PAKIKIPAGTIPAN
[sa Ingles, engagement].
Ang sumpaan ng dalawang tao na magpapakasal sila sa hinaharap. Sa mga Hebreo, ang pakikipagkasundo para sa pag-aasawa ay kadalasang ginagawa ng mga magulang ng lalaki at babae, partikular na ng mga ama. (Gen 24:1-4; 38:6; 21:21) Kadalasa’y isinasaalang-alang ang mga kagustuhan ng binata hinggil sa bagay na ito. (Huk 14:2) Sa kalagayan ng mga babae na nagmana ng ari-arian ng mga ninuno dahil namatay ang kanilang ama nang walang anak na lalaki, maaari silang maging asawa ng sinumang maibigan nila, basta’t ito’y katribo nila. (Bil 36:6) Sa kaso ni Isaac, si Jehova talaga ang pumili ng kasintahang babae para sa kaniya. (Gen 24:50, 51) Ang pagpili ng kasintahang babae at ang pag-aalok ng kasal, na kadalasang ginagawa ng mga magulang o ng ama ng kasintahang lalaki, ay sinusundan ng kasunduan para sa pagpapakasal. Ito ay isang pormal na kasunduan na ginagawa ng mga magulang para sa kasintahang babae at, kadalasan, ng isang kaibigan o legal na kinatawan para naman sa kasintahang lalaki.—Gen 24:1-4; Ju 3:29.
Ang isang prominenteng bahagi ng pakikipagtipan ay ang moʹhar o dote. Ang terminong moʹhar ay lumilitaw nang tatlong ulit sa Bibliya. (Gen 34:12; Exo 22:16, 17; 1Sa 18:25) Kadalasan nang sa mga magulang ibinabayad ang dote. Sa kaso ni Rebeka, ang lingkod ni Abraham ay nagbigay ng “mga piling bagay” sa ina at sa kapatid nito na si Laban na siyang nanguna sa paggawa ng mga kaayusan. (Gen 24:53) Ang moʹhar ay maaari ring isang uri ng paglilingkod. (Gen 29:15-30; Jos 15:16) Ipinakikita ng Exodo 22:16, 17 na ang moʹhar ay ibinabayad sa ama ng isang babaing dinaya upang masipingan, bilang bayad-pinsala sa nagawang pagkakasala, kahit tumanggi ang ama na ibigay ang babae sa pag-aasawa. May mga pagkakataon na ang kasintahang babae ay binibigyan ng kaniyang ama ng regalo bilang “pamamaalam na kaloob,” at kung minsan, gaya sa kaso ni Rebeka, ang kasintahang babae ay binibigyan ng mga kaloob sa panahong ginagawa ang kasunduan para sa pagpapakasal.—1Ha 9:16; Jos 15:17-19; Gen 24:53.
Para sa mga Hebreo, ang magkatipan ay talî na sa isa’t isa at parang kasal na, bagaman magsasama pa lamang sila kapag tapos na ang mga pormalidad ng kasal.—Gen 19:8, 14; Huk 14:15, 16, 20.
Sa mga Judio, kinikilalang may bisa ang pakikipagtipan anupat kung sakaling hindi matuloy ang kasal dahil nagbago ang isip ng kasintahang lalaki o dahil sa isang makatuwirang kadahilanan, ang dalaga ay hindi maaaring makasal sa iba malibang mapalaya muna siya sa pamamagitan ng kaukulang proseso ng batas, samakatuwid nga, sa pamamagitan ng isang kasulatan ng diborsiyo. (Mat 1:19) Kung ang babaing ipinakipagtipan ay makiapid sa ibang lalaki habang siya’y may pakikipagtipan sa kaniyang kasintahang lalaki, hahatulan siya bilang isang mangangalunya at parurusahan ng kamatayan. (Deu 22:23, 24) Kapag ang isang lalaki ay sumiping sa isang aliping babae na nakatalaga para sa ibang lalaki ngunit hindi pa natutubos, o napalalaya, kapuwa sila may-sala at parurusahan. Gayunman, hindi sila papatayin dahil ang babae ay hindi pa napalalaya.—Lev 19:20-22.
Ang lalaking malapit nang ikasal ay malaya sa tungkuling militar.—Deu 20:7.
May kinalaman sa edad ng pakikipagtipan, walang restriksiyon na binabanggit sa Bibliya. Sa mga lupain sa Gitnang Silangan sa ngayon, kadalasang pinag-aasawa ang kasintahang babae pagkalampas niya sa edad na 16 at kung minsan ay kahit mas bata pa rito. Ipinagbawal ng mga Talmudista ang pag-aasawa kapag ang isang lalaki ay wala pang 13 taon at isang araw at kapag ang babae ay wala pang 12 taon at isang araw.
Karaniwan nang hindi umaabot nang maraming taon ang agwat sa pagitan ng pakikipagtipan at pag-aasawa, bagaman kung minsan ay kinakailangan ang isang mahabang agwat upang mabayaran ng kasintahang lalaki ang itinakdang halaga o maibigay niya ang hinihiling na paglilingkod. Sa kaso ni Jacob, ang yugto ng pakikipagtipan ay pitong taon, anupat sa panahong iyon ay naglingkod siya para kay Raquel ngunit si Lea ang ibinigay sa kaniya. Pagkatapos ay naghintay pa siya ng isang linggo bago ibinigay sa kaniya si Raquel, bagaman naglingkod pa siya kay Laban nang pitong taon para kay Raquel.—Gen 29:20-28.
Dapat na ituring ng isang Kristiyano ang kaniyang binigkas na pangako bilang may bisa, at sa kaso ng pakikipagtipan ukol sa pag-aasawa, dapat niyang sundin ang simulaing sinabi ni Jesus: “Ang inyo lamang salitang Oo ay mangahulugang Oo, ang inyong Hindi, Hindi; sapagkat ang lumabis sa mga ito ay mula sa isa na balakyot” (Mat 5:37), at ni Santiago: “Kundi ang inyong Oo ay mangahulugang Oo, at ang inyong Hindi, Hindi, upang huwag kayong mahulog sa paghatol.”—San 5:12.
Ang Kasintahang Babae ni Kristo. Si Jesu-Kristo ay may katipang kasintahang babae, ang kongregasyong Kristiyano, na siyang katawan niya. (Efe 1:22, 23) Noong Pentecostes, 33 C.E., tinanggap ng unang mga miyembro ng “kasintahang babae” ang banal na espiritu kasama ang makahimalang kaloob nito na mga wika. Katulad ito ng mga kaloob na ibinibigay sa panahong ginagawa ang kasunduan para sa pagpapakasal, na sa espirituwal na kasintahang babae ni Kristo ay nagsisilbing “isang paunang tanda ng [kanilang] mana, sa layuning palayain sa pamamagitan ng pantubos ang sariling pag-aari ng Diyos, sa kaniyang maluwalhating kapurihan.” (Efe 1:13, 14) Tinukoy ng apostol na si Pablo yaong mga pinangaralan niya ng katotohanan tungkol kay Kristo at naging mga Kristiyano bilang mga ipinangako sa pag-aasawa, at pinayuhan niya sila na panatilihin ang kanilang kalinisan bilang isang malinis na dalaga para sa Kristo. (2Co 11:2, 3) Yaong mga ipinakipagtipan, o ipinangako, sa Kristo, habang narito pa sila sa lupa, ay itinuturing na ipinakipagtipan na at inaanyayahan sa hapunan ng kasal ng Kordero.—Apo 19:9.