Ano ang Layunin ng Diyos Para sa Atin?
KAPAG nagbasa ka ng diyaryo, nanood ng telebisyon, o nakinig ng radyo, marami kang makikita at maririnig na balita tungkol sa krimen, digmaan, at terorismo. Baka nga nagdurusa ka dahil sa pagkakasakit o pagkamatay ng mahal sa buhay.
Tanungin ang sarili:
Ito ba ang gusto ng Diyos na mangyari sa akin at sa pamilya ko?
Saan ako makakakuha ng tulong para makayanan ang mga problema ko?
Magkakaroon pa kaya ng tunay na kapayapaan?
May maaasahang sagot ang Bibliya sa mga tanong na iyan.
ITINUTURO NG BIBLIYA NA ANG DIYOS AY MAY GAGAWING MAGAGANDANG BAGAY SA LUPA.
Hindi na makakaranas ang mga tao ng kirot, pagtanda, o kamatayan.—Apocalipsis 21:4
“Ang pilay ay tatalon gaya ng usa.”—Isaias 35:6
“Madidilat ang mga mata ng bulag.”—Isaias 35:5
Mabubuhay-muli ang mga patay.—Juan 5:28, 29
Wala nang magkakasakit.—Isaias 33:24
Magiging sagana ang pagkain para sa lahat.—Awit 72:16
MAKINABANG SA ITINUTURO NG BIBLIYA
Baka maisip mong panaginip lang ang mga nabasa mo sa naunang mga pahina ng aklat na ito. Pero ipinapangako ng Diyos na malapit na niyang gawin ang mga pagbabagong iyon sa lupa, at ipinapaliwanag ng Bibliya kung paano niya gagawin iyon.
Pero hindi lang iyan. Sinasabi rin ng Bibliya kung ano ang kailangan nating malaman para maging tunay na maligaya ang buhay natin ngayon. Isipin sandali ang mga dahilan kung bakit ka nag-aalala. Baka tungkol ito sa pera, pamilya, pagkakasakit, o pagkamatay ng isang mahal sa buhay. Matutulungan ka ng Bibliya na makayanan ang mga problemang ito, at masasagot nito ang mga tanong na gaya ng:
Bakit tayo nagdurusa?
Paano natin makakayanan ang mga problema?
Puwede kayang maging masaya ang ating pamilya?
Ano ang nangyayari sa atin kapag namatay tayo?
Makikita pa kaya natin ang mga namatay nating mahal sa buhay?
Bakit tayo makapagtitiwala na tutuparin ng Diyos ang lahat ng ipinangako niya?
Dahil binabasa mo ang aklat na ito, ipinapakita mong gusto mong malaman ang itinuturo ng Bibliya. Matutulungan ka ng aklat na ito. May mga tanong para sa parapo na makakatulong sa iyo na mas maintindihan ang Bibliya. Milyon-milyon ang masayang nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Sana ikaw rin. Pagpalain ka nawa ng Diyos habang pinag-aaralan mo ang itinuturo ng Bibliya!