ARALIN 28
Pahalagahan ang Ginawa ni Jehova at ni Jesus Para sa Iyo
Ano ang mararamdaman mo kapag binigyan ka ng kaibigan mo ng isang espesyal na regalo? Siguradong magiging masaya ka at gusto mong ipakita na pinapahalagahan mo iyon. Ibinigay sa atin ni Jehova at ni Jesus ang pinakamahalagang regalo. Ano ito? At paano natin maipapakita na pinapahalagahan natin ito?
1. Paano natin mapapahalagahan ang ginawa ng Diyos at ni Kristo para sa atin?
Ipinapangako ng Bibliya na mabubuhay magpakailanman “ang bawat isa na nananampalataya [kay Jesus].” (Juan 3:16) Ano ang ibig sabihin ng pananampalataya? Hindi lang ito basta paniniwala kay Jesus. Dapat din itong makita sa mga pagpapasiya at ginagawa natin. (Santiago 2:17) Kapag ipinapakita natin ang pananampalataya natin sa salita at gawa, napapatibay ang ating pakikipagkaibigan kay Jesus at sa Ama niya, si Jehova.—Basahin ang Juan 14:21.
2. Anong espesyal na okasyon ang makakatulong para mapahalagahan natin ang ginawa ni Jehova at ni Jesus?
Noong gabi bago mamatay si Jesus, sinabi niya sa kaniyang mga tagasunod ang isang paraan para maipakita nila ang pagpapahalaga sa sakripisyo niya. Iniutos niya na magsama-sama sila para sa isang espesyal na okasyon na tinatawag ng Bibliya na “Hapunan ng Panginoon.” Kilala rin itong Memoryal ng kamatayan ni Kristo. (1 Corinto 11:20) Gusto ni Jesus na alalahanin ng mga apostol at ng lahat ng tunay na Kristiyano ang pagbibigay niya ng buhay niya para sa atin. Tungkol sa okasyong ito, iniutos ni Jesus: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Lucas 22:19) Kapag dumalo ka sa Memoryal, ipinapakita mo na pinapahalagahan mo ang pag-ibig ni Jehova at ni Jesus para sa atin.
PAG-ARALAN
Tingnan kung paano pa maipapakita ang pagpapahalaga sa pag-ibig na ipinakita ni Jehova at ni Jesus. Alamin ang kahalagahan ng Memoryal ng kamatayan ni Kristo.
3. Ipakita ang pagpapahalaga
Isipin na nalulunod ka at may sumagip sa iyo. Kakalimutan mo na lang ba ang ginawa ng sumagip sa iyo? O gagawa ka ng paraan para maipakita mong nagpapasalamat ka sa kaniya?
Utang natin kay Jehova ang buhay natin. Basahin ang 1 Juan 4:8-10. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Bakit espesyal na regalo ang sakripisyo ni Jesus?
Ano ang nararamdaman mo sa ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa iyo?
Paano natin maipapakita na pinapahalagahan natin ang ginawa ni Jehova at ni Jesus? Basahin ang 2 Corinto 5:15 at 1 Juan 4:11; 5:3. Sa bawat pagbasa ng teksto, talakayin ang tanong na ito:
Ayon sa teksto, paano natin maipapakita ang pagpapahalaga natin?
4. Tularan si Jesus
Maipapakita pa natin ang ating pagpapahalaga kung tutularan natin si Jesus. Basahin ang 1 Pedro 2:21. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Paano mo masusundang mabuti ang yapak, o halimbawa, ni Jesus?
5. Dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo
Para malaman ang nangyari sa mismong Hapunan ng Panginoon, basahin ang Lucas 22:14, 19, 20. Pagkatapos, talakayin ang mga tanong na ito:
Ano ang nangyari sa Hapunan ng Panginoon?
Saan lumalarawan ang tinapay at alak?—Tingnan ang talata 19 at 20.
Gusto ni Jesus na alalahanin ng mga alagad niya ang Hapunan ng Panginoon minsan sa isang taon, sa mismong petsa ng kamatayan niya. Kaya taon-taon, nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova para alalahanin ang kamatayan ni Kristo gaya ng iniutos niya. Para malaman ang iba pang impormasyon tungkol sa okasyong ito, panoorin ang VIDEO. Pagkatapos, talakayin ang tanong na ito:
Ano ang nangyayari kapag Memoryal?
Ang tinapay at alak ay mga emblema o simbolo. Ang tinapay ay lumalarawan sa perpektong katawan ni Jesus na isinakripisyo niya para sa atin; ang alak naman ay sa dugo niya
MAY NAGSASABI: “Tanggapin mo lang si Jesus sa buhay mo, ligtas ka na.”
Paano mo gagamitin ang Juan 3:16 at Santiago 2:17 para ipakita na may kailangan pa silang gawin?
SUMARYO
Maipapakita natin na pinapahalagahan natin ang ginawa ni Jesus kung mananampalataya tayo sa kaniya at dadalo tayo sa Memoryal ng kamatayan niya.
Ano ang Natutuhan Mo?
Ano ang ibig sabihin ng pananampalataya kay Jesus?
Paano mo maipapakita na pinapahalagahan mo ang ginawa ni Jehova at ni Jesus para sa iyo?
Bakit mahalaga na dumalo sa Memoryal ng kamatayan ni Kristo?
TINGNAN DIN
Dahil sa kamatayan ni Kristo, ano ang gusto nating gawin?
Ginamit Niya ang Katawan Niya Para Parangalan si Jehova (9:28)
Ano ang pananampalataya at paano natin ito maipapakita?
“Ipakita ang Iyong Pananampalataya sa mga Pangako ni Jehova” (Ang Bantayan, Oktubre 2016)
Basahin ang kuwentong “Pakiramdam Ko’y Malinis at Buo Na ang Pagkatao Ko.” Tingnan kung paano nagbago ang buhay ng isang babae nang malaman niya ang sakripisyo ni Kristo.
“Binago ng Bibliya ang Kanilang Buhay” (Ang Bantayan, Agosto 1, 2011)
Alamin kung bakit kaunti lang ang nakikibahagi sa mga emblema sa Memoryal.