ARALIN 18
Paano Kami Tumutulong sa mga Kapatid Naming Nangangailangan?
Kapag may sakuna, kaming mga Saksi ni Jehova ay agad na tumutulong sa mga kapatid namin na naapektuhan. Ipinapakita nito na talagang mahal namin ang isa’t isa. (Juan 13:34, 5; 1 Juan 3:17, 18) Paano kami tumutulong?
Nagbibigay kami ng donasyon. Noong magkaroon ng malaking taggutom sa Judea, ang mga Kristiyano sa Antioquia ay nagpadala ng pinansiyal na tulong sa kanilang mga kapatid sa espirituwal. (Gawa 11:27-30) Sa ngayon, kapag nababalitaan naming mayroon kaming mga kapatid sa ibang lugar na apektado ng sakuna, ang mga kongregasyon ay nagpapadala ng donasyon para makatulong sa kanila.—2 Corinto 8:13-15.
Nagbibigay kami ng praktikal na tulong. Inaalam ng mga elder na nasa mga lugar na apektado ng sakuna ang kalagayan ng bawat miyembro ng kanilang kongregasyon. May mga relief committee na nagsasaayos ng paglalaan ng pagkain, malinis na tubig, damit, tuluyan, at mga gamot. Maraming may-kasanayang Saksi ang nagboboluntaryo sa relief work o sa pagkukumpuni ng nasirang mga bahay at Kingdom Hall. Dahil sa pagkakaisa namin at sa madalas na paggawa nang magkakasama, nakakakilos kami agad kapag may sakuna. Hindi lang ang ‘mga kapananampalataya namin’ ang tinutulungan namin. Tumutulong din kami sa iba, anuman ang relihiyon nila.—Galacia 6:10.
Naglalaan kami ng espirituwal at emosyonal na tulong. Ang mga biktima ng sakuna ang lalo nang nangangailangan ng kaaliwan. Sa gayong mga pagkakataon, nakakakuha kami ng lakas kay Jehova, “ang Diyos na nagbibigay ng kaaliwan.” (2 Corinto 1:3, 4) Ibinabahagi namin sa mga napipighati ang kaaliwan mula sa Bibliya, gaya ng pangakong malapit nang alisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng trahedya na nagdudulot ng kirot at pagdurusa.—Apocalipsis 21:4.
Bakit nakatutulong agad ang mga Saksi kapag may mga sakuna?
Anong kaaliwan mula sa Bibliya ang ibinabahagi namin sa mga biktima ng sakuna?