ATENAS
[Ni (Kay) Athena].
Ang makabagong kabisera ng Gresya, at ang pinakaprominenteng lunsod nito noong sinaunang panahon. Ito ay nasa gawing timugang dulo ng Kapatagan ng Attica, mga 8 km (5 mi) mula sa Dagat Aegeano, at malapit sa daungang-dagat ng Piraeus, na dito ay konektado ang Atenas noong bago ang panahong Kristiyano sa pamamagitan ng mahahaba at halos magkakahilerang mga pader. Malaki ang naitulong ng heograpikong lokasyon ng lunsod sa kadakilaan nito sa kasaysayan. Ang mga bundok na nakapalibot dito ay naglaan ng likas na depensa, at tamang-tama ang layo ng mga daanan sa mga bundok upang maiwasan ang posibilidad na biglaan itong salakayin mula sa katihan. Sapat din ang layo nito mula sa dagat anupat ligtas ito mula sa sumasalakay na mga barko, gayunma’y madaling marating mula sa lunsod ang tatlong likas na daungan nito sa kalapit na Piraeus.
Sentro ng Kultura at Relihiyon. Bagaman napabantog din ang Atenas sa larangan ng pakikipagdigma bilang kabisera ng isang maliit na imperyo at bilang isang malakas na kapangyarihang pandagat noong ikalimang siglo B.C.E., pangunahin itong napabantog bilang sentro ng kaalaman, panitikan, at sining ng mga Griego. Naging lunsod ito ng mga unibersidad na may maraming propesor, lektyurer, at pilosopo, anupat naging tahanan ng bantog na mga pilosopong gaya nina Socrates, Plato, at Aristotle. Apat na paaralan ng pilosopiya ang itinatag doon, ang Platoniko, Peripatetico, Epicureo, at Estoico (Gaw 17:18), at nagkaroon ang mga ito ng mga estudyante mula sa buong imperyo noong mga panahong Romano.
Ang Atenas ay isa ring napakarelihiyosong lunsod, kung kaya nagkomento ang apostol na si Pablo na ang mga taga-Atenas ay ‘waring higit na matatakutin sa mga bathala kaysa sa iba.’ (Gaw 17:22) Ayon sa istoryador na si Josephus, ang mga taga-Atenas ang ‘pinakarelihiyoso sa mga Griego.’ (Against Apion, II, 130 [12]) Kontrolado ng Estado ang relihiyon at itinaguyod ito sa pamamagitan ng paggasta para sa mga pampublikong paghahain, mga ritwal, at mga prusisyon bilang parangal sa mga diyos. May mga idolo sa mga templo, mga liwasan, at mga lansangan, at ang mga tao ay palaging nananalangin sa mga diyos bago makibahagi sa kanilang intelektuwal na mga piging o mga simposyum, mga kapulungang pampulitika, at atletikong mga paligsahan. Upang huwag magalit ang alinman sa mga diyos, nagtayo pa nga ang mga taga-Atenas ng mga altar para “Sa Isang Di-kilalang Diyos,” isang gawaing binanggit ni Pablo sa Gawa 17:23. Pinatutunayan ito ng ikalawang-siglong heograpo na si Pausanias, na nagpaliwanag na samantalang naglalakbay siya sa daan mula sa daungan ng Phaleron Bay patungong Atenas (na marahil ay dinaanan din ni Pablo pagdating niya roon), napansin niya ang “mga altar ng mga diyos na tinatawag na Di-kilala, at ng mga bayani.”—Description of Greece, Attica, I, 4.
Maagang Kasaysayan. Ang lunsod ay lumaki mula sa palibot ng Akropolis, isang biluhabang burol na mga 150 m (500 piye) ang taas, na napakatarik sa tatlong tagiliran nito. (MGA LARAWAN, Tomo 2, p. 333, 749) Noong ikapitong siglo B.C.E., pinamahalaan ito ng mga taong maharlika o mga aristokrata na may posisyong namamana at kilala bilang mga Eupatrid, anupat sila lamang ang may pulitikal na kapangyarihan at kontrolado rin nila ang Areopago, ang pangunahing hukumang pangkrimen nang panahong iyon. Gayunman, noong maagang bahagi ng ikaanim na siglo B.C.E., isang mambabatas na nagngangalang Solon ang gumawa ng mga reporma sa saligang batas na nagpabuti sa kalagayan ng mga dukha at naglatag ng pundasyon para sa isang pamahalaang demokratiko. Gayunman, demokrasya lamang iyon para sa malalayang mamamayan ng lupain yamang ang malaking bahagi ng populasyon ay binubuo ng mga alipin.
Kasunod ng mga tagumpay laban sa mga Persiano noong ikalimang siglo B.C.E., ang Atenas ay naging kabisera ng isang maliit na imperyo, na kumontrol sa karamihan ng mga lugar sa baybayin ng Dagat Aegeano at nagpalawak ng pakikipagkalakalan at impluwensiya nito mula sa Italya at Sicilia sa K hanggang sa Ciprus at Sirya sa S. Sa sinaunang daigdig, ang lunsod na ito ang nangunguna pagdating sa kultura anupat naging napakahusay nito sa panitikan at sining. Nang panahong iyon, maraming magagandang gusaling pampubliko at mga templo ang itinayo roon, kabilang na ang Parthenon (ang templo ni Athena) at ang Erechtheum, na ang mga guho ay makikita pa rin sa taluktok ng Akropolis sa makabagong Atenas. Ang Parthenon ay napapalamutian ng 12-m (40 piye) estatuwa ni Athena na yari sa ginto at garing, at ito’y itinuring na pangunahing arkitektural na bantayog ng sinaunang relihiyong pagano.
Gayunman, ang materyal na kagandahang ito ay hindi nagdulot ng tunay na espirituwal na kapakinabangan sa mga taga-Atenas, sapagkat ang mismong mga diyos at diyosang pinararangalan nito ay inilalarawan sa Griegong mitolohiya bilang nagsasagawa ng bawat uri ng imoral at kriminal na gawain. Kaya naman noong mga araw ni Pablo, tinuligsa ng Griegong pilosopo na si Apolonio ang mga taga-Atenas dahil sa kanilang malalaswang sayaw sa Kapistahan ni Dionysus (Bacchus) at dahil sa pagkasabik nila sa pagbububo ng dugo ng tao sa mga paligsahan ng mga gladyador.
Nabuwag ang Imperyo ng Atenas nang matalo ito ng mga Spartan sa mga digmaang Peloponnesiano noong pagwawakas ng ikalimang siglo B.C.E., ngunit ang lunsod ay pinagpakitaan ng konsiderasyon ng mga manlulupig dahil sa kultura nito anupat hindi ito lubusang winasak. Nilupig ito ng mga Romano noong 86 B.C.E. at pinutol ang mga gawain nito na pangkalakalan at pangkomersiyo; kaya naman nang dumating si Jesus at ang unang mga Kristiyano sa tanawin ng Palestina, ang pangunahing kahalagahan ng Atenas ay nasa mga unibersidad at mga paaralan nito ng pilosopiya.
Ang Gawain ni Pablo sa Atenas. Noong mga 50 C.E., dumalaw ang apostol na si Pablo sa Atenas noong kaniyang ikalawang paglalakbay bilang misyonero. Bago nito, iniwan niya sina Silas at Timoteo sa Berea at tinagubilinang sumunod sa kaniya sa lalong madaling panahon. (Gaw 17:13-15) Samantalang hinihintay niya sila, nainis siya dahil sa maraming huwad na mga diyos sa lunsod kung kaya nagsimula siyang mangatuwiran sa mga tao, kapuwa sa sinagogang Judio at sa pamilihan. (Gaw 17:16, 17) Nitong nakaraang mga taon, ang pamilihang ito, o agora, sa HK ng Akropolis ay lubusang nahukay ng American School of Classical Studies. Maliwanag na ang agora ay hindi lamang lugar para sa mga transaksiyon sa negosyo kundi isa ring dako kung saan maaaring magdaos ng debate at mga gawaing sibiko. Ang pagiging mapag-usisa ng mga taga-Atenas na inilarawan sa ulat ng Gawa 17:18-21 ay makikita sa pagpuna ni Demosthenes sa kaniyang mga kapuwa taga-Atenas dahil napakahilig nilang maglibot sa pamilihan habang patuloy na nagtatanong, “Ano ang balita?”
Samantalang nasa pamilihan, si Pablo ay hinamon ng mga pilosopong Estoico at Epicureo at pinaghinalaan na “isang tagapaghayag ng mga bathalang banyaga.” (Gaw 17:18) Maraming uri ng relihiyon sa Imperyo ng Roma, ngunit ipinagbawal ng batas Griego at Romano ang pagpapasok ng ibang mga diyos at bagong relihiyosong mga kaugalian, lalo na kapag ang mga ito ay salungat sa katutubong relihiyon. Maliwanag na napaharap si Pablo sa mga problema dahil sa kawalang-pagpaparaya sa relihiyon sa lunsod ng Filipos na naimpluwensiyahan ng Roma. (Gaw 16:19-24) Bagaman mas mapag-alinlangan at mapagparaya ang mga tumatahan sa Atenas kaysa sa mga taga-Filipos, lumilitaw na nababahala pa rin sila kung paano maaaring maapektuhan ng bagong turong ito ang seguridad ng estado. Dinala si Pablo sa Areopago, ngunit hindi matiyak kung nagsalita siya sa harap ng hukumang tinatawag na Areopago. Sinasabi ng ilan na noong mga araw ni Pablo, ang hukumang iyon ay hindi na nagtitipon sa burol kundi sa agora.
Ang mahusay na patotoo ni Pablo sa harap ng edukadong mga tao sa Atenas ay kapupulutan ng aral hinggil sa taktika at kaunawaan. Sa halip na mangaral tungkol sa isang bagong bathala, ipinakita niyang nangangaral siya tungkol sa mismong Maylalang ng langit at lupa, at mataktika niyang tinukoy ang “Di-kilalang Diyos,” na ang altar ay nakita niya, at sumipi pa nga siya mula sa Phænomena ni Aratus, isang makata ng Cilicia, at mula sa Hymn to Zeus ni Cleanthes. (Gaw 17:22-31) Bagaman tinuya siya ng karamihan, naging mananampalataya ang ilang taga-Atenas, kabilang na si Hukom Dionisio ng Areopago at ang isang babae na nagngangalang Damaris.—Gaw 17:32-34.
Posible na nagpunta si Timoteo kay Pablo sa Atenas at pagkatapos ay pinabalik siya sa Tesalonica; ngunit waring mas malamang na nasa Berea siya nang sabihan siya ni Pablo na maglakbay, anupat walang nakasama si Pablo sa Atenas. Lumilitaw na ang mga salitang “kami” at ‘namin’ sa 1 Tesalonica 3:1, 2 ay ginamit ni Pablo upang tumukoy lamang sa kaniyang sarili. (Ihambing ang 1Te 2:18; 3:6.) Kung gayon nga, mag-isang lumisan si Pablo mula sa Atenas at nagpunta sa Corinto, kung saan muli niyang nakasama sina Silas at Timoteo. (Gaw 18:5) Malamang na muling dumalaw si Pablo sa Atenas noong kaniyang ikatlong paglalakbay bilang misyonero (55 o 56 C.E.), yamang sinasabi ng ulat na gumugol siya ng tatlong buwan sa Gresya noong panahong iyon.—Gaw 20:2, 3.
[Larawan sa pahina 245]
Makabagong-panahong Atenas at ang prominenteng burol nito na tinatawag na Lycabettus