CARIANO, TAGAPAGBANTAY NA
Isang pangkat ng mga sundalo na tumulong kay Jehoiada upang pabagsakin si Athalia at iluklok si Jehoas bilang hari ng Juda.—2Ha 11:4, 13-16, 19.
Ipinapalagay ng maraming iskolar na ang tagapagbantay na Cariano ay ibang pangalan para sa mga Kereteo na kabilang sa mga hukbong militar ni David at ni Solomon. Sa pangmalas ng ilang iskolar, ang mga Kereteo ay nagsilbi ring pantanging tagapagbantay ng mga haring ito. (2Sa 8:18; 1Ha 1:38; 1Cr 18:17) Ang isa pang dahilan kung bakit pinag-uugnay ang tagapagbantay na Cariano at ang mga Kereteo ay sapagkat sa 2 Samuel 20:23, ang tekstong Masoretiko ay kababasahan ng “tagapagbantay na Cariano” samantalang “mga Kereteo” naman ang mababasa sa panggilid nito, gayundin sa maraming iba pang manuskritong Hebreo.
Sa TK bahagi ng Asia Minor, may isang sinaunang distrito na tinatawag na Caria. Dahil pinag-uugnay ng Ezekiel 25:16 at Zefanias 2:5 ang mga Filisteo at ang mga Kereteo, at dahil ang salin ng Griegong Septuagint sa mga tekstong ito ay kababasahan ng “mga Cretense” sa halip na mga Kereteo, may mga naniniwala na marahil yaong mga kabilang sa tagapagbantay na Cariano ay orihinal na nagmula sa distrito ng Caria at dumaan sa Creta.