ARALIN 07
Anong Uri ng Diyos si Jehova?
Kapag binabanggit ang Diyos na Jehova, ano ang naiisip mo? Hangang-hanga ka ba sa kaniya pero parang napakalayo niya, gaya ng isang bituin sa langit? O nai-imagine mo ba siya na napakamakapangyarihan na parang malakas na bagyo, pero wala namang emosyon? Sino ba talaga si Jehova? Sinasabi ng kaniyang Salita, ang Bibliya, kung ano ang kaniyang mga katangian. Sinasabi rin nito na nagmamalasakit siya sa iyo.
1. Bakit hindi natin nakikita ang Diyos?
“Ang Diyos ay Espiritu.” (Juan 4:24) Walang pisikal na katawan si Jehova. Espiritu siya na nakatira sa langit, isang lugar na hindi natin nakikita.
2. Ano ang ilang katangian ni Jehova?
Hindi natin nakikita si Jehova. Pero kapag nakilala natin siya, mamahalin natin siya kasi isa siyang totoong Persona na may magagandang katangian. Sinasabi ng Bibliya: “Iniibig ni Jehova ang katarungan, at hindi niya iiwan ang mga tapat sa kaniya.” (Awit 37:28) “Napakamapagmahal [niya] at maawain,” lalo na sa mga taong nahihirapan. (Santiago 5:11) “Si Jehova ay malapit sa mga may pusong nasasaktan; inililigtas niya ang mga nasisiraan ng loob.” (Awit 34:18) At alam mo ba na naaapektuhan si Jehova sa mga ginagawa natin? Nalulungkot at nasasaktan siya kapag gumagawa ng masama ang mga tao. (Awit 78:40, 41) Pero kapag gumagawa sila ng tama, napapasaya nila si Jehova.—Basahin ang Kawikaan 27:11.
3. Paano ipinapakita ni Jehova na mahal niya tayo?
Ang pinakakahanga-hangang katangian ni Jehova ay pag-ibig. Ang totoo, “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Bukod sa sinasabi ng Bibliya, makikita rin ang pag-ibig ni Jehova sa mga nilalang niya. (Basahin ang Gawa 14:17.) Halimbawa, tingnan kung paano niya tayo nilikha. Nakakakita tayo ng magagandang kulay, nakakarinig ng mga musika, at nakakalasa ng masasarap na pagkain. Gusto niya na mag-enjoy tayo sa buhay.
PAG-ARALAN
Alamin kung ano ang ginamit ni Jehova para magawa ang maraming bagay. At tingnan kung paano ipinakita at ipinadama ni Jehova ang magaganda niyang katangian.
4. Banal na espiritu—ang aktibong puwersa ng Diyos
Kapag mayroon tayong gustong gawin, ginagamit natin ang ating mga kamay; ginagamit naman ni Jehova ang kaniyang banal na espiritu. Sinasabi ng Bibliya na ang banal na espiritu ang puwersa na ginagamit ng Diyos para magawa ang isang bagay. Hindi ito isang persona. Basahin ang Lucas 11:13 at Gawa 2:17. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
“Ibubuhos” ng Diyos ang banal na espiritu niya sa mga humihingi nito sa kaniya. Kaya sa tingin mo, ang banal na espiritu ba ay isang persona o aktibong puwersa ng Diyos? Bakit iyan ang sagot mo?
Ginagamit ni Jehova ang banal na espiritu niya para magawa ang maraming bagay. Basahin ang Awit 33:6 at 2 Pedro 1:20, 21. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano ginamit ni Jehova ang banal na espiritu niya?
5. May magagandang katangian si Jehova
Kahit tapat nang naglilingkod si Moises sa Diyos, gusto pa rin niyang mas makilala ang Maylalang. Sinabi ni Moises sa Diyos: “Ipaalám mo sa akin ang iyong mga daan para makilala kita.” (Exodo 33:13) Kaya sinabi ni Jehova kay Moises ang mga katangian niya. Basahin ang Exodo 34:4-6. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ayon sa teksto, ano ang ilan sa mga katangian ni Jehova?
Anong mga katangian ni Jehova ang pinakagusto mo?
6. Nagmamalasakit si Jehova sa mga tao
Ang bayan ng Diyos noon, ang mga Hebreo, ay inalipin sa Ehipto. Ano ang naramdaman ni Jehova? Pakinggan ang AUDIO o basahin ang Exodo 3:1-10. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang ipinapakita ng ulat na ito tungkol sa nararamdaman ni Jehova kapag nahihirapan ang mga tao?—Tingnan ang talata 7 at 8.
Sa tingin mo, gusto at kaya ba talaga ni Jehova na tulungan ang mga tao? Bakit iyan ang sagot mo?
7. Makikita ang mga katangian ni Jehova sa mga nilalang niya
Ipinapakita ng mga nilalang ni Jehova ang mga katangian niya. Panoorin ang VIDEO, at basahin ang Roma 1:20. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Anong mga katangian ni Jehova ang nakikita mo sa mga nilalang niya?
MAY NAGSASABI: “Ang Diyos ay nasa lahat ng bagay at nasa lahat ng lugar, at hindi siya isang persona.”
Ano ang masasabi mo?
Bakit iyan ang sagot mo?
SUMARYO
Si Jehova ay isang di-nakikitang Espiritu na may magagandang katangian, gaya ng pag-ibig.
Ano ang Natutuhan Mo?
Bakit hindi natin nakikita si Jehova?
Ano ang banal na espiritu?
Ano ang ilan sa mga katangian ni Jehova?
TINGNAN DIN
Pag-aralan ang apat na mahahalagang katangian ni Jehova para mas makilala mo siya.
Tingnan ang mga ebidensiya na wala sa lahat ng lugar si Jehova.
“Ang Diyos Ba ay Nasa Lahat ng Lugar, o Omnipresente?” (Artikulo sa jw.org/tl)
Tingnan kung bakit tinawag ng Bibliya na kamay ng Diyos ang banal na espiritu.
Nahihirapan ang isang bulag na maniwalang nagmamalasakit sa kaniya ang Diyos. Alamin kung ano ang nakatulong sa kaniya.
“Nadarama Ko Na Ngayon na Nakatutulong Ako sa Iba” (Ang Bantayan, Oktubre 1, 2015)
a Ang rekording na ito ay galing sa naunang bersiyon ng Bagong Sanlibutang Salin.