KABANATA 13
Matuto Mula sa Pagharap ni Jesus sa Tukso
MATEO 4:1-11 MARCOS 1:12, 13 LUCAS 4:1-13
TINUKSO NI SATANAS SI JESUS
Pagkabautismo ni Juan kay Jesus, inakay ng espiritu ng Diyos si Jesus sa ilang ng Judea. Marami siyang dapat pag-isipan. Noong bautismuhan si Jesus, “ang langit ay nabuksan.” (Mateo 3:16) Kaya naaalaala na niya ang kaniyang mga natutuhan at ginawa sa langit. Oo, marami siyang bubulay-bulayin!
Nanatili si Jesus sa ilang nang 40 araw at 40 gabi. Hindi siya kumain nang mga panahong iyon. Pagkatapos, noong gutóm na gutóm na si Jesus, lumapit sa kaniya si Satanas na Diyablo para tuksuhin siya, na sinasabi: “Kung anak ka ng Diyos, utusan mo ang mga batong ito na maging tinapay.” (Mateo 4:3) Alam ni Jesus na maling gamitin ang kapangyarihan niya para sa kaniyang sarili, kaya hindi siya nagpadala sa tuksong iyon.
Hindi tumigil ang Diyablo. Sumubok ito ng ibang paraan. Hinamon niya si Jesus na tumalon mula sa tuktok ng templo. Pero hindi natukso si Jesus na gawin ang gayong pagpapasikat. Sumipi si Jesus mula sa Kasulatan para ipakitang maling subukin ang Diyos sa gayong paraan.
Sa ikatlong pagtukso, ipinakita ng Diyablo kay Jesus “ang lahat ng kaharian sa mundo at ang kaluwalhatian ng mga ito” at sinabi: “Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng ito kung luluhod ka at sasamba sa akin nang kahit isang beses.” Muli, tahasang tumanggi si Jesus, na sinasabi: “Lumayas ka, Satanas!” (Mateo 4:8-10) Hindi siya nagpadala sa tuksong gumawa ng mali dahil alam niyang si Jehova lang ang dapat paglingkuran. Oo, pinili niyang manatiling tapat sa Diyos.
May matututuhan tayo mula sa mga tuksong ito at sa pagharap dito ni Jesus. Totoong nangyari ang mga pagtukso, na nagpapakitang ang Diyablo ay hindi basta isang kasamaan lang gaya ng sinasabi ng ilan. Siya ay totoong persona na hindi nakikita. Ipinakikita rin ng ulat na ito na ang mga gobyerno sa mundo ay talagang pag-aari ng Diyablo at kontrolado niya ang mga ito. Kung hindi totoo iyan, masasabi pa bang isang tukso ang pag-aalok niya ng mga ito kay Kristo?
Bukod diyan, sinabi ng Diyablo na handa niyang ibigay kay Jesus maging ang lahat ng kaharian sa mundo, sambahin lang siya nito nang kahit isang beses. Maaari ding gamitin ng Diyablo ang gayong paraan para tuksuhin tayo. Puwede niyang ilagay sa harap natin ang kaakit-akit na oportunidad na maging mayaman, makapangyarihan, o sikát. Isa ngang katalinuhan na tularan si Jesus sa pananatiling tapat sa Diyos anuman ang tukso! Pero tandaan na iniwan ng Diyablo si Jesus “at naghintay ng ibang pagkakataon.” (Lucas 4:13) Baka ganiyan din ang gawin niya sa atin, kaya huwag na huwag tayong maging kampante.