30 ANG BIYUDA NG ZAREPAT
Nagtiwala Siya kay Jehova sa Mahirap na Panahon
MAY isang biyuda na nakatira sa Zarepat, at may maliit siyang anak na lalaki. Matagal nang hindi umuulan sa lugar nila, kaya tuyong-tuyo ang lupa, walang tumutubong pananim, at halos walang makain ang mga tao. Sa Israel, may ibinigay na mga batas ang Diyos para sa mga biyuda at ulila. Sinisigurado ng mga batas na ito na mayroon sila ng mga pangangailangan nila. Pero hindi nakatira sa Israel ang biyuda. Sakop ng Sidon ang Zarepat, at si Etbaal ang hari ng Sidon. Lumilitaw na si Etbaal ay naging saserdote ng diyosang si Astoret, at para masamba ang diyosang ito, maraming ginagawang masama at imoral ang mga tao. Sa panahong iyon ng tagtuyot at taggutom at ganoon ang mga tao sa paligid ng biyuda, posibleng naisip niya: “Ano na ang mangyayari sa amin ng anak ko? May nakakakita ba sa sitwasyon namin? May tutulong kaya sa amin?”
Ginawa ng biyuda ang lahat para may makain sila ng anak niya. Pero ngayon, paubos na ang pagkain nila. At kapag naubos iyon, alam na ng biyuda ang mangyayari sa kanila—mamamatay sila.
Pero mahal ni Jehova ang biyuda at nakita Niya na iba siya sa mga tao noon. Kahit sumasamba sa huwad na mga diyos ang mga tao sa paligid niya, nanampalataya siya kay Jehova. Posibleng nalaman niya ang mga ginawa ni Jehova para sa bayan Niya, kaya minahal niya Siya. At nagtiwala siya na si Jehova ang tunay na Diyos. Pagkalipas ng halos 1,000 taon, sinabi ni Jesus ang tungkol sa magandang halimbawa ng biyuda at ang ginawa ni Jehova para sa kaniya. Ano iyon?
Inutusan ni Jehova ang propeta niyang si Elias na pumunta sa Zarepat. Sinabi Niya na isang biyuda doon ang magbibigay sa kaniya ng pagkain sa panahon ng tagtuyot. Pagdating ng propeta sa Zarepat, may nakita siyang isang babae na namumulot ng kahoy para gawing panggatong. Mabait niya itong kinausap at sinabi: “Pakisuyo, bigyan mo ako ng kaunting tubig na maiinom.” Kahit ngayon lang nakita ng biyuda si Elias, binigyan niya pa rin ito ng tubig. Posibleng dahil sa suot ng propeta at dahil sa kabaitan at tono ng boses nito, naisip niya na lingkod ito ni Jehova. Pero posibleng iniisip din ni Elias kung siya ang biyuda na sinasabi ni Jehova. Para makasigurado, humingi si Elias ng isang piraso ng tinapay.
Ngayon, sinabi ng biyuda sa propeta ang sitwasyon niya. Pero sinimulan niya iyon sa pagsasabing “Tinitiyak ko, kung paanong buháy si Jehova na iyong Diyos.” Ipinapakita nito na nananampalataya siya na si Jehova ang tunay na Diyos, “ang Diyos na buháy.” (Jer. 10:10) Pagkatapos, sinabi niya kay Elias na wala na siyang tinapay. Ang mayroon na lang siya, isang dakot na harina sa malaking banga at kaunting langis sa maliit na banga. At ngayon, namumulot siya ng kahoy para gamitin sa paghahanda ng huling pagkain nila ng anak niya. “Pagkatapos naming kumain, mamamatay na kami,” ang sabi niya.
Sa panahon ng taggutom, ibibigay kaya ng biyuda sa propeta ni Jehova ang huling pagkain nila ng anak niya?
Pero sinabi ni Elias: “Huwag kang matakot.” Siguradong nagulat ang biyuda sa sinabi ng propeta. Paanong hindi siya matatakot kung alam niyang malapit na silang mamatay ng anak niya? Kahit ganoon, nakinig pa rin siya sa propeta. Sinabi ni Elias na kung siya muna ang gagawan ng biyuda ng maliit na tinapay, nangangako si Jehova na pagpapalain Niya siya—hindi mauubusan ng laman ang lalagyan niya ng harina at langis. Dahil doon, may kakainin sila hanggang sa matapos ang tagtuyot.
Masusubok ngayon ang pananampalataya ng biyuda. Ibibigay kaya niya sa propeta ni Jehova ang huling pagkain nilang mag-ina? Posibleng alam ng biyuda na marami nang ginawa si Jehova para sa bayan Niya, kaya siguradong madali lang para sa Kaniya na pakainin sila ng anak niya. Pero ang tanong, Magtitiwala ba siya kay Jehova? Sinasabi sa ulat: “Kaya umalis ang babae at ginawa ang sinabi ni Elias.”
Talagang pinagpala ni Jehova ang babaeng ito. Gaya ng pangako Niya, hindi naubos ang harina at langis ng biyuda. Kaya hanggang sa matapos ang tagtuyot, may naipakain siya kay Elias at sa pamilya niya. Pero hindi lang iyan ang ginawa ni Jehova para sa kaniya. Nang biglang magkasakit at mamatay ang anak niya, ginamit ni Jehova si Elias para buhaying muli ang bata. Ito ang unang pagkabuhay-muli na nakaulat sa Bibliya. Siguradong mas tumibay ang pananampalataya ng biyuda pagkatapos nito. Mula noon, marami pa ang napatibay sa himalang ito, pati na sa magandang halimbawa na ipinakita ng biyuda.
Basahin sa Bibliya:
Talakayin:
Paano nagpakita ng lakas ng loob ang biyuda ng Zarepat?
Alamin
1. Sino ang sinasamba ng mga taga-Sidon, at ano ang ginagawa nila bilang bahagi ng pagsamba nila? Paano nila naimpluwensiyahan ang mga Israelita? (it “Sidon, Mga Sidonio” ¶5) Larawan A
Penta Springs Limited/Alamy Stock Photo
Larawan A: Maliit na imahen ni Astoret, na mula pa noong mga 1500 B.C.E.
2. Ano ang kaugnayan ni Etbaal kay Haring Ahab ng Israel? (it “Etbaal”)
3. Anong selebrasyon sa ngayon ang may kaugnayan sa pagsamba sa diyosang si Astoret (Astarte)? (g93 11/22 12 ¶5–13 ¶3)
4. Nang mamatay ang anak ng biyuda, tinanong niya si Elias: “Pumunta ka ba rito para ipaalaala sa akin ang kasalanan ko at patayin ang anak ko?” Ano ang posibleng dahilan kung bakit niya nasabi iyon? (1 Hari 17:18; w14 2/15 15 ¶4-5) Larawan B
Larawan B
Gawin ang mga Natutuhan Mo
Nakatira ang biyuda sa isang lugar kung saan huwad na mga diyos ang sinasamba ng mga tao. Kahit ganoon, napansin pa rin siya ni Jehova. Ano ang itinuturo nito tungkol kay Jehova at sa dapat na maging tingin natin sa mga tao sa teritoryo? (Gawa 10:35)
Kung hirap tayo sa pinansiyal, ano ang matututuhan natin sa pananampalataya at lakas ng loob ng biyuda ng Zarepat? Larawan C
Larawan C
Paano mo pa matutularan ang lakas ng loob ng biyuda ng Zarepat?
Mahalagang Pag-isipan
Ano ang itinuturo ng ulat na ito tungkol kay Jehova?
Ano ang koneksiyon ng ulat na ito sa layunin ni Jehova?
Ano ang itatanong mo sa biyuda ng Zarepat kapag binuhay na siyang muli?
Tingnan Din
Gaya ng biyuda ng Zarepat, paano natin maipapakita na mas mahalaga sa atin ang kaugnayan natin kay Jehova kaysa sa materyal na mga bagay?
“Pagsang-ayon ng Diyos—Umaakay sa Buhay na Walang Hanggan” (w11 2/15 13-17)
Bakit makakasigurado ka na napapansin ni Jehova ang lahat ng ginagawa mo para sa kaniya?
“Napapansin Ba ni Jehova ang Iyong Ginagawa?” (w03 5/1 28-31)