KABANATA 12
Pagsuporta sa Gawaing Pang-Kaharian sa Ating Lugar at sa Buong Mundo
BILANG katuparan ng hula ni Jesus tungkol sa mga huling araw, ipinangangaral ng mga Saksi ni Jehova ang mabuting balita “hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.” (Gawa 1:8; Mat. 24:14) Bukas-palad nilang ibinibigay ang kanilang panahon at lakas sa pagbabahagi ng espirituwal na mga bagay. Nagtitiwala silang paglalaanan ni Jehova ang kaniyang mga kamanggagawa, kaya patuloy nilang inuuna ang Kaharian ng Diyos sa kanilang buhay. (Mat. 6:25-34; 1 Cor. 3:5-9) Kitang-kita sa mga resulta ang pagsang-ayon at pagpapala ni Jehova.
PAG-AASIKASO PARA SA KAPAKANAN NG KAHARIAN SA BUONG MUNDO
2 Kapag nakikita ng mga tao na nangangaral tayo at nalalaman nilang walang bayad ang ipinamamahagi nating Bibliya at mga literatura, naitatanong ng ilan: “Paano ninyo nagagawa iyon?” Totoo, malaki ang nagagastos sa paglalathala at pag-iimprenta ng Bibliya at ng mga literatura natin. Kailangan din ng pera sa pagtatayo at pagmamantini ng mga tahanang Bethel para sa mga ministrong nagtatrabaho sa mga palimbagan, nangangasiwa sa pangangaral, at naglilingkod sa iba pang paraan para sa ikasusulong ng mabuting balita. Sinusuportahan din ang mga tagapangasiwa ng sirkito, misyonero, special pioneer, at iba pa na nasa pantanging buong-panahong paglilingkod para makapagpatuloy sila sa gawain. Maliwanag, malaking halaga ang nagagamit sa pangangaral ng mabuting balita, sa ating bansa o sa buong mundo. Saan nanggagaling ang lahat ng pondong ito?
3 Marami ang nagpapahalaga sa gawaing pagtuturo ng mga Saksi ni Jehova at natutuwa silang magbigay ng donasyon para sa pambuong-daigdig na gawain. Pero ang gawain natin ay pangunahin nang sinusuportahan ng mga Saksi at ang ilan sa kanila ay nagpapadala ng boluntaryong kontribusyon sa lokal na mga tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova. Gaya sila ng sinaunang mga lingkod ng Diyos na bukas-palad na sumuporta sa pagtatayo ng lugar ng pagsamba kay Jehova. (Ex. 35:20-29; 1 Cro. 29:9) Ang ilang donasyon ay ipinamanang mga ari-arian na nakalagay sa testamento. Ang ilan naman ay mula sa mga indibidwal, kongregasyon, at sirkito na karaniwan nang maliliit na halaga. Kapag pinagsama-sama, ang mga donasyong ito ang ginagamit na pondo para maipagpatuloy ang ministeryo.
Para sa mga Saksi ni Jehova, isang pribilehiyo na gamitin ang kanilang pera at iba pang tinataglay para sa ikasusulong ng gawaing pangangaral
4 Para sa mga Saksi ni Jehova, isang pribilehiyo na gamitin ang kanilang pera at iba pang tinataglay para sa ikasusulong ng gawaing pangangaral. Si Jesus at ang kaniyang mga alagad ay may iniingatang kahon ng pera, na nagpapakitang may nag-aabuloy para tulungan sila sa kanilang mga gastusin. (Juan 13:29) Sinasabi ng Bibliya na may mga babaeng naglaan ng pangangailangan ni Jesus at ng kaniyang mga alagad. (Mar. 15:40, 41; Luc. 8:3) Pinahalagahan ni apostol Pablo ang materyal na tulong na maibiging inilaan ng mga taong gustong mapalaganap ang mabuting balita at gustong makasuporta sa kaniyang ministeryo. (Fil. 4:14-16; 1 Tes. 2:9) Patuloy na tinutularan ng mga Saksi ni Jehova ang mga halimbawang ito ng kasigasigan sa paglilingkod at pagkabukas-palad. Dahil diyan, naiaalok sa tapat-pusong mga tao sa buong mundo ang “tubig ng buhay na walang bayad.”—Apoc. 22:17.
PAG-AASIKASO SA MGA PANGANGAILANGAN NG LOKAL NA KONGREGASYON
5 Ang mga gastusin ng lokal na kongregasyon ay sinasapatan din ng boluntaryong mga kontribusyon. Walang koleksiyon o hinihinging pera; hindi rin itinatakda kung magkano ang dapat ibigay ng isa. May mga kahon ng kontribusyon sa mga lugar ng pagtitipon para makapagbigay ang bawat isa nang “mula sa puso.”—2 Cor. 9:7.
6 Ang mga kontribusyon ay pangunahin nang ginagamit para sa pagmamantini ng Kingdom Hall at para sa gastusin sa tubig, kuryente, at iba pa. Maaaring ipasiya ng lupon ng matatanda na ipadala ang bahagi ng donasyon sa lokal na tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova para magamit sa pambuong-daigdig na gawain. Ihaharap ito bilang resolusyon na pagtitibayin ng kongregasyon. Sa ganitong paraan, maraming kongregasyon ang regular na nakapagbibigay ng donasyon para sa pambuong-daigdig na gawain. Kung palaisip ang lahat sa maaaring maging gastusin ng kongregasyon sa pana-panahon, hindi kailangang madalas na ipatalastas ang tungkol sa kontribusyon.
PAGHAWAK SA MGA KONTRIBUSYON
7 Pagkatapos ng bawat pulong, dalawang brother ang lilikom sa perang inihulog sa mga kahon ng kontribusyon at gagawa ng rekord nito. (2 Hari 12:9, 10; 2 Cor. 8:20) Ang lupon ng matatanda ay gagawa ng kaayusan para maingatan ang pondong ito hanggang sa puwede na itong ipadala sa tanggapang pansangay o gamitin para sa mga pangangailangan ng kongregasyon. Ang brother na humahawak sa accounts ng kongregasyon ay naghahanda ng statement buwan-buwan para maipaalám ito sa kongregasyon. Isinasaayos naman ng koordineytor ng lupon ng matatanda na ma-audit ang accounts tuwing ikatlong buwan.
MGA GASTUSIN NG SIRKITO
8 Ang mga gastusin para sa mga asamblea, pati na ang iba pang gastusin ng sirkito, ay tinutustusan gamit ang kontribusyon ng mga Saksi na bumubuo sa sirkito. May mga kahon ng kontribusyon sa mga pasilidad ng asamblea para sa boluntaryong donasyon sa sirkito. Para matustusan ang kasalukuyang mga gastusin, puwedeng magbigay ng kontribusyon ang mga kongregasyon sa ibang pagkakataon.
9 Kung posible, dapat na natutustusan ng sirkito ang mga gastusin, at ang sumobra sa pondo ay magiging donasyon para sa pambuong-daigdig na gawain. Kung kulang ang pondo ng sirkito para matakpan ang gastusin sa asamblea o ang patiunang mga gastusin sa susunod na asamblea, gaya ng pandeposito sa pag-upa ng isang pasilidad, maaaring magbigay ng tagubilin ang tagapangasiwa ng sirkito na ipaalaala sa mga kongregasyon ang pribilehiyo nilang magbigay ng kontribusyon. Pag-uusapan ito ng bawat lupon ng matatanda at pagpapasiyahan kung magkano ang kayang ibigay ng kongregasyon para sa sirkito. Pagkatapos, ihaharap ito bilang resolusyon.
10 Kapag ang mga elder sa sirkito ay may kailangang bigyang-pansin tungkol sa pananalapi, kailangan nilang magpulong sa araw ng pansirkitong asamblea. Ang lahat ng pasiya, maliban sa ilang partikular na gastusin ng sirkito, ay pagtitibayin ng mga elder sa pamamagitan ng resolusyon. Dapat na eksakto ang halagang nakasulat sa mga resolusyong ito at dapat paaprobahan sa tuwing maglalabas ng pondo ng sirkito.
11 May mga kaayusan para sa regular na pag-o-audit ng accounts ng sirkito.
PANGANGALAGA SA MAHIHIRAP
12 Ang isang dahilan kaya nag-iingat ng kahon ng pera si Jesus at ang mga alagad niya ay para tulungan ang mahihirap. (Mar. 14:3-5; Juan 13:29) Pananagutan pa rin iyan ng mga Kristiyano sa ngayon dahil sinabi ni Jesus: “Lagi ninyong kasama ang mahihirap.” (Mar. 14:7) Paano ito ginagampanan ng mga Saksi ni Jehova?
13 Baka mangailangan ng materyal na tulong ang tapat na mga kapatid sa kongregasyon dahil sa pagtanda, pagkakasakit, o mga pangyayaring hindi nila kontrolado. Ang mga kapamilya, kamag-anak, at iba pang nakaaalam ng kalagayan nila ay baka mapakilos na tumulong. Kaayon ito ng sinabi ni apostol Juan: “Kung ang sinuman ay may materyal na mga bagay sa sanlibutang ito at nakikita niyang nangangailangan ang kapatid niya pero hindi siya nagpapakita ng habag dito, paano niya masasabing iniibig niya ang Diyos? Mahal na mga anak, umibig tayo, hindi sa salita o sa pamamagitan ng dila, kundi sa pamamagitan ng gawa at katotohanan.” (1 Juan 3:17, 18; 2 Tes. 3:6-12) Bahagi ng tunay na pagsamba ang pag-aasikaso sa tapat na mga kapatid na maaaring nangangailangan ng materyal na tulong.—Sant. 1:27; 2:14-17.
14 Sa una niyang liham kay Timoteo, sinabi ni apostol Pablo kung paano maglalaan ng materyal na tulong sa mga karapat-dapat. Mababasa ito sa 1 Timoteo 5:3-21. Ang bawat Kristiyano ang may pangunahing pananagutan na asikasuhin ang pangangailangan ng kaniyang pamilya. Ang mga may-edad na o maysakit ay dapat tulungan ng kanilang mga anak, apo, o iba pang malapít na kamag-anak. Kung minsan, may makukuhang materyal na tulong sa gobyerno o sa iba pang welfare program. Puwede silang tulungan ng mga kamag-anak o ng iba pa na mag-apply para dito. Pero sa ilang sitwasyon, baka kailangang isaalang-alang ng kongregasyon ang pagbibigay ng tulong sa mga kapatid na matagal nang tapat na naglilingkod. Kung walang kapamilya o iba pang kamag-anak na makatutulong sa gayong mga kapatid at walang makuhang sapat na tulong mula sa mga ahensiya ng gobyerno, puwedeng gumawa ng rekomendasyon ang lupon ng matatanda para makapagbigay ng tulong. Para sa mga Kristiyano, isang pribilehiyo na ibahagi ang kanilang materyal na mga pag-aari sa mga nangangailangan.
15 Marami sa mga kapatid ang baka mangailangan ng tulong dahil sa pag-uusig, digmaan, lindol, baha, taggutom, o iba pang pangyayaring karaniwan sa mapanganib na mga panahong ito. (Mat. 24:7-9) Baka walang maibigay ang lokal na mga kongregasyon sa isa’t isa, kaya inoorganisa ng Lupong Tagapamahala ang tulong na gustong ibigay ng mga kapatid mula sa iba’t ibang lugar. Katulad ito ng ginawa ng mga Kristiyano sa Asia Minor na naglaan ng pagkain sa mga kapatid sa Judea noong panahon ng taggutom. (1 Cor. 16:1-4; 2 Cor. 9:1-5) Sa pagtulad sa kanilang halimbawa, pinatutunayan nating mahal natin ang mga kapatid at na tayo ay tunay na mga alagad ni Jesu-Kristo.—Juan 13:35.
PAMAMAHAGI NG LITERATURA
16 Mahalaga ang papel ng Bibliya at mga literatura sa Bibliya sa pagpapalaganap ng mensahe ng Kaharian. Karaniwan na, isang ministeryal na lingkod ang inaatasan ng lupon ng matatanda para asikasuhin ang suplay ng literatura ng kongregasyon. Seryoso ang mga brother na ito sa pagganap ng kanilang pananagutan. Nag-iingat sila ng maayos na rekord para laging may sapat na suplay ang kongregasyon.
17 Bilang nakaalay na mga Kristiyano, alam natin na ang ating panahon, lakas, talino, abilidad, at materyal na pag-aari, kahit ang ating buhay, ay regalo ng Diyos at dapat gamitin sa paglilingkod sa kaniya. (Luc. 17:10; 1 Cor. 4:7) Kapag ginagamit natin sa tamang paraan ang lahat ng mayroon tayo, ipinapakita nating mahal na mahal natin si Jehova. Gusto nating gamitin ang ating mahahalagang pag-aari para parangalan si Jehova. Alam nating napasasaya natin siya kapag may naibibigay tayo sa kaniya bilang kapahayagan ng ating buong-kaluluwang debosyon. (Kaw. 3:9; Mar. 14:3-9; Luc. 21:1-4; Col. 3:23, 24) Sinabi ni Jesus: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.” (Mat. 10:8) Habang ginagamit natin ang ating panahon, lakas, at mga tinataglay sa paglilingkod kay Jehova, nagiging mas maligaya tayo.—Gawa 20:35.