KABANATA 14
Nagsimulang Gumawa ng mga Alagad si Jesus
SUMAMA KAY JESUS ANG UNANG MGA ALAGAD NIYA
Matapos manatili nang 40 araw sa ilang at bago bumalik sa Galilea, pumunta uli si Jesus kay Juan, na nagbautismo sa kaniya. Habang papalapit si Jesus, itinuro siya ni Juan at saka sinabi sa mga naroroon: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sangkatauhan! Siya ang tinutukoy ko nang sabihin ko: ‘Dumarating na kasunod ko ang isang lalaki na naging mas dakila sa akin, dahil una siyang umiral sa akin.’” (Juan 1:29, 30) Kahit na mas matanda nang kaunti si Juan kay Jesus, alam niyang si Jesus ay nabuhay na noon sa langit bilang espiritung persona.
Ilang linggo bago nito, noong lumapit si Jesus para magpabautismo kay Juan, waring hindi pa sigurado si Juan na si Jesus ang magiging Mesiyas. “Hindi ko rin siya kilala noon,” ang sabi ni Juan, “pero nagbabautismo ako sa tubig para makilala siya ng Israel.”—Juan 1:31.
Ipinagpatuloy ni Juan ang pagkukuwento tungkol sa nangyari noong bautismuhan niya si Jesus: “Nakita ko ang espiritu na bumababa mula sa langit na tulad ng isang kalapati, at nanatili ito sa kaniya. Hindi ko rin siya kilala, pero sinabi mismo ng Diyos na nagsugo sa akin para magbautismo sa tubig: ‘Kapag nakita mo ang espiritu na bumaba sa sinuman at nanatili ito sa kaniya, siya ang nagbabautismo sa pamamagitan ng banal na espiritu.’ At nakita ko iyon, at pinatutunayan ko na siya nga ang Anak ng Diyos.”—Juan 1:32-34.
Nang sumunod na araw, kasama ni Juan ang dalawa sa kaniyang mga alagad nang makita niya uli si Jesus. Sinabi ni Juan: “Tingnan ninyo, ang Kordero ng Diyos!” (Juan 1:36) Dahil dito, ang dalawang alagad na ito ni Juan Bautista ay sumunod kay Jesus. Ang isa ay si Andres. Malamang na ang isa pa ay ang mismong sumulat ng ulat na ito, na Juan din ang pangalan. Marahil ang Juan na ito ay pinsan ni Jesus, na anak nina Zebedeo at Salome. Posibleng si Salome ay kapatid ni Maria.
Paglingon ni Jesus, nakita niyang sinusundan siya nina Andres at Juan, kaya itinanong niya: “Ano ang kailangan ninyo?”
“Rabbi,” ang sabi nila, “saan ka tumutuloy?”
“Sumama kayo sa akin para makita ninyo,” ang sagot ni Jesus.—Juan 1:37-39.
Mga alas kuwatro ng hapon noon, at hanggang matapos ang araw na iyon, kasama ni Jesus sina Andres at Juan. Sa sobrang tuwa ni Andres, hinanap niya ang kapatid niyang si Simon, na tinatawag ding Pedro, at sinabi rito: “Nakita na namin ang Mesiyas.” (Juan 1:41) Isinama ni Andres si Pedro kay Jesus. Ipinakikita ng sumunod na mga pangyayari na hinanap din ni Juan ang kapatid niyang si Santiago at isinama kay Jesus; pero hindi na iniulat ni Juan ang detalyeng ito.
Kinabukasan, nakita ni Jesus si Felipe, na taga-Betsaida. Malapit ang lugar na ito sa hilagang baybayin ng Lawa ng Galilea at tagarito sina Andres at Pedro. Inanyayahan ni Jesus si Felipe: “Maging tagasunod kita.”—Juan 1:43.
Pagkatapos, nakita ni Felipe si Natanael, na tinatawag ding Bartolome, at sinabi rito: “Nakita na namin ang isa na tinutukoy sa Kautusang isinulat ni Moises at sa isinulat ng mga Propeta: si Jesus, na anak ni Jose, na mula sa Nazaret.” Nag-aalinlangan si Natanael kaya sinabi niya kay Felipe: “Mayroon bang anumang mabuti na puwedeng manggaling sa Nazaret?”
“Halika at tingnan mo,” ang paghimok ni Felipe. Napansin ni Jesus na paparating si Natanael at sinabi niya: “Tingnan ninyo, isang tunay na Israelita na walang anumang pagkukunwari.”
“Paano mo ako nakilala?” ang tanong ni Natanael.
Sumagot si Jesus: “Bago ka tinawag ni Felipe, nakita na kita habang nasa ilalim ka ng puno ng igos.”
Namangha si Natanael at nagsabi: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.”
“Nananampalataya ka ba dahil sinabi ko sa iyo na nakita kita sa ilalim ng puno ng igos?” ang tanong ni Jesus. “Higit pa rito ang makikita mo.” Pagkatapos, nangako si Jesus: “Tinitiyak ko sa inyo, makikita ninyong bukás ang langit at ang mga anghel ng Diyos na bumababa sa Anak ng tao at umaakyat sa langit.”—Juan 1:45-51.
Pagkatapos nito, si Jesus, kasama ang bago niyang mga alagad, ay umalis na sa Lambak ng Jordan at naglakbay patungong Galilea.