SEKSIYON 3
Nakaligtas sa Baha ang Tao
Pinuksa ng Diyos ang lahat ng masasamang tao pero iniligtas niya si Noe at ang pamilya nito
HABANG dumarami ang tao, lalong lumalaganap ang kasalanan at kasamaan sa lupa. Nagbabala si Enoc, ang kaisa-isang propeta noon, na balang-araw ay pupuksain ng Diyos ang masasama. Pero tuloy pa rin ang kasamaan, at lalo pa itong lumalala. May ilang anghel na nagrebelde kay Jehova at iniwan ang kanilang dako sa langit. Sila’y nagkatawang-tao at buong-kasakimang kumuha ng mga babae para sipingan nila. Ang di-normal na pagtatalik na iyon ay nagbunga ng kakaibang mga anak—mga sigang higante na tinatawag na Nefilim. Dahil sa kanila, lumala ang karahasan at lalong dumanak ang dugo sa daigdig. Halos madurog ang puso ni Jehova nang makita niyang napapahamak ang kaniyang mga nilalang sa lupa.
Pagkamatay ni Enoc, isang lalaki ang napansing naiiba sa gitna ng masasamang tao sa daigdig. Noe ang pangalan niya. Sinikap niya at ng kaniyang pamilya na gawin kung ano ang tama sa paningin ng Diyos. Nang ipasiya ng Diyos na puksain ang masasama noong panahong iyon, gusto niyang iligtas si Noe at ang mga hayop. Kaya inutusan ng Diyos si Noe na gumawa ng arka—isang napakalaki at parihabang sasakyang pantubig. Sa pamamagitan ng arkang ito, makaliligtas si Noe at ang kaniyang pamilya, pati na ang napakaraming hayop, sa darating na pangglobong baha. Sinunod ni Noe ang Diyos. Sa loob ng mga 40- o 50-taóng paggawa ng arka, si Noe ay naging “mangangaral ng katuwiran.” (2 Pedro 2:5) Nagbabala siya sa mga tao tungkol sa darating na Baha, pero hindi siya pinansin ng mga ito. Panahon na para pumasok sa arka sina Noe, pati na ang mga hayop. Pagkapasok nila, isinara ng Diyos ang pinto ng arka. Bumagsak ang ulan.
Bumuhos ang napakalakas na ulan sa loob ng 40 araw at 40 gabi hanggang sa lumubog sa tubig ang buong lupa. Namatay ang lahat ng masasama. Pagkalipas ng ilang buwan, unti-unting humupa ang baha at lumapag ang arka sa isang bundok. Isang buong taóng nasa loob ng arka sina Noe bago sila ligtas na nakalabas. Bilang pasasalamat, naghandog si Noe kay Jehova. Nangako naman si Jehova kay Noe at sa kaniyang pamilya na hindi na Niya gagamitin kailanman ang baha para puksain ang lahat ng nabubuhay sa ibabaw ng lupa. Pinalitaw ni Jehova ang bahaghari bilang garantiya, isang tanda na tutuparin niya ang nakaaaliw na pangakong iyon.
Pagkatapos ng Baha, nagbigay ang Diyos ng ilang bagong utos sa mga tao. Pinahintulutan na niya silang kumain ng karne ng hayop. Pero ipinagbawal niya ang pagkain ng dugo. Inutusan din niya ang mga inapo ni Noe na mangalat sa buong lupa, pero sumuway ang ilan sa kanila. Nagsama-sama ang mga tao sa ilalim ng pamumuno ni Nimrod at nagtayo ng isang napakalaking tore sa lunsod ng Babel, na nang maglaon ay tinawag na Babilonya. Ayaw nilang sundin ang utos ng Diyos na mangalat sa buong lupa. Pero hindi pinahintulutan ng Diyos ang mga rebelde sa gusto nilang mangyari. Kaya ginulo niya at pinag-iba-iba ang kanilang wika. Palibhasa’y hindi sila magkaintindihan, iniwan nila ang proyekto at nangalat sila.
—Batay sa Genesis kabanata 6 hanggang 11; Judas 14, 15.