkaroon pa ng ibang mga anak ang mag-asawa, gaya ni Abel at ni Set, na ninuno ni Noe.
—Batay sa Genesis kabanata 3 hanggang 5; Apocalipsis 12:9.