APOSTOL
Ang salitang Griego na a·poʹsto·los ay hinalaw sa karaniwang pandiwa na a·po·stelʹlo, na nangangahulugan lamang na “isugo; ipadala.” (Mat 10:5; Mar 11:3) Ang pinakasimpleng diwa nito ay malinaw na makikita sa pananalita ni Jesus: “Ang isang alipin ay hindi mas dakila kaysa sa kaniyang panginoon, ni ang isinusugo [a·poʹsto·los] ay mas dakila kaysa sa nagsugo sa kaniya.” (Ju 13:16) Sa ganitong diwa, ang salitang ito ay kumakapit din kay Kristo Jesus bilang “ang apostol at mataas na saserdote na ating ipinahahayag.” (Heb 3:1; ihambing ang Mat 10:40; 15:24; Luc 4:18, 43; 9:48; 10:16; Ju 3:17; 5:36, 38; 6:29, 57; 7:29; 8:42; 10:36; 11:42; 17:3, 8, 18, 21-25; 20:21.) Isinugo ng Diyos si Jesus bilang kaniyang hinirang at inatasang kinatawan.
Gayunman, ang terminong “apostol” ay pangunahin nang tumutukoy sa mga alagad na personal na pinili ni Jesus bilang isang lupon na binubuo ng 12 hinirang na kinatawan. Ang mga pangalan ng orihinal na 12 pinili ay binabanggit sa Mateo 10:2-4; Marcos 3:16-19, at Lucas 6:13-16. Ang isa sa orihinal na 12, si Hudas Iscariote, ay naging traidor, sa gayo’y tinupad niya ang mga hula tungkol dito. (Aw 41:9; 109:8) Ang natitirang 11 tapat na apostol ay muling itinala sa Gawa 1:13.
Bago sila naging mga alagad ni Jesus, ang ilan sa mga apostol ay dating mga alagad ni Juan na Tagapagbautismo. (Ju 1:35-42) Maliwanag na ang 11 sa kanila ay taga-Galilea (Gaw 2:7), anupat lumilitaw na si Hudas Iscariote ang kaisa-isang Judeano. Kabilang sila sa uring manggagawa; walang alinlangang apat sa kanila ang naghahanapbuhay bilang mangingisda at ang isa naman ay dating maniningil ng buwis. (Mat 4:18-21; 9:9-13) Lumilitaw na dalawa sa kanila, o higit pa, ay pinsan ni Jesus (sina Santiago at Juan, na mga anak ni Zebedeo). Sa pangmalas ng mga lider ng relihiyon, sila ay mga taong “walang pinag-aralan at pangkaraniwan,” anupat ipinahihiwatig nito na ang kanilang edukasyon ay mababa lamang at hindi natamo sa mga paaralan ng mataas na edukasyon. Ang ilan sa kanila, kabilang na si Pedro (Cefas), ay may-asawa.—Gaw 4:13; 1Co 9:5.
Sa 12 apostol, waring sina Pedro, Santiago, at Juan ang pinakamalalapít kay Jesus. Sila lamang ang nakasaksi sa pagkabuhay-muli ng anak na babae ni Jairo (Mar 5:35-43) at sa pagbabagong-anyo ni Jesus (Mat 17:1, 2), at sila lamang ang kasama ni Jesus sa mas dakong loob ng hardin ng Getsemani noong gabing arestuhin siya. (Mar 14:32, 33) Lumilitaw na pantanging naging malapít sina Jesus at Juan sa isa’t isa, at kinikilalang si Juan ang tinutukoy na “alagad na minamahal ni Jesus.”—Ju 21:20-24; 13:23.
Pagpili sa mga Apostol at Maagang Bahagi ng Kanilang Ministeryo. Ang 12 ay pinili mula sa mas malaking pangkat ng mga alagad at tinawag ni Jesus na “mga apostol,” “nang sa gayon ay makapanatili silang kasama niya at nang sa gayon ay maisugo [a·po·stelʹlei] niya sila upang mangaral at upang magkaroon ng awtoridad na magpalayas ng mga demonyo.” (Mar 3:13-15) Mula noon ay ‘nanatili silang kasama niya’ bilang kaniyang matalik na mga kasamahan sa nalalabing bahagi ng kaniyang ministeryo sa lupa, anupat tumanggap sila ng puspusang personal na pagtuturo at pagsasanay sa ministeryo. (Mat 10:1-42; Luc 8:1) Yamang nagpatuloy ang pagtuturo sa kanila ni Jesus, “mga alagad” pa rin ang tawag sa kanila, partikular na sa mga ulat ng mga pangyayari bago ang Pentecostes. (Mat 11:1; 14:26; 20:17; Ju 20:2) Pagkatapos niyaon, “mga apostol” na ang palaging itinatawag sa kanila. Noong panahong hirangin sila, binigyan sila ni Jesus ng makahimalang mga kapangyarihan na magpagaling, at magpalayas din ng mga demonyo, at ginamit na rin nila ang mga kapangyarihang ito noong panahon ng ministeryo ni Jesus. (Mar 3:14, 15; 6:13; Mat 10:1-8; Luc 9:6; ihambing ang Mat 17:16.) Gayunman, ang gawaing ito ay ipinakikitang laging pangalawahin lamang sa kanilang pinakamahalagang gawain na pangangaral. Bagaman bumubuo sila ng isang grupo ng pinakamalalapít na tagasunod niya, ang pagtuturo at pagsasanay sa kanila ay walang kalakip na misteryosong mga ritwal o mga seremonya.
Mga Kahinaan Bilang Tao. Bagaman sila’y lubhang pinagpala bilang mga apostol ng Anak ng Diyos, kinakitaan din sila ng mga pagkukulang at mga kahinaan na karaniwan sa mga tao. Kung minsan si Pedro ay padalus-dalos at mapusok (Mat 16:22, 23; Ju 21:7, 8); si Tomas naman ay mahirap kumbinsihin (Ju 20:24, 25); sina Santiago at Juan ay kinakitaan ng kawalang-pasensiya anupat parang mga bata (Luc 9:49, 54). Pinagtalunan nila kung sino sa kanila ang magiging pinakadakila sa makalupang kaharian na inaasahan nilang itatatag ni Jesus. (Mat 20:20-28; Mar 10:35-45; ihambing ang Gaw 1:6; Luc 24:21.) Kinilala nila na kailangan nila ng higit na pananampalataya. (Luc 17:5; ihambing ang Mat 17:20.) Sa kabila ng ilang taon ng matalik na pakikipagsamahan kay Jesus at bagaman alam nila na siya ang Mesiyas, iniwan nilang lahat si Jesus noong panahong arestuhin siya (Mat 26:56); ibang tao ang nag-asikaso ng kaniyang libing. Hindi agad tinanggap ng mga apostol ang patotoo ng mga babaing unang nakakita kay Jesus matapos siyang buhaying-muli. (Luc 24:10, 11) Dahil sa takot, nagtipon sila nang nakatrangka ang mga pinto. (Ju 20:19, 26) Binigyan sila ng binuhay-muling si Jesus ng higit pang kaliwanagan, at pagkaakyat niya sa langit noong ika-40 araw mula nang siya’y buhaying-muli, kinakitaan sila ng malaking kagalakan at “palagi silang nasa templo, na pinagpapala ang Diyos.”—Luc 24:44-53.
Ang Kanilang Gawain sa Kongregasyong Kristiyano. Lubhang napalakas ang mga apostol nang ibuhos sa kanila ang espiritu ng Diyos noong araw ng Pentecostes. Pinatototohanan ng unang limang kabanata ng Mga Gawa ng mga Apostol ang lubos na kawalang-takot ng mga apostol at ang kanilang katapangan sa pagpapahayag ng mabuting balita at ng pagkabuhay-muli ni Jesus sa kabila ng pagbibilanggo, pambubugbog, at pagbabanta ng kamatayan mula sa kanilang mga tagapamahala. Noong unang mga araw pagkatapos ng Pentecostes, ang masiglang pangunguna ng mga apostol, sa ilalim ng kapangyarihan ng banal na espiritu, ay nagbunga ng kahanga-hangang paglago ng kongregasyong Kristiyano. (Gaw 2:41; 4:4) Noong una ay sa Jerusalem lamang nila isinasagawa ang kanilang ministeryo, pagkatapos ay pinaabot ito sa Samaria, at nang maglaon ay sa buong daigdig na kilala noon.—Gaw 5:42; 6:7; 8:5-17, 25; 1:8.
Bilang mga apostol, ang pangunahing tungkulin nila ay magpatotoo sa pagtupad ni Jesus sa mga layunin at mga hula ng Diyos na Jehova, partikular na sa kaniyang pagkabuhay-muli at pagkakataas, at gumawa ng mga alagad sa gitna ng lahat ng mga bansa; at ang atas na ito ay idiniin sa kanila ni Jesus bago siya umakyat sa langit. (Mat 28:19, 20; Gaw 1:8, 22; 2:32-36; 3:15-26) Ang patotoo nila may kinalaman sa pagkabuhay-muli ni Jesus ay patotoo ng mga aktuwal na nakasaksi.—Gaw 13:30-34.
Makahimalang mga kapangyarihan. Karagdagan pa, upang suportahan ang kanilang patotoo, patuloy na ginamit ng mga apostol ang makahimalang mga kapangyarihan na ipinagkaloob sa kanila ni Jesus at ang iba pang mga kaloob ng espiritu na tinanggap nila mula noong Pentecostes. (Gaw 5:12; 9:36-40; tingnan ang KALOOB MULA SA DIYOS [Mga Kaloob ng Espiritu].) Bagaman may iba pang mga tao na tumanggap ng gayong makahimalang mga kaloob ng espiritu, ipinakikita ng ulat na nangyayari lamang iyon kapag may isa o higit pang mga apostol na presente, o sa pamamagitan ng pagpapatong ng mga kamay ng mga apostol. Si Pablo, bagaman hindi kabilang sa 12, ay ginamit din sa ganitong paraan bilang isang apostol na personal na hinirang ni Jesu-Kristo. (Gaw 2:1, 4, 14; 8:14-18; 10:44; 19:6) Samakatuwid, tanging ang mga apostol lamang ang may kapangyarihang magbahagi ng gayong mga kaloob. Dahil dito, ang gayong makahimalang mga kaloob ay maglalaho rin pagkamatay ng mga apostol na ito at niyaong mga tumanggap ng mga kaloob na iyon sa pamamagitan ng mga apostol (1Co 13:2, 8-11), kaya naman mababasa natin na ang mga kapangyarihang ito ay “wala na sa ikalawang-siglong simbahan, anupat tinutukoy ang mga ito ng mga manunulat noong mga araw na iyon bilang isang bagay na nangyari noong nakalipas na panahon—sa katunayan, noong yugtong apostoliko.”—The Illustrated Bible Dictionary, inedit ni J. D. Douglas, 1980, Tomo 1, p. 79.
Administratibong posisyon. Ang mga apostol ang nanguna sa pagbuo, pag-organisa at pag-akay sa kongregasyong Kristiyano. (1Co 12:28; Efe 4:11) Bagaman nakatulong nila sa gayong pangangasiwa ang ibang “matatandang lalaki,” sila pa rin ang bumubuo sa pangunahing bahagi ng lupong tagapamahala ng lumalagong kongregasyong Kristiyano, at ang lupong ito ay kinilala ng unang mga Kristiyano sa lahat ng dako bilang ang alulod ng pakikipagtalastasan na ginagamit ng Diyos upang maggawad ng mga pasiya at pumatnubay sa mga gawain ng kongregasyon sa buong lupa. (Gaw 2:42; 8:14-17; 11:22; 15:1, 2, 6-31; 16:4, 5) Naging posible lamang iyan para sa mga lalaking ito dahil natupad ang pangako na papatnubayan sila ng banal na espiritu ng Diyos. (Ju 15:26, 27) Dahil sa gayong tulong, naalaala nila ang mga tagubilin at turo ni Jesus, nabigyang-linaw nila ang ilang doktrina, at unti-unti silang naakay “sa lahat ng katotohanan” na isiniwalat sa pamamagitan nila noong kapanahunang apostolikong iyon. (Ju 14:26; 16:13-15; ihambing ang Ju 2:22; 12:16.) Gumawa sila ng mga pag-aatas para sa mga posisyon ng paglilingkod sa loob ng kongregasyon at nagtakda rin sila ng mga lugar kung saan magsasagawa ng gawaing pagmimisyonero ang ilang indibiduwal.—Gaw 6:2, 3; Gal 2:8, 9.
Samakatuwid, ang mga apostol ay nagsilbing isang pundasyon, na nakatatag kay Kristo Jesus mismo bilang ang batong-panulok, para sa pagtatayo ng “banal na templo para kay Jehova.” (Efe 2:20-22; 1Pe 2:4-6) Walang katibayan na nangibabaw ang sinumang apostol sa itinatag na kongregasyong Kristiyano. (Tingnan ang PEDRO.) Lumilitaw na sina Pedro at Juan ay partikular na naging prominente noong Pentecostes at maging pagkatapos nito, anupat si Pedro ang gumanap bilang pangunahing tagapagsalita. (Gaw 2:14, 37, 38; 3:1, 4, 11; 4:1, 13, 19; 5:3, 8, 15, 29) Gayunman, sa mga pagpapasiyang ginawa noong panahong iyon, lumilitaw na walang sinuman sa mga ito ang itinuring na nakahihigit sa iba pang mga miyembro ng lupong tagapamahala, at nang dumating ang balita tungkol sa mga pagbabautismong nagaganap sa Samaria, “isinugo [a·peʹstei·lan] sa kanila” ng mga apostol sa Jerusalem “sina Pedro at Juan,” upang ang dalawang ito, sa diwa, ay magsilbing mga apostol ng mga apostol. (Gaw 6:2-6; 8:14, 15) Pagkamatay ng apostol na si Santiago, waring ang alagad na may gayunding pangalan, si Santiago na kapatid sa ina ni Jesus, ang nanguna sa lupong tagapamahala. Tinukoy ni Pablo ang Santiagong ito at gayundin sina Pedro (Cefas) at Juan bilang “ang waring mga haligi.” (Gaw 12:1, 2, 16, 17; Gal 1:18, 19; 2:9, 11-14) Si Santiago ang nagpatalastas ng pangwakas na pasiya tungkol sa mahalagang usapin ng pagtutuli may kaugnayan sa mga mananampalatayang Gentil, anupat sa pagtitipong iyon ay kapuwa nagharap ng patotoo sina Pedro at Pablo.—Gaw 15:1, 2, 6-21.
Sino ang pumalit kay Hudas Iscariote bilang ikalabindalawang apostol?
Dahil sa pagtalikod ni Hudas Iscariote, na namatay nang di-tapat, 11 apostol na lamang ang natira, at sa loob ng 40 araw mula nang buhaying-muli si Jesus hanggang noong umakyat siya sa langit, hindi siya humirang ng kapalit nito. Gayunman, sa loob ng sampung araw mula nang umakyat si Jesus sa langit hanggang noong araw ng Pentecostes, nakita ang pangangailangang pumili ng kapalit para sa puwestong nabakante ni Hudas, hindi dahil namatay siya kundi, sa halip, dahil sa napakasamang paraan ng pagtalikod niya, gaya ng ipinakikita ng Kasulatang sinipi ni Pedro. (Gaw 1:15-22; Aw 69:25; 109:8; ihambing ang Apo 3:11.) Kabaligtaran nito, nang patayin ang tapat na apostol na si Santiago, walang ulat na isinaalang-alang ang paghirang sa sinumang hahalili sa kaniyang posisyon bilang apostol.—Gaw 12:2.
Batay sa mga pananalita ni Pedro, maliwanag na naipasiyang ang sinumang papalit sa posisyon ng isang apostol ni Jesu-Kristo ay dapat na personal na nakasama ni Jesus, anupat nasaksihan ang kaniyang mga gawa, mga himala, at partikular na ang kaniyang pagkabuhay-muli. Dahil dito, makikita natin na sa paglipas ng panahon ay magiging imposible nang magkaroon ng anumang apostolikong paghahalili, malibang kumilos ang Diyos upang ilaan ang mga kahilingang ito sa bawat indibiduwal na kaso. Gayunman, noong partikular na panahong iyon bago ang Pentecostes, may mga lalaking nakatutugon sa mga kahilingang ito, at dalawa ang iminungkahing karapat-dapat na pumalit sa di-tapat na si Hudas. Tiyak na nasa isip nila ang Kawikaan 16:33 nang magsagawa sila ng palabunutan, at si Matias ang napili at mula noo’y “ibinilang siyang kasama ng labing-isang apostol.” (Gaw 1:23-26) Sa gayo’y kabilang siya sa “labindalawa” na lumutas sa problema may kinalaman sa mga alagad na nagsasalita ng Griego (Gaw 6:1, 2), at maliwanag na ibinilang siya ni Pablo sa tinukoy nito na “labindalawa” nang banggitin niya sa 1 Corinto 15:4-8 ang mga pagpapakita ni Jesus pagkatapos na ito’y buhaying-muli. Kaya naman pagsapit ng Pentecostes, mayroon nang 12 apostolikong pundasyon na doo’y maitatatag ang espirituwal na Israel na nabuo noon.
Pagka-Apostol sa Kongregasyon. Si Matias ay hindi lamang basta isang apostol ng kongregasyon ng Jerusalem, gaya ng natirang 11 apostol. Naiiba ang kaso niya sa kaso ng Levitang si Jose Bernabe na naging isang apostol ng kongregasyon ng Antioquia, Sirya. (Gaw 13:1-4; 14:4, 14; 1Co 9:4-6) May iba pang mga lalaki na tinukoy rin bilang “mga apostol ng mga kongregasyon” sa diwa na ang mga ito ay isinugo ng mga kongregasyong iyon upang kumatawan sa kanila. (2Co 8:23) At nang sumulat si Pablo sa mga taga-Filipos, tinukoy niya si Epafrodito bilang “inyong sugo [a·poʹsto·lon] at pansariling lingkod para sa aking pangangailangan.” (Fil 2:25) Maliwanag na ang pagka-apostol ng mga lalaking ito ay hindi dahil sa anumang apostolikong paghahalili, ni napabilang man sila sa “labindalawa” gaya ni Matias.
Ang tamang unawa sa mas malawak na pagkakapit ng terminong “apostol” ay makatutulong upang malinawan ang waring pagkakasalungatan ng Gawa 9:26, 27 at Galacia 1:17-19, kapag ikinapit sa iisang pangyayari. Sinasabi ng unang ulat na pagdating ni Pablo sa Jerusalem, dinala siya ni Bernabe “sa mga apostol.” Gayunman, sa ulat ng Galacia, sinabi ni Pablo na dinalaw niya si Pedro at idinagdag niya: “Ngunit wala akong nakitang iba pa sa mga apostol, tanging si Santiago lamang na kapatid ng Panginoon.” Maliwanag na si Santiago (hindi ang orihinal na apostol na si Santiago na anak ni Zebedeo o si Santiago na anak ni Alfeo, kundi ang kapatid sa ina ni Jesus) ay itinuring na isang “apostol” sa mas malawak na diwa, samakatuwid nga, bilang “isa na isinugo” ng kongregasyon ng Jerusalem. Dahil dito, maaaring gamitin ng ulat ng Mga Gawa ang titulong ito sa anyong pangmaramihan sa pagsasabing si Pablo ay dinala “sa mga apostol” (samakatuwid nga, kina Pedro at Santiago).—Ihambing ang 1Co 15:5-7; Gal 2:9.
Ang Pagpili kay Pablo. Malamang na noong mga taóng 34 C.E., si Saul ng Tarso ay nakumberte at nang maglaon ay tinawag na Pablo. Siya ay naging isang tunay na apostol ni Jesu-Kristo at tuwirang pinili ni Jesus matapos siyang buhaying-muli at umakyat sa langit. (Gaw 9:1-22; 22:6-21; 26:12-23; 13:9) Ipinagtanggol niya ang kaniyang pagka-apostol at iniharap niya bilang kaniyang kuwalipikasyon ang bagay na nakita niya ang binuhay-muling Panginoong Jesu-Kristo, na nakagawa siya ng mga himala, at na nagamit na siya bilang alulod sa pagbabahagi ng banal na espiritu sa bautisadong mga mananampalataya. (1Co 9:1, 2; 15:9, 10; 2Co 12:12; 2Ti 1:1, 11; Ro 1:1; 11:13; Gaw 19:5, 6) Yamang noon lamang mga taóng 44 C.E. pinatay ang apostol na si Santiago (na kapatid ni Juan), buháy pa ang “labindalawa” noong maging apostol si Pablo. Wala tayong mababasa na ibinilang ni Pablo ang kaniyang sarili sa “labindalawa,” subalit hindi rin naman niya itinuring na nakabababa ang kaniyang pagka-apostol kung ihahambing sa mga iyon.—Gal 2:6-9.
Ang pagka-apostol nina Matias at Pablo ay kapuwa lehitimo salig sa layunin na para roo’y “isinugo” ang mga lalaking ito, ngunit nang makita ng apostol na si Juan ang pangitain tungkol sa makalangit na Bagong Jerusalem sa Apocalipsis (na ibinigay noong 96 C.E.), 12 batong pundasyon lamang ang nakita niya at sa mga iyon ay nakaukit “ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.” (Apo 21:14) Maliwanag ang patotoo ng Banal na Kasulatan na ang apostol na si Pablo ay hindi kailanman tinukoy bilang isa sa “labindalawa.” Kaya naman, makatuwiran lamang na ang isa sa “labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero” na nakaukit sa mga batong pundasyon ng Bagong Jerusalem ay pangalan ni Matias at hindi pangalan ni Pablo. Nangangahulugan ito na ang pangitain ng apostol na si Juan ay batay sa kalagayang umiiral sa pasimula ng kongregasyong Kristiyano noong araw ng Pentecostes ng taóng 33 C.E.—Tingnan ang PABLO.
Ang Wakas ng Kapanahunang Apostoliko. Bagaman hindi iniuulat ng Bibliya ang kamatayan ng 12 apostol, maliban sa kamatayan ni Santiago, ipinakikita ng mga katibayan na nanatili silang tapat hanggang kamatayan at dahil dito’y hindi sila kinailangang palitan. May kinalaman sa kasaysayan noong sumunod na mga siglo, sinasabi na “kapag ito [ang terminong “apostol”] ay ikinakapit sa mga indibiduwal sa mga literaturang Kristiyano na isinulat nang mas dakong huli, ang pagkakagamit sa termino ay metaporiko. Ang simbahan ay hindi na nagkaroon ng mga apostol ayon sa diwa ng pagkakagamit sa B[agong] T[ipan] mula noong unang siglo.”—The Interpreter’s Dictionary of the Bible, inedit ni G. A. Buttrick, 1962, Tomo 1, p. 172.
Noong nabubuhay pa ang mga apostol, ang kanilang presensiya ay nagsilbing isang pamigil sa mga impluwensiya ng apostasya, anupat pinipigilan ang mga elemento ng huwad na pagsamba sa loob ng kongregasyong Kristiyano. Maliwanag na ang “pamigil” na ito ang tinutukoy ng apostol na si Pablo sa 2 Tesalonica 2:7: “Totoo, ang hiwaga ng katampalasanang ito ay gumagana na; ngunit tanging hanggang sa maalis siya na sa ngayon ay nagsisilbing pamigil.” (Ihambing ang Mat 13:24, 25; Gaw 20:29, 30.) Ang impluwensiyang ito ng mga apostol, kasama ang natatanging awtoridad at mga kapangyarihang taglay nila, ay nagpatuloy hanggang nang mamatay si Juan noong mga 100 C.E. (1Ju 2:26; 3Ju 9, 10) Pagkamatay ng mga apostol, ang mabilis na pagpasok ng apostasya at ng huwad na mga doktrina at gawain ay nagpapakita na hindi taglay ng mga diumano’y kahalili ng mga apostol ang pumipigil na impluwensiya ng mga ito.
Ang pagtukoy kina Andronico at Junias sa Roma 16:7 bilang “mga lalaking kinikilala sa gitna ng mga apostol” ay hindi nagpapahiwatig na sila’y mga apostol, kundi, sa halip, na lubha silang iginagalang ng mga apostol. Ipinakikita naman sa 2 Corinto 11:5, 13; 12:11, 12 at Apocalipsis 2:2 na may mga taong nagkunwaring “mga apostol ni Kristo.”