Agosto
Martes, Agosto 1
Ama, patawarin mo sila. —Luc. 23:34.
Malamang na ang tinutukoy ni Jesus ay ang mga sundalong Romano na nagpako sa kaniyang mga kamay at paa. Hindi ikinagalit ni Jesus ang kawalang-katarungang dinanas niya. (1 Ped. 2:23) Gaya ni Jesus, kailangan na handa rin tayong magpatawad. (Col. 3:13) Baka pinag-uusig tayo ng ilan, pati na ng mga kamag-anak natin, dahil hindi nila naiintindihan ang mga paniniwala natin at paraan ng pamumuhay. Baka nagkakalat sila ng kasinungalingan tungkol sa atin, hinihiya tayo sa harap ng iba, sinisira ang mga publikasyon natin, o pinagbabantaan pa ngang sasaktan. Sa halip na magkimkim ng galit, puwede nating hilingin kay Jehova na buksan sana ang mga mata nila para makita nila ang katotohanan. (Mat. 5:44, 45) Kung minsan, nahihirapan tayong magpatawad, lalo na kung sumosobra na ang kawalang-katarungan nila. Pero kung magtatanim tayo ng galit at sama ng loob sa puso natin, tayo rin ang masasaktan. (Awit 37:8) Kapag nagpapatawad tayo, hindi natin hinahayaang mag-ugat ang galit sa puso natin.—Efe. 4:31, 32. w21.04 8 ¶3-4
Miyerkules, Agosto 2
Kay dalas nilang . . . saktan ang damdamin niya.—Awit 78:40.
May kapamilya ka ba na natiwalag? Tiyak na napakasakit nito para sa iyo! Isipin kung gaano kasakit kay Jehova nang iwan siya ng ilang anghel, na mga miyembro ng pamilya niya sa langit. (Jud. 6) At isipin din ang sakit na naramdaman niya nang paulit-ulit na magrebelde ang mga Israelita, ang bayang minamahal niya. (Awit 78:41) Kaya siguradong napakasakit din para sa ating mapagmahal na Ama sa langit kapag iniwan siya ng mahal mo sa buhay. Naiintindihan niya ang sakit na nararamdaman mo. At dahil mahal ka ni Jehova, papatibayin at tutulungan ka niya. Kapag iniwan ng isang anak si Jehova, kadalasan nang iniisip ng mga magulang na nagkulang sila. Sinabi ng isang brother: “Sinisi ko ang sarili ko. Napapanaginipan ko pa nga ’yon.” Sinabi naman ng isang sister na natiwalag din ang anak: “Siguro hindi ako naging mabuting ina. Pakiramdam ko, hindi ko naitanim ang katotohanan sa puso ng anak ko.” w21.09 26 ¶1-2, 4
Huwebes, Agosto 3
[Itinuturing silang] hindi nakapag-aral at pangkaraniwan. —Gawa 4:13.
Iniisip ng ilan na hindi puwedeng magturo ang bayan ng Diyos tungkol sa Bibliya dahil hindi naman sila nakapagtapos sa mga kilaláng teolohikal na paaralan. Pero kailangan nilang alamin kung ano ang totoo. Iyan ang ginawa ng manunulat ng Ebanghelyo na si Lucas. Maingat niyang sinaliksik ‘ang lahat ng bagay mula sa pasimula at nakuha ang tumpak na impormasyon.’ Gusto niyang “matiyak [ng mga mambabasa] kung gaano katotoo” ang mga narinig nila tungkol kay Jesus. (Luc. 1:1-4) Ang mga Judio sa sinaunang Berea ay gaya ni Lucas. Nang una nilang marinig ang mabuting balita tungkol kay Jesus, tiningnan nila ang Hebreong Kasulatan para makasigurong totoo ang narinig nila. (Gawa 17:11) Ganiyan din ang dapat gawin ng mga tao ngayon. Dapat nilang ikumpara sa sinasabi ng Kasulatan ang itinuturo sa kanila ng bayan ng Diyos. Kailangan din nilang pag-aralan ang mga nagawa ng bayan ni Jehova sa panahon natin. Kung gagawa sila ng tamang “background check,” hindi sila basta manghuhusga o maniniwala sa mga sabi-sabi. w21.05 3 ¶7-8
Biyernes, Agosto 4
Buksan . . . ninyong mabuti ang inyong puso.—2 Cor. 6:13.
May naiisip ka bang kakongregasyon mo na puwede mong imbitahan? May mga panahon din na mas mapapahalagahan ng mga kapatid ang pakikipagsamahan natin sa kanila. Halimbawa, nahihirapan ang ilan na makasama ang di-Saksi nilang kapamilya kapag holiday. May mga petsa naman na sobrang nalulungkot ang ilan, gaya ng anibersaryo ng kamatayan ng mahal nila sa buhay. Kapag naglalaan tayo ng panahon para makasama ang mga gaya nila, ipinapakita natin na ‘talagang nagmamalasakit’ tayo. (Fil. 2:20) Maraming dahilan kung bakit pakiramdam ng isang Kristiyano ay nag-iisa siya. Pero huwag nating kakalimutan na alam na alam iyon ni Jehova. Inilalaan niya ang kailangan natin at kadalasan nang sa pamamagitan ng mga kapatid. (Mat. 12:48-50) Tayo naman, maipapakita natin na pinapahalagahan natin ang tulong ni Jehova kung gagawin natin ang ating buong makakaya para masuportahan ang ating espirituwal na pamilya. Kahit na nalulungkot tayo kung minsan, tandaan na hindi tayo nag-iisa dahil lagi nating kasama si Jehova! w21.06 12-13 ¶18-20
Sabado, Agosto 5
Panatilihin ninyo ang inyong mabuting paggawi sa mga bansa, para kapag inakusahan nila kayong gumagawa ng masama, maging saksi sila sa mga ginagawa ninyong mabuti, at bilang resulta, luwalhatiin nila ang Diyos. —1 Ped. 2:12.
Nanatiling positibo si Jesus at patuloy na nangaral kahit may mga ayaw makinig sa mensahe niya. Bakit? Alam niya na talagang kailangan ng mga tao na malaman ang katotohanan, at gusto niyang marami ang mabigyan ng pagkakataon na tumanggap ng mensahe ng Kaharian. Alam din niya na ang mga ayaw makinig noong una ay puwede ring magbago ng isip. Isang halimbawa nito ang pamilya ni Jesus. Sa tatlo-at-kalahating-taóng ministeryo niya, walang naging alagad sa mga kapatid niya. (Juan 7:5) Pero naging Kristiyano sila pagkatapos niyang buhaying muli. (Gawa 1:14) Hindi natin alam kung sino ang tatanggap sa mga katotohanan sa Bibliya na itinuturo natin. May ilan na hindi agad tumatanggap sa mensahe. Kahit ang mga ayaw makinig noong una ay ‘lumuluwalhati din sa Diyos’ kapag nakita nila ang ating mabuting paggawi at pagiging positibo. w21.05 18-19 ¶17-18
Linggo, Agosto 6
Humayo kayo at mangaral. Sabihin ninyo: “Ang Kaharian ng langit ay malapit na.” —Mat. 10:7.
Noong nasa lupa si Jesus, binigyan niya ang mga tagasunod niya ng isang utos na may dalawang bahagi. Sinabi niya na ipangaral nila ang mabuting balita ng Kaharian, at ipinakita niya kung paano nila iyon gagawin. (Luc. 8:1) Halimbawa, itinuro ni Jesus ang dapat gawin kapag tinanggihan o tinanggap ng mga tao ang mensahe ng Kaharian. (Luc. 9:2-5) Inihula rin niya kung magiging gaano kalawak ang pangangaral at sinabing ang mga tagasunod niya ay ‘mangangaral sa lahat ng bansa.’ (Mat. 24:14; Gawa 1:8) Sinabi pa niya sa mga tagasunod niya na ituro sa mga tao na tuparin ang lahat ng iniutos niya. Ipinakita ni Jesus na ang mahalagang gawaing ito ay magpapatuloy sa panahon natin, “hanggang sa katapusan ng sistemang ito.” (Mat. 28:18-20) At sa pagsisiwalat na ibinigay niya kay Juan, malinaw na ipinakita ni Jesus na lahat ng alagad niya ay inaasahang tutulong sa iba na matuto tungkol kay Jehova.—Apoc. 22:17. w21.07 2-3 ¶3-4
Lunes, Agosto 7
Huwag tayong maging mapagmataas, huwag tayong makipagkompetensiya sa isa’t isa, at huwag nating kainggitan ang isa’t isa.—Gal. 5:26.
Sa ngayon, marami ang mahilig makipagkompetensiya. Baka gumawa ng paraan ang isang negosyante para masabotahe ang negosyo ng mga kalaban niya. Baka sadyain ng isang atleta na ma-injure ang kalaban niya para lang manalo. Baka mandaya ang isang estudyante sa entrance exam para lang makapasok sa isang sikat na unibersidad. Bilang mga Kristiyano, alam natin na mali ang mga ito at ang mga ito ay “gawa ng laman.” (Gal. 5:19-21) Pero posible bang nakikipagkompetensiya ang ilang kapatid sa loob ng kongregasyon nang hindi nila namamalayan? Mahalagang masagot iyan dahil nakakaapekto sa pagkakaisa ng mga kapatid ang pakikipagkompetensiya. Makakabuti kung pag-iisipan natin ang halimbawa ng tapat na mga lingkod ni Jehova noong panahon ng Bibliya na hindi nakipagkompetensiya. w21.07 14 ¶1-2
Martes, Agosto 8
Maligaya ang sinumang tumutulong sa dukha; ililigtas siya ni Jehova sa araw ng kapahamakan.—Awit 41:1.
Pinapakilos tayo ng tapat na pag-ibig para alalayan ang mga nasisiraan ng loob. Hindi iniiwan ng mga kapatid ang mga nade-depress o pinanghihinaan ng loob sa kongregasyon. Mahal na mahal nila ang mga kapatid at gustong-gusto nilang gawin ang lahat ng makakaya nila para tulungan ang mga ito. (Kaw. 12:25, tlb.; 24:10) Kaayon iyan ng sinabi ni apostol Pablo: “Patibayin ang mga pinanghihinaan ng loob, alalayan ang mahihina, at maging mapagpasensiya sa lahat.” (1 Tes. 5:14) Madalas, ang pakikinig at pagmamalasakit sa mga kapatid nating nasisiraan ng loob ang pinakaepektibong paraan para matulungan sila. Masaya si Jehova kapag nakikita niyang ginagawa natin iyan sa isang lingkod niya. Sinasabi ng Kawikaan 19:17: “Ang tumutulong sa dukha ay nagpapautang kay Jehova, at babayaran Niya siya dahil sa ginawa niya.” w21.11 10 ¶11-12
Miyerkules, Agosto 9
Subukin ninyo si Jehova at makikita ninyong mabuti siya; maligaya ang taong nanganganlong sa kaniya. —Awit 34:8.
Ano ang puwede nating gawin ngayon bilang paghahanda sa mangyayari sa hinaharap? Kailangan nating maging kontento at gawing pinakamahalaga sa buhay natin ang kaugnayan natin kay Jehova. Kapag kilalang-kilala natin ang Diyos, lalo tayong magtitiwala sa kakayahan niyang protektahan tayo kapag umatake na si Gog ng Magog. Makikita sa teksto sa araw na ito kung bakit makakapagtiwala si David na tutulungan siya ni Jehova. Laging umaasa si David kay Jehova, at hindi siya binigo ni Jehova kahit kailan. Noong bata pa siya, hinarap ni David ang higanteng Filisteo na si Goliat at sinabi sa malakas na mandirigmang iyon: “Sa mismong araw na ito ay isusuko ka ni Jehova sa kamay ko.” (1 Sam. 17:46) Nang maglaon, noong naglilingkod si David kay Haring Saul, ilang beses siyang tinangkang patayin nito. Pero si “Jehova ay sumasakaniya.” (1 Sam. 18:12) Dahil maraming beses nang naranasan ni David ang tulong ni Jehova, buo ang tiwala ni David na tutulungan siya ni Jehova sa mga problema niya. w22.01 6 ¶14-15
Huwebes, Agosto 10
Sumigaw ng papuri ang lahat ng anak ng Diyos. —Job 38:7.
Laging naglalaan si Jehova ng sapat na panahon para matapos ang ginagawa niya. Hindi niya iyon minamadali. Ginagawa niya iyon para maluwalhati ang pangalan niya at para sa ikakabuti ng iba. Halimbawa, hindi minadali ni Jehova ang paglalang sa lupa. Unti-unti niya itong inihanda para sa mga tao. Sinasabi ng Bibliya na itinakda niya ang “mga sukat nito,” ibinaon ang “mga tuntungan nito,” at inilagay ang “batong-panulok nito.” (Job 38:5, 6) Naglaan pa nga siya ng panahon para pagmasdan ang mga ginawa niya. (Gen. 1:10, 12) Naiisip ba ninyo kung ano ang nararamdaman ng mga anghel habang nakikita nila na unti-unting natatapos ni Jehova ang mga nilalalang niya? Siguradong tuwang-tuwa sila! ‘Napasigaw pa nga sila ng papuri.’ Ano ang matututuhan natin dito? Libo-libong taon bago natapos ni Jehova ang paglalang, pero nang pagmasdan niya ang lahat ng ginawa niya, sinabi niya na iyon ay “napakabuti.”—Gen. 1:31. w21.08 9 ¶6-7
Biyernes, Agosto 11
Mahusay! Mabuti at tapat kang alipin!—Mat. 25:23.
Sa ilustrasyon ni Jesus, may isang lalaki na maglalakbay sa ibang bayan. Bago umalis, ipinatawag niya ang mga alipin niya at binigyan sila ng mga talento para gamitin sa negosyo. Binigyan niya sila ng talento ayon sa kakayahan ng bawat isa—sa isa ay lima, sa isa ay dalawa, at sa isa pa ay isang talento. Ang unang dalawang alipin ay nagsikap at pinalago ang pera ng kanilang panginoon. Pero walang ginawa ang ikatlong alipin, kaya tinanggal siya ng kaniyang panginoon sa pagiging alipin. Ang unang dalawang alipin ay nagsikap at pinalago ang pera ng kanilang panginoon. Kaya naman, nadoble nila ang mga talentong ibinigay sa kanila. Ginantimpalaan sila ng panginoon nila dahil sa kasipagan nila. At hindi lang basta natuwa ang panginoon nila sa kanila. Pinuri din sila nito at binigyan ng mas marami pang responsibilidad! w21.08 21 ¶7; 22 ¶9-10
Sabado, Agosto 12
Minsan pa . . . uugain ko ang langit at ang lupa.—Hag. 2:6.
Ganoon na lang ang pagtitiis ni Jehova sa mga huling araw na ito dahil hindi niya gustong mapuksa ang sinuman. (2 Ped. 3:9) Binibigyan niya ng pagkakataong magsisi ang lahat. Pero may limitasyon ang pagtitiis niya. Ang mga ayaw sumuporta sa Kaharian ng Diyos ay mapapahamak na gaya ng Paraon noong panahon ni Moises. Sinabi ni Jehova sa Paraon: “Kung tutuosin, puwede kong gamitin ang kapangyarihan ko para padalhan ka at ang bayan mo ng matinding sakit, at nabura ka na sana sa lupa. Pero pinanatili kitang buháy sa dahilang ito: para maipakita ko sa iyo ang kapangyarihan ko at para maipahayag ang pangalan ko sa buong lupa.” (Ex. 9:15, 16) Malalaman ng lahat ng bansa na si Jehova ang tanging tunay na Diyos. (Ezek. 38:23) Ang pag-uga na binanggit sa teksto sa araw na ito ay mangangahulugan ng walang-hanggang pagkapuksa para sa mga gaya ng Paraon na tumangging kilalanin ang karapatan ni Jehova na mamahala. w21.09 18-19 ¶17-18
Linggo, Agosto 13
Makipagsaya sa mga nagsasaya; makiiyak sa mga umiiyak. —Roma 12:15.
Nalulungkot ka ba dahil natiwalag ang isang mahal mo sa buhay? Pero paano kung may nasasabi ang ilang kakongregasyon mo na lalo lang nagpapalala sa nararamdaman mo? Hindi natin dapat isipin na laging tama ang masasabi ng iba. (Sant. 3:2) Lahat tayo ay hindi perpekto, kaya asahan mo na baka hindi alam ng ilan ang sasabihin nila o baka may masabi pa nga sila na masakit nang hindi nila sinasadya. Tandaan ang payo ni apostol Pablo: “Patuloy ninyong pagtiisan ang isa’t isa at lubusang patawarin ang isa’t isa kahit pa may dahilan kayo para magreklamo.” (Col. 3:13) Patuloy na tulungan ang tapat na mga kapamilya ng natiwalag. Kailangan nila ang pagmamahal at pampatibay lalong-lalo na ngayon. (Heb. 10:24, 25) Kung minsan, napapansin nila na iniiwasan sila ng ilang kapatid na para bang natiwalag din sila. Ayaw natin na mangyari iyon! Ang mga kabataan na may mga magulang na natiwalag ang lalo nang nangangailangan ng komendasyon at pampatibay. w21.09 29 ¶13-14; 30 ¶16
Lunes, Agosto 14
Ang taong marunong ay nakikinig at kumukuha ng higit pang instruksiyon.—Kaw. 1:5.
Parehong nakikinabang ang mga may-edad na at mga kabataan kapag nagkukuwentuhan sila. (Roma 1:12) Mapapatibay ang mga kabataan dahil makikita nila kung paano pinapangalagaan ni Jehova ang mga tapat na lingkod niya. At mararamdaman naman ng mga may-edad nang mahalaga sila. Matutuwa silang balikan at ikuwento sa iyo kung paano sila pinagpala ni Jehova. Kumukupas ang kagandahan kapag nagkakaedad na, pero ang mga tapat kay Jehova ay lalong gumaganda sa paningin niya sa paglipas ng bawat taon. (1 Tes. 1:2, 3) Bakit? Dahil sa loob ng maraming taon, hinayaan nila ang espiritu ng Diyos na sanayin sila at tulungan silang magkaroon ng magagandang katangian. Habang mas nakikilala natin ang mahal nating mga kapatid na may-edad na, binibigyang-dangal sila, at natututo mula sa kanila, mas lalo natin silang ituturing na napakahalagang kayamanan. Tumitibay ang kongregasyon kapag itinuturing ng mga kabataan na kayamanan ang mga may-edad na. Pero makakatulong din kung papahalagahan ng mga may-edad na ang mga kabataan. w21.09 7 ¶15-18
Martes, Agosto 15
Huwag na kayong humatol para hindi kayo mahatulan; dahil kung paano kayo humahatol, gayon kayo hahatulan. —Mat. 7:1, 2.
Dapat nating iwasang maging malupit at sikaping maging ‘sagana sa awa,’ gaya ng ating Diyos. (Efe. 2:4) Ang awa ay hindi lang basta nararamdaman. Dapat na makita rin ito sa gawa. Lahat tayo ay puwedeng maging palaisip sa pangangailangan ng ating pamilya, kongregasyon, at komunidad. Maraming pagkakataon para maipakita ang awa! May kilala ka ba na kailangang patibayin? Puwede ba tayong mag-alok ng praktikal na tulong, halimbawa, ipagluto sila ng pagkain o tulungan sa gawaing-bahay? Kailangan ba ng isang nakabalik sa kongregasyon ng isang kaibigan na aalalay at magpapalakas sa kaniya sa espirituwal? Puwede ba nating sabihin sa iba ang nakakapagpatibay na mensahe ng mabuting balita? (Job 29:12, 13; Roma 10:14, 15; Sant. 1:27) Kung iisipin natin ang pangangailangan ng iba, marami tayong makikitang pagkakataon para maging maawain. At kapag nagpapakita tayo ng awa, siguradong mapapasaya natin ang ating Ama sa langit, ang Diyos na ‘sagana sa awa’! w21.10 12-13 ¶20-22
Miyerkules, Agosto 16
Si Jehova ang aking Pastol. Hindi ako magkukulang ng anuman.—Awit 23:1.
Sa Awit 23, binanggit ni David ang mga bagay na talagang nagtatagal—ang mabubuting bagay na ibinigay sa kaniya ni Jehova dahil si Jehova ang kaniyang Pastol. Inakay siya ni Jehova “sa matuwid na mga landas,” at inaalalayan siya ni Jehova sa lahat ng pagkakataon. Alam ni David na magkakaroon pa rin siya ng mga problema kahit nasa “madamong mga pastulan” siya ni Jehova. Maaaring panghinaan siya ng loob na parang lumalakad “sa napakadilim na lambak,” at magkakaroon siya ng mga kaaway. Pero dahil si Jehova ang Pastol niya, ‘hindi matatakot’ si David. Paanong ‘hindi nagkulang ng anumang mabuti’ si David? Nasa kaniya na ang lahat ng kailangan niya para manatiling malapít kay Jehova. Hindi niya kailangan ng maraming pag-aari para maging masaya. Kontento si David sa mga ibinibigay sa kaniya ni Jehova. Ang pinakamahalaga sa kaniya ay ang pagpapala at proteksiyon ng Diyos. Sa mga salita ni David, nakita natin na hindi materyal na mga bagay ang pinakamahalaga sa buhay. w22.01 3-4 ¶5-7
Huwebes, Agosto 17
Ang bawat isa ay gagantimpalaan ayon sa sarili niyang gawa. —1 Cor. 3:8.
Hindi nakikinig ang mga tao noon sa pangangaral ng mga lingkod ni Jehova. Halimbawa, si Noe ay “isang mángangarál ng katuwiran” sa loob ng mga 40 o 50 taon. (2 Ped. 2:5) Siguradong umasa si Noe na makikinig ang mga tao sa pangangaral niya, pero walang ganoong ipinahiwatig si Jehova. Nang utusan siya ng Diyos na magtayo ng arka, ang sabi sa kaniya: “Pumasok ka sa arka, ikaw, ang iyong mga anak, ang iyong asawa, at ang mga asawa ng iyong mga anak.” (Gen. 6:18) At batay sa sukat at laki ng arka na sinabi ng Diyos na itayo niya, malamang na nagkaideya si Noe na hindi ganoon karami ang makikinig sa kaniya. (Gen. 6:15) At gaya ng alam natin, walang nakinig kay Noe kahit isa. (Gen. 7:7) Inisip ba ni Jehova na nabigo si Noe sa pangangaral? Hindi! Para sa Diyos, nagtagumpay si Noe sa pangangaral kasi sinunod niya ang lahat ng iniutos Niya sa kaniya.—Gen. 6:22. w21.10 26 ¶10-11
Biyernes, Agosto 18
Ako ay umalis na punô, pero pinabalik ako ni Jehova na walang anumang dala.—Ruth 1:21.
Isipin na lang kung ano ang naramdaman ni Ruth nang marinig niya ang sinabi ni Noemi! Napakalaki ng isinakripisyo ni Ruth para tulungan si Noemi. Umiyak si Ruth na kasama niya, pinatibay ang loob niya, at sinamahan siya sa mahabang paglalakbay niya. Pero ang sinabi pa rin ni Noemi: “Pinabalik ako ni Jehova na walang anumang dala.” Parang hindi man lang kinilala ni Noemi ang suporta ni Ruth, na katabi lang niya nang sabihin niya iyon. Napakasakit siguro nito para kay Ruth! Pero hindi niya iniwan si Noemi. (Ruth 1:3-18) Baka makapagsalita sa atin nang masakit ang isang sister na nasisiraan ng loob—kahit ginagawa na natin ang lahat para tulungan siya. Pero sinisikap pa rin natin na huwag sumamâ ang loob. Hindi natin siya iiwan, at mananalangin tayo kay Jehova para matulungan pa rin natin siya. (Kaw. 17:17) Baka sa umpisa, ayaw ng isang sister na magpatulong sa atin. Pero dahil sa tapat na pag-ibig, hinding-hindi natin siya iiwan.—Gal. 6:2. w21.11 11 ¶17-19
Sabado, Agosto 19
Magpakabanal din kayo sa lahat ng paggawi ninyo.—1 Ped. 1:15.
Sa Bibliya, ang salitang “banal” at “kabanalan” ay madalas na tumutukoy sa pagiging malinis sa moral at pagsamba o pagiging sagrado. Puwede rin itong mangahulugang pagiging ibinukod para sa paglilingkod sa Diyos. Kaya maituturing tayong banal kung malinis tayo sa moral, katanggap-tanggap kay Jehova ang pagsamba natin, at may malapít tayong kaugnayan sa kaniya. Ang sarap isipin na puwede tayong maging malapít na kaibigan ng Diyos, pero lalo pa tayong hahanga kapag nalaman natin ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kabanalan ni Jehova. Banal si Jehova sa lahat ng bagay. Ganiyan siya inilarawan ng mga serapin—mga anghel na malapit sa trono niya. Sinabi ng ilan sa kanila: “Banal, banal, banal si Jehova ng mga hukbo.” (Isa. 6:3) Kaya para magkaroon sila ng malapít na kaugnayan sa kanilang banal na Diyos, kailangang maging banal ng mga anghel—at ganoon nga sila. w21.12 3 ¶4-5
Linggo, Agosto 20
Bantayan ninyong mabuti kung kumikilos kayo na gaya ng marunong at hindi gaya ng di-marunong; gamitin ninyo sa pinakamabuting paraan ang oras ninyo.—Efe. 5:15, 16.
Madalas pag-isipan ng mga kabataan kung paano gagamitin sa pinakamagandang paraan ang buhay nila. Baka payuhan sila ng mga guro nila at mga kapamilyang di-Saksi na kumuha ng mataas na edukasyon para magkaroon sila ng magandang trabaho at kumita nang malaki. Malaking panahon ang kailangan dito. Baka payuhan naman sila ng mga magulang at kaibigan nila sa kongregasyon na gamitin ang buhay nila sa paglilingkod kay Jehova. Ano ang makakatulong sa isang kabataang nagmamahal kay Jehova para makagawa ng pinakamagandang desisyon? Makakatulong kung babasahin niya at bubulay-bulayin ang sinasabi sa Efeso 5:15-17. Pagkatapos basahin ang mga talatang ito, puwedeng pag-isipan ng isang kabataan: ‘Ano kaya ang “kalooban ni Jehova”? Anong desisyon ang magpapasaya sa kaniya? Saan ko kaya magagamit sa pinakamatalinong paraan ang panahon ko?’ Tandaan, “napakasama na ng panahon,” at malapit nang magwakas ang mundong ito na pinamamahalaan ni Satanas. w22.01 27 ¶5
Lunes, Agosto 21
Ang totoo, hindi nananampalataya sa kaniya ang mga kapatid niya. —Juan 7:5.
Kailan naging tapat na tagasunod ni Jesus si Santiago? Nang buhaying muli si Jesus, “nagpakita . . . siya kay Santiago, at pagkatapos ay sa lahat ng apostol.” (1 Cor. 15:7) Noon nagsimulang magbago ang buhay ni Santiago. Naroon siya noong hinihintay ng mga apostol ang ipinangakong banal na espiritu sa isang silid sa itaas sa Jerusalem. (Gawa 1:13, 14) Nang maglaon, naglingkod din si Santiago bilang miyembro ng lupong tagapamahala noong unang siglo. (Gawa 15:6, 13-22; Gal. 2:9) At bago ang taóng 62 C.E., ginabayan siya ng banal na espiritu para sumulat sa pinahirang mga Kristiyano. Makikinabang tayo sa liham na iyon, sa langit man o sa lupa ang pag-asa natin. (Sant. 1:1) Ayon sa unang-siglong istoryador na si Josephus, si Santiago ay ipinapatay ng Judiong Mataas na Saserdoteng si Ananias na Nakababata. Nanatiling tapat si Santiago kay Jehova hanggang noong mamatay siya. w22.01 8 ¶3; 9 ¶5
Martes, Agosto 22
Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan? —Mat. 27:46.
Nakita natin sa teksto sa araw na ito na hindi tayo dapat umasang poprotektahan tayo ni Jehova mula sa mga pagsubok sa ating pananampalataya. Lubusang nasubok si Jesus, kaya dapat din tayong maging handang patunayan ang ating katapatan hanggang kamatayan kung kinakailangan. (Mat. 16:24, 25) Pero makakasiguro tayo na hindi hahayaan ng Diyos na subukin tayo nang higit sa matitiis natin. (1 Cor. 10:13) Natutuhan din natin na gaya ni Jesus, baka dumanas din tayo ng kawalang-katarungan. (1 Ped. 2:19, 20) Ganiyan ang ginagawa ng mga humahadlang sa atin, hindi dahil may ginawa tayong mali, kundi dahil hindi tayo bahagi ng sanlibutan at nagpapatotoo tayo tungkol sa katotohanan. (Juan 17:14; 1 Ped. 4:15, 16) Naintindihan ni Jesus kung bakit hinayaan ni Jehova na magdusa siya. Pero di-gaya niya, may mga pagkakataong nagtataka ang tapat na mga mananambang dumaranas ng pagsubok kung bakit hinahayaan ni Jehova na mangyari ang ilang bagay. (Hab. 1:3) Naiintindihan ng ating maawain at matiising Diyos na hindi sila nagkukulang sa pananampalataya; kailangan lang nila ng kaaliwan na siya lang ang makakapagbigay.—2 Cor. 1:3, 4. w21.04 11 ¶9-10
Miyerkules, Agosto 23
Ang panalangin ko nawa ay maging gaya ng inihandang insenso sa harap mo. —Awit 141:2.
Tatanggapin lang ni Jehova ang ating pagsamba kung kaayon ito ng layunin niya at kung mahal natin at iginagalang si Jehova. Alam natin na karapat-dapat siyang sambahin, at gusto nating ibigay sa kaniya ang pinakamabuti. Sinasamba natin si Jehova kapag nananalangin tayo sa kaniya. Inihalintulad ng Bibliya ang panalangin natin sa maingat na inihandang insenso na inihahandog sa tabernakulo at nang maglaon ay sa templo. Nalulugod si Jehova sa amoy ng insensong iyon. “Kalugod-lugod” din sa kaniya ang taimtim na mga panalangin natin kahit simpleng salita lang ang ginagamit natin. (Kaw. 15:8; Deut. 33:10) Gustong-gusto ni Jehova na marinig ang pasasalamat natin sa kaniya at na sabihin nating mahal natin siya. Gusto niyang sabihin natin sa kaniya ang mga ikinababahala, inaasahan, at gusto natin. Bago manalangin kay Jehova, magandang pag-isipang mabuti ang mga sasabihin mo. Kapag ginawa mo iyan, maibibigay mo sa iyong Ama sa langit ang pinakamabangong “insenso.” w22.03 20 ¶2; 21 ¶7
Huwebes, Agosto 24
Kayo na napipighati ngayon ay pagiginhawahin kasama namin sa panahong isisiwalat ang Panginoong Jesus mula sa langit kasama ang makapangyarihang mga anghel niya. —2 Tes. 1:7.
Sa Armagedon, hindi tayo ang magdedesisyon kung sino ang kakaawaan ni Jehova at hindi. (Mat. 25:34, 41, 46) Magtitiwala ba tayo sa mga hatol ni Jehova, o titigil na tayo sa paglilingkod? Lalo nating kailangang magtiwala kay Jehova ngayon para maging buo ang tiwala natin sa kaniya sa hinaharap. Isip-isipin ang mararamdaman natin sa bagong sanlibutan ng Diyos. Wala na ang huwad na relihiyon, ang sakim na sistema ng komersiyo, at ang mga gobyerno na nagdulot ng matinding paghihirap sa mga tao. Wala nang sakit, pagtanda, at hindi na rin natin mararanasang mamatayan ng mahal sa buhay. Ikukulong si Satanas at ang kaniyang mga demonyo sa loob ng 1,000 taon. Mawawala na ang lahat ng epekto ng kanilang rebelyon. (Apoc. 20:2, 3) Tiyak na magpapasalamat tayo na nagtiwala tayo sa lahat ng ginagawa ni Jehova! w22.02 6-7 ¶16-17
Biyernes, Agosto 25
Maligaya ang mga mapagpayapa.—Mat. 5:9.
Kusang nakikipagpayapaan si Jesus at pinapasigla rin niya ang iba na ayusin ang mga di-pagkakasundo. Itinuro niya sa kanila na dapat silang makipagpayapaan sa mga kapatid para tanggapin ni Jehova ang pagsamba nila. (Mat. 5:23, 24) Paulit-ulit din niyang tinulungan ang mga apostol niya na tigilan ang pagtatalo-talo kung sino sa kanila ang pinakadakila. (Luc. 9:46-48; 22:24-27) Para maging mapagpayapa, hindi lang natin iiwasang maging dahilan ng di-pagkakasundo. Kailangan din nating mauna sa pakikipagpayapaan at pasiglahin ang mga kapatid na ayusin ang kanilang mga di-pagkakasundo. (Fil. 4:2, 3; Sant. 3:17, 18) Tanungin ang sarili: ‘Handa ba akong magparaya para makipagpayapaan sa iba? Kapag may nakasakit sa akin, nagkikimkim ba ako ng sama ng loob? Hinihintay ko ba ang ibang tao na makipag-ayos sa akin o ako ang nauuna, kahit na sa tingin ko, siya ang may kasalanan?’ w22.03 10 ¶10-11
Sabado, Agosto 26
May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap. —Gawa 20:35.
Noon pa man, inihula na ng Bibliya na “kusang-loob na ihahandog ng bayan [ng Diyos] ang kanilang sarili” sa paglilingkod kay Jehova sa ilalim ng pangunguna ng kaniyang Anak. (Awit 110:3) Kitang-kita na natutupad na ang hulang iyan. Taon-taon, milyon-milyong oras ang ginagamit ng masisigasig na lingkod ni Jehova sa pangangaral. Kusang-loob nila itong ginagawa at sa sarili nilang gastos. Tinutulungan din nila ang mga kapananampalataya nila sa pisikal, emosyonal, at espirituwal. Maraming oras din ang ginagamit ng mga inatasang brother sa paghahanda ng mga bahagi sa pulong at pagse-shepherding sa mga kapatid. Bakit nila iyon ginagawa? Dahil sa pag-ibig—pag-ibig kay Jehova at sa kapuwa. (Mat. 22:37-39) Ipinakita ni Jesus na lagi niyang inuuna ang kapakanan ng iba kaysa sa sarili niya. At nagsisikap tayo na tularan siya. (Roma 15:1-3) Kapag ginawa natin iyan, siguradong makikinabang tayo. w22.02 20 ¶1-2
Linggo, Agosto 27
Ang pagbabayad sa upahang trabahador ay huwag mong ipagpapaliban nang buong magdamag hanggang umaga. —Lev. 19:13.
Sa Israel, ang mga upahang trabahador sa bukid ay binabayaran araw-araw. Kaya kapag hindi siya sinuwelduhan sa araw na iyon, wala siyang ipapakain sa pamilya niya. Sinabi ni Jehova: “Gipit siya at iyon ang inaasahan niya para mabuhay.” (Deut. 24:14, 15; Mat. 20:8) Sa ngayon, maraming empleado ang sinusuwelduhan nang buwanan o kinsenas at katapusan, hindi araw-araw. Pero may matututuhan pa rin tayo sa Levitico 19:13. Nilalamangan ng ilang nagpapatrabaho ang mga empleado nila. Sinusuwelduhan nila ang mga ito nang mababa sa dapat nilang matanggap. Alam nila na walang magagawa ang mga trabahador na ito kundi pagtiisan ang mababang suweldo. Kapag ganiyan ang ginagawa ng mga nagpapatrabaho, parang ‘ipinagpapaliban nila ang pagbabayad sa upahang trabahador.’ Magandang tandaan ito ng isang Kristiyano na may negosyo. w21.12 10 ¶9-10
Lunes, Agosto 28
Nauuhaw ako. —Juan 19:28.
Pagkatapos ng lahat ng dinanas ni Jesus, tiyak na uhaw na uhaw na siya. Kailangan niya ng tulong para mapawi ang uhaw niya. Hindi itinuring ni Jesus na isang kahinaan na sabihin ang nararamdaman niya; dapat na ganoon din tayo. Karaniwan nang ayaw nating sabihin sa iba kung ano ang kailangan natin. Pero kung talagang kailangan na natin ng tulong, huwag tayong magdalawang-isip na sabihin ito sa iba. Halimbawa, kung may-edad na tayo o mahina na, puwede nating pakisuyuan ang isang kaibigan na dalhin tayo sa isang grocery store o sa doktor. Kung nasisiraan tayo ng loob, baka kailangang lumapit tayo sa isang elder o iba pang may-gulang na Kristiyanong kaibigan para makinig sa sasabihin natin o magbigay ng “positibong salita” na magpapasaya sa atin. (Kaw. 12:25) Tandaan na mahal tayo ng mga kapatid, at gusto nila tayong tulungan “kapag may problema.” (Kaw. 17:17) Pero hindi nila nababasa ang iniisip natin. Baka hindi nila alam na kailangan natin ng tulong malibang sabihin natin. w21.04 11-12 ¶11-12
Martes, Agosto 29
Kapag nanghihina ang loob mo sa panahon ng problema, mababawasan din ang lakas mo. —Kaw. 24:10.
Hindi madali para sa marami sa atin ang pagbabago. May ilan na matagal na sa pantanging buong-panahong paglilingkod ang tumanggap ng bagong atas. Kinailangan namang iwan ng ilan ang atas na mahalaga sa kanila dahil sa edad nila. Normal lang na malungkot sa gayong mga pagbabago. Mas madali nating makakayanan ang pagbabago kung titingnan natin ang mga bagay-bagay ayon sa pananaw ni Jehova. Napakarami ng mga gawain ni Jehova sa ngayon, at mayroon tayong napakagandang pribilehiyo na maging mga kamanggagawa niya. (1 Cor. 3:9) Hindi magbabago ang pag-ibig ni Jehova para sa atin. Kung isa ka sa mga naapektuhan ng mga pagbabago sa organisasyon, iwasang mag-isip nang mag-isip kung bakit ginawa ang pagbabagong iyon. Imbes na magpokus sa “mga araw noon,” ipanalangin kay Jehova na makita mo ang magandang dahilan sa pagbabagong iyon. (Ecles. 7:10) Mahalagang manatiling positibo. Sa paggawa nito, patuloy tayong magiging masaya at tapat kahit magbago ang kalagayan natin. w22.03 17 ¶11-12
Miyerkules, Agosto 30
Si Jehova, si Jehova, isang Diyos na . . . nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa libo-libo. —Ex. 34:6, 7.
Kanino nagpapakita si Jehova ng tapat na pag-ibig? Sinasabi ng Bibliya na marami tayong puwedeng ibigin, gaya ng “disiplina,” “kaalaman,” at “karunungan.” (Kaw. 12:1; 29:3) Sa tao lang naipapakita ang tapat na pag-ibig, hindi sa mga bagay. Pero hindi ibig sabihin nito na si Jehova ay nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa lahat. Ipinapakita niya lang ito sa malalapít sa kaniya. Tapat ang Diyos sa mga kaibigan niya. May magandang layunin siya para sa kanila, at hinding-hindi niya sila iiwan. Iniibig ni Jehova ang lahat ng tao. Sinabi ni Jesus kay Nicodemo: “Gayon na lang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan kaya ibinigay niya ang kaniyang kaisa-isang Anak para ang bawat isa na nananampalataya sa kaniya ay hindi mapuksa kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”—Juan 3:1, 16; Mat. 5:44, 45. w21.11 2 ¶3; 3 ¶6-7
Huwebes, Agosto 31
Dahil sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay. —Luc. 21:19.
Mahirap ang buhay sa sistemang ito, at baka mas maging mahirap pa ang mga kalagayan sa hinaharap. (Mat. 24:21) Dumating na sana ang panahon na hindi na natin mararanasan ulit ang lahat ng ito! (Isa. 65:16, 17) Kaya lalo tayong dapat maging matiisin. Bakit? Sinabi ni Jesus: “Dahil sa inyong pagtitiis ay maililigtas ninyo ang inyong buhay.” (Luc. 21:19) Kapag iniisip natin kung paano natitiis ng iba ang pagsubok na nararanasan din natin, lalo tayong magiging matiisin. Sino ang pinakamagandang halimbawa sa pagtitiis? Ang Diyos na Jehova. Nagulat ka ba na nagtitiis din si Jehova? Pag-isipan ito: Kontrolado ng Diyablo ang mundong ito na punong-puno ng problema. Kung tutuosin, makapangyarihan si Jehova at kaya niyang tapusin agad ang lahat ng ito. Pero hinihintay niya ang takdang panahon para dito. (Roma 9:22) At sa ngayon, patuloy pa rin siyang nagtitiis. w21.07 8 ¶2-4