Mayo
Biyernes, Mayo 1
Hindi nagtatangi ang Diyos.—Roma 2:11.
Pagkatapos palayain ni Jehova ang bayan niya mula sa pagkaalipin sa Ehipto, nag-atas siya ng mga saserdote na maglilingkod sa tabernakulo. Inatasan niya ang mga Levita na mag-asikaso ng mga gawain sa banal na toldang iyon. Kung ikukumpara sa mga Israelitang nasa malayo, mas nakakalamang ba ang mga naglilingkod sa tabernakulo pati na ang mga nakapuwesto malapit dito? Hindi! Alam nating patas si Jehova. Puwedeng maging malapít na kaibigan ni Jehova ang lahat ng Israelita. Halimbawa, sinigurado ni Jehova na makikita ng buong bayan ang haliging ulap at haliging apoy na nasa ibabaw ng tabernakulo. (Ex. 40:38) Kapag nagsimula nang gumalaw ang ulap para magbigay ng direksiyon, makikita ito kahit ng mga Israelitang nakapuwesto sa pinakadulo ng kampo. Kaya makakasabay sila sa pagkakalas ng tolda, pag-aayos ng gamit, at pag-alis ng buong bayan. (Bil. 9:15-23) Ganiyan din sa ngayon. Saanman tayo nakatira, mararamdaman nating mahal tayo ni Jehova, pinapangalagaan niya tayo, at pinoprotektahan. w24.06 4 ¶10-11; 6 ¶12
Sabado, Mayo 2
Halikayo, tumakas na tayo. Kung hindi, walang makaliligtas sa atin kay Absalom!—2 Sam. 15:14.
Gustong patayin ni Absalom ang tatay niyang si David para maging hari siya. (2 Sam. 15:12, 13) Kaya kinailangang umalis agad ni David sa Jerusalem. Habang tumatakas siya kasama ang mga lingkod niya, naisip ni David na kailangang may maiwan para malaman nila ang mga plano ni Absalom. Kaya pinabalik niya sa lunsod si Zadok at ang iba pang saserdote para makakuha ng impormasyon. (2 Sam. 15:27-29) Kailangan nilang maging maingat. Nagpatulong si David sa tapat niyang mga kaibigang sina Zadok at Husai para gawin ang isang plano. (2 Sam. 15:32-37) Nagkunwari si Husai na kakampi ni Absalom at binigyan ito ng estratehiya kung paano aatakihin si David, na magbibigay naman kay David ng pagkakataong makapaghanda. Nagtiwala si Absalom sa estratehiyang ito. Pagkatapos, sinabi ni Husai kina Zadok at Abiatar ang naging pag-uusap nila ni Absalom. (2 Sam. 17:8-16) Naiparating naman ng dalawang lalaking ito ang mensahe kay David kaya naprotektahan si David.—2 Sam. 17:21, 22. w24.07 4-5 ¶9-10
Linggo, Mayo 3
“Halikayo ngayon at ituwid natin ang mga bagay-bagay sa pagitan natin,” ang sabi ni Jehova.—Isa. 1:18.
May ilan sa mga lingkod ni Jehova na nakokonsensiya pa rin sa mga nagawa nilang kasalanan bago o pagkatapos ng bautismo nila. Pero tandaan na mahal na mahal tayo ni Jehova at inilaan niya ang pantubos para mapatawad ang mga kasalanan natin. Siguradong gusto niyang tanggapin natin ang pagpapatawad niya. Kapag nagawa na nating ‘ituwid ang mga bagay-bagay’ sa pagitan natin at ni Jehova, tinitiyak niyang hindi na niya aalalahanin ang mga kasalanan natin. Talagang napakamapagmahal na Ama ni Jehova! Kinakalimutan niya ang mga nagawa nating kasalanan, pero hindi niya makakalimutan ang mga nagawa nating mabuti. (Awit 103:9, 12; Heb. 6:10) Kung sobra ka pa ring nakokonsensiya sa mga nagawa mong kasalanan noon, gawin ang buong makakaya mo para makapagpokus ka sa mga ginagawa mo ngayon at sa mga puwede mong gawin sa hinaharap. Wala ka nang magagawa sa mga nangyari noon. Pero may magagawa ka ngayon para purihin at sambahin si Jehova. Puwede mo ring pag-isipan ang magagandang pangako niya sa hinaharap. w24.10 8 ¶8-9
Lunes, Mayo 4
Isuot ninyo ang bagong personalidad.—Col. 3:10.
Kapag nagbabasa ka ng Bibliya, baka masiraan ka ng loob kung minsan, kasi nakita mo na ang dami mong kailangang pasulungin. Halimbawa, sa araw na ito, nabasa mo sa Bibliya na hindi dapat magpakita ng paboritismo. (Sant. 2:1-8) Naisip mo na may magagawa ka pa para mas mapakitunguhan nang tama ang iba. At ginawa mong goal iyon. Kinabukasan naman, nabasa mo na kailangan mong maging maingat sa mga sinasabi mo. (Sant. 3:1-12) Alam mo sa sarili mo na may nasasabi kang hindi maganda kung minsan. Kaya ginawa mong goal na maging nakakapagpatibay ang mga sinasabi mo. Sa sumunod na araw, nabasa mo ang babala tungkol sa pakikipagkaibigan sa sanlibutan. (Sant. 4:4-12) Naisip mo na kailangan mong maging mas maingat sa pinipili mong libangan. Pero pagdating ng ikaapat na araw, baka nasiraan ka na ng loob kasi nakita mo na ang dami mo palang kailangang baguhin. Huwag masiraan ng loob. Tandaan na patuluyang proseso ang pagsusuot ng “bagong personalidad.” w24.09 5-6 ¶11-12
Martes, Mayo 5
Pabanalin ninyo ang Kristo bilang Panginoon sa mga puso ninyo, na laging handang ipagtanggol ang inyong pag-asa sa harap ng lahat ng humihingi ng paliwanag tungkol dito, pero ginagawa iyon nang mahinahon at may matinding paggalang.—1 Ped. 3:15.
Alam ni Jesus na nakikita ni Jehova ang kawalang-katarungang nararanasan niya. At nagtitiwala siyang aayusin ni Jehova ang mga ito sa tamang panahon. Matutularan natin si Jesus kung magiging maingat tayo sa mga sinasabi natin kapag tinatrato tayo nang di-maganda. Kung minsan, baka puwede nating palampasin na lang ang ginawa sa atin kung hindi naman iyon ganoon kaseryoso. O baka may pagkakataong huwag na lang tayong magsalita para hindi na lumala ang sitwasyon. (Ecles. 3:7; Sant. 1:19, 20) Pero kung minsan, baka kailangan nating ipagtanggol ang paniniwala natin o ang isa na nakakaranas ng di-patas na pagtrato. (Gawa 6:1, 2) Pero kapag nagsalita tayo, dapat nating sikaping maging kalmado at magalang. Matutularan din natin si Jesus kung ipagkakatiwala natin ang sarili natin sa “Diyos na humahatol nang matuwid.”—1 Ped. 2:23. w24.11 5-6 ¶10-12
Miyerkules, Mayo 6
Nagsasaya . . . ang mga anghel ng Diyos dahil sa isang makasalanan na nagsisisi.—Luc. 15:10.
Napakasaya natin kapag nagsisi ang isang nagkasala! (Luc. 15:7) Pero sino ang dapat purihin? Ang mga elder ba? Alalahanin ang sinabi ni apostol Pablo tungkol sa mga nagkasala: “Baka sakaling bigyan sila ng pagkakataon ng Diyos na magsisi.” (2 Tim. 2:25) Ganito ang sinasabi ng study note sa talatang iyan: “Kung magsisi man ang isang Kristiyano, hindi ito dahil sa sinumang tao, kundi dahil kay Jehova, na tumulong sa kaniya na magbago. Binanggit din ni Pablo ang ilan sa magagandang resulta ng pagsisisi ng isang makasalanan—mas lumalalim ang pagkaunawa niya sa katotohanan, bumabalik ang katinuan ng kaniyang isip, at makakatakas siya sa bitag ni Satanas.—2Ti 2:26.” Kapag nagsisi ang nagkasala, isasaayos ng komite na patuloy siyang madalaw. Tutulong ito sa kaniya na patuloy na malabanan ang bitag ni Satanas at magawa ang tama.—Heb. 12:12, 13. w24.08 23 ¶14-15
Huwebes, Mayo 7
Hinahanap ninyo ako, hindi dahil sa nakakita kayo ng mga tanda, kundi dahil sa kumain kayo ng tinapay at nabusog.—Juan 6:26.
Ang mga tao na pinakain ni Jesus ay nakapokus sa pisikal na pangangailangan nila. Kinabukasan, bumalik ang mga tao sa lugar kung saan sila pinakain ni Jesus, pero wala na siya doon at ang mga apostol. Kaya sumakay ang mga tao sa mga bangkang galing sa Tiberias at pumunta sa Capernaum para hanapin si Jesus. (Juan 6:22-24) Ginawa ba nila iyon para matuto pa tungkol sa Kaharian? Hindi. Ginawa nila iyon kasi gusto nilang pakainin ulit sila ni Jesus. Bakit natin nasabi iyan? Pansinin ang nangyari nang mahanap ng mga tao si Jesus malapit sa Capernaum. Deretsahan niyang sinabi sa kanila na hinahanap lang nila siya dahil gusto nilang masapatan ang pisikal na pangangailangan nila. Totoo, “kumain [sila] ng tinapay at nabusog” pero ang kinain nila ay “pagkaing nasisira.” Kaya pinayuhan sila ni Jesus na ang dapat nilang pagsikapang makuha ay ang “di-nasisirang pagkain na nagbibigay ng buhay na walang hanggan.” (Juan 6:26, 27) Sinabi ni Jesus na maglalaan ang Ama niya ng ganiyang pagkain. w24.12 5 ¶8-9
Biyernes, Mayo 8
Ang puso ng marunong ay nagbibigay ng kaunawaan sa bibig niya at nagdaragdag ng panghihikayat sa pananalita niya.—Kaw. 16:23.
Mga brother, para maging mas epektibong tagapagturo, laging ibase sa Salita ng Diyos ang mga itinuturo at payo ninyo. Maging masipag sa pag-aaral ng Bibliya at ng mga publikasyon natin. (Kaw. 15:28) Habang nag-aaral, tingnan kung paano ipinapaliwanag ng mga publikasyon natin ang isang teksto sa Bibliya para maipaliwanag ninyo ito nang tama. At kapag nagtuturo, sikaping maabot ang puso ng mga tagapakinig ninyo. Mapapasulong ninyo ang pagtuturo ninyo kung hihingi kayo ng payo sa makaranasang mga elder at susundin ang mga iyon. (1 Tim. 5:17) Dapat na may kakayahan din ang mga elder na magpatibay sa mga kapatid. Pero kung minsan, kailangan nilang magbigay ng payo, o sumaway pa nga. Dapat na lagi silang maging mabait sa paggawa ng mga ito. Kung magiging mahinahon kayo, mapagmahal, at lagi ninyong ibabase sa Salita ng Diyos ang mga itinuturo ninyo, magiging epektibo kayo kasi tinutularan ninyo ang Dakilang Guro, si Jesus.—Mat. 11:28-30; 2 Tim. 2:24. w24.11 24 ¶16
Sabado, Mayo 9
Isaysay ninyo sa mga bansa ang kaluwalhatian niya.—Awit 96:3.
Maluluwalhati natin si Jehova sa mga sinasabi natin tungkol sa kaniya. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ‘umawit kay Jehova,’ ‘purihin ang pangalan niya,’ ‘ihayag ang mabuting balita ng pagliligtas niya,’ at ‘isaysay sa mga bansa ang kaluwalhatian niya.’ (Awit 96:1-3) Kapag ginawa natin ang mga iyan, napapapurihan natin ang Ama natin sa langit. (Gawa 4:29) Maluluwalhati rin natin si Jehova gamit ang mga pag-aari natin. Matagal nang ginagawa iyan ng mga tunay na mananamba ni Jehova. (Kaw. 3:9) Halimbawa, nagbigay ng mga materyal na bagay ang mga Israelita noon para sa pagtatayo at pagkukumpuni ng templo. (2 Hari 12:4, 5; 1 Cro. 29:3-9) Ginamit din ng mga alagad “ang sarili nilang pag-aari” para paglingkuran si Kristo at ang mga apostol niya. (Luc. 8:1-3) Nagbigay rin ng tulong ang mga Kristiyano noon sa mga kapatid nila. (Gawa 11:27-29) Maluluwalhati rin natin ngayon si Jehova gamit ang mga donasyon natin. w25.01 4 ¶8; 5 ¶11
Linggo, Mayo 10
Sino ang makapagsasabing hindi dapat bautismuhan sa tubig ang mga taong ito?—Gawa 10:47.
Ano ang nakatulong kay Cornelio na magpabautismo? Sinasabi ng Bibliya na “may takot [si Cornelio] sa Diyos, pati na ang buong sambahayan niya.” Lagi rin siyang nagsusumamo sa Diyos. (Gawa 10:2) Kaya nang ipangaral ni Pedro kay Cornelio ang mabuting balita tungkol sa Kristo, tinanggap iyon ni Cornelio at ng pamilya niya. Nagpabautismo sila agad. (Gawa 10:47, 48) Siguradong handang gumawa ng mga pagbabago si Cornelio para masamba niya at ng pamilya niya si Jehova. (Jos. 24:15; Gawa 10:24, 33) Hindi hinayaan ni Cornelio na mapigilan siya ng posisyon niya para maging Kristiyano. Kailangan mo rin bang gumawa ng malalaking pagbabago para mabautismuhan? Tutulungan ka ni Jehova na gawin iyan. Pagpapalain niya ang pagsisikap mong sundin ang mga prinsipyo sa Bibliya. w25.03 5 ¶12-13
Lunes, Mayo 11
Iwasan mo ang mga kuwentong di-totoo at lumalapastangan sa Diyos.—1 Tim. 4:7.
Kung may marinig kang masamang bagay tungkol sa organisasyon o sa mga nangunguna, alalahanin mo kung ano ang ginawa ng mga kaaway ng Diyos kay Jesus at sa unang-siglong mga Kristiyano. Sa ngayon, gaya ng inihula ng Bibliya, sinisiraan at pinag-uusig ang bayan ni Jehova. (Mat. 5:11, 12) Hindi tayo mapapaniwala ng mga kasinungalingang iyon kung tatandaan natin kung kanino iyon galing at kung kikilos tayo agad para maprotektahan ang sarili natin. Paano natin ito magagawa? Tanggihan ang mga kuwentong di-totoo. Malinaw na sinabi ni apostol Pablo kung ano ang dapat gawin kapag nakarinig tayo ng mga kuwentong di-totoo. Sinabi niya kay Timoteo na “iwasan . . . ang mga kuwentong di-totoo” at na ‘sabihan ang ilan na huwag magbigay-pansin dito.’ (1 Tim. 1:3, 4) Tinatanggihan din natin ang mga kuwentong di-totoo kasi alam natin kung saan galing iyon. At nanghahawakan tayo sa “kapaki-pakinabang na mga salita” ng katotohanan.—2 Tim. 1:13. w24.04 11 ¶16; 13 ¶17
Martes, Mayo 12
Inililigaw nila ang mga walang muwang gamit ang kanilang mapanghikayat na pananalita at pambobola.—Roma 16:18.
Manatiling kaisa ng mga tapat kay Jehova. Gusto ni Jehova na magkaisa tayo sa pagsamba sa kaniya. Magagawa natin iyan kung patuloy tayong kakapit nang mahigpit sa katotohanan. Sinisira ng mga nagpapakalat ng maling impormasyon ang pagkakaisa ng kongregasyon. Kaya naman, pinayuhan tayo ni Jehova na “iwasan [natin] sila.” Kung hindi natin sila iiwasan, puwede rin tayong unti-unting mapalayo sa katotohanan. (Roma 16:17) Kung lagi nating aalamin ang totoo at kakapit nang mahigpit dito, mananatili tayong malapít kay Jehova at lalong titibay ang pananampalataya natin. (Efe. 4:15, 16) Hindi tayo madadaya ng mga kasinungalingan at propaganda ni Satanas, at siguradong iingatan tayo ni Jehova sa panahon ng malaking kapighatian. Kaya patuloy tayong kumapit nang mahigpit sa katotohanan, “at [sasaatin] ang Diyos ng kapayapaan.”—Fil. 4:8, 9. w24.07 13 ¶16-17
Miyerkules, Mayo 13
Ang taong ito ay nag-alay ng isang handog para sa mga kasalanan at ang bisa nito ay walang hanggan.—Heb. 10:12.
Nagbigay si Jesus ng espesyal na atensiyon sa mga taong nabibigatan dahil sa kasalanan nila, at binigyan niya sila ng pagkakataong maging tagasunod niya. Alam niyang kasalanan ang puno’t dulo ng pagdurusa ng mga tao. Kaya partikular niyang tinulungan ang mga kilalang makasalanan. Gamit ang isang ilustrasyon, ipinaliwanag niya kung bakit niya ginagawa ito: “Ang malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga maysakit.” Sinabi pa niya: “Dumating ako para tawagin, hindi ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan.” (Mat. 9:12, 13) Talagang ginawa ni Jesus ang mga sinabi niya. Nang hugasan ng isang babae ang mga paa niya gamit ang mga luha nito, mabait niyang kinausap ito at pinatawad sa mga kasalanan. (Luc. 7:37-50) Tinuruan niya ng mahahalagang katotohanan ang isang Samaritana sa tabi ng balon, kahit alam niyang imoral ang pamumuhay nito. (Juan 4:7, 17-19, 25, 26) Binigyan din ng Diyos si Jesus ng kapangyarihan na alisin ang resulta ng kasalanan—ang kamatayan. Bumuhay siya ng mga patay—lalaki at babae, bata at matanda.—Mat. 11:5. w24.08 4 ¶9-10
Huwebes, Mayo 14
Hahatulan niya ang lupa ayon sa katuwiran at ang mga bayan ayon sa kaniyang katapatan.—Awit 96:13.
Paano ipapakita ni Jehova sa hinaharap na dapat siyang luwalhatiin ng lahat? Magiging matuwid siya sa mga hatol niya. Malapit na niyang puksain ang Babilonyang Dakila dahil siniraan nito ang pangalan niya. (Apoc. 17:5, 16; 19:1, 2) Pero may ilang makakasaksi sa pagkawasak ng Babilonyang Dakila na posibleng sumama sa atin sa tunay na pagsamba. At sa Armagedon, tuluyan nang aalisin ni Jehova ang sistemang ito ni Satanas. Kaya mawawala na ang lahat ng kumakalaban sa kaniya at naninira sa pangalan niya. Pero ililigtas niya ang lahat ng nagmamahal, sumusunod, at nagbibigay ng kaluwalhatian sa kaniya. (Mar. 8:38; 2 Tes. 1:6-10) Pagkatapos ng Sanlibong-Taóng Paghahari ni Kristo, magkakaroon ng huling pagsubok. Kapag natapos na iyon, lubusan nang naluwalhati ni Jehova ang pangalan niya. (Apoc. 20:7-10) Sa panahong iyon, “ang lupa ay mapupuno ng kaalaman sa kaluwalhatian ni Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.” (Hab. 2:14) Talagang napakasayang makita ang panahon na ibinibigay ng lahat kay Jehova ang kaluwalhatiang nararapat sa kaniya! w25.01 6-7 ¶15-16
Biyernes, Mayo 15
Kailangan ninyong magtiis bilang bahagi ng disiplina sa inyo.—Heb. 12:7.
Ano ang makakatulong sa mga Hebreong Kristiyano na matiis ang pag-uusig? Alam ni apostol Pablo na kailangan nilang magkaroon ng tamang pananaw dito. Ipinaliwanag niya na kapag nakakaranas ng pagdurusa ang isang Kristiyano, posibleng gamitin iyon ng Diyos bilang pagsasanay sa kaniya. Dahil sa ganiyang pagsasanay, magkakaroon at mapapasulong ng isa ang mga katangiang gusto ni Jehova. Kung magpopokus ang mga Hebreong Kristiyano sa magagandang resulta ng pag-uusig, magiging mas madali sa kanila na magtiis. (Heb. 12:11) Pinatibay ni Pablo ang mga Hebreong Kristiyano na lakasan ang loob nila at huwag sumuko kapag may pag-uusig. Alam na alam ni Pablo ang sinasabi niya. Pinag-usig niya dati ang mga Kristiyano, kaya alam niya kung paano sila tinatrato ng mga mang-uusig. Siya rin mismo, nakaranas ng iba’t ibang uri ng pag-uusig mula noong naging Kristiyano siya.—2 Cor. 11:23-25. w24.09 12 ¶16-17
Sabado, Mayo 16
Patuloy kayong magbantay.—Mat. 25:13.
Bakit nagiging mas apurahan ang ministeryo natin sa bawat lumilipas na araw? Kasi kaunting panahon na lang ang natitira. Pag-isipan ang inihula ni Jesus sa Marcos 13:10 tungkol sa gawaing pangangaral sa mga huling araw. Ayon sa ulat ni Mateo, sinabi ni Jesus na ipapangaral ang mabuting balita sa lahat ng bansa bago dumating “ang wakas.” (Mat. 24:14) Tumutukoy ang wakas sa panahon kung kailan aalisin na ang masamang sistema ni Satanas. Nakapagdesisyon na si Jehova kung anong “araw at oras” mangyayari ito. (Mat. 24:36; Gawa 1:7) Sa bawat araw na lumilipas, mas lumalapit tayo sa panahong iyon. (Roma 13:11) Kaya dapat na patuloy tayong mangaral habang may panahon pa. Ano ang sagot ninyo sa tanong na ‘Bakit tayo nangangaral’? Dahil sa pag-ibig. Kapag nangangaral tayo, nakikita ang pag-ibig natin—pag-ibig sa mabuting balita, pag-ibig sa mga tao, at higit sa lahat, pag-ibig kay Jehova at sa pangalan niya. w24.05 14 ¶2-3
Linggo, Mayo 17
Nakita ng Diyos ang lahat ng ginawa niya, at iyon ay napakabuti.—Gen. 1:31.
Mga magulang, tulungan ang anak ninyo na pag-isipan ang kalikasan. Habang naglalakad kayo sa labas o may ginagawa sa hardin, ipakita sa anak ninyo ang mga nakakamanghang pattern na makikita sa kalikasan. Pinapatunayan ng mga iyan na may isang matalino at mahusay na Disenyador. Halimbawa, matagal nang pinag-aaralan ng mga scientist ang mga spiral pattern. Ipinaliwanag ng biophysicist na si Nicola Fameli na kapag binilang mo ang mga spiral na makikita sa isang bagay sa kalikasan, madidiskubre mo na may pattern ang mga bilang na ito. Tinatawag ito na Fibonacci sequence. Makikita ang spiral pattern sa maraming bagay sa kalikasan, gaya ng hugis ng ilang galaksi, pattern ng mga shell ng nautilus, mga dahon ng halaman, at gitna ng sunflower. w24.12 16 ¶7
Lunes, Mayo 18
Siya ang inyong buhay.—Deut. 30:20.
Ibang-iba ang panahon at sitwasyon nina Moises, David, at Juan kung ikukumpara sa atin. Pero malaki ang pagkakapareho natin sa kanila. Mga lingkod sila ng tunay na Diyos, at ganiyan din tayo. Gaya nila, nananalangin tayo kay Jehova, nagtitiwala sa kaniya, at umaasa sa patnubay niya. At sigurado rin tayo na pagpapalain ni Jehova ang mga sumusunod sa kaniya. Talagang napakahalagang makinig tayo sa mga huling habilin ng tapat na mga may-edad na iyon at sumunod kay Jehova! Kung gagawin natin iyan, magiging matagumpay tayo. ‘Mabubuhay tayo nang mahaba’—nang walang hanggan! At magiging masaya tayo dahil alam nating napapasaya natin ang mapagmahal nating Ama, na saganang magbibigay sa atin ng mga gantimpalang higit sa maiisip natin.—Efe. 3:20. w24.11 13 ¶20-21
Martes, Mayo 19
Inilagay ng Diyos sa kongregasyon ang bawat isa sa mga ito.—1 Cor. 12:28.
Noong unang siglo, may ilang lalaki sa kongregasyon na inatasan bilang mga ministeryal na lingkod. (1 Tim. 3:8) Lumilitaw na sila ang tinutukoy ni apostol Pablo na “tumutulong sa iba.” Kaya malamang na sila ang nag-aasikaso ng ibang mahahalagang gawain para makapagpokus sa pagtuturo at pagpapastol ang matatandang lalaki sa kongregasyon. Halimbawa, posibleng tumutulong ang mga ministeryal na lingkod sa paggawa ng mga kopya ng Kasulatan o sa pagbili ng mga materyales para dito. Tingnan ang ilan sa mahahalagang gawain ng mga ministeryal na lingkod na nakakatulong sa kongregasyon ninyo. (1 Ped. 4:10) Inaatasan ang ilan na mag-asikaso ng accounts ng kongregasyon, rekord ng mga teritoryo, o mga publikasyong gagamitin ng mga kapatid. Inaatasan naman ang iba na mag-operate ng audio/video, maging attendant, o tumulong sa pagmamantini ng Kingdom Hall. Napakahalaga ng mga ito para maging organisado ang mga gawain sa kongregasyon.—1 Cor. 14:40. w24.10 19 ¶4-5
Miyerkules, Mayo 20
May lakas akong harapin ang anumang bagay dahil sa kaniya na nagbibigay ng kapangyarihan sa akin.—Fil. 4:13.
Mahaharap natin ang anumang problema, maliit man o malaki, kung tatandaan nating buháy si Jehova at kaya niya tayong tulungan. Dahil siya ang Makapangyarihan-sa-Lahat, maibibigay niya ang lakas na kailangan natin. Kaya hindi tayo dapat panghinaan ng loob kapag may pinagdadaanan tayo. Isa pa, kapag nakikita nating tinutulungan tayo ni Jehova sa maliliit na problema natin, nagiging mas kumbinsido tayo na tutulungan niya rin tayong maharap ang malalaking pagsubok. Tingnan natin ang dalawang karanasan ni Haring David na nagpatibay sa tiwala niya kay Jehova. Noong bata pa si David, pinapastulan niya ang mga tupa ng tatay niya. Minsan, may dumating na isang leon at tumangay ng isang tupa. Minsan naman, isang oso ang sumalakay. Sa dalawang pagkakataong iyon, lakas-loob na hinabol ni David ang mga hayop at iniligtas ang mga tupang tinangay ng mga ito. Pero hindi niya inisip na nagawa niya iyon dahil magaling siya. Alam niyang tinulungan siya ni Jehova. (1 Sam. 17:34-37) Laging iniisip ni David ang mga naranasan niya, kaya tumibay ang tiwala niya na patuloy siyang palalakasin ng buháy na Diyos. w24.06 21 ¶5-6
Huwebes, Mayo 21
Kapag sumasagot ang isang tao bago niya marinig ang mga detalye, kamangmangan iyon at kahiya-hiya.—Kaw. 18:13.
Isipin na inimbitahan ka sa isang gathering. Dadalo ka ba? Kung hindi mo kilala kung sino ang nag-organisa sa gathering na iyon o hindi mo alam kung ano ang mga gagawin doon, dapat mong itanong: “Saan at kailan gagawin ang gathering? Gaano karami ang pupunta? Sino ang mangangasiwa? Sino-sino ang pupunta? Ano ang mga gagawin doon? May alak ba doon?” Tutulong ang mga tanong na ito sa iyo para makagawa ka ng matalinong desisyon. Kapag nakuha mo na ang mga impormasyong kailangan mo, pag-isipang mabuti ang mga puwedeng mangyari. Paano kung malaman mo na may mga pupunta na hindi sumusunod sa pamantayan ni Jehova, o kaya naman, may alak doon pero wala kayong makakasamang maygulang? Nakikita mo bang posibleng mauwi ang gathering na iyon sa sinasabi ng Bibliya na “magulong pagsasaya”? (1 Ped. 4:3) Kapag napag-isipan mo na ang lahat ng impormasyong nakuha mo, mas magiging madali na sa iyo na gumawa ng tamang desisyon. w25.01 15 ¶4-5
Biyernes, Mayo 22
Kahit na ang mga kasalanan ninyo ay gaya ng iskarlata, mapapuputi ang mga ito na gaya ng niyebe.—Isa. 1:18.
Dahil sa pantubos, puwedeng burahin ni Jehova ang kasalanan ng mga nagsisisi. Napakahirap alisin ng mantsa na kulay iskarlata o krimson. Pero idinidiin ni Jehova sa ilustrasyong ito na puwedeng mahugasan, o mapaputi, ang mga kasalanan natin hanggang sa wala na itong bakas. Itinulad din ang kasalanan sa “utang.” (Mat. 18:32-35) Kaya sa tuwing nagkakasala tayo kay Jehova, parang lalo tayong nalulubog sa utang. Masasabing napakalaki ng utang natin sa kaniya! Pero kapag nagpatawad si Jehova, hindi na niya pinapabayaran ang mga utang natin. Hindi na niya tayo sisingilin para sa mga kasalanang pinatawad na niya. Tuwang-tuwa ang isang tao kapag hindi na siya pinagbayad ng utang. Ganiyan din ang nararamdaman natin kapag pinapatawad ni Jehova ang mga kasalanan natin. w25.02 10 ¶9-10
Sabado, Mayo 23
Hindi ang mga anak ang inaasahang mag-ipon para sa mga magulang nila, kundi ang mga magulang para sa mga anak nila.—2 Cor. 12:14.
Habang tumatanda ang mga magulang, baka kailanganin nila ng tulong, at masayang ginagawa iyan ng maraming anak. (1 Tim. 5:4) Pero dapat tandaan ng mga Kristiyanong magulang na magiging mas masaya sila kung papalakihin nila ang mga anak nila na maging lingkod ni Jehova kaysa kung papalakihin nila ang mga ito para lang suportahan sila kapag tumanda na sila. (3 Juan 4) Habang tinuturuan ang anak ninyo na suportahan ang sarili niya, ipakita ninyong nagtitiwala kayo kay Jehova. Kahit bata pa siya, ituro din sa kaniya kung bakit mahalagang maging masipag. (Kaw. 29:21; Efe. 4:28) At habang lumalaki siya, tulungan siyang magsikap sa pag-aaral. Puwedeng i-research ng mga Kristiyanong magulang ang mga prinsipyo sa Bibliya na magagamit ng anak nila sa pagdedesisyon tungkol sa edukasyon. Tulungan siyang maintindihan na pansuporta ito sa sarili niya at sa mga goal niya sa espirituwal. w25.03 30-31 ¶15-16
Linggo, Mayo 24
Isuot ang bagong personalidad.—Efe. 4:24.
Inilarawan ni Jehova sa Isaias kabanata 65 kung ano ang magiging kalagayan sa espirituwal na paraiso. Unang natupad ang hulang ito noong 537 B.C.E. Nang panahong iyon, nakalaya sa Babilonya ang nagsising mga Judio at nakabalik sa lupain nila. Pinagpala sila ni Jehova at tinulungan na mapagandang muli ang wasak na lunsod ng Jerusalem. Naitayo rin nilang muli ang templo na sentro ng tunay na pagsamba sa Israel. (Isa. 51:11; Zac. 8:3) Nagsimula ang ikalawang katuparan ng hula ni Isaias noong 1919 C.E. nang makalaya sa Babilonyang Dakila ang mga lingkod ni Jehova sa ngayon. Pagkatapos, unti-unti nang lumawak ang espirituwal na paraiso sa lupa. Dahil sa masisigasig na tagapaghayag ng Kaharian, nagkaroon ng maraming kongregasyon na binubuo ng may-gulang na mga Kristiyano. Ang ilan sa kanila ay dating marahas at imoral. Pero isinuot nila ang “bagong personalidad na nilikha ayon sa kalooban ng Diyos.” w24.04 20-21 ¶3-4
Lunes, Mayo 25
Ang bawat isa ang magdadala ng sarili niyang pasan.—Gal. 6:5.
Sa ilang lugar, ang mga magulang o iba pang adulto ang pumipili ng mapapangasawa ng mga kamag-anak nila. Sa ibang lugar naman, ang pamilya o mga kaibigan ang naghahanap ng mapapangasawa ng isa. Pagkatapos, isasaayos nila na magkita ang dalawa para tingnan kung magugustuhan nila ang isa’t isa. Kung hingan ka ng tulong na humanap ng mapapangasawa, tiyakin kung ano ang gusto at pangangailangan nilang dalawa. Kapag may naisip ka nang tao na bagay sa hinahanapan mo, sikaping kilalaning mabuti ang taong iyon, alamin ang mga katangian niya, at ang pinakamahalaga, ang espirituwalidad niya. Mas mahalaga ang malapít na kaugnayan kay Jehova kaysa sa pera, edukasyon, o katayuan sa buhay. Pero tandaan, silang dalawa pa rin ang magpapasiya kung magpapakasal sila. w24.05 23 ¶11
Martes, Mayo 26
Ang tunay na kaibigan ay nagmamahal sa lahat ng panahon.—Kaw. 17:17.
Makakatulong tayo sa mga magkasintahan kung magiging maingat tayo sa mga sinasabi natin. Minsan, kailangan nating kontrolin ang sarili natin at huwag nang magkomento. (Kaw. 12:18) Halimbawa, baka excited tayong sabihin sa iba na may bagong magkasintahan. Pero baka gusto nila na sila mismo ang magsabi nito. Hindi rin natin sila dapat pagtsismisan o kuwestiyunin ang mga personal na bagay tungkol sa kanila. (Kaw. 20:19; Roma 14:10; 1 Tes. 4:11) Bukod diyan, hindi tayo dapat magkomento o magtanong ng makaka-pressure sa kanila na magpakasal. Paano kung nalaman nating naghiwalay ang isang magkasintahan? Dapat nating iwasang makialam sa desisyon nila o sisihin ang isa man sa kanila. (1 Ped. 4:15) Kapag nagdesisyong maghiwalay ang magkasintahan, walang mali dito. Kadalasan, ipinapakita lang nito na naging epektibo ang pagiging magkasintahan nila—nakatulong ito sa kanila na gumawa ng tamang desisyon. Pero siyempre, baka dahil dito, masaktan sila at malungkot. Kaya dapat natin silang tulungan. w24.05 31 ¶15-16
Miyerkules, Mayo 27
Kapag nanghihina ang loob mo sa panahon ng problema, mababawasan din ang lakas mo.—Kaw. 24:10.
Napakahirap kapag iniwan ng isang kapamilya o kaibigan natin si Jehova. (Awit 78:40) At magiging mas mahirap pa ito kung talagang malapít tayo sa taong iyon. Kung ganiyan ang sitwasyon mo ngayon, makakatulong sa iyo ang halimbawa ng katapatan ni Zadok. Nanatili siyang tapat kay Jehova kahit pinili ng kaibigan niyang si Abiatar na maging hindi tapat. Nangyari iyan noong malapit nang mamatay si David. Tinangka ng anak niyang si Adonias na agawin ang trono kahit si Solomon ang pinili ni Jehova na maging hari. (1 Cro. 22:9, 10) Pinili ni Abiatar na suportahan si Adonias. (1 Hari 1:5-8) Sa ginawang ito ni Abiatar, hindi siya naging tapat kay David at kay Zadok at lalo na kay Jehova. Sa loob ng maraming taon, magkasama sina Zadok at Abiatar bilang mga saserdote.—2 Sam. 8:17; 15:29; 19:11-14. w24.07 6 ¶14-15
Huwebes, Mayo 28
Maligaya ang taong laging nagbabantay.—Kaw. 28:14.
Siguradong sulit ang pagsisikap natin na patuloy na magbantay. Anumang ‘pansamantalang kasiyahan’ ang maibigay ng kasalanan, hindi iyon maikukumpara sa sayang mararamdaman natin kung susundin natin ang mga pamantayan ni Jehova. (Heb. 11:25; Awit 19:8) Dinisenyo kasi tayo para gawin ang kalooban niya. (Gen. 1:27) Kapag namuhay tayo sa paraang gusto ni Jehova, panatag tayo kasi malinis ang konsensiya natin at posible tayong mabuhay nang walang hanggan. (1 Tim. 6:12; 2 Tim. 1:3; Jud. 20, 21) Totoo, “mahina ang laman.” (Mat. 26:41) Pero hindi ibig sabihin nito na wala na tayong magagawa para labanan ang kahinaan natin. Laging nandiyan si Jehova para ibigay ang lakas na kailangan natin. (2 Cor. 4:7) Pero tandaan, lakas na higit sa karaniwan ang ibinibigay ni Jehova. Kaya responsibilidad pa rin natin na gamitin ang lakas na mayroon tayo para labanan ang kahinaan natin. Sasagutin ni Jehova ang mga panalangin natin para sa paghingi ng higit na lakas. (1 Cor. 10:13) Sa tulong ni Jehova, makakapag-ingat tayo at malalabanan natin ang tukso. w24.07 19 ¶19-21
Biyernes, Mayo 29
Sawayin mo sa harap ng lahat ang mga namimihasa sa kasalanan.—1 Tim. 5:20.
Sinabi ni apostol Pablo sa kapuwa niya elder na si Timoteo ang pananalita sa teksto sa araw na ito na sawayin “sa harap ng lahat” ang mga nagkasala. Ibig bang sabihin, lagi itong dapat gawin sa harap ng buong kongregasyon? Hindi naman. Tinutukoy dito ni Pablo ang mga posibleng nakaalam sa pangyayari. Baka nasaksihan nila ito mismo o baka nasabi ito sa kanila ng nagkasala. Sa kanila lang ipapaalam ng mga elder na naasikaso na ito at na naituwid na ang nagkasala. May pagkakataon na marami sa kongregasyon ang nakakaalam o posibleng makaalam ng pagkakasala. Sa ganiyang kaso, ang “lahat,” na sinabi ni Pablo, ay tumutukoy na sa buong kongregasyon. Kaya ipapatalastas ng isang elder sa kongregasyon na sinaway ang kapatid na nakagawa ng kasalanan. Bakit? Sinabi ni Pablo: ‘Para magsilbi itong babala sa iba’ at huwag silang magkasala. w24.08 23-24 ¶16-17
Sabado, Mayo 30
Ito ang tunay na mga pananalita ng Diyos.—Apoc. 19:9.
Dapat na maging masipag tayo sa paglilingkod kay Jehova hanggang wakas. Dapat na maging mapagbantay ang mga pinahiran para ‘isama’ sila ni Jesus at makuha nila ang gantimpala nila sa langit. (Mat. 24:40) Sabik na silang dumating ang panahon na ‘titipunin na silang kasama ni Jesus’ sa langit. Pagkatapos ng digmaan ng Armagedon, sila ang mapapangasawa ng Kordero, si Jesus. (2 Tes. 2:1) Malapit na ang araw ng paghatol, pero hindi tayo dapat matakot. Kung mananatili tayong tapat, bibigyan tayo ng ating mapagmahal na Ama sa langit ng “lakas na higit sa karaniwan” para “makatayo [tayo] sa harap ng Anak ng tao.” (2 Cor. 4:7; Luc. 21:36) Sa langit man o dito sa lupa ang pag-asa natin, matutuwa sa atin ang Ama natin kung makikinig tayo sa mga babala sa mga ilustrasyon ni Jesus. At dahil sa walang-kapantay na kabaitan ni Jehova, mapapasulat ang mga pangalan natin sa aklat ng buhay.—Dan. 12:1; Apoc. 3:5. w24.09 25 ¶19-20
Linggo, Mayo 31
Nakakabuti ang paglapit sa Diyos.—Awit 73:28.
Paano makakatulong ang Salita ng Diyos kapag naiisip natin na parang mali ang naging mga desisyon natin? Pag-isipan ang magagandang bagay na mayroon ka—gaya ng mga pagpapala ni Jehova—at isipin na wala nito ang mga hindi naglilingkod sa kaniya. Para sa kanila, ang maalwang buhay nila ngayon ang pinakamahalaga kasi wala na silang inaasahang pag-asa sa hinaharap. Pero tayo, pinagpapala na ngayon ni Jehova at marami pa tayong magagandang bagay na inaasahan sa hinaharap. (Awit 145:16) Pag-isipan din ito: Sigurado ka ba na talagang mas maganda ang buhay mo ngayon kung iba ang naging desisyon mo? Tandaan, kapag gumawa ka ng mga desisyon dahil sa pag-ibig mo sa Diyos at sa iba, siguradong magkakaroon ka ng mga bagay na talagang magpapasaya sa iyo. w24.10 27 ¶12-13