Ang Agora—Ang Sentro ng Sinaunang Atenas
ANG intelektuwal na komunidad ng Atenas ay nagkakaingay! Laging ipinahahayag ang bagong mga ideya sa agora o pamilihang-dako ng lunsod na iyon ng Gresya. Subalit, ibang-iba sa pagkakataong ito. Palibhasa’y kararating pa lamang sa lunsod, isang lalaking Judio ang waring “isang tagapaghayag ng mga banyagang diyos.” Siya’y bumibigkas ng pambihirang mga salita sa “mga nagkataong nasa malapit.” “Ano ba ang gustong sabihin ng daldalerong ito?” ang tanong ng mapagmapuring mga Epicureo at mukhang-seryosong mga Estoico. Oo, ang agora ng Atenas ang dako upang idaos ang mga debate tungkol sa halos anumang paksa sa silong ng araw. Subalit ang pagpapakilala ng di-kilalang mga diyos—hindi, talagang sobra na ito!—Gawa 17:17, 18.
Iyan ang naghihinalang reaksiyon ng mga taga-Atenas nang magsimulang mangaral si apostol Pablo sa kauna-unahang pagkakataon sa agora ng Atenas. Ipinakikipag-usap niya ang tungkol kay Jesu-Kristo at sa pagkabuhay-muli. Gayunman, para sa tila bukas-isip na kultura ng Atenas, ano ang lubhang di-pangkaraniwan hinggil sa pagpapakilala ng gayong bagong mga ideya sa agora?
Nagkaroon ng Liwasang Bayan ang Atenas
Ang talagang di-pangkaraniwang bagay ay ang agora mismo at ang mahalagang bahaging ginagampanan nito sa relihiyoso at pampublikong buhay ng mga taga-Atenas. Ang agora ng Atenas ay isang bahagyang padalisdis na dako na halos 10 ektarya na nasa hilagang-kanluran ng Acropolis. Waring noong unang mga taon ng ikaanim na siglo B.C.E., noong nabubuhay ang estadista at mambabatas na taga-Atenas na si Solon, ang piraso ng lupaing ito ay itinalaga bilang ang lugar ng liwasang bayan ng lunsod. Ang pagkakatatag ng demokrasya sa Atenas, na nagdiriin sa buhay sa komunidad, ay humantong sa biglang pagdami ng gawaing pagtatayo noong mga unang taon ng sumunod na siglo. Ito ang nagbigay sa agora ng bagong buhay at isang mas mahalagang papel na gagampanan.
Ang salitang Griego na a·go·raʹ ay mula sa isang pandiwang nangangahulugang “tipunin, pisanin.” Angkop ito sa gamit ng agora bilang ang pangunahing tipunang dako ng lunsod. Ang agora ay naging ang sentro ng panlipunan at pampublikong buhay. Ito ang luklukan ng pangasiwaang pambayan at ng panghudisyal, ang pangunahing dako para sa pamilihan at kalakalan, ang tagpo ng mga pagtatanghal sa teatro na nagtatampok ng dulang Griego, isang dako upang magdaos ng atletikong mga pagtatanghal, at ang paboritong tipunang dako para sa intelektuwal na talakayan.
Gusto mo bang mamasyal sa natirang mga templo, kolonada, istatuwa, bantayog, at mga gusaling bayan ng agora sa Atenas? Sa pagsisikap na suriin ang nakalipas ng agora, iwan natin ang maingay at abalang makabagong-panahong lunsod at tayo na sa daan sa kahabaan ng landas na graba, sa gitna ng tahimik na mga kagibaang marmol, ng inukit na mga bato, at ng gumuhong mga pasukan na may nagtataasang panirang-damo at ligaw na mga halamang-gamot.
Mga Templo, Dambana, at Diyos na Patron
Hinahangaan ng mga dumadalaw ang pagkanaririto ng maraming templo, dambana, at mga santuwaryo na iniukol sa iba’t ibang diyos. Lahat ng ito’y nagpangyari sa agora na maging isang pangunahing sentro ng pagsamba, pangalawa lamang sa Acropolis. Noong Ginintuang Panahon ng klasikong Atenas, napasok ng relihiyon ang bawat aspekto ng buhay ng publiko. Ito’y nangangahulugan na ang iba’t ibang diyos na itinalaga bilang ang “mga diyos na patron” ng mga kagawaran ng pamahalaan at mga serbisyong pampangasiwaan ay binigyan ng mga santuwaryong templo sa agora.
Prominente sa mga gusaling ito ang Templo ni Hephaestus. Ang diyosang si Atena ay iniuugnay kay Hephaestus. Ang dalawang diyos na ito ay sinasamba rito bilang mga patrong diyos ng sining at gawaing-kamay. Ang mga tuklas ng arkeolohiya na paggawa ng metal at paggawa ng palayok sa palibot ng templong ito ay iniuugnay kay Hephaestus, ang Griegong diyos ng sining na nangangailangan ng paggamit ng apoy. Malamang noong ikapitong siglo C.E., ang templong ito na iningatang mabuti ay ginawang Griego Ortodoksong Simbahan ni St. George, bagaman hindi na ito ginagamit bilang gayon sa ngayon.
Mangyari pa, kailangan ng agora ang sarili nitong diyos na patron. Ito ay si Zeus Agoraios, ang ipinalalagay na nagbibigay-inspirasyon sa mahusay na pagtatalumpati na para sa kaniya’y inialay ang isang magandang dambana na inukit mula sa mahalagang marmol na Pentelika. (Ihambing ang Gawa 14:11, 12.) Sa tabi ng kalapit na dambana ng Ina ng mga Diyos ay ang kagila-gilalas na ayos ng mga bantayog sa mga bayani.
Sa gawi pa roon, masusumpungan natin ang isang maliit na templong Ionic. Kinilala ito ng heograpong si Pausanias bilang ang Templo ni Apollo na Ama. Bakit? Sapagkat ayon sa isang sinaunang Griegong alamat, siya ang ama ni Ion, ang nagtatag ng lahing Ionian na doo’y kabilang ang mga taga-Atenas.a Sa ganitong tungkulin, si Apollo ay isa sa mga diyos na patron ng organisasyong pampangasiwaan ng estado, lalo na may kaugnayan sa iba’t ibang kapatiran na umiiral sa lunsod.
Sa gawing hilaga, makikita natin ang batong-apog na mga labí ng isang mas maliit na templo, na itinayo noong kalagitnaan ng ikaapat na siglo B.C.E. Dito sinamba sina Zeus at Atena Phatrios, ang pangunahing mga diyos ng relihiyosong kapatiran ng mga ninuno. Ang pagiging miyembro rito ay halos isang kahilingan sa pagkamamamayan ng Atenas. Sa kabila lamang ng lansangan, masusumpungan natin ang mga labí ng isang dambana ng Labindalawang Diyos.
Sa kalapit na Portiko (Stoa) ni Zeus Eleutherios, muling pinararangalan ang pangunahing Griegong diyos, sa pagkakataong ito bilang ang diyos ng kalayaan at katubusan. Ang kolonadang ito, o portiko, ay isang popular na pasyalan at tipunang dako. Sinasabing nakikipagkita ang bantog na pilosopong si Socrates sa kaniyang mga kaibigan sa portikong ito, kung saan sila’y maaaring maupo at mag-usap o mamasyal. Maraming alay at handog na ginawa upang palamutian ang portikong ito, gaya ng mga kalasag ng mga mandirigma na namatay sa pakikipagbaka bilang pagtatanggol sa Atenas, ang may tuwirang kaugnayan sa katubusan ng lunsod mula sa mga kaaway nito o sa pagpapanatili ng kalayaan nito.
Ang Daan ng Panathenaea
Pahilis na bumabagtas sa agora ang isang maluwang at magrabang daan na tinatawag na Daan ng Panathenaea. Ang pangalan at pantanging katangian nito ay hinango sa pambansang kapistahan ng Atenas, ang Panathenaea. Sa panahon ng kapistahang ito ay dinadala ang belo ng diyosang si Atena sa kahabaan ng daan na ito mula sa Bahay ng Prusisyon (malapit sa pintuan ng lunsod) hanggang sa Acropolis. Ang nililok na palamuti sa Parthenon ay tumutulong sa atin na ilarawan sa isipan ang karangyaan at karangalan ng prusisyong pangkapistahan—ang kabalyeriya, ang mga karong pangkarera, ang mga baka at tupa ukol sa paghahain, ang mga kabataang lalaki at babae na nagdadala ng kasangkapang gagamitin sa hain. Ang prusisyon ay pinanonood ng mga mamamayan ng Atenas at ng kanilang mga bisita, na para sa kanilang kaalwanan ay gumawa ang mga arkitekto ng saganang probisyon nang idisenyo ang agora. Halimbawa, ang mga kolonada na may hagdan-hagdang mga harapan at baytang ay may kahusayang ipinuwesto ayon sa daan ng prusisyon. Ang maraming baytang na inukit sa mga harapan nito ay makapaglalaman ng maraming mánonood.
“Punô ng mga Idolo”
Palibhasa’y napakaraming templo, istatuwa, at mga bantayog na pinagsama-sama, hindi kataka-taka na ang “espiritu [ni apostol Pablo] sa loob niya ay nainis sa pagkakita na ang lunsod ay punô ng mga idolo.” (Gawa 17:16) Ang namasdan ni Pablo nang pumasok siya sa agora ay tiyak na nakagimbal sa kaniya. Napakarami ng istatuwang phallic ng diyos na si Hermes anupat isang buong portiko, na kilala bilang ang Portiko ni Hermes, ang kinailangan upang mapaglagyan ng mga ito. Ang mga kasuutan sa iba pang ipinintang larawan ni Hermes ay nagpapakita ng mga swastika—mga sagisag ng pagiging mabunga at buhay. May istatuwa ni Venus Genetrix, ang diyosa ng seksuwal na pag-ibig, at isa ring istatuwa ni Dionysus na maraming krus na phallic. Bilang tanda ng “pagiging sagrado” ng agora ay ang batong hangganan na may isang palanggana na naglalaman ng “banal” na tubig para sa seremonyal na paglilinis ng lahat ng mga pumapasok.
Dahil sa napakarelihiyosong kapaligiran, madali nating mauunawaan kung bakit ang katayuan ni Pablo ay lubhang mapanganib. Siya’y pinaghinalaan ng pagiging “isang tagapaghayag ng mga banyagang diyos,” at ang batas noong panahong iyon ay nagsasabi na ‘walang tao ang magkakaroon ng anumang ibang diyos, o mga bagong diyos; ni personal man siyang sasamba sa anumang ibang diyos malibang ang mga ito’y hayagang ipahintulot.’ Hindi kataka-taka, kung gayon, na ang apostol ay dinala sa Areopago upang tanungin.—Gawa 17:18, 19.
Ang Sentro ng Pangasiwaan
Isang pabilog na gusaling tinatawag na Tholos ang kinaroroonan ng punong-tanggapan ng pamahalaan ng Atenas. Natutulog ang maraming tagapangulo ng lunsod sa gusaling ito sa gabi anupat laging naroroon ang responsableng mga opisyal. Isang set ng pamantayang timbangan at panukat ang iniingatan sa Tholos. Malapit dito ang mga pasilidad para sa iba’t ibang kagawaran ng pangasiwaan. Okupado ng Bahay ng Konseho ang isang hagdan-hagdang lupain na tinapyas sa gilid ng burol sa hilagang-kanluran ng Tholos. Doon, ang 500 na miyembro ng Konseho ay nagpupulong kung saan sila gumagawa ng gawaing pangkomite at naghahanda ng mga batas para sa Kapulungan.
Isa pang mahalagang gusaling pambayan ang Maharlikang Portiko. Naroon ang luklukan ng Maharlikang Punong Mahistrado ng Atenas—isa sa tatlong pangunahing mahistrado ng lunsod. Mula roon ay inaasikaso niya ang maraming pananagutang pampangasiwaan may kinalaman kapuwa sa relihiyoso at legal na mga bagay. Malamang, dito hiniling si Socrates na humarap nang siya’y paratangan ng kawalang-pitagan. Ang mga batas ng mga ninuno ng Atenas ay nakaukit sa mga pader ng isang gusaling nakaharap dito. Sa isang batong nakalagay sa harap ng gusali ring ito, tumatayo ang mga archon, o mga punong mahistrado sa bawat taon upang manumpa sa kanilang tungkulin.
Ang Portiko ni Attalus
Ang gusaling naingatan nang husto sa agora ay ang Portiko ni Attalus. Bilang isang kabataang lalaki, si Attalus, ang Hari ng Pergamo (ikalawang siglo B.C.E.), ay nag-aral sa mga paaralan ng Atenas, gaya ng ibang mga anak ng maharlikang mga pamilya sa Mediteraneong daigdig. Nang siya’y lumuklok sa kaniyang trono, ginawa niya ang kahanga-hangang kaloob na ito—ang Portiko ni Attalus—sa lunsod kung saan siya nag-aral.
Ang pangunahing gawain ng Portiko ni Attalus ay maglaan ng isang may-silungan at eleganteng pasyalan para sa di-pormal na pagsasama-sama at pagpapalitan. Ang mga sahig at balkon nito ay ekselenteng lugar upang masdan ang mga prusisyon, samantalang ang popularidad nito bilang isang pasyalan ay tumiyak din sa tagumpay nito bilang isang sentrong pamilihan. Marahil ay ipinauupa ng Estado ang mga tindahan sa mga negosyante anupat ang gusali ay nagsilbing isang pinagmumulan ng kita.
Palibhasa’y naisauli sa dati nitong kalagayan, ang Portiko ni Attalus ay nag-aalok ng ekselenteng halimbawa ng disenyong heometriko. Sa panlahat na mga bahagi nito, ang kalugud-lugod na mga pagkakaiba sa proporsiyon sa pagitan ng ibaba at itaas na mga kolumna, ang kawili-wiling reaksiyon ng liwanag at lilim, at ang kasaganaan at kagandahan ng mga materyales nito, ay pawang nakatulong upang gawin itong bukod-tangi. Ang pagkakapare-pareho ay nababawasan sa iba’t ibang paraan, lalo na sa paggamit ng tatlong iba’t ibang uri ng pinakaitaas na bahagi ng kolumna—Doric, Ionian, at Ehipsiyong arkitektura.
Isang Dako Para sa Gawaing Pangkultura
Ang gusali na ginamit bilang entablado para sa maraming pangyayaring pangkultura sa Atenas ay ang Konsiyerto. Regalo ito ni Vipsanius Agrippa, ang manugang ng Romanong Emperador na si Augustus. Ang harapang bahagi nito ay nalalatagan ng makukulay na marmol. Ang awditoryum, na nakapag-uupo ng mga 1,000, ay may luwang na mga 25 metro at orihinal na natatakpan ng isang bubong na walang mga suporta sa loob. Ito ang isa sa mapanganib na mga eksperimento sa pagbububong na nakilala sa sinaunang daigdig! Gayunman, marahil ang marami sa mga paglilibang na itinatanghal doon ay maaaring masama para sa tunay na mga Kristiyano, dahil sa kanilang mataas na mga pamantayang moral.—Efeso 5:3-5.
Malamang, dinalaw ng mausisang mga indibiduwal noong unang panahon ang Aklatan ni Pantainos. Ang mga dingding nito ay puno ng mga kabinet kung saan nakatago ang sulat-kamay na mga balumbon ng papiro at pergamino. Ang pangunahing silid ng aklatan ay nakaharap nang pakanluran, at sa isang hanay ng mga kolumna, makikita ng isa ang isang looban ng mga kolonada—isang kaiga-igayang dako upang mamasyal, magbasa, o magbulay-bulay. Nasumpungan ang isang inskripsiyon na naglalaman ng dalawa sa mga alituntunin ng aklatan. Ang mga ito ay: “Walang aklat ang dapat kunin,” at “[Ang aklatan] ay bukas mula una hanggang ikaanim na oras.”
Ang Agora sa Ngayon
Nitong nakaraang mga taon, ang agora ay halos lubusang nahukay ng American School of Classical Studies. Mapayapang namamahinga sa ilalim ng anino ng napakataas na Acropolis, ito’y naging isang paboritong dako para sa mga turista na gustong sulyapan ang kasaysayan ng sinaunang Atenas.
Ang kalapit na Monastiraki Flea Market—mga ilang hakbang lamang ang layo mula sa agora at Acropolis—ay isang hakbang tungo sa isa pang kawili-wiling daigdig. Nagbibigay ito sa dumadalaw ng nakapagtataka subalit nakalulugod na kapaligiran ng Griegong alamat at tulad-pamilihang gawain at baratilyong mga presyo ng Gitnang-Silangang taga-Oryente. At, siyempre pa, makikita roon ng mga dumadalaw ang mga Saksi ni Jehova na may kagalakang ginagawa ang ginawa ni apostol Pablo mahigit na 1,900 taon ang nakalipas—ang pangmadlang pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ‘sa mga nagkataong nasa malapit.’
[Talababa]
a Ang pangalang Ionian ay mula sa Javan, anak ni Japhet at apo ni Noe.—Genesis 10:1, 2, 4, 5.
[Kahon sa pahina 28]
Komersiyo sa Atenas
Ang agora ay hindi lamang ang intelektuwal at sibikong sentro ng Atenas kundi ang pangunahing pamilihang-dako rin ng lunsod. Naging sentro ng komersiyo ang Atenas, na kilala kapuwa sa matatag na halaga ng salapi nito at sa pagiging napakaingat ng mga mahistrado nito, na binigyang-kapangyarihan upang tiyakin na ang lahat ng mga transaksiyon sa negosyo ay matapat at makatarungan.
Ang Atenas ay nagluluwas ng alak, langis ng olibo, pulot-pukyutan, marmol, at mga produktong pang-industriya na gaya ng seramiks at prinosesong mga metal. Bilang kapalit, pangunahin nang nag-aangkat ito ng trigo. Yamang ang Attica (ang rehiyon sa palibot ng Atenas) ay hindi makapagtustos ng sapat na mga paninda upang pakanin ang mga naninirahan dito, mahigpit ang mga pamantayan ng kalakalang pangkomersiyo. Ang pamilihan sa Piraeus (ang daungan ng Atenas) ay dapat na laging may sapat na sariwang pagkain upang tustusan kapuwa ang lunsod at ang hukbo. At hindi pinahihintulutan ang mga mangangalakal na mag-imbak ng mga panustos upang ipagbili ang mga ito sa mas mataas na presyo sa panahon ng pangangailangan.