KABANATA 14
Makikinabang Ka sa Bagong Tipan
1. Anong atas na may dalawang bahagi ang ginampanan ni Jeremias?
BINIGYAN ni Jehova si Jeremias ng atas na may dalawang bahagi. Ang una ay “bumunot at magbagsak at magwasak at maggiba.” Ang ikalawa ay “magtayo at magtanim.” Sa una, inilantad ng propeta ang kasamaan ng mapagmalaking mga Judio at inihayag ang hatol ng Diyos sa kanila pati na sa Babilonya. Pero may kasamang pag-asa ang mga hula ni Jeremias. Ayon sa layunin ng Diyos, may itatayo at may itatanim. Halimbawa, inihayag ni Jeremias ang pagsasauli sa mga Judio sa kanilang lupain, bilang ikalawang bahagi ng kaniyang atas.—Jer. 1:10; 30:17, 18.
2. Bakit naglapat ng hatol si Jehova sa kaniyang bayan, at sa anong antas?
2 Ang hula tungkol sa pagsasauli ay hindi nangangahulugang kunsintidor si Jehova o na ikokompromiso Niya ang Kaniyang pamantayan ng katarungan. Lalapatan niya ng hatol ang suwail na mga Judio. (Basahin ang Jeremias 16:17, 18.) Noong panahon ni Jeremias, iilan lang sa Jerusalem ang “nagsasagawa ng katarungan” o “humahanap ng katapatan.” Ubós na ang pasensiya ni Jehova, sinabi niya: “Nagsawa na ako sa panghihinayang.” (Jer. 5:1; 15:6, 7) “Bumalik [ang mga Judio] sa mga kamalian ng kanilang mga ninuno, ang mga nauna, na tumangging sumunod” sa salita ni Jehova. Bukod diyan, ginalit nila ang Diyos dahil nagtaksil sila at sumamba sa mga diyus-diyosan. (Jer. 11:10; 34:18) Itutuwid ni Jehova ang kaniyang bayan; parurusahan niya sila “sa wastong antas.” Dahil dito, may ilan na matatauhan at manunumbalik sa kaniya.—Jer. 30:11; 46:28.
3. Bakit dapat kang maging interesado sa bagong tipan?
3 Ginamit ni Jehova si Jeremias para maghayag ng isang bagay na may mas malawak at pangmatagalang kapakinabangan—isang bagong tipan. Marami tayong dahilan para magtuon ng pansin sa positibong bahaging ito ng mensahe ni Jeremias: ang bagong tipan. Papalit ito sa tipang ginawa ng Diyos sa Israel matapos silang umalis sa Ehipto, kung saan si Moises ang tagapamagitan. (Basahin ang Jeremias 31:31, 32.) Nang pasimulan ni Jesu-Kristo ang Hapunan ng Panginoon, binanggit niya ang tungkol sa bagong tipan, kaya talagang dapat tayong maging interesado rito. (Luc. 22:20) Binanggit din ito ni apostol Pablo nang sumulat siya sa mga Hebreo. Sinipi niya ang hula ni Jeremias at idiniin ang kahalagahan ng bagong tipan. (Heb. 8:7-9) Pero ano ba talaga ang bagong tipan? Bakit ito kailangan? Sino ang kabilang dito, at paano ka makikinabang? Tingnan natin.
BAKIT KAILANGAN ANG BAGONG TIPAN?
4. Ano ang naisakatuparan ng tipang Kautusan?
4 Para maunawaan ang bagong tipan, kailangan muna nating maintindihan ang layunin ng pinalitan nito, ang tipang Kautusan. Maraming isasakatuparan iyon para sa bansang naghihintay sa ipinangakong Binhi, na siyang magiging instrumento para pagpalain ang marami. (Gen. 22:17, 18) Nang tanggapin ng mga Israelita ang tipang Kautusan, sila ay naging “pantanging pag-aari” ng Diyos. Sa ilalim ng tipang iyan, sa tribo ni Levi magmumula ang mga saserdote para sa bansa. Nang makipagtipan si Jehova sa bansang Israel sa Bundok Sinai, sinabi niya na sila ay magiging “isang kaharian ng mga saserdote [at] isang banal na bansa.” Pero hindi niya sinabi kung kailan at kung paano ito mangyayari. (Ex. 19:5-8) Samantala, dahil sa tipang iyan naging malinaw na hindi kayang sundin ng mga Israelita ang lahat ng utos sa Kautusan. Naging hayag ang kanilang mga kasalanan. Kaya sa ilalim ng Kautusan, ang mga Israelita ay regular na naghahandog para matakpan ang kanilang mga kasalanan. Pero malinaw na higit pa ang kailangan—isang sakdal na hain na hindi na kailangang ulit-ulitin. Oo, kailangan talaga ng walang-hanggang kapatawaran ng kasalanan.—Gal. 3:19-22.
5. Bakit inihula ng Diyos ang bagong tipan?
5 Kaya makikita natin na kahit may bisa pa ang tipang Kautusan, kinasihan na si Jeremias na ihula ang tungkol sa isa pang tipan, ang bagong tipan. Dahil sa pag-ibig at kabaitan ni Jehova, nais niyang maglaan ng permanenteng tulong hindi lamang para sa isang bansa. Sinabi ng Diyos tungkol sa mga kabilang sa tipang ito sa hinaharap: “Patatawarin ko ang kanilang kamalian, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.” (Jer. 31:34) Bagaman noong panahon ni Jeremias inihayag ang pangakong iyan, ang makikinabang sa pag-asang ito ay ang buong sangkatauhan. Paano?
6, 7. (a) Ano ang nadarama ng ilan sa pagiging makasalanan nila? (b) Bakit ka mapapatibay kung pag-aaralan mo ang bagong tipan?
6 Hindi pa rin tayo sakdal at nagigising tayo sa katotohanang iyan kapag nakakagawa tayo ng kasalanan. Iyan ang naranasan ng isang brother na nakikipagpunyagi sa isang kahinaan. Sinabi niya: “Nang madaig uli ako ng kahinaan ko, lumung-lumo ako. Pakiramdam ko parang hindi na ako makakabangon pa. Nahihirapan akong manalangin. Minsan sasabihin ko, ‘Diyos na Jehova, hindi ko po alam kung pakikinggan ninyo ang panalangin ko, pero . . . ’” Pakiramdam ng ilang nagkasala o muling nadaig ng kahinaan ay nahaharangan ng ‘ulap’ ang panalangin nila. (Panag. 3:44) Ang ilan ay waring binabangungot pa rin ng alaala ng nagawa nilang kasalanan kahit maraming taon na ang nakalipas. Maging ang mga huwarang Kristiyano ay nakapagbibitiw ng mga salitang pinagsisisihan nila.—Sant. 3:5-10.
7 Walang sinuman sa atin ang makapagsasabing hindi tayo magkakasala. (1 Cor. 10:12) Kahit si Pablo ay umaming nagkakasala siya. (Basahin ang Roma 7:21-25.) Kung gayon, dapat nating isipin ang bagong tipan. Nangako ang Diyos, salig sa bagong tipan, na hindi na niya aalalahanin pa ang mga kasalanan. Walang kapantay na pagpapala nga! Tiyak na naantig si Jeremias nang ihula niya iyan. At ganiyan din tayo habang nadaragdagan ang alam natin tungkol sa bagong tipan at sa pakinabang na idudulot nito.
Bakit gumawa ang Diyos ng isang bagong tipan?
ANO ANG BAGONG TIPAN?
8, 9. Ano ang isinakripisyo ni Jehova para maging posible ang kapatawaran ng kasalanan?
8 Habang higit mong nakikilala si Jehova, lalo mong makikita ang kaniyang kabaitan at awa sa mga taong di-sakdal. (Awit 103:13, 14) Nang ihula ang bagong tipan, idiniin ni Jeremias na ‘patatawarin ni Jehova ang kanilang kamalian’ at hindi na ito aalalahanin pa. (Jer. 31:34) Nakikini-kinita mo siguro si Jeremias na nagtataka kung paano isasagawa ng Diyos ang gayong kapatawaran. Pero ang naintindihan niya tungkol sa bagong tipan ay gagawa ang Diyos ng kasunduan, o kontrata, sa pagitan Niya at ng mga tao. Sa paanuman, gagamitin ni Jehova ang tipang iyan para isakatuparan ang ipinasulat niya kay Jeremias, kasama na ang pagpapatawad. Sa takdang panahon pa sasabihin ng Diyos ang iba pang detalye tungkol sa layunin niya, pati ang tungkol sa gagawin ng Mesiyas.
9 May alam ka sigurong mga magulang na pinapalaking spoiled ang mga anak nila. Sa tingin mo ba, ganoon si Jehova? Aba hindi! Isaalang-alang kung paano ipinatupad ang bagong tipan. Sa halip na basta kanselahin ang kasalanan, buong-katapatang sinunod ng Diyos ang sarili niyang pamantayan ng katarungan sa pamamagitan ng paglalaan ng legal na basehan para magpatawad—kahit mangahulugan pa ito ng napakalaking sakripisyo sa kaniya. Para maunawaan mo ito, tingnan natin ang isinulat ni Pablo. (Basahin ang Hebreo 9:15, 22, 28.) Binanggit ni Pablo ang ‘pagpapalaya sa pamamagitan ng pantubos’ at sinabing “malibang magbuhos ng dugo ay walang kapatawarang magaganap.” Pero hindi ito paghahain ng dugo ng mga toro at kambing gaya noon. Ang bagong tipan ay salig sa dugo ni Jesus. Dahil sa sakdal na haing iyan, ang ‘kamalian at kasalanan’ ay permanenteng mapapatawad ni Jehova. (Gawa 2:38; 3:19) Pero sino ang kabilang sa tipang ito na tatanggap ng kapatawaran? Hindi ang bansang Judio. Sinabi ni Jesus na itatakwil ng Diyos ang mga Judio—ang mga naghandog ng hayop sa ilalim ng Kautusan. Babaling Siya sa ibang bansa. (Mat. 21:43; Gawa 3:13-15) Iyon ay ang “Israel ng Diyos,” na binubuo ng mga Kristiyanong pinahiran ng banal na espiritu. Sa madaling salita, ang tipang Kautusan ay sa pagitan ni Jehova at ng likas na Israel, samantalang ang bagong tipan ay sa pagitan ni Jehova at ng espirituwal na Israel, at si Jesus ang Tagapamagitan.—Gal. 6:16; Roma 9:6.
10. (a) Sino ang “sibol” para kay David? (b) Paano makikinabang sa “sibol” ang mga tao?
10 Inilarawan ni Jeremias ang ipinangakong Isa, ang Mesiyas, bilang “sibol” para kay David. Angkop naman iyon. Noong propeta si Jeremias, naputol na parang punungkahoy ang pamamahala ng angkan ni David. Pero buháy pa ang tuod nito. Nang maglaon, isinilang si Jesus, inapo ni Haring David. Tinawag siyang “Si Jehova ang Ating Katuwiran,” na katibayang mahalaga sa Diyos ang katuwiran. (Basahin ang Jeremias 23:5, 6.) Pumayag si Jehova na magdusa at mamatay dito sa lupa ang kaniyang bugtong na Anak. At kaayon ng katarungan, ang halaga ng haing pantubos ng “sibol” ay gagamitin ngayon ng Diyos bilang saligan ng pagpapatawad. (Jer. 33:15) Naging daan ito upang ang ilang tao ay maipahayag na “matuwid para sa buhay,” mapahiran ng banal na espiritu, at mapabilang sa bagong tipan. Pero may iba pang makikinabang sa bagong tipan kahit hindi sila tuwirang kabilang dito, gaya ng makikita natin.—Roma 5:18.
11. (a) Saan nakasulat ang kautusan ng bagong tipan? (b) Bakit interesado sa kautusan ng bagong tipan ang “ibang mga tupa”?
11 Gusto mo bang malaman ang iba pang katangian ng bagong tipan? Isa sa malaking pinagkaiba nito sa Kautusang Mosaiko ay kung saan ito isinulat. (Basahin ang Jeremias 31:33.) Ang Sampung Utos ng tipang Kautusan ay nakasulat sa mga tapyas na bato, na wala na ngayon. Samantala, inihula ni Jeremias na ang kautusan ng bagong tipan ay isusulat sa puso ng mga tao, at mamamalagi ito. Ang mga kabilang sa bagong tipan, ang pinahirang mga Kristiyano, ay talagang nagpapahalaga sa kautusang ito. Kumusta naman ang mga hindi kabilang sa bagong tipan, ang “ibang mga tupa,” na umaasang mabuhay sa lupa magpakailanman? (Juan 10:16) Nagpapahalaga rin sila sa kautusan ng Diyos. Sa diwa, maitutulad sila sa mga naninirahang dayuhan sa Israel na tumanggap at nakinabang sa Kautusang Mosaiko.—Lev. 24:22; Bil. 15:15.
12, 13. (a) Ano ang kautusan ng bagong tipan? (b) Sa ilalim ng “kautusan ng Kristo,” bakit hindi mo madaramang sapilitan kang pinaglilingkod sa Diyos?
12 Ano ang isasagot mo sa tanong na, ‘Ano ang kautusan na nakasulat sa puso ng mga pinahirang Kristiyano?’ Ito ang kautusan na tinatawag ding “kautusan ng Kristo.” Una itong ibinigay sa espirituwal na mga Israelita, mga kabilang sa bagong tipan. (Gal. 6:2; Roma 2:28, 29) Maibubuod ang “kautusan ng Kristo” sa isang salita: pag-ibig. (Mat. 22:36-39) Paano naisusulat sa puso ng mga pinahiran ang kautusang ito? Pangunahin na, sa pamamagitan ng pag-aaral nila ng Salita ng Diyos at pananalangin kay Jehova. Sa katunayan, ang mga aspektong ito ng tunay na pagsamba ay dapat na bahagi ng araw-araw na buhay ng lahat ng tunay na Kristiyano, maging ng mga hindi kabilang sa bagong tipan na gustong makinabang dito.
13 Ang “kautusan ng Kristo” ay tinukoy bilang “sakdal na kautusan na nauukol sa kalayaan” at “kautusan ng isang malayang bayan.” (Sant. 1:25; 2:12) Marami ang ipinanganak sa ilalim ng Kautusang Mosaiko, pero walang ipinanganak sa ilalim ng bagong tipan o ng kautusan ng Kristo. Ang mga masunurin sa kautusan ng Kristo ay hindi sapilitang pinaglilingkod sa Diyos. Nalulugod silang malaman na puwedeng maisulat sa kanilang puso ang kautusan ng Diyos at may walang-hanggang kapakinabangan ang mga tao sa tipan na inihula ni Jeremias.
Sa ilalim ng bagong tipan, paano ginawang posible ng Diyos ang kapatawaran? Paano mo malalaman ang tungkol sa kautusan na nakasulat sa mga puso?
ANG MGA MAKIKINABANG SA BAGONG TIPAN
14. Sino talaga ang mga makikinabang sa bagong tipan?
14 Iniisip ng ilan na ang 144,000 lamang ang makikinabang sa bagong tipan. Siguro naiisip nila iyon dahil ang mga pinahiran lang ang nakikibahagi sa emblema sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo, kung saan inilalarawan ng alak ang “dugo ng tipan.” (Mar. 14:24) Pero tandaan na ang mga kabilang sa bagong tipan ay makakasama ni Jesus bilang “binhi” ni Abraham, na sa pamamagitan niya ay pagpapalain ang lahat ng bansa. (Gal. 3:8, 9, 29; Gen. 12:3) Sa paanuman, gagamitin ni Jehova ang bagong tipan para tuparin ang pangakong iyan.
15. Ano ang inihulang gagampanan ng mga pinahiran?
15 Si Jesu-Kristo, na pangunahing bahagi ng binhi ni Abraham, ang Mataas na Saserdote. Inilaan niya ang sakdal na hain para sa kapatawaran ng kasalanan. (Basahin ang Hebreo 2:17, 18.) Pero inihula noon ng Diyos na magkakaroon ng “isang kaharian ng mga saserdote [at] isang banal na bansa.” (Ex. 19:6) Sa likas na Israel, ang mga saserdote at ang mga hari ay nagmumula sa magkaibang tribo. Kaya paano magkakaroon ng isang bansa ng mga haring-saserdote? Ang unang liham ni apostol Pedro ay para sa mga pinabanal ng espiritu. (1 Ped. 1:1, 2) Tinukoy niya sila bilang “isang maharlikang pagkasaserdote, isang banal na bansa, isang bayang ukol sa pantanging pag-aari.” (1 Ped. 2:9) Kaya ang mga pinahirang Kristiyano na kasama sa bagong tipan ay maglilingkod bilang mga katulong na saserdote. Isipin mo ang ibig sabihin niyan! Araw-araw tayong nakikipagpunyagi sa kasalanan, na hanggang ngayo’y “namamahala bilang hari.” Nararanasan din iyan ng magiging mga katulong na saserdote. (Roma 5:21) Alam nila kung ano ang pakiramdam ng isang nagkakasala at sinusumbatan ng budhi. Kaya kasama ni Kristo, madadamayan nila tayo habang nakikipagbuno tayo sa ating makasalanang hilig.
16. Paano mapapatibay ang “malaking pulutong” sa sinasabi ng Apocalipsis 7:9, 14?
16 Ayon sa Apocalipsis 7:9, 14, ang “malaking pulutong” ay “nadaramtan ng mahahabang damit na puti,” na lumalarawan sa kanilang malinis na katayuan sa harap ng Diyos. Para mapabilang sa makaliligtas sa “malaking kapighatian,” inihahanda na ngayon ang malaking pulutong. Kaya ngayon pa lang, mayroon na silang matuwid na katayuan sa harap ng Diyos. Ipinapahayag silang matuwid bilang mga kaibigan ni Jehova. (Roma 4:2, 3; Sant. 2:23) Kaylaking pagpapala nga! Kung bahagi ka ng malaking pulutong, makakatiyak kang tutulungan ka ng Diyos na manatiling malinis sa kaniyang paningin.
17. Sa anong diwa hindi na “aalalahanin pa” ni Jehova ang mga kasalanan?
17 Ano ang nangyayari sa kasalanan ng mga sinasang-ayunan ng Diyos? Gaya ng binanggit na, sa pamamagitan ni Jeremias ay sinabi ng Diyos: “Patatawarin ko ang kanilang kamalian, at ang kanilang kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.” (Jer. 31:34) Salig sa hain ni Jesus, pinapatawad ng Diyos ang mga pinahiran. At salig din sa “dugo ng tipan” na iyan, pinapatawad ng Diyos ang mga kasalanan ng malaking pulutong. Nang sabihin ni Jeremias na hindi na “aalalahanin” ng Diyos ang mga kasalanan, hindi naman ibig sabihin ay parang magkakaroon ng amnesia si Jehova at basta na lang makakalimutan ang mga kasalanan. Sa halip, ipinapakita nito na kapag dinisiplina at pinatawad na ni Jehova ang isang nagsisising makasalanan, inihahagis na ng Diyos sa likuran Niya ang kasalanang iyon. Halimbawa, isipin ang nagawa ni Haring David may kinalaman kay Bat-sheba at Uria. Dinisiplina si David at naranasan niya ang epekto ng kaniyang mga kasalanan. (2 Sam. 11:4, 15, 27; 12:9-14; Isa. 38:17) Pero hindi naman habambuhay na pinagbayad ng Diyos si David sa mga kasalanan nito. (Basahin ang 2 Cronica 7:17, 18.) Sa ilalim ng bagong tipan, kapag pinatawad na ni Jehova salig sa hain ni Jesus ang mga kasalanan, kinakalimutan na niya ang mga iyon.—Ezek. 18:21, 22.
18, 19. Anong aral tungkol sa pagpapatawad ang itinuturo ng bagong tipan?
18 Kaya batay sa bagong tipan, nakita natin ang napakagandang pakikitungo ni Jehova sa makasalanang mga tao, kapuwa sa mga pinahiran na kabilang sa tipan, at sa mga may makalupang pag-asa. Makakaasa ka na minsang pinatawad ni Jehova ang iyong mga kasalanan, hindi na niya iyon aalalahanin pa. May matututuhan tayo sa pangakong ito ng Diyos. Tanungin ang sarili, ‘Inuungkat ko pa ba ang kasalanan sa akin ng iba na sinabi kong pinatawad ko na, o tinutularan ko si Jehova?’ (Mat. 6:14, 15) Kapit ito sa maliliit at malalaking pagkakasala, gaya ng pangangalunya. Kapag pinatawad na ng pinagkasalahan ang nagsisising nangalunya, hindi ba tama lang na ‘huwag nang alalahanin pa ang kasalanan’ na iyon? Ang totoo, hindi madaling ihagis sa likod natin ang kasalanang ginawa sa atin, pero pagtulad ito kay Jehova.a
19 Kapit din ang aral na ito sa mga natiwalag na nagsisi at nakabalik. Paano kung ang taong iyon ay may nagawa sa iyo o siniraan ka niya? Ngayon ay tinanggap na siyang muli sa kongregasyon. Ano kaya ang maiisip at madarama natin sa sinasabi ng Jeremias 31:34? Patatawarin ba natin siya at hindi na babanggitin pa ang kasalanan niya? (2 Cor. 2:6-8) Isang bagay iyan na dapat ikapit sa araw-araw ng lahat ng nagpapahalaga sa bagong tipan.
Paano mo maikakapit ang aral tungkol sa pagpapatawad na itinuturo ng bagong tipan?
MGA PAGPAPALA NG BAGONG TIPAN—NGAYON AT SA HINAHARAP
20. Paano naiiba ang saloobin mo sa marami noong panahon ni Jeremias?
20 Noong panahon ni Jeremias, maraming Judio ang sa diwa ay nagsasabi, “Si Jehova ay hindi gagawa ng mabuti, at hindi siya gagawa ng masama.” (Zef. 1:12) Bagaman may alam sila tungkol kay Jehova, inakala nilang wala siyang gagawin; na walang problema sa Diyos kung ano man ang gusto nilang gawin sa buhay nila. Pero ikaw ay naniniwalang nakikita ng Diyos ang lahat ng bagay. May takot ka sa kaniya at talagang iniiwasan mong gumawa ng masama. (Jer. 16:17) At alam mo rin na si Jehova ay isang napakabait na Ama. Nakikita niya ang mabubuting nagagawa natin, hindi man ito nakikita ng iba.—2 Cro. 16:9.
21, 22. Bakit hindi ka na kailangang sabihan: ‘Kilalanin mo si Jehova’?
21 May isa pang katangian ang bagong tipan. Sinabi ni Jehova: “Ilalagay ko sa loob nila ang aking kautusan, at sa kanilang puso ay isusulat ko iyon. At ako ang magiging kanilang Diyos, . . . At hindi na sila magtuturo pa, bawat isa ay sa kaniyang kasama at bawat isa ay sa kaniyang kapatid, na sinasabi, ‘Kilalanin ninyo si Jehova!’ sapagkat silang lahat ay makakakilala sa akin.” (Jer. 31:33, 34) Pinatunayan ng mga nalalabing pinahiran na ang kautusan ng Diyos ay nasa puso nila. Mahal nila ang katotohanan mula sa Diyos, at hindi sila nananalig sa mga turo ng tao. Nagagalak silang ibahagi sa malaking pulutong ang mga kaalaman mula sa Bibliya. Kaya ang mga may makalupang pag-asang ito ay natutong kumilala at umibig kay Jehova. Sumusunod sila sa patnubay niya at nagtitiwala sa kaniyang mga pangako. Marahil isa ka sa kanila. Kilala mo si Jehova bilang isang Persona at may personal na kaugnayan ka sa kaniya. Anong laking kapakinabangan nga!
22 Paano mo pinatitibay ang kaugnayan mo kay Jehova? Siguradong may natatandaan kang pagkakataon na nadama mong sinagot niya ang mga panalangin mo. Dahil doon, lalong lumalalim ang pagpapahalaga mo sa mga katangian ng Diyos. Naramdaman mo siguro ang tulong niya nang may maalala kang teksto na tamang-tama sa iyong problema. Pahalagahan ang gayong mga karanasan. Habang pinag-aaralan mo ang Bibliya, madaragdagan ang kaalaman mo tungkol sa kaniya—isang tuluy-tuloy na pakinabang.
23. Paano makakatulong ang pagkakilala kay Jehova upang makalaya ka sa panunumbat ng budhi?
23 Pero may isa pang pagpapalang dulot ang bagong tipan. Nakakalaya tayo sa patuloy na panunumbat ng budhi dahil alam nating nagpapatawad si Jehova salig sa tipang iyan. Halimbawa, ang ilan na nagpalaglag bago malaman ang pamantayan ng Diyos ay maaaring nababagabag at nanlulumo dahil pinatay nila ang nasa sinapupunan nila. Nadarama din iyan ng iba na sumabak sa digmaan at nakapatay. Ang haing pantubos ni Jesus—na mahalaga sa bagong tipan—ay naglalaan ng kapatawaran sa mga tunay na nagsisisi. Kung gayon, hindi ba dapat na maging kumbinsido tayo na kapag nagpatawad si Jehova, tapos na iyon, sarado na, wika nga? Dapat na nating ibaon sa limot ang kasalanang lubos nang pinatawad ni Jehova.
24. Bakit ka mapapatibay ng ulat sa Jeremias 31:20?
24 Kitang-kita natin ang pagiging mapagpatawad ng Diyos sa Jeremias 31:20. (Basahin.) Mga ilang dekada bago ang panahon ni Jeremias, ang sampung-tribong hilagang kaharian ng Israel (kinakatawanan ng Efraim, ang prominenteng tribo) ay pinarusahan ng Diyos dahil sa idolatriya. Naging tapon sila. Pero mahal pa rin ng Diyos ang bayan niya at pinagmalasakitan sila. Itinuring pa rin niya silang “isang batang kinagigiliwan.” Kapag naiisip niya sila, ang kaniyang mga bituka ay “nagkakaingay,” ibig sabihin, nababagbag ang kalooban niya. Maiuugnay natin ang ulat na ito sa bagong tipan at ipinapakita nito kung gaano kalaki ang pag-ibig ni Jehova sa mga nagsisisi sa kanilang kasalanan.
25. Bakit dapat kang magpasalamat kay Jehova dahil sa bagong tipan?
25 Ang pangako ni Jehova na papawiin niya ang kasalanan salig sa bagong tipan ay lubusang matutupad sa pagtatapos ng Milenyong Paghahari ni Kristo. Sa panahong iyon, kasama ng 144,000 katulong na saserdote, naisauli na ni Jesu-Kristo ang tapat na mga tao sa kasakdalan. Pagkatapos ng huling pagsubok, ang sangkatauhan ay magiging ganap na miyembro ng pansansinukob na pamilya ni Jehova. (Basahin ang Roma 8:19-22.) Ang sangkatauhan na nilalang ng Diyos, na daan-daang taon nang alipin ng kasalanan, ay magtatamo ng “maluwalhating kalayaan ng mga anak ng Diyos”—kalayaan mula sa kasalanan at kamatayan. Kaya umasa ka na makikinabang ka nang sagana sa pamamagitan ng bagong tipan, na maibiging kaayusan ng Diyos. Makikinabang ka ngayon at magpakailanman sa pamamagitan ng “sibol” para kay David at mararanasan mo ang “katuwiran sa lupain.”—Jer. 33:15.
Paano ka makikinabang sa bagong tipan ngayon at sa hinaharap?
a Inilalarawan ng pakikitungo ni Oseas kay Gomer ang pagiging mapagpatawad ng Diyos. Tingnan ang komento hinggil sa Oseas 2:14-16 sa aklat na Mamuhay na Isinasaisip ang Araw ni Jehova, pahina 128-130.