HAPUNAN NG PANGINOON
Isang literal na hapunan na nagpapagunita ng kamatayan ng Panginoong Jesu-Kristo; samakatuwid ay isang memoryal ng kaniyang kamatayan. Yamang ito lamang ang okasyong iniutos ng Kasulatan na alalahanin ng mga Kristiyano, ito ay wasto ring tawaging Memoryal.
Ang pagpapasinaya sa Hapunan ng Panginoon ay iniulat nina Mateo at Juan, dalawang apostol na aktuwal na nakasaksi at nakibahagi rito. Bagaman wala sa okasyong iyon sina Marcos at Lucas, bumabanggit sila ng iba pang mga detalye. Noong nagbibigay si Pablo ng mga tagubilin sa kongregasyon sa Corinto, nilinaw niya ang ilang bahagi nito. Ayon sa nabanggit na mga rekord, noong gabi bago mamatay si Jesus, nakipagtipon siya sa kaniyang mga alagad sa isang malaking silid sa itaas upang ipagdiwang ang Paskuwa. (Mar 14:14-16) Iniulat ni Mateo: “Habang nagpapatuloy sila sa pagkain, kumuha si Jesus ng tinapay at, pagkatapos bumigkas ng pagpapala, pinagputul-putol niya ito at, nang ibinibigay sa mga alagad, sinabi niya: ‘Kunin ninyo, kainin ninyo. Ito ay nangangahulugan ng aking katawan.’ Gayundin, kumuha siya ng isang kopa at, nang makapagpasalamat, ibinigay niya ito sa kanila, na sinasabi: ‘Uminom kayo mula rito, kayong lahat; sapagkat ito ay nangangahulugan ng aking “dugo ng tipan,” na siyang ibubuhos alang-alang sa marami ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan. Ngunit sinasabi ko sa inyo, Mula ngayon ay hindi na ako iinom pa ng alinman sa bungang ito ng punong ubas hanggang sa araw na iyon kapag iinumin ko ito nang panibago na kasama ninyo sa kaharian ng aking Ama.’ Sa wakas, pagkatapos na umawit ng mga papuri, sila ay lumabas patungo sa Bundok ng mga Olibo.”—Mat 26:17-30; Mar 14:17-26; Luc 22:7-39; Ju 13:1-38; 1Co 10:16-22; 11:20-34.
Kung Kailan Ito Pinasinayaan. Ang Paskuwa ay ipinagdiriwang tuwing Nisan (Abib) 14, na pumapatak sa araw ng kabilugan ng buwan o malapit sa araw na ito, yamang ang unang araw ng bawat buwan (buwang lunar) sa kalendaryong Judio ay araw ng bagong buwan [new moon], na matitiyak sa pamamagitan ng pag-oobserba sa kaanyuan nito. Samakatuwid, ang ika-14 na araw ng buwan ay bandang kalagitnaan na ng isang lunasyon. Ipinakikita sa artikulong JESU-KRISTO (Ang panahon ng kaniyang kamatayan) na namatay si Jesus noong Nisan 14, 33 C.E. May kinalaman sa araw ng kaniyang kamatayan ayon sa kalendaryong Gregorian, ipinakikita ng mga kalkulasyong batay sa astronomiya na nagkaroon ng eklipse ng buwan noong Biyernes, Abril 3, 33 C.E. (kalendaryong Julian), na papatak naman nang Biyernes, Abril 1, sa kalendaryong Gregorian. (Canon of Eclipses ni Oppolzer, isinalin ni O. Gingerich, 1962, p. 344) Ang mga eklipse ng buwan ay laging nagaganap sa panahon ng kabilugan ng buwan. Ipinakikita ng ebidensiyang ito na ang Nisan 14, 33 C.E., ay pumatak nang Huwebes-Biyernes, Marso 31–Abril 1, 33 C.E., sa kalendaryong Gregorian.
Noong gabi bago siya mamatay, ipinagdiwang ni Jesus ang kaniyang huling hapunan ng Paskuwa at pagkatapos ay pinasinayaan niya ang Hapunan ng Panginoon. Bago pa man magsimula ang hapunan ng Memoryal, ang traidor na si Hudas ay pinaalis na, anupat sinasabi ng ulat na “gabi na noon.” (Ju 13:30) Yamang ang mga araw ng kalendaryong Judio ay nagsisimula sa gabi ng isang araw hanggang sa gabi ng kasunod na araw, ang Hapunan ng Panginoon ay ipinagdiwang noon ding Nisan 14, Huwebes ng gabi, Marso 31.—Tingnan ang ARAW, II.
Kung Gaano Kadalas Ipinagdiriwang. Ayon kina Lucas at Pablo, nang pasinayaan ni Jesus ang Memoryal ng kaniyang kamatayan ay sinabi niya: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin.” (Luc 22:19; 1Co 11:24) Batay sa sinabi ni Jesus, makatuwirang unawain na ang Hapunan ng Panginoon ay dapat ipagdiwang ng kaniyang mga tagasunod nang minsan sa isang taon, hindi mas madalas kaysa rito. Ang Paskuwa, na ipinagdiriwang noon bilang pag-alaala sa pagliligtas ni Jehova sa Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto noong 1513 B.C.E., ay minsan lamang sa isang taon ginugunita, sa petsa ng anibersaryo nito na Nisan 14. Samakatuwid, ang Memoryal, na isa ring anibersaryo, ay angkop na tuwing Nisan 14 lamang ipagdiwang.
Iniulat ni Pablo na sinabi ni Jesus may kinalaman sa kopa, “Patuloy ninyong gawin ito, sa tuwing iinumin ninyo ito, bilang pag-alaala sa akin,” at idinagdag niya: “Sapagkat sa tuwing kakainin ninyo ang tinapay na ito at iinuman ang kopang ito, patuloy ninyong inihahayag ang kamatayan ng Panginoon, hanggang sa dumating siya.” (1Co 11:25, 26) Ang salitang “tuwing” ay maaaring tumukoy sa isang bagay na ginagawa nang minsan lamang sa isang taon, lalo na kapag maraming taon na itong ginagawa. (Heb 9:25, 26) Noon ay araw ng Nisan 14 nang ibigay ni Kristo ang kaniyang literal na katawan bilang isang hain sa pahirapang tulos at nang ibuhos niya ang kaniyang dugo ukol sa kapatawaran ng mga kasalanan. Samakatuwid, iyon ang araw ng “kamatayan ng Panginoon” at, sa gayon, iyon ang petsa kung kailan dapat gunitain ang kaniyang kamatayan.
Ang mga nakikibahagi sa hapunang ito ay “wala sa harap ng Panginoon” at palagiang magdiriwang ng Hapunan ng Panginoon bago ang kanilang kamatayan taglay ang katapatan. Pagkatapos, kasunod ng kanilang pagkabuhay-muli tungo sa makalangit na buhay, makakasama nila si Kristo at hindi na nila kailangan ng tagapagpaalaala tungkol sa kaniya. May kinalaman sa kung hanggang kailan nila ito ipagdiriwang, “hanggang sa dumating siya,” maliwanag na tinutukoy ng apostol na si Pablo ang muling pagdating ni Kristo at ang pagtanggap niya sa kanila sa langit sa pamamagitan ng kanilang pagkabuhay-muli sa panahon ng kaniyang pagkanaririto. Ang ganitong pagkaunawa sa bagay na ito ay nililiwanag ng sinabi ni Jesus sa 11 apostol nang dakong huli noong gabi ring iyon: “Kung ako ay pumaroon at makapaghanda ng dako para sa inyo, ako ay muling darating at tatanggapin ko kayo sa aking sarili, upang kung nasaan ako ay dumoon din kayo.”—Ju 14:3, 4; 2Co 5:1-3, 6-9.
Sinabi ni Jesus sa mga alagad na ang alak na ininom niya (noong Paskuwang iyon bago ang Memoryal) ang huling bunga ng punong ubas na iinumin niya “hanggang sa araw na iyon kapag iinumin ko ito nang panibago na kasama ninyo sa kaharian ng aking Ama.” (Mat 26:29) Yamang hindi siya makaiinom ng literal na alak sa langit, maliwanag na ang tinutukoy niya ay ang isinasagisag ng alak kung minsan, samakatuwid nga, kagalakan. Ang magkasama-sama sila sa Kaharian ang siyang pinakaaasam-asam nila. (Ro 8:23; 2Co 5:2) Sumulat si Haring David sa isang awit hinggil sa paglalaan ni Jehova ng “alak na nagpapasaya sa puso ng taong mortal,” at sinabi ng kaniyang anak na si Solomon: “Ang alak ay nagpapasaya ng buhay.”—Aw 104:15; Ec 10:19.
Ang mga Emblema. Tungkol sa tinapay na ginamit ni Jesus nang pasinayaan niya ang Hapunan ng Panginoon, sinabi ni Marcos: “Habang nagpapatuloy sila sa pagkain, kumuha siya ng tinapay, bumigkas ng pagpapala, pinagputul-putol ito at ibinigay sa kanila, at sinabi: ‘Kunin ninyo ito, ito ay nangangahulugan ng aking katawan.’” (Mar 14:22) Ang tinapay na ito ay yaong tinapay na ginagamit sa hapunan ng Paskuwa, na noon ay naidaos na ni Jesus at ng kaniyang mga alagad. Ito ay tinapay na walang lebadura, yamang hindi dapat makakita ng lebadura sa mga tahanan ng mga Judio sa panahon ng Paskuwa at ng kasunod na Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa. (Exo 13:6-10) Ang lebadura ay ginagamit sa Kasulatan upang sumagisag sa kasalanan. Angkop na gumamit ng tinapay na walang lebadura yamang lumalarawan ito sa walang-kasalanang katawang laman ni Jesus. (Heb 7:26; 9:14; 1Pe 2:22, 24) Ang tinapay na walang lebadura ay lapád at malutong; kaya ito ay pinagputul-putol, gaya ng kaugaliang gawin sa mga kainan noong panahong iyon. (Luc 24:30; Gaw 27:35) Bago nito, nang makahimalang paramihin ni Jesus ang tinapay para sa libu-libong tao, pinagputul-putol niya ito upang maipamahagi sa kanila. (Mat 14:19; 15:36) Kaya naman, ang pagpuputul-putol sa tinapay ng Memoryal ay maliwanag na walang espirituwal na kahulugan.
Nang maipasa na ni Jesus ang tinapay, kumuha siya ng isang kopa at “naghandog siya ng pasasalamat at ibinigay ito sa kanila, at silang lahat ay uminom mula rito. At sinabi niya sa kanila: ‘Ito ay nangangahulugan ng aking “dugo ng tipan,” na siyang ibubuhos alang-alang sa marami.’” (Mar 14:23, 24) Gumamit siya ng pinakasim na alak, hindi ng katas ng ubas na di-pinakasim. Ang mga alak na tinutukoy sa Bibliya ay literal na alak, hindi katas ng ubas na di-pinakasim. (Tingnan ang ALAK AT MATAPANG NA INUMIN.) Pinakasim na alak, hindi katas ng ubas, ang nakapagpapaputok ng “mga lumang sisidlang balat,” sabi ni Jesus. Inakusahan si Jesus ng kaniyang mga kaaway na siya’y “mahilig uminom ng alak,” isang paratang na walang saysay kung ang “alak” ay katas lamang ng ubas. (Mat 9:17; 11:19) Tunay na alak ang ginamit sa katatapos na pagdiriwang ng Paskuwa, at angkop itong gamitin ni Kristo sa pagpapasinaya sa Memoryal ng kaniyang kamatayan. Tiyak na kulay pula ang alak na iyon, sapagkat pulang alak lamang ang maaaring angkop na sumagisag sa dugo.—1Pe 1:19.
Isang Salu-salo. Sa sinaunang Israel, ang isang tao ay maaaring magsaayos ng isang salu-salo. Magdadala siya ng isang hayop sa santuwaryo, kung saan ito papatayin. Isang bahagi ng inihandog na hayop ang mapupunta sa altar bilang “nakagiginhawang amoy para kay Jehova.” Ang isang bahagi naman ay mapupunta sa nanunungkulang saserdote, ang isa pa ay sa makasaserdoteng mga anak ni Aaron, at ang naghandog at ang kaniyang sambahayan ay makikibahagi sa salu-salo. (Lev 3:1-16; 7:28-36) Ang isang taong ‘marumi’ alinsunod sa Kautusan ay hindi dapat kumain ng haing pansalu-salo, anupat kung kakain siya niyaon, siya’y “lilipulin mula sa kaniyang bayan.”—Lev 7:20, 21.
Ang Hapunan ng Panginoon ay isa ring salu-salo, sapagkat marami ang nakikibahagi rito. Ang Diyos na Jehova ay nasasangkot bilang Awtor ng kaayusang ito, si Jesu-Kristo ang haing pantubos, at ang kaniyang espirituwal na mga kapatid naman ang kumakain ng mga emblema bilang mga nakikibahagi sa salu-salo. Ipinakikita ng pagkain nila sa “mesa ni Jehova” na may pakikipagpayapaan sila kay Jehova. (1Co 10:21) Sa katunayan, ang mga handog na pansalu-salo ay tinatawag kung minsan na “mga handog ukol sa kapayapaan.”—Lev 3:1, tlb sa Rbi8.
Sa pagkain nila ng tinapay at pag-inom ng alak, kinikilala ng mga nakikibahagi sa hapunan na sila’y magkakasamang nakikibahagi kay Kristo, taglay ang lubos na pagkakaisa. Sinabi ng apostol na si Pablo: “Ang kopa ng pagpapala na pinagpapala natin, hindi ba ito isang pakikibahagi sa dugo ng Kristo? Ang tinapay na pinagpuputul-putol natin, hindi ba ito isang pakikibahagi sa katawan ng Kristo? Sapagkat may iisang tinapay, tayo, bagaman marami, ay iisang katawan, dahil nakikibahagi tayong lahat sa iisang tinapay na iyon.”—1Co 10:16, 17.
Sa gayong pakikibahagi, ipinakikita nila na kabilang sila sa bagong tipan at na tumatanggap sila ng mga pakinabang nito, samakatuwid nga, ang pagpapatawad ng Diyos sa kanilang mga kasalanan sa pamamagitan ng dugo ni Kristo. Itinuturing nilang napakahalaga ang “dugo ng tipan” na siyang ginamit upang mapabanal sila. (Heb 10:29) Sa Kasulatan ay tinatawag silang “mga ministro ng isang bagong tipan,” anupat naglilingkod ukol sa mga layunin niyaon. (2Co 3:5, 6) At sila ay angkop na nakikibahagi sa emblemang tinapay sapagkat masasabi nila: “Dahil sa nasabing ‘kalooban’ ay pinabanal na tayo sa pamamagitan ng paghahandog ng katawan ni Jesu-Kristo nang minsanan.” (Heb 10:10) Nakikibahagi sila sa mga pagdurusa ni Kristo at sa kamatayang tulad ng sa kaniya, isang kamatayan taglay ang katapatan. Umaasa silang makibahagi “sa wangis ng kaniyang pagkabuhay-muli,” isang pagkabuhay-muli tungo sa imortal na buhay taglay ang katawang espirituwal.—Ro 6:3-5.
Tungkol sa bawat isa na nakikibahagi sa hapunan, isinulat ng apostol na si Pablo: “Ang sinumang kumakain ng tinapay o umiinom sa kopa ng Panginoon nang di-karapat-dapat ay magkakasala may kinalaman sa katawan at sa dugo ng Panginoon. Patunayan muna ng isang tao ang kaniyang sarili pagkatapos ng maingat na pagsisiyasat, at kung magkagayon ay kumain siya ng tinapay at uminom sa kopa. Sapagkat siya na kumakain at umiinom ay kumakain at umiinom ng hatol laban sa kaniyang sarili kung hindi niya napag-uunawa ang katawan.” (1Co 11:27-29) Ang isa na nagsasagawa ng marumi, di-makakasulatan, o mapagpaimbabaw na mga gawain ay hindi kuwalipikadong kumain. Kung kakain siya habang nasa gayong kalagayan, siya ay kakain at iinom ng hatol laban sa kaniyang sarili. Hindi niya pinahahalagahan ang hain ni Kristo, ang layunin nito, at ang kahulugan nito. Ito’y kaniyang winawalang-galang at hinahamak. (Ihambing ang Heb 10:28-31.) Siya’y nanganganib na ‘lipulin mula sa kaniyang bayan,’ gaya ng isang tao sa Israel na nakibahagi sa haing pansalu-salo habang nasa maruming kalagayan.—Lev 7:20.
Sa katunayan, inihambing ni Pablo ang Hapunan ng Panginoon sa isang haing pansalu-salo sa Israel; tinukoy muna niya ang mga nakikibahagi kay Kristo at pagkatapos ay sinabi: “Tingnan ninyo yaong Israel ayon sa laman: Hindi ba yaong mga kumakain ng mga hain ay mga kabahagi ng altar? . . . Hindi kayo maaaring uminom sa kopa ni Jehova at sa kopa ng mga demonyo; hindi kayo maaaring makibahagi sa ‘mesa ni Jehova’ at sa mesa ng mga demonyo.”—1Co 10:18-21.
Ang mga Nakikibahagi at ang Iba Pang mga Dumadalo sa Hapunan. Tinipon ni Jesus ang kaniyang 12 apostol at sinabi sa kanila: “Masidhi kong ninanasa na kaining kasama ninyo ang paskuwang ito bago ako magdusa.” (Luc 22:15) Ngunit ayon sa ulat ni Juan, na aktuwal na nakasaksi sa pangyayari, pinaalis muna ni Jesus ang traidor na si Hudas bago niya pinasinayaan ang hapunan ng Memoryal. Sa pagdiriwang ng Paskuwa, palibhasa’y batid ni Jesus na si Hudas ang magkakanulo sa kaniya, nagsawsaw siya ng isang putol ng pagkain mula sa hapunan ng Paskuwa at iniabot niya iyon kay Hudas, pagkatapos ay pinaalis na niya ito. (Ju 13:21-30) Ipinahihiwatig din ng ulat ni Marcos ang gayong pagkakasunud-sunod ng mga pangyayari. (Mar 14:12-25) Noong ipinagdiriwang na ang Hapunan ng Panginoon, ipinasa ni Jesus ang tinapay at ang alak sa natitirang 11 apostol, at sinabi niya sa kanila na kumain at uminom. (Luc 22:19, 20) Pagkatapos ay tinukoy niya sila bilang “ang mga nanatiling kasama ko sa aking mga pagsubok,” na karagdagang pahiwatig na napaalis na noon si Hudas.—Luc 22:28.
Walang katibayan na si Jesus mismo ay kumain ng tinapay o uminom sa kopa noong idinaraos ang hapunang iyon ng Memoryal. Ang katawan at dugo na ibinigay niya ay para sa kanila at para bigyang-bisa ang bagong tipan, na sa pamamagitan nito ay inalis ang kanilang mga kasalanan. (Jer 31:31-34; Heb 8:10-12; 12:24) Hindi kailanman nagkasala si Jesus. (Heb 7:26) Siya ang namamagitan sa bagong tipan sa pagitan ng Diyos na Jehova at niyaong mga pinili bilang mga kasamahan ni Kristo. (Heb 9:15; tingnan ang TIPAN.) Bukod sa mga apostol na naroroon sa hapunang iyon, may iba pang mga kabilang sa “Israel ng Diyos,” isang “munting kawan,” na sa bandang huli ay magiging mga hari at mga saserdote kasama ni Kristo. (Gal 6:16; Luc 12:32; Apo 1:5, 6; 5:9, 10) Samakatuwid, ang lahat ng espirituwal na kapatid ni Kristo sa lupa ay makikibahagi sa hapunang ito sa tuwing ito’y ipagdiriwang. Ipinakikita na sila ay “isang uri ng mga unang bunga ng kaniyang mga nilalang” (San 1:18), na binili mula sa sangkatauhan bilang “mga unang bunga sa Diyos at sa Kordero,” at isinisiwalat sa pangitain ni Juan na sila’y may bilang na 144,000.—Apo 14:1-5.
Hindi nakikibahagi ang mga nagmamasid. Isiniwalat ng Panginoong Jesu-Kristo na, sa panahon ng kaniyang pagkanaririto, may mga taong gagawa ng mabuti sa kaniyang espirituwal na mga kapatid, anupat dadalaw sa kanila sa panahon ng kagipitan at magbibigay sa kanila ng tulong. (Mat 25:31-46) Ang mga ito ba, na maaaring dumalo sa Hapunan ng Panginoon, ay kuwalipikadong makibahagi sa mga emblema? Sinasabi ng Kasulatan na sa pamamagitan ng kaniyang banal na espiritu, ang Diyos ay maglalaan ng katibayan at katiyakan sa mga kuwalipikadong makibahagi sa mga emblema bilang “mga tagapagmana nga ng Diyos, ngunit mga kasamang tagapagmana ni Kristo,” na sila ay mga anak ng Diyos. Sumulat ang apostol na si Pablo: “Ang espiritu mismo ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu na tayo ay mga anak ng Diyos.” Pagkatapos ay ipinaliwanag niya na may iba pang makikinabang sa kaayusan ng Diyos para sa mga anak na ito: “Sapagkat ang may-pananabik na pag-asam ng sangnilalang ay naghihintay sa pagsisiwalat sa mga anak ng Diyos.” (Ro 8:14-21) Yamang ang mga kasamang tagapagmana ni Kristo ay ‘mamamahala bilang mga hari at mga saserdote sa ibabaw ng lupa,’ ang Kaharian ay magdudulot ng kapakinabangan sa mga mabubuhay sa ilalim nito. (Apo 5:10; 20:4, 6; 21:3, 4) Natural lamang na yaong mga makikinabang ay interesado sa Kaharian at sa pagsulong nito. Kaya naman ang gayong mga tao ay dadalo at magmamasid sa pagdiriwang ng Hapunan ng Panginoon, ngunit dahil hindi sila mga kasamang tagapagmana ni Kristo at espirituwal na mga anak ng Diyos, hindi sila makikibahagi sa mga emblema bilang mga kabahagi sa kamatayan ni Kristo, na may pag-asang buhaying-muli tungo sa makalangit na buhay kasama niya.—Ro 6:3-5.
Walang Transubstansiyasyon o Konsubstansiyasyon. Taglay pa ni Jesus ang kaniyang katawang laman nang ialok niya ang tinapay. Ang kaniyang buong katawan ay ihahandog bilang isang sakdal at walang-dungis na hain para sa mga kasalanan sa susunod pang hapon (ng mismong araw na iyon sa kalendaryong Hebreo, Nisan 14). Taglay pa rin niya noon ang lahat ng kaniyang dugo para sa sakdal na haing iyon. “Ibinuhos niya ang kaniyang kaluluwa [na nasa dugo] hanggang sa mismong kamatayan.” (Isa 53:12; Lev 17:11) Samakatuwid, noong idinaraos ang hapunan, hindi siya gumawa ng himala ng transubstansiyasyon, anupat ginawang literal na laman niya ang tinapay at literal na dugo niya ang alak. Dahil din sa nabanggit na mga kadahilanan, hindi masasabi na makahimala niyang pinangyari na mahaluan ng kaniyang laman at dugo ang tinapay at alak, gaya ng inaangkin ng mga nanghahawakan sa doktrina ng konsubstansiyasyon.
Hindi ito sinasalungat ng mga salita ni Jesus sa Juan 6:51-57. Ang tinatalakay roon ni Jesus ay hindi ang Hapunan ng Panginoon; pinasinayaan ang kaayusang ito pagkaraan pa ng isang taon. Ang ‘pagkain’ at ‘pag-inom’ na binabanggit sa ulat na iyon ay isinasagawa sa makasagisag na paraan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Jesu-Kristo, gaya ng ipinakikita sa mga talata 35 at 40.
Bukod diyan, ang pagkain ng literal na laman at dugo ng tao ay kanibalismo. Kaya naman ang mga Judio na hindi nananampalataya at hindi nakaunawa nang wasto sa sinabi ni Jesus tungkol sa pagkain ng kaniyang laman at pag-inom ng kaniyang dugo ay nangilabot. Ipinakikita nito ang pangmalas ng mga Judio sa pagkain ng laman at dugo ng tao, gaya ng ikinintal sa kanila ng Kautusan.—Ju 6:60.
Karagdagan pa, ang pag-inom ng dugo ay labag sa kautusan ng Diyos kay Noe, na nauna pa sa tipang Kautusan. (Gen 9:4; Lev 17:10) Hinding-hindi uutusan ng Panginoong Jesu-Kristo ang mga tao na labagin ang kautusan ng Diyos. (Ihambing ang Mat 5:19.) Bukod diyan, iniutos ni Jesus: “Patuloy ninyong gawin ito bilang pag-alaala sa akin,” hindi bilang paghahain sa akin.—1Co 11:23-25.
Samakatuwid, ang tinapay at ang alak ay mga emblema, na kumakatawan sa laman at dugo ni Kristo sa makasagisag na paraan, gaya rin ng kaniyang pananalita tungkol sa pagkain ng kaniyang laman at pag-inom ng kaniyang dugo. Sinabi ni Jesus sa mga natisod sa kaniyang mga salita: “Ang totoo, ang tinapay na ibibigay ko ay ang aking laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan.” (Ju 6:51) Ibinigay niya ito bilang isang hain noong mamatay siya sa pahirapang tulos. Ang katawan niya ay inilibing at pinaglaho ng kaniyang Ama bago pa ito makakita ng kasiraan. (Gaw 2:31) Walang sinuman ang literal na nakakain ng kaniyang laman o dugo.
Wasto at Maayos na Pagdiriwang. Ang Kristiyanong kongregasyon sa Corinto, sa ilang aspekto, ay nanghina sa espirituwal na paraan, anupat gaya ng sinabi ng apostol na si Pablo: “Marami sa inyo ang mahina at masasaktin, at marami ang natutulog na sa kamatayan.” Pangunahin na, ito’y dahil sa kanilang maling pagkaunawa sa Hapunan ng Panginoon at sa kahulugan nito. Hindi sila nagpapakita ng paggalang sa pagiging sagrado ng okasyong ito. May ilan na nagdadala ng kanilang hapunan upang kainin iyon bago ang pagtitipon o habang idinaraos ito. Ang iba sa kanila ay nagpapakalabis at nalalango, samantalang ang iba naman sa kongregasyon na hindi nakapaghapunan ay nagugutom at napapahiya sa harap ng mga nagtataglay ng maraming bagay. Yamang inaantok sila o nakatuon ang isip nila sa ibang bagay, wala sila sa kundisyon na makibahagi sa mga emblema nang may pagpapahalaga. Bukod diyan, nagkakabaha-bahagi ang kongregasyon dahil pinapaboran ng ilan sa kanila si Pedro, pinipili naman ng iba si Apolos, at mas gusto naman ng iba si Pablo bilang tagapanguna. (1Co 1:11-13; 11:18) Hindi nila nauunawaan na ang pagkakaisa ay dapat matampok sa okasyong ito. Hindi nila lubusang nakikita ang kaselanan ng bagay na ito, na ang mga emblema ay sumasagisag sa katawan at dugo ng Panginoon at na inaalaala sa hapunang ito ang kaniyang kamatayan. Idiniin ni Pablo na lubhang nanganganib yaong mga nakikibahagi sa mga emblema nang hindi napag-uunawa ang mga katotohanang ito.—1Co 11:20-34.