Abril
Lunes, Abril 1
Kapag nasubok sa ganitong paraan ang pananampalataya ninyo, magbubunga ito ng pagtitiis.—Sant. 1:3.
Tanungin natin ang sarili natin: ‘Paano ako tumutugon sa payo? Inaamin ko ba agad ang mga pagkakamali ko, o ipinagmamatuwid ko ang sarili ko? Naghahanap ba ako ng masisisi? Habang binabasa mo ang halimbawa ng mga tapat na lalaki at babae sa Bibliya, tingnan kung paano nila hinarap ang mga ito. Sa bawat halimbawa, tanungin ang sarili: ‘Paano ko matutularan ang tapat na lingkod na ito ni Jehova?’ Makikinabang din tayo kung titingnan natin ang halimbawa ng mga kapananampalataya natin, bata man sila o matanda. Halimbawa, may naiisip ka bang kakongregasyon mo na tapat na nagtitiis ng pagsubok—malamang na ginigipit ng mga kasama, sinasalansang ng pamilya, o may mahinang kalusugan? May magaganda ba siyang katangian na gusto mong tularan? Kung pag-iisipan mo ang mabuting halimbawa niya, matututo ka kung paano mo matitiis ang mga pagsubok. Talagang nagpapasalamat tayo na may mga kapatid na mabuting halimbawa ng pananampalataya—dahilan para maging masaya tayo!—Heb. 13:7. w22.04 13 ¶13-14
Martes, Abril 2
May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.—Gawa 20:35.
Kapag may mabibigat tayong problema, pinapahalagahan natin ang panahon na ibinibigay ng isang mapagmalasakit na elder para pakinggan tayo at patibayin. Kapag kailangan natin ng tulong sa pagba-Bible study, nagpapasalamat tayo kapag sinasamahan tayo ng isang makaranasang payunir at nagbibigay ng mungkahi. Masayang-masaya ang mga kapatid na ito na tulungan tayo. Magiging masaya rin tayo kung maglilingkod tayo sa mga kapatid. Kung gusto mong makapaglingkod sa ganito o sa iba pang paraan, ano ang tutulong sa iyo na maabot ang mga tunguhing iyon? Iwasang magtakda ng tunguhin na hindi espesipiko. Halimbawa, baka maisip mo, ‘Gusto kong mas makapaglingkod sa kongregasyon.’ Pero baka mahirapan kang malaman kung paano aabutin ang tunguhing iyon, at baka imposible pa ngang malaman kung naabot mo na iyon. Kaya magtakda ng malinaw at espesipikong tunguhin. Puwede mo pa ngang isulat ang tunguhin mo at magplano kung paano mo iyon maaabot. w22.04 25 ¶12-13
Miyerkules, Abril 3
Dapat mong mahalin ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.—Sant. 2:8.
Tinitipon na ni Jehova ngayon ang “isang malaking pulutong” ng mga tao at sinasanay sila bilang mga sakop ng Kaharian niya. (Apoc. 7:9, 10) Sinisikap ng grupong ito na alisin ang poot sa gitna nila kahit nabubuhay sila sa isang mundo na punô ng takot at nababahagi ng digmaan. Para bang pinupukpok nila ang kanilang mga espada para gawing araro. (Mik. 4:3) Sa halip na makipagdigma at pumatay nang marami, tinuturuan nila ang mga tao tungkol sa tunay na Diyos at sa layunin niya para makita ng mga ito ang “tunay na buhay.” (1 Tim. 6:19) Baka salansangin sila ng mga kapamilya nila o baka nga magkaproblema pa sila sa pera dahil sa pagsuporta sa Kaharian ng Diyos. Pero sisiguraduhin ni Jehova na mayroon sila ng mga pangangailangan nila. (Mat. 6:25, 30-33; Luc. 18:29, 30) Tinitiyak sa atin ng mga iyan na totoo ang Kaharian ng Diyos at patuloy nitong tutuparin ang layunin ni Jehova. w22.12 6 ¶13
Huwebes, Abril 4
Amen! Dumating ka nawa, Panginoong Jesus.—Apoc. 22:20.
Sa katapusan ng 1,000 taon, naibalik na sa pagiging perpekto ang lahat ng nabubuhay sa lupa. Hindi na nila mararanasan ang epekto ng kasalanang minana kay Adan. (Roma 5:12) Lubusan na itong mawawala. Kaya, ibig sabihin, ang mga nasa lupa ay “nabuhay” dahil sila ay magiging mga perpekto sa pagtatapos ng 1,000 taon. (Apoc. 20:5) Alam nating nanatiling tapat si Jesus sa Diyos kahit noong subukin siya ni Satanas. Pero ganiyan din kaya ang gagawin ng lahat ng perpektong tao kapag binigyan si Satanas ng pagkakataong subukin sila? Mapapatunayan ng bawat isa ang katapatan niya kay Jehova kapag pinakawalan si Satanas mula sa kalaliman pagkatapos ng 1,000 taon. (Apoc. 20:7) Ang mga mananatiling tapat sa huling pagsubok na ito ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan at tunay na kalayaan. (Roma 8:21) Ang mga magrerebelde naman kay Jehova ay lubusang pupuksain.—Apoc. 20:8-10. w22.05 19 ¶18-20
Biyernes, Abril 5
Susugatan mo ito sa sakong.—Gen. 3:15.
Natupad ang hulang iyan nang impluwensiyahan ni Satanas ang mga Judio at Romano na ipapatay ang Anak ng Diyos. (Luc. 23:13, 20-24) Kapag nasugatan tayo sa sakong, pansamantala tayong hindi makakalakad. Ganiyan din nang mamatay si Jesus. Wala siyang nagawang anuman habang nasa libingan siya sa loob ng tatlong araw. (Mat. 16:21) Ipinapakita ng hula sa Genesis 3:15 na hindi mananatiling nasa libingan si Jesus. Bakit? Dahil ayon sa hula, dudurugin ng supling ang ulo ng ahas. Ibig sabihin, kailangang gumaling ang sugat ni Jesus sa sakong. At ganiyan nga ang nangyari! Tatlong araw pagkamatay ni Jesus, binuhay-muli siya bilang imortal na espiritu. Sa takdang panahon ng Diyos, lubusang dudurugin ni Jesus si Satanas. (Heb. 2:14) Pupuksain ni Kristo at ng mga kasama niyang mamamahala ang lahat ng kaaway ng Diyos—ang supling ng ahas.—Apoc. 17:14; 20:4, 10. w22.07 16 ¶11-12
Sabado, Abril 6
Ang lumalakad na kasama ng marurunong ay magiging marunong.—Kaw. 13:20.
Mga magulang, tulungan ang mga anak ninyo na magkaroon ng mabubuting kaibigan. Sinasabi ng Salita ng Diyos na puwedeng maging mabuti o masamang impluwensiya ang mga kaibigan natin. Kilala n’yo ba ang mga kaibigan ng inyong mga anak? Ano ang puwede ninyong gawin para magkaroon ang mga anak ninyo ng mga kaibigang mahal si Jehova? (1 Cor. 15:33) Kung mag-iimbita kayo ng mga kapatid na malapít kay Jehova para makasama ng pamilya ninyo, matutulungan ninyo ang mga anak ninyo. (Awit 119:63) Ipinaliwanag ng tatay na si Tony: “Sa loob ng maraming taon, nag-iimbita kami sa bahay ng mga kapatid na iba-iba ang edad at pinagmulan. Magkakasama kaming nagpa-family worship at kumakain. Magandang pagkakataon iyon para mas makilala namin ang mga taong mahal si Jehova at masayang naglilingkod sa kaniya. . . . Nakatulong ang mga karanasan nila, sigasig, at pagiging mapagsakripisyo para mas mapalapít ang mga anak namin kay Jehova.” w22.05 30 ¶14-15
Linggo, Abril 7
Anumang bagay ang itali ninyo sa lupa ay naitali na sa langit.—Mat. 18:18.
Kapag kinakausap ng mga elder ang nagkasala, tunguhin nila na makagawa ng desisyon na gaya ng desisyon na ginawa na sa langit. Paano nakikinabang ang kongregasyon sa kaayusang ito? Napoprotektahan ang mahahalagang tupa ni Jehova kapag inalis sa kongregasyon ang di-nagsisising nagkasala. (1 Cor. 5:6, 7, 11-13; Tito 3:10, 11) Makakatulong din ito sa nagkasala na magsisi at makinabang mula sa pagpapatawad ni Jehova. (Luc. 5:32) Ipapanalangin ng mga elder ang nagsisising nagkasala at hihilingin nila kay Jehova na tulungan siyang maibalik ang espirituwalidad niya. (Sant. 5:15) Ipagpalagay nang nakita ng mga elder na hindi nagsisisi ang nagkasala nang kausapin nila siya. Sa ganitong kaso, ititiwalag siya mula sa kongregasyon. Pero kung matauhan ang nagkasala at talagang magsisi siya at manumbalik, handa siyang patawarin ni Jehova. (Luc. 15:17-24) At posible iyan kahit sobrang bigat ng mga kasalanan niya.—2 Cro. 33:9, 12, 13; 1 Tim. 1:15. w22.06 9 ¶5-6
Lunes, Abril 8
Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay! Ang kalaban ninyo, ang Diyablo, ay gumagala-gala gaya ng isang umuungal na leon, na naghahanap ng malalapa.—1 Ped. 5:8.
Sa tulong ni Jehova, nakakayanan ng mga Kristiyano sa buong mundo ang mahihirap na sitwasyon at nadadaig nila ang Diyablo. (1 Ped. 5:9) Magagawa mo rin iyan. Malapit nang iutos ni Jehova kay Jesus at sa mga kasama niyang tagapamahala na “sirain ang mga gawa ng Diyablo.” (1 Juan 3:8) Pagkatapos, “wala [nang] anumang katatakutan at kasisindakan” ang mga lingkod ng Diyos sa lupa. (Isa. 54:14; Mik. 4:4) Pero habang hinihintay iyon, magsikap tayong daigin ang ating takot. Laging tandaan na mahal tayo ni Jehova at pinoprotektahan niya tayo. Bulay-bulayin kung paano pinrotektahan ni Jehova ang mga lingkod niya noon at sabihin ito sa iba. At tandaan din kung paano niya tayo personal na tinulungan sa mahihirap na sitwasyon. Sa tulong ni Jehova, madadaig natin ang takot!—Awit 34:4. w22.06 19 ¶19-20
Martes, Abril 9
Tumama ito sa mga paa ng imahen na gawa sa bakal at putik.—Dan. 2:34.
Ang kapangyarihang pandaigdig na inilarawan bilang “mga paa . . . na gawa sa bakal at putik” ay namamahala na mula pa noong Digmaang Pandaigdig I, nang magsanib-puwersa ang Britain at United States, ang tambalang Anglo-Amerikano. Sa imaheng nakita ni Nabucodonosor sa panaginip niya, makikita rin ang dalawang bagay kung bakit naiiba ang kapangyarihang pandaigdig na ito sa naunang mga kapangyarihang pandaigdig. Una, di-gaya ng naunang mga kapangyarihang pandaigdig na binanggit sa pangitain, ang tambalang Anglo-Amerikano ay inilalarawan, hindi bilang purong ginto o pilak, kundi bilang pinaghalong bakal at putik. Ang putik ay lumalarawan sa “supling ng sangkatauhan,” o karaniwang mga tao. (Dan. 2:43, tlb.) Kitang-kita sa ngayon ang impluwensiya ng mga tao sa mga eleksiyon, kampanya para sa karapatang sibil, malakihang protesta, at mga unyon. Dahil dito, nahihirapan ang kapangyarihang pandaigdig na ito na ipatupad ang mga patakaran nito. w22.07 4-5 ¶9-10
Miyerkules, Abril 10
Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin.—Juan 4:34.
Nag-aalangan ka bang magpabautismo? Tanungin ang sarili, ‘Patatagalin ko pa ba?’ (Gawa 8:36) Ikinumpara ni Jesus sa pagkain ang paggawa ng kalooban ng kaniyang Ama. Bakit? Nakakabuti sa atin ang pagkain. Alam ni Jesus na makakabuti sa atin ang lahat ng ipinapagawa ni Jehova. Hindi mag-uutos si Jehova ng makakasamâ sa atin. Kalooban ba ni Jehova na mabautismuhan ka? Oo. (Gawa 2:38) Kaya makakapagtiwala ka na makakabuti sa iyo kung susunod ka sa utos niya na magpabautismo. Kung hindi ka mag-aalangan na tikman ang pinakamasarap na pagkain, bakit ka mag-aalangan na magpabautismo? Bakit pinapatagal ng ilan ang pagpapabautismo? Baka sabihin nila, “Hindi pa ako handa.” Totoo, ang pag-aalay ng sarili mo kay Jehova at pagpapabautismo ang pinakamahalagang desisyon na gagawin mo sa buhay mo. Kaya dapat mo talaga itong pag-isipang mabuti at paghandaan. w23.03 7 ¶18-20
Huwebes, Abril 11
Ang sabi ay “at sa supling mo,” na isa lang ang tinutukoy, si Kristo.—Gal. 3:16.
Mula noong pinahiran si Jesus, naging pangunahing bahagi siya ng supling ng babae. Nang mamatay at buhaying muli si Jesus, “kinoronahan [siya ng Diyos] ng kaluwalhatian at karangalan” at “ang lahat ng awtoridad ay ibinigay na sa [kaniya] sa langit at sa lupa,” pati na ang awtoridad na “sirain ang mga gawa ng Diyablo.” (Heb. 2:7; Mat. 28:18; 1 Juan 3:8) Pero may pangalawahing bahagi ang supling. Ipinakilala ito ni apostol Pablo nang sabihin niya sa mga Judio at Gentil na naging mga pinahirang Kristiyano: “Kung kayo ay kay Kristo, talagang supling kayo ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.” (Gal. 3:28, 29) Kapag pinahiran ni Jehova ng banal na espiritu ang isang Kristiyano, nagiging bahagi siya ng supling ng babae. Kaya ang supling ay tumutukoy kay Jesu-Kristo at sa 144,000 na kasama niyang tagapamahala. (Apoc. 14:1) Silang lahat ay nag-iisip at kumikilos kagaya ng kanilang Ama, ang Diyos na Jehova. w22.07 16 ¶8-9
Biyernes, Abril 12
Kinamumuhian ko ang buhay ko; ayoko nang mabuhay pa.—Job 7:16.
Alam nating makakaranas tayo ng mga pagsubok sa mga huling araw na ito. (2 Tim. 3:1) Sa ganitong mga panahon, baka ma-depress tayo at maramdaman nating hindi na natin kaya, lalo na kung sunod-sunod ang pagsubok o sabay-sabay pa nga. Pero tandaan natin na binabantayan tayo ni Jehova, at sa tulong niya, makakayanan natin ang anumang pagsubok. Tingnan natin kung paano tinulungan ni Jehova ang tapat na si Job. Marami siyang dinanas na matitinding pagsubok. Sa loob lang ng isang araw, nabalitaan ni Job na ninakaw at pinatay ang lahat ng alaga niyang hayop. Pinatay rin ang mga tagapaglingkod niya. Ang mas masaklap pa, namatay rin ang mga anak niya. (Job 1:13-19) Hindi pa natatagalan, habang nagdadalamhati pa siya, nagkaroon si Job ng makirot at nakakapandiring sakit. (Job 2:7) Binabantayan ni Jehova si Job. Dahil mahal ni Jehova si Job, ibinigay Niya ang kailangan nito para matiis ang mga pagsubok at manatiling tapat. w22.08 11 ¶8-10
Sabado, Abril 13
Dinidisiplina ni Jehova ang mga mahal niya.—Heb. 12:6.
Masakit ang madisiplina. Baka maisip nating hindi ito makatuwiran o na hindi ito para sa atin. Dahil diyan, baka hindi natin makita na ang disiplina ay pagmamahal ni Jehova sa atin. (Heb. 12:5, 11) Kaya tanggapin ang disiplina at gumawa ng pagbabago. Hindi lang isang beses itinuwid ni Jesus si Pedro sa harap ng ibang apostol. (Mar. 8:33; Luc. 22:31-34) Posibleng napahiya si Pedro noon! Pero nanatili siyang tapat kay Jesus. Tinanggap niya ang disiplina at natuto sa mga pagkakamali niya. Dahil diyan, pinagpala ni Jehova ang katapatan ni Pedro at binigyan siya ng mabibigat na pananagutan sa kongregasyon. (Juan 21:15-17; Gawa 10:24-33; 1 Ped. 1:1) Makikinabang tayo sa disiplina, pati na ang iba, kung hindi tayo magpopokus sa pagkapahiya, kung tatanggapin natin ang pagtutuwid, at gagawa ng pagbabago. Kapag ginawa natin iyan, mas gagamitin tayo ni Jehova at makakatulong tayo sa mga kapatid. w22.11 21-22 ¶6-7
Linggo, Abril 14
Ihain mo [si Isaac] bilang handog na sinusunog.—Gen. 22:2.
Siguradong alam ni Abraham na hindi gagawa si Jehova ng kahit anong bagay na hindi matuwid o hindi maibigin. Ayon kay apostol Pablo, inisip ni Abraham na kayang buhaying muli ni Jehova si Isaac. (Heb. 11:17-19) Ipinangako kasi ni Jehova na magiging ama ng isang bansa si Isaac, pero nang panahong iyon, wala pa itong anak. Mahal ni Abraham si Jehova kaya nagtitiwala siya na laging gagawin ng kaniyang Ama ang tama. Kahit mahirap, napakilos siya ng pananampalataya na sundin si Jehova. (Gen. 22:1-12) Paano natin matutularan si Abraham? Kailangan rin natin na patuloy na makilala si Jehova. Habang ginagawa natin iyan, mas mapapalapít tayo kay Jehova at mas mamahalin pa natin siya. (Awit 73:28) Masasanay ang konsensiya natin na tularan ang pag-iisip ng Diyos. (Heb. 5:14) Kaya kapag may tumukso sa atin na gumawa ng mali, tatanggi tayo. Hindi man lang natin iisipin na gumawa ng kahit anong makakasakit sa ating Ama at sisira sa kaugnayan natin sa kaniya. w22.08 28-29 ¶11-12
Lunes, Abril 15
Ang sobrang pag-aalala ay nagpapabigat sa puso ng tao, pero ang positibong salita ay nagpapasaya rito.—Kaw. 12:25.
Nang dumalaw ulit sina apostol Pablo at Bernabe sa Listra, Iconio, at Antioquia, “nag-atas . . . sila ng matatandang lalaki para sa bawat kongregasyon.” (Gawa 14:21-23) Tiyak na napatibay ng mga inatasang lalaking iyon ang mga kongregasyon, gaya ng ginagawa ng mga elder sa ngayon. Mga elder, bigyang-pansin at tulungan ang mga kapatid na nangangailangan ng “positibong salita” at pampatibay-loob. Ipinaalala ni Pablo sa mga kapatid na dahil sa tulong ni Jehova, natiis ng ‘malaking ulap ng mga saksi’ ang mga pagsubok. (Heb. 12:1) Alam ni Pablo na makakatulong ang karanasan ng tapat na mga lingkod na ito para magkaroon ng lakas ng loob ang mga kapatid at manatiling nakapokus sa “lunsod ng Diyos na buháy.” (Heb. 12:22) Ganiyan din sa ngayon. Tiyak na napapatibay tayo kapag nababasa natin kung paano tinulungan ni Jehova sina Gideon, Barak, David, Samuel, at ang marami pang iba.—Heb. 11:32-35. w22.08 21-22 ¶5-6
Martes, Abril 16
Hinatulan ang bawat isa sa kanila ayon sa mga ginawa nila.—Apoc. 20:13.
Hahatulan ang mga bubuhaying muli batay sa anong ‘mga gawa’? Ito ba ay batay sa mga ginawa nila bago sila namatay? Hindi! Tandaan, napawalang-sala na ang mga kasalanan nila noong namatay sila. Kaya ang “mga ginawa” nila ay hindi tumutukoy sa mga ginawa nila bago sila namatay kundi sa mga gagawin nila bilang pagtugon sa pagtuturo sa kanila sa bagong sanlibutan. Kahit nga ang mga tapat na sina Noe, Samuel, David, at Daniel ay kailangang matuto tungkol kay Jesu-Kristo at manampalataya sa sakripisyo niya. Lalo nang kailangang matuto ng mga di-matuwid! Ano ang kahihinatnan ng mga tatanggi sa napakagandang pribilehiyong ito? Sinasabi sa atin sa Apocalipsis 20:15: “Ang sinumang hindi nakasulat sa aklat ng buhay ay inihagis sa lawa ng apoy.” Oo, lubusan silang mapupuksa. Napakahalaga nga na tiyakin natin na nakasulat sa aklat ng buhay ang pangalan natin at manatili itong nakasulat doon! w22.09 18-19 ¶17-19
Miyerkules, Abril 17
Magkaroon ng malinis na konsensiya sa harap ng Diyos at mga tao.—Gawa 24:16.
Ibinabase natin sa ating konsensiya na sinanay sa Bibliya ang marami sa mga desisyon natin tungkol sa kalusugan at pagpapagamot. (1 Tim. 3:9) Kapag nagdedesisyon at ipinapakipag-usap ito sa iba, sundin natin ang sinasabi sa Filipos 4:5: “Makita nawa ng lahat ang pagiging makatuwiran ninyo.” Kung makatuwiran tayo, hindi tayo sobrang mag-aalala sa kalusugan natin. Mahal natin at nirerespeto ang mga kapatid kahit pa magkakaiba tayo ng desisyon. (Roma 14:10-12) Nagpapasalamat tayo kay Jehova, ang Bukal ng buhay, kaya iniingatan natin ang buhay natin para makapaglingkod tayo nang husto sa kaniya. (Apoc. 4:11) Sa ngayon, magkakasakit pa rin tayo at makakaranas ng mga sakuna. Pero hindi iyan ang buhay na gusto ng ating Maylalang para sa atin. Malapit na niyang alisin ang sakit at kamatayan at bibigyan niya tayo ng buhay na walang hanggan. (Apoc. 21:4) Pero habang hinihintay iyon, masaya tayo dahil buhay tayo at nakakapaglingkod sa ating Ama sa langit, si Jehova! w23.02 25 ¶17-18
Huwebes, Abril 18
Hinati ang kaharian mo at ibinigay sa mga Medo at mga Persiano.—Dan. 5:28.
Malinaw na ipinakita ni Jehova na mas mataas siya kaysa sa “nakatataas na mga awtoridad.” (Roma 13:1) Tingnan ang tatlong halimbawa. Inalipin ng Paraon ng Ehipto ang bayan ni Jehova at paulit-ulit na tumangging palayain sila. Pero pinalaya sila ng Diyos at nilunod ang Paraon sa Dagat na Pula. (Ex. 14:26-28; Awit 136:15) May handaan noon sa Babilonya at “nagrebelde [ang hari nito na si Belsasar] sa Panginoon ng langit” at “pinuri [niya] ang mga diyos na gawa sa pilak at ginto” sa halip na si Jehova. (Dan. 5:22, 23) Pero ibinaba ng Diyos ang mayabang na lalaking iyon. “Nang mismong gabing iyon,” pinatay si Belsasar at ibinigay ang kaharian niya sa mga Medo at Persiano. (Dan. 5:30, 31) Ipinapatay ni Haring Herodes Agripa I ng Palestina si apostol Santiago at ibinilanggo si apostol Pedro. Gusto niya rin sana itong patayin, pero hinadlangan ni Jehova ang plano ni Herodes. “Sinaktan [siya] ng anghel ni Jehova,” at namatay.—Gawa 12:1-5, 21-23. w22.10 15 ¶12
Biyernes, Abril 19
Pakikinggan ko kayo.—Jer. 29:12.
Habang binabasa natin kung paano pinangalagaan ni Jehova ang mga tapat na lingkod niya noon, lalong tumitibay ang pag-asa natin. Ang lahat ng nasa Salita ng Diyos ay “isinulat para matuto tayo, at may pag-asa tayo dahil ang Kasulatan ay nagbibigay sa atin ng lakas at tumutulong sa atin na magtiis.” (Roma 15:4) Bulay-bulayin kung paano tinupad ni Jehova ang mga pangako niya. Isipin ang ginawa ng Diyos para kina Abraham at Sara. Matanda na sila para magkaanak. Pero nangako ang Diyos na magkakaanak sila. (Gen. 18:10) Ano ang reaksiyon ni Abraham? Sinasabi ng Bibliya: “Umasa . . . siya at nanampalataya na magiging ama siya ng maraming bansa.” (Roma 4:18) Sa pananaw ng tao, parang wala nang pag-asa ang sitwasyon nina Abraham. Pero nagtiwala si Abraham na tutuparin ni Jehova ang ipinangako niya. Hindi nabigo ang tapat na lalaking ito. (Roma 4:19-21) Itinuturo sa atin ng ulat na ito na lagi tayong makakapagtiwala na tutuparin ni Jehova ang mga ipinangako niya. w22.10 27 ¶13-14
Sabado, Abril 20
Makikita ng iyong mga mata ang iyong Dakilang Tagapagturo.—Isa. 30:20.
Natupad iyan nang palayain ang mga Judio mula sa pagkabihag. Pinatunayan ni Jehova na siya ang Dakilang Tagapagturo nila, at sa patnubay niya, naibalik ng bayan ang dalisay na pagsamba. Masayang-masaya tayo dahil si Jehova rin ang Dakilang Tagapagturo natin ngayon. Inilarawan tayo ni Isaias bilang mga estudyante na tinuturuan ni Jehova sa dalawang paraan. Una, sinabi ni Isaias: “Makikita ng iyong mga mata ang iyong Dakilang Tagapagturo.” Makikita sa ilustrasyong ito na parang nakatayo ang Tagapagturo sa harap ng mga estudyante niya. Sa ngayon, isang pribilehiyo na maturuan ng Diyos. Paano? Sa pamamagitan ng organisasyon niya. Talagang ipinagpapasalamat natin ang malinaw na tagubilin na tinatanggap natin mula rito! Ang mga tagubiling ibinibigay sa mga pulong pati na sa mga publikasyon, broadcast, at iba pa ay makakatulong sa atin na makapagtiis nang may kagalakan sa mahihirap na panahon. w22.11 10 ¶8-9
Linggo, Abril 21
Ano ang magiging tanda ng . . . katapusan ng sistemang ito?—Mat. 24:3.
Kung tungkol sa katapusan ng sistema ng mga Judio at ang “katapusan ng sistemang ito” na kinabubuhayan natin, sinabi ni Jesus: “Tungkol sa araw o oras na iyon ay walang sinuman ang nakaaalam, kahit ang mga anghel sa langit o kahit ang Anak, kundi ang Ama.” Pagkatapos, sinabi niya sa lahat ng alagad niya na kailangan nilang ‘manatiling gisíng’ at ‘patuloy na magbantay.’ (Mar. 13:32-37) Kailangang patuloy na magbantay ng mga Judiong Kristiyano noong unang siglo kasi nakadepende doon ang buhay nila. Sinabi ni Jesus sa mga tagasunod niya: “Kapag nakita ninyong napaliligiran ang Jerusalem ng nagkakampong mga hukbo, kung gayon, makakatiyak kayong malapit na ang pagtitiwangwang sa kaniya.” Kapag nangyari iyon, kailangan nilang sundin ang sinabi ni Jesus na ‘tumakas papunta sa mga kabundukan.’ (Luc. 21:20, 21) Ang mga nakinig dito ay nakaligtas nang wasakin ng mga Romano ang Jerusalem. Ngayong nabubuhay tayo sa panahong malapit nang magwakas ang masamang sistemang ito, dapat din tayong manatiling gisíng at patuloy na magbantay. w23.02 14 ¶1-2; 16 ¶3
Lunes, Abril 22
[Si] Jehova [ang] Diyos ng katotohanan.—Awit 31:5.
Tinuturuan ni Jehova ang mga lingkod niya na maging tapat at matuwid. Kaya nagkakaroon sila ng kapanatagan at paggalang sa sarili. (Kaw. 13:5, 6) Hindi ba ganiyan ang naranasan mo nang mag-aral ka ng Bibliya? Nalaman mong ang paraan ni Jehova ang pinakamabuti para sa lahat ng tao at para sa iyo mismo. (Awit 77:13) Kaya gusto mong gawin ang tama sa paningin ng Diyos. (Mat. 6:33) Gusto mong ipagtanggol ang katotohanan at patunayang mali ang paratang tungkol sa ating Diyos na si Jehova. Paano mo magagawa iyan? Manalangin ka kay Jehova at ialay ang sarili mo sa kaniya. Pagkatapos, magpabautismo ka para maipaalam ito sa iba. Kapag ginawa mo iyan, parang sinasabi mo: “Kasinungalingan ang mga sinasabi ni Satanas; gusto kong ipagtanggol ang katotohanan. Si Jehova ang pinipili kong Tagapamahala, at gusto kong gawin ang tama sa paningin niya.” Ang pag-ibig mo sa katotohanan at katuwiran ang magpapakilos sa iyo na magpabautismo. w23.03 3 ¶4-5
Martes, Abril 23
Huwag kayong mag-alala o matakot.—Juan 14:27.
May isang uri ng kapayapaan na hindi nararanasan ng mundo ngayon. Ito ang “kapayapaan ng Diyos”—ang kapayapaan na nagmumula sa pagkakaroon ng malapít na kaugnayan sa ating Ama sa langit. Napapanatag tayo kapag mayroon tayong kapayapaan ng Diyos. (Fil. 4:6, 7) May malapít tayong kaugnayan sa mga nagmamahal sa kaniya. At nagiging malapít na kaibigan din natin ang “Diyos ng kapayapaan.” (1 Tes. 5:23) Kapag kilala, nagtitiwala, at sumusunod tayo sa ating Ama, nakakatulong ang kapayapaan ng Diyos para mapanatag ang ating puso sa panahon ng mahihirap na sitwasyon. Posible ba talagang magkaroon tayo ng kapayapaan ng Diyos sa panahon ng krisis, halimbawa, kapag may kumakalat na sakit, may sakuna, kaguluhan sa lipunan, o pag-uusig? Puwede tayong matakot dahil sa mga ito. Nakakatuwa, sinusunod ng mga kapatid natin ang payo ni Jesus na binabanggit sa teksto sa araw na ito. Sa tulong ni Jehova, may kapayapaan sila habang tinitiis ang mahihirap na pagsubok. w22.12 16 ¶1-2
Miyerkules, Abril 24
Maging masigasig kayo dahil sa banal na espiritu. Magpaalipin kayo para kay Jehova.—Roma 12:11.
Hindi natin kontrolado ang lahat ng nangyayari sa buhay natin. Kaya tandaan na mahalaga tayo kay Jehova hindi dahil sa mga pribilehiyo natin at hindi rin natin dapat ikumpara ang pribilehiyo natin sa pribilehiyo ng iba. (Gal. 6:4) Kaya mahalagang humanap ng mga paraan para tulungan ang iba at mapaglingkuran si Jehova. Kung papasimplehin mo ang buhay mo at iiwasan ang di-kinakailangang mga utang, mas marami kang magagawa sa paglilingkod kay Jehova. Magtakda ng maliliit na tunguhin na tutulong sa iyo na maabot ang mas malalaking tunguhin. Halimbawa, kung tunguhin mo na maging regular pioneer, puwede ka munang mag-auxiliary pioneer nang tuloy-tuloy. Kung tunguhin mo naman na maging isang ministeryal na lingkod, puwede mong dagdagan ang oras na ginagamit mo sa paglilingkod sa larangan. Ang mga karanasang makukuha mo ngayon ay tutulong sa iyo na maabot ang iba pang mga pribilehiyo ng paglilingkod sa hinaharap. Lagi mong ibigay ang buong makakaya mo sa anumang atas na ibigay sa iyo. w22.04 26 ¶16-17
Huwebes, Abril 25
Mahal ko si Jehova dahil dinirinig niya ang tinig ko, ang paghingi ko ng tulong.—Awit 116:1.
Tinutulungan tayo ni Jehova na makayanan ang mga problema natin at maging masaya sa paglilingkod sa kaniya. Kapag inilalapit natin sa Diyos ang mga ikinababahala natin, puwede tayong bigyan ni Jehova ng lakas para makayanan ang sitwasyon natin. At kapag may pagsubok tayo na hindi agad nawala sa panahong inaasahan natin, puwede nating patuloy na hingin kay Jehova ang lakas na kailangan natin para matiis iyon. At gusto niyang gawin natin ito. Makikita natin iyan sa sinabi ni Isaias: ‘Huwag ninyong pagpahingahin si Jehova.’ (Isa. 62:7) Ibig sabihin, kailangan nating paulit-ulit na manalangin kay Jehova na para bang hindi natin siya pinagpapahinga. Maaalala natin sa mga salita ni Isaias ang mga ilustrasyon ni Jesus tungkol sa panalangin na makikita sa Lucas 11:8-10, 13. Dito, pinasisigla tayo ni Jesus na “patuloy na humingi” ng banal na espiritu. Puwede rin tayong makiusap kay Jehova na patnubayan tayo para makagawa ng tamang desisyon. w22.11 8 ¶1; 9 ¶6-7
Biyernes, Abril 26
Kailangan nating dumanas ng maraming kapighatian para makapasok sa Kaharian ng Diyos.—Gawa 14:22.
Ngayon pa lang, puwede ka nang maghanda at ang pamilya mo bago pa dumating ang pag-uusig. Huwag isip-isipin ang masasamang bagay na posibleng mangyari. Sa halip, patibayin mo ang kaugnayan mo kay Jehova at tulungan ang mga anak mo na gawin din ito. Kung nag-aalala ka paminsan-minsan, sabihin sa Diyos ang niloloob mo. (Awit 62:7, 8) Bilang isang pamilya, pag-usapan ang lahat ng dahilan kung bakit kayo makakapagtiwala kay Jehova. Dahil sa paghahanda mo at pagtitiwala kay Jehova, lalakas ang loob ng mga anak mo at magiging kalmado sila sa panahon ng sakuna. Tinutulungan tayo ng kapayapaan ng Diyos na maging panatag. (Fil. 4:6, 7) Dahil sa kapayapaang ibinibigay ni Jehova, nagiging kalmado tayo kahit may mga sakit, sakuna, at pag-uusig. Ginagamit niya ang masisipag na elder para pastulan tayo. At binibigyan niya tayong lahat ng pagkakataon na tulungan ang isa’t isa. Naihahanda tayo ng kapayapaang nararanasan natin ngayon sa matitinding pagsubok na darating, kahit pa nga sa “malaking kapighatian.”—Mat. 24:21. w22.12 27 ¶17-18
Sabado, Abril 27
Dumating ako para tawagin, hindi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.—Mat. 9:13.
Dapat nating sikaping daigin ang pagkasira ng loob dahil sa malulubhang kasalanang nagawa natin noon. Siyempre, hindi rin natin gagawing dahilan ang haing pantubos para ‘sadyaing mamihasa sa kasalanan.’ (Heb. 10:26-31) Pero makakatiyak tayo na kung talagang pinagsisihan na natin ang isang malubhang kasalanan, tinanggap ang tulong ni Jehova, at nagbago, lubusan na niya tayong pinatawad. (Isa. 55:7; Gawa 3:19) Dahil sa haing pantubos, posible talagang mapatawad ang lahat ng kasalanan natin. Hindi nakakabagot ang buhay sa Paraiso. Marami tayong gagawin at makikilalang mga tao. Higit sa lahat, mas makikilala natin bawat araw ang ating Ama sa langit at masisiyahan sa mga paglalaan niya. Hindi tayo mauubusan ng matututuhan tungkol sa kaniya at sa mga nilalang niya. w22.12 13 ¶17, 19
Linggo, Abril 28
Maglalagay ako ng alitan sa pagitan mo at ng babae.—Gen. 3:15.
Hindi puwedeng tumukoy kay Eva ang “babae.” Sinasabi ng hula na “dudurugin” ng supling ng babae ang ulo ng ahas. Ang ahas ay tumutukoy sa masamang anghel na si Satanas, at walang di-perpektong tao na supling ni Eva ang may kakayahang durugin siya. Kaya paano pupuksain si Satanas? Sa huling aklat ng Bibliya, ipinakilala kung sino ang babae sa Genesis 3:15. (Apoc. 12:1, 2, 5, 10) Hindi siya ordinaryong babae! May buwan sa ilalim ng mga paa niya at sa ulo niya ay may isang koronang gawa sa 12 bituin. Hindi pangkaraniwan ang anak na isinilang niya—ang Kaharian ng Diyos. Nasa langit ang Kaharian, kaya nasa langit din ang babae. Lumalarawan siya sa makalangit na bahagi ng organisasyon ni Jehova na binubuo ng tapat na mga espiritung nilalang. (Gal. 4:26) Tinutulungan din tayo ng Salita ng Diyos na makilala ang pangunahing supling ng babae. Dapat na isa siyang inapo ni Abraham.—Gen. 22:15-18. w22.07 15-16 ¶6-8
Lunes, Abril 29
Tinanggap ninyo ito, hindi bilang salita ng tao, kundi gaya ng kung ano talaga ito, bilang salita ng Diyos.—1 Tes. 2:13.
Ang regalo ni Jehova, ang Bibliya, ay puno ng karunungan niya. May magandang epekto sa mga tao ang payo ng Bibliya. Kaya nitong baguhin ang buhay ng mga tao. Nang isulat ni Moises ang mga unang aklat ng Bibliya, sinabi niya sa bayan ng Diyos, ang mga Israelita: “Mahalaga ang salitang ito; nakasalalay rito ang inyong buhay.” (Deut. 32:47) Naging matagumpay at masaya ang buhay ng mga sumunod sa Kasulatan. (Awit 1:2, 3) Kahit matagal nang isinulat ang Salita ng Diyos, may kapangyarihan pa rin itong baguhin ang buhay ng mga tao. Ang mga prinsipyo sa Bibliya ay laging maaasahan. Nakatulong ito sa mga tao na nabuhay sa iba’t ibang panahon. Habang binabasa natin ang sagradong aklat na ito at binubulay-bulay ang mga natututuhan natin, ginagamit ng Awtor nito ang banal na espiritu niya para tulungan tayong makita kung paano natin masusunod ang mga payo ng Bibliya. (Awit 119:27; Mal. 3:16; Heb. 4:12) Oo, gustong-gusto kang tulungan ng Awtor ng Bibliya, na hindi kailanman mamamatay. Hindi ba’t napapakilos tayo niyan na laging basahin ang Bibliya? w23.02 3 ¶5-6
Martes, Abril 30
Napakatindi ng pagwasak na isasagawa niya.—Dan. 8:24.
Sinasabi ng Apocalipsis kabanata 13 na ang ikapitong ulo, ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano, ay kumikilos na tulad ng mabangis na hayop na may “dalawang sungay na gaya ng sa isang kordero, pero nagsimula itong magsalitang gaya ng isang dragon.” Ang hayop na ito ay “gumagawa . . . ng dakilang mga tanda; nagpapababa pa nga ito ng apoy sa lupa mula sa langit sa paningin ng sangkatauhan.” (Apoc. 13:11-15) Sa Apocalipsis kabanata 16 at 19, inilarawan ang mabangis na hayop na ito bilang “huwad na propeta.” (Apoc. 16:13; 19:20) Halos ganiyan din ang sinabi ni Daniel. Sinabi niya na “napakatindi ng pagwasak” na isasagawa ng Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. (Dan. 8:19, 23, 24) Ganiyan nga ang nangyari noong Digmaang Pandaigdig II. Dahil sa pagtutulungan ng mga siyentipiko ng Britain at ng America, nakagawa sila ng dalawang atomic bomb na tumapos sa digmaang iyon sa Pasipiko. Kaya masasabing ‘nagpababa ng apoy sa lupa mula sa langit’ ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. w22.05 10 ¶9