KABANATA 3
“Nagsimula Akong Makakita ng mga Pangitain Mula sa Diyos”
POKUS: Ang pangitain ni Ezekiel tungkol sa makalangit na karo
1-3. (a) Ilarawan ang nakita at narinig ni Ezekiel. (Tingnan ang larawan sa simula ng kabanata.) (b) Anong kapangyarihan ang nasa likod ng naranasan ni Ezekiel? Paano siya naapektuhan nito?
NAKATINGIN si Ezekiel sa malayo, lampas pa sa malawak at mabuhanging kapatagan. Pero biglang nanlaki ang mga mata niya. Hindi siya makapaniwala sa nakikita niya. Parang may paparating na bagyo. Pero hindi ito ordinaryong bagyo. Habang nililipad ng napakalakas na hangin mula sa hilaga ang buhok at damit niya, nakikita niya ang isang napakalaking ulap. Pinagliliwanag ito ng sumisiklab na apoy, at ang ningning nito ay parang tinunaw na mamahaling metal.a Habang mabilis na lumalapit kay Ezekiel ang ulap, palakas din nang palakas ang ingay—para itong hugong ng malaking hukbo na sumasalakay.—Ezek. 1:4, 24.
2 Mga 30 anyos siya noon, at ito ang una sa sunod-sunod niyang di-malilimutang karanasan. Naramdaman niyang “sumakaniya ang kapangyarihan ni Jehova,” ang napakalakas na puwersa ng banal na espiritu ng Diyos. Dahil sa espiritung ito, makakakita at makakarinig siya ng kamangha-manghang mga bagay, na di-hamak na mas kahanga-hanga sa anumang pelikula ngayon na may special effects. Sa sobrang pagkamangha rito, susubsob si Ezekiel sa lupa.—Ezek. 1:3, 28.
3 Pero ang layunin ni Jehova ay hindi lang basta pahangain siya. Gaya ng lahat ng iba pang pangitain sa kapana-panabik na aklat ni Ezekiel, ang unang pangitain niya ay punô ng impormasyon na makakatulong sa kaniya at sa tapat na mga lingkod ni Jehova sa ngayon. Kaya suriin natin kung ano ang nakita at narinig ni Ezekiel.
Ang Kalagayan ng Bayan
4, 5. Ano ang kalagayan ng bayan noong makakita si Ezekiel ng pangitain?
4 Basahin ang Ezekiel 1:1-3. Alalahanin natin ang kalagayan noon. Ang taon ay 613 B.C.E. Gaya ng nalaman natin sa naunang kabanata, nakatira si Ezekiel sa Babilonya, at kasama niya ang iba pang tapon sa isang komunidad sa tabi ng ilog ng Kebar—malamang na isang kanal na gawa ng tao at puwedeng daanan. Ang ilog ng Kebar ay nagsanga mula sa Ilog Eufrates at muling dumugtong sa ibang bahagi nito.
5 Mula rito, mga 800 kilometro ang layo ng Jerusalem, ang tahanan ng mga tapon.b Narumhan na ng huwad na pagsamba at idolatriya ang templo, kung saan naglingkod bilang saserdote ang ama ni Ezekiel. Isa nang kahihiyan ang trono sa Jerusalem, na dating maringal sa ilalim ng pamamahala nina David at Solomon. Ang di-tapat na haring si Jehoiakin ay nasa Babilonya kasama ng mga tapon. Ang kapalit niya sa trono, ang masamang si Zedekias, ay isa lang tau-tauhan.—2 Hari 24:8-12, 17, 19.
6, 7. Bakit napakahirap ng panahong iyon para kay Ezekiel?
6 Siguradong napakahirap nito para sa tapat na si Ezekiel. Baka iniisip ng mga kasama niya: ‘Iniwan na ba talaga tayo ni Jehova? Talaga bang aalisin ng Babilonya at ng napakarami nitong huwad na diyos ang dalisay na pagsamba kay Jehova at wawakasan ang pamamahala niya sa lupa?’
7 Pagkatapos malaman ang mga impormasyong iyon, bakit hindi mo basahin ang buháy na buháy na paglalarawan ni Ezekiel sa unang pangitain niya? (Ezek. 1:4-28) Habang nagbabasa ka, isipin mong ikaw si Ezekiel, na parang nakikita mo at naririnig ang nasasaksihan niya.
Isang Sasakyang Walang Katulad
8. Ano ang nakita ni Ezekiel sa pangitain, at saan ito lumalarawan?
8 Sa kabuoan, ano ba ang nasaksihan ni Ezekiel? Mukha itong isang napakalaki at kamangha-manghang sasakyan, na inilalarawan bilang karo. Mayroon itong apat na pagkalaki-laking gulong na may kasamang apat na kakaibang espiritung nilalang, na tinukoy nang maglaon bilang mga kerubin. (Ezek. 10:1) Sa itaas nila ay may malapad na plataporma, o sahig, na tulad ng yelo. At nasa ibabaw nito ang maluwalhating trono ng Diyos, at si Jehova mismo ang nakaupo rito! Pero saan ba kumakatawan ang karo? Sa isang bagay lang ito puwedeng lumarawan: sa makalangit na bahagi ng maluwalhating organisasyon ni Jehova sa buong uniberso. Bakit natin nasabi iyan? Talakayin natin ang tatlong dahilan.
9. Bakit angkop gamitin ang sasakyan para ilarawan ang kaugnayan ni Jehova sa kaniyang mga nilalang sa langit?
9 Ang kaugnayan ni Jehova sa kaniyang mga nilalang sa langit. Pansinin na nasa itaas ng mga kerubin ang trono ni Jehova. Sa ibang bahagi ng Bibliya, sinasabi ring si Jehova ay nakaupo sa trono sa ibabaw ng mga kerubin o nasa pagitan ng mga ito. (Basahin ang 2 Hari 19:15; Ex. 25:22; Awit 80:1) Hindi naman siya literal na umuupo sa ibabaw ng mga kerubin—na para bang kailangan siyang buhatin ng makapangyarihang mga espiritung nilalang na iyon—kung paanong hindi rin niya kailangang sumakay sa isang literal na karo. Pero sinusuportahan ng mga kerubin ang kaniyang soberanya, at maisusugo niya sila saanman sa uniberso para isagawa ang kalooban niya. Gaya ng lahat ng banal na anghel, isinasagawa ng mga kerubin ang mga pasiya ni Jehova bilang kaniyang mga lingkod, o kinatawan. (Awit 104:4) Sa diwa, “sinasakyan,” o pinamamahalaan, silang lahat ni Jehova, na para bang silang lahat ay bumubuo sa isang malaking sasakyan.
10. Ano ang nagpapahiwatig na hindi lang apat na kerubin ang sakop ng makalangit na karo?
10 Hindi lang sa mga kerubin kumakatawan ang sasakyan. Apat ang kerubin na nakita ni Ezekiel. Kapag ginagamit sa Bibliya, ang bilang na iyan ay karaniwan nang nagpapahiwatig ng pagiging kumpleto—sinasaklaw nito ang lahat. Kaya ipinapahiwatig nito na ang apat na kerubin ay lumalarawan sa lahat ng tapat na espiritung anak ni Jehova. Pansinin din na ang mga gulong at ang mga kerubin ay punô ng mata; ipinapahiwatig nito ang pagiging mapagbantay ng marami, higit pa sa apat na espiritung nilalang. At ipinapahiwatig ng pagkakalarawan ni Ezekiel sa sasakyan na napakalaki nito, kaya nagmukhang maliit kahit ang mga kerubin. (Ezek. 1:18, 22; 10:12) Sa katulad na paraan, napakalaki rin ng makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova, kaya hindi lang ang apat na kerubin ang sakop nito.
11. Anong katulad na pangitain ang nakita ni Daniel, at ano ang makatuwirang isipin?
11 Ang katulad na pangitain ni Daniel tungkol sa langit. Matagal na naging tapon si propeta Daniel sa lunsod ng Babilonya, at nakakita rin siya ng pangitain tungkol sa langit. Kapansin-pansin na sa pangitaing iyon, may mga gulong din ang trono ni Jehova. Nakapokus ang pangitain ni Daniel sa laki ng espiritung pamilya ni Jehova sa langit. Nakita ni Daniel ang “isang libong libo-libo . . . at sampung libong tigsasampung libo” na espiritung anak ng Diyos na nakatayo sa harap ni Jehova. Nakaupo sila bilang isang Hukuman sa langit, malamang na sa kani-kanilang puwesto. (Dan. 7:9, 10, 13-18) Hindi ba makatuwirang isipin na ang maluwalhating grupo ring ito ng mga espiritu ang tinutukoy sa pangitain ni Ezekiel?
12. Bakit isang proteksiyon para sa atin na pag-aralan ang mga ulat na gaya ng pangitain ni Ezekiel tungkol sa makalangit na karo?
12 Alam ni Jehova na proteksiyon sa mga tao na magpokus sa espirituwal na mga bagay—“mga bagay na di-nakikita,” ayon kay apostol Pablo. Bakit? Tayo ay may katawang laman, kaya may tendensiya tayong magpokus sa “mga bagay na nakikita,” o pisikal na mga bagay, na pansamantala lang. (Basahin ang 2 Corinto 4:18.) Madalas na sinasamantala ni Satanas ang tendensiyang iyan at tinutukso tayong maging makalaman. Para mapaglabanan iyan, maibiging inilaan sa atin ni Jehova ang mga ulat na gaya ng pangitain ni Ezekiel. Maipapaalaala ng mga ito sa atin na talagang kahanga-hanga ang pamilya ni Jehova sa langit!
“Mga Gulong!”
13, 14. (a) Paano inilarawan ni Ezekiel ang mga gulong na nakita niya? (b) Bakit angkop na may mga gulong ang karo ni Jehova?
13 Unang nagpokus si Ezekiel sa apat na kerubin, at sa Kabanata 4 ng publikasyong ito, aalamin natin kung ano ang itinuturo sa atin tungkol kay Jehova ng mga nilalang na iyon at ng hitsura nila. Pero nakita rin ni Ezekiel ang apat na gulong sa tabi ng mga kerubin; lumilitaw na nakapuwesto ang mga ito sa apat na panig, na parang bumubuo ng malaking kuwadrado. (Basahin ang Ezekiel 1:16-18.) Mukhang gawa ang mga ito sa crisolito, isang mamahaling bato na malinaw at kulay dilaw o manilaw-nilaw na berde. Nagniningning ito.
14 Talagang binigyang-pansin sa pangitain ni Ezekiel ang mga gulong ng karo. Kakaiba, hindi ba? Isang tronong may mga gulong! Baka maisip natin na ang isang trono ay nakapirme sa isang lugar, at tama naman dahil limitado lang ang sakop ng mga hari sa lupa. Pero ang soberanya ni Jehova ay iba sa pamamahala ng tao. Gaya ng makikita ni Ezekiel, walang limitasyon ang kapangyarihan ni Jehova. (Neh. 9:6) Kayang gamitin ng Kataas-taasan ang awtoridad niya saanmang lugar!
15. Ano ang napansin ni Ezekiel tungkol sa laki at hitsura ng mga gulong?
15 Napahanga si Ezekiel sa laki ng mga gulong. Isinulat niya: “Napakataas ng mga gulong kaya talagang kamangha-mangha ang mga ito.” Maiisip natin si Ezekiel na tumingala pa para makita ang napakalaki at nagniningning na mga gulong na parang halos umabot na sa langit. At idinagdag niya: “Ang apat na gulong ay punô ng mata.” Pero ang talagang kapansin-pansin ay ang kakaibang hitsura ng mga gulong. Sinabi niya: “Ang hitsura ng mga gulong ay gaya ng gulong sa loob ng isa pang gulong.” Ano ang ibig sabihin nito?
16, 17. (a) Ano ang ibig sabihin na ang mga gulong ay gaya ng gulong sa loob ng isa pang gulong? (b) Ano ang matututuhan natin sa mga gulong tungkol sa pagiging madaling maniobrahin ng sasakyan ni Jehova?
16 Lumilitaw na ang bawat gulong na nakita ni Ezekiel ay binubuo ng dalawang gulong na pinagsama at magkaekis. Iyan ang dahilan kaya nagagawa ng mga ito ang gaya ng inilarawan ni Ezekiel: “Kapag umaalis ang mga ito, kayang pumunta ng mga ito sa apat na direksiyon nang hindi bumabaling.” Ano ang ipinapahiwatig nito tungkol sa makalangit na sasakyang nakita ni Ezekiel?
17 Sa laki ng mga gulong, malayo ang nararating ng mga ito kahit sa isang pag-ikot lang. Ang totoo, ipinapahiwatig sa pangitain na ang sasakyan ay simbilis ng kidlat! (Ezek. 1:14) Isa pa, lumilitaw na madaling maniobrahin ang sasakyan dahil sa mga gulong na kayang tumakbo sa anumang direksiyon nang walang kahirap-hirap—mga gulong na pangarap lang ng mga engineer! Kayang magbago ng direksiyon ng sasakyang ito nang hindi bumabagal o bumabaling. Pero hindi ito kumikilos nang hindi isinasaalang-alang ang nasa paligid nito. Dahil punô ng mata ang mga gulong, ibig sabihin, alam na alam ng sasakyan ang nangyayari sa buong palibot nito, sa lahat ng direksiyon.
18. Ano ang matututuhan natin sa pagkalaki-laking mga gulong at sa dami ng mga mata?
18 Ano ang itinuturo ni Jehova kay Ezekiel—at sa lahat ng tapat—tungkol sa makalangit na bahagi ng organisasyon Niya? Pag-isipan ang mga natalakay na natin. Ito ay maluwalhati at kahanga-hanga, gaya ng ipinapahiwatig ng pagkalaki-laking mga gulong na kumikinang. Alam nito ang lahat ng bagay, gaya ng ipinapahiwatig ng maraming mata sa mga gulong. Nakikita ng mga mata ni Jehova ang lahat. (Kaw. 15:3; Jer. 23:24) At mayroon siyang milyon-milyong anghel na maisusugo niya saanman sa uniberso, na makapagmamasid at makapag-uulat sa kanilang Kataas-taasan ng mga nakita nila.—Basahin ang Hebreo 1:13, 14.
19. Ano ang matututuhan natin tungkol kay Jehova at sa makalangit na bahagi ng organisasyon niya mula sa pagiging mabilis at madaling maniobrahin ng karo?
19 Nakita rin natin na ang karo ay napakabilis at madaling maniobrahin. Isipin ang kaibahan ng makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova sa mga gobyerno, institusyon, at organisasyon ng tao! Para silang nangangapa sa dilim at hindi makakita, na hindi makasabay sa nagbabagong mga kalagayan hanggang sa mapahamak sila. Pero ipinapakita ng karo ni Jehova ang pagiging makatuwiran at madaling makibagay ng Diyos na kumokontrol nito. Gaya ng ipinapahiwatig ng pangalan niya, kaya niyang maging anuman na kinakailangan para matupad ang layunin niya. (Ex. 3:13, 14) Halimbawa, agad siyang nagiging isang makapangyarihang Mandirigma para ipaglaban ang bayan niya, pero puwede rin siyang agad na maging isang maawaing Tagapagpatawad ng kasalanan, na inaalalayan at tinutulungang makabangon ang mga nagsisising makasalanang wasak ang puso.—Awit 30:5; Isa. 66:13.
20. Ano ang dapat nating tandaan tungkol sa karo ni Jehova?
20 Sa puntong ito, baka maitanong natin, ‘Talaga bang namamangha ako sa karo ni Jehova?’ Tandaan na talagang kumikilos ngayon ang karo. Huwag nating isipin na hindi nakikita ni Jehova, ng Anak niya, at ng lahat ng anghel ang mga problemang nagpapahina sa atin. Hindi rin tayo dapat mag-alala na hindi agad matutugunan ng Diyos ang pangangailangan natin o na hindi makakasabay ang organisasyon niya sa mga bagong hamon dahil sa pabago-bagong kalagayan sa mundo. Huwag nating kakalimutan na laging kumikilos ang organisasyon ni Jehova. Ang totoo, may narinig si Ezekiel na tinig mula sa langit: “Mga gulong!”—malamang na isang utos para kumilos ang mga gulong. (Ezek. 10:13) Talagang mamamangha tayo kapag pinag-isipan natin kung paano pinapakilos ni Jehova ang organisasyon niya. Pero siyempre, si Jehova ang pinakahinahangaan natin.
Ang Kumokontrol sa Karo
21, 22. Bakit nananatiling buo ang karo?
21 Pagkatapos, napatingin si Ezekiel sa itaas ng mga gulong, at may nakita siyang “gaya ng isang malapad na sahig na kahanga-hanga at nagniningning na tulad ng yelo.” (Ezek. 1:22) Doon, sa itaas ng mga kerubin, ay may malapad na sahig na kumikinang. Kung marunong sa makina ang isang mambabasa, baka maisip niya: ‘Bakit nananatili ang sahig sa ibabaw ng mga gulong? At paano umiikot ang mga gulong kahit walang ehe, o axle, na nagdurugtong sa mga ito?’ Tandaan na ang sasakyang ito ay hindi sakop ng pisikal na mga batas dahil makasagisag ito—isang paglalarawan ng nangyayari sa langit. Pansinin din ito: “Ang espiritung nasa buháy na mga nilalang ay nasa mga gulong din.” (Ezek. 1:20, 21) Ano ang espiritung nasa mga kerubin at nasa mga gulong?
22 Iyon ang banal na espiritu ni Jehova, ang pinakamakapangyarihang puwersa sa uniberso. Ang aktibong puwersang iyan ang dahilan kung kaya nananatiling buo ang sasakyang ito. Iyan din ang nagbibigay ng kapangyarihan sa sasakyan at ang nasa likod ng kontrolado nitong pagkilos. Ngayon naman, nagpokus si Ezekiel sa kumokontrol ng karo.
Nahirapan si Ezekiel na ilarawan ang nakita niya
23. Anong mga salita ang ginamit ni Ezekiel para ilarawan si Jehova, at bakit?
23 Basahin ang Ezekiel 1:26-28. Sa buong pangitain, madalas gumamit si Ezekiel ng mga salitang “gaya,” “parang,” “tila,” at “tulad.” Pero sa mga talatang ito, mas madalas pa niyang ginamit ang mga iyan. Sa ganda ng mga nakita ni Ezekiel sa pangitain, nahirapan siyang ilarawan ang mga ito. May nakita siyang “gaya ng batong safiro, na parang isang trono.” Isip-isipin ang isang trono na inukit mula sa isang pagkalaki-laking asul na safiro. At may nakaupo roon na isang Persona. Ang hitsura niya ay “tulad ng isang tao.”
24, 25. (a) Ano ang ipinapaalaala sa atin ng bahaghari na nasa palibot ng trono ni Jehova? (b) Ano ang naging epekto ng ganitong mga pangitain sa ilang tapat na lalaki?
24 Ang kabuoang anyo lang ni Jehova ang matutukoy, dahil may apoy na nagmumula sa kaniyang baywang pataas, at pati pababa. Baka hinarangan ng propeta ang mata niya para hindi masilaw habang tinititigan ang maluwalhating anyo ng Diyos. At talagang kamangha-mangha ang kasunod niyang nakita: “Nagniningning ang palibot niya gaya ng bahaghari sa ulap sa isang maulang araw.” Hindi ba gumagaan ang pakiramdam mo kapag nakakakita ka ng bahaghari? Isang magandang paalaala ng kaluwalhatian ng ating Maylalang! Ang makulay na arkong iyon sa langit ay nagpapaalaala rin sa atin ng tipan ni Jehova para sa kapayapaan pagkatapos ng Baha. (Gen. 9:11-16) Kahit siya ang Makapangyarihan-sa-Lahat, siya pa rin ay isang Diyos ng kapayapaan. (Heb. 13:20) Naghahari sa puso niya ang kapayapaan, at ibinabahagi niya ito sa lahat ng tapat na sumasamba sa kaniya.
25 Ano ang epekto kay Ezekiel nang makita niya ang paglalarawan sa kaluwalhatian ng Diyos na Jehova? Iniulat niya: “Nang makita ko iyon, sumubsob ako.” Sa sobrang pagkamangha at pagkatakot sa Diyos, sumubsob siya sa lupa. Ganiyan din ang reaksiyon ng ibang propeta na nakakita ng katulad na pangitain; siguradong nakapanliliit ang karanasang iyon, baka nawalan pa nga sila ng lakas. (Isa. 6:1-5; Dan. 10:8, 9; Apoc. 1:12-17) Pero nang maglaon, ang mga lalaking iyon ay talagang napalakas dahil sa ipinakita sa kanila ni Jehova. Siguradong napatibay si Ezekiel. Kung gayon, ano ang dapat na maging epekto sa atin ng pagbabasa ng ganitong mga ulat sa Bibliya?
26. Paano napatibay si Ezekiel sa pangitain niya?
26 Kung nag-aalala si Ezekiel o may anumang pagdududa dahil sa kalagayan ng bayan ng Diyos sa Babilonya, siguradong napatibay siya ng pangitaing iyon. Malinaw na hindi mahalaga kung ang tapat na mga lingkod ng Diyos ay nasa Jerusalem o Babilonya o saanmang lugar. Siguradong maaabot sila ng maluwalhating karo ni Jehova! Walang magagamit si Satanas na puwedeng ipanlaban sa Diyos na kumokontrol sa isang napakaluwalhating organisasyon sa langit. (Basahin ang Awit 118:6.) Nakita rin ni Ezekiel na hindi malayo sa sangkatauhan ang makalangit na sasakyan—lumalapag pa nga sa lupa ang mga gulong nito! (Ezek. 1:19) Kaya talagang interesado si Jehova sa kaniyang tapat na mga lingkod na ipinatapon. Lagi silang maaabot ng pagmamalasakit at pagmamahal ng kanilang Ama!
Ikaw at ang Karo
27. Ano ang matututuhan natin sa pangitain ni Ezekiel?
27 May matututuhan ba tayo sa pangitain ni Ezekiel? Oo! Tandaan na mas pinapatindi pa ni Satanas ang pagsalakay sa dalisay na pagsamba kay Jehova. Gusto niya tayong makumbinsi na nag-iisa tayo at malayo sa ating makalangit na Ama at sa organisasyon Niya. Huwag na huwag mong bibigyan ng lugar sa isip at puso mo ang gayong mga kasinungalingan! (Awit 139:7-12) Gaya ni Ezekiel, marami tayong dahilan para mamangha. Baka hindi naman tayo sumubsob sa lupa gaya niya. Pero hindi ba tayo namamangha sa kapangyarihan, bilis, at kaluwalhatian ng makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova, pati na sa kakayahan nitong makibagay at magbago agad ng direksiyon?
28, 29. Ano ang nagpapakitang kumikilos ang karo ni Jehova sa nakalipas na 100 taon?
28 Tandaan din na may makalupang bahagi ang organisasyon ni Jehova. Totoo, binubuo ito ng di-perpektong mga tao. Pero isipin na lang kung ano na ang naisagawa ni Jehova dito sa lupa! Dahil sa tulong niya, nagawa ng mga tao sa buong mundo ang mga bagay na hindi nila magagawa kung sa sarili lang nila. (Juan 14:12) Kapag binasa natin ang aklat na Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos! makikita natin kung gaano na kalawak ang gawaing pangangaral sa nakalipas na 100 taon. Makikita rin natin ang mabilis na pagsulong ng organisasyon ni Jehova pagdating sa pagtuturo sa tunay na mga Kristiyano, sa pagkakamit ng tagumpay sa korte, at kahit sa paggamit ng pinakabagong teknolohiya para isagawa ang kalooban ng Diyos!
29 Kapag pinag-isipan natin ang lahat ng nagawa na para ibalik ang dalisay na pagsamba sa mga huling araw ng masamang sistemang ito, nagiging mas malinaw sa atin na kumikilos ang karo ni Jehova. Isa ngang pribilehiyo na maging bahagi ng organisasyong ito at makapaglingkod sa Kataas-taasan!—Awit 84:10.
30. Ano ang tatalakayin sa susunod na kabanata?
30 Pero marami pa tayong matututuhan sa pangitain ni Ezekiel. Sa susunod na kabanata, susuriin natin ang apat na kamangha-manghang “buháy na nilalang,” o kerubin. Ano kaya ang matututuhan natin sa kanila tungkol sa ating maluwalhati at Kataas-taasang Diyos, si Jehova?
a Ang binanggit ni Ezekiel ay elektrum, na pinaghalong ginto at pilak.
b Ito ang distansiya sa pagitan ng Jerusalem at Babilonya, pero ang rutang dinaanan ng mga tapon ay halos doble nito.