PAKIKIPAGTALASTASAN
Sa mga lupain sa Bibliya noong sinaunang panahon, ang impormasyon at mga ideya ay inihahatid mula sa isang tao tungo sa ibang tao sa iba’t ibang paraan. Ang malaking bahagi ng pangkaraniwang mga balitang lokal at mula sa ibayong-dagat ay itinatawid nang bibigan. (2Sa 3:17, 19; Job 37:20) Ang mga manlalakbay, na kadalasa’y nagbibiyahe kasama ng mga pulutong na naglalakbay, ang naglalahad ng mga balitang galing sa malalayong lugar kapag sila’y huminto upang kumain, uminom, at kumuha ng iba pang mga panustos sa mga lunsod o mga lugar sa kahabaan ng mga ruta ng mga pulutong na naglalakbay. Dahil natatangi ang lokasyon ng lupain ng Palestina may kaugnayan sa Asia, Aprika, at Europa, binabagtas ito ng mga pulutong na naglalakbay patungo sa at mula sa malalayong lugar. Kaya naman ang mga tumatahan dito ay madaling makasasagap ng impormasyon hinggil sa mahahalagang pangyayari sa mga lupaing banyaga. Maaaring makuha ang mga balitang pambansa at mula sa ibayong-dagat mula sa pamilihan ng lunsod.
Kung minsan, ang pakikipagtalastasan sa malalapit na distansiya ay naisasagawa sa pamamagitan ng mga hudyat na naririnig o nakikita o sa pamamagitan ng mga salita. (Jos 8:18, 19; 1Sa 20:20-22, 35-39) Pagkatapos lisanin ng Israel ang Ehipto, si Moises ay tinagubilinang gumawa ng dalawang trumpetang pilak na gagamitin sa pakikipagtalastasan. Ang mga tunog na lilikhain ng mga Aaronikong saserdote mula sa mga trumpetang ito ay nagsisilbing hudyat para sa pagtitipon ng kapulungan, pagtitipon ng mga pinuno, maayos na paglikas ng kampo, o panawagan sa pakikipagdigma laban sa kaaway. (Bil 10:1-10) Ang paghihip ni Gideon sa tambuli ay nagsilbing hudyat sa kaniyang mga tauhan para pasimulan nila ang matagumpay na pakikipagbaka laban sa Midian.—Huk 7:18-22; tingnan ang SUNGAY, TAMBULI; TRUMPETA.
Kalimitan, ang mga mensaheng salita o nasusulat na ipinadadala ng mga opisyal ay inihahatid ng mga mananakbo. (2Sa 18:19-32) Ang mga mananakbong may dalang mga liham mula kay Haring Hezekias ay humayo sa Israel at Juda anupat tinawagan ang bayan na pumaroon sa Jerusalem para sa isang pagdiriwang ng Paskuwa. (2Cr 30:6-12) Ang mga sugo naman na naglilingkod sa Persianong si Haring Ahasuero ay nakasakay sa mabibilis na kabayong panghatid-sulat at sa gayong paraan nila ipinamahagi ang maharlikang kontra-batas na bumigo sa pakana ni Haman na lipulin ang mga Judio sa Imperyo ng Persia. (Es 8:10-17) Ukol sa epektibong pangangasiwa, gumamit ng mga nasusulat na liham at mga dokumento ang karamihan sa mga pamahalaan noong sinaunang panahon. Depende sa panahon at lugar, ang mga ito’y kadalasang nasusulat sa mga materyales na gaya ng mga tapyas na luwad, papiro, at mga balat ng hayop. Maraming sinaunang pakikipagtalastasang pampamahalaan o mga dokumentong pangnegosyo ang natagpuan ng mga arkeologo. Ang mga batas ng hari ay ipinahahayag ng mga tagapagbalita. (Dan 3:4-6) Sabihin pa, gumagamit din noon ng mga mensahero ang ibang mga tao maliban sa mga tagapamahala.—Tingnan ang MENSAHERO; SUGO; TAGAPAGBALITA.
Sa paglipas ng panahon, ang pakikipagtalastasan sa loob ng isang bansa o sa pagitan ng malalayong distansiya ay naging depende sa mga daan o mga lansangang-bayan. May mahuhusay na lansangan sa sinaunang Israel at Juda, at ang mga ito’y pinanatiling maayos. Nang maglaon, nagtayo ang mga Romano ng maiinam na lansangan mula sa Roma patungo sa lahat ng bahagi ng Imperyo, anupat napadali ang opisyal na pakikipagtalastasan at ang paglalakbay ng mga sundalo. Noong narito sa lupa si Jesu-Kristo, napakaraming tao ang naglakbay sa mga lansangang iyon. Ang mga Kristiyano, lalo na si Pablo at ang kaniyang mga kapuwa misyonero, ay dumaraan sa mga ito kapag naglalakbay patungong Asia Minor at Europa upang magtatag ng mga kongregasyong Kristiyano at muling dalawin ang mga ito.
Ang mga barkong naglalayag sa Dagat Mediteraneo, na humihinto sa iba’t ibang daungan, ay naghahatid din ng opisyal na pakikipagtalastasan, lakip ang mga balitang pangkalahatan. Kung minsan, ang pamahalaang Romano ay gumagamit ng mga barko (kadalasa’y sa tag-araw) upang maghatid ng opisyal na mga mensahe, ngunit waring ang kalakhan ng gayong pakikipagtalastasan ay inihahatid sa pamamagitan ng mga ruta sa katihan. Mas maaasahan ang mga ito.
Isang opisyal na sistema ng koreo ang binuo ng mga Romano, ngunit ginamit lamang iyon para sa pakikipagtalastasang pampamahalaan. Ang mga tao sa pangkalahatan ay nagpapadala ng mga liham sa pamamagitan ng kanilang mga kakilala. Nang malutas ng lupong tagapamahala sa Jerusalem ang usapin ng pagtutuli at isang liham ang ipinadala upang ipatalastas ito, inihatid ito nang tuwiran at personal. (Gaw 15:22-31) Ganito rin ang ginawa sa kinasihang mga liham na gaya niyaong ipinadala ni Pablo sa mga Kristiyano sa Colosas, anupat iyon ay inihatid nina Tiquico at Onesimo.—Col 4:7-9; tingnan ang LIHAM.
Si Jehova ay isang Diyos na nakikipagtalastasan at talos niya ang pangangailangan ng kaniyang bayan para sa nasusulat na pakikipagtalastasan. Siya mismo ang may pananagutan sa pagkakasulat ng Sampung Utos sa mga tapyas na bato. (Exo 31:18) Sa pamamagitan ng pagkasi ng Diyos, maraming tapat na mga lalaking Hebreo (pasimula kay Moises noong 1513 B.C.E.) ang pinakilos na isulat ang mga pakikipagtalastasan ni Jehova.