BOZEZ
Isa sa dalawang bato, o tulad-ngiping malalaking bato, na iniugnay sa tagumpay ni Jonatan laban sa mga Filisteo sa ulat ng 1 Samuel 14:4-14. Sa paghahanap ni Jonatan ng daang matatawiran upang salakayin ang himpilang Filisteo, nakita niya ang dalawang malalaking bato. Ang isa ay nasa H at nakaharap sa Micmash (kung saan nagkakampo ang mga Filisteo), at ang isa naman ay nasa T at nakaharap sa Geba. (1Sa 13:16; 14:5) Sa pagitan ng dalawang lunsod na iyon, ang Wadi Suweinit (Nahal Mikhmas) ay papalusong tungo sa Jordan at nagiging malalim na bangin ito na may napakatatarik na dalisdis sa gawing S ng mga lunsod. Itinuturing na ang dalawang malalaking batong ito ay nasa dako kung saan biglang lumiliko ang wadi, bagaman hindi tiyak kung saan ang eksaktong lokasyon ng malalaking batong ito.