KALENDARYO
Ang kalendaryo ay isang maayos na sistema ng paghahati-hati ng panahon gamit ang mga taon, mga buwan, mga linggo, at mga araw. Bago pa man lalangin ang tao, inilaan na ng Diyos ang batayan ng pagsukat ng panahon sa gayong paraan. Sinasabi sa atin ng Genesis 1:14, 15 na ang isa sa mga layunin ng “mga tanglaw sa kalawakan ng langit” ay para sa “mga kapanahunan at para sa mga araw at mga taon.” Kung gayon, ang araw na solar, ang taóng solar, at ang buwang lunar ay mga likas na dibisyon ng panahon, anupat ang mga ito ay inuugitan ng araw-araw na pag-inog ng lupa sa axis nito, ng taunang pag-ikot nito sa palibot ng araw, at ng buwanang pagbabagu-bago ng hugis ng buwan depende sa lokasyon nito may kaugnayan sa lupa at araw. Samantala, ang paghahati-hati ng panahon gamit ang mga sanlinggo at ang paghahati-hati ng isang araw sa iba’t ibang oras ay mga kaayusan ng tao.
Mula pa sa unang taong si Adan, sinusukat na ang panahon gamit ang mga taon. Kaya naman, iniulat na ang edad ni Adan ay “isang daan at tatlumpung taon” nang maging anak niya si Set.—Gen 5:3.
Nang maglaon, ginamit na rin ang buwanang dibisyon ng panahon. Pagsapit ng Baha, ang panahon ay hinati-hati sa mga buwan na may tig-30 araw, at ipinakikita ito ng ulat na nagsasabing ang isang yugto na may habang 5 buwan ay katumbas ng 150 araw. (Gen 7:11, 24; 8:3, 4) Ipinahihiwatig din ng ulat na ito na hinati-hati ni Noe ang taon sa 12 buwan.—Tingnan ang TAON.
Nang panahong iyon, binanggit din ang mga yugto na may tigpipitong araw at maaaring regular nang ginagamit ang mga ito noong pasimula pa lamang ng kasaysayan ng tao. (Gen 7:4, 10; 8:10, 12) Gayunman, walang katibayan na hinilingan ng Diyos ang tao na mangilin ng isang lingguhang Sabbath maliban noong tuwiran na Niya itong ipag-utos sa Israel kasunod ng kanilang Pag-alis mula sa Ehipto.—Tingnan ang SANLINGGO.
Iba’t ibang sistema ng mga kalendaryo ang ginawa ng mga tao noon, at marami sa mga ito ang ginagamit pa rin hanggang sa ngayon. Ang sinaunang mga kalendaryo ay pangunahin nang mga kalendaryong lunar, samakatuwid nga, ang mga buwan [month] ng bawat taon ay binibilang ayon sa kumpletong mga siklo ng buwan [moon], halimbawa, mula sa isang bagong buwan [new moon] hanggang sa susunod na bagong buwan [new moon]. Sa katamtaman, ang gayong lunasyon ay tumatagal nang mga 29 na araw, 12 oras, at 44 na minuto. Ang mga buwan [month] ay kadalasan nang binibilang nang may tig-29 o tig-30 araw, ngunit sa rekord ng Bibliya, ang terminong “buwan” [month] ay karaniwan nang nangangahulugan ng 30 araw.—Ihambing ang Deu 21:13; 34:8; gayundin ang Apo 11:2, 3.
Ang isang taon na may 12 buwang lunar ay mas maikli nang mga 11 araw kaysa sa isang taóng solar na may 365 1/4 na araw. Yamang sa taóng solar ibinabatay ang pagpapalit ng mga kapanahunan [season], kinailangang ayusin ang kalendaryo upang maiayon sa taóng solar na ito, at ang resulta ay ang tinatawag na mga taóng lunisolar, o bound solar—samakatuwid nga, mga taóng solar na ang mga buwan ay lunar. Ginagawa ito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng ilang araw sa bawat taon o sa pamamagitan ng pagdaragdag ng isang buwan sa ilang espesipikong taon upang mapunan ang kakulangan ng 12 buwang lunar.
Kalendaryong Hebreo. Ang mga Israelita ay gumamit ng kalendaryong lunisolar, o bound solar. Makikita ito sa bagay na pinasimulan ng Diyos na Jehova ang kanilang sagradong taon sa buwan ng Abib sa tagsibol at iniutos niyang ipagdiwang sa espesipikong mga petsa ang ilang kapistahan na nauugnay sa mga kapanahunan ng pag-aani. Upang ang mga petsang ito ay tumapat sa partikular na mga pag-aani, kinailangan ang isang kalendaryo na tutugma sa mga kapanahunan, anupat pinupunan ang pagkakaiba ng bilang ng mga araw ng taóng lunar at ng taóng solar.—Exo 12:1-14; 23:15, 16; Lev 23:4-16.
Hindi tinutukoy ng Bibliya kung anong pamamaraan ang orihinal na ginamit upang tiyakin kung kailan magsisingit ng karagdagang mga araw o ng isang karagdagan, o intercalary, na buwan. Gayunman, makatuwirang isipin na nagsilbing giya ang alinman sa vernal equinox o autumnal equinox upang matiyak kung nahuhulí ang mga kapanahunan anupat kailangan nang ayusin ang kalendaryo. Upang maisagawa ito, nagdagdag ang mga Israelita ng isang ika-13 buwan, na bagaman hindi espesipikong binanggit sa Bibliya ay tinawag, noong mga panahon pagkaraan ng pagkatapon, na Veadar, o ang ikalawang Adar.
Noong ikaapat na siglo lamang ng ating Karaniwang Panahon (mga 359 C.E.) nagkaroon ng rekord ng isang pamantayang kalendaryong Judio nang itakda ni Hillel II na ang ika-3, ika-6, ika-8, ika-11, ika-14, ika-17, at ika-19 na mga taon ng bawat 19 na taon ang magiging mga leap year na may tig-13 buwan. Ang siklong ito ng 19 na taon ay karaniwang tinatawag na Metonic cycle, na isinunod sa pangalan ng Griegong matematiko na si Meton (nabuhay noong ikalimang siglo B.C.E.), bagaman mayroon ding katibayan na nakalkula na ng mga Babilonyong nauna sa kaniya ang siklong ito. (Tingnan ang Babylonian Chronology, 626 B.C.–A.D. 75, nina R. A. Parker at W. H. Dubberstein, 1971, p. 1, 3, 6.) Sa siklong ito, ang mga bagong buwan [new moon] at mga kabilugan ng buwan ay pumapatak sa gayunding mga araw ng taóng solar tuwing ika-19 na taon.
Ang saklaw ng mga buwang Judio ay mula sa bagong buwan [new moon] hanggang sa sumunod na bagong buwan [new moon]. (Isa 66:23) Kaya naman, isang salitang Hebreo, choʹdhesh, na isinasalin bilang “buwan” (month; Gen 7:11) o “bagong buwan” (new moon; 1Sa 20:27), ang nauugnay sa cha·dhashʹ na nangangahulugang “bago.” Ang isa pang salita para sa buwan [month], yeʹrach, ay isinasaling “buwang lunar.” (1Ha 6:38) Nang maglaon, upang ipaalam sa taong-bayan ang pagpapasimula ng isang bagong buwan [new month], ginamit ang mga hudyat na apoy o kaya’y may mga mensaherong isinusugo.
Sa Bibliya, kadalasa’y tinutukoy ang indibiduwal na mga buwan depende sa kung pang-ilang buwan ito ng taon, mula sa ika-1 hanggang sa ika-12. (Jos 4:19; Bil 9:11; 2Cr 15:10; Jer 52:6; Bil 33:38; Eze 8:1; Lev 16:29; 1Ha 12:32; Ezr 10:9; 2Ha 25:1; Deu 1:3; Jer 52:31) Bago ang pagkatapon sa Babilonya, apat na pangalan lamang ng mga buwan ang binanggit, samakatuwid nga, Abib, ang unang buwan (Exo 13:4); Ziv, ang ikalawa (1Ha 6:37); Etanim, ang ikapito (1Ha 8:2); at Bul, ang ikawalo (1Ha 6:38). Ang mga kahulugan ng mga pangalang ito ay may kaugnayan sa mga kapanahunan, anupat karagdagang ebidensiya ng paggamit sa taóng lunisolar.—Tingnan ang indibiduwal na mga buwan ayon sa pangalan.
Noong mga panahon pagkaraan ng pagkatapon, mga pangalan ng mga buwan sa Babilonya ang ginamit ng mga Israelita, at pito sa mga ito ang binanggit: Nisan, ang ika-1 buwan, kapalit ng Abib (Es 3:7); Sivan, ang ika-3 buwan (Es 8:9); Elul, ang ika-6 (Ne 6:15); Kislev, ang ika-9 (Zac 7:1); Tebet, ang ika-10 (Es 2:16); Sebat, ang ika-11 (Zac 1:7); at Adar, ang ika-12 (Ezr 6:15).
Lumilitaw naman sa Judiong Talmud at sa iba pang mga akda ang mga pangalan ng nalalabing limang buwan. Ang mga iyon ay ang Iyyar, ang ika-2 buwan; Tamuz, ang ika-4; Ab, ang ika-5; Tisri, ang ika-7; at Heshvan, ang ika-8. Ang ika-13 buwan, na isinisingit sa pana-panahon, ay pinanganlang Veadar, o ang ikalawang Adar.
Nang bandang huli, tinakdaan na ng espesipikong bilang ng mga araw ang karamihan sa mga buwan. Ang Nisan (Abib), Sivan, Ab, Tisri (Etanim), at Sebat ay laging may tig-30 araw; ang Iyyar (Ziv), Tamuz, Elul, at Tebet naman ay laging may tig-29 na araw. Gayunman, ang Heshvan (Bul), Kislev, at Adar, ay maaaring magkaroon ng tig-29 o tig-30 araw. Ang di-permanenteng bilang ng mga araw ng mga buwang ito ay nakatulong upang makagawa ng kinakailangang mga pagbabago sa kalendaryong lunar at upang huwag pumatak ang ilang kapistahan sa mga araw na ipinagbawal ng mga Judiong lider ng relihiyon nang maglaon.
Ayon sa batas ng Diyos noong panahon ng Pag-alis (Exo 12:2; 13:4), ang sagradong taon ay magpapasimula sa tagsibol sa buwan ng Abib (o Nisan). Gayunman, ipinakikita ng rekord ng Bibliya na bago nito, binibilang ng mga Israelita ang isang taon mula sa taglagas hanggang sa sumunod na taglagas. Kinilala naman ng Diyos ang kaayusang ito anupat gumamit ang kaniyang bayan ng maituturing na tambalang sistema ng kalendaryo, isang sagrado at isang sekular, o agrikultural. (Exo 23:16; 34:22; Lev 23:34; Deu 16:13) Noong mga panahon pagkaraan ng pagkatapon, ang Tisri 1, sa huling kalahatian ng taon, ang naging simula ng sekular na taon, at ang Bagong Taon ng mga Judio, o Rosh Hashanah (ulo ng taon), ay ipinagdiriwang pa rin sa petsang iyon.
Noong 1908, natagpuan sa Gezer ang ipinapalagay na nag-iisang halimbawa ng sinaunang nasusulat na kalendaryong Hebreo, at pinaniniwalaang ito’y mula pa noong ikasampung siglo B.C.E. Isa itong kalendaryong agrikultural at inilalarawan nito ang gayong mga gawain pasimula sa taglagas. Sa maikli, inilalarawan nito ang tigdadalawang buwan ng pag-iimbak, paghahasik, at pagtubo ng mga pananim sa tagsibol, na sinusundan ng tig-iisang buwan ng pagbubunot ng halamang lino, pag-aani ng sebada, at isang pangkalahatang pag-aani, pagkatapos ay dalawang buwan ng pagpungos sa mga punong-ubas, at bilang panghuli, isang buwan ng mga bungang pantag-araw.—Lev 26:5.
Ipinakikita ng tsart na kalakip ng artikulong ito ang mga buwan at ang kaugnayan ng mga ito kapuwa sa sagrado at sa sekular na mga kalendaryo at gayundin ang tinatayang katumbas na mga buwan sa ating kasalukuyang kalendaryo.
Sa mga ulat ng Ebanghelyo at sa aklat ng Mga Gawa, ang malimit na pagbanggit sa iba’t ibang kapanahunan ng kapistahan ay nagpapakita na sinusunod pa rin ng mga Judio noong panahon ni Jesus at ng mga apostol ang kalendaryong Judio. Ang mga kapanahunang iyon ng kapistahan ay nagsilbing giya upang matukoy kung kailan naganap ang mga pangyayari sa Bibliya noong mga araw na iyon.—Mat 26:2; Mar 14:1; Luc 22:1; Ju 2:13, 23; 5:1; 6:4; 7:2, 37; 10:22; 11:55; Gaw 2:1; 12:3, 4; 20:6, 16; 27:9.
Dapat pansinin na ang mga Kristiyano ay hindi inuugitan ng anumang sagrado o relihiyosong kalendaryo na nagtatakda ng banal na mga araw o mga kapistahan, isang punto na idiniin ng apostol na si Pablo sa Galacia 4:9-11 at Colosas 2:16, 17. Ang kaisa-isang okasyon na hinihiling na ipagdiwang nila taun-taon, ang Hapunan ng Panginoon, sa panahon ng Paskuwa, ay ibinabatay sa kalendaryong lunar.—Mat 26:2, 26-29; 1Co 11:23-26; tingnan ang HAPUNAN NG PANGINOON.
Ang mga Kalendaryong Julian at Gregorian. Noong taóng 46 B.C.E., nagpalabas si Julio Cesar ng isang batas para baguhin ang kalendaryong Romano mula sa taóng lunar tungo sa taóng solar. Ang kalendaryong Julian na ito, na ibinatay sa mga kalkulasyon ng Griegong astronomo na si Sosigenes, ay may 12 buwan na iba’t iba ang haba at isang regular na taon na may 365 araw na nagsisimula tuwing Enero 1. Pinasimulan ding gamitin dito ang mga leap year sa pamamagitan ng pagdaragdag ng isang araw sa bawat apat na taon, upang mapunan ang sobrang 1/4 na araw ng isang taóng tropikal, na may haba na wala pang 365 1/4 na araw.
Sa katunayan, ang kalendaryong Julian ay mas mahaba nang mga 11 minuto at 14 na segundo kaysa sa tunay na taóng solar. Dahil dito, pagsapit ng ika-16 na siglo, sampung araw na ang ipinagkaiba nito sa taóng solar. Noong 1582 C.E., nagharap si Pope Gregory XIII ng kaunting rebisyon sa kalendaryong Julian, anupat pinanatili ang mga leap year tuwing apat na taon ngunit may eksepsiyon na yaon lamang mga century year na ang bilang ay maaaring hatiin sa 400 ang gagawing mga leap year. Sa utos ng papa noong 1582, sampung araw ang kinaltas sa taóng iyon, anupat ang araw pagkaraan ng Oktubre 4 ay naging Oktubre 15. Sa ngayon, kalendaryong Gregorian ang karaniwang ginagamit sa kalakhang bahagi ng daigdig. Dito ibinatay ang mga petsa ng kasaysayan na ginamit sa publikasyong ito.
Bagaman nakagawian na ng mga Kristiyano sa ngayon na gamitin ang kalendaryong sinusunod sa kanilang lupain, batid nila na ang Diyos na walang hanggan, si Jehova, ay may sariling kalendaryo ng mga pangyayari na hindi apektado ng mga sistema ng pagbilang ng mga tao. Gaya ng isinulat ng kaniyang propetang si Daniel: “Kaniyang binabago ang mga panahon at mga kapanahunan, nag-aalis ng mga hari at naglalagay ng mga hari, nagbibigay ng karunungan sa marurunong at ng kaalaman doon sa mga nakaaalam ng kaunawaan. Kaniyang isinisiwalat ang malalalim na bagay at ang mga nakakubling bagay, nalalaman kung ano ang nasa kadiliman; at sa kaniya ay nananahanan ang liwanag.” (Dan 2:21, 22) Sa gayon, sa kaniyang posisyon bilang Pansansinukob na Soberano, siya’y lubhang nakatataas sa ating umiinog na lupa, na may araw at gabi, mga siklong lunar, at mga taóng solar. Gayunman, sa kaniyang Salita, ang Bibliya, iniuugnay ng Diyos ang kaniyang mga pagkilos at mga layunin sa mga panukat na ito ng panahon, anupat tinutulungan niya ang kaniyang mga nilalang na malaman ang kanilang dako may kaugnayan sa kaniyang dakilang kalendaryo ng mga pangyayari.—Tingnan ang KRONOLOHIYA.
[Tsart sa pahina 1358]
Mga Buwan sa Kalendaryo ng Bibliya
Ang saklaw ng mga buwang Judio ay mula sa bagong buwan [new moon] hanggang sa sumunod na bagong buwan [new moon]. (Isa 66:23) Ang salitang Hebreo, choʹdhesh, na isinaling “buwan” (month; Gen 7:11), ay nagmula sa salitang-ugat na nangangahulugang “bago,” samantalang ang isa pang salita para sa buwan, yeʹrach, ay nangangahulugang “lunasyon.”
MGA BUWAN Sagrado
MGA BUWAN Sekular
LAGAY NG PANAHON
MGA PANANIM
Ika-1
Ika-7
Umaapaw ang Jordan dahil sa ulan at natutunaw na niyebe
Pag-aani ng lino. Sinisimulan ang pag-aani ng sebada
Ika-2
Ika-8
Nagsisimula ang panahon ng tag-init. Sa kalakhan, maaliwalas ang kalangitan
Pag-aani ng sebada. Pag-aani ng trigo sa mabababang lugar
Ika-3
Ika-9
Init ng tag-araw. Preskong hangin
Pag-aani ng trigo. Mga unang igos. Mga mansanas
Ika-4
Ika-10
Tumitindi ang init. Makakapal na hamog sa ilang lugar
Mga unang ubas. Natutuyo ang mga pananim at mga bukal
Ika-5
Ika-11
Umaabot sa sukdulan ang init
Sinisimulan ang pag-aani ng ubas
Ika-6
Ika-12
Nagpapatuloy ang init
Pag-aani ng mga datiles at mga igos na pantag-araw
Ika-7
Ika-1
Papatapos na ang tag-araw. Nagsisimula ang maagang pag-ulan
Papatapos ang pag-aani. Sinisimulan ang pag-aararo
Ika-8
Ika-2
Banayad na pag-ulan
Inihahasik ang trigo at sebada. Pag-aani ng olibo
Ika-9
Ika-3
Dumadalas ang pag-ulan. Nagyeyelo ang hamog. Umuulan ng niyebe sa mga bundok
Tumutubo ang mga damo
Ika-10
Ika-4
Pinakamatinding lamig. Maulan. Umuulan ng niyebe sa mga bundok
Nagiging luntian ang mabababang lupain. Mga butil, mga bulaklak umuusbong
Ika-11
Ika-5
Humuhupa ang lamig ng panahon. Patuloy ang pag-ulan
Mga punong almendras namumulaklak. Mga punong igos nagkakasupang
Ika-12
Ika-6
Madalas na pagkulog at pag-ulan ng graniso
Mga punong algarroba namumulaklak. Pag-aani ng mga bungang sitrus
Ika-13
—
Ang buwang intercalary ay karaniwan nang idinaragdag nang pitong ulit sa loob ng 19 na taon bilang ikalawang Adar (Veadar)
[Dayagram sa pahina 1359]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Ika-1 NISAN (ABIB) Marso—Abril
Simula ng sagradong taon
14 Paskuwa
15-21 Tinapay na Walang Pampaalsa
16 Paghahandog ng mga unang bunga
Sebada
Ika-2 IYYAR (ZIV) Abril—Mayo
14 Pahabol na pangingilin ng Paskuwa (Bil 9:10-13)
Trigo
Ika-3 SIVAN Mayo—Hunyo
6 Kapistahan ng mga Sanlinggo (Pentecostes)
Mga Unang Igos
Ika-4 TAMUZ Hunyo—Hulyo
Mga Unang Ubas
Ika-5 AB Hulyo—Agosto
Mga Bungang Pantag-araw
Ika-6 ELUL Agosto—Setyembre
Datiles, Ubas, Igos
Ika-7 TISRI (ETANIM) Setyembre—Oktubre
Simula ng sekular na taon
1 Pagpapatunog ng trumpeta
10 Araw ng Pagbabayad-Sala
15-21 Kapistahan ng mga Kubol o Pagtitipon ng Ani
22 Kapita-pitagang kapulungan
Pag-aararo
Ika-8 HESHVAN (BUL) Oktubre—Nobyembre
Olibo
Ika-9 KISLEV Nobyembre—Disyembre
25 Kapistahan ng Pag-aalay
Isinisilong ang mga Kawan
Ika-10 TEBET Disyembre—Enero
Pagtubo ng Pananim
Ika-11 SEBAT Enero—Pebrero
Pamumulaklak ng Almendras
Ika-12 ADAR Pebrero—Marso
14, 15 Purim
Sitrus
Ika-13 VEADAR Marso