KABANATA 12
“Hindi ba Iyon Isang Halimbawa ng Pagkilala sa Akin?”
1, 2. Bakit hindi makatuwirang magpatayo si Jehoiakim ng palasyo?
NAGPAPATAYO ng malaking bahay si Haring Jehoiakim. Dalawang palapag ito at malalaki ang kuwarto. Malalaki rin ang bintana para makapasok ang liwanag at sariwang hangin; magiging komportable ang hari at ang kaniyang pamilya. Didingdingan ito ng mabangong sedro mula sa Lebanon. Ang loob nito ay pipintahan ng matingkad na pulang bermilyon, na mula pa sa ibang lupain at gustung-gusto ng mayayaman at maharlika.—Jer. 22:13, 14.
2 Malaking gastos ang proyekto. Nasasaid na noon ang kaban ng bayan dahil sa gastusin sa depensa ng bansa at pagbubuwis sa Ehipto. (2 Hari 23:33-35) Pero may paraan si Jehoiakim para maitayo ang bago niyang palasyo. Pinagtrabaho niya ang kaniyang mga kababayan, pero hindi niya sila sinuwelduhan! Inalipin sila ni Jehoiakim; pawis at dugo nila ang pinuhunan niya sa kaniyang kapritso.
3. Ano ang pagkakaiba ni Jehoiakim at ng kaniyang ama, at bakit?
3 Sa pamamagitan ni Jeremias, hinatulan ng Diyos si Jehoiakim sa kaniyang kasakiman.a Ipinaalala ng Diyos sa hari na ang ama nitong si Haring Josias ay nagpakita ng pambihirang kabaitan at pagkabukas-palad sa mga manggagawa at mahihirap. Tinulungan pa nga ni Josias ang mga ito sa kanilang mga usapin sa korte. Matapos idiin ni Jehova ang kabaitan ni Josias, tinanong niya si Jehoiakim: “Hindi ba iyon isang halimbawa ng pagkilala sa akin?”—Basahin ang Jeremias 22:15, 16.
4. Bakit mahalagang makilala mo si Jehova?
4 Habang lumalalâ ang kalagayan sa sanlibutan ni Satanas, kailangan natin ang tulong at proteksiyong ibinibigay ni Jehova sa mga lubos na nakakakilala sa kaniya. Kaya dapat tayong maging mas malapít sa Diyos. Dapat ding makita sa atin ang mabubuting katangian niya para maging mabunga ang ating pangangaral ng mabuting balita. Pero baka maitanong mo, ‘Paano kaya makikilala ng isang Kristiyano si Jehova gaya ng pagkakilala ni Haring Josias?’
KUNG ANO ANG KAHULUGAN NG PAGKILALA KAY JEHOVA
5, 6. (a) Paano naiimpluwensiyahan ng isang mabuting ama ang kaniyang mga anak? (b) Di-tulad ni Jehoiakim, ano ang dapat na maging epekto sa atin ng pagkaalam sa mga daan ni Jehova?
5 Pansinin kung paano nakaiimpluwensiya ang isang mabuting ama sa kaniyang mga anak. Halimbawa, kapag nakikita nila siyang nagbibigay sa mga nangangailangan, malamang na gusto rin nilang maging bukas-palad. Kapag nakikita nila ang pagmamahal at pagrespeto ng kanilang ama sa kanilang ina, natututo rin silang rumespeto sa di-kasekso. Alam nilang tapat at hindi nandadaya ang kanilang ama pagdating sa pera, kaya gayon din sila. Oo, habang nakikita nila ang ugali at mga katangian ng kanilang ama, nauudyukan ang mga anak na tularan ang ginagawa ng kanilang ama.
6 Kaya ang isang Kristiyano na nakakakilala kay Jehova gaya ni Josias ay hindi lamang basta kumikilala sa Kaniya bilang Soberano ng Sansinukob. Dahil sa pagbabasa niya ng Bibliya, nakikita ng isang Kristiyano kung paano makitungo ang Diyos sa iba, kaya gusto niyang tularan ang kaniyang makalangit na Ama. Sa araw-araw, lalong tumitindi ang pag-ibig niya kay Jehova habang ginagawa niya ang gusto ng Diyos at iniiwasan ang ayaw Niya. Sa kabaligtaran, ang isa na nagbibingi-bingihan sa mga kautusan at paalaala ng tunay na Diyos ay tumatanggi sa Kaniyang patnubay at hindi nakakakilala sa Kaniya. Kagaya siya ni Jehoiakim; inihagis nito sa apoy ang balumbon na naglalaman ng mensahe ni Jehova.—Basahin ang Jeremias 36:21-24.
7. Bakit mo nanaising makilala si Jehova gaya ng ginawa ni Haring Josias?
7 Ang tagumpay ng ating sagradong paglilingkod at ang ating kinabukasan sa bagong sanlibutan ay nakasalalay sa lubusang pagkakilala kay Jehova. (Jer. 9:24) Tingnan natin ang ilan sa mga katangian ng Diyos na makikita sa mga isinulat ni Jeremias, at umisip ka ng mga paraan kung paano mo makikilala at matutularan ang Diyos gaya ng ginawa ni Haring Josias.
Bakit natin masasabing kilalang-kilala ni Josias si Jehova? Paano natin makikilala si Jehova gaya ng ginawa ni Josias?
“HANGGANG SA PANAHONG WALANG TAKDA ANG KANIYANG MAIBIGING-KABAITAN!”
8. Ano ang maibiging-kabaitan?
8 Ang katangian ng Diyos na maibiging-kabaitan, o matapat na pag-ibig, ay walang katumbas na eksaktong salita sa maraming wika. Ayon sa isang diksyunaryo sa Bibliya, ang salitang ito sa wikang Hebreo ay katumbas ng tatlong pinagsama-samang katangian—katatagan, katapatan, at pag-ibig. Idinagdag pa nito: “Anumang katuturan para sa salitang ito na hindi sumasaklaw sa tatlong katangiang ito ay hindi nagbibigay ng buong kahulugan nito.” Kaya ang nagpapakita ng maibiging-kabaitan ay hindi lang basta mabait. Dahil sa pagmamalasakit, ginagawa niya ang buong makakaya niya para maibigay ang pangangailangan ng iba, lalo na pagdating sa espirituwal. Hindi siya naghihintay ng kapalit; ginagawa niya ito upang mapaluguran ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat.
9. Ano ang ipinapakita ng pakikitungo ni Jehova sa mga Israelita?
9 Para talagang maunawaan ang buong kahulugan ng salitang “maibiging-kabaitan” sa Bibliya, kailangan nating pag-aralan ang pakikitungo ng Diyos sa kaniyang mga tunay na mananamba mula pa noon. Pinrotektahan at pinakain ni Jehova ang mga Israelita sa iláng sa loob ng 40 taon. Sa Lupang Pangako, naglaan ang Diyos ng mga hukom para iligtas sila mula sa mga kaaway at isauli sila sa tunay na pagsamba. Sa hirap at ginhawa, hindi sila iniwan ni Jehova sa loob ng daan-daang taon, kaya naman masasabi niya sa kanila: “Inibig [kita] ng pag-ibig na hanggang sa panahong walang takda. Kaya naman inilapit kita taglay ang maibiging-kabaitan.”—Jer. 31:3.b
10. Gaya ng makikita sa karanasan ng mga Judio sa Babilonya, bakit isang maibiging-kabaitan ni Jehova ang pakikinig niya sa mga panalangin?
10 Hanggang ngayon, tuwirang nakikinabang ang mga tunay na mananamba sa maibiging-kabaitan ng Diyos. Isang halimbawa ang panalangin. Pinakikinggan ni Jehova ang lahat ng taimtim na panalangin, pero binibigyan niya ng pantanging pansin ang panalangin ng kaniyang mga nakaalay na lingkod. Kahit na kaytagal na nating ipinapanalangin ang iyon at iyon ding problema, hindi siya nauubusan ng pasensiya sa atin; ni nagsasawa man siyang makinig. Minsan, nagpadala si Jehova ng mensahe kay Jeremias para sa isang grupo ng mga Judiong bihag sa Babilonya. Mga 800 kilometro ang layo nila sa templo, hiwalay sa pamilya at mga kaibigan sa Juda. Pero kahit malayo sila, pinakinggan ni Jehova ang kanilang pagsusumamo at pagpuri. Isipin ang kaaliwang nadama ng mga Judio nang marinig nila ang mga salita ng Diyos, gaya ng nakaulat sa Jeremias 29:10-12. (Basahin.) Makapagtitiwala kang pakikinggan din ng Diyos ang iyong taimtim na mga panalangin.
11, 12. (a) Ano ang pangako ni Jehova sa mamamayan ng Jerusalem? (b) Anong tulong ang maaasahan ng isa na kinailangang disiplinahin?
11 Makikita rin natin ang maibiging-kabaitan ni Jehova sa pagiging positibo niya. Noong malapit nang bumagsak ang Jerusalem, tuloy pa rin sa paghihimagsik ang mga mamamayan nito. Sa katunayan, paghihimagsik iyon sa Diyos. Ano ang naghihintay sa kanila? Alinman sa mamatay sila sa gutom o sa tabak ng mga Babilonyo. Pinakamagaan na kung maging tapon sila nang maraming taon at saka mamatay sa banyagang lupain. Pero may “mabuting salita” si Jehova para sa mga nagsisi at nagbagong-buhay. Nangako siya na ‘ibabaling niya ang kaniyang pansin’ sa kanila. Ibabalik niya sila sa “dakong ito,” sa kanilang lupain, mula sa malayong Babilonya. (Jer. 27:22) Magbubunyi sila na sinasabi: “Pumuri kayo kay Jehova ng mga hukbo, sapagkat si Jehova ay mabuti; sapagkat hanggang sa panahong walang takda ang kaniyang maibiging-kabaitan!”—Jer. 33:10, 11.
12 Dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan, si Jehova ay Bukal ng pampatibay para sa mga indibiduwal na ang akala’y wala na silang pag-asa. May ilan na nilapatan ng makatuwirang disiplina at hindi na miyembro ngayon ng kongregasyong Kristiyano. Baka nahihiya na silang bumalik sa organisasyon dahil sa matinding panunumbat ng budhi. Baka iniisip nilang hindi na sila mapapatawad at matatanggap ni Jehova. Ang Diyos na Makapangyarihan-sa-lahat ay may “mabuting salita” para sa kanila. Maaari silang tumanggap ng maibiging tulong para makagawa sila ng kinakailangang pagbabago. At ang mga nabasa natin sa sinundang parapo ay kapit din sa kanila—sila ay ‘isasauli ni Jehova sa kanilang dako,’ sa kaniyang maligayang bayan.—Jer. 31:18-20.
13. Bakit makapagpapatibay sa iyo ang pag-alalay ni Jehova kay Jeremias?
13 Bilang Diyos ng maibiging-kabaitan, tapat si Jehova sa mga tapat sa kaniya. Sa mga huling araw ng sanlibutan ni Satanas, makaaasa tayo sa tulong at proteksiyon ni Jehova para sa lahat ng umuuna sa kaniyang Kaharian. Tandaan na noong mga huling araw ng Jerusalem, kay Jehova umasa si Jeremias ng pagkain at proteksiyon. Hindi kailanman pinabayaan ng Diyos ang propeta. (Jer. 15:15; basahin ang Panaghoy 3:55-57.) Kapag waring pinagsakluban ka ng langit at lupa, tandaan na hindi nalilimutan ni Jehova ang katapatan mo sa kaniya. Dahil sa kaniyang maibiging-kabaitan, gusto niyang tulungan ka para ‘hindi ka malipol.’—Panag. 3:22.
Anong aspekto ng maibiging-kabaitan ni Jehova ang gustung-gusto mo? Bakit mo nasabi?
“BUHÁY SI JEHOVA . . . SA KATARUNGAN!”
14. Anong kawalang-katarungan ang nakikita mo ngayon?
14 May mga taong nabubulok sa bilangguan dahil sa krimen na hindi nila ginawa. May mga kaso pa nga na nahatulan ng kamatayan ang isa, at kung kailan nabitay, saka lamang lumutang ang ebidensiya na wala pala siyang kasalanan. May mga magulang sa ilang bansa na nasisikmurang ibenta ang kanilang anak para lang may makain ang pamilya. Ano ang nadarama mo kapag nababalitaan mo ang ganitong kawalang-katarungan? Ano sa tingin mo ang nadarama ni Jehova? Malinaw na sinasabi ng Bibliya na gusto ng Diyos na alisin ang lahat ng sanhi ng pagdurusa. Siya lamang ang makakagawa nito. Kaya hindi dapat mawalan ng pag-asa ang mga dukha at walang-sala. Si Jehova, ang Diyos ng katarungan, ay gumagawa ng mga hakbang para hanguin sila sa kanilang pagdurusa.—Jer. 23:5, 6.
15, 16. (a) Anong katotohanan tungkol kay Jehova ang idiniin ni Jeremias? (b) Bakit ka makapagtitiwala sa mga batas at pangako ni Jehova?
15 Hindi lingid sa ilang Israelita noon ang walang-kapantay na katarungan ng Diyos. Sa katunayan, sinabi ni Jeremias na kung sakaling magsisisi ang mga ito at magbabago, tiyak na sasabihin nila: “Buháy si Jehova sa katotohanan, sa katarungan at sa katuwiran!” (Jer. 4:1, 2) Totoo iyon dahil walang dako sa layunin ni Jehova ang kawalang-katarungan. Pero may iba pang katibayan na si Jehova ay maibigin sa katarungan.
16 Si Jehova ay may isang salita at hindi mapagpaimbabaw. Tinutupad niya ang kaniyang mga pangako, di-gaya ng mga tao na kapag nangako ay napapako. Ang mga batas ng kalikasan na itinatag niya ay hindi matitinag at para sa ating kapakanan. (Jer. 31:35, 36) Mapananaligan din ang kaniyang mga pangako at hudisyal na pasiya, dahil iyon ay laging mabuti.—Basahin ang Panaghoy 3:37, 38.
17. (a) Ano ang ginagawa ni Jehova bago humatol? (b) Bakit ka makapagtitiwala sa paghawak ng mga elder sa mga problema sa kongregasyon? (Tingnan ang kahong “Humahatol Sila Para kay Jehova,” sa pahina 148.)
17 Kapag humahatol, hindi mababaw ang basehan ni Jehova. Inaalam niya ang lahat ng detalye, pati ang motibo ng mga nasasangkot. Para makita ng mga doktor ngayon ang kondisyon ng puso ng isang pasyente, gumagamit sila ng makabagong mga aparato at teknik. Nasusuri din nila ang bato na sumasala sa dugo. Pero higit pa riyan ang kayang gawin ni Jehova. Sinusuri niya ang makasagisag na puso at inaalam ang motibo ng isang tao, gayundin ang makasagisag na bato para makita ang tunay na damdamin ng isa. Kaya talagang natutukoy ni Jehova kung bakit nagawa ng isang indibiduwal ang isang bagay at kung ano ang nadarama nito sa nagawa niya. At ang Makapangyarihan-sa-lahat ay hindi nalilito kahit napakarami pa niyang nakikitang detalye. Di-hamak na mas mahusay si Jehova kaysa sa pinakamatalinong hukom na tao dahil ginagamit Niya sa tama at timbang na paraan ang lahat ng detalyeng nakikita Niya, bilang basehan ng ihahatol niya sa atin.—Basahin ang Jeremias 12:1a; 20:12.
18, 19. Paano maaaring makaapekto sa atin ang pagkaunawa sa katarungan ng Diyos?
18 Kaya may matibay kang dahilan para magtiwala kay Jehova, kahit pa kung minsa’y sinusumbatan ka ng budhi mo dahil sa dating mong mga kasalanan. Tandaan na si Jehova ay hindi isang tagausig na idinidiin ang nasasakdal para maparusahan ito. Isa siyang mahabaging Hukom na gustong tumulong. Kung may dalahin ka pa rin sa dibdib dahil may nagawa kang mali o may problema ka sa isang indibiduwal, hilingin mo kay Jehova na tulungan ka sa iyong “mga pakikipaglaban,” o bigat ng kalooban, para malampasan mo na iyon.c Sa tulong ni Jehova, makikita mo kung gaano niya pinahahalagahan ang patuloy na paglilingkod mo sa kaniya.—Basahin ang Panaghoy 3:58, 59.
19 Gusto ni Jehova, ang Diyos ng sakdal na katarungan, na maging makatarungan din ang mga nagnanais ng pagsang-ayon niya, at makatuwiran naman iyon. (Jer. 7:5-7; 22:3) Mahalaga ang pangangaral nang walang pagtatangi para matularan natin ang katarungan ng Diyos. Kapag sineseryoso mo ang pagdalaw-muli at pagba-Bible study, nakikita sa iyo ang mataas na pamantayan ng Diyos sa katarungan, at nagiging kapaki-pakinabang ito. Bakit? Dahil gusto ng Diyos na makilala siya ng lahat ng uri ng tao at maligtas ang mga ito. (Panag. 3:25, 26) Isang pribilehiyo nga na maging kamanggagawa ng Diyos sa nagliligtas-buhay na gawaing iyan, na isang kapahayagan ng kaniyang katarungan!
Paano ka napapaginhawa ng katarungan ni Jehova? Paano mo mapapaginhawa ang iba sa pamamagitan ng pagtulad sa katarungan ng Diyos?
“HINDI AKO MANANATILING MAY HINANAKIT HANGGANG SA PANAHONG WALANG TAKDA”
20. (a) Ano ang itinampok ni Jeremias tungkol sa pakikitungo ng Diyos sa kaniyang bayan? (b) Sa anong diwa ‘nalulungkot’ si Jehova kapag nagpapatawad siya? (Tingnan ang kahong “Sa Anong Diwa ‘Nalulungkot’ si Jehova?”)
20 Para sa marami, ang Jeremias at Mga Panaghoy ay panay pagtuligsa sa kasamaan. Nababale-wala nila ang pag-aalok ni Jehova ng kapatawaran sa kaniyang bayan na mababasa sa mga aklat na ito. Hinimok ni Jehova ang mga Judio: “Tumalikod kayo, pakisuyo, bawat isa mula sa kaniyang masamang lakad, at pabutihin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga pakikitungo.” Nagpayo rin si Jeremias: “Pabutihin ninyo ang inyong mga lakad at ang inyong mga pakikitungo, at sundin ninyo ang tinig ni Jehova na inyong Diyos, at ikalulungkot ni Jehova ang kapahamakan na sinalita niya laban sa inyo.” (Jer. 18:11; 26:13) Pinapatawad pa rin ni Jehova ngayon ang lahat ng tunay na nagsisisi at tumatalikod sa kanilang kasalanan.
21. Ano ang hangad ni Jehova kapag nagpapatawad siya?
21 Pero hindi lang sa salita ang pagpapatawad ni Jehova. Talagang ginagawa niya ito. Inutusan niya si Jeremias na sabihin: “Manumbalik ka, O suwail na Israel . . . Hindi ko na ititingin sa inyo ang aking mukha nang may galit . . . Hindi ako mananatiling may hinanakit hanggang sa panahong walang takda.” (Jer. 3:12) Ang Diyos ay hindi nagtatanim ng galit o nagkikimkim ng sama ng loob sa sinumang pinatawad na niya. Magkasala man ang isa, gusto ni Jehova na manumbalik siya. Anuman ang kasalanan niya, kung talagang nagsisisi siya at humihingi ng tawad sa Diyos, ‘ibabalik siya’ ni Jehova sa Kaniyang lingap at pagpapala. (Jer. 15:19) Sinumang napawalay ay dapat mapakilos ng katiyakang ito na manumbalik sa tunay na Diyos. Hindi ba’t mas mapapalapít ka kay Jehova sa pagiging mapagpatawad niya?—Basahin ang Panaghoy 5:21.
22, 23. Sa pagtulad sa pagiging mapagpatawad ni Jehova, ano ang dapat mong maging tunguhin?
22 Kapag nasaktan ka ng iba dahil sa di-pinag-isipang salita o paggawi, tutularan mo ba si Jehova? Sinabi ni Jehova sa mga Judio noon na “dadalisayin” niya yaong mga pinatawad niya. (Basahin ang Jeremias 33:8.) Magagawa niyang dalisayin, o linisin, ang isa na nagsisisi, sa diwa na ibabaon na niya sa limot ang pagkakasala nito at bibigyan ito ng bagong simula sa paglilingkod. Hindi naman ibig sabihin na kapag pinatawad na ng Diyos ang isa ay nagiging sakdal na siya. Pero may matututuhan tayo sa sinabi ng Diyos tungkol sa pagdadalisay sa mga tao. Kung pagsisikapan, magagawa nating kalimutan ang kamalian, o kasalanan, ng iba. Sa paggawa nito, dinadalisay natin, wika nga, ang iniisip at nadarama natin sa taong iyon. Paano?
23 Ipagpalagay nang pinamanahan ka ng alahas. Kapag nawala ang kinang nito, basta mo na lang ba ito itatapon? Siguro hindi. Baka linisin mo itong mabuti para maalis ang anumang duming kumapit dito at maibalik ang dating kinang at ganda nito. Sa katulad na paraan, maaari mong pagsikapang alisin ang anumang pagkainis o sama ng loob sa isang kapatid na nakasakit sa iyo. Kalimutan mo na ang masasakit na sinabi o ginawa niya. Habang sinisikap mong gawin ito, nadadalisay mo ang iyong pangmalas at damdamin sa isa na pinatawad mo na. At sa sandaling maalis mo ang anumang negatibong saloobin mo sa kaniya, mabubuksan mo na ang iyong puso para tanggapin siyang muli at maibalik ang dati ninyong pagkakaibigan.
24, 25. Anong mga kapakinabangan ang makukuha mo kung kikilalanin mo si Jehova gaya ng ginawa ni Haring Josias?
24 Ilan lamang sa mga katangian at pakikitungo ni Jehova ang nasuri natin. Mas tumitindi ang pagnanais nating sambahin si Jehova sa tamang paraan habang lalo natin siyang nakikilala. Kung lubos nating makikilala si Jehova gaya ng ginawa ni Haring Josias, lalo tayong magiging maligaya—na isa ring katangian ng Diyos.
25 Ang mas malalim na pagkakilala kay Jehova ay tutulong sa atin na mapabuti pa ang ating kaugnayan sa iba. Habang sinisikap nating tularan ang maibiging-kabaitan, katarungan, at pagpapatawad ni Jehova, magiging mas malapít at matibay ang pakikipagkaibigan natin sa mga kapatid. At magiging mas epektibo tayo sa pagtuturo sa ating mga dinadalaw-muli at bina-Bible study. Mas mapapakilos sila na iayon ang kanilang buhay sa pamantayang Kristiyano na nakikita nila sa atin. Kaya mas matutulungan natin silang sambahin si Jehova sa tamang paraan at tahakin ang “mabuting daan.”—Jer. 6:16.
Anong mensahe ang itinatawid sa iyo ng Panaghoy 5:21?
a Tungkol sa kalunus-lunos na kamatayan ni Jehoiakim, tingnan ang Kabanata 4, parapo 12 ng aklat na ito.
b Ganito ang salin sa Magandang Balita Biblia: “Sa simula pa’y inibig ko na sila at patuloy kong ipinagmamalasakit.”
c Kung ang isang kapatid ay may nagawang labag sa batas ng Diyos, dapat itong ipagtapat sa mga elder sa kongregasyon para makagawa sila ng angkop na hakbang at makapagbigay ng maka-Kasulatang tulong.—Sant. 5:13-15.