ADONI-BEZEK
[Panginoon ng Bezek].
Isang makapangyarihang tagapamahala na humamak sa 70 haring pagano sa pamamagitan ng pagputol sa kanilang mga hinlalaki sa kamay at paa, noong panahon bago sumalakay ang mga Israelita sa Bezek.
May gayunding kaugalian ang sinaunang mga taga-Atenas. Ipinag-utos nila na ang mga bilanggong nahuli sa digmaan ay dapat putulan ng mga hinlalaki sa kamay. Sa gayon ay makapagsasagwan ang mga ito ngunit hindi makahahawak ng tabak o sibat. Di-nagtagal pagkamatay ni Josue, ang pinagsamang mga hukbo ng Juda at Simeon ay nakipaglaban sa 10,000 sundalo ng mga Canaanita at mga Perizita sa Bezek, anupat napilitang tumakas si Adoni-bezek nang matalo siya. Nang mabihag siya, pinutol din ang kaniyang mga hinlalaki sa kamay at paa, kung kaya nasabi niya: “Kung paano ang ginawa ko, gayon ako ginantihan ng Diyos.” Dinala siya sa Jerusalem, at doon na rin siya namatay.—Huk 1:4-7.