Alam Mo Ba?
Bakit may mga banyaga na nakapaglingkod sa hukbo ni Haring David?
KASAMA sa mga banyaga na nakapaglingkod sa hukbo ni David sina Zelek na Ammonita, Uria na Hiteo, at Itma na Moabita.a (1 Cro. 11:39, 41, 46) May mga “Kereteo, Peleteo, at Giteo” rin sa hukbo niya. (2 Sam. 15:18) Malamang na malapit na kamag-anak ng mga Filisteo ang mga Kereteo at Peleteo. (Ezek. 25:16) Nagmula ang mga Giteo sa Gat, isang lunsod ng mga Filisteo.—Jos. 13:2, 3; 1 Sam. 6:17, 18.
Bakit nagsama si David ng mga banyaga sa hukbo niya? Kasi nagtitiwala siyang magiging tapat sila sa kaniya at lalo na kay Jehova. Halimbawa, ganito ang sinasabi ng The New Interpreter’s Dictionary of the Bible tungkol sa mga Kereteo at Peleteo: “Nanatili silang tapat kay David sa pinakamahihirap na panahon ng paghahari niya.” Paano? Nang iwan ng “lahat ng lalaki ng Israel” si Haring David para sumunod kay Sheba, na “isang lalaki na gumagawa ng gulo,” nanatiling tapat kay David ang mga Kereteo at Peleteo at tinulungan siyang patigilin ang rebelyon na sinimulan ni Sheba. (2 Sam. 20:1, 2, 7) Sa isa pang pagkakataon, tinangka ng anak ni Haring David na si Adonias na agawin ang trono. Pero nanatiling tapat ang mga Kereteo at Peleteo kay David, at tumulong silang mailuklok si Solomon bilang hari dahil siya ang pinili ni Jehova.—1 Hari 1:24-27, 38, 39.
Ang isa pang banyaga na nanatiling tapat kay David ay si Ittai na Giteo. Nang magrebelde si Absalom at nakawin ang puso ng mga tao sa Israel, sinuportahan ni Ittai at ng 600 mandirigma niya si Haring David. Sinabi ni David kay Ittai na dahil banyaga siya, hindi niya kailangang tumulong. Pero sinabi ni Ittai: “Isinusumpa ko, kung paanong buháy si Jehova at kung paanong buháy ang panginoon kong hari, saanman pumunta ang panginoon kong hari, sa kamatayan man o sa buhay, sasama ang iyong lingkod!”—2 Sam. 15:6, 18-21.
Kahit na banyaga ang mga Kereteo, Peleteo, at Giteo, kinilala nila si Jehova bilang ang tunay na Diyos at si David bilang ang pinili ni Jehova. Siguradong ipinagpapasalamat ni David na mayroon siyang tapat na mga mandirigma gaya ng mga lalaking ito!
a Sinasabi ng kautusan ng Diyos sa Deuteronomio 23:3-6 na hindi puwedeng makapasok sa kongregasyon ng Israel ang mga Ammonita at Moabita. Pero lumilitaw na tumutukoy ang batas na ito sa pagiging legal na miyembro ng bansang Israel at hindi nito ipinagbabawal ang pagtira o pakikisama ng mga banyaga sa bayan ng Diyos. Tingnan ang Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1, p. 114.