ARALIN 17
Paano Kami Tinutulungan ng mga Tagapangasiwa ng Sirkito?
Madalas banggitin sa Kristiyanong Griegong Kasulatan sina Bernabe at apostol Pablo. Bilang mga naglalakbay na tagapangasiwa, dumadalaw sila noon sa mga kongregasyon. Bakit? Iniisip nila ang kapakanan ng kanilang mga kapatid sa espirituwal. Sinabi ni Pablo na gusto niyang “balikan . . . at dalawin ang mga kapatid” para kumustahin sila. Handa siyang maglakbay nang daan-daang kilometro para patibayin sila. (Gawa 15:36) Ganiyan din ang mga naglalakbay na tagapangasiwa sa ngayon.
Pinapatibay nila kami. Ang mga tagapangasiwa ng sirkito ay dalawang beses na dumadalaw sa mga 20 kongregasyon taon-taon. Gumugugol sila ng isang linggo sa bawat pagdalaw. Nakikinabang kami nang husto sa karanasan ng mga kapatid na ito at ng kanilang asawa, kung mayroon man. Sinisikap nilang kilalanin ang lahat—bata’t matanda—at sabik silang sumama sa aming pangangaral at pagtuturo ng Bibliya. Nagpapastol din sila kasama ng mga elder. Pinalalakas nila kami sa pamamagitan ng nakapagpapatibay na mga pahayag sa mga pulong at asamblea.—Gawa 15:35.
Nagpapakita sila ng interes sa lahat. Interesadong-interesado ang mga tagapangasiwa ng sirkito sa espirituwalidad ng mga kongregasyon. Nakikipagpulong sila sa mga elder at ministeryal na lingkod para tingnan ang pagsulong ng kongregasyon at magbigay ng praktikal na payo tungkol sa atas ng mga ito. Tinutulungan nila ang mga payunir na maging matagumpay sa ministeryo, at natutuwa silang makilala ang mga baguhan at marinig ang pagsulong ng mga ito. Ibinibigay nila ang kanilang sarili bilang mga “kamanggagawa para sa kapakanan [natin].” (2 Corinto 8:23) Dapat nating tularan ang kanilang pananampalataya at debosyon sa Diyos.—Hebreo 13:7.
Bakit dumadalaw sa mga kongregasyon ang mga tagapangasiwa ng sirkito?
Paano ka makikinabang sa kanilang pagdalaw?